Quantcast
Channel: HIMAGSIK KAYUMANGGI
Viewing all 91 articles
Browse latest View live

ULIKBA & at iba pang tula--E. SAN JUAN, limbag ng UST Publishing House (2013)

$
0
0


 BAGONG LIBRO NG MGA TULA NI E. SAN JUAN, Jr. 
UST Publishing House, 2013

ULIKBA at iba pang tula ay kalipunan ng mga bagong tula ni E. SAN JUAN, Jr., dating propesor sa English & Comparative Literature, Unibersidad ng Pilipinas; kasalukuyang emeritus propesor sa English, Comparative Literature & Ethnic Studies, Washington State University at University of Connecticut. Dating fellow ng W.E.B. Du Bois Institute, Harvard University, siya ngayon ay fellow ng Harry Ransom Center, University of Texas, Austin. Naging visiting professor of American Studies sa Leuven University, Belgium;  sa National Tsing Hua University, Hsinchu, Taiwan; Trento University, Italya; at sa University of the Philippines, Diliman, Quezon City.

Mula pa noong dekada 1960 nang katulong siya ni Alejandro Abadilla sa PANITIKAN, lumabas ang apat na libro niya ng mga tula; sinipi mula roon ang nakalakip sa Alay sa Paglikha ng Bukang-Liwayway (Ateneo University Press). Sumunod ang Sapagkat Iniibig Kita at iba pang tula (University of the Philippines Press), Sutrang Kayumanggi, Mahal Magpakailanman, Diwata Babaylan, at Bukas Luwalhating Kay Ganda  (konsultahin sa: amazon.com, lulu.com, createspace.com at sa Website ng Philippines Cultural Studies Center.

Sa perspektiba ng bagong milenyo, Ulikba at iba pang tula ay katibayan ng patuloy na pagsisikap ni E. SAN JUAN, Jr. sa proyektong nailunsad noong sumiklab muli ang kilusan tungo sa mapagpalayang demokratikong pambansa: ang mapangahas na pagsubok sa pagbabanyuhay ng panitikang Filipino at pagsulong ng mapagpalayang sining sa Pilipinas at sa buong daigdig sa pamamagitan ng wika ng sambayanang bumabangon at naghihimagsik.

Ilang bagong libro ng awtor:  Working Through the Contradictions (Bucknell),  In the Wake of Terror (Lexington), US Imperialism and Revolution in the Philippines (Palgrave), Balikbayang Sinta: E. San Juan Reader (Ateneo), From Globalization to National Liberation (U.P. Press), Toward Filipino Self-Determination (SUNY), Critique and Transformation (Mellen), Rizal In Our Time (Revised Edition; Anvil) and Critical Interventions (Lambert).----###

BAGONG LIBRO NG MGA TULA NI E. SAN JUAN, Jr.

$
0
0

NEWS RELEASE--

E. SAN JUAN JR. PUBLISHES 4th BOOK OF POEMS IN FILIPINO


           

U.S.-based Filipino scholar E. San Juan, Jr., emeritus professor of English, Comparative Literature and Ethnic Studies, has just published his fourth book of poems in Filipino, Bukas Luwalhating Kay Ganda, sponsored by the Philippines Cultural Studies Center. Released this February 2013, the book is available from amazon.com and also createspace.com.

His previous collections include Alay sa Paglikha ng Bukang-liwayway (Ateneo U Press),  Sapagkat Iniibig Kita (U.P. Press), Sutrang Kayumanggi and Mahal Magpakailanman (LuLu.com).

San Juan is currently a fellow of the Harry Ransom Center, University of Austin, Texas. Previously he was a fellow of the W.E.B. Institute, Harvard University, for which he  is completing a monograph on “African American Internationalism and Solidarity with the Philippine Revolution.”  A part of the research has been published in Socialism and Democracy, July 2010, and in the e-journal Cultural Logic.


Born in Sta. Cruz, Manila, Philippines, San Juan received his A.B. , magna cum laude, from the University of the Philippines, and his A.M. and Ph.D. from Harvard University. He was president of the U.P. Writers Club in 1957-58.  He also taught at U.P. from 1959-60, 1966-67, and 1987-88 (as Fulbright professor); in Ateneo University, and also at Centro Escolar University.  He was visiting professor at Brooklyn College; Wesleyan University; Leuven University, Belgium; Trento University, Italy; Tamkang University and National Tsing Hua University, Taiwan.

His recent books are Rizal in Our Time (revised edition; Anvil); Balikbayang Sinta: An E. San Juan Reader (Ateneo U Press); In the Wake of Terror (Lexington), Critique and Social Transformation (Mellen); From Globalization to National Liberation (U.P. Press), US Imperialism and Revolution in the Philippines(Palgrave), and Critical Interventions (Lambert).  UST Publishing House will soon launch his new collection, Ulikba at iba pang Tula. 

Currently San Juan is preparing an anthology of his critical essays in Filipino as a sequel to Himagsik(published in 2004 by De La Salle U Press) and a ground-breaking commentary on an important historical document, hitherto unpublished, Benjamin Appel’s “Manila Diary,” together with a critique of Appel’s novel on the Philippines, Fortress in the Rice.--##



Contact:  PHILIPPINES CULTURAL STUDIES CENTER   117 Davis Road, Storrs, CT 06268, USA

TUNGKOL SA PROBLEMATIK NG POTOGRAPIYA

$
0
0
KUHA, NAKUNAN, KUHILA: LARAWAN NG MGA BIKTIMA NG IMPERYALISMO

(Ilang Huling Kuro-kuro Hinggil sa Problematik ng Potograpiya)

--ni E. SAN JUAN, Jr.

            Ito ang pangwakas na obserbasyon ko hinggil sa gamit at bisa ng kamera. Tinalakay ng mga naunang artikulo ang luwag o kipot ng espasyong inilalaan ng bawat foto, ang posibleng subersibong artikulasyon nito lampas sa pormalistiko-estetikong pamantayan, ang dominasyon ng komodipikadong imahen at hulagway sa kapitalismong global na kinabibilangan natin, at kung ano ang dapat isakatuparan, hugot sa implikasyon ng aparatong ideolohikal na ito at mga institusyong nakaugat sa daloy ng kasaysayan. Sa madaling sabi, magkatambal ang usaping teoretikal (argumento sa diskurso) at praktikal (aktibong interpretasyon, kolektibong agenda).

Paghuli  sa  Modernidad

    "Pagkakita, dagling paniwala." Buhat nang maibento ni Fox Talbot ang kamera noong 1839, naipalagay na ang mga kapaligirang nakuha nito ay tuwirang tumutukoy sa realidad.  Hinuha na ang foto ay tahasang testimonyo ng katotohanan. Naging mabisang kasangkapan ang kamera sa propaganda nang matuklasan na ang teknolohiya para sa murang reproduksion ng negatibo. Bukod sa medya klase o petiburgesya, kapwa negosyo at gobyerno ang masugid na tumangkilik dito. Hindi na ito sining kundi publikong kagamitan at komoditi, bukas sa instrumentalisyon ninuman, laluna yaong may salapi/pag-aari. Pwede nang ipagbili ang nakunan at makukunan.

    Gayunpaman, nagkaroon ng demokratikong aplikasyon ito tulad sa praktika ng pagkuha ng kapaligiran nina Dorothea Lange, Paul Strand, Walker Evans, at iba pa. Sa isang panig, nabihag ang karanasan, naangkin ng kamalayan ang danas sa repleks ng modernong sensibilidad. Sa kabilang panig, naisudlong ang sarili/ego, mas tumpak: ilusyon ng kasarinlan o pamumukod, sa gahum (egemonya) ng ideolohiya't politikang burges na kumukubabaw sa lahat.

    Di nagtagal, ang lohika ng kaunlarang materyal ang umiral at nasunod. Ang pagkamakatotohanan ng foto, o pagkukunwari nito, ay naging kasangkapan ng komersiyo (advertisement) at gobyerno (propaganda at surveillance). Upang manipulahin ang kaisipan, atitudo o saloobin ng madla, pinili ng negosyante at burokrata ang imahe at kakintalang makapupukaw sa damdamin at makahihikayat sa isang tiyak na direksiyon. Naitampok ng mga larawan sa midya ang digmaan sa Crimea sa mga kuha ni Roger Fenton noong 1855, at ang Giyera Sibil sa Estados Unidos sa foto ni Matthew Brady. Naging tanyag si Robert Capa sa "war reportage," sumunod sina Margaret Bourke-White, Carl Mydans, Gordon Parks,  Larry Burrows, W. Eugene Smith, atbp.  Nailatag ang kumbensyon ng pagpapakita ng tanawin sa digmaan: dapat malapit ang kamera sa sabjek, itim at puting film ang hirang, may lalim ang focus, atbp. Samakatwid, hindi natural ang nasa foto, inayos at inareglo iyan ayon sa hangarin, layunin, lunggati, o kadahilanang iba sa paksa ng foto (National Geographic 2009).

    Ating idiin muli ang prinsipyo ng sintomatikong panunuri rito tutok sa paniniwala na makatotohanan ang mga riyalistikong potograpiya ng digmaan o mismong foto ng ordinaryong sitwasyon. Walang niyutral na likha sa lipunan. Ang kamera ay isang teknolohiyang inuugitan o pinangangasiwaan ng grupong gumagamit dito. Ang produksiyon ng foto at pagpapakahulugan dito ay ginagabayan ng mga kodigong base sa ideolohiya ng mga makapangyarihan sa lipunan--ang tendensiyang salungat ay nakapaloob doon. Diyalektikal ang pagbubuklod at paghihimay ng mga salik sa foto.  Isang teatro o tanghalan ang anumang artipak sa pagbuo ng pansamantalang gahum ng naghaharing uri.

    Ang foto ay lunan kung saan maraming kodigo ang nakasangkot, inaayos ang lugar kung saan ang tumitingin ay nagiging sabjek ng ideolohiyang naghahari at pinasusunod sa normal na kalagayan, na isang pakana, lalang, daya, linlang. Sa lipunang hati sa magkakatunggaling uri, ang humuhulma't humuhubog sa artifak ng foto ay ang dominanteng ideolohiya ng naghahari uri, ang gahum ng nagmamay-ari, bagamat maaring gamitin (depende sa partikular na sirkunstansya) ang foto sa pagbubunyag sa katotohanang nakakubli sa kunwaring normal o tanggap na kalagayan (Nichols 1981). Sinikap usisain ang iskema ng ganitong pagtingin sa foto sa akdang ito.

Multo  ni Goya, Damay ng Guernica

    Narito ang isang ispesimen ng maraming foto ng mga nasawing Filipino sa labanan sa Luzon noong Digmaang Filipino-Amerikano (1899-1913):



    Kumpara sa 1896 himagsikan, mas malawak ang pagbabalita dito sa  internasyonal mass midya sanhi sa pagsibol ng "yellow journalism."  Narito ang impresyon ng mga bangkay ng mga sundalong napatay sa hinukay na kuta o "trenches" na ginamit sa klasikong komprontasyon ng mga tropa, bago pa ipinasya ng rebolusyonaryong liderato na palitan iyon ng gerilyang taktika. Walang Amerikanong nakapaloob sa kuwadro, nakasentro sa nakapilang bangkay na tila simula ng mahabang burol, ayon sa normalisadong perspektibang hango pa sa humanistikong Renaissance.

    Ang dinamikong Interpretant ni Peirce ay tiniyak na sa ipinasiyang balangkas ng anino't dilim sa foto. Kaya lumalabas na pangkaraniwan ang realidad sa litrato at kontrolado ng tumitingin, subalit alam natin na ang regulasyon ng kwadro at pagposisyon ng punto-de-vista ay sinadya ng kumbensyon ng potograpiya (Burgin 1982). Walang dapat ikabahala, ganyak ng foto, ordinaryo lang ito sa giyera.  nasilo tayo sa itinalagang disenyo ng trintsera, ang hukay na kinaburulan ng mga biktima ng kung anong kalamidad, himatong dito.

    Kaiba sa foto ng Jolo masaker, hindi ito nakaantig ng reklamo dahil walang kasamang babae o batang patay, bukod sa tila pangkaraniwang tagpo na ito, manhid o sawa na ang awdiyens sa ganitong ispektakulo. Ito nga ang tadhana ng potograpiya sa kamay ng negosyante at burokrasya. Ang realidad ay sumabog, hiwa-hiwalay ang bahagi nito, bawat sandaling nakintal ay walang kinalaman sa iba, naging mahiwaga o misteryosong bakas ng tao o pangyayari. Ngunit ano ang kahulugan nito, ano ang katuturan nito? Bakit tayo mag-aabala rito? Ano ang kinalaman nito sa ating araw-araw na pangangailangan, o sa sumasaklaw na krisis ng pangkabuhayan?

    Sumunod ang malawak at maraming kuha ng mga eksena sa Una at Pangalawang Digmaang Pandaigdig, laluna ng paysahe ng katayan sa Biyetnam. Sa kalaunan, ang kilabot ng malupit na kapinsalaan sa kapwa sundalo at sibilyan ang nakayanig sa konsiyensiya at umantig sa maraming taong tumutol sa karahasan ng imperyalistang pagbobomba't pagpatay sa mga sibilyan. Hindi nakapanatag ang epekto ng kamera, tila ang sindak ng dugong umaapaw ay nakasupil sa disiplina ng tradisyonal na kumbensyon. Tulad ng nangyari sa mga foto sa Abu Ghraib sa Iraq, ang foto ng MyLai masaker ay ginamit sa pagsasakdal kina presidente Nixon at mga heneral bilang "War Criminals" nina Bertrand Russell, Jean-Paul Sartre, atbp sa People's Tribunal. Kakatwa, di nagamit ang Mendiola Masaker upang isakdal ang mga kriminal na alipuris ni Cory Aquino noong panahon ng "Total War" niya laban sa pwersang makamasa.

  Huramentadong Misyonaryo?

    Katulad ng nangyari sa Biyetnam, ang Digmaang Filipino-Amerika ay mabagsik din--unang pagsasanay ng U.S. genocide na inihasik sa Biyetnam. Kalkula ng mga istoryador na 1.4 milyong Filipino ang nasawi. Sa parte ng mga Moro, humigit-kumulang sa 100,000 ang namatay.  Mahigit isandaang himagsik na ang nailunsad ng Bangsamoro buhat ng sakupin ng Estados Unidos ang kanilang teritoryo. Di na kailangang ulitin dito na hindi sila nasugpo ng imperyong Espana o ng Amerika. Maraming rebelyon at sari-saring pag-aalsa ang naganap mula pa noong 1903 hanggang ngayon (Abreu 2008).

    Labas sa normatibong istandard pangmoral ng Kanluran ang mga katutubo. Katibayan na tiwalag ang sambayanang Muslim sa Espanya ay ang nangyaring pagbibilad sa ilang "ispesimen" ng barbarong infieles sa Parque del Retiro, Madrid, noong 1887.  Sumunod ang pag-eksibit sa ilang piling halimbawa sa Louisiana Purchase Exposition sa Estados Unidos noong 1904.

    Ngunit sa harap ng nagbabantay na madlang mulat sa Europa at Asya, kailangan pa ang paliwanag. Nagtangka si David Barrows, Amerikanong puno ng Bureau of Non-Christian Tribes, na siyasatin ang "Moro Problem,"  Sinisi niya si Heneral Wood sa hindi paggalang sa tradisyonal na awtoridad ng mga sultan at datu. Kaya maraming Morong namatay. Sayang. Tulad ng ibang imperyalista, ipinalagay niyang pantay ang dalawang magkalaban, magkatimbang daw--isang balighong premise: "There was little understanding on both sides...While the losses from these wars were severe among the Moros and resulted in the death of their most turbulent leaders and fighting men, the resisting spirit of the race was unbroken" (Tan 2002, 176). Baka ito rin ang nasa isip ni presidente Aquino nang madinig ang balitang maraming Morong ang napuksa ng tropa ng Malaysia.

    Lumipat tayo sa kasalukuyang gulo. Bagamat di na maikakaila ang katuwiran ng pakikibaka para sa kasarinlan ng Bangsamoro--patunay ang kasunduan ng Moro National Liberation Front at gobyerno noong 1996, bukod sa kasalukuyang usapan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at gobyerno--kargada pa rin ng mayoryang Kristyano ang prehuwisyo laban sa mga kabayayang Muslim. Patotoo iyon nang tumutol ang marami sa "Memorandum of Agreement" ng MILF at dating president Arroyo noong 2008. Sa gitna ng walang pagpapahalaga ng madla sa di masusukat na kontribusyon ng Bangsamoro sa kabihasnang Filipino (ayaw nga ng ilang Muslim ang kategoryang "Filipino"), pumutok ang alitan sa Sabah.

Ebidensiyang Naghahanap ng Krimen

    Kamakailan, lumantad na naman ang instrumentalisadong bisa ng kamera sa midya nitong Marso 2013. Pagkatapos ng ilang sagupaan ng mga kawal  ni Sultan Jamalul Kiram III at sundalong Malaysian sa Lahad Datu, Sabah, malimit ipakita ng Defense Ministeer Zaid Hamidi ng Malaysia ang litrato ng mga napatay na Moro (Reuters, 6 Marso 2013). May isang kuha ng 13 bangkay na patunay, ayon kay Ismail Omar, hepe ng pulis, na hindi makaliligtas ang mga alagad ni Sultan Kiram. Pananakot ang gamit sa foto. Lumilitaw ang  patotoo sa proposisyong naihain: ang Interpretant na tagapamagitan sa balita at kamalayan ng publiko ay hindi salamin o representasyon ng nangyayari.  Iyon ay pagsasalin at pagsasakonteksto ng imahen sa diskursong pampulitika at institusyong kaakibat nito. Samakatwid, ang foto at caption ay niyari, ginawa, ng gumagamit doon, bagamat may obhetibong referens iyon. Hindi lahat ay relatibo sa paningin ninuman.

    Ang teritoryo ng Sabah ay pag-aari ng mga Sultan ng Sulu at Tawi-tawi na ipinaalkila sa isang kompanya ng Inglatera noong 1870. Wala nang pagtatalo rito. Nang humiwalay ang Malaysia sa Inglatera noong 1963, inangkin ng Malaysia ang pag-aari ng Sultan, samantalang patuloy ang pagbabayad di umano ng token na buwis. Samakatwid, ipinakita lamang ng Sultan na may karapatan silang dumalaw doon sa kanilang lupain--lamang, ipinagpaliban ang diplomatikang protokol.  Sa gitna ng napipintong kasunduan ng MILF at gobyerno, na di kasali ang Sultan, minarapat ng Sultan na ipagunita sa administrasyon ni Aquino na sila ay may papel na dapat gampanan sa paglutas ng problema ng lahat ng Moro sa katimugan. Binalewala ito ng maraming komentaristang nakasubsob sa status quo.

          Alam ng lahat na walang malasakit ang gobyerno. Kahit lampas na sa 61 Filipinong mamayan ang napuksa, patuloy ang paggiit ni Aquino na sumuko na ang mga kawal ng Sultan. Ipaliban na ang isyu ng Sabah. Walang kuwenta ang mga litrato o balita sa TV at Internet ng mga Filipinong nasawi. Sa tingin ng administrasyon, sila ang may kasalanan. Walang pananagutan ang gobyerno.
Hanggang ngayon, batay sa huling komunikasyon, walang Filipinong reporter ang nakakuha ng foto ng sagupaan o paghuli't pagkulong sa mga sibilyang Filipinong naninirahan sa Sabah.

Saan Isisingit ang Kaluluwa?

    Marahil ganoon din ang trato sa mga biktima ng pananakop ng Estados Unidos sa mga tahanan ng Moro noong unang dekada ng nakaraang siglo. Maraming okasyon at pamamaraan ang ginawang pagtatanggol ng Bangsamoro laban sa Yangki interbensiyon (San Juan 2007).

     Dalawang engkuwentro ang nagkaroon ng katakut-takot na biktimang Moro, sampu ng maraming babae at kabataan. Isa, noong Marso 5-6, 1906 sa Bud Dajo, hilagang Jolo, Sulu, mahigit 600 Moro ang pinaslang ng tropa ni Heneral Leonard Wood (Tan 2002, 176). Bakit nagkaganoon? Dahilan niya sa Washington:  "A considerable  number of women and children were killed in the fight" [because Moro women] wore trousers and were dressed and armed much like the men and charged with them [while children] had been used by the men as shields" (sinipi sa Kramer 2006, 220).  Sa kagitingan ng mga mamatay-tao, pinarangalan sila ni Presidente Theodore Roosevelt sa kanilang pagtaas sa "honor of the American flag." Sa ganitong interpretant, kinailangan ng 600-1000 bangkay ng Moro upang itindig ang dangal ng bandilang Amerikano.  

    Nakasalig ang lohika ng imperyalismo sa dahas, hindi sa batas o katuwiran, sa ultimong analisis. Pero ang dahas ay hindi gahum o awtoridad moral/etikal ng mananakop. Upang mapakinabangan ang lakas-paggawa ng mga sinakop--saan manggagaling ang tubo?-- kailangang makontrol ang diwa't damdamin ng mga nasukol sa paraan ng edukasyon, paghubog sa diwa't damdamin.  Hindi lubusang binalak ng imperyalismo ang lubusang kumbersyon ng Muslim sa Kristyanidad kung sang-ayon naman sa pag-iral ng "malayang pamilihan" at pagbebenta-pamimili ng lakas-paggawa. Pinakaimportante ang tubo/profit at pananaig ng sibilisasyong Euro-Amerikano.

    Gayunpaman, pinawalang-halaga ng Amerika ang Bates Treaty na nilagdaan nila at ng Sultan noong Agosto 20, 1899, na tumanggap lamang sa nakaungos na lakas militar ng dayuhan habang idiniin ang soberanya ng Sultan sa pamumuhay sa kapuluan ng Sulu at Tawi-tawi. Sa patatanggol ng kanilang karapatan sa Bud Bagsak, Sulu, noong Hunyo 11, 1913, 8,000 hanggang 10,000 Moro, pati mga babae't bata, ang nasawi sa modernisadong logistics ni Heneral John Pershing (Tan 2002, 177). Walang awa ang mga kanyon at riple ng demokratikong misyunero.

       Ang pagtrato sa mga Moro, ayon kay Thomas McKenna, ay magkahalong "paternalism" at "brutal pacification operations"  (1998, 88). Paternalismo, dahil hindi Kristyano at walang kabihasnan; ngunit dahil din sa kanilang mabangis at makahayop na karakter, kailangan ang pagpataw ng walang pakundangang dahas. Amok at huramentado ang istereotipikal na imahen ng Moro.  Sa balita ng walang habas na pagkitil sa mga inosenteng kabataan, na pinamunuan ng doktor na si Leonard Wood--ang propesyon niya bilang sundalo ay pumatay, naglahad ng mahayap na batikos ang bantog na awtor, si Mark Twain.  Dahil 15 Amerikanong lamang ang nasawi at 600 kaaway (bata, babae, lalaking Moro) ang napuksa, sarkastikong puri niya: "This is incomparably the greatest victory that was ever achieved by the Christian soldiers of the United States" (1992, 172). Dapat basahin ng lahat ang komentaryo ni Twain na isinulat noong Marso 12 at 14, 1906, tatlong araw pagkaraan ng masaker.

         Sa isang pahayagan, ang Johnstown Weekly Democrat (Enero 25, 1907), lumabas ang isang foto ng resulta ng labanan. Hindi binanggit ang kumuha, ngunit naisama ang print sa libro ni Oswald Garrison Villard, Fighting Years: Memoirs of a Liberal Editor, na limbag ng Harcourt Brace, New York, noong 1939. Panahon iyon ng pakikibaka ng mga unyon laban sa dekadenteng kapitalismo at sa pasismo, na laganap sa Alemanya, Italya at Espanya. Panahon din ng pagsibol ng pakikibaka ng mga Aprikano-Amerikano at trabahador sa pabrika't agrikulturang negosyo.  

    Nang sumabog ang digmaan noong 1899 sa Pilipinas, maraming tumutol sa agresyon ng Amerika. Umaalingawngaw ang sumbat ni Moorfield Storey, presidente ng Anti-Imperialist League, nakapaloob sa kanyang akda, The Moro Massacre, Boston, 1906: "The spirit which slaughters brown men in Jolo is the spirit which lynches black men in the south" (sinipi sa Twain 1992, 168). Pambihira ang mga kuha ng barbarismo noon sa Mindanao at Sulu. Marahil hindi nakalagpas sa sensura ng militar. Narito ang natatanging foto ng masaker, inilathala sampung buwang matapos ang pangyayari :

            [Tingnan sa itaas]

    Paano nayari ang Interpretant? Walang klasikong perspektiba rito; ngunit ang anggulo ng kamera at hilera ng mga sundalo ang nagbigay ng kaunting lalim sa eksena. Pantay ang mata natin sa mga katawan ng sundalo, hindi sa mga bangkay. Mapapansin na may dalawang sundalong nakapamaywang, kampante sa pananagumpay ; ang ilan ay tila nakaluhod, ang iba'y matamang nagmamasid o nanonood sa ispektakulo ng mga labi, na nakabunton sa kanilang harap o tabi.  Walang sinumang may luha sa mata, o may anyong nakikiramay--isang tableau kumakatawan sa gawing pagmamatyag, repleksiyon ng kanlurang istandard ng tanggap na pakikipagkapwang pagkilos.

    Walang pasubali, inayos ang foto upang magmukhang natural. "Business as usual." May kalabuan ang litrato. Tila kung anong dumi o yagit o sukal ang nasa harap nila: mga patong-patong na bangkay, nakatihaya o nakahandusay-- hindi matiyak kung babae o lalaki o bata ang ilang bangkay, tabi-tabi. May dalawa yatang nakanganga--ano kayang hibik o taghoy o sigaw ang huling nakatakas doon?

    Bagamat katibayan ito ng matagumpay na lakas ng Amerika, nakapukaw ito sa madla upang ireklamo ang walang awang pagpatay sa mga taong ipinangako ni William McKinley na gagawing Kristyano sa paraang "Benevolent Assimilation." Ang kodigo ng kumbensyonal na war reportage ay hindi nakapigil sa silakbo ng galit o balisa sa mga nakasulyap sa litrato. Kaipala,  ang Kanlurang budhi ay naitindig muli upang magpatuloy sa tutelage ng mga katutubong nakatira sa gubat at bundok. Mabisang lehitimasyon ng kolonisasyon ng kapuluan, bukod sa bilihan ng Espanya at Estados Unidos sa Treaty of Paris 1898, etsa-pwera ang mahigit sampung milyong Filipino.

                Salamangka ng Penomena

    Paano tayo makatutugon sa pagbabantay at paniniktik ng mapagsamantala?  Mungkahi ni John Berger (2001) na buhayin muli natin ang gunita, ang kolektibong memorya. Hindi natin mauunawaan ang mga fotong nasulyapan kung hindi ilalakip sa konteks ang mga iyon, sa gitna ng isang naratibo o kasaysayang kasangkot tayo. Ang foto sa kapitalismong sosyedad ay naging ispektakulong binibili, winarak sa kabuuang daloy ng karanasan, kaya walang kahapon o hinaharap--walang kahulugan o halagang makikilala at mapagbabatayan ng isang hatol, taya, kilates, pagpapasiyang etikal at moral batay sa mapagpalayang dunong at pakikiramay.

    Ang lohika ng huling Interpretant, sa semiotika ni Peirce, ay ugali o asal na makatwiran at siyentipiko.   Huwag nating kalimutan na walang hilaw na datos o penomena na basehan ng kaalaman, kontra sa turo ng empirisismong positibismo.  Bawat persepsiyon ay hatol, bunga ng proseso ng diskriminasyon sa kamalayan.  Taglay ng bawat persepsiyon ang husgang dalumat, kuyom ang etikal/moral na pulso ng buong pagkatao, na nakasalang naman sa kinagisnang sosyedad. Ang indibidwalidad (aral mula sa "Theses on Feuerbach") ay katumbas ng totalidad ng relasyong panlipunan. Gayundin ang persepsiyon.

    Tumbalik ang akala sa burgesyang pananaw, kaya pira-piraso o "fragmented" ang danas. Bawat foto ay nag-iisang pulo o isla, walang kaugnayan sa isa't isa. Malalim at malubhang alyenasyon ang resulta, na pangkalahatang katangian/salot ng lahat ng bayan/bansa ngayon (liban na sa aborihinal na tribung di pa nadadalaw ni Col. Sanders o ni Ronald McDonald).  Upang mailigtas ang katotohanan ng foto, dapat buksan ang mga landas na magsusudlong dito sa lipunan, politika, ekonomya, kultura, at iba't ibang praktika sa buhay. Kailangang dulutan ng kasaysayan ang imahen o kakintalan sa potograpiya, ng panahong nakalipas at panahong darating upang makalikha ng panibago't naiibang kinabukasan. Dapat isingit ang retrato/foto sa naratibo ng pagsulong ng makauring lipunan upang matamo ang kolektibong adhikain: isang mapagpalaya't matulunging pamumuhay sang-ayon sa batas ng kalikasan.

    Narito ang isang eksperiment na dapat nating subukin.  Naimungkahi ni Rosalind Krauss (1993), batay sa repleksiyon ni Walter Benjamin, na ungkatin natin ang "optical unconscious" sa ilalim o likod ng foto. Susog ni Krauss na pwedeng makaigpaw sa kumbensyong biswal sapagkat (kung tutuusin) hindi makapangyarihan ang kamera o bisyon dahil hindi ito katugma ng buong pagkatao, ng katuwiran at kolektibong relasyon na bukal ng identidad ng bawat tao.  Hanapin natin, sa gayon, ang "optical unconscious" sa artikulasyon ng icon, indeks at simbolo sa tekstura at istruktura ng larawang nakatambad:



    Sa tulak ng mapangahas na hamong ito, paano natin kaya masasagip ang halaga o kabuluhan ng litratong ito sa pamamagitan ng "optical unconscious"?  Nasaan ang posisyon ng nanunood at mambabasa? Sino ang biktima, si Carlito Dimahilig, ang salarin sa itinanghal na palabas rito (tahasang madayang laro o panlilinlang ito) o ang madlang nabighani't nagayuma sa ritwal ng ispektakulo? Subaybayan ang pelikula ng insidente, isang di-kusang "performance art," sa YOUTUBE na humantong sa foto ng "eskrimador" na nagtangkang kumitil sa Pangunang Ginang? Dama ng lahat na di lang kailangan ang rason sa batas militar, kailangan din ang simpatiya para sa "Iron Butterfly" at sa pamlyang Marcos.

    Galing ang foto sa isang kliping mula sa isang pahayagan (di pa matiyak) na petsang Disyembre 7, 1972.  Close-up, matingkad ang duguang mukhang pinagbabaril, nakatampok ang binulatlat na damit ng napatay na wala pang identipikasyon sa balita, liban na sa detalyeng 27 taong gulang, 5 talampakan, 2 pulgada. Mayroon bang lugar sa loob ng foto ang nagmamasid? Walang dignidad dito, mga sapatos ng seguridad ang nakapaligid sa bangkay.  Kailan nangyari ito? Tumpak ang sabi ni Susan Sontag, malaganap ang nagawang "corruption of sight" (sinipi ni Richard  2010, 34) sa paggamit ng kamera, kung hindi natin iwawasto at pangangalagaan ang bisa nito bilang sandata sa tunggalian ng mga uri't sektor ng lipunan.

    Naganap ang tangkang pagpatay/panlilinlang noong Disyembre 1972, unang taon ng madugong epoka ng batas-militar ng diktaduryang Marcos, suportado ng gobyernong Amerikano. Nasaksihan sa kalaunan ang di-matingakalang masaker, tortyur, panggahasa sa di mabilang na babaeng dinakip, at walang habas na pagyurak ng karapatang pantao ng libulibong mamamayan. Karumal-dumal na yugto sa ating kasaysayan, na nagpapatuloy pa hanggang ngayon. Sa kolektibong amnesya, at sa paghahari ng dinastiyang Marcos hanggang ngayon, malaki ang responsibilidad ng mga nag-iisip na mamamayan na buhayin si Carlito Dimahilig, kasabay ng mga minasaker sa Mendiola, Luisita Hacienda, maraming kampo militar, atpb., at isingit ang kakintalang ito sa makatas at maigting na naratibo ng pakikibaka ng buong sambayanan laban sa uring nambubusabos at mapanupil.  

Saliksikin at Bistayin

    Di maikakailang pang-ideolohikang larangan ang potograpiya kung saan nagtatagisan ang mga kontradiksyong nakasalang sa krisis ng neokolonyang orden. Sa posmodernistang pagtanaw, walang patid ang gawaing dikonstraksiyon ng diskurso hanggang kasukdulang magting fetish ang proseso ng demistipikasyon. Para ke? Pedagohiya ba ito ng akademikong eksperto para sa sariling kapakanan o ng alyenadong institusyon?

    Paano na ang inaasam nating pagkakawing ng teorya at praktika? Bagamat anti-tradisyonal ang ambag nina Patrick Flores at Cecelia Sta. Maria De La Paz sa kanilang makabagong Sining at Lipunan, madali't laging nahahalaw at nakakasangkapan ng mapanilang poder ang tekstuwalistikong interpretasyong walang tiyak na paroroonan. Mimicry ba ito ng anarkistang kaayusan? Nasambit nga ng ilang kasapi sa OCCUPY Movement dito sa New York: "Ano ang naisakatuparan nina Derrida, Foucault, Lyotard, Deleuze, Adorno, Zizek, Negri at iba pang pantas-awtoridad upang pigilin ang malupit na panlulupig na ginawa't ginagawa ng Europa/NATO, Estados Unidos, Hapon, at korporasyong global sa iba't ibang lupalop ng daigdig?"  

    Gayundin ang maitatanong tungkol kina Berger, Sontag, at iba pang progresibong intelektwal. Pagkatapos idekonstrak paulit-ulit sina Amorsolo at ibang kanonikal na artipak/sining, ano ang napala ng kilusang nagdedemanda ng hustisya para kina Burgos, Cadapan, Empeno, at marami pang biktima ng teroristang palisi ng gobyerno kasabwat ng dayuhang pwersa, mula pa kina Marcos at Cory Aquino hanggang ngayon?  Nakatulong ba itong poskolonyal dikonstrasyon sa mga pinahirapa't ibinilanggong OFW sa Saudi at iba pang bansa kung saan mahigit 10 milyong Pinay/Pinoy ay tumungo upang takasan ang gutom at padaralita sa "lupang tinubuan"?

    Oo nga't kalabisan nang asahan sa mga akademiko't tradisyonal na iskolar ang gawang magdulot di lamang ng radikal na interpretasyon kundi kongkretong hakbang sa kilusang mapagpalaya. Baka mapahamak lamang tayo kung lumulutang sa alapaap ang ihahandog. May paghahati sa gawain, wika nga, at iba't ibang kakayahan at kapasidad ang di tuwirang kasangkot sa barikada. Mas masahol pang problema ang dapat atupagin. Hindi pa rin mabuting naisasaloob ng mayorya ang tiyak na banghay at sustansiya ng lipunang nais nating ipalit sa bulok na sistema. Bukod sa tutol pa sa sosyalismo o demokrasyang pambansa, karamihan ay tagasunod pa rin sa panuto't programa ng indibidwalismo't mapagsariling kompitensiya sa ilalim ng oligarko't patriyarkong pamahalaan/disiplina.

    Gayunpaman, bawat oposisyonal na hakbang pangreporma, gaano man kabaliwag (pwedeng magdebate rito), ay may kontribusyon sa pangkahalahatang pagsulong. (Mabuting may gulo/gusot, kundi'y tulog lahat.) Bawat isa'y may maitutulong sa pagpupunyagi ng Nagkakaisang Hanay na maiugnay ang teorya at praktika ng kritika sa daloy ng kolektibong pagsisikap. Kung gayon, magkatuwang na palayain ang realidad na nakukulong sa litrato! Pakawalan ang imaheng nabihag ng tusong kamera! Tulad ng dalawang fotong nauna, matutuklasan na nasa sa ating matalas na pagsipat, masinop na pagsusuri at maingat na pagkilates ng saysay at kabuluhan nito, batay sa ating magkakabuklod na gunita, pangarap at pag-asa, ang makatuturang destinasyon ng artipak na ito sampu ng lahat ng mahuhugot sa teknolohiya ng potograpiya. Halina't dulutan natin ng karampatang sikhay at dunong ang pag-aaral na ito upang matubos ang napapagmasdang masalimuot at masaganang kapaligiran ng ating mundo--sagisag ng maluwalhating kinabukasang ating ipinaglalaban--na naitala ng kahima-himalang galaw ng kamera.

MGA SANGGUNIAN

Abreu, Lualhati.  "Colonialism and Resistance: A Historical Perspective."  Nasa     sa The Moro Reader, ed. Bobby Tuazon.  Quezon City: CENPEG, 2008.
Berger, John.  Selected Essays, ed. Geoff Dyer.  New York Vintage Books, 2001.
Burgin, Victor, ed.  Thinking Photography.  New York: Macmillan, 1982.
Flores, Patrick D. & Cecilia Sta. Maria de la Paz.  Sining at Lipunan.  Quezon     City: Sentro ng Wikang Filipino, U.P., 1997.
Gernsheim, Helmut and Alison Gernsheim.  A Concise History of Photography.       New York: Grosset & Dunlap, 1965.
Kramer, Paul A.  The Blood of Government.  Durham, NC: U of North Carolina     P, 2006.
Krauss, Rosalind E.  The Optical Unconscious.  Cambridge, MA: MIT P, 1993.
McKenna, Thomas M. Muslim Rulers and Rebels.   Berkeley: U of California P,     1998.
National Geographic.  Ultimate Field Guide to Photography.  Washington DC:     National Geographic, 2009.
Nichols, Bill.  Ideology and the Image.  Bloomington, IN: Indiana U Press, 1982.
Richard, Frances.  "The Thin Artifact." [Review of The Cruel Radiance by Susie     Linfield]  The Nation (13 December 2010): 31-39.
San Juan, E.  U.S. Imperialism and Revolution in the Philippines.  New York:     Palgrave, 2007.
Tan, Samuel K.  The Filipino-American War, 1899-1913.  Quezon City: U of the     Philippines P, 2002.
Twain, Mark.  Mark Twain's Weapons of Satire, ed. Jim Zwick. Syracuse: Syracuse     UP, 1992.


MORO MASAKER, BANGKAY NG MGA REBOLUSYONARYONG FILIPINO, & ESKRIMADOR

$
0
0
KUHA, NAKUNAN, KUHILA: LARAWAN NG MGA BIKTIMA NG IMPERYALISMO

(Ilang Huling Kuro-kuro Hinggil sa Problematik ng Potograpiya)

--ni E. SAN JUAN, Jr.


            Ito ang pangwakas na obserbasyon ko hinggil sa gamit at bisa ng kamera. Tinalakay ng mga naunang artikulo ang luwag o kipot ng espasyong inilalaan ng bawat foto, ang posibleng subersibong artikulasyon nito lampas sa pormalistiko-estetikong pamantayan, ang dominasyon ng komodipikadong imahen at hulagway sa kapitalismong global na kinabibilangan natin, at kung ano ang dapat isakatuparan, hugot sa implikasyon ng aparatong ideolohikal na ito at mga institusyong nakaugat sa daloy ng kasaysayan. Sa madaling sabi, magkatambal ang usaping teoretikal (argumento sa diskurso) at praktikal (aktibong interpretasyon, kolektibong agenda).

Paghuli  sa  Modernidad

    "Pagkakita, dagling paniwala." Buhat nang maibento ni Fox Talbot ang kamera noong 1839, naipalagay na ang mga kapaligirang nakuha nito ay tuwirang tumutukoy sa realidad.  Hinuha na ang foto ay tahasang testimonyo ng katotohanan. Naging mabisang kasangkapan ang kamera sa propaganda nang matuklasan na ang teknolohiya para sa murang reproduksion ng negatibo. Bukod sa medya klase o petiburgesya, kapwa negosyo at gobyerno ang masugid na tumangkilik dito. Hindi na ito sining kundi publikong kagamitan at komoditi, bukas sa instrumentalisyon ninuman, laluna yaong may salapi/pag-aari. Pwede nang ipagbili ang nakunan at makukunan.

    Gayunpaman, nagkaroon ng demokratikong aplikasyon ito tulad sa praktika ng pagkuha ng kapaligiran nina Dorothea Lange, Paul Strand, Walker Evans, at iba pa. Sa isang panig, nabihag ang karanasan, naangkin ng kamalayan ang danas sa repleks ng modernong sensibilidad. Sa kabilang panig, naisudlong ang sarili/ego, mas tumpak: ilusyon ng kasarinlan o pamumukod, sa gahum (egemonya) ng ideolohiya't politikang burges na kumukubabaw sa lahat.

    Di nagtagal, ang lohika ng kaunlarang materyal ang umiral at nasunod. Ang pagkamakatotohanan ng foto, o pagkukunwari nito, ay naging kasangkapan ng komersiyo (advertisement) at gobyerno (propaganda at surveillance). Upang manipulahin ang kaisipan, atitudo o saloobin ng madla, pinili ng negosyante at burokrata ang imahe at kakintalang makapupukaw sa damdamin at makahihikayat sa isang tiyak na direksiyon. Naitampok ng mga larawan sa midya ang digmaan sa Crimea sa mga kuha ni Roger Fenton noong 1855, at ang Giyera Sibil sa Estados Unidos sa foto ni Matthew Brady. Naging tanyag si Robert Capa sa "war reportage," sumunod sina Margaret Bourke-White, Carl Mydans, Gordon Parks,  Larry Burrows, W. Eugene Smith, atbp.  Nailatag ang kumbensyon ng pagpapakita ng tanawin sa digmaan: dapat malapit ang kamera sa sabjek, itim at puting film ang hirang, may lalim ang focus, atbp. Samakatwid, hindi natural ang nasa foto, inayos at inareglo iyan ayon sa hangarin, layunin, lunggati, o kadahilanang iba sa paksa ng foto (National Geographic 2009).

    Ating idiin muli ang prinsipyo ng sintomatikong panunuri rito tutok sa paniniwala na makatotohanan ang mga riyalistikong potograpiya ng digmaan o mismong foto ng ordinaryong sitwasyon. Walang niyutral na likha sa lipunan. Ang kamera ay isang teknolohiyang inuugitan o pinangangasiwaan ng grupong gumagamit dito. Ang produksiyon ng foto at pagpapakahulugan dito ay ginagabayan ng mga kodigong base sa ideolohiya ng mga makapangyarihan sa lipunan--ang tendensiyang salungat ay nakapaloob doon. Diyalektikal ang pagbubuklod at paghihimay ng mga salik sa foto.  Isang teatro o tanghalan ang anumang artipak sa pagbuo ng pansamantalang gahum ng naghaharing uri.

    Ang foto ay lunan kung saan maraming kodigo ang nakasangkot, inaayos ang lugar kung saan ang tumitingin ay nagiging sabjek ng ideolohiyang naghahari at pinasusunod sa normal na kalagayan, na isang pakana, lalang, daya, linlang. Sa lipunang hati sa magkakatunggaling uri, ang humuhulma't humuhubog sa artifak ng foto ay ang dominanteng ideolohiya ng naghahari uri, ang gahum ng nagmamay-ari, bagamat maaring gamitin (depende sa partikular na sirkunstansya) ang foto sa pagbubunyag sa katotohanang nakakubli sa kunwaring normal o tanggap na kalagayan (Nichols 1981). Sinikap usisain ang iskema ng ganitong pagtingin sa foto sa akdang ito.

Multo  ni Goya, Damay ng Guernica

    Narito ang isang ispesimen ng maraming foto ng mga nasawing Filipino sa labanan sa Luzon noong Digmaang Filipino-Amerikano (1899-1913):

[]

    Kumpara sa 1896 himagsikan, mas malawak ang pagbabalita dito sa  internasyonal mass midya sanhi sa pagsibol ng "yellow journalism."  Narito ang impresyon ng mga bangkay ng mga sundalong napatay sa hinukay na kuta o "trenches" na ginamit sa klasikong komprontasyon ng mga tropa, bago pa ipinasya ng rebolusyonaryong liderato na palitan iyon ng gerilyang taktika. Walang Amerikanong nakapaloob sa kuwadro, nakasentro sa nakapilang bangkay na tila simula ng mahabang burol, ayon sa normalisadong perspektibang hango pa sa humanistikong Renaissance.

    Ang dinamikong Interpretant ni Peirce ay tiniyak na sa ipinasiyang balangkas ng anino't dilim sa foto. Kaya lumalabas na pangkaraniwan ang realidad sa litrato at kontrolado ng tumitingin, subalit alam natin na ang regulasyon ng kwadro at pagposisyon ng punto-de-vista ay sinadya ng kumbensyon ng potograpiya (Burgin 1982). Walang dapat ikabahala, ganyak ng foto, ordinaryo lang ito sa giyera.  nasilo tayo sa itinalagang disenyo ng trintsera, ang hukay na kinaburulan ng mga biktima ng kung anong kalamidad, himatong dito.

    Kaiba sa foto ng Jolo masaker, hindi ito nakaantig ng reklamo dahil walang kasamang babae o batang patay, bukod sa tila pangkaraniwang tagpo na ito, manhid o sawa na ang awdiyens sa ganitong ispektakulo. Ito nga ang tadhana ng potograpiya sa kamay ng negosyante at burokrasya. Ang realidad ay sumabog, hiwa-hiwalay ang bahagi nito, bawat sandaling nakintal ay walang kinalaman sa iba, naging mahiwaga o misteryosong bakas ng tao o pangyayari. Ngunit ano ang kahulugan nito, ano ang katuturan nito? Bakit tayo mag-aabala rito? Ano ang kinalaman nito sa ating araw-araw na pangangailangan, o sa sumasaklaw na krisis ng pangkabuhayan?

    Sumunod ang malawak at maraming kuha ng mga eksena sa Una at Pangalawang Digmaang Pandaigdig, laluna ng paysahe ng katayan sa Biyetnam. Sa kalaunan, ang kilabot ng malupit na kapinsalaan sa kapwa sundalo at sibilyan ang nakayanig sa konsiyensiya at umantig sa maraming taong tumutol sa karahasan ng imperyalistang pagbobomba't pagpatay sa mga sibilyan. Hindi nakapanatag ang epekto ng kamera, tila ang sindak ng dugong umaapaw ay nakasupil sa disiplina ng tradisyonal na kumbensyon. Tulad ng nangyari sa mga foto sa Abu Ghraib sa Iraq, ang foto ng MyLai masaker ay ginamit sa pagsasakdal kina presidente Nixon at mga heneral bilang "War Criminals" nina Bertrand Russell, Jean-Paul Sartre, atbp sa People's Tribunal. Kakatwa, di nagamit ang Mendiola Masaker upang isakdal ang mga kriminal na alipuris ni Cory Aquino noong panahon ng "Total War" niya laban sa pwersang makamasa.

  Huramentadong Misyonaryo?

    Katulad ng nangyari sa Biyetnam, ang Digmaang Filipino-Amerika ay mabagsik din--unang pagsasanay ng U.S. genocide na inihasik sa Biyetnam. Kalkula ng mga istoryador na 1.4 milyong Filipino ang nasawi. Sa parte ng mga Moro, humigit-kumulang sa 100,000 ang namatay.  Mahigit isandaang himagsik na ang nailunsad ng Bangsamoro buhat ng sakupin ng Estados Unidos ang kanilang teritoryo. Di na kailangang ulitin dito na hindi sila nasugpo ng imperyong Espana o ng Amerika. Maraming rebelyon at sari-saring pag-aalsa ang naganap mula pa noong 1903 hanggang ngayon (Abreu 2008).

    Labas sa normatibong istandard pangmoral ng Kanluran ang mga katutubo. Katibayan na tiwalag ang sambayanang Muslim sa Espanya ay ang nangyaring pagbibilad sa ilang "ispesimen" ng barbarong infieles sa Parque del Retiro, Madrid, noong 1887.  Sumunod ang pag-eksibit sa ilang piling halimbawa sa Louisiana Purchase Exposition sa Estados Unidos noong 1904.

    Ngunit sa harap ng nagbabantay na madlang mulat sa Europa at Asya, kailangan pa ang paliwanag. Nagtangka si David Barrows, Amerikanong puno ng Bureau of Non-Christian Tribes, na siyasatin ang "Moro Problem,"  Sinisi niya si Heneral Wood sa hindi paggalang sa tradisyonal na awtoridad ng mga sultan at datu. Kaya maraming Morong namatay. Sayang. Tulad ng ibang imperyalista, ipinalagay niyang pantay ang dalawang magkalaban, magkatimbang daw--isang balighong premise: "There was little understanding on both sides...While the losses from these wars were severe among the Moros and resulted in the death of their most turbulent leaders and fighting men, the resisting spirit of the race was unbroken" (Tan 2002, 176). Baka ito rin ang nasa isip ni presidente Aquino nang madinig ang balitang maraming Morong ang napuksa ng tropa ng Malaysia.

    Lumipat tayo sa kasalukuyang gulo. Bagamat di na maikakaila ang katuwiran ng pakikibaka para sa kasarinlan ng Bangsamoro--patunay ang kasunduan ng Moro National Liberation Front at gobyerno noong 1996, bukod sa kasalukuyang usapan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at gobyerno--kargada pa rin ng mayoryang Kristyano ang prehuwisyo laban sa mga kabayayang Muslim. Patotoo iyon nang tumutol ang marami sa "Memorandum of Agreement" ng MILF at dating president Arroyo noong 2008. Sa gitna ng walang pagpapahalaga ng madla sa di masusukat na kontribusyon ng Bangsamoro sa kabihasnang Filipino (ayaw nga ng ilang Muslim ang kategoryang "Filipino"), pumutok ang alitan sa Sabah.

Ebidensiyang Naghahanap ng Krimen

    Kamakailan, lumantad na naman ang instrumentalisadong bisa ng kamera sa midya nitong Marso 2013. Pagkatapos ng ilang sagupaan ng mga kawal  ni Sultan Jamalul Kiram III at sundalong Malaysian sa Lahad Datu, Sabah, malimit ipakita ng Defense Ministeer Zaid Hamidi ng Malaysia ang litrato ng mga napatay na Moro (Reuters, 6 Marso 2013). May isang kuha ng 13 bangkay na patunay, ayon kay Ismail Omar, hepe ng pulis, na hindi makaliligtas ang mga alagad ni Sultan Kiram. Pananakot ang gamit sa foto. Lumilitaw ang  patotoo sa proposisyong naihain: ang Interpretant na tagapamagitan sa balita at kamalayan ng publiko ay hindi salamin o representasyon ng nangyayari.  Iyon ay pagsasalin at pagsasakonteksto ng imahen sa diskursong pampulitika at institusyong kaakibat nito. Samakatwid, ang foto at caption ay niyari, ginawa, ng gumagamit doon, bagamat may obhetibong referens iyon. Hindi lahat ay relatibo sa paningin ninuman.
 
    Ang teritoryo ng Sabah ay pag-aari ng mga Sultan ng Sulu at Tawi-tawi na ipinaalkila sa isang kompanya ng Inglatera noong 1870. Wala nang pagtatalo rito. Nang humiwalay ang Malaysia sa Inglatera noong 1963, inangkin ng Malaysia ang pag-aari ng Sultan, samantalang patuloy ang pagbabayad di umano ng token na buwis. Samakatwid, ipinakita lamang ng Sultan na may karapatan silang dumalaw doon sa kanilang lupain--lamang, ipinagpaliban ang diplomatikang protokol.  Sa gitna ng napipintong kasunduan ng MILF at gobyerno, na di kasali ang Sultan, minarapat ng Sultan na ipagunita sa administrasyon ni Aquino na sila ay may papel na dapat gampanan sa paglutas ng problema ng lahat ng Moro sa katimugan. Binalewala ito ng maraming komentaristang nakasubsob sa status quo.

          Alam ng lahat na walang malasakit ang gobyerno. Kahit lampas na sa 61 Filipinong mamayan ang napuksa, patuloy ang paggiit ni Aquino na sumuko na ang mga kawal ng Sultan. Ipaliban na ang isyu ng Sabah. Walang kuwenta ang mga litrato o balita sa TV at Internet ng mga Filipinong nasawi. Sa tingin ng administrasyon, sila ang may kasalanan. Walang pananagutan ang gobyerno.
Hanggang ngayon, batay sa huling komunikasyon, walang Filipinong reporter ang nakakuha ng foto ng sagupaan o paghuli't pagkulong sa mga sibilyang Filipinong naninirahan sa Sabah.

Saan Isisingit ang Kaluluwa?

    Marahil ganoon din ang trato sa mga biktima ng pananakop ng Estados Unidos sa mga tahanan ng Moro noong unang dekada ng nakaraang siglo. Maraming okasyon at pamamaraan ang ginawang pagtatanggol ng Bangsamoro laban sa Yangki interbensiyon (San Juan 2007).

     Dalawang engkuwentro ang nagkaroon ng katakut-takot na biktimang Moro, sampu ng maraming babae at kabataan. Isa, noong Marso 5-6, 1906 sa Bud Dajo, hilagang Jolo, Sulu, mahigit 600 Moro ang pinaslang ng tropa ni Heneral Leonard Wood (Tan 2002, 176). Bakit nagkaganoon? Dahilan niya sa Washington:  "A considerable  number of women and children were killed in the fight" [because Moro women] wore trousers and were dressed and armed much like the men and charged with them [while children] had been used by the men as shields" (sinipi sa Kramer 2006, 220).  Sa kagitingan ng mga mamatay-tao, pinarangalan sila ni Presidente Theodore Roosevelt sa kanilang pagtaas sa "honor of the American flag." Sa ganitong interpretant, kinailangan ng 600-1000 bangkay ng Moro upang itindig ang dangal ng bandilang Amerikano. 

    Nakasalig ang lohika ng imperyalismo sa dahas, hindi sa batas o katuwiran, sa ultimong analisis. Pero ang dahas ay hindi gahum o awtoridad moral/etikal ng mananakop. Upang mapakinabangan ang lakas-paggawa ng mga sinakop--saan manggagaling ang tubo?-- kailangang makontrol ang diwa't damdamin ng mga nasukol sa paraan ng edukasyon, paghubog sa diwa't damdamin.  Hindi lubusang binalak ng imperyalismo ang lubusang kumbersyon ng Muslim sa Kristyanidad kung sang-ayon naman sa pag-iral ng "malayang pamilihan" at pagbebenta-pamimili ng lakas-paggawa. Pinakaimportante ang tubo/profit at pananaig ng sibilisasyong Euro-Amerikano.

    Gayunpaman, pinawalang-halaga ng Amerika ang Bates Treaty na nilagdaan nila at ng Sultan noong Agosto 20, 1899, na tumanggap lamang sa nakaungos na lakas militar ng dayuhan habang idiniin ang soberanya ng Sultan sa pamumuhay sa kapuluan ng Sulu at Tawi-tawi. Sa patatanggol ng kanilang karapatan sa Bud Bagsak, Sulu, noong Hunyo 11, 1913, 8,000 hanggang 10,000 Moro, pati mga babae't bata, ang nasawi sa modernisadong logistics ni Heneral John Pershing (Tan 2002, 177). Walang awa ang mga kanyon at riple ng demokratikong misyunero.

       Ang pagtrato sa mga Moro, ayon kay Thomas McKenna, ay magkahalong "paternalism" at "brutal pacification operations"  (1998, 88). Paternalismo, dahil hindi Kristyano at walang kabihasnan; ngunit dahil din sa kanilang mabangis at makahayop na karakter, kailangan ang pagpataw ng walang pakundangang dahas. Amok at huramentado ang istereotipikal na imahen ng Moro.  Sa balita ng walang habas na pagkitil sa mga inosenteng kabataan, na pinamunuan ng doktor na si Leonard Wood--ang propesyon niya bilang sundalo ay pumatay, naglahad ng mahayap na batikos ang bantog na awtor, si Mark Twain.  Dahil 15 Amerikanong lamang ang nasawi at 600 kaaway (bata, babae, lalaking Moro) ang napuksa, sarkastikong puri niya: "This is incomparably the greatest victory that was ever achieved by the Christian soldiers of the United States" (1992, 172). Dapat basahin ng lahat ang komentaryo ni Twain na isinulat noong Marso 12 at 14, 1906, tatlong araw pagkaraan ng masaker.

         Sa isang pahayagan, ang Johnstown Weekly Democrat (Enero 25, 1907), lumabas ang isang foto ng resulta ng labanan. Hindi binanggit ang kumuha, ngunit naisama ang print sa libro ni Oswald Garrison Villard, Fighting Years: Memoirs of a Liberal Editor, na limbag ng Harcourt Brace, New York, noong 1939. Panahon iyon ng pakikibaka ng mga unyon laban sa dekadenteng kapitalismo at sa pasismo, na laganap sa Alemanya, Italya at Espanya. Panahon din ng pagsibol ng pakikibaka ng mga Aprikano-Amerikano at trabahador sa pabrika't agrikulturang negosyo. 

    Nang sumabog ang digmaan noong 1899 sa Pilipinas, maraming tumutol sa agresyon ng Amerika. Umaalingawngaw ang sumbat ni Moorfield Storey, presidente ng Anti-Imperialist League, nakapaloob sa kanyang akda, The Moro Massacre, Boston, 1906: "The spirit which slaughters brown men in Jolo is the spirit which lynches black men in the south" (sinipi sa Twain 1992, 168). Pambihira ang mga kuha ng barbarismo noon sa Mindanao at Sulu. Marahil hindi nakalagpas sa sensura ng militar. Narito ang natatanging foto ng masaker, inilathala sampung buwang matapos ang pangyayari :

            []

    Paano nayari ang Interpretant? Walang klasikong perspektiba rito; ngunit ang anggulo ng kamera at hilera ng mga sundalo ang nagbigay ng kaunting lalim sa eksena. Pantay ang mata natin sa mga katawan ng sundalo, hindi sa mga bangkay. Mapapansin na may dalawang sundalong nakapamaywang, kampante sa pananagumpay ; ang ilan ay tila nakaluhod, ang iba'y matamang nagmamasid o nanonood sa ispektakulo ng mga labi, na nakabunton sa kanilang harap o tabi.  Walang sinumang may luha sa mata, o may anyong nakikiramay--isang tableau kumakatawan sa gawing pagmamatyag, repleksiyon ng kanlurang istandard ng tanggap na pakikipagkapwang pagkilos.

    Walang pasubali, inayos ang foto upang magmukhang natural. "Business as usual." May kalabuan ang litrato. Tila kung anong dumi o yagit o sukal ang nasa harap nila: mga patong-patong na bangkay, nakatihaya o nakahandusay-- hindi matiyak kung babae o lalaki o bata ang ilang bangkay, tabi-tabi. May dalawa yatang nakanganga--ano kayang hibik o taghoy o sigaw ang huling nakatakas doon?

    Bagamat katibayan ito ng matagumpay na lakas ng Amerika, nakapukaw ito sa madla upang ireklamo ang walang awang pagpatay sa mga taong ipinangako ni William McKinley na gagawing Kristyano sa paraang "Benevolent Assimilation." Ang kodigo ng kumbensyonal na war reportage ay hindi nakapigil sa silakbo ng galit o balisa sa mga nakasulyap sa litrato. Kaipala,  ang Kanlurang budhi ay naitindig muli upang magpatuloy sa tutelage ng mga katutubong nakatira sa gubat at bundok. Mabisang lehitimasyon ng kolonisasyon ng kapuluan, bukod sa bilihan ng Espanya at Estados Unidos sa Treaty of Paris 1898, etsa-pwera ang mahigit sampung milyong Filipino.

                Salamangka ng Penomena

    Paano tayo makatutugon sa pagbabantay at paniniktik ng mapagsamantala?  Mungkahi ni John Berger (2001) na buhayin muli natin ang gunita, ang kolektibong memorya. Hindi natin mauunawaan ang mga fotong nasulyapan kung hindi ilalakip sa konteks ang mga iyon, sa gitna ng isang naratibo o kasaysayang kasangkot tayo. Ang foto sa kapitalismong sosyedad ay naging ispektakulong binibili, winarak sa kabuuang daloy ng karanasan, kaya walang kahapon o hinaharap--walang kahulugan o halagang makikilala at mapagbabatayan ng isang hatol, taya, kilates, pagpapasiyang etikal at moral batay sa mapagpalayang dunong at pakikiramay.

    Ang lohika ng huling Interpretant, sa semiotika ni Peirce, ay ugali o asal na makatwiran at siyentipiko.   Huwag nating kalimutan na walang hilaw na datos o penomena na basehan ng kaalaman, kontra sa turo ng empirisismong positibismo.  Bawat persepsiyon ay hatol, bunga ng proseso ng diskriminasyon sa kamalayan.  Taglay ng bawat persepsiyon ang husgang dalumat, kuyom ang etikal/moral na pulso ng buong pagkatao, na nakasalang naman sa kinagisnang sosyedad. Ang indibidwalidad (aral mula sa "Theses on Feuerbach") ay katumbas ng totalidad ng relasyong panlipunan. Gayundin ang persepsiyon.

    Tumbalik ang akala sa burgesyang pananaw, kaya pira-piraso o "fragmented" ang danas. Bawat foto ay nag-iisang pulo o isla, walang kaugnayan sa isa't isa. Malalim at malubhang alyenasyon ang resulta, na pangkalahatang katangian/salot ng lahat ng bayan/bansa ngayon (liban na sa aborihinal na tribung di pa nadadalaw ni Col. Sanders o ni Ronald McDonald).  Upang mailigtas ang katotohanan ng foto, dapat buksan ang mga landas na magsusudlong dito sa lipunan, politika, ekonomya, kultura, at iba't ibang praktika sa buhay. Kailangang dulutan ng kasaysayan ang imahen o kakintalan sa potograpiya, ng panahong nakalipas at panahong darating upang makalikha ng panibago't naiibang kinabukasan. Dapat isingit ang retrato/foto sa naratibo ng pagsulong ng makauring lipunan upang matamo ang kolektibong adhikain: isang mapagpalaya't matulunging pamumuhay sang-ayon sa batas ng kalikasan.

    Narito ang isang eksperiment na dapat nating subukin.  Naimungkahi ni Rosalind Krauss (1993), batay sa repleksiyon ni Walter Benjamin, na ungkatin natin ang "optical unconscious" sa ilalim o likod ng foto. Susog ni Krauss na pwedeng makaigpaw sa kumbensyong biswal sapagkat (kung tutuusin) hindi makapangyarihan ang kamera o bisyon dahil hindi ito katugma ng buong pagkatao, ng katuwiran at kolektibong relasyon na bukal ng identidad ng bawat tao.  Hanapin natin, sa gayon, ang "optical unconscious" sa artikulasyon ng icon, indeks at simbolo sa tekstura at istruktura ng larawang nakatambad:

[]

    Sa tulak ng mapangahas na hamong ito, paano natin kaya masasagip ang halaga o kabuluhan ng litratong ito sa pamamagitan ng "optical unconscious"?  Nasaan ang posisyon ng nanunood at mambabasa? Sino ang biktima, si Carlito Dimahilig, ang salarin sa itinanghal na palabas rito (tahasang madayang laro o panlilinlang ito) o ang madlang nabighani't nagayuma sa ritwal ng ispektakulo? Subaybayan ang pelikula ng insidente, isang di-kusang "performance art," sa YOUTUBE na humantong sa foto ng "eskrimador" na nagtangkang kumitil sa Pangunang Ginang? Dama ng lahat na di lang kailangan ang rason sa batas militar, kailangan din ang simpatiya para sa "Iron Butterfly" at sa pamlyang Marcos.

    Galing ang foto sa isang kliping mula sa isang pahayagan (di pa matiyak) na petsang Disyembre 7, 1972.  Close-up, matingkad ang duguang mukhang pinagbabaril, nakatampok ang binulatlat na damit ng napatay na wala pang identipikasyon sa balita, liban na sa detalyeng 27 taong gulang, 5 talampakan, 2 pulgada. Mayroon bang lugar sa loob ng foto ang nagmamasid? Walang dignidad dito, mga sapatos ng seguridad ang nakapaligid sa bangkay.  Kailan nangyari ito? Tumpak ang sabi ni Susan Sontag, malaganap ang nagawang "corruption of sight" (sinipi ni Richard  2010, 34) sa paggamit ng kamera, kung hindi natin iwawasto at pangangalagaan ang bisa nito bilang sandata sa tunggalian ng mga uri't sektor ng lipunan.

    Naganap ang tangkang pagpatay/panlilinlang noong Disyembre 1972, unang taon ng madugong epoka ng batas-militar ng diktaduryang Marcos, suportado ng gobyernong Amerikano. Nasaksihan sa kalaunan ang di-matingakalang masaker, tortyur, panggahasa sa di mabilang na babaeng dinakip, at walang habas na pagyurak ng karapatang pantao ng libulibong mamamayan. Karumal-dumal na yugto sa ating kasaysayan, na nagpapatuloy pa hanggang ngayon. Sa kolektibong amnesya, at sa paghahari ng dinastiyang Marcos hanggang ngayon, malaki ang responsibilidad ng mga nag-iisip na mamamayan na buhayin si Carlito Dimahilig, kasabay ng mga minasaker sa Mendiola, Luisita Hacienda, maraming kampo militar, atpb., at isingit ang kakintalang ito sa makatas at maigting na naratibo ng pakikibaka ng buong sambayanan laban sa uring nambubusabos at mapanupil. 

Saliksikin at Bistayin

    Di maikakailang pang-ideolohikang larangan ang potograpiya kung saan nagtatagisan ang mga kontradiksyong nakasalang sa krisis ng neokolonyang orden. Sa posmodernistang pagtanaw, walang patid ang gawaing dikonstraksiyon ng diskurso hanggang kasukdulang magting fetish ang proseso ng demistipikasyon. Para ke? Pedagohiya ba ito ng akademikong eksperto para sa sariling kapakanan o ng alyenadong institusyon?

    Paano na ang inaasam nating pagkakawing ng teorya at praktika? Bagamat anti-tradisyonal ang ambag nina Patrick Flores at Cecelia Sta. Maria De La Paz sa kanilang makabagong Sining at Lipunan, madali't laging nahahalaw at nakakasangkapan ng mapanilang poder ang tekstuwalistikong interpretasyong walang tiyak na paroroonan. Mimicry ba ito ng anarkistang kaayusan? Nasambit nga ng ilang kasapi sa OCCUPY Movement dito sa New York: "Ano ang naisakatuparan nina Derrida, Foucault, Lyotard, Deleuze, Adorno, Zizek, Negri at iba pang pantas-awtoridad upang pigilin ang malupit na panlulupig na ginawa't ginagawa ng Europa/NATO, Estados Unidos, Hapon, at korporasyong global sa iba't ibang lupalop ng daigdig?" 

    Gayundin ang maitatanong tungkol kina Berger, Sontag, at iba pang progresibong intelektwal. Pagkatapos idekonstrak paulit-ulit sina Amorsolo at ibang kanonikal na artipak/sining, ano ang napala ng kilusang nagdedemanda ng hustisya para kina Burgos, Cadapan, Empeno, at marami pang biktima ng teroristang palisi ng gobyerno kasabwat ng dayuhang pwersa, mula pa kina Marcos at Cory Aquino hanggang ngayon?  Nakatulong ba itong poskolonyal dikonstrasyon sa mga pinahirapa't ibinilanggong OFW sa Saudi at iba pang bansa kung saan mahigit 10 milyong Pinay/Pinoy ay tumungo upang takasan ang gutom at padaralita sa "lupang tinubuan"?

    Oo nga't kalabisan nang asahan sa mga akademiko't tradisyonal na iskolar ang gawang magdulot di lamang ng radikal na interpretasyon kundi kongkretong hakbang sa kilusang mapagpalaya. Baka mapahamak lamang tayo kung lumulutang sa alapaap ang ihahandog. May paghahati sa gawain, wika nga, at iba't ibang kakayahan at kapasidad ang di tuwirang kasangkot sa barikada. Mas masahol pang problema ang dapat atupagin. Hindi pa rin mabuting naisasaloob ng mayorya ang tiyak na banghay at sustansiya ng lipunang nais nating ipalit sa bulok na sistema. Bukod sa tutol pa sa sosyalismo o demokrasyang pambansa, karamihan ay tagasunod pa rin sa panuto't programa ng indibidwalismo't mapagsariling kompitensiya sa ilalim ng oligarko't patriyarkong pamahalaan/disiplina.

    Gayunpaman, bawat oposisyonal na hakbang pangreporma, gaano man kabaliwag (pwedeng magdebate rito), ay may kontribusyon sa pangkahalahatang pagsulong. (Mabuting may gulo/gusot, kundi'y tulog lahat.) Bawat isa'y may maitutulong sa pagpupunyagi ng Nagkakaisang Hanay na maiugnay ang teorya at praktika ng kritika sa daloy ng kolektibong pagsisikap. Kung gayon, magkatuwang na palayain ang realidad na nakukulong sa litrato! Pakawalan ang imaheng nabihag ng tusong kamera! Tulad ng dalawang fotong nauna, matutuklasan na nasa sa ating matalas na pagsipat, masinop na pagsusuri at maingat na pagkilates ng saysay at kabuluhan nito, batay sa ating magkakabuklod na gunita, pangarap at pag-asa, ang makatuturang destinasyon ng artipak na ito sampu ng lahat ng mahuhugot sa teknolohiya ng potograpiya. Halina't dulutan natin ng karampatang sikhay at dunong ang pag-aaral na ito upang matubos ang napapagmasdang masalimuot at masaganang kapaligiran ng ating mundo--sagisag ng maluwalhating kinabukasang ating ipinaglalaban--na naitala ng kahima-himalang galaw ng kamera.

MGA SANGGUNIAN

Abreu, Lualhati.  "Colonialism and Resistance: A Historical Perspective."  Nasa     sa The Moro Reader, ed. Bobby Tuazon.  Quezon City: CENPEG, 2008.
Berger, John.  Selected Essays, ed. Geoff Dyer.  New York Vintage Books, 2001.
Burgin, Victor, ed.  Thinking Photography.  New York: Macmillan, 1982.
Flores, Patrick D. & Cecilia Sta. Maria de la Paz.  Sining at Lipunan.  Quezon     City: Sentro ng Wikang Filipino, U.P., 1997.
Gernsheim, Helmut and Alison Gernsheim.  A Concise History of Photography.       New York: Grosset & Dunlap, 1965.
Kramer, Paul A.  The Blood of Government.  Durham, NC: U of North Carolina     P, 2006.
Krauss, Rosalind E.  The Optical Unconscious.  Cambridge, MA: MIT P, 1993.
McKenna, Thomas M. Muslim Rulers and Rebels.   Berkeley: U of California P,     1998.
National Geographic.  Ultimate Field Guide to Photography.  Washington DC:     National Geographic, 2009.
Nichols, Bill.  Ideology and the Image.  Bloomington, IN: Indiana U Press, 1982.
Richard, Frances.  "The Thin Artifact." [Review of The Cruel Radiance by Susie     Linfield]  The Nation (13 December 2010): 31-39.
San Juan, E.  U.S. Imperialism and Revolution in the Philippines.  New York:     Palgrave, 2007.
Tan, Samuel K.  The Filipino-American War, 1899-1913.  Quezon City: U of the     Philippines P, 2002.
Twain, Mark.  Mark Twain's Weapons of Satire, ed. Jim Zwick. Syracuse: Syracuse     UP, 1992.

JOSE CORAZON DE JESUS--ANG SINING NI HUSENG BATUTE--E. SAN JUAN, Jr.

$
0
0


PAGSUBOK SA ISANG  MAPAGPALAYANG  PAGKILALA'T   PAGTAYA  SA SINING  NI   JOSE CORAZON DE JESUS

ni E. SAN JUAN, Jr.




Kung kasadlakan man ng pula’t pag-ayop, / tubo ko’y dakila sa puhunang pagod….”

--Francisco Baltazar, “Kay Selya”

Only through the objectively unfolded richness of man’s essential being is the richness of subjective human sensibility either cultivated or brought into being…. The forming of the five senses is a labor of the entire history of the world down to the present.

--Karl Marx, Economic and Philosophic Manuscripts of 1844

Dalawang bagay ang bumigo sa akin nang napakalaki: Ang paglipad ko sa Hongkong at ang paglagpak ko sa pulitika.

--Jose Corazon de Jesus, “Talambuhay ng kanyang sarili”







    Dahil sa masidhing pagkagumon ng marami sa komersyalisadong aliwan--telenobela, pelikulang tatak-Hollywood, malling, kulto nina Bieber at iba pang dayuhang selebriti sa awitan at isports---pambihira na ang bumabasa o may interes sa panulat ni  Jose Corazon de Jesus (Huseng Batute), binansagang di-mapapantayang "Hari ng Balagtasan." Isa bang bagong aktor ito, "performance artist" o "clone" ni Manny Pacquiao  sa midya? Pwede ring mapagkamalang "gimmick" ng Cultural Center o National Commission of Culture and the Arts, huwag ikagulat o ikamangha.

Anyaya Sa Panghihimasok

    Maliban na lamang sa ilang guro't iskolar sa wikang Filipino, o mga beteranong apisyonado ng "balagtasan," na kadalasa'y dibersiyong panturista, wala nang masyadong interes pa kay Batute (kinagiliwang palayaw sa kanya). Bihira nang mabanggit siya sa mga pagpupulong pangkalinangan. Bakit tayo ngayon nag-aaksaya ng panahon? Sa ganang akin bilang tagasubaybay sa kulturang usapin, higit na mapapakinabangan pa ng mga "iskolar ng bayan" (alang-alang sa sakripisyo ni Kristel Tejada), ang pagbabalik-tanaw sa mga tula nina Lope K. Santos, Pedro Gatmaitan at Benigno Ramos, halimbawa, na bagama't kasapi sa Aklatang Bayan (1901-1916) ay kapanahon ni Batute; o sa panitik ng ibang kasapi sa Ilaw at Panitik (1916-1935) na kinabilangan ni Batute, tulad nina Cirio Panganiban, Deogracias Rosario, Amado V. Hernandez, atbp. Hanggang ngayon, wala pang matinong pagsusuri sa epikong Bayang Malaya ni Hernandez, sa kabila ng hitik na papuri.)  Bakit mag-aambag ng pagod at panahon upang ungkatin muli ang naisulat ni Batute?

    Agad ko nang ipanukala sa umpisa na tandisang makabuluhan ang naisakatuparan ni Batute sa paglinang ng wikang pambansa, ang sandigang wika nina Baltazar, Rizal, Bonifacio, Del Pilar, Sakay, Algabre at mga bayani ng rebolusyong nagpapatuloy. Di maikakaila ang representatibong lagda/signatura ni Batute bilang mapanghalinang makata. Sapantaha kong may nakatagong enerhiyang madudukot sa kanyang mga tula na mapapakinabangan sa kasalukuyang proyektong mapagpalaya. Pagliripin natin ito. Apat na libro ang kaharap ko ngayon, kasangguni sa maikling komentaryong ito hinggil sa estetika at lipunan. Bukod sa mga kalipunan nina Lumbera at Nograles-Lumbera, Isagani Cruz at Soledad Reyes, Ben S. Medina, Jr. at Parnasong Tagalog ni AGAbadilla (inedit ni Efren Abueg), ang pangunahing antolohiya ng mga tulang kinonsulta ay:  Mga Tulang Ginto (1958), pinagmatnugutan ni Teo Gener; Halimuyak (1979), pinamagnutugan ni Antonio B. Valeriano;  Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula (1984), pinamatnugutan ni Virgilio Almario; at Bayan Ko (1995), pinamatnugutan ni Monico Atiena. 

    Utang ng lahat kina Almario at Atienza ang matiyaga't masugid na pagsusuri't pagpapahalaga sa kabuluhan ng panitik ni Batute, sa kanilang iba't ibang lapit, hilig, diin at layunin. Mahigit 5000 tula, sa taya ni Batute mismo, ang naisulat niya; ngunit sapat na sigurong pagbatayan ang mga tulang nailikom sa nabanggit na antolohiya upang bumuo ng hatol at makatarungang pagtimbang sa naisakaturapan ni Batute, hindi lang ang naisulat kundi inadhika. Kung mayroon pang obra maestra niyang matutuklasan, tikyak na makapagpapalusog sa ilang dalumat at ipotesis dito, pagsubok sa pagbanghay ng batong-urian na magtatasa sa hiyas na ipinamana sa atin ng makata. Salamat kay Batute, nabigyan tayo ng okasyon sa balikatang pagpapaunlad ng mapagpalayang kultura sa pagpapalitang-kuro, argumentasyon, at mapanuring pagsasaliksik tungo sa kaliwanaga't kabutihang pangkomunidad.

Kung Bakit Di Kailangan ng Paumanhin

    Sa di sinasadyang pagkakataon, ang munting gawa ay nagsusupling ng bungang mabigat at mapanganiba. Tila ang maikling puna ko tungkol sa isang tula ni Batute noong dekada 1960 (kalakip sa Ang Sining ng Tula, 1975) ang naging sangkalan ni Atienza upang batikusin ang walang hunos-diling husga ko hinggil sa sinaunang kumbensiyon sa panulaan. Pakiwari ni Atienza na ang kumbensiyon, sa halip na masakal ang diwa ng makata, ay nagdulot na paraan upang maibulalas ni Batute "ang mga pampulitikang pananaw at paninindigan, pagkamakabayan, pagmamahal sa kalayaan at iba pang uri ng pakikisangkot sa mga usaping panlipunan" (1995, 12). Susog ni Atienza na ang kanyang pananalisik sa esensya "ay tumunton sa paraang tekstuwal." Ngunit kung maingat na sisipatin, ang pangkalahatang pamantayan ni Atienza ay tematiko. Ibig sabihin, ibinukod niya ang mga tulang may hayag na paksang pampulitika at nakikisangkot, at sa talaksang ito hinugot ang hinuha na si Batute ay hindi lamang nag-ukol ng panahon sa pag-ibig, pamilya, kalikasan at iba pang tradisyonal na paksa kundi sumaklaw ang kanyang diwa sa mga usaping panlipunan at pampulitika.

    Sanhi rin ng nasabing artikulo, pinula ako ni Almario sa pagkainis at pagkainip sa "sentimentalismo" ni Batute. Napag-initan ko raw si Batute dahil lumabag sa regla ng New Criticism: "Ano namang kakulangan ang ipinaghinagpis niya kay Batute?" (1992, 300; ikumpara ang dating ideolohiya niya, Almario 1971). Tumutukoy iyon sa nabusisi kong labis na pagsandal ni Batute sa "maramdaming panaghoy." Hindi tumpak ang intindi ni Almario sapagkat sa pormalistikong pananaw, ang sentimentalismo ay kontekstuwal--di pagkakatugunan ng mga salik sa isang akda--na, sa kaunting lipat ng anggulo, ay nagiging ironya, paradoha, laro ng bathos/pathos. Sa anu't anuman, iba rin ang denotasyon ng salitang "sentimental" sa "sentimentalismo"; kapwa nalurok sa nobela ni Flaubert na mapang-uyam sa burgesyang asal-kodigo. Ngunit hindi relatibo ang lahat, kaniya-kaniyang buhat ng interpretasyon sanhi sa nominalistikong pagturing sa salita. Bakit pa kailangang magpadalubhasa sa siyentipikong imbestigasyon kung ang katotohanan ay nasa iyong balintataw o sa sekretong sisidlan ng iyong barkada?

    Maibalik kay Atienza: wala namang pagtatalo sa malawak na kakayahan ni Batute. Wala namang nagsabing si Batute ay nagtakdang maging makata ng pag-ibig o damdamin lamang, o nakulong sa makitid na espasyong ito. Kung di nga nasambit sa artikulo ko, di naman naipahiwatig na namalagi't naulol si Batute sa hardin ng pusong sawi. Walang namang pumintas na sumuko siya sa tukso ng luha, lumbay, mapanglaw na agunyas sa libingan, atbp.  Kahit si Almario na siyang masusing naghalungkat sa mga tulang pandamdamin ay hindi nagsabing limitado si Batute sa kategoryang "romantiko" (bagama't makitid ang pagkatarok ni Almario sa romantisismo). Marahil, ibig lamang ilipat ni Atienza ang pokus at pakialam sa mga tulang tahasang pampulika o tuwirang pakikilahok sa  tunggalian ng mga uri o tumutuligsa sa mga kabuktutan at kabulukan ng kolonyalistang institusyon at gawi, laluna ang panunupil ng imperyalistang Amerikano sa mga karapatan ng mga sinakop.

    Bukod sa tagapagtaguyod ng "sentimentalismong" may katutubong tatak, ipinagtanggol din ni Almario na si Batute ay mabisang tagapagsalita ng madlang karanasan. Pasiya ni Almario na "ang sulak ng pambihirang imahinasyong namamahala dito ay kahanga-hanga at isang karanasang bihirang madama maging sa mga maharlika (obra maestra) nina Ildefonso Santos, Cirio Panganiban, Aniceto Silvestre, Inigo Ed. Regalado at iba pang kapanahon..." at sa ganitong "pag-alinsunod sa tuntuning pangkasaysayan," mayayari din ang "isang realista at praktikal na hakbang din pasulong" (1970, 322). Sang-ayon ako
sa lagom na ito, lamang ang "tuntuning pangkasaysayan" ay di maipagkakasya sa kuwadro ng talambuhay o mga datos na walang integral na ugnayan sa mga makatuturang pangyayari sa kasayaysan ng bansa, laluna ang pakikibaka sa kasarinlan at demokrasyang pambansa noong dalawang dekada ng pananakop ng Estados Unidos hanggang sa pagkamatay ni Batute noong 1932.

    Sa kuro-kuro ko, walang mapapala sa dualistikong iskema na humihiwalay sa estetika at etika/politika. Walang sining na tiwalag sa pulitikang pamantayan, at walang pulitikang salat sa sining ng paghihikayat, pag-amuki o pag-akit. Mali ang nominalistikong Cartesian. Dala ito ng sinaunang paghahati sa katawan/kaluluwa, kalikasan/kalangitan, damdaming karnal/kaisipang ispiritwal. Umikot, gumulong na ang mga pangyayari. Nakaigpaw na tayo rito sa paglunsad ng dialektika't historikal na sintesis mula pa kina Herakleitos at Hegel hanggang kina Marx at Lenin at iba't ibang sosyalismong eksperimento, liban na lamang kung disipulo kayo nina Fukuyama at doktrinang neoliberal ng IMF/World Bank/Pentagon sa kanilang di-birong patalastas na tapos na ang kasaysayan, at di-umano'y nasa paraiso na tayo ng megamall, "global shopping"`sa cyberspace at komunikasyong virtuwal, malaya ang lahat na bumili at ipagbili ang sarili. Bakit pa magsisikap o mangagarap?

            Ang Problema ng Komodipikasyon

    Ang istoriko materyalistikong pananaw ay maraming antas o palapag.
Sa antas ng pagsisiyasat dito, nakatuon tayo sa problema ng paglalangkap ng teorya at praktika, laluna ang pagtalos sa kung sinong grupo ang ahensiyang gagabay o  mangagasiwa sa takbo ng kasaysayan. Ano ang mga puwersang kasangkot, at saan tayo makagagawa ng interbensiyon?
   
    Ang pinakamalalim at pundamental na suliraning dulot ng pagpihit ng kasaysayan ay ito: ang krisis ng suheto/sabjek o sarili, saligan ng katwiran, katarungan at kaayusan, sa pagkabuwag ng normatibong Kristyanidad. Napalitang kagyat ang humaliling pangitain ng Katipunan at 1896 rebolusyon--ang mga prinsipyo ng burgesyang rebolusyong Pranses--ng Amerikanong ideolohiya: abstraktong karapatan (limitado sa kolonya), karapatan sa pagbibili ng lakas-paggawa at produkto nito, halimbawa, mga tula, pagganap sa entablado o pelikula, atbp. Higit diyan, panghihina ng tradisyonal na ugnayan (sa pamilya, nayon, samahan) sa bisa ng indibidwalismong nakakapit sa kompetisyon sa palengke. Nag-iba ang katotohanan dahil nag-iba ang realidad o saligan ng katotohanan.

    Mailalagom ang lahat ng ito sa malaganap na saplot/salot ng komodipikasyon na umiiral noon kaagapay ng piyudal na kaugalian. Tinuturol dito ang paghahari ng bilihin o palitan ng naipagbibili (commodity-exchange), pagkatapos gawing kalakal ang lahat para pagtubuan sa kolonyalistang orden, na siyang umuugit sa reipikasyong sumasaklaw sa lahat ng bagay. Kung ang sarili (budhi, rason) ay ilusyon lamang na pinagagalaw ng batas ng palitan-ng-komoditi at kapangyarihan ng palengke/pamilihan, paano na ang ideolohiya ng autonomya ng sining, ng artista o makatang may maling paniwala na ang guniguni/birtud-ng-kamalayan ay lumilikha ng orihinal na akda? Nabalewala na ang rasyonalidad ng umanistikong turo ng Kaliwanagan (Enlightenment) at Pagbabagong Buhay (Renaissance) sa Europa.

    Umiiral na ang utos ng imperyalisang kapital at salapi sa likod ng "Benevolent Assimilation" ni McKinley, at programang "Filipinization" ni Taft. Sa paghahari ng komodipikasyon sa lipunan, walang tunay na pagbabago--repetisyon o pag-uulit-ulit ng pormang nabibili, na tumatabing sa gamit-halaga (use-value). Walang orihinal na likha, pulos duplikasyong walang patid, imitasyon o paggagad ng simulakra.

    Gayun nga ang kinalabasan ng maraming tula ni Batute, na pagsasalisi ng talata, parirala, hulagway, na may magkamukhang tabas. Naging pabrika ng palasak na berso ang mga upisina ng Taliba (dalawang makina ang umaandar doon: "Buhay Maynila" at "Mga Lagot na Bagting ng Kudyapi), Liwayway, Ang Mithi, Bagong Lipang Kalabaw, at Sampagita. Naging negosyante ang makata, salamat sa modernong teknolohiya ng imprenta at distribusyon ng peryodiko't lingguhan, poyeto't libro. Naging pansumandaling libangan ang pagbabasa ng tula, o pakikinig sa balagtasan, kumpara sa walang patid na kainan, inuman, seks, sugal at iba pang aliwan. Mapanganib ang lagay ng manunulat na medyo nakaangat sa mga karaniwang trabahador sa imprenta. Minsan, sinuportahan si Batute ng pabliser sa isang sakdal ng Amerikanong guro; sa pangalawang kaso, tinanggal na siya nang hindi siya tumigil sa pagsulsol sa mga estudyante sa Manila North High School sa pagtutol sa panlalait ng mga Amerikano. Napag-alaman ba ito ni Batute at mga kapanahon? Ano ang kalutasan, kung mayroon, ang kanilang naisagawa?

    Sa paglapat ng hinuhang ipinahiwatig sa itaas, tatlong lunan ang sasalisikin na may diyalektikal na interaksyon: una, ang kapisanang kinabilangan ni Batute; pangalawa, ang obhetibong katayuan ni Batute sa nagtatagisang saray sa lipunan; at pangatlo, ang dinamikong transaksyon ng literatura at ang pananagutan ng organikong intelektuwal sa panahon ng pagpataw ng matinding Amerikanisasyon ng bayan. Kasali na rito ang punsiyon ng balagtasan at ethos ng pamamahayag, sampu ng impak nito sa estilo ni Batute.

    Ang masela't sentral na palaisipan ay hinggil sa ugnayan ng teorya at praktika, ng dama at kilos, malay at aksyon. Tanggaping radikal at makabayan ang saloobin ni Batute. Tanong natin ay kung paano naisakatawan iyon sa kanyang sulatin. Kung hindi, ano ang kakulangan o kabutihang masasaksihan sa kanyang pagtatangka? Anong aral ang mahuhugot sa krisis ng grupo ni Batute na maiuugnay sa pangangailangan ng kasalukuyang tunggalian? Batid ng lahat na pangmatagalang asikaso ito, kaya pasapyaw na sagot lamang ang maihahain dito, at sa susunod na ang mabusising elaborasyon ng mga tesis na naibungad dito.

            Kagipitan ng Pantayong Pananaw

    Talakayin muna natin ang katangian ng grupo ni Batute, pati na ang posisyon ng uring intelektuwal (kaagapay ng uring panlipunan) at pagkatapos ang nakapaligid na sitwasyon ng bansa bilang kolonya. Sisikaping iguhit ang burador na ito tungo sa pagsusuri sa mga puwersang humubog sa diwa't budhi ng makata; walang tangka ritong magdulot ng detalyadong analisis o explication du text ng mga tula.  Sa huling yugto ng prosesong ito masusulyapan natin ang kumplikadong problema ng likhang-sining sa kamay ni Batute. Nakasentro ito sa medyasyon ng sining  at ekonomya sa paraan ng ideolohiya, kung paano nadudulutan ng kongkreto't madaramang hugis anyo't ayos ang abstraktong ideya, paniniwala, haka-haka o prinsipyo sa ulirat. Paano nagkakaroon ng bisa ang tula sa madlang nakikinig o nagbabasa? Ano ang tagapamagitang banghay  ng imahen at talinghaga sa imahinasyon ng artista at lipunan?  Paano nagkakaroon ang sining ng kahulugan, katuturan at kabuluhan sa lipunan sa isang tiyak na yugto ng kasaysayang pandaigdigan?

    Tunghayan muna natin ang pangkat ng "Ilaw at Panitik." Ang kinagawiang pagbabalangkas ng karera ni Batute ay makikita sa ulat pangkasaysayan nina Julian Cruz Balmaseda at Teodoro Agoncilo, dalawa sa mga kilalalang istoryador ng panitikan. Kay Balmaseda, si Batute ay nakaluklok sa ikatlong panahon ng panulaan, kasama nina Lope K Santos, Patricio Mariano at iba pa, sumunod sa henerasyon nina Balagtas, Rizal, Regalado, Valeriano Hernandez at iba pa (1974, 90).  Tulad nina Santos, Regalado at Gatmaitan, si Batute ay "makata ng puso." Walang tiyak na kaibahan ang paksain at pamamaraan ni Batute, o nakaligtaang tugaygayan ito dahil ang inatupag hanapin ni Balmaseda (na gumagaya sa huwaran nina Rizal, Epifanio de los Santos at Lope K. Santos) ay mga permanenteng kataingan ng tulang Tagalog. Samakatwid, ang pinakabuod na sangkap at salik ng tula ang nais niyang maitala sa isang sistematikong arte poetica, alinsunod sa mga klasikong iskema nina Aristotle, Horace, Dante, Sidney, at iba pang sinusuob na paham.
   
    Lumalabas sa pag-aaral ni Balmaseda na bukod sa ilang kaabalahan--sa papel na ginanap ng simbahan, ng sensura, ng iba't ibang lugar sa paggamit ng tula (sa tanghalan, kapistahan at mga pagdiriwang) ay ito: ang tulang Tagalog ay ispiritung bumabagtas sa samotsaring pagkakataon ng walang gaanong metamorposis o transpormasyon. Ang diwa ni Balagtas ay hango sa mga naunang manlilikha at ipinamamana sa mga susunod na lipi. Parang aksidente lamang ang pagkabanggit ni Balmaseda sa importanteng institusyon ng balagtasan na "isa sa mga buko ng panahong lumikha ng kanyang matatamis na sandali sa panahong kasalukuyan, bagaman ang maalimpuyong silakbo ng nasabing 'balagtasan' ay tila mamamatay nang walang kapahepahesus, gaya ng paghihingalo ng ating kahina-hinayang na dulaan" (1974,90).  Di kaila na ang nakakubling intensiyon ni Balmaseda, na tila nahiyang ibunyag ay pagbubukod-bukod sa mga makata sa tradisyonal ng mga panahon ng ginto, pilak at tanso--isang arketipikal na pagtatasa sa yugto ng kasaysayan sa kabihasnang napulot sa Europa na sinala't sinalok mula sa sangkaterbang sermon, pasyon, at mga ulirang modelo ng mga prayle.

    Sa panlasa naman ni Agoncillo, si Batute ay walang atubiling kasama nina Gener, Panganiban, Hernandez, Rosario, at iba pa sa kapisanang Ilaw at Panitik. Kumpara sa Aklatang Bayan, ang sagisag ng pangkat ay may hiwatig ng katungkulan ng makatang maghatid ng kamulatan sa madla. Kumpara sa sumunod na grupo, ang sumunod na Panitikan nina Alejandro Abadilla at Clodualdo del Mundo, ang pangkat ni Batute ay katangi-tangi sapagkat ang panulaan ay "nabihisan ng maririkit na hiyas na nagpaningning sa katutubong kayaman ng wika." Gaanong higit na karikit kaysa nasulat nina Santos, Regalado, Gatmaitan at Ramos? Hindi dinalirot ito o tiniyak sa kumparatibong paglalarawan.

    Dagdag pa ni Agoncillo na ang mga tula nila ay kakikitaan ng ganitong pangkalahatang karakteristiko: "ang pagkakaroon ng malawak na guniguni,... ang paggamit ng iba't ibang sukat sa mga taludtod ng isang tula,.. ang pamamalasak ng mga tulang nauukol sa pag-ibig,...ang pagiging labis na sentimental ng mga tula, ang pagiging uso ng mga tulang lantarang nangangaral na lalong inilalantad sa pagkakabit ng mga salitang "Diwa," "Aral," at "Buod" sa dakong katapusan ng tula; at karamihan ay nasisiyahan na sa mga pangungusap na de cajon (1970, 238-239). Sa malas, ang dalawang huling katangian lamang ang maikakabit sa estilo ng grupong ito sapagkat ang iba'y matutuklasan din sa mga tula ng naunang pangkat.  Halimbawa, sina Gatmaitan at Ramos ay kinilalang mapangahas sa pagpasok ng iba't ibang uri ng sukat at tugma, na itinuro na ni Balmaseda at maiging pinatunayan ni Lumbera (1987, 81-86) at ni Delfin Tolentino Jr. (1998).

    Tulad ni Balmaseda, binanggit ni Agoncillo ang balagtasan ngunit hindi siniyasat kung ano ang impluwensiya nito sa anyo, hugis, retorika, hulagway at iba pang bisang pedagohikal ng tula. Kung ang pangkat ng "Ilaw at Panitik" ang siyang nagpasinaya't nagpayaman sa balagtasan, ano ang kontribusyon nito sa istruktura at tekstura ng tula? Lalaktawin ko ang sagot sa tanong na ito, na dapat imbestigahin. Ang institusyon ng "balagtasan," sa taya ko, ang siyang naging pagkakataon at paraan upang maipagpatuloy ng mga makabayang intelektuwal na maipaabot ang simulain ng Katipunan, na bumuhay sa pakikibaka mula sa himagsikan ng 1896 hanggang sa pagsupil sa Republika ni Sakay noong 1907, at sa mutasyon nito sa mesayanikong insureksiyon noong dekada 1920-1940.

    Bagamat di nakatambad ang simulaing mapagpalaya sa kumbensiyonal na ritwal at pormulistikong ayos ng balagtasan, mababanaagan doon sa likod ng tema ng timpalak ang udyok ng nasyonalismo, laluna sa paggamit ng bernakular at wani ng komunidad. Wala sa partikular na tayutay, tugma o salita ang subersibong hibo kundi kasanib sa pagtangkilik at pagtataguyod ng asal at gawing popular, na nakaugat pa sa ritwal ng duplo, korido, alamat at parodya ng mga Propagandista. Haluan ang bukal ng balagtasan: mula sa nakaugaliang aliwan sa mga nayon hanggang sa pasyon, sa korido ni Balagtas at palabirong diskurso ng mga Propagandista, na ikinawing sa pamproblematikong taktika at didaktikong estratehiya ng Banaag at Sikat, Pinaglahuan, atbp. Layon ng sining ay mobilisasyon ng kolektibong kaluluwa ng bayang nilulupig noon.

Parametro ng Pagbabalikwas

     Gunitain na ipinagbawal ang hayag na pagtataguyod ng rebolusyonaryong damdamin at adhikain sa pagpapairal ng Sedition Law ng 1901, Ley de Bandolerismo ng 1902, at Reconcentration Act noong 1903. Nasugpo ang mga dula nina Juan Abad, Aurelio Tolentino, Tomas Remigio at Juan Matapang Cruz.  Mapanganib ang dalawang dekada (1900-1920) na kinasaksihan ng patuloy na gerilyang paglusob nina Heneral Luciano San Miguel, Faustino Guillermo, Sakay, at Ricarte.  Sa Bikol, sumiklab ang pagbabalikwas nina Simeon Ola at Lazaro Toledo. Patuloy rin ang rebelyon ng mga relihiyosong pangkat tulad ng kilusan ni Ruperto Rios sa Tayabas, ni Felipe Salvador sa Bulacan at Pampanga, at ni Papa Isio (Dionisio Magbuelas) sa Negros. Di dapat kaligtaan ang Pulajanes sa Leyte noong 1902-1907), ang "Dios-dios" sa Samar, at ang mga Kolorum at Tangulan na sumukdol sa pag-aalsa sa Tayug, Pangasinan, noong 1931, isang taon bago pumanaw si Batute (Constantino 1975).

    Naging isang katalyst ang balagtasan sa henerasyon ni Batute (kasama sina Florentino Collantes, Amado V. Hernandez, Emilio Mar Antonio, atbp..  Gumana iyon di lamang sa pagsustento sa komunikasyon ng makata sa sambayanan kundi pagsala't pagdalisay sa mapanlikha't mapagmalasakit na damdamin at kaisipan na nakabalot sa kolektibong gawaing pamproduksiyon. Ang mga nakatutuwa't mapagpaligayang aktibidad ay mahigpit na katulong sa reproduksiyon ng lakas-paggawa, ng pamilya at relasyong panlipunan. Tumutumbok na tayo sa kritikal na katayuan ng intelektuwal tulad ni Batute sa panahong lumaki siya't nagkamuwang, taglay ang kamalayang may hinahangad higit sa personal na kapakanan.

    Sumiklab ang himagsikan ng taong isinilang si Batute noong 22 Nobyembre 1896. Sa mga paaralang kanyang pinasukan--Liceo de Manila (Bachiller en Artes, 1916) at Academia de Leyes (Bachiller en Leyes, 1920), maitatakdang nasa uring mariwasa kaya matiwasay ang pamilya niya. Ang pagkahirang sa kanyang amang mediko bilang Direktor ng Kawanihan ng Sanidad ay isang palatandaan na nakaaangat ang katayuan nila, bukod sa malapit sa Amerikanong administraor.  Nakuhang ipasok siya sa tanyag na institusyong naghahanda ng mga kabataan para sa tungkulin sa gobyerno. Ngunit hindi na kumuha ng eksamen upang magpraktis--kumpisal ni Batute na nahilig siya sa pagsulat at naging empleyado ng Taliba noong 1918, at pagkatapos sa Pagkakaisa at Sampagita. Bukod sa pag-aaral ng abogasya, kumuha rin siya ng pag-awit kay Enrico Renieri, Italyanong direktor ng Opera Italyana, at nag-aral ng dibuho sa Bellas Artes ng Unibersidad ng Pilipinas (De Jesus, 1979, xvii). Testigo iyon sa saklaw ng kanyang potensiyalidad at pangarap.
   
    Di pa nakahuhulagpos ang panitikan sa talukbong ng sining ng awitang pangkomunidad at pananalumpati. Ang pagkahilig ni Batute sa pagganap ng papel sa balagtasan, kaakibat ng kanyang paniniwala na may kakayahan din siya sa pag-awit at pagganap ng papel sa pelikula at politika (makalawang tumakbo siya sa halalan sa San Miguel, Bulacan), kaugnay ng pagsasanay niya sa publikong arena. Wari ni Batute na lagi siyang nagtatalumpati, nagdedebate (debateng patula ang duplo), kinakalkula ang bisa ng kanyang tinig sa tugon ng nakikinig (tingnan ang testigo ng kaibigang Teo Gener (Gener 1958, 84). Nais kong idiin dito na resiprokal ang ugnayan ng bibig at tainga: ang midya minsan ay siya na ring mensahe (naipanukala ni Marshall McLuhan [nilagom at sinuri ni Finkelstein 1968]).

    Ang paglilitis sa hukuman ay isang tipo ng agon (katagang Griyego, kahulugan: paligsahan, na hango sa klasikong drama kung saan ang koro ay nahahati sa dalawa upang suhayan ang dalawang nagtatalong aktor. Bukod sa ritwal sa hukuman, masasaksihan ito sa sinaunang dulang bayan na may diwang mapandigma (Medina 1972, 23-25), itinatampok ang kunwaring away, alitan o larong paligsahan; at laluna sa duplo, ang padron ng balagtasan. Bukod sa biro, tudyo, bugtong, at dasal sa paggunita sa namatay, naipasok rin sa duplo ang samotsaring salik tulad ng kasabihan, salawikain, palaisipan, at paglilitis: "Kung ang layon sa karagatan ay pagsubok sa talino at tatag ng kalooban ng isang manliligaw, dito'y nililitis kung ang binintangan ay tunay na walang pagkakasala" (Abueg 1973, 21). Tiyak na nakawiwili ang duplong-naging-balagtasan sa estudyanteng inihanda ang diwa't katawan sa abogasya; sa halip na hukuman, tangahalan sa pagdiriwang ang pook ng kanyang pagpapatunay sa kanyang dunong at kasanayan sa pangangatwiran, sa paghimok at paghikayat sa madla upang mag-isip at kumilos sa isang tiyak na direksiyon.

Interpelasyon ng Kaakuhan Sa Bibig at Mata

    Sa balagtasan natamo ni Batute ang pagnanais sa publikong pagpapakita ng kanyang galin bilang makata/mananalumpati. Pumalit ang okasyon ng balagtasan sa mga dulang sinensor. Batay sa makabagong teorya ng estetika ng pagtanggap (reception aesthetics), sinikap ni Galileo Zafra na kilatisin ang balagtasan bilang matalisik at maiging anyo ng panitikang-bayan na mabisang nakapaghatid ng nasyonalistikong programa. Sa pagdalumat ni Zafra sa pangkulturang kahulugan ng balagtasan batay sa analisis ng inilathalang teksto nina Julian Balmaseda, Benigno Ramos at Inigo Ed. Regalado (pansinin na kabilang sila sa Aklatang Bayang nagkamulat sa panahon ng Digmaang Filipino-Amerikano), lumitaw na "ang isip at budhi ay umiral sa konteksto ng pagtuligsa sa pananakop at pagtuklas sa paglaya" (2006, 279). Sa gayon, isipan at budhi ang kasangkot, bukod sa "aktibo ang bayan sa pagpapairal ng katwiran" sa kompetisyong naidaos sa magasing Sampagita noong 1926.

    Kakatwa na sa timpalak na inilunsad ng Sampagita, ginamit ang nailathalang balagtasan, hindi pinakinggan. Samakatwid, nanaig ang nakalimbag na salita, lumayo na sa daidig ng mito at alamat. Ang karanasan ng pagbasa ay tiwalag sa karanasan ng pagpasok ng salita sa kaluluwa. Idiniin ni Walter Ong ang "interiorizing economy of sound as perceived by human beings" kumpara sa binasang titik: "The centering action of sound..affects man's sense of the cosmos. For oral cultures, the cosmos is an ongoing event with man as its center. Man is the umbilicus mundi, the navel of the world" (1982, 73). Sa pagwawagi ng kulturang limbag, namayani rin ang rehimen ng pamilihan, pagpapalitan ng halaga anuman iyon (pagkain, damit, katawan ng puta, hikaw, bahay, titulo, atbp). Naglaho ang mito ng banal na kaluluwa/budhi, sumalisi ang masahol na alyenasyong nagpaurong sa makata mula sa lubusang pakikisanib sa proletaryadong masa upang bumalik sa kinaugaliang mundo ng walang pag-asang pag-ibig, idealismong may bahid ng relihiyon, panaginip at pangarap na buhay lamang kung may panunudyo, pagbibiro, pang-uuyam. Totoong bumalik sa pusod ng madla ang makata, ngunit ang pagkakabuklod na ito ay bahagi ng malaking Ispektakulo (Debord 1977), karnabal ng mata, tainga, ilong, dila, na puso ng patubuan ng monopolyo kapital. Kabalintunaan at ironikal ang kinahinatnan. Hindi rin nakatakas sa lambat ng imperyalistang proyektong isudlong ang lohika ng malayang pagpapalitan/bilihan (paglalako ng bawat mapapakinabangang lakas ng mamamayan; exchangeable labor power) sa piyudal na kaayusan at super-istrukturang oskurantistiko.

    Mahalaga't mapagpahiwatig ang pag-aaral ni Zafra sa mga diskurso ng pagtatalong iyon, na patunay na hindi lamang pag-ibig ang paksa ng mga mambabalagtas. Ngunit hindi sapat ang isa lamang halimbawa sa pagpapatibay ng ipotesis niya; kailangan ang malawig at maingat na usisang empirikal-sosyolohikal. Sa palagay ko, bagamat primaryang eksibit ang teksto, kailangan ang pragmatikong demonstrasyon ng interaksyon ng makata at awdiyens sa pamamagitan ng potograpo o maraming salaysay ng nangyari sa bawat okasyon na siguradong makapagdagdag ng ibang katibayan sa naitampok na ebidensiyang tekstuwal. 

    Ang nakaligtaan ng mga iskolar ng balagtasan, buhat pa sa mga obserbasyon nina Balmaseda, Gener, Collantes, atbp., ay ang malaking epekto ng pagpasok ng limbag na panitikan, ang babasahin, ang gayuma ng nilathalang tula, nobela, dagli, kuwento at kathang anekdota/balita sa pahayagan. Bagamat hindi nakasugpo sa aliwang kuha sa entablado ng orador at tanghalan ng zarzuela, bodabil at pelikula, ang paglaho ng tula pasalita/pambigkas at paghalili ng binabasang katha ay tagumpay ng komodipikasyon. Isipin na lamang kung ilang milyong graduweyt sa edukasyong pangmasa ng kolonya ang bubuo ng bagong awdiyens ng mga sumusulat sa diyaryo, lingguhan at iba pang lathalain. Tagumpay ito ng kultura ng indibidwalismong hiwalay sa madla, indibdwalismong unti-unting naaawat sa pagsuso sa "bibig" ng orador ng partido, ng sermon sa simbahan, ng inimbitang taga-aliw, taliba o tribuno sa pagpupulong o pagdiriwang pambayan.

    Ang paglipat sa kulturang Gutenberg mula sa kulturang pasalita't pakinig ay hudyat ng pagwawagi ng sistema ng replikasyon ng porma, pag-uulit-ulit ng anyo tiwalag sa kalamnan, na siyang dinamikong makinarya ng karanasan ng kumplikadong pakikipagsapalaran sa materyalistikong kabuhayan.

    Sa ganitong pagbabago, maitanong natin: paano nailigtas ni Batute ang kalamnan ng minanang karanasan, ang dinamikong potensiyal na nakulong sa inulit-ulit na parirala/taludtod, tulad ng makikita sa pag-uulit ng motifs ng kamatayan, pagsusumamo ng damay sa palasintahang padron? Umiral ang estilong ito mula sa unang tulang "Pangungulila" hanggang popular na piyesang "Pag-ibig," "Hindi Man Lamang Nakita," "Kahit Saan," "Pamana,"  "Ang Huli Kong Alaala," "Poor Butterfly," at marahil 80% ng 4,800  tulang lumbas sa Taliba at sa iba pang lathalain. Lumawig ito sapagkat ito ang kinagiliwan at kinawilihan, laging hinihiling at inaasahan ng masa.

    Ang pagsasalisi ng parirala, imahen tulad ng "puting panyo," luha, bituin, mga penomena sa kalikasan na salamin ng damdamin, at pagbalasa sa mga ito, ay nasubok na mabisang metodolohiya ng kulturang pasalita/pakinig. Ang kulturang ito ay nakagayak at gumaganyak patungo sa romantikong ideyal ng sining bilang musika ng Logos. Narito ang metapisika ng romantisisimo ni Batute at mga kapanalig.  Sa kabila nito, maimumungkahi na sintomas din ito na nasaid na ang bukal ng orihinalidad, at nagkasya na lamang ihele ang madla sa malamyos na salimbay ng tinig hiwalay sa isip o budhi, sa katwiran at bisyong etikal-politikal. Sa malas, oo nga, ngunit sa muling sipat, makikitang resiprokal o diyalektikal ang ugnayan ng magkasalungat na panig (pagbasa, pakikinig) sa kasaysayan, at dapat isaalang-alang ito upang di masadlak sa kaliwa't kanang oportunismo.


Pinagbuhatan  ng Organikong Intelektuwal

      Ang minanang papel na ginagampanan ng intelektuwal sa Pilipinas ay nakaugat sa paghahari ng Simbahang Katoliko noong panahon ng kolonyalismong Espanol.  Ang mga paring bumuo ng mga diksiyonaryo at pasyon (mula kay Gaspar Aquino de Belen) hanggang sa mga ladino (Fernando Bagongbanta, Tomas Pinpin) at Francisco Baltazar ay pawang kontrolado ng sensura (gobyerno, mga frayle). Sina Baltazar at Jose de la Cruz ay tila nakaiwas dahil sa patronaheng indibidwal o komersiyal. Sila'y tinaguriang tradisyonal na intelektuwal, alinsunod sa klasipikasyon ni Antonio Gramsci (1971). Salungat o lihis sa kanila, ang organikong intelektuwal ng taumbayan tulad nina Del Pilar, Jacinto at Bonifacio ay nakaugat sa mga pesante, magbubukid, o manggagawa, sanhi sa piyudal at teokratikang kaayusan ng ekonomiyang pampolitika.

    Malapit o halos kaagapay ang ilang ilustrado tulad nina Rizal, Juan Luna at Antonio Luna, Apolinario Mabini, Isabelo de los Reyes, na malapit din sa inaapi't pinagsasamantalahang masa. Taliba at kinatawan sila ng nakararaming dinuhagi't inalipusta ng kapanyarihan ng Simbahan at burokrasyang Espanyol. Nang dumating at magtagumpay ang imperyalistang Amerikano, napailalim sila ng administrasyong Amerikano (bilang mga mababang kawani, guro, sundalo) at sa lumagong institusyon ng peryodismo, paaralan, atbp. Upang maakit ang dating partisano ng rebolusyon, pinayagan ang limitadong paglalathala ng peryodiko, lingguhan at iba pang babasahin upang masilo ang simpatiya ng mga edukadong hanay sa programa ng Amerikanisasyong idinaan sa maraming paraan, una na ang libreng edukasyon ng kabataan; pangalawa, ang sapilitang paggamit ng wikang Ingles; at pangatlo, ang pagbukas ng pwesto sa kawanihan ng pulis, sandatahang hukbo at mababang puwesto sa mga iba't ibang kawanihan. Ang pinakamapanuksong istratehiya ay inuulit na pangakong dudulutan tayo ng ganap na kasarinlan sa hinaharap--ang biglang himalang pagbaba ng Anghel ng Huling Paghuhukom!

    Kung nagpatuloy si Batute sa abogasya, marahil ang mga kliyente niya ay mga mayayamang mestizo at mariwasang angkan. Sa kalaunan, ang kanyang pag-iisip, damdamin, hilig at pangarap ay mabibilanggo sa sirkulo ng petiburgesya o piyudal na paniwala, panindigan at ugali. Lubhang malalayo siya sa karaniwang mamamayan--mga nagbabatak ng butong trabahador sa palengke, mga manggagawa sa pabrika at daungan, magsasaka sa mga plantasyon ng tubo, tabako, abaka, at iba pang hilaw na materyales na pinagbubuhatan ng di-matingkalang tubo. Sa pagpasiya niyang mamalaging kolumnista sa peryodiko, naging malapit siya sa ordinaryong tao--sa masang walang kapangyarihan, laging binubusabos, biktima ng pamahiin at katusuhan ng mapag-imbot na dayuhan kasabwat ang malupit na panginoong maylupa.

    Salig at hawa sa gawaing pamamahayag, ang mga tudling patula ni Batute ay lumalahok sa mga maapoy na usapin, pangunahin na ang isyu ng independensiya. Marubdob din ang pagdemanda niya ng katarungan para sa trabahador sa pabrika at sakahan, ang masahol na kawalan ng lupa o pagkakakitaan, pag-aabuso ng mga uring may pribilehiyo, at kasalatang pangkabuhayan ng nakararami. Sa ganitong pagbuno sa suliranin ng balana, pati na sa kanilang natatanging paraan ng paglalarawan o idyoma ng pagsisiwalat ng kalooban, natuto si Batute na mabilisang humubog ng tulang madaling maiintindihan ng madla at makaaantig sa damdamin, bagamat kinulapulan iyon ng magulo't malumot na haka-haka, hinagap, rahuyo at de-kahong palamuti. Tulad ng mga kilusang milenarya--ang Kolorum, Tanggulan, kulto nina Pedro Kabola, Apo Ipe, Papa Isio, atbp--ang sentido komun na masisinag sa mga panitikang pambayan ay kargado pa rin ng pananampalatayang pyudal at oskurantistiko, sampu ng pantastikong utopya, mirakulong Dangal ng Lahi, at mitolohiya ng maluwalhating katubusan. Maaring mangibabaw ito upang suportahan ang isang populistang liderato o pasistang partido. At maari ding maibaling sa isang progresibo bagamat repormistang direksiyon. Ang mabigat na layunin ay kung paano maipapanday ang malabo, sabog o haluhalong tendensiyang ito upang maging mabuting kagamitan o sandata sa rebolusyonaryong transpormasyon ng lipunan at buhay ng karaniwang tao.

    Iyon ang matinik na hamon sa mga organikong intelektuwal ng gumigising na masa tulad ni Batute. Paano pag-iibayuhin ang masiglang mobilisasyon ng masa sa bisa ng pamamahayag, partikular sa bisa ng panulang tudling sa pang-araw-araw? Natural, hindi ito sumiksik sa ganitong anyo sa utak ni Batute. Subalit maitatanong kung ano ang layon ng kanyang pagsusulat? Iyon ba upang kumita ng salapi, umakit na maraming taga-hanga, o maging tuntungan upang makamit ang mas mataas na ambisyon?  Sa anu't anuman, ang organikong intelektwal na kasangkot sa peryodismo, tulad nina Lope K Santos, Faustino Aguilar, Amado V. Hernandez at iba pa, ay natulak sa paggamit ng kanilang dunong, kahusayan sa pagsulat, at katalasan ng pagsusuri sa pagtarok ng mga nangyayari sa kabuhayan. Sinikap nilang makatulong sa kolektibong mithiing noo'y bumubulas sa pagbuo ng mga unyon, sa organisasyon ng aklasan, at iba pang hakbanging makamumulat sa nakararami upang makisangkot sa makatuturang pagbabago ng kanilang lipunan at kabuhayan. Ang kalayaan at kasarinlan, na kanilang ipinapakita sa kanilang salita sa pahayagan at balitaktakan, ay siyang adhikaing naisasakatuparan sa kanilang pakikilahok sa publikong pagsasanay ng kanilang karapatan at mapagmalay na pagkatao.

Masaklap na Kadluan ng Aliw

    Pansamantalang ilagom natin ang naitalakay sa itaas.  Una, ang pangkat ni Batute ay sumupling sa isang takdang yugto ng kasaysayan kung saan ang paraan ng tradisyonal na pagpapahayag ay napalitan ng makabagong gawi sa ilalim ng mapanlinlang na pamamahala ng kapitalismong kapangyarihan. Nakibagay sila. Kaunting nakaungos mula sa dominasyon ng Simbahan at piyudal na ugali, natuto at nasanay sila sa idyoma at pangitain ng Katipunan at ng mga Propagandista (laging ipinagbubunyi ni Batute sina Rizal, Plaridel, Luna atbp). Ipinagbunyi nila ang kabayanihan nina Sakay at alagad ng maraming pagbabalikwas noong dekada 1910 hanggang Komonwelt ng 1935. Gayunpaman, sinunggaban nila ang sumulpot na mga pagkakataong magamit ang katutubong wika upang manatiling kapiling ng sambayanang kadluan ng kanilang talino, guniguni, budhi at damdamin.

    Ang uring pinagmulan ni Batute ay nagtamasa ng unang pagluluwag sa pagpasok sa burokrasya at sa pamamahayag. Iniwan ni Batute ang abogasya upang ibuhos ang lakas sa pamamahayag, kaalinsabay ng pakikisangkot sa institusyon ng balagtasan noong magsimula iyon noong 1924. Sa ganitong ebolusyon ng kanyang okupasyon, siya ay naging organikong intelektuwal ng masa (mahal din siya ng mga migranteng Filipino sa Hawaii). Naisatinig niya ang mga kontradiksiyong gumigiyagis sa kamalayan ng masa, at nabigyan niya ng kongkretong katawan at mukha ang masalimuot na katayuan nito.  Pansumandaling nalutas ang hidwaan ang pangungulila at pakikipagkapwa-tao. Ang katanungang bumugso sa bukana ng paglilingkod ni Batute ay maipapahiwatig sa ganitong tanong: anong uri ng mediyasyon o metodo ng pagbubuklod ng loob at labas ang masasaksihan sa kanyang mga katha? Saan kinuha ang materyales sa pagbuo ng natatanging hugis, kulay, himig o estilo ng panulaan ni Batute?  Iyon ba ang nakatulong sa pagmumulat sa madla o nakapagdulot lamang ng pansamantalang aliw? Ano ang masasabing pangmatagalang impak ng "romantikong" kaakuhang bukambibig ni Batute?

        Sa isang masinop na pagsipat sa itineraryo ng panulaang Tagalog, nirepaso ni Efren Abueg ang dahilan ng mapinsalang romantisismong kumitil sa pagsulong ng pagbabagong inilunsad ng 1896 rebolusyon. Nang binusalan ng Batas ng Sedisyon ang mga patriyotang mandudulang natukoy na natin, dumagsa ang literaturang Kanluranin, laluna ang mga akda nina Wordsworth, Byron, Shelley at Keats (isama na sina Longfellow, Edgar Allan Poe, Washington Irving na pinabasa sa haiskul at kolehiyo). Lumaganap sa paaralan, tahanan, aklatan, at bumungad din sa publikong lunan (public sphere), puwang ng pagpapalitang-kuro tiwalag sa gobyerno't negosyo, tulad nga ng balagtasan, pribadong asosasyong pampropesyonal, pagpupulong sa mga nayon sa panahon ng pista, lamayan, koronasyon, at iba pang pagdiriwang.

    Narito ang pagtatasa ni Abueg sa nakapipinsalang epekto ng Amerikanisasyon: "Sa unang labing-anim na taon ng pananakop ng mga Amerikano, ang mga makatang tulad nina Patricio Mariano, Lope K. Santos, Francisco Laxamana at Pedro at Carlos Gatmaitan ay hindi na nakapagpatuloy sa pagpapaalab sa diwa ng kilusang nasyonalismo...Bagama't sa ilang pagkakataon ay ipinaghimutok nila ang pagkakahadlang sa pagsasarili ng Pilipinas....ang karamihan sa kanilang pinaksa ay ukol sa buhay at pag-ibig, na buong lambing at indayog na inawit nila sa kanilang mga taludturan. Humantong ito sa pagkalikha ng ilusyon sa isip ng taumbayan na patungo sa pangakong 'kalayaan ang Pilipinas' " (1973, 30-31). Pagkuta ito sa sobrang pagkahumaling ng manunulat sa melodramatikong manerismong nanaig noon sa kadahilanang naturol: krisis ng pagkatao sa pagitan ng dalawang tipo ng kolonisasyon. Tulad ng mga kasapi sa partido Nacionalista at Democrata, nakagayuma sa kanila ang mga pangako ng kolonyalismo (mula kay Taft hanggang kay Wilson) na gagantimpalaan ng kasarinlan ang nasakop, at tuloy nabulid sa "eskapismo."

          Marahas ba o karapat-dapat ang paghuhukom ni Abueg? Naidugtong pa niya na namayani ang mga "makata ng puso," na siya ring "makata ng buhay," hanggang 1935 nang magrebelde ang mga kabataang hinimok ni Alejandro Abadilla. Bagamat bumatikos at sumuri sina Batute, Hernandez (na tiyak na batid ang mapangahas na paglihis nina Benigno Ramos at Pedro Gatmaitan, ang huli sa mga tulang "Sa Tiyan ng Panahon" at "Pinaglahuan") sa mga pangyayaring nagaganap sa kanilang kapaligiran, hindi nila naiwasang makatulong sa pagkondisyon sa "kaisipang-Pilipino na tanggapin ang 'kapalaran' ng buhay, na mapagtitiisan naman sapagkat may aliwang tulad ng mga tulang punong-puno ng romansa, gayundin ng namalasak na balagtasan magmula ng 1923" (1973, 31). Pati "balagtasan" ay naging kolaboreytor sa pagtatalikod sa dakilang simulain ng rebolusyon.  Subalit hindi rin nakaigpaw si Abueg sa pagturing ni Agoncillo na nadungisan at napahamak ang sining dahil sa labis na sentimentalismo at didaktisismo.

            Halimbawang Nabuwang?

    Kahit sa matimping pagkilatis ni Abueg, kondenado rin si Batute, maliban sa tulang "Isang Punongkahoy" na, ayon kay Pedro Ricarte, ay malalim na pagsusuri sa "kung ano ang buhay, ukol sa kung ano ang eksistensiya."  Subalit  dapat igiit na buhay at eksistensiya ay hindi singkahulugan, sa anumang pamantayan.  Karapat-dapat nang pag-ukulan ngayon ng maiging pag-uusisa ang singularidad ng panulaan ni Batute na tila nag-tulak kay Virgilio Almario na humabi ng isang "ontolohikong pagbasa" sa kanyang mapaghawang libro, Ang Makata sa Panahon ng Makina. Dito na rin masasagot ang tanong kung anong  kosmolohiya o pananaw-sa-daigdig (ideolohiya, sa payak na etiketa) ang nag-ugnay sa kamalayan ng makata at ng lipunan? Paano nayari ang sintesis ng karanasan at haraya, damdamin at ideya, ang mapanlikhang guniguni ng makata at makasalanang kalikasan--mga magkasalungat na elementong hulog ng Hudeo-Kristyanong kabihasnan. Sa isang salita, anong uri ng romantisismo--kung totoo nga--ang matatagpuan sa sining ni Batute?

     Bukod sa "Ang Pagbabalik," "Ang Manok Kong Bulik," "Barong Tagalog," "Ang Bato,"  “Kahit Saan,” “Bituin at Panganorin” at "Pamana,"  ang tulang "Isang Punong Kahoy" ang pinakapopular na tula ni Batute na lumabas noong Abril 15, 1932, ilang linggo bago siya pumanaw.  (Almario 2006, 267). Sa unang malas, isang malumbay na dalit o elehiya sa sarili ang namumutawi sa bibig ng nangungusap, ang punong-kahoy, ang persona ng makata. Pinaksa ang maikling buhay at pagkamatay ng punong-kahoy. Ngunit sa muling pagtitig, may pailalim na tinig na magkahalong ngitngit at galit. Masasalat din na magulo't walang lohika ang pagkakabit-kabit ng hulagway. Halimbawa, sa unang saknong, "nakadipa" ang persona, tapos nakaluhod, tapos yumayapos sa paa ng Diyos. Isa pa: "Kahoy na nabuwal sa pagkakahiga"?  Sa ika-anim na saknong masisipat ang dahilan ng tadhanang inilalarawan: "natuyo, namatay sa sariling aliw/Naging kurus ako ng pagsuyong laing." Kaipala'y pagsuyong lanta o kupas ang ibinurol sa tula.  Ito kaya ay alusyon sa paglabag ni Batute sa lipunan nang iwan niya ang asawa't anak at tumakas sa Hong Kong, noong Marso 1926, kapiling ng kaulayaw na si "Bituin" ? Dito, ang "buwan" ay "tila nagdarasal,/ako'y binabati ng ngiting malamlam."

    Lumalabas na ang tunay na paksa ay hindi ang paglipas ng panahon, ang pagtanda't panghihina ng isang halaman. Ang talagang tema ay ang pagbabaligtad ng kapalaran, ang tila di makatwiran o makatarungang nangyari. Bakit nagkaganito, tanong ng punong-kahoy. May rason ba sa tadhanang ipinataw ng lipunan?  Kinasangkapan ng kabihasnan (korona, kurus) ang kalikasan (sanga, dahon)--palasak na romantikong daing at pagtutol. Madaling putulin ang pagninilay na ito sa hatol ni Almario, na ang tula ay tungkol sa "malagim na pangitain ng pagiging inutil at kawalang-katuturan ng buhay," ngunit di ito makababawi sa "kawalan ng tumpak na pananaw o punto de vista ng makata? (1972, 35, 40).

    Isang intermisyong pangkasaysayan muna.  Sa kasaysayan ng romantisismo sa Europa (1790-1830), ang pangunahing pagsisikap ng makata ay pagsasanib ng saloobing bisyon/wani at karanasan sa daigdig sa pamamagitan ng isang mapanlikhang lakas (imahinasyon, hibong ispiritwal). Ang rekonsilyasyon ng loob at labas, ng diwa at kalikasan, ay makakamit sa operasyong sintetika o mapagbuo ng guniguni. Nagbubunga ito ng isang sensibilidad kaakibat ng buhay na nag-uugnay sa tao at kalikasan sa harap ng isang diyos o puwersang transendental. Litaw na malaki ang impluwensiya ng Kristyanidad, ngunit sa daloy ng sekularisasyon sa panahon ng Rebolusyong Industrial, ang romantikong moda ay rebelyon laban sa awtoridad, dogmatismo, at pagsupil sa katawan at seksuwal/sensuwal na kakanyahan ng indibidwal. Damdamin, intuisyon, panaginip--ito'y nasugpo ng rasong institusyonal, kayat naging manhid o patay ang kalikasan. Upang buhayin ang daigdig, kailangang matuklasan muli ng bawat tao ang bukal na mapanlikhang pandama na siyang magkasasal  sa mga bagay sa kalikasan at mapanlikhang guniguning humihinga sa kaluluwa ng bawat nilikha (Frye 1968). Ang simbolo ang siyang integral at matakatuturang pagtatalik ng mga kontradiksiyon o hidwaan sa buhay.  Hangarin nito ang isang mapagbuklod o mapagtalik na bisyong naikatawan sa simbolo o sagisag na magtutubos sa "the weary weight of all this unintelligible world" (Wordsworth).

Dikskriminasyon ng Simbolo at Alegorya

       Sa lantay na romantikong ulirat, ang Logos, Salita, o mapanlikhang imahinasyon ang kalutasan sa lahat ng problema sa buhay. Ito ba ang pinaksa ni Batute sa "Isang Punong Kahoy"? Sa lahat ng mga tulang gumagamit ng imaheng hango sa kalikasan--hangin, baging, bato, rosas, damo, ulan, ulap, uwak--o sa buhay sa lungsod, liban na ang mga tulang pasalaysay at realistiko, nangingibabaw ang tendensiyang isudlong ang mga bagay sa isang konsepto o ideya. Resulta nito ay estilong alegorikal, isang metodong magkaagapay ang abstraktong kaisipan at nadaramang larawan o tauhan.

    Mga tanyag na halimbawa ng tipong alegorikal ang The Faerie Queen ni Spenser, Pilgrim's Progress ni Bunyan, 1984 ni Orwell, at ang tulang pasalaysay ni Batute, "Sa Dakong Silangan." Nakasalig ito sa matandang ermenyutikong diskurso sa pagpapakahulugan sa Bibliya, isang antas sa pagkaunawa sa Logos ng Lumikha. Sa pilosopiya ni Coleridge at mga kapanalig sa Alemanya, sa halip na piliin ang alegorikong ugali, isinaisantabi ito bilang mababa't walang saysay na paglilikom lamang ng mga produkto ng Fancy, hindi ng Imahinasyon. Simbolo o integral na sagisag, ang tanging makapag-uugnay sa Kalikasang panlabas at Imahinasyong panloob, na kagawig ng banal na Logos.

      Sa pagsusulit ni Walter Benjamin (1977), ang romantikong Simbolo ay isang pagtalikod sa kabuhayan, sa kalikasan, upang sambahin at suubin ang egotistikong sarili (Jameson 1971; Eagleton 1990). Namayani rito ang indibidwalistikong kaligtasan, nakakubli sa mapagkunwaring kawang-gawa. Sa kanyang pag-aaral sa Trauerspiel o trahedyang baroque sa Alemanya sa panahon may pagkakahawig sa katayuan ng Pilipinas bilang kolonya't piyudal na bayan, ang alegorikong wani at sensibilidad ang siyang mabisang makapaglalarawan sa tunay na nagaganap sa modernidad. Kaya ang mortipikasyon, paghinto sa daloy ng kalakaran, ang tahasang itinatampok sa tanawin ng guho, pagkasira ng gusalli, pagkadurog at pagkawatak-watak ng niyaring istruktura o produkto, mga giba't lansag na gamit at kasangkapan. Sa halip na organikong totalidad ng simbolo, sinalungguhitan ng barokong alegorya ang natigil o nahintong kilos, pinatid o nilagot na proseso. Sa ganitong paraan, lahat ng bagay ay maaring baging senyal o signos sa pagtatambad ng puwang  sa gitna ng gulong ng kasaysayan kung saan ang mapanuring isip ay makasisingit upang pasabugin ang status quo, ang normal na kaayusan at paulit-ulit na takbo ng mga pangyayaring ginagabayan ng imperyalistang kapital (Roberts 1983; Adorno 1967). Nakakintal dito ang rebolusyonaryong ganyak ng alegorikong istratehiya sa panulaan ni Batute.

    Sa perspektibang ito, ang minanang mga ideya, saloobin, damdamin at nais mula sa piyudal-Kristyanong orden ay pinagdurug-durog sa samot-saring bahagi upang piliin ang ilang paksang-diwa at imahen na magagamit sa istruktura ng bagong alegorikong padron. Halimbawa, ang krus, organo at orasyon ay itinahi sa isang habing magusot upang magsaad ng artipisyal na kaisahan ng paysaheng naiguhit. Sa ganitong analisis, ang artipisyal na pagsudlong ng pagsuyong isinumpa at halamang tumanda ay demonstrasyon ng alegorikong proseso ng pananalinghaga.

     Ang magulong impresyong napansin ay epekto ng biglang pag-iba ng punong-kahoy; hindi tumanda ang punong-kahoy sa paglipas ng panahon kundi pilit na pinaluoy at pinatay--tulad ng pagputol sa himagsikan sa paglusob ng imperyalistang Amerikano at pag-agaw sa tagumpay ng Republika laban sa kolonyolistang Espanyol. Sa di-umano'y mapayapang "Filipinization" pagkasupil sa kampon ni Sakay, nailunsad ang Philippine Assembly noong 1907, ang Harrison-Wilson palisi noong 1912 at Jones Law noong 1916 (na nakaagnas sa memorya ng marahas na paglupig sa bayan) at sunud-sunod na Misyong Pang-independensiya mula 1920 hanggang 1932.  Nang mamatay si Batute, handa nang ipasa ang Hare Hawes Cutting Act na magtatakda ng ganap na kasarinlan, isa pang hakbang upang mabura ang kilabot ng pagkitil sa 1.4 milyong Pilipinong tumutol sa parusang iginiit ng Estados Unidos sa Pilipinas (Agoncillo 1967; Pomeroy 1992) .

    Ang nasagkaang daloy ng kasaysayan at pagsungaw ng biyak o agwat (mula 1896 hanggang 1931 kung saan inaresto ang 400 kasapi sa Unang Kongreso ng Partido Komunista ng Pilipinas) sa Maynila, sa taya ko, ang pinakamasidhing motibasyon ng mga tula ni Batute, sa pangkahalatang turing. Walang pasubali iyon sa mga tulang parangal sa mga bayani (Rizal, Plaridel, Luna, Balagtas) at sa kanyang ina. Ang maternal o matriyarkal na paksang-diwa ay hiram sa mitolohiya ng Simbahan at naging palasak na ikonograpiya sa korido, pasyon, pinta, iskultura at arkitektura sa tatlong dantaon ng kolonyalismong Espanyol. Hinalaw ni Batute iyon, pati na ang ideolohiyang makinarya ng "courtly love" o maginoong palasintahan (sa wastong kataga, marangal na pakikiapid o tangkang pangangalunya) ng mga kortesano sa Europa (na may ugat sa kabihasnang Arabo). Dinamikong makinarya ito sa lahat ng mga tula sa babaing pinipintuho, sa tambalang epiko-alamat ng "Gloria," at sa "Ang Pagbabalik."

Agunyas sa Gubat ng Lungsod

          Isang parentetikal na palaisipan ang nais kong ibulaga rito. Hindi bulag na alagad ng tradisyon o ng kulto ng romantikong palasintahan sa Batute na sanay sa negosyo ng balagtasan, peryodismo at politika (naging kasapi siya sa partido Nacionalista). Itinala na nagtanan sila ni Asuncion Lakdan noong 1918, bisperas ng Oktubreng rebolusyon sa Rusya, at bago siya natapos ng abogasya noong 1920. Dalawang taon na ang operasyon ng Philippine Assembly na itinakda ng 1916 Jones Law. Nalathala ang unang tula niya, "Pangungulila," sa Ang Mithi noong 1912 o 1913, nang siya'y estudyante pa sa Liceo de Manila. Pinagkapuri niya ang sagisag na "Makata ng Pag-ibig" sa isang halalan ng Ang Mithi noong 1916 (De Jesus,  1979, xviii). Dapat salungguhitan na ang pagpapasinaya ng balagtasan ay nangyari sa bulwagan ng Instituto de Mujeres noong Abril 6, 1924 (Agoncillo 1970, 239), lugar ng masikhay na pagbabandila ng dangal at birtud ng malayang kababaihang tumatalunton sa nahawang landas ng mga kababaing sa Malolos na pinukaw ni Rizal noong Pebrero 22, 1889. 

    Mababanggit pa ang pagkapanalo niya sa balagtasan sa Olympic Stadium noong Oktubre 18, 1925 laban kay Florentino Collantes, naging "Hari ng Balagtasan" si Batute. Ngunit hindi pa nasiyahan. Sumunod ang eskandalong malaki  nang magkasabwat niya si "Bituin," isang kasintahang guro, na magtungong Hong Kong, noong Marso 1926 at pagkatapos ng dalawang buwan ng liwaliw at balisa, bumalik sa pamilya at humingi ng tawad sa asawa (Almario 1984, 23-25; Nemenzo 1993). Napagpaliban ang pagkariwara ng punong-kahoy.

    Kaalinsabay ang masiglang pag-unlad ng organisasyong mapagpalaya. Samantala, noong 1924, lumago ang Kalipunang Pambansa sa mga Magbubukid sa Pilipinas na sumanib sa Partido Obrero de Filipinas,  habang kumukulo ang aklasan ng mga pesanteng pinalayas sa kanilang sinasakang lupain sa Rizal, Laguna at Bataan. Nagawa rin ang Thompson Report noong 1926 na idineklara na hindi pa panahon upang mabigyan ng kasarinlan ang Pilipinas (Agoncillo & Alfonso 1967, 376). Dapat ding itala rito na ang pinakaunang unyon naitayo sa Pilipinas noong Hunyo 1901 ay ang Union de Impresores sa loob ng pabrika ng Manila Times, pag-aari ng Amerikano; nakasama ang mga impresores sa Union Obrera Democratica noong 1902 (pinamunuan ni Isabelo de los Reyes) nang lumawak ito (Guevarra 1992). Walang alinlangang malaki't malalim ang impluwensiya ng mga kasapi ng unyon sa Taliba sa mga peryodista doon, kabilang na si Batute.

    Sa gitna ng bumubukong krisis sa magkabila-kabila, di nabahala ang makata. Ang determinasyon ng kortesano ay di masasagkaan. Administrasyon ni Leonard Wood pa noon kung saan nagbitaw ng posisyon ang lahat ng miyiembro ng Gabinete  bilang protesta sa kalabisang abuso ni Wood. Kinasaksihan din noon ang mobilisasyon ng libu-libong pesante sa Nueva Ecija sa pamununo ni Pedro Kabola. Di pa natapos ang tatlong taon, bumagsak ang Wall Street at gumuho ang inakalang katatagan at higit na kagalingan ng monopolyo kapital. Nahihinog na ang binhi ng Tayug at Sakdalistang kilusan pagkatapos bumalik ang magkasintahan sa Maynila hanggang pagkamatay ni Batute noong Mayo 26, 1932.

Walang Destinasyong Balikbayan

    Mapagmumuni na ang "Ang Pagbabalik," na kahawig ng unibersal na topoi sa literaturang pandaigdigan, ay antiklimatikong ensayo para sa eskandalo ng 1926.  Marahuyong sinuri ni Almario ang porma nito sa isang mahabang kabanata ng Pag-unawa sa Ating Pagtula.  Makulit na pagbusisi sa prosodya, sa pagsasalansan ng parirala, taludtod at tugma ang naisakatuparan ni Almario; tiyak na makatutulong ito sa pagbalangkas ng iba't ibang interpretasyon ayon sa nagbabagong lagay ng kritiko at mambabasa sa hinaharap. Sapantaha kong pinili ni Almario ang makahulugang Griyegong mitong basehan ng "Antaeus Syndrome"  upang lumihis sa Kristiyanong kuwadro ng ikonograpiya, ngunit ang pagkakaibang ito'y hindi naitalakay sa akda.

    Maaalala na minsa'y pinuwing si Marx dahil kaipala'y lumabag siya sa kanyang batas ng pagsulong: ang alindog ng sining ng mga Griyego at kahigtan nito sa burgesyang sining ay di angkop sa primitibong puwersa ng produksiyon noon. Ngunit ang kabalintunaang ito'y matagal nang naipaliwanag ni Max Raphael (1933) at iba pang iskolar. Nagkaroon ng di-pagkakatugma dahil ang mga paniniwalang namamagitan sa istruktura ng sining, ang mitolohiya sa epiko ni Homer, ay may relatibong autonomiya sa basehang pang-ekonomiya; at hindi mekanikal ang relasyon ng ideolohiya at saligang materyal. Gayundin ang masasabi tungkol sa agwat ng mga himutok at kabalintunaan sa tula ni Batute at ang materyal na kondisyon ng kanyang buhay sa isang tiyak na yugto ng kasaysayan. Samaktwid, diyalektikal din ang relasyon ng praktikang pang-ideolohiya at saligang pang-ekonomya, at hindi maisasaklob ang interaksyon ng mga ito lahat sa isang absolutong batas o pormula.

    Ang eskandalo ng 1926 ay muhong palatandaan ng liku-liko, tigib ng parikala at kontradiksiyon, ang ugnayan ng sining at realidad. Totoo ngang di makaalpas ang ibon sa hawla ng ugali at tradisyon, bagamat mapusok ang mapanghimagsik na dibdib at utak.  Walang sintesis o rekonsilyasyon o sinkretikong kasunduang matatagpuan. Magagagap lamang ang kasalimuotang ito sa paglapat ng oryentasyong materyalismong diyalektikal at sa pagtanggap na hindi ganap ang estetikong pagtimbang ng walang etikal-politikal na pagpapasiya ang kritiko upang madulutan ng panibagong buhay, ng resureksiyon, ang ibinaong lakas ng akda. Ano nga ba ang responsibilidad ng kritiko sa makata, sa bayan at sa sangkatauhan sa mapanganib na krisis ng buong planeta?

     Sa harap ng kontekstong historikal-biograpikal, iginiit ni Almario na ang tula ay hindi tulad ng "Ang Kuwago" na may palasak na Gotikong atmospera: "Muli, ibig kong ipanukala,  na higit na interesado si J.C. de Jesus sa kaganapan ng programang pang-estetika ng kaniyang tula kaysa maglirip sa sosyo-sikolohikong  dimension ng siklong pag-alis/pagbabalik.  Higit siyang preokupado sa pagsasadula sa alindog ng alingawngaw, sa salimuot na pormalista ng "ulit-ulit na pagbabalik" kaysa pag-igpaw lamang sa arketipo ng mga sawing mangingibig/bayani nina Balagtas at Rizal" (2006, 279). May pasaring at parunggit ito sa mga lumilihis sa kaniyang linyang panglinggwistika.

Nakatayo at Nakahiga

    Sundan natin ang panuto ni Roman Jakobson (1987) na ginamit ni Almario. Kung tutuusin, ang padron ni Batute sa paglikha ng tula ay sumusunod sa paglinang sa paradigmatic axis ng wika, ang papapalit-palit ng salitang may kaparehong epekto na pormula sa metapora. Maigi ang demonstrasyon ni Almario sa pagsasalisi ng katagang magkapareho ang tungkulin. Sa kabilang dako, ang paghahabi ng pangungusap ay bunga ng paglinang sa syntagmatic axis
umuugit sa realistikong tulang pasalaysay, halimbawa, "Ang Manok kong Bulik." Sa gayon, ang pag-uulit-ulit ay teknikong paraan ng pagpapatibay ng masagana't mapamaraang kakayahan ng makata sa paglikha ng tayutay at talinghaga. Ngunit di ba ito, sa pormalistikong anggulo, ang natukoy na replikasyon ng porma ng bilihin, ng komoditi-petisismo? Ang pormularyo sa pagyari ng metapora ay nasunod nga. Balintunang kinalabasan kung nais umiwas ng makata sa komersiyanteng pagbibili ng kanyang dunong sa peryodikong pinagsisilbihan, ang institusyon ng salapi at sinasambang pag-aari. Sa kabilang dako, resulta ito na sa guho ng piyudal ng kosmos ng simbahan at kolonyalismo, mga labi ng mitolohiyang Romano-Griyego at asal-maginoo, na hindi matakasan dahil sa ito rin ang hilig at gawi ng madlang tumatangkilik ng kanyang panulaan.

    Ang "Antaeus Syndrome" ay isang simbolo ng integrasyon sa historyang linyar at ng hirarkyang sistema ng urian ng mga pangkat sa lipunan. Ngunit humihiyaw ang hubad na katotohanang na hindi nga makababalik ang asawang umalis sa tahanan, na ang paglalakbay ay nauwi sa kabiguan, kaya kailangang tanungin kung bakit? Dahil ba sa batas ng kalikasan, o sa tadhana ng Maykapal?
Kung Diyos ang patnubay, may parikalang banta sa "Ang Bato": "Sa kamay ng Diyos, bato'y binabakbak, /Ang kisap ng mundo nama'y nagagasgas."  O dahil sa karupukan ng budhi o kamangmangan? Anumang mahahagilap na sagot, di maitatawa na ang penomenolohiya ng pagputol, pagkalagot, paghinto o pagpaliban ng kaganapan, ang umaakit sa ating kuro-kuro. Pagputol, pagpatid, paghinto--ito ang tematikong motibasyon sa tula, katugma ng pangkasaysayang pagsira sa Republika at pagtigil sa pagsulong rebolusyonaryong sambayanan. Sa semiotika ni C.S. Peirce, ito ang pinakahuli't lohikal na Interpretant na bunga ng pag-uugnay ng triyadikong elemento ng senyal, obheto/pangyayari, at nagsusudlong  na diwa ng Interpretant (Peirce 1991).

          Sintomas ng kasagutan ang pagtatanghal ng lumbay sa wakas ng "Ang Pagbabalik." May ani, bunga at pag-asang dala ang naglakbay, ngunit sino ang lalasap ng ligaya doon? Napalis ang tatanggap, hungkag ang lugar ng taong hahandugan. Anong hantungan-kamatayan o malawig na tagulaylay sa balagtasan?  Maimumungkahi rito: kailangang magbanyuhay ang protagonista, kailangang isagawa ang unang hakbang sa resureksiyon, sa muling pagsilang. Sambit ng naglakbay: "Oo, hindi magluluwat." May himatong ng alternatibong ruta ng pagbabalik sa dalawang lugar na tinutukoy dito: "Ako'y nag-araro, naglinang, nagtanim,/Nang magdi-Disyembre, tanim sa kaingin / ay ginapas ko na't sa irog dadalhin."  Bakit sa kaingin? Walang tatanggap ng bunga ng pagod; nabitin ang tangka.   Ito ang nakatatawag-pansin. Sa pagdating sa Ngayon o Kasaluyan, di na kailangan ang gunita, sapagkat sumulpot ang pagkakataon ng pagpapasiya't pagkilos. Naputol ang siklo ng mitolohiya, ang paggulong ng watak-watak na datos at danas; sumalisi ang saglit na dapat sunggaban. Natambad ang patlang, puwang, agwat para makapasok ang interbensiyon ng makata at mga kapanalig.  Ang etikal at politikal na interbensiyon ang kailangan upang mapalitan ang dominasyon ng walang-pagbabagong sistema ng pakikipamuhay.

    Patalastas ng "Ang Buhay ng Tao":  "subalit kung di ka babago ng kilos,/sa hinukayan mo'y doon mahuhulog." Pagpanaw ng kagandahan, haharap tayo sa katotohanan: "Sa Tabor ay walang tuhod na di gasgas, / sa Glorya, anghel ma'y may sira ring pakpak" ("Marupok").   Naidiin na natin na ang alegorikong pamamaraan ay prinsipyong istruktural ng sining ni Batute. Bawat artipak ay walang kaganapan o kabuuan, nangangailangan ng kritikong magkukumpleto dito. Walang tiyak na pagpapantay ng konsepto at imahen.

     Kahit sa naratibo ng "Ang Manok kong Bulik," ang alegorya ay hindi nakalagak sa "Diwa" na ikinabit sa huli, kundi sa pagkamangha at pagkagulat sa aksyon ng manok: "biro baga itong wala namang sugat / ay siyang tumakbo nang wala sa oras!" Wala sa loob ang gabay ng tadhana kundi sa labas, sa materyal na sitwasyon ng buhay. "Mamatay ng gutom o kaya'y magnakaw."  Maiisip na ang balagtasan ay wangis sabungan, nilangkapan ng huego de-prenda, koronasyon at lamayan. Nakalakip dito ang mensaheng magpapasabog sa status quo: ang panganib sa krisis ng komunidad ay nagbababala na dumating na ang pagkakataong makaalpas, makahulagpos, tungo sa kaligtasan at panibagong-buhay.

    Maipagninilay kung gayon na ang makatuturang pananagutan ng kritiko ang pagtatasa sa buod ng tula upang mahukay ang materyalidad ng wika doon, laging gumagalaw at kumikilos. Mahihinuha na inip na ang makata, siya na ang gaganap noon. Kaya sa "Pakikidigma" at "Pakpak," laluna sa "Malikmata," tuwirang naging guro at patnubay ang makata, nagpapayo na huwag madaya ng mahika ng bagay-bagay at penomena sa sigalot ng buhay. Tumalikod na siya sa patalistikong implikasyon ng siklo, katumbalikan o pagkamatimbang ng kalikasan, at Stoikong asta na masasalamin sa “Ang Bato” (na sinapupunan ng taguring “Batute”):  “Batong tuntungan mo sa pagkadakila, / Batong tuntungan ka sa pamamayapa, / Talagang ganito:  Sa lapad ng lupa . Ay hali-halili lamang ang kawawa” (1979, 112).  Kailangan ang talino, danas, at pagpapasiya sa tulong ng diyalektikang kabatiran at praktika.

    Pagliripin ang tawag ni Batute: "Ikaw'y makidigma sa laot ng buhay/At walang bayaning nasindak sa laban;/Kung saan ka lalong mayrong kahinaan,/ Doon mo dukutin ang iyong tagumpay" ("Pakikidigma") at: "Hali-halili lang ang anyo ng bagay/At hali-halili ang tingkad ng kulay/Kay rami ng ating inapi't utusang/Sa paghihiganti--bukas sila naman" ("Malikmata"; Lumbera and Lumbera 1982, 215-217).


Multo o Maskara ng Proletaryadong Memorya

    Sa wakas, hindi iyon ang pagpipiliang sitwasyong inalok ng sirkuntansiya sa buhay ni Batute. Tubo sa mariwasang pamilya, produkto ng sopistikadong edukasyon, at kupkop ng malingap at dalubhasang mga kapanalig sa "Ilaw at Panitik" at maraming pangasiwaan ng peryodiko't babasahin, pati na ang studio ng "Oriental Blood" kung saan gumanap siya ng papel (kasama si Atang de la Rama at Carmen Rosales) at nagkasakit, ang dilema ni Batute ay problema ng lahat ng organikong intelektuwal sa dating kolonya at ngayo'y neokolonya. Sa pagitan ng mga pesanteng rebelde sa Kolorum at mga sektang relihyoso, at burokratang kumprador at may-lupa, hininirang ni Batute na pumagitna sa larang ng nagdaralitang masa. Kapalaran iyon ng organikong intelektuwal ng bayan sa panahon ng kasukdula’t permanenteng krisis (San Juan 2004).

    Bihasa sa pagbigkas, ang luwalhati't kaganapan ng kanyang talino ay natagpuan sa pakikisalamuha sa masa at paggamit ng kanyang tinig. Nasa pagitan pa si Batute ng sitwasyon nina Balagtas at nina Plaridel at Jaena; nakaungos sa proletaryo't pesanteng uri ngunit sabik na makitang may nakikinig at sumusuyo sa kanya (gumanap ang makata ng papel ng paralumang pinipintuho, ng mutyang ipinasasamo), si Batute ay alternatibong babae/lalaki, aktibo at pasibo.  Tunay na si Batute ay produkto ng transisyonal na yugto sa ating kasaysayan--ang "Filipinization" na balat-kayo ng puspusang Amerikanisasyon na tinutugon ng di-masawant insureksiyon ng taumbayan.

    Sa guho ng Simbahan at kolonyalistang kabihasnan, napulot ni Batute ang mitolohiya ng pagpuri sa dinadakilang Musa/Ina at ritwal ng kamatayan at muling pagkabuhay. Inilangkap ang buto't kalansay ng piyudal na ideolohiya sa Amerikanong doktrina ng indibidwalismo at "malayang pamilihan," ang manlalakbay at mangingibig, batbat ng kasalanan ngunit may tapang at dunong sa paglikha ng bagong proyekto, bagong kaayusan.

    Samakatwid, hindi lang makata ng puso si Batute kundi makata ng anti-imperyalismo (naimuwestra na ito ni Atienza) at pakikibaka. Mas handa na siya kaysa kay Amado Hernandez na sumali sa kilusang mapagpalaya ng mga unyon at ng PKP--sulyapan ang mga tulang "Manggagawa," "Imperyalismo," "Black and White," "Ang Martilyo," atbp. At kung nagkaganoon, tuwirang makasasalok siya ng materyales mula sa kaban ng radikal na kaalaman at siyentipikong praktikang naisakatuparan sa Rebolusyong Bolshevik sa Rusya nang siya'y pumapasok sa Liceo de Manila (circa 1916) at bago nagtamo ng Bachiller de Leyes noong 1920 (taon din ito ng paglilimbag ng unang koleksiyon ng mga tula, Mga Dahong Ginto).
   
    Sa maraming sangandaan ng ating kasaysayan, hindi lubos na naisanib si Batute sa daluyong ng proletaryadong masa. May pinag-aralan siya, tanyag sa pagsulat at pagbigkas--pambihirang talino at galing. Nakiramay siya, saksi ang sinkretikong alegorya ng kanyang panulaan: tumatangis habang itinataas ang kamao, lumuluha habang nagpupuyos ang galit sa dibdib.  Gayunpaman, sa kabila ng mga limitasyon at kakulangan, naghunos ang alegorikong metodong minana, sintomas ng kawalan ng armonya o integrasyon ng mapanlikhang haraya at sitwasyong panlipunan, at napanday ang estilong "romantiko" at satiriko ni Batute, lakip ang etikal-politikal na pakikisangkot sa lipunan. Ang panitik ni Batute ay isang ulirang halimbawa ng matagumpay na pag-ugnay ng teorya at praktika sa kanyang panahon. Ito ay di-matutumbasang hiyas ng lahi na karapat-dapat arugain, suriin, pagyamanin at tularan ng lahat ng taong hangad makapag-ambag sa pakikibaka tungo sa liberasyon ng sangkatauhan at ng kalikasan mula sa dahas ng imperyalistikong barbarismo.


SANGGUNIAN

Abueg, Efren. "Ang Kasaysayan ng Panulaang Tagalog."  Parnasong Tagalog ni     A.G. Abadilla.  Maynila: MCS Enterprises Inc., 1973.
Agoncillo, Teodoro.   "Pasulyap na Tingin sa Panitikang Tagalog 1900-1950."      Philippine Studies, 18.2 (April 1970): 229-251.
Agoncillo, Teodor and Oscar Alfonso.  History of the Filipino People.  Quezon     City: Malaya Books, 1967.
Almario, Virgilio.  "Ang Romantikong Imahinasyon ni Jose Corazon de Jesus," Philippine Studies, 18.2 (April 1970): 299-322.
-----.  "Ang Makata, Masa, at Rebolusyong Pampanulaan,"  Surian ng Wikibng Pambansa, Lathala 34-02 (Pebrero 1971): 11-22.
------.  'Laki  sa  Luha: Isang Edukasyong Sentimental."  Nasa sa Kritisismo, inedit ni Soledad S. Reyes.  Manila: Anvil Publishing Co., 1992.
Adorno, Theodore.  Prisms.  London: Neville Spearman, 1967.
-----.  Ang Makata sa Panahon ng Makina.  Quezon City: University of the Philippines Press, 1972.
----.  Pag-unawa Sa Ating Pagtula.  MetroManila: Anvil Publishing, 2006.
Atienza, Monico.  "Introduksiyon."  Bayan Ko: Mga Tula ng Pakikisangkot ni Jose Corazon de Jesus.  Quezon City: College of Arts and Letters Publication Office, University of the Philippines,  1995.
Balmaseda, Julian C.  Ang Tatlong Panahon ng Tulang Tagalog.  Maynila:Surian ng Wikang Pambansa, 1974.
Benjamin, Walter.  The Origin of German Tragic Drama.  London: Methuen, 1977.
Constantino, Renato.  The Philippines: A Past Revisited.  Quezon City: Tala Publishing Services, 1975. 
De Jesus, Jose Corazon.  "Talambuhay ng Kanyang Sarili."  Nasa sa Halimuyak, inedit ni Antonio Valeriano. Malolos: Reyvil Bulakena Publishing Corp., 1979.
De Jesus, Jose Corazon.  Mga Tulang Ginto.  Manila: McCullough Printing Co., 1958.
Debord, Guy.  Society of the Spectacle.   Detroit: Black and Red, 1977.
Eagleton, Terry.  Ideology of the Aesthetic.  London: Basil Blackwell, 1990.
Finkelstein, Sidney.  Sense and Nonsense of McLuhan.  New York: International Publishers, 1968.
Frye, Northrop.  A Study of English Romanticism.  New York: Random House, 1968.
Gener, Teodoro.  "Kaunti ukol kay Jose Corazon de Jesus (Huseng Batute)." Nasa sa Mga Tulang Ginto ni Jose Corazon de Jesus.  Manila: McCullough Printing Co., 1958.
Gramsci, Antonio.  Selections from the Prison Notebooks.  New York: International Publishers, 1971.
Guevarra, Dante G.  Unyonismo sa Pilipinas.  Maynila:  Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, 1992.
Jakobson, Roman.  Language in Literature.  Cambridge, MA: Harvard University Press, 1987.
Jameson, Fredric.  Marxism and Form.  Princeton: Princeton University Press, 1971.
Lumbera, Bienvenido. Abot-Tanaw: Sulyap at Suri sa Nagbabagong Kultura at Lipunan.  Quezon City: Linangan ng Kamalayang Makabansa, 1987.
Lumbera, Bienvenido & Cynthia Nograles Lumbera.  Philippine Literature: A History and Anthology.  Manila: National Book Store,  1982.
Marx, Karl.  Marx and Engels on Literature and Art, inedit nina Lee Baxandall at Stefan Morawski.  St. Louis. Milwaukee: Telos Press, 1973.
Medina, B.S. Jr.  Tatlong Panahon ng Panitikan.  Mandaluyong, Rizal: National Bookstore, 1972.
Nemenzo, Gemma.  "The Poet and the Women He Loved."  Filipinas Magazine (February 1993).
Ong, Walter.  Orality and Literacy: The Technologizing of the Word.  New York: Methuen 1982.
Peirce, Charles Sanders.  Peirce on Signs.  Chapel Hill: University of North Carolina Press, 1991.
Pomeroy, William.  The Philippines: Colonialism, Collaboration and Resistance!
    Quezon City: International Publishers, 1992.
Raphael, Max. Proudhon Marx Picasso.  London: Lawrence and Wishart, 1933.
Roberts, Julian.  Walter Benjamin.   Atlantic Highlands: Humanities Press, 1983.
San Juan, E.  Ang Sining ng Tula.  Quezon City: Alemars-Phoenix, 1975.
----.  Himagsik: Pakikibaka Tungo sa Mapagpalayang Kultura.  Manila: De La Salle University Press, 2004.
Tolentino, Delfin Jr., patnugot.  Gumising Ka, Aking Bayan: Mga Piling Tula ni Benigno Ramos.  Quezon City: Ateneo University Press.
Valeriano, Antonio B.  Halimuyak: Katipunan ng Mga Piling Tula ni Jose Corazan de Jesus.  Malolos: Reyvil Bulakena Publishing Corp., 1979.
Zafra, Galileo.  "Ang Dalumat ng Katwiran sa Balagtasan."  Nasa sa Kilates, ed. Rosario torres-Yu.  Quezon City: University of the Philippines Press, 2006.
_____________



Rebyu ni R.C. ASA ng AFTER POSTCOLONIALISM ni E. SAN JUAN, Jr.

$
0
0
Lampas, Higit sa Postkolonyal
R.C. Asa

rebyu ng E. San Juan, Jr. After Postcolonialism. Remapping Philippines-United States Confrontations.
Lanham, Maryland: Rowman & Littlefield Publishers, Inc., 2000.

Against Counterrevolution in Theory.
Ito marahil ang alternatibong pamagat ng After Postcolonialism, huli sa maraming libro ni E. San Juan, Jr., kilalang marxistang intelektwal. Binubuo ng walong sanaysay at isang panayam, interbensyon ang After Postcolonialism sa “teorya” – itong postmodernong larangan ng pagsasama at pagtatalaban ng iba’t ibang disiplina. Maraming paksa rito si San Juan: ang paglikas ng mga Asyano tungong Amerika, ang imperyalismong Estados Unidos sa bansa, mga teksto nina Jessica Hagedorn at Kidlat Tahimik, ang talinhaga hinggil sa lipunan ng panitikan sa bansa, at maging ang hinaharap ng pakikibaka para sa kalayaan, demokrasya, at sosyalismo sa Pilipinas.
Makabuluhan kung gayon sa maraming disiplina ang librong ito. Sa bawat larangan, kinikilala at kinakalaban ni San Juan ang mga kaisipang sumasagka – sa abot ng iba’t ibang kakayahan nito – sa tunay na pagbabago, kasabay ng pagtaguyod sa mga kampi nito. Pinag-uugnay ang lahat ng sanaysay dito ng ganitong tindig sa mga tunggalian sa lipunan, at ng talino na nagpapaunlad at pinapaunlad ng tindig na ito.
Kaya naman mistulang mapanlinlang ang titulo ng libro. Dito, iilan lamang ang tahas na tugon at tuligsa ni San Juan sa mga intelektwal na kilalang “postkolonyal” tulad nina Homi Bhabha, Gayatri Spivak at Salman Rushdie. Madalas, lumilitaw ang kanilang pangalan sa libro bilang kinatawan ng kaisipang postkolonyal, sa gitna ng talakay sa mga usapin o teksto na kaugnay ng kanilang kaisipan, ng kanilang posisyong teoretiko-pulitikal. Sa malaking bahagi, nagsisimula si San Juan sa pagbubuo o pagpapakilala ng kasaysayan at kalagayan ng Pilipinas at ng ugnayan nito sa US – na ihinaharap niya sa kaisipang postkolonyal.
Kung sa librong ito lamang ibabatay, samakatwid, tila mula sa labas, at hindi papalabas – dogmatiko, hindi dialektikal – ang kritisismo ni San Juan sa kaisipang postkolonyal. Ngunit sa konteksto ng pag-aaral sa kaisipang postkolonyal, at ng kanyang mga akda, ang After Postcolonialism ay nasa yugto kung saan ang kaisipang postkolonyal, mula sa pagsuring marxista, “is transcended toward reality itself.” Dito, ang kaisipang postkolonyal “abolishes itself as such and yields a glimpse of consciousness momentarily at one with its social ground, what Hegel calls the ‘concrete’.” Mangyari, sa pagsuring marxista, ang marxismo ay “secretly present” sa iba’t ibang kaisipan, kahit sa postkolonyal, “if only as the reality that is repressed or covertly opposed, the consciousness that is threatening…” [Fredric Jameson, “Criticism in History” The Ideologies of Theory, 1988.]
Nasa yugto na, samakatwid, ang After Postcolonialism ng paglampas sa kaisipang postkolonyal. Paglampas ito, gayunman, na pinaunlad at pinagyaman na ng kaisipang ito. Paglampas ito, samakatwid, na paghigit din. Banaag sa libro, halimbawa, ang anumang liwanag na galing sa kaisipang postkolonyal – sa partikular, iyung galing sa mga akda ni Edward W. Said, itinuturing na pasimuno ng kaisipang ito. Dialektikal ang lapit ni San Juan, kaya nagagawa niyang parehong tuligsain at gamitin ang maraming kaisipan at teksto. Kinikilala niya ang parehong lakas at kahinaan ng mga ito, at ginagamit ang mismong lakas para wasakin ang bakod ng kahinaan na hadlang dito sa pag-ugnay at pakikipagtalaban sa kabuuan.
Sa yugto ng paglampas na ito, nagiging malinaw na marami pang kaisipan ang kaugnay at kakampi ng kaisipang postkolonyal sa mas malaking konteksto ng lipunan at kasaysayan. Kaya naman pinuna rin ni San Juan ang konserbatibong komentaristang sina Stanley Karnow at James Fallows, ang mga “dalubhasa” sa Pilipinas na sina Glenn May at Alfred McCoy, ang mga “progresibong” intelektwal na sina Walden Bello at P.N. Abinales – siya na nag-aastang marxista pero mas madalas at mas mabangis umatake sa Partido Komunista ng Pilipinas kaysa sa imperyalismo at mga naghaharing uri. Maging ang tanyag na sanaysay tungkol sa “demokrasyang cacique” sa Pilipinas ng maka-Kaliwang si Benedict Anderson ay hindi nakaligtas sa sipat ni San Juan.
Gayunman, higit sa pagsuri sa mga indibidwal na akda, ipinakita ni San Juan ang pagkakatulad ng pagsuri ng maraming awtor na kanyang tinalakay. Ipinakita niya, halimbawa, na dahil binibigyan ni Anderson ng malaking halaga ang papel ng mga naghaharing uri sa “demokrasyang cacique,” nababalewala ang kontrol ng US sa bansa. Problematiko ito lalo na kung ang paliwanag sa kapangyarihan ng naghaharing uri ay ang “primodial ties of kinship and family,” at hindi ang sistema ng ekonomiya at pulitika ng bansa – na nagbubunsod ng pagkilos at pag-aalsa ng taumbayan. Kung susuriin, ang pagkilos at pag-aalsang ito ang humubog sa patakaran ng US sa Pilipinas, at paliwanag bakit may “lack of American autocratic territorial bureaucracy [which] permitted the Filipino mestizo families to take over.”
Sa paliwanag ni Anderson, lalabas pa rin na kultura ng mga Pilipino ang maysala, at US ang mesiyas sa kahirapan ng bansa – na katulad ng posisyon ng reaksyunaryong si Karnow na nag-aakma lamang sa panahon ng doktrina-diskurso ng “Manifest Destiny” at “Benevolent Assimilation” ni McKinley.
Malinaw na nakatuon sa partikular na mambabasa ang librong ito na inilathala sa US: mga akademiko at intelektwal na may “interes” sa kaisipang postkolonyal o sa ugnayang US-Pilipinas. Madalas, lumalabas na ipinapakilala ni San Juan ang kanyang paksa sa bagong mambabasa. Gayunman, may kabuluhan ito – kahit ang pagrepaso sa kasaysayan at kalagayan ng bansa – para sa mambabasa sa Pilipinas, kahit “dalubhasa” na. Hindi lamang ito “obhetibong” pagrepaso, kung anumang pagpapanggap ang madalas ipakahulugan dito. Partikular, progresibo, itong pagbubuo ng kasaysayan at kalagayan ng bansa mula sa isang sipat na naglalantad ng limitasyon at posibilidad ng mapagpalayang isip at kilos.
Sa librong ito, muling inilathala ang sanaysay ni San Juan tungkol sa pakikibaka para sa sosyalismo sa Pilipinas – na naunang inilathala sa bansa sa Allegories of Resistance [1994] at Mediations [1996]. Hindi ito postmodernong “pastiche,” gayunman. Pagpapalaganap ito ng interbensyon. Patunay din ito ng tuluy-tuloy na paghabol ng alam at unawa ng tao sa nagbabago at binabagong reyalidad. Sa konteksto ng akademya sa Pilipinas, masarap sipiin ang kanyang wastong obserbasyon: “The irony is that the anti-Marxists… who pay homage to the value of open-mindedness and dissent do so in order to foreclose any dialogue with radicals who address the centrality of property relations, state power, and ‘delinking’ from the injustice of a polarized center/periphery world system.”
Sa puntong ito mas madaling makita ang kabuluhan ng librong ito ni San Juan, at lahat ng  kanyang akda. Katulad ng lahat ng marxista, at ni Marx mismo, sangkot si San Juan sa kanyang lunan at panahon. Hinaharap niya ang bago, tumutunggali at tumutukoy sa tumpak dito. Walang-tigil at walang-habas ang kanyang pagsuri at pagbubuo. Lahat ng posisyong teoretiko-pulitikal – mula kay Magdoff hanggang kay Magno, mula kay Althusser hanggang kay Almario – ay tinutugunan sa libro. Mula pagnanasa hanggang pakikibaka, mula tao hanggang tubo – buhay ang marxismo kay San Juan, hindi bangkay sa bunganga ng imbalido.
Gayunman, ang marxismo ay hindi dogma; gabay ito sa pagkilos. Ang armas ng kritisismo ay hindi pwedeng ipalit sa kritisismo ng armas. At alam ito ni San Juan. Mula sa pagbasa rito, kailangang hanguin at sundin ang inisyal ng Against Counterrevolution in Theory. Kailangan ang mapagpalaya at mapagbagong kilos. Kailangan, sa salita ni San Juan, ang “political education [which] embraces collective praxis, self-criticism, and learning-by-transformation.”
Kailangan. Dahil ang lipunan at daigdig natin, na nagluwal sa kaisipang postkolonyal, sa salita ni Jorge Luis Borges, ay nananatiling “uninhabitable; men can only die for it, lie for it, kill and wound for it. No one, in the intimate depth of his being, can wish it to triumph.”

Article 0

$
0
0
PAGBUBULAY-BULAY  NG ISANG GURONG OFW SA BANSANG HAPON

ni E. San Juan, Jr.


Ilan taon na akong nagtuturo ng wikang Filipino dito sa Hapon
    ngunit di ko pa kabisado ang pagyuko sa mga upisyal
           o hiwaga ng kanji  hiragana o katakana
Nais kong matuto ang mga Haponesa ng paggamit ng "kamusta" "paalam"
     "maganda"     "pag-ibig"  "luwalhati"   "panaginip" 
        kaya tinuruan ko rin sila ng tinikling   itik-itik   singkil

Subalit nahumaling sa pagsayaw, indayog ng kilos at wagayway ng panyo
           ngiti rito't tawa doon, nasaan ang tunggalian ng uri?                                   nahan ang dahas ng pasismo't imperyalismo?
Masarap magkuwento ng Boracay kaysa Payatas, Balagtas kaysa Jonas Burgos,
    anong sarap ipaliwanag ang halina ng pandiwa't pang-uri
        kaysa dahas ng Estado.

Mula sa magulong Osaka, di ko pa nasisilip ang yelo sa tuktok ng Mt. Fuji....
Samantala, may ilang estudyanteng nais mag-turista't makitang lahat....

Nagkaroon na ng People Power 1, People Power 2, at may bantang sumiklab muli       sakaling pauwiin na lahat ng OFW mula sa Saudi   Hong Kong   Europa....
Ilang kababayan ang nag-asawa na ng Hapon at Saudi para sigurado....

Ngunit teka--mausok at nakababagot, di na matiis ang trapik sa EDSA,
    nakawala pa rin si Palparan,  tumitindi ang pagpatay at pagdukot,
        gumagala pa rin ang mga  bandidong Abu Sayyaf
kaya payo ko sa kanila, dito na lang kayo sa mariwasang kabibi--bakit pa ipapain ang     katawan upang mapahamak sa "Perlas ng Silangan"?

Dito na lang kayo sa masaganang lupa ng cherry blossoms  yen arigato      
    alindog ng geishang nagsasayaw sa lilim ng mga templo ng Buda
             sa Hiroshima at Nagasaki
        malayo sa tsunami  sa Spratley at     dagat Sulu ng Mindanao--
Dito na lang kayo mag-aral ng wika nina Bonifacio at Sakay upang magamit ang mga     salitang "kalayaan"   "kaluluwa"  "budhi"  "puri"  "dangal" 
        putris, pati na "Makibaka huwag matakot!"
             "Hustisya para sa mga biktima sa Hacienda Luisita!"


Oo nga, bakit kailangang pigilin ang dila't isip bago pa man dumating ang pulis at          


                  sundalong  dudukot at papatay?

Baka sakaling matuklasan natin ang niyebe ng Mt Fuji sa tugatog ng sumasabog na    


                 bulkang Mayon.--###

SAGRADONG LUPA NG IMPERYALISMO, PASISMONG RASISTA SA U.S.A.--ni E. San Juan, Jr.

$
0
0
LUPA, DUGO, PETISISMO NG KATAWAN AT MISTIPIKASYON NG DAHAS





Katakataka o kamangha-mangha? Sa teknokratikong planeta natin, hindi lamang produktong itinitinda sa Mall o ipinagbibili ang naghahari kundi pribadong lugar/lupa/espasyo, depende sa lakas/dahas ng awtoridad ng Estado, militar, may-ari o managerial power elite ng Kapital Pampinansiyal (finance capital). Ito ang egemonya sa yugtong ito ng kasaysayan buhat nang maglaho ang alternatibong Sosyalista. Saan ba may mabisang oposisyon sa Kapitalismong Global--Cuba? Venezuela? Sub-Comandante Marcos?  Kaya ang kinalalagyan ng katawan mo ay wala sa iyong pagpapasiya o kontrol, nasa Estado o pribadong yaman/kapital, kung saan pansamantalang nakahimpil ang katawan. Tungkol sa kaluluwa (?), samut-saring kuwento na iyon. Sa ganang awtor, ang alternatibo ni Spinoza, deus sive natura (o ang bersiyno nito sa TAO TE CHING) ay wala pa ring negasyon.

Bagama't naiburol na raw ang bangkay ni Tamerlan Tsarnaev sa isang lihim na lugar--hindi isiniwalat ng pulis kung saan, maski sa cyberspace--pihadong inilagay na ito sa dumpster or inihulog sa Boston Bay.... At kung may abo man, o labi, TOP SECRET na ito ng gobyernong Federal.Binura na ito sa listahan, bagamat ibinubuhay ito lagi sa mass midya hanggang pinagtutubuan ito sa panahon ng Giyera laban sa Terorismo (mga kalaban ng globalisadong Kapitalismno). Sa ganito muling bumabalik ang dualismo ni Descartes (res cogitans/res extensa) at ang sulliranin ni Kant (penomena/noumena) na sinagot ni Hegel at iniwasto ni Feuerbach/Marx. Pero nasaan na ang ahensiya o interbensiyon ng proletaryadong pandaigdig na magpapasimula sa tunay na kasaysayan pagkatapos ng prehistory ng mga makauring lipunan?

Pangkaraniwan na  ito sa panahon ng mass killings ng US drones.At walang habas na pagsira ng kapaligirang namamalas. Kahit may reklamo ang UN, balewala ito sa Washington at Pentagon at Wall Street. Tubo at walang humapay na akumulasyon ang importante sa lahat. Salapi ay siyang sinasamba at ispiritung isinusuob sa ibabaw ng mga buto't bungong naglipana.

Multo o tunay na katawan ba ang pinag-uusapan?  Bakit kung ang mga bilanggo sa Guantanamo ay parang mga bangkay na rin, kailangan na lamang kalimutan sila. Mabuti  pa  si Dracula na pwedeng gumala sa gabi at humanap ng kanyang biktima.  Hindi ito  serye ng telenobelang TWILIGHT kundi araw-araw na buhay sa lipunan ng imperyalismong nabubulok. Ito nga ang ginagawa ng mga korporasyong sumisipsip sa dugo ng mga Pinoy/Pinay, ilang angaw na OFWS sa buong planeta, at sa atin laluna mga katutubo, na biktima ng mga minahang pinayagan ng rehimen mula pa kay Marcos hanggang kay P'Noy.

Kaya ang vampirismo ngayon ay hindi tulad ng panahon ng Pasyon, mga manggagaway atbp., kundi araw-araw na "business as usual" sa neoliberalismong orden. Sumisira sa lupain sa Mindanao, Bontoc, sa lahat ng sulok ng neokolonyang "bansa," na pinipigil lamang ng mga bayani ng NPA na laging tinataguriang "terorista" ng oligarkong siyang mismong alipores at kakutsaba ng mga gahamang korporasyong globa.
,
Narito ang report sa pahayagan:

"Protestors have lined up outside the funeral home where his body is being stored, warning that they are even willing to dig up the body if it is buried on U.S. soil. The city of Cambridge issued a pre-emptive statement, saying it would not allow Tsarnaev to be buried there."

Biruin ninyo o hindi, at sa isang Kristyanong sosyedad pa raw ito nangyayari, di umano. Ano kaya ang sabi sa BAGONG TIPAN/NEW TESTAMENT tungkol dito?Ito kaya ang dapat reaksiyon sa panahong 2013, matinding globalisasyon kung saan wala na raw bansa o frontier, kundi lahat ay mamamayan ng planeta? Sino ang nakatira o tumatahan sa planetang ito ng walang passport o ID? Marahil ang mga TNT? Undocumented aliens? O mersenaryong inupahan ng CIA sa Afghanistan, Iraq, Libya, Somalia, Sudan, Pilipinas, at ibang madugong sagupaan sa paghahati ng mundo at dibisyoong sosyal ng lakas-paggawang internasyonal?

Penomenong kaya ito ng kontra-rebolusyonaryo o reaksiyonistang modernismo (ayon sa diskurso ni Peter Osborne sa POLITICS OF TIME? Si Hitler atkapwa pasismong Hapon at Italyano ay masugid sa paglapat ng pinakabagong teknolohiya sa ngalan ng sagradong lupa, dugo, lahing superyor sa lahat. Pati mga relihiyon o laluna ang naglilingkod sa ganitong adhika (halimbawa, Zionismo), sa paglaho ng alternatibong sosyalismo/komunismo, ayon kina Fukuyama at mga ideologue. May kabalintunaang kawangki ito sa uring Kristyanong umiiral ngayon sa digmaan ng mga doktrina at dogma, pundamentalistang Islam laban sa pundamentalistang Kristyanidad.  Ang mga di-Kristyano ay parang hayop o bagay na walang dapat magmalasakit?

Ang Boston Marathon Bombing ay humihingi--para sa mga Kristyano rito--ng higanti, kaya ayaw ibigay kahit katiting na espasyo ng lupang nasa ilalim ng Stars&Stripes, na ngayon ay pag-aari ng may dugong Puti/EuropoAmerikano, at hindi ninuman, laluna mga imigranteng may ibang itsura, marka sa katawan, kulay ng balat, wika, at iba pang biyolohika o kultural na katangian.

Ito ang stigmata at sagisag ng ating panahon: demokrasya't kalayaan sa pagbili, akumulasyon ng salapi, prestihiyo, balik sa pananaw ni Hobbes at primitibong kapitalismong nailarawan ni Marx sa GRUNDRISSE, at sa pulitika ni Carl Schmitt, ang teyorista ng pasismo, pati na si Heidegger at eksistensiyalismo ng pagpapasiya sa ngalan ng banal na lupa, dugo, lakas/dahas ng hukbo/militar at Estadong teknokratiko. Kung sino ang may nukleyar na armas, at drones, siya ang magwawagi at maghahari hanggang magunaw at tuluyang pumanaw ang buhay sa planeta. Unti-unti na ngang natutunaw ang Artic at nasasaid na rin ang oksihena ng planetang ito. Itinakda na ang wakas--kung walang alternatibo, hamon, salungat sa patuloy na degradasyon ng kalikasan.

Ito nga ang sitwasyon kung wala nang alternatibong nalalabi sa mga intelektuwal sa Europa o Norte Amerika kundi kanilang pansariling kapakanan. Ang mga intelihensiya ay apolohista ng naghaharing lakas at awtoridad, ng finance capital at Estado/militar nito Ito na rin kaya ang ating hinaharap, laluna pag-uulit na naman ng sirko ng eleksiyon sa Mayong ito?

May balita ngang pumutok ang Mayon at napatay ang ilang Alemang turista doon, na di napansin ng maraming abala sa sirkong darating... Himagsik ng kalikasan? Natura naturans...?
Pahiwatig kaya ito ng ating lupang mahal? lupang hinirang? lupang ipinagkanulo?  Kaninong lupa ito? Lupang magiliw, duyan ka ng sino?? Perlas ng Silangan pa ba rin? Ano ang palagay ninyo?

BAGONG LIBRO NG MGA TULA ni E.SAN JUAN, Jr. --ULIKBA

$
0
0
UST PUBLISHING HOUSE RELEASES E. SAN JUAN'S NEWEST COLLECTION OF POEMS, ULIKBA

BAGONG LIMBAG NA LIBRO NI E. SAN JUAN, Jr., ULIKBA AT IBA PANG TULA, LATHALA NG U.S.T. PUBLISHING HOUSE



    Inilunsad nitong Hunyo ang librong ULIKBA at iba pang tula, kalipunan ng mga bagong tula ni E. SAN JUAN, Jr., kilalang kritiko at intelektwal sa larangang internasyonal. Sanhi sa lubog sa kolonyalismong delubyo ang arkipelago, wala sigurong may interes sa pangyayaring ito sa harap ng pagkahumaling sa komodipikadong TV, pelikula, komersiyo, party ng mga selebriti at politiko, at kriminal na aktibidad sa goberyno, pulis, militar, atbp.

    Si San Juan ay dating propesor sa English & Comparative Literature, Unibersidad ng Pilipinas; kasalukuyang emeritus propesor sa English, Comparative Literature & Ethnic Studies, Washington State University at University of Connecticut. Dating fellow ng W.E.B. Du Bois Institute, Harvard University, siya ngayon ay fellow ng Harry Ransom Center, University of Texas, Austin. Naging visiting professor of American Studies sa Leuven University, Belgium;  sa National Tsing Hua University, Hsinchu, Taiwan; Trento University, Italya; at sa University of the Philippines, Diliman, Quezon City.

Mula pa noong dekada 1960 nang katulong siya ni Alejandro Abadilla sa PANITIKAN, lumabas ang apat na libro niya ng mga tula; sinipi mula roon ang nakalakip sa Alay sa Paglikha ng Bukang-Liwayway (Ateneo University Press). Sumunod ang Sapagkat Iniibig Kita at iba pang tula (University of the Philippines Press), Sutrang Kayumanggi, Mahal Magpakailanman, Diwata Babaylan, at Bukas Luwalhating Kay Ganda  (konsultahin sa: amazon.com, lulu.com, createspace.com at sa Website ng Philippines Cultural Studies Center.

Sa perspektiba ng bagong milenyo, Ulikba at iba pang tula ay katibayan ng patuloy na pagsisikap ni E. SAN JUAN, Jr. sa proyektong nailunsad noong sumiklab muli ang kilusan tungo sa mapagpalayang demokratikong pambansa: ang mapangahas na pagsubok sa pagbabanyuhay ng panitikang Filipino at pagsulong ng mapagpalayang sining sa Pilipinas at sa buong daigdig sa pamamagitan ng wika ng sambayanang bumabangon at naghihimagsik. Itinakwil niya ang mapaniil na tradisyong piyudal at kolonyal upang makahulagpos ang enerhiya ng guniguning mapanuri sa bilanggo ng sukat at tugma, sampu ng mga kumbensyiong sumisikil sa diyalektikong agos ng diwang humihimay, tumistis, at bumubuo ng daigdig kung saan (ayon kina Marx at Engels) ang malayang pagsulong ng isa ay nakasalig sa malayang pagsulong at kasaganaan ng lahat. Ang ULIKBA ay sagisag ng pagsusudlong ng mga kontradiksyong siyang humahabi sa masalimuot na pakikipagsapalaran sa buhay ng bawat nilalang sa tanging planetang ating kinagisnan.

Ilang bagong libro ng awtor:  Working Through the Contradictions (Bucknell),  In the Wake of Terror (Lexington), US Imperialism and Revolution in the Philippines (Palgrave), Balikbayang Sinta: E. San Juan Reader (Ateneo), From Globalization to National Liberation (U.P. Press), Toward Filipino Self-Determination (SUNY), Critique and Transformation (Mellen), Rizal In Our Time (Revised Edition; Anvil) at Critical Interventions (Lambert). Nakasalang ang isang koleksiyon ng mga panunuring pampanitikan at estetika, pinamagatang LUPANG HINIRANG, na baka lumabas sa 2014. Abangan....

CONTACT: Philippines Cultural Studies Center --###

PALAYAIN ANG MGA BABAENG BILANGGONG PULITIKAL!

$
0
0
U.S. GLOBAL CAPITALISM'S HUMANITARIAN BLESSING : TORTURE OF WOMEN POLITICAL PRISONERS IN THE PHILIPPINES

by E. SAN JUAN, Jr.




Listed early this year by the UK ECONOMIST  as an upcoming Asian Tiger with 6-7% GDP growth, the Philippines (with half of its hundred million citizens subsisting on less than $2 a day) is more renowned as a haven of the terrorist Abu Sayyaf than for its minerals or its bountiful supply of advertized Filipina brides and maids for the world market.  A recent chic staging of Imelda Marcos' fabled extravagance in New York City may cover up the nightmare of the Marcos dictatorship (1972-1986) for the elite or the gore of the 2009 Ampatuan massacre.
But the everyday reality of human misery and plotted killings cannot be eluded.

Dan Brown featured Manila as the "gate of hell" in his novel Inferno. Are we in for a super-Halloween treat? What often pops up between the cracks of commodified trivia are the detritus and stigmata of U.S. intervention in the ongoing civil war. Prominent are the thousands of unresolved extra-judicial killings, torture and abuse of political prisoners, warrantless detentions, enforced disappearances or kidnappings of dissenters by government security forces mainly funded by Washington. We are confronted with a "culture of impunity" that recalls the bloody rule of Somoza in Nicaragua, Pinochet in Chile, and the ruthless generals of Brazil and Argentina in the years when Ronald Reagan and Bush patronized the Cold War services of Osama bin Laden and the Taliban.

A classic colony of the United States from 1898 to 1946, the Philippines remains a semi-feudal neocolony ruled by holdover oligarchs led today by President Benigno Aquino III.  Resisting the U.S. behemoth in 1899-1913 Filipino-American War, 1.4  million Filipinos perished in the name of U.S. "Manifest Destiny." Since then the Philippines has functioned as a strategic springboard for projecting U.S. power throughout the Asian-Pacific region. This has become more crucial with the recent Asian "pivot" of U.S. military resources amid territorial disputes among China, Japan, Korea, Vietnam, Taiwan and the Philippines.

State terrorism thrives in the Philippines. Tutored and subsidized by Washington-Pentagon, the Armed Forces of the Philippines (AFP) and the Philippine National Police (PNP) are the two state agencies tasked with pursuing a U.S.-designed Counterinsurgency Plan (now named "Oplan Bayanihan") against the Communist-led New People's Army (NPA) guerillas and other revolutionary groups led by the National Democratic Front. They are aided by government-established "force multipliers" such as Civilian Volunteer Organizations (CVO), police auxiliary units, and the notorious Citizens' Armed Forces Geographical Unit (CAFGU), whose members double as agents of local warlords.  Scrapping peace-talks with the insurgents while astutely temporizing with the Moro Islamic Liberation Front guerillas (with U.S. and Malaysian mediators), Aquino's coercive surveillance and enforcement apparatus obeys the privatization-deregulation policy/ideology of finance capital, resulting in severe unemployment, rampant corruption, widespread poverty and brutal repression.

U.S. imperial hegemony manifests itself in the unlimited use of Philippine territory by U.S warships and military through the Visiting Forces Agreement and other treaties. This has allowed hundreds of U.S. Special Forces, CIA and clandestine agencies to operate in helping the AFP-PNP counterinsurgency plan--such as bombing and strafing communities of peasants and indigenous communities that are protesting mining by foreign corporations. From 2001 to 2010, the U.S. provided over $507 million military assistance (report by Jerry Esplanada, Philippine Daily Inquirer, 31 Oct 2011).  Part of this grant was spent in civic action projects reminiscent of the U.S.-CIA schemes during the anti-Huk pacification campaign under Ramon Magsaysay's presidency.

An observer of recent elections in the Philippines, Australian law professor Gill Boehringer addresses the "culture of impunity" and provides a background for the dehumanization of the regime's critics:  "The Philippines is following the typical neo-liberal program whereby inequality worsens, hunger and poverty continue at high rates, citizens are driven overseas so their family may have better income while unemployment, under-employment and child labor remain significant problems... In a country with a a semi-feudal political-economic system generating a huge gap between rich and the masa [masses], the former will fight in every way possible to maintain the structure of social, political and economic relations--including relations of coercion, violence and state-corporate terror--which have made the Philippines a paradise for the wealthy and purgatory for the rest" (Karapatan Interview, 30 June 2013). 

To keep the country underdeveloped, secure for investments by predatory multinational coporations, and safe from strikes and political dissent, the U.S. supports a tiny group of political dynasties and their retinue whose victory in periodic "democratic" elections, such as the one last May, guarantees the perpetuation of a society polarized into an impoverished majority and a privileged minority. Violence and a corrupt, inefficient court system underwrite the maintenance of a business-as-usual status quo for profit-making and legitimization of torture, kidnappings, assassinations, and other State crimes against citizens.

Since the 1986 fall of the Marcos dictatorship and its destruction of constitutional process and civil liberties, the volume and scope of human rights violations have jumped to staggering proportions. In 2011, for instance, Amnesty International stated: "More than 200 cases of enforced disappearances recorded in the last decade remained unresolved, as did at least 305 cases of extrajudicial execution (with some estimates ranging as high as 1,200). Almost no perpetrators of these crimes have been brought to justice" (Bulatlat, 20 May 2011).

The U.S. State Department's Country Report on Human Rights in the Philippines for 2011 also confirmed the persistence of "arbitrary, unjlawful, and extrajudicial killings by national, provincial, and local government agents," including "prisoner/detainee torture and abuse by security forces, violence and harassment against leftist and human rights activists by local security forces, disappearances, warrantless arrests, lengthy pretrial detentions, overcrowded and inadequate prison conditions," and so on (U.S. State Dept., Bureau of Democracy, Human Rights and Labor, 2011). The Human Rights Watch also affirmed that "hundreds of leftist politicians and political activists, journalists, and outspoken clergy have been killed or abducted since 2011" (World Report 2011).

The highly credible NGO human rights monitor Karapatan documented the human-rights record of Aquino from July 2010 to April 30, 2013: 142 victims of extrajudicial killings, 164 cases of frustrated killing, 16 victims of enforced disappearances (Press Statement, 29 June 2013).  High profile cases of the killing of Father Pops Tenorio, Dutch volunteer Willem Geertman, botanist Leonardo Co, and environmentalists Gerry Ortega remain unresolved. Military officials like ex-General Jovito Palparan, Major Baliaga, and others linked by the courts to the kidnapping of Jonas Burgos, Sherley Cadapan and Karen Empeno remain at large.  Karapatan chairperson Marie Hilao-Enriquez noted that the victims of State terror are "those who challenge inequality and oppression," those who were displaced by logging and transnational mining companies, and those branded as sympathizers of the NPA by the counterinsurgency program Oplan Bayanihan which, to date, has yielded  137 extra-judicial murders and thousands of detained suspects (Press Statements, 16 January 2013;  29 June 2013).

Women stand out as the prime victims of the Aquino regime and patriarchal authority in general. They are discriminated and inferiorized by virtue of gender, caste, class and ethnicity (on women as caste, see Roxanne Dunbar-Ortiz, Outlaw Woman, 2002).  In 2011, half of the 78 political detainees arrested by the Aquino regime were women. Since 2001, 153 women were targetted by extrajudicial assassins sponsored by the AFP-PNP. The Center for Women's Research observed that women political prisoners suffer twice the violence experienced by men; they "are more vulnerable to intimidation, sexual harassment and abuse, as well as torture." Former political prisoner Angie Ipong and the women members of the Morong 43 [health-care workers arrested by Arroyo's military in 2009] can attest to this" (Bulatlat 15 December 2011). The sixty-year old Ipong was arrested in March 2005 without warrant, blindfolded, and physically abused without relief for several days. After six years of obscene subjugation in different military stockades, Ipong was released by a regional trial court which dismissed the charges of double murder, double frustrated murder, and arson charges against her (see her personal testimony, A Red Rose for Andrea, 2012). Ipong's case epitomizes the systematic degradation of women of all ages in Aquino's tropical paradise of U.S. military ports, minerals, and versatile domestics.

As of December 31, 2012, there are 33 women political prisoners (of the total of 430) in the Philippines. Twelve are elderly, 45 are sick, and one is a minor. A significant number belong to ethnic or indigenous communities. They languish in jail branded as "enemies of the state," charged with rebellion and all kinds of fabricated criminal charges. They suffer all kinds of torture, in particular sexual abuse and rape, perpetrated by their military and police captors. Many of them are human rights defenders or activists involved in advocacy for national sovereignty and genuine economic development for the poor and marginalized. Because they work for the deprived sectors of peasants, workers, urban poor, youth, and indigenous communities, they are accused of being supporters of the communists (the NPA is labelled a "terrorist" organization like the Abu Sayyaf, following U.S. State Dept. doctrine) to justify their illegal arrest and continuing detention in horrible quarters.

This article reveals only a tip of the monstrous iceberg of cruel and inhumane punishment inflicted on women by the neocolonial order. Because of space limitations, I can only select the following cases and urge everyone committed to justice and human dignity to demand their immediate release and indemnification for unspeakable afflictions suffered over the years.

1. Vanessa de los Reyes, 27 years old, critically wounded in an encounter with the military in Davao Oriental in May 2011; subjected to heavy interrogation, now under hospital arrest due to a spinal surgery resulting in body paralysis.

2. Maricon Montajes, 21 years old, a film student at the University of the Philippines; a photographer documenting peasant life; arrested in Batangas in June 2010; wounded by military gunfire; interrogated and abused.
3.  Charity Dinio, 31 years old, a teacher and volunteer organizer of a peasant organization in Batangas. Detained for two weeks by the military, she was beaten up and subjected to electric shocks. She writes: "Worse, they undressed me and laughed at my nakedness and humiliation The torture was a nightmare... I was deprived of due process and condemned despite the lack of evidence. Working with the farmers is now a criminal act.  In jail, political prisoners are considered criminals. We are in detention cells with inmates charged with common crimes. This is part of the government's modus operandi to hide political prisoners so they may claim that there are no political prisoners in the country today" (New Brunswick Media Coop, Canada; )
4. Joverlyn Tawa-ay, 26 years old, accused of being a NPA guerilla; member of the Manobo tribe from Surigao Sur; charged with rebellion; forced to admit her guilt and convicted to suffer in jail for 12-14 years.
5.  Lucy Canda, 46 years old, also from Surigao Sur and convicted for being an NPA member, sentenced to 12-14 years in jail.
6.  Catherine Cacdac, 31 years old, Compostela Valley, Mindanao; abducted and kept for three months in military stockades; tortured for being an NPA member.
7.  Virgie Ursalino Baao, 25 years old, a farmer from Tayabas, Quezon; abducted by the military, detained and severely tortured; accused of being an NPA member.
8.  Gemma Carag, 39 years old, peasant organizer and educator from the University of the Philippines, Los Banos, Laguna; tortured for several days by the AFP and PNP in Sariaya, Quezon; accused of being an NPA member.
9.  Rhea Pareja, 25 years old, volunteer teacher for the Adult Literacy Program of her sorority Kappa Epsilon in Mulanay, Quezon; tortured severely by paramilitary forces connected to the AFP and PNP; charged as an NPA member.
10.  Miguela Pinero, 46 years old, farmer and community health worker; accused of being an NPA commander.
11.  Evelyn Legaspi, 53 years old, member of an organization of urban poor, Kadamay; arrested in Bae, Laguna, by the PNP, subjected to abusive interrogation and physical abuse; accused of illegal possession of firearms.
12.  Pastora Latagan Darang, 34 years old, member of Kadamay. Arrested and tortured by AFP-PNP and accused of murder, illegal possession of explosives.
13.  Rosita Cabus, 56 years old, from Baybay, Leyte. A former peasant organizer, she was arrested (with her husband Rodrigo) on trumped-up charges of murder.
14. Marissa Espidido Caluscusin, 27 years old, from Antipolo City; arrested by the AFP-PNP for being a suspected NPA member, together with researchers for the peace talks between the government and the National Democratic Front.
15.  Moreta Alegre, 65 years old, farmer, the oldest woman political prisoner, from Sagay, Negros Oriental; sentenced (with her husband and son) to life imprisonment for alleged murder of one of the bodyguards of a local landlord; protested landgrabbing.
For the situation of other women political prisoners, please consult the websites of KARAPATAN and SELDA. Everyday, warrantless arrests and torture of activists are occurring as living conditions deteriorate. With the extra-judicial killing last March 4 of Cristina Morales Jose, a leader of Barug Katawhan (People Rise Up!), an organization of the survivors of the typhoon Pablo in Davao Oriental, it is probable that instead of crowding the filthy prisons and detention centers, the Aquino regime is resorting to outright extermination of protest leaders. If that is the case, it is urgent to appeal to international bodies.
The Cold War phenomenon of the "National Security State" seems to have morphed into the regime's not so subtle fascist maneuver. Practically kept a secret from the public is Joint Order No. 14-2012 of the Department of National Defense and Department of the Interior and Local Government which lists the names of wanted communist leaders, allocating  four hundred sixty-six million eighty-thousand pesos (P466,088,000) as reward money for their capture. A bonanza for bureaucrats and officials of the AFP-PNP!   Under this order, Estelita Tacalan, a 60-year old  peasant organizer and rural health worker in Misamis Oriental was kidnapped by AFP-PNP agents on April 27. On May 7, the PNP announced that they have detained Tacalan for being listed in the Joint Order, and charged her with murder and arson (Karapatan Press Statement, 10  May 2013). Countless arrests and detentions have been made pursuant to this Order.
Women have proven to be the most vulnerable victim of such authoritarian measures, based on the history of torture and sexual abuse of political prisoners from the Marcos dictatorship to the Arroyo and Aquino regimes. In effect, the system has criminalized the radical anti-imperialist activism of women. As Catherine MacKinnon observed, these practices of sexual and reproductive abuse "occur not only in wartime but also on a daily basis in one form or another in every country in the world....widely permitted as the liberties of their perpetrators, understood as excesses of passion or spoils of victory, legally rationalized or officially winked at or formally condoned" ("Crimes of War, Crimes of Peace," On Human Rights: The Oxford Amnesty Lectures 1993, New York, p. 87). In the Philippines, they are not legally rationalized or formally condoned by a regime that professes to abide by the UN Charter of Human Rights and all the other international covenants prohibiting the violations of human rights. But just the same, they are violated every day under the humanitarian flag of global free-market democracy, liberty and justice for all.--###
------______________________________________________________________________
E. SAN JUAN, Jr. is emeritus professor of Ethnic Studies, English and Comparative Literature; former fellow of WEB Du Bois Institute, Harvard University, and the Harry Ransom Center, University of Texas; and previously a Fulbright professor of American Studies, Leuven University, Belgium. His recent books include  In the Wake of Terror (Lexington Books), Critique and Social Transformation (Mellen Books), and US Imperialism and Revolution in the Philippines (Palgrave). Thanks to Cristina Palabay, secretary general of Karapatan, for valuable assistance in furnishing document, etc.

SINALANG SALAWIKAIN--E. San Juan, Jr.

$
0
0




SINALANG SALAWIKAIN NG SALARIN NA NAGKASALA
 

Sa Labintatlong Maniobra sa Larangan ng Pakikipagsapalaran
 

(Unang Borador)

 [Sinangla, binalasa't nilustay bago umagpang ang salarin ng wika sa paglinlang at pagdispalko sa kasaysayan, ayon sa tagubilin ni Felix Razon:"Ilang hagkis o pukol ng dais ay hindi makawawalis sa istratehiya ng pagbabakasakali....”]
ni E. SAN JUAN, Jr.

___________________________________________________________________

LARO 1


Ang kapalaran di mo man hanapin, dudulog
    at lalapit kung talagang atin

Nasa kaluluwa ang awa, nasa katawan ang gawa

Taong di makuhang sumangguni, may dunong ma'y namamali

Ang lubid ay nalalagot kung saang dako marupok

Sa kapipili-kapipili, katagpu-tagpo ay bungi

Anumang iyong gawin, makapito mong isipin

Isa man at sampak, daig ang makaapat

Anumang tibay ng piling abaka ay walang silbi kapag nag-iisa

Mabigat ay gumagaan kung ating pinagtutulung-tulongan

Ang mabuting gawa kahit walang bathala, kinalulugdan ng     madla



LARO 2


Ang manamit ng hiram, sa daan hinuhubaran

Daang patungo sa langit, masagabal at maliklik

Malapit ma't di lalakarin, kailan ma'y di mararating

Kung di ka lumingon sa pinanggalingan, di ka makararating sa     paruroonan

Huli man at magaling, kahit hubo't hubad maihahabol din

Pagkahabahaba man ng prusisyon, sementeryo din ang tuloy

Ang sa panghihiram mawili, nakalilimot sa sarili

Walang unang sisi na di sa huli nangyari

Kung ano ang tugtog, mangahas huwag isayaw

Buntot mo, hila mo














LARO  3


Ang di magsapalaran, hindi matatawid ang karagatan

Kung ang tubig ay tahimik, lipdin mo ma'y di malirip

Kaya maligo ka sa linaw, sa labo magbanlaw

Pag ang tubig ay di matining, may pasubaling balon ay     malalim

Walang mahirap gisingin gaya ng nagtutulog-tulugan

Ang hipong tulog, tinatangay ng agos

Putik din lamang at putik, tapatan na nang malapit

Matutuyo man ang sapa, hindi ang balita

Kapag ang ilog ay maingay, asahan mong may sumasablay

Buhay alamang, paglukso'y patay











LARO 4



Kapag ukol, pwedeng hindi bumukol

Hindi pa ipinaglilihi, di biro'y  ipinapanganak na

Wala pang itlog ang inahin, di na mabilang ang sisiw

Kung sino ang unang pumutak, di biro'y siyang nangitlog

Sala sa lamig, sala sa init, sumasalang buwisit

Kung sino ang minamahal, siyang pinahihirapan

Kung may hirap, may ginhawa ba

Ang panalo ay sakali, ang pagkatalo'y palagi

Iba na ang hawak sa palad kaysa lumilipad

Biru-biro kung sanglan, totoo kung tamaan













LARO 5


Kapag may isinuksok, may madudukot

Kung bukas ang kaban, nagkakasala sinuman

Nakikita ang butas ng karayom, hindi ang butas ng palakol

Kung sino pa ang mangangaso ay siyang walang palaso

Huwag kang maglaro ng sundang kung ayaw mong     masugatan

Kung minsan kaliwang kamay tinataga rin ang kanan

Walang sumisira sa bakal kundi ang sarili niyang kalawang

Nawawala ang ari  ngunit ang uri ay hindi

Di lahat ng kumikinang ay tunay na gintong lantay

Gayunpaman ang taong nagigipit, sa patalim kakapit














LARO 6


Ang pangako ay utang, huwag kalilimutan

Ang lumalakad nang matulin, kung matinik ay malalim

Ibon sa hawla'y  ikinulong nang mahigpit, kapag nakawala'y     hindi na babalik

Humahabol ang nahuli sa unang nagsisisi

Ang matalinong mamaraan, magugulangan din pagtawid sa        sangandaan

Kahit matapang sa singilan, duwag naman sa utangan

Sa pakitang loob at tapat na damay ay walang salaping sukat     matimbang

Kung gaano kataas ang lipad, gayon din ang lagapak

Walang pagod magtipon, walang hinayang magtapon

Kung saan narapa, doon magbangon












LARO  7



Ubus-ubos biyaya, maya-maya ay nakatunganga

Nangilag sa baga, sa ningas nasugba

Naghangad ng katugma, isang salop ang nawala

Batong-buhay ka man na sakdal tigas, unti-unting patak     tuluyang maagnas

Mga biyayang apoy at habagat, bato man ay pinalalambot

Walang matimtimang birhen sa matiyagang manalangin

Tikatik man kung panay ang ulan, malalim mang ilog ay     aapaw

Ang nagtatanim ng hangin, may bagyong aanihin

Hangga't makitid ang kumot, magtiis mamaluktot

Magkupkop ka rito ng kaawa-awa, langit ang iyong     gantimpala










LARO  8


Ang binigyan ng buhay, bibigyan din ng ikabubuhay

Kung nasaan ang asukal, naroon ang langgam

Walang palayok na di may kasukat na tuntong

Iyang ampalayang kahit anong pait, sa nagkakagusto'y     walang kasintamis

Pagkalaki-laki man ng palayok, may kasukat na saklob

Walang tutong sa burokratang nagugutom

Walang tumaban ng palayok na hindi naulingan

Bago  mo batiin ang dungis ng ibang tao, ang dungis mo     muna ang tugunan mo

Ang iyong kakainin, sa iyong pawis manggagaling

Bulaga!   Ako ang nagbayo, nagsaing, nagluto ngunit iba ang     kumain













LARO 9



Ang pagsasabi ng tapat ay pagsasamang maluwat

Gayunpaman, sa lahat ng gubat, nakaluklok ang ahas

Ang asong matatahulin ay hindi makakagatin

Ang malubay na sagot ay nakapapawi ng poot

Labis sa kahol at salita, kulang sa sagpang at gawa

Ang butong tinangay ng aso, walang salang nalawayan mo

Nasa tuldik ang awa, nasa punto ang gawa

Itinutulak ng bibig, kinakabig ng dibdib

Ang isda'y sa kanyang bibig nahuhuli, ang tao nama'y sa     salita't sabi

Sa langit lumura, sa mukha tumama












LARO  10




Ang maghanap sa wala, ulol ang kamukha

Kahoy na babad sa tubig sa apoy huwag ilapit

Pag nadarang mag-iinit, sapilitang magdirikit

Matuyo man ang sapa, hindi ang balita

Ang taong naglalaro sa apoy ay napapaso

Di man makita ang ningas, apoy ang magpapahayag

Hinahanap-hanap ang nawala, nang makita ay isinumpa

Kung hirap ay masasal na, bisperas na ng ginhawa

Ang taong mainggitin, lumigaya man ay sawi rin

Totoo kayang madaling maging tao't mahirap magpakatao













LARO  11


Kung ano ang taguri, ay siyang pagkalungi

Damit na hiram, kung hindi masikip ay maluwang

Ang sakit ng kalingkingan, damdam ng buong katawan

Sa marunong umunawa, di sukat ang mahiwagang talinghaga

Talastasang pagbasa, sabaw na malasa

Ang gawa sa pagkabata, dala hanggang sa pagkamatanda

Ang maikli ay dugtungan, ang mabaha ay putulan

Sa panahon ng kagipitan, makikilala ang di kaibigan

Tuso man ang matsing, napaglalalangan din

Walang nasayang na buhay sa rebolusyonaryong muling     pagkabuhay














LARO  12


Kaning biglang isusubo, iluluwa kung mapaso

Kung magbibigay ma't mahirap sa loob, ang pinakakain ay di     mabubusog

Pag ang pagkakita ay bigla, bigla rin ang pagkawala

Walang masamang kanya, walang mabuti sa iba

Bagamat  isinusubo mo, nalaglag pa ang mumo

Kahit apaw na ang salop, nawawala ang kalos

Kaya hindi lahat ng maagap maagang nakalulutas

Hampas sa kalabaw, sa kabayo ang latay

Ang anumang kasulatan, dapat lagdaan kung kinakailangan

Aanhin pa ang pulot-gata kung patay na ang kabayo














LARO  13


Kung hiwaga ang itinanim, libong himala ang aanihin

Madaling pumitas ng bunga kung dadaan ka sa sanga

Ang kawayan kung tumubo, langit na matayog ang itinuturo

Kung may isinuksok, may titingalain

Kung masunod na ang anyo, sa lupa rin ang yuko

Ang bungang hinog sa sanga, matamis ang lasa

Ang bungang hinog sa pilit kung kainin ay mapait

Magsisi ka man at huli, wala nang mangyayari

May tainga ang lupa, may pakpak ang balita, ngunit bingi't     makupad ang makata

Nasa taong matapat ang huling halakhak

POSTKONSEPTUWAL NA TULA, KONSEPTUWALISTANG SINING/DISKJURSO ni E. SAN JUAN, Jr.

$
0
0

SINALANG SALAWIKAIN NG SALARING NAGKASALA
Sa Labintatlong Maniobra sa Larangan ng Pakikipagsapalaran

[Pagsubok sa Paglikha ng Post-Konseptuwal na Diskurso]

 [Sinangla, binalasa't nilustay bago umagpang ang salarin ng wika sa paglinlang at pagdispalko sa kasaysayan, ayon sa tagubilin ni Felix Razon:"Ilang hagkis o pukol ng dais ay hindi makawawalis sa istratehiya ng pagbabakasakali....”]

ni E. SAN JUAN, Jr.
_____________________________________________________________

PAUNAWA TUNGKOL SA KONSEPTUWAL NA SINING/PANITIKANG                 POST-KONSEPTUWAL

    Simula pa noong kilusang avantgarde ng suryalismo, Dada, konstruktibismo, Fluxus, Oulipop ng nakalipas na siglo--mababanggit sina  Duchamp, Beckett, Gertrude Stein, Joyce, Brecht, John Cage, atbp.--ang pagyari ng anti-ekspresibong akda ay di na bagong balita. Nawasak na ang lumang kategorya ng genre at dekorum sa estilo, pati na rin ang kaibahan ng mga midya o instrumento sa pagpapahayag (pinta, musika, salita). Di mapanlikhang sulat ("uncreative writing") ang bunga. Sa sining, ang "Spiral Jetty" ni Robert Smithson.  Ang pinakamahalaga ay ang konsepto o ideya na ugat ng "Spiral Jetty."
   
     Supling ang kontemporaneong sining ngayon sa pag-angkin (appropriation), malayang pagnakaw, patikim at pagtransporma ng anuman--ang konteksto/sitwasyon ang siyang dumidikta. Ito'y nakadiin sa proseso, at nakasalig sa konsepto o kaisipang umuugit o gumagabay sa pagbuo--hindi sa produkto.  Layon nito ay hindi lang pagbuwag sa pribadong pag-aari ("expropriate the expropriators," wika nga) kundi paghahain din sa lahat ng malawak at maluwag na larangan sa interpretasyon/kabatiran (ang komunismo ng all-round "free development," ayon sa Gotha Programme).  Kung sira na ang bakurang humihiwalay sa sining at buhay, sa pulitika at ekonomya, bakit bulag pa rin tayo sa katotohanang nagbago't nagbago na ang mundo?

    Wika ni Kenneth Goldsmith, isang dalubhasang konseptuwalistang guro: "The idea or concept is the most important aspect of the work...The idea becomes a machine that makes the text" ("Paragraphs on Conceptual Writing," sangguniin din ang Against Expression: An Anthology of Conceptual Writing, inedit ni Goldsmith at Craig Dworkin).  Dagdag pa niya: Hindi kailangang basahin ang teksto. Kailangan lamang ay maintindihan ang konsepto, ang namamayaning proyektong inaadhika, sa likod nito. Ang konsepto ang batayan ng porma, hugis, anyo (sang-ayon din si Galvano Della Volpe, Critique of Taste).  Sagot ito sa digital revolution ng kompyuter, sa pagsambulat ng impormasyon sa Internet na walang pasubaling naglilinkod sa barbarismo ng tubo/kapital at karahasan ng pagsasamantala. Tanong ko: pagkatapos ng kabatiran, ano ang dapat gawin?

    Paano makalalaya sa kapangyarihan ng salapi, kapital, komodipikasyon?  Upang lumaban sa industriyang pangkulturang kasangkapan ng kapitalismong global, pag-umit o pag-angkin (sa katunayan, ng kinumpiskang halaga/surplus value na likha ng mga manggagawa) at detournement (ayon kay Guy Debord) ang gawing istratehiya sa pagtutol. Mabisa ang taktika ng alegorya, ang metodo ng debalwasyon (tingnan "Notes on Conceptualisms" nina Robert Fitterman at Vanessa Place sa Web). 

    Sino ang may kontrol sa mga kagamitan sa produksiyon at reproduksiyon ng lipunan?  Paliwanag din ni Walter Benjamin na dapat hawakan at pangasiwaan ang paraan ng produksiyon upang matutulan ang laganap at malalim na komodipikasyon, reipikasyon, anomie/alyenasyon sa buong planeta. Samut-saring posibilidad ang nakabukas dahil sa teknolohiya. Laluna ang materyalidad ng wika at iba't ibang signos/senyal. Nasa gitna tayo ng rebolusyon sa sining. Pwede kayang maitransporma ang nakahandang-bagay (ready-made) na salawikain (hanggang hindi pa ito napraybatays ng McDonald, Body Shop, S-M at Robinson Mall) upang makapukaw ng katumbalikang damdamin at isip?

    Ang diskursong narito, na siguro'y pinakaunang halimbawa ng konseptuwalistang pagsubok sa Filipino, ay ensayo sa post-konseptuwalismong modo ng pag-angkin at pagbaligtad. Ayon kay Peter Osborne (Anywhere or Not at All), ang post-konseptuwalismong pananaw ang siyang mabisang paraan upang sagupain ang neoliberalismong salot na nagtuturing sa lahat na pwedeng mabili at pagtubuan--katawan, kaluluwa, panaginip, kinabukasan. Ang idea ng "horizon" o abot-tanaw na hanggahan ang maaaring bumalangkas ng praktikang experimental na negasyon/pagtakwil sa status quo na dudurog sa nakagawiang hilig, gawi, asal sa "free market" ng paniniwala't damdamin.

    Kung ukol, di bubukol? Problema na walang tiyak na resulta ang anumang eksperimento o ipotesis, probabilidad lamang. Sa pagreprodyus sa tradisyonal na bukambibig na payo o kaalaman sa kwadro ng mapagbirong laro, makatutulong kaya ito sa paghikayat na kolektibong tuklasin at isakatuparan ang konsepto ng pagbabago, konsepto ng pagbabalikwas at pagsulong tungo sa pambansang demokrasya't kasarinlan?  Sinong pupusta sa sugal ng pagbabakasakali't pakikipagsapalaran? Nasa sa inyo, mambabasa, ang kapasiyahan.--ESJ 7/25/2013

_____________________________________________________________
LARO 1


Ang kapalaran di mo man hanapin, dudulog
    at lalapit kung talagang atin

Nasa kaluluwa ang awa, nasa katawan ang gawa

Taong di makuhang sumangguni, may dunong ma'y namamali

Ang lubid ay nalalagot kung saang dako marupok

Sa kapipili-kapipili, katagpu-tagpo ay bungi

Anumang iyong gawin, makapito mong isipin

Isa man at sampak, daig ang makaapat

Anumang tibay ng piling abaka ay walang silbi kapag nag-iisa

Mabigat ay gumagaan kung ating pinagtutulung-tulongan

Ang mabuting gawa kahit walang bathala, kinalulugdan ng     madla


LARO 2



Ang manamit ng hiram, sa daan hinuhubaran

Daang patungo sa langit, masagabal at maliklik

Malapit ma't di lalakarin, kailan ma'y di mararating

Kung di ka lumingon sa pinanggalingan, di ka makararating sa     paruroonan

Huli man at magaling, kahit hubo't hubad maihahabol din

Pagkahabahaba man ng prusisyon, sementeryo din ang tuloy

Ang sa panghihiram mawili, nakalilimot sa sarili

Walang unang sisi na di sa huli nangyari

Kung ano ang tugtog, mangahas huwag isayaw

Buntot mo, hila mo













LARO  3



Ang di magsapalaran, hindi matatawid ang karagatan

Kung ang tubig ay tahimik, lipdin mo ma'y di malirip

Kaya maligo ka sa linaw, sa labo magbanlaw

Pag ang tubig ay di matining, may pasubaling balon ay     malalim

Walang mahirap gisingin gaya ng nagtutulog-tulugan

Ang hipong tulog, tinatangay ng agos

Putik din lamang at putik, tapatan na nang malapit

Matutuyo man ang sapa, hindi ang balita

Kapag ang ilog ay maingay, asahan mong may sumasablay

Buhay alamang, paglukso'y patay











LARO 4



Kapag ukol, pwedeng hindi bumukol

Hindi pa ipinaglilihi, di biro'y  ipinapanganak na

Wala pang itlog ang inahin, di na mabilang ang sisiw

Kung sino ang unang pumutak, di biro'y siyang nangitlog

Sala sa lamig, sala sa init, sumasalang buwisit

Kung sino ang minamahal, siyang pinahihirapan

Kung may hirap, may ginhawa ba

Ang panalo ay sakali, ang pagkatalo'y palagi

Iba na ang hawak sa palad kaysa lumilipad

Biru-biro kung sanglan, totoo kung tamaan













LARO 5


Kapag may isinuksok, may madudukot

Kung bukas ang kaban, nagkakasala sinuman

Nakikita ang butas ng karayom, hindi ang butas ng palakol

Kung sino pa ang mangangaso ay siyang walang palaso

Huwag kang maglaro ng sundang kung ayaw mong     masugatan

Kung minsan kaliwang kamay tinataga rin ang kanan

Walang sumisira sa bakal kundi ang sarili niyang kalawang

Nawawala ang ari  ngunit ang uri ay hindi

Di lahat ng kumikinang ay tunay na gintong lantay

Gayunpaman ang taong nagigipit, sa patalim kakapit














LARO 6


Ang pangako ay utang, huwag kalilimutan

Ang lumalakad nang matulin, kung matinik ay malalim

Ibon sa hawla'y  ikinulong nang mahigpit, kapag nakawala'y     hindi na babalik

Humahabol ang nahuli sa unang nagsisisi

Ang matalinong mamaraan, magugulangan din pagtawid sa        sangandaan

Kahit matapang sa singilan, duwag naman sa utangan

Sa pakitang loob at tapat na damay ay walang salaping sukat     matimbang

Kung gaano kataas ang lipad, gayon din ang lagapak

Walang pagod magtipon, walang hinayang magtapon

Kung saan narapa, doon magbangon












LARO  7



Ubus-ubos biyaya, maya-maya ay nakatunganga

Nangilag sa baga, sa ningas nasugba

Naghangad ng katugma, isang salop ang nawala

Batong-buhay ka man na sakdal tigas, unti-unting patak     tuluyang maaagnas

Mga biyayang apoy at habagat, bato man ay pinalalambot

Walang matimtimang birhen sa matiyagang manalangin

Tikatik man kung panay ang ulan, malalim mang ilog ay     aapaw

Ang nagtatanim ng hangin, may bagyong aanihin

Hangga't makitid ang kumot, magtiis mamaluktot

Magkupkop ka rito ng kaawa-awa, langit ang iyong     gantimpala










LARO  8


Ang binigyan ng buhay, bibigyan din ng ikabubuhay

Kung nasaan ang asukal, naroon ang langgam

Walang palayok na di may kasukat na tuntong

Iyang ampalayang kahit anong pait, sa nagkakagusto'y     walang kasintamis

Pagkalaki-laki man ng palayok, may kasukat na saklob

Walang tutong sa burokratang nagugutom

Walang tumaban ng palayok na hindi naulingan

Bago  mo batiin ang dungis ng ibang tao, ang dungis mo     muna ang tugunan mo

Ang iyong kakainin, sa iyong pawis manggagaling

Bulaga!   Ako ang nagbayo, nagsaing, nagluto ngunit iba ang     kumain













LARO 9



Ang pagsasabi ng tapat ay pagsasamang maluwat

Gayunpaman, sa lahat ng gubat, nakaluklok ang ahas

Ang asong matatahulin ay hindi makakagatin

Ang malubay na sagot ay nakapapawi ng poot

Labis sa kahol at salita, kulang sa sagpang at gawa

Ang butong tinangay ng aso, walang salang nalawayan mo

Nasa tuldik ang awa, nasa punto ang gawa

Itinutulak ng bibig, kinakabig ng dibdib

Ang isda'y sa kanyang bibig nahuhuli, ang tao nama'y sa     salita't sabi

Sa langit lumura, sa mukha tumama












LARO  10




Ang maghanap sa wala, ulol ang kamukha

Kahoy na babad sa tubig sa apoy huwag ilapit

Pag nadarang mag-iinit, sapilitang magdirikit

Matuyo man ang sapa, hindi ang balita

Ang taong naglalaro sa apoy ay napapaso

Di man makita ang ningas, apoy ang magpapahayag

Hinahanap-hanap ang nawala, nang makita ay isinumpa

Kung hirap ay masasal na, bisperas na ng ginhawa

Ang taong mainggitin, lumigaya man ay sawi rin

Totoo kayang madaling maging tao't mahirap magpakatao













LARO  11


Kung ano ang taguri, ay siyang pagkalungi

Damit na hiram, kung hindi masikip ay maluwang

Ang sakit ng kalingkingan, damdam ng buong katawan

Sa marunong umunawa, di sukat ang mahiwagang talinghaga

Talastasang pagbasa, sabaw na malasa

Ang gawa sa pagkabata, dala hanggang sa pagkamatanda

Ang maikli ay dugtungan, ang mabaha ay putulan

Sa panahon ng kagipitan, makikilala ang di kaibigan

Tuso man ang matsing, napaglalalangan din

Walang nasayang na buhay sa rebolusyonaryong muling     pagkabuhay














LARO  12


Kaning biglang isusubo, iluluwa kung mapaso

Kung magbibigay ma't mahirap sa loob, ang pinakakain ay di     mabubusog

Pag ang pagkakita ay bigla, bigla rin ang pagkawala

Walang masamang kanya, walang mabuti sa iba

Bagamat  isinusubo mo, nalalaglag pa ang mumo

Kahit apaw na ang salop, nawawala ang kalos

Kaya hindi lahat ng maagap maagang nakalulutas

Hampas sa kalabaw, sa kabayo ang latay

Ang anumang kasulatan, dapat lagdaan kung kinakailangan

Aanhin pa ang pulot-gata kung patay na ang kabayo














LARO  13


Kung hiwaga ang itinanim, libong himala ang aanihin

Madaling pumitas ng bunga kung dadaan ka sa sanga

Ang kawayan kung tumubo, langit na matayog ang itinuturo

Kung may isinuksok, may titingalain

Kung masunod na ang anyo, sa lupa rin ang yuko

Ang bungang hinog sa sanga, matamis ang lasa

Ang bungang hinog sa pilit kung kainin ay mapait

Magsisi ka man at huli, wala nang mangyayari

May tainga ang lupa, may pakpak ang balita, ngunit bingi't     makupad ang makata

Nasa taong matapat ang huling halakhak

Article 0

$
0
0
BALADA NI JONAS BURGOS,

NALIGAW SA
"
DAANG MATUWID
"


ni E. SAN JUAN, Jr.



Mga Kasama:
Habang papunta sa gawing Hacienda Luisita
Niyaya ni Major Harry Baliaga na magpalamig muna
Sa Ever Gotesco ng mapanuksong waytres
Niyakag upang kwentuhan ng
kung anong
nangyari

Kina Sherley Cadapan at Karen Empeno
at mga saksi

At ang masuyong Binibining Melissa Roxas
Ngunit sabi ko'y nais kong hanapin, taluntunin
Ang matuwid na landas na makatarunga't marapat

Sundin iyon hanggang umabot sa Sabah
at Batanes

Kahit liku-liko at baku-bako, walang kailangan
Sumakay sa bangka at itanong sa bangkero
"Magmula sa laot sagad hanggang pampang

Turan mo sa akin ang hampas ng sagwan?"
Ngunit naligaw po kami sa pulong Tubbataha
Di na nakarating sa safe-house ng Ampatuan--
Pinilit tumawid sa
baluktot na
"
daang
matuwid" 
'
Patungong EDSA at madugong Mendiola
Kung saan 13 multo't sina Olalia-Alay-ay ang nag-aabang
Hayun kumakaway si Heneral Palparan
Mula sa Morong at Mindorong di na mapagtaguan
Lumiko sa mabahong Batasan at SONA ni P'Noy
Sangkatutak na trapong dinastiyang pumapalakpak
Sa palpak na pagkukunwari't walang-hiyang dahas
Sa biktima sa Commonwealth Ave, demolisyo't minahan


Kung sakaling na-miss ninyo ako'y ipagpatawad
Huwag itanong kay Uncle Sam o  sa Abu Sayyaf
Baka hulihin kayo ng mga sirena ni Major Baliaga
Pagkat daang matuwid sadyang
tabingi't balakyot

Di na naabot ang Luisita't napadpad sa Atimonan
At nadukot ang nagbalatkayong mutya ng Makiling
Nagkalat ngayon sa daang matuwid ng Malakanyang
Buto't kalansay ng katarungang desaparecido -- Alay-ay!

DISKURSO NI JOSE RIZAL: Kasaysayan, Himagsikanb ni E. SAN JUAN, Jr.

$
0
0


JOSE RIZAL:  PANGHIHIMASOK  NG  IMAHINASYONG PANGKASAYAYAN
               ni E. SAN JUAN, Jr.



         Palasak nang ituring sa kasalukuyan na ang paksang inihudyat ng pamagat ko sa lekturang ito'y gamit na gamit na, ibig sabihi'y nakasusuya kundi nakaaantok. Ako man ay sawa na sa mga panayam at talumpating nag-uumapaaw sa clicheng pumupuri sa kabayanihan ng "First Filipino" (bansag ni Leon Ma. Guerrero),  mga gasgas na halimbawa at de-kahong pagtataguyod ng kumbensyonal na sukat ng kahalagahan ayon sa pamantayan ng dominanteng uri sa lipunan. Lihis sa nakaugaliang pagtatanghal sa kulto ni Rizal, sa panimula'y nais kong isusog ang ilang panukalang makasisilbing mapanghamong pambungad sa ilang repleksiyon ko tungkol sa tatlong sanaysay ni Rizal: "Liham sa Mga Kakabaihan sa Malolos" (1889), "Sobre la Indolencia de los Filipinos" (1890), at "Filipinas, dentro de Cien Anos" (1890).

Panimulang  Imbentaryo

         Sa pagtaya ko, tatlo ang mahalagang naisakatuparan ni Rizal sa kanyang maikling buhay bukod sa pagsulat ng dalawang nobelang Noli at Fili at ang tatlong akdang nabanggit ko.  Una, ang pagtatatag ng Liga Filipina.  Nais kong idiin ang detalye na sa una at kahulihulihang pagpupulong ng nasabing organisasyon, may dalawang taong nakadalo roon na sa pagbabalik-suri sa kasaysayang sumaksi ay nakabago ng repormistang layunin noon. Sila sina Andres Bonifacio at Apolinario Mabini, ang una'y sumasagisag sa pagsilang ng himagsikan at ang huli sa pansamantalang pagpanaw  nito sa pananakop ng Amerikano makaraan ang Digmaang Filipino-Amerikano (1898-1902).

    Kahit anupaman ang pasaring tungkol sa pagkarepormista ni Rizal--alinsunod sa panunuring inumpisahan ni Claro Recto hanggang kina Renato Constantino at Jose Maria Sison--kung walang Liga, wala ring Sigaw ng Balintawak at karamay nito, wala ring Malolos, Balangiga, Sakay, Isabelo de los Reyes, Crisanto Evangelista, at ang tradisyong mapanghimagsik na laging tutol sa umiiral na sistemang walang katarungan, pagkakapantay-pantay, at di-matatawarang kasarinlan. 
         Pangalawa, isang huwarang simbolo ang pagsasakatuparan ni Rizal sa paglatag ng sistema ng distribusyon ng tubig sa Dapitan, lugar ng kanyang pagtapon. Ang "NAWASA" ng pook na iyon ay isang proyektong pangkomunidad, hindi indibidwal na gawain. Masisinag natin doon ang isang diwang mapanlikha at kolektibistang oryentasyon ng pangitain. Mapipisil din doon ang impluwensiya ng mapanuring agham, ang udyok ng kaluluwang mapagbago, sabayang mapagsira't mapagbuo. Ito rin ang udyok ng pagsulong tungo sa isang kaayusang demokratiko, makatarungan, makatao, malaya--ang rebolusyonaryong simulain at paninindigan ng 1896 Himagsikan.
         Pangatlo, munti man ngunit makahulugan: ang isang maikling katha ni Rizal hinggil sa paggamot sa mga kinulam na pinamagatang [sa Ingles] "The Treatment of the Bewitched," naisulat sa Dapitan noong 15 Nobyembre 1895. Nais kong sipiin ang isang talata mula sa ulat na ito na may mensaheng palaisipan na dapat linangin:
Ang manggagaway [o mangkukulam] ay siyang tampulan ng kahirapan ng pagkawalang-muwang at kalupitang pangmadla, siyang scapegoat ng kaparusahan ng Maykapal, ang katubusan ng mga tulirong nagpapanggap.  Sa banal na kagalingan ng tao ay katambal ang ganyang kasiraan. Nais ipaliwanag ang lahat at hugasan sa dugo ng iba ang kanyang karumihan. Ang babaing manggagaway ay sa karaniwang tao at sa mapagpanggap kung ano ang demonyo sa mga bathala, ang pakikipagsabwatan kay Satanas noong Siglo Medya, ang pagdanak ng dugo, mga kapalaluan at kahibangan, at iba pang kalapastanganan sa iba't ibang panahon: itong babae ito ang paliwanag sa di-matarok na pagdurusa ng lahat.

          Ayon kay Cesar Majul, pantas na awtor ng The Political and Constitutional Ideas of the Philippine Revolution at dating guro ko, ang kaisipang pampulitika ni Rizal (tulad ng kina Emilio Jacinto at Mabini) ay bunga ng ideolohiya ng Kaliwanagan [Enlightenment] sa Europa.   Bagamat ito'y tama sa pangkahalatang interpretasyon, kulang ito sa kontekstuwalisasyon na dapat talakaying maigi. Totoo, hiram nga ang balangkas ng kaisipan ni Rizal. Ngunit nagkakatalo hindi rito kundi kung paano ito ginamit, kailan at saan, sa anong natatanging pagkakataon nailapat ang kaipala'y idealismong metapisikal ni Rizal. Hindi maibubukod ang kaisipan sa partikular na pangyayaring kumatawan dito sa kasayayan. Idiniin ni Majul ang paninindigan ni Rizal tungkol sa pangangailangan ng kahalagang moral, katalinuhan, dalumat ng personal na dignidad, at disiplina ng katuwirang ipinataw sa mga likas na gawi o simbuyong natural. Katumbas iyon ng adhikain ng Liga: samantalang itinatanghal ang pangangailan sa industriya at pagtutulungan ng kapwa, ipinagbubunyi nito ang mga katangiang intelektuwal at moral ng tao. 

         Bukod sa milenaryang pagturing ni Padre Florentino (sa Fili) na ang kalayaan ay hulog o interbensiyon ng langit, ang pinakatanyag na ideya ni Rizal na ipinapalagay na katibayan nga ng kanyang repormista't mapagbigay na pilosopiya ay nakapaloob sa patalastas niyang ika-15 ng Disyembre 1896. Nailahad ni Rizal doon na sa kabila ng kanyang paghahangad sa kalayaan ng bayan, naniniwala pa rin siya na ang kondisyong karapat-dapat bago makamit ang kasarinlan ay ang karanasan sa edukasyon ng sambayanan. Sa paraan ng kaalaman at industriya, magkakaroon ng indibidwalidad ang bayan at magiging karapat-dapat sa kalayaan. Kung walang pagsasanay sa mga kabutihang panlipunan [civic virtues], walang katubusan. Iyan ang pinakamatigas na saloobin ni Rizal.

Mula Kaliwanagan Hanggang Praktikang Mapagpalaya

        Maitanong natin: saan at paano sisibol ang mga kabutihang panlipunan kung walang kalayaan ang tao? Ang isyung matinik ay kung anong papel ang gagampanan ng mga kabutihang nabanggit sa laro ng nagtatagisang lakas sa partikular na yugto ng ating kasaysayan. Marahil matitiyak natin ang direkysiyong pagbubuhatan ng sagot ni Rizal sa pagsubaybay sa proseso ng pag-iisip na mapupulsuhan sa tatlong akdang pupunahin ko ngayon.
        Sa simula, nais kong imungkahi ang proposisyon na sa sistema ng pagdiskurso ni Rizal matatagpuan natin ang mga salik ng pangitaing istorikal at materyalista. Ang pangitaing ito'y nagkakabisa sa pagkilos ng isang diyalektikal na metodo: ang buhay sa lipunan ay nakabatay sa analisis ng mga samutsaring kontradiksiyon sa isang takdang yugto ng kasaysayan. Ang pinakatampok na kontradiksiyon ay kaugnay ng balangkas ng panlipunang relasyon ng mga uri at ng anyo ng produksiyon ng mga kinakailangan sa buhay, na siya ring katambal ng reproduksiyon ng  ideolohiya at pulitikang sumasaklaw sa buong sistemang kinapapalooban ng labanan ng mga pangkat at grupo batay sa kasarian, uri, etnisidad, at iba pang kategoryang pangkultura. Sa kabuuan, ang kontradiksiyon ng mga lakas pampulitika ang nagtutulak sa pagsulong ng kasaysayan mula sa larangan ng nesesidad tungo sa larangan ng awtonomya.

         Makikita natin ang diyalektikong analisis sa akdang "Sa Mga Kababayang Dalaga sa Malolos."  Mahigpit na nasakyan ni Rizal ang mga lakas pangkasaysayan na yumayari sa karakter ng tao. Inilagay niya sa gitna ng diskurso ang impluwensiya ng ina sa anak, ang lantarang pakikisalamuha nito sa sanggol. Narito ang orihinal na mga pangungusap ni Rizal:

ang babaing tagalog ay di na payuko at luhod; buhay na ang pag-asa sa panahong sasapit....
     Sa kadalagahang punlaan ng bulaklak na mamumunga'y dapat ang babai magtipon ng yamang maipamamana sa lalaking anak.... Gawa ng mga ina ang kalugamian ngayon ng ating mga kababayan, sa lubos na paniniwala ng kanilang masintahing pusu, at sa malaking pagkaibig na ang kanilang anak ay mapakagagaling.  Ang kagulanga'y bunga ng pagkabata, at ang pagkabata'y nasa kandungan ng ina.  Ang inang walang maituro kundi ang lumuhod at humalik ng kamay, huag mag antay ng anak na iba sa dungo o alipustang alipin. Kahoy na laki sa burak daluro o pagatpat o pangatong lamang....

    Sa paghatol ni Rizal, lubhang napakabigat ang katungkulan ng ina. Di maikakaila na kapwa magulang ay "binigyan ng Dios...ng sariling isip at sariling loob upan ding mapagkilala ang liko at tapat," pahayag niya. Subalit--sumbat ng ulirat natin--bakit ang babae lamang ang nakasangkot sa gawaing reproduksiyon? Ang ganitong kakulangan ng tesis ni Rizal ay nakatali sa kanyang pagsunod sa tradisyonal na paghahati ng gawaing sosyal/seksuwal sa itinakdang kategoryang panlalaki at pambabae. Sang-ayon si Rizal sa pananagutan ng ina sa mga bagay sa tahanan, sa pag-aalaga sa bata at pangangasiwa ng mga domestikong suliranin. 
    Mapapansin ang isang malubhang kakulangan ng analisis dito. Nakabilanggo ang kamalayan ni Rizal sa idea ng komplementaridad o paglalapat ng dalawang papel ng kasarian: isang pambabae, isang panlalaki. Dahil dito, ikinulong ni Rizal ang mga dalaga sa larangang pantahanan na kusang hindi pinahahalagahan ng isang patriyarkong orden. Sa kabilang dako, ang mga lalaki ang nagtatamasa ng monopolyo sa larangang pampubliko ng ekonomiya, politika, at lahat ng usapin sa lipunang pangkomunidad (civil society). Hindi maitatakwil ang ganitong paniniwala sa "normal" (hindi napagkayarian lamang) na paghahati ng gawaing sosyal/seksuwal ay siyang garantiya ng pananatili ng kapangyarihang patriyarkal at pagmamalabis ng kalalakihan sa daigdig.

Kasarian at Katuwiran

         Maipapasubali naman na batid din ni Rizal ang pagkakapantay-pantay ng lalaki at babae sa kanilang kakayahang tumupad sa "utos ng rason." Lagpas pa nga sa karaniwang karanasan ang bisa ng makatwirang dunong ng kababaihan, kaya angkin nila ang pribilehiyo sa pagpapalakad at pangangasiwa ng mga institusyong pang-edukasyon. Ang kagalingang ito ay hindi natural o itinadhana ng anatomya ng katawan, bagkos natamo sa pagsisikap. Dito pumapasok ang diwa ng kasaysayan na tila nagkalaman "sa lakas at loob ng babaying tagalog." Paliwanag ni Rizal: "Talastas ng lahat ang kapangyarihan at galing ng babayi sa Filipinas, kaya nga kanilang binulag, iginapus, at iniyuko ang loob, panatag sila't habang ang ina'y alipin ay maaalipin din naman ang lahat ng mga anak. Ito ang dahilan ng pagkalugami ng Asia." Paglimiin natin ang argumento ni Rizal.  Sapagkat "ang babayi sa Asia'y mangmang at alipin," sa halip na "maaya't marunong, dilat ang isip at malakas ang loob" na siyang namumukod na katangian ng mga babae sa Europa at Amerika at siyang saligan ng kanilang kapangyarihan.
         Ang pag-unlad ng personalidad, samakatwid, ay nakasalalay sa katayuan ng kababaihan. Bagamat opinyon ni Rizal na ang unang kabanalan ay ang pagsunod sa katwiran, umaasa pa rin siya na isasauli ng Diyos ng katotohanan "ang dilag na babaying tagalog, na ualang kakulangan kundi isang ma-ayang sariling isip, sapagkat sa kabaita'y labis." Sa gayon, ang kinakailangan ay hindi kabaitan kundi kaisipang malaya, kasarinlan, at higit sa lahat, katapangan. Hindi tumigil sa Rizal sa matalinghagang panghikayat sa mga babae na "huwag isuko ang pagkadalaga sa isang mahina at kuyuming puso" upang sa gayon ay maturuan ang anak "sa pagiingat at pagmamahal sa puri, pagibig sa kapua, sa tinubuang-bayan."

         Ang kasukdulang aral na indinulog ni Rizal--"Ulit-uliting matamisin ang mapuring kamatayan sa alipustang buhay"--ay siyang pinakamaigting na taktikang nagbubuwag sa rasyonalismo ng Kaliwanagang Europa. Pinabulaanan ang metapisika ng batas ng autonomyang pang-indibidwal at kalkulasyong rasyonal nang biglang ipasok ni Rizal ang halimbawa ng mga babae sa Esparta. Ano ang intensiyon nang samantalahin ni Rizal ang pagtutok sa di-kristyanong asal? Sipiin natin ang ulirang aksiyon inilarawan ni Rizal:

Ang manga ugaling ito'y karaniwan sa kanila, kaya nga't iginalang ng boong Grecia ang babaing Esparta. Sa lahat ng babai, ang pula ng isa, ay kayo lamang na taga Esparta ang nakapangyayari sa lalali. --Mangyari pa, ang sagot nang taga Esparta, sa lahat ng babai ay kami lamang ang nagaanak ng lalaki. --Ang tao, ang wika ng mga taga Esparta, ay hindi inianak para mabuhay sa sarili, kundi para sa kaniyang bayan.

    Pagkatapos usalin ni Rizal ang mga prinsipyong hango kina Kant, Rousseau, Voltaire, at iba pang paham ng Kaliwanagan, na napagtining sa pitong aral na inilahad niya sa huling dako ng kanyang liham, nagtatapos si Rizal sa isang obserbasyon na tila kabaligtaran.  Ang instruksiyon niya ay may himig maka-ina. Sapagkat ang tao ay hindi makatwiran sa kanyang kalikasan, kinakailangan ang katusuhan at realismo. Diyalektikal ang kaisipang nagpapatotoo rito: "Ang pagpapaumanhin ay di laging kabaitan, ito'y isang kasalanan kung nagpapaunlad ng paniniil; walang mang-aalipin kung walang alipin... Ang tao'y sadyang masama na laging nagmamalabis kung nakakatagpo ng mga masunurin!" Sa sitwasyong umiiral, naaangkop ang pagpaplanong istratehikal at kolektibong pagpapasiya.
         Lumilitaw ang diyalektikong sensibilidad sa takbo ng pangangatwirang pumapatnubay sa panguna at pangalawang panukala niya. Ang pagtitimbang ng mga lakas at interes na nagtatagisan sa lipunan ay pagsapul sa kontradiksiyong makina ng kasaysayan. Ani Rizal: "Ang ipinaguiging taksil ng ilan ay nasa kaduagan at kapabayaan ng iba." Dugtong pa: "Ang iniaalipusta ng isa ay nasa kulang ng pag mamahal sa sarili at nasa labis ng pagkasilaw sa umaalipusta." Hindi ba umaalingagaw rito ang pinakatanyag na aral ni Rizal na walang tiranya kung walang nagpapabusabos?

Pagkatao at Kasarinlan

    Subaybayan natin ang daloy ng materyalismong istorikal sa polemika ng "Sobre la Indolencia." Dito matutunghayan natin ang dinamikong pakikihamok ng mga lakas ng kalikasan at ng kasaysayan. Ang palipat-lipat na pagtining ng kamalayan ni Rizal sa dalawang kategoryang ito ang nagsasadula ng masalimuot na paglalakbay ng kamalayan ni Rizal mula sa materyalismong mekanikal na mana sa mga siyentipikong batas ng mga konkretong bagay na natuklasan noong Muling Pagkabuhay (Renaissance) at sumunod na Rebolusyong Industriyal. Sa gitna nito, malakas pa rin ang mga labi ng kosmolohiyang sakramental na dulot ng pag-aaral ni Rizal sa mga institutusyong ginagabayan ng mga prayle at ng Simbahan. Walang pag-aalinlangang naging tanghalan ang buhay ni Rizal sa pag-ikot ng magkakasalungat na puwersa sa kasaysayan ng kolonyalismo at nasyonalismong katugon nito.

        Sa dalawang akdang lumabas sa La Solidaridad masasaksihan natin ang pagluwal ng isang bagong saloobin sa lipunan. Ito ay isang matipunong transpormasyon ng lahat ng mga bagay-bagay sa loob ng pangkasaysayang balangkas, isang lantay na pagpapagalaw ng lahat ng mga pangyayari sa makasaysayang pagpapakahulugan. Sa mediyasyon ng diwang istorikal napapaugnay-ugnay ang kalikasan, aksiyon ng tao, at mga praktikang palaos na, yaong mga dominante, at yaong sumisibol pa lamang. Sari-saring tendensiya ng isip at gawa ang nabibigyan-katuturan sa isang malawak na kabatiran na siyang kumakatawan sa progresibong situwasyon ng demokratikong intelektuwal na katutubo sa kolonya, ang mga ilustrado ng kilusang pamproganda.

        Di maikakaila na tumupad si Rizal sa kanyang prinsipyong itinagubilin sa patnugutan ng La Solidaridad: huwag magsinungaling, laging responsable sa katotohanan at matapatang pakikipagkapwa-tao. Kaya nga't tinanggap ni Rizal na ang katamaran ay isang katangiang masusubukan sa mga indibidwal na nilalang sa panahong iyon sapagkat ito'y isang pangkahalatang predisposisyon. Nagsimula si Rizal sa pagtalakay ng ipotesis tungkol sa bisa ng kapaligirang pisikal, laluna ang init ng klima. Subalit hindi sapat maipaliwanag ng batas ng kalikasan ang asal ng tao:

Ang tao ay hindi hayop sa gubat, hindi siya makina, ang pakay niya ay hindi lamang makapaglikha ng bagay salungat sa mga hakahaka ng ilang Kristiyanong puti na nais alipustain ang may-kulay na Kristiyano bilang isang uri ng lakas-pantulak na medyo mas matalino at hindi mahal kaysa bapor.  Ang pakay ng tao ay hindi mang-aliw sa damdamin ng iba, ang hangarin niya ay humanap ng kaligayahan para sa kanyang sarili at kapwa sa paraan ng pagtahak sa landas tungo sa kaunlaran at lubos na kagalingan.

Sa pagsisiyasat ng mga kagamitan mula sa masalimuot na karanasan upang maisulong ang situwasyong materyal at intelektuwal, nababago ng sangkatauhan ang mga batas ng kalikasan. Samakatwid, ang kalikasang ito'y hindi katalagahan, manapa'y hilaw na sangkap na mahuhubog at maisasaayos upang tumugon sa kagustuhan at pagnanais ng tao.
Istratehiya at Taktika ng Talakayan

    Ang ganitong paggalugad at pagsasaliksik sa daigdig ng  kasaysayan ang namamaraling istratehiya sa diskurso ni Rizal. Ang mapagpasiyang hakbang na pagtuligsa sa esensiyalismong dogma ng mapanlupig na Kastila ay nasa paglalarawan ng kolonyal na lipunan bilang isang katawang sinalanta ng malubhang sakit. Ang naghihingalong pasyente'y maaaring magkaroon ng "8 milyong pulang korpusel," at sa gayon, maitatanong kung ang ilang puting korpusel sa katawang nasakop ay sapat na upang malutas ang problema ng katamaran?
    Dagling maniubra ni Rizal mula sa pagdalumat ng anatomya tungo sa isang perspektibang istorikal: "Ang katamaran sa Pilipinas ay isang masumpunging sakit, ngunit hindi ito minamana. Hindi laging ganyan ang mga Pilipino, dili nga ba't saksi ang mga mananalaysay ng mga sinaunang taon pagkaraan ng pagkatuklas ng mga pulong ito." Kasudlong nito ang isang paglalagom ng mga testimonyo ng ilang istoryador--mula kay Morga, Chirino, Colin, Pigafetta, Gaspar de San Agustin, at iba pang kalahi. Lahat ay sama-samang nagpapatunay sa industriya, mapanlikhang talino, sipag at sigasig ng mga katutubo bago lumunsad ang mga Kastila. Hindi lamang sagana sa yaman ng likhang-sining at pangangalakal, manapa'y ang kagitingan sa digmaan, kahusayan sa paglalahad, at pati na pangungulimbat sa karagatan ay nagpapatibay sa tesis na sa Pilipinas bago dumating ang konkistador, nangingibabaw sa mga kalipi ang matipunong pakikisalamuha, kilos, galaw, walang humpay na gawaing lumilikha ng mariwasa't maginhawang kabuhayan.
        Ang laman ng sanaysay (bahaging III and IV) ay binibuo ng polemika ni Rizal laban sa pagmamayabang ng Kastila sampu ng naitalang mga rasistang palapalagay. Ang pinakabuod na argumento ay nakatuon sa kalupitan ng mananakop, ang ganid na kasakiman nito sa pangangalap ng kayamanan hanggang umabot sa antas ng pagkaduhagi ng mga katutubo at pagkahirati sa kondisyon ng pagdarahop at pagkadayukdok. Ineksamen ni Rizal ang katawan ng lipunan, ang binansagang body politic. Ikinintal sa mapa ng kanyang diskurso ang magkakatunggaling bisa ng mga pangyayari, pagsisikap ng tao, mga pangangasiwang nagpapahirap sa mamamayan, maling pamamalakad ng gobyerno, upang maibulalas ang retorikal na tanong: "Paano nga ba naipalit ang tamad na Kristiyano sa masipag at matalinong di-binyagan ng sinaunang panahon?"
    Masinop na idinaliri ni Rizal ang mga digmaang mapangamkam na naglustay ng moral at materyal na lakas ng sambayanan, ang makasirang paglusob ng mga pirata at pagwaldas ng yamang lokal sa pagtatanggol ng mga barangay. Dagdag pa rito ang napakabigat na buwis na ipinataw ng rehimeng dayuhan. Lahat ng ito'y negasyon sa anumang karapatan sa pagpili ng mabuting gawain. Tuwirang nalugmok ang bayan sa kapalarang ikinahihiya: "Nagtatrabaho ang tao para sa isang layunin. Alisin mo ang layuning ito mawawalan ng sigla ang tao."
         Bagaman malaon nang humupa ang digmaan, ang pirata, ang pagpipilit na ilahok ang mga katutubo sa hukbong mananakop, nagpatuloy pa rin ang katamarang asal dahil sa mapang-aping pamamaraan ng administrasyong kolonyal. Kinulapulan pa iyon ng mga kabuktutan ng prayle. Binatikos ni Rizal ang masamang halimbawa ng mga maykapangyarihan na nag-astang mga bayaning may angking amor propio ng mga kabalyero ng Siglo ng Pananampalataya. Sila ang kumutya sa gawaing pisikal. Bukod sa ilang puna sa sugalan, pinuna ni Rizal ang pagwawaldas ng yaman sa mga pista, ritwal ng simbahan, pagmamalupit ng pamahalaan, kawalan ng awa o damdamin para sa mga mamamayan. Natatangi sa lahat, dapat isaisip ang edukasyon ng taong ninakawan ng sariling puri at pagmamahal sa sarili: "Idagdag sa kawalan ng materyal na tubo ang kawalan ng moral na hikayat at makikita ninyo na ang taong hindi tamad sa bayang ito ay marahil isang baliw o kaya'y hangal na hampas-lupa."

Kalikasan at Kasaysayan

    Sa perspektiba ng kasalukuyang panahon, kapansin-pansin ang pagsisiyasat ni Rizal tungkol sa matatag na pagkatao ng Pilipino sa gitna ng ilang siglong pambubusabos hanggang maging mala-hayop ang hugis niya sa mga banyaga. Napaglirip ni Rizal na hindi nakitil ang pinakabuod ng pagkataong namalagi sa nagaping nilalang, isang dalumat na napukaw tila ng kilalang parabula ni Hegel ukol sa amo at alipin sa Penomenolohiya ng Diwa. Mangyaring tinaya ni Rizal ang kanyang idealismo sa isang hindi masugpong bagay na nagpupumiglas pa rin: "...ang katutubo'y umaangal; nasa dibdib pa rin ang mga adhikain, siya ay nag-iisip at nagsisikap bumangon, at doon nga magsisimula ang gulo!" Samakatwid, sa harap ng pagbabago, paghinto, pagputol, mayroon pa ring nagpapatuloy, ang sub-istratum na tinawag ni Marx na "species-being," alalaong baga'y ang potensiyal para sa kolektibong pagbuo sa identidad ng komunidad. Matatamasa ito (pakiwari ni Rizal) sa pamamagitan ng edukasyon, at pangalawa, sa pag-imbento ng "pambansang damdamin," ng pambansang identidad.

         Sa huling daloy ng retorika ni Rizal, matutuklasan natin ang intuwisyon ng diyalektika. Nakapaloob iyon sa paglinang sa laro ng mga kontradiksiyon, sa magkasalungatang bugso ng mga pagnanais, pangarap, at panaginip ng mga pulutong ng tao. Iyan ang umuugit sa kamalayang mapanuri't mapag-ugnay. Ibinanghay ni Rizal ang saligan sa pagtatagumpay ng rebolusyonaryong simulain. Ang bukal at matriks ng tendensiyang ito ay nakapaloob sa samutsaring kontradiksiyon ng mga puwersang iniluluwal ng kasaysayan:

Katakataka ba na sa malupit na pagsupil sa talino at simbuyo ng katutubo, na dati-rati'y matuwid at laging maaasahan--na siyang isiniwalat ng nakalipas na panahon at ng kanyang katutubong wika--ito ngayon ay isang masa ng mga kontradiksiyong karumal-dumal? Ang patuloy na pagtatagisan ng rason at tungkulin, ng organismo at ang kanyang mga bagong simulain, ang digmaang sibil na gumugusot sa kapayapaan ng kanyang budhi sa buong buhay niya, ay nagbubunga ng paralisis ng kanyang lakas. Kaagapay ng masamang klima, ang pangmatagalang pag-aatubili at mga pag-aalinlangan sa utak ang siyang pinagbubuhatan ng katamaran.

    Palibhasay may panimbang pangmoralidad na ipinanday ng Kaliwanagang nagbunga ng Rebolusyong Pranses, pinakaimportante ang kalayaan kay Rizal. Maituturing na ito ang una sa dalawang gamot sa istorikal na sakunang humaplit sa katawan ng polis.  Ang pangangailangan sa kalayaan ay siyang nagpupunla ng binhi ng rebolusyon--sa tahasang interpretasyon, ang "rebolusyon" ay pagbabalik sa orihinal na kondisyon na naiwan datapwa't naiparangalan sa gunita ng mga ulat na nahimay na sa umpisa ng diskurso. Subalit ang pagbabalik-tanaw na ito ay hindi pagsagip sa luma o pagligtas sa inutil kundi paghabi ng panibagong buhay, paglikha ng kinabukasan.

         Sintomas ba ito na bumalik ang romantikong idealismo ni Rizal?  Sa palagay ko'y hindi sapagkat kung may bahid man ng utopya dito o pangako ng kaluwalhatian, ito'y kalangkap sa liberasyon ng diwang mapanlikha ng masang ngayo'y namumulat at unti-unting umaakmang paliparin ang rebolusyonaryong ispiritung handa nang pumalaot sa himpapawid. Ang ispiritung ito ay nagpapahiwatig ng sigla ng katawan at katalinuhan ng magkabuklod na bisig ng mga mamamayan.

         Bagaman ang kritika ng mga inhustisyang naitala ay humihingi sa wakas ng kalayaan at edukasyon, ang pinakamatining na paglirip niya ay nakatuon sa kawalan ng damdaming pambansa. Ito ang pinakamaantig na susog ng diskurso ni Rizal. Pagpapatibay ito na ang paggiit niya sa talinghaga ng katawan ng komunidad, ang body politic, ay testimonyo sa kanyang taktika na bigyan-diin ang materyal na interes ng tao. Ang tinutukoy dito ay hindi nag-iisang taong nangungulila sa kahiwalayan kundi ang pinagsamang lakas ng bansa: "Ang tao sa Pilipinas ay indibidwal lamang, hindi siya kasapi ng isang bansa. Pinagbabawalan siyang gamitin ang karapatang sumapi sa asosasyon, kaya mahina at lupaypay siya." Sa malubhang sakit na ito, ano ang karampatang lunas?

         Ang diyalektikong lapit ni Rizal ay may limitasyong bunga ng mga partikular na pangyayari sa kanyang buhay. Mababanggit natin ang pagtapon niya sa Dapitan, at bago rito ang kahirapang dinanas ng kanyang ina at pamilya sa Calamba nang sila'y itaboy ng mga prayleng nag-aari ng lupang sinasaka. Huwag ding kalimutan ang delikadesa at komplikasyon ng pakikitungo ni Rizal bilang anak na lalaki at isang ilustrado sa gobyerno at prayle, kadahilanang  kapwa nagpaigting sa pagdurusang nag-umapaw. Timbangin natin ang bigat ng mga ito sa konteksto ng kanyang pag-aaral, ang pagkaalam sa iskolastikong diyalektika ng mga klasikong pilosopo na sina Herakleitos, Plato, Aristotle hanggang sa mga neyoPlatoniko, Descartes, Spinoza, at Leibniz.  Isaalang-alang din natin ang agham pangkalikasan ng mga Siglo 17 at 18, laluna na ang pagkatuklas sa kalkulus na diperensiyal at integral (Leibniz, Newton) at mga ispekulasyon hinggil sa pagkakaisa ng infinite at finite, ang mga kosmolohikal na ipotesis nina Kant at Laplace na siyang naghiwatig na ang kalikasan ay may buhay sa panahon, na ang kalikasan ay may tanging kasaysayan.

        Sa kanyang mga pananaliksik sa Europa, walang atubiling naisadibdib ni Rizal ang mga turo nina Kant, Fichte at Hegel. Mabibilang na rito ang teorya ni Kant tungkol sa antinomya ng rason, ang hinagap sa nagtutunggaliang lakas ng kamalayan nina Fichte at Schelling, ang kontradiksiyong nakalatay sa kapaligiran. Sa "Sulat sa Mga Dalaga ng Malolos" at sa "Sobre la Indolencia," masinop na hinimay ni Rizal ang mga kontradiksyong bumabalot sa mga ideya, saloobin, damdamin, at pangarap ng tao. Kontra kay Hegel, isinusog ni Rizal na ang mga pagbabago at transpormasyon sa lipunan at katalagahan ay hindi kagagawan lamang ng konsepto, manapay tunay na pagsulong ng mga lakas ng libu-libong tao sa realidad.

    Sinikap ni Rizal na lagumin ang materyalismo ng Kaliwanagang Pranses, laluna ang sosyalismong pala-utopya ni Saint-Simon, sa kanyang pagsubok mabatid ang sanhi ng katamaran (daw) ng Pilipino. Lumalabas na ang karakter ng tao ay nakasanib sa uri ng organisasyon ng lipunang kinabibilangan nito. Ang nagbabagong balangkas ng lipunan ay nagbubunyag ng mga batas ng pagkilos, mga itinakdang determinasyon ng kaunlaran. Ang mga penomenang istorikal (pati ideolohiya, porma ng estado, mga iba't ibang institusyon) ay kalangkap at katugma sa isang takdang antas ng pagsulong ng bawat lipunan sa kasaysayan. Ito ang prinsipyo ng istorikal na artikulasyon ng mga proseso sa lipunan bilang labis-na-determinadong pangyayaring kadalasa'y napapagkamali sa isa't isa: ang mga bagay na sumusupling sa pinakasasabikang hinaharap, at ang mga labi ng dating kalagayan.

Propeta o Riyalistikong Pantas?

    Sa aking diskriminasyon, "Filipinas, dentro de Cien Anos" ay siyang pinakamabuting huwaran ng materyalismong istorikal na mapapakinabangang oryentasyon sa panitik ni Rizal. Ang huwaran ay may kinalaman sa proyektong paghugot ng balangkas ng panahong darating mula sa laro ng mga kontradiksiyon ng nakalipas at kasalukuyang karanasan. Ating tandaan na ang proyektong ito ay produkto ng krisis sa buhay, tulad ng mga pagtuklas ng bagong katotohanan nina Copernicus, Descartes, Darwin, Marx, Freud, at Einstein. Naganap ito sa pagitan ng pangalawang paglalakbay ni Rizal sa Europa noong Pebrero 1888 at ang kanyang pagtapon sa Dapitan (1892-96).  Nagkasudlong ang kritika at praxis upang lumikha ng isang rebolusyonaryong etika. Ang etikang ito ay nakaugat sa prinsipyo na may palaging pagbabago sa mundo--halimbawa, paglaki ng bilang (quantity) tungo sa pagpalit ng porma o hugis (quality)--na umaabot sa antas ng pagsalungat sa nakaraang yugto ng pagsulong. Palatandaan ito ng isang lukso sa pag-unlad, hindi lamang pag-uulit ng sinaunang kalagayan. 

        Mababanaagan ang ganitong takbo ng isip ni Rizal sa unang hati ng pangatlong akda, "Filipinas, dentro de Cien Anos." Pambungad na tema niya ang ganitong aksiyoma: "Kung walang di-matitinag na kondisyon sa kalikasan, sa kabuhayan pa kaya ng sambayanan na may angking katangiang laging kumikilos at gumagalaw!" Subalit ang kilos sa kasaysayan ay hindi pasulpot-sulpot at walang katiyakan, manapa'y sumusunod sa pagpapatining na mga kontradiksiyon, sa paraang isinaad ni Lenin sa "batas ng pag-iisa at hidwaan ng mga magkakasalungat," na siyang puwersang nagtutulak sa pagtutuhog ng mga sangkap at pagbabagong-anyo ng iba't ibang narasyon ng kasaysayan.

        Sa umpisa'y nirebyu ni Rizal ang mga unang dekada ng pagsakop ng Espanya. Ang kapuluan ay nabawasan ng tao, namulubi at naunsyami, tuluyang nawalan ng pagtitiwala sa nakaraan, walang hinagap sa kasalukuyan at walang tinitingala sa hinaharap. Tiyak na ito nga'y naratibo ng kabulukan at paghihingalo, ng pagkakawatak-watak ng dati'y integral na kaluluwa ng sambayanan. Gayunpaman, sa lalim ng pagkaalipusta mailuluwal ang katumbalik na kilos--ibig sabihin, sa pagkontra sa kalagayan iyon makukuha ang tiyak na katubusan sapagkat, ani Rizal, "may mga tao na sa bingit ng kamatayan ay nasasagip ng malabayaning lunas." Sa pagkakalumagak sa negasyon-sa-sarili at panlulupasay bumubukal ang isang di-inaakalang silakbong kabaligtaran: ang kapasiyahan ng kolonisadong tao "na pag-aralan ang sarili at mabatid ang kanyang sakuna."  Kinulapulan ng takot at gulo, ang pang-aapi at pagmamalabis ay siyang gumagatong sa apoy ng pagtutol at sa lagablab ng insureksiyon.
       
    Sa pangalawang hati, inihambing ni Rizal ang Pilipinas noong tatlong siglong nakaraan sa kasalukuyang kinalalagyan, kung saan "nahulog ang mga maskara."  Hanggang pinangangalagaan ng mga Malayo ang kanilang maramdaming pag-ibig-sa-sarili, uubusin niya ang lahat ng makakaya at isasakripisyo ang buhay upang makamit ang ninanais na kabutihan. Hinulaan ni Rizal na daragsa ang isang popular na pag-aalsa hangga't hindi nagpapaunlak ang pamahalaan at nagdudulot ng puwang sa agos na hindi mapipigil. Noong sinaunang panahon, ang pag-aklas ay lokal at hindi batay sa pangangailangan ng buong lahi. Itinatanong ni Rizal: "Ano't kung ang kilusan ay magmula sa daing ng sambayanan?" Isang bagong elemento ang naitambad: "ang diwa ng bayan ay napukaw ng isang laganap na kahirapan, isang karahasang sumaklot sa lahat ang siyang nakapagbuklod sa mga naninirahan sa buong kapuluan." Nakatulong din sa pagkakaisa ang mga bagong teknolohiyang gamit sa komunikasyon, at sa bisa niyon ay naiintindihan ng mga tao ang pagkakatumbas ng kanilang mga pagdurusa at pagsisikap. Sa gayon natarok ni Rizal ang signipikasyon ng bansa bilang "pinangarap na komunidad," ang damayan ng bawat isa. Hindi mahaharang ng pagdarahop ang mga pagbabagong humihingi ng ganap na kalayaan. Ang tensiyon ng mga puwersang magkakontra ay siyang humuhubog sa karakter ng nesesidad, ng tadhana: "Sa madaling sabi, ang pagsulong at etikal na pag-unlad ng Pilipinas ay natitiyak na, iniutos iyon ng tadhana. Para sa bagong tao, isang bagong sistema ng lipunan."
       
Reporma o Rebolusyon?

    Ang pangatlong bahagi ng diskurso ni Rizal ay gumagalugad sa mga possibilidad ng mapayapang repormang hulog sa itaas. Ito baga'y tanda ng isang dagling sinupil na pantasya? O manipestasyon ng isang nakagawiang paglilirip?

        Unawain natin ang direksiyon ng tugon ni Rizal sa mga taong sumurot sa diumano'y utopyanismong sumusulpot kapag bumabaling ang gunita sa nakalipas: "Subalit malaon nang naiwan ang bayan ng Utopia [inimbento ni St. Thomas More]; ang pagpapasiya at budhi ng tao ay nakagawa na ng mas kagilagilalas na himala, at nakapawi na ng pang-aalipin at parusang kamatayan sa pakikiapid--mga bagay na imposible sa bayan ng Utopia mismo!"  Batid ni Rizal na hindi mangyayari ang mapayapang repormang ipinagdarasal niya (at ng mga tauhang tulad ni Padre Florentino), mahangay karahasan ang susupil sa mga nanglilimos ng reporma. Sa kabatirang ito masasapol ang retorikang pangmediko ni Rizal, ang laging pagsambit ng sakit ng katawan kaalinsabay ng kutob ng panganib na hindi magagamot ng siyensiya ang kondisyong yaon. Kaya nga inuntag niya ang mga mambabasa na huwag tumalikod sa nakapanghihilakbot na pangamba bagkus tuwirang makipagbuno sa kung anong nakagigimbal na hiwagang naghihintay sa kaibuturan ng impiyerno. Ang mala-Virgil na patnubay rito ay walang iba kundi yaong partido ng mga propagandista (Marcelo del Pilar, Graciano Lopez Jaena, atbp.) sampu ng kanilang kapanalig sa Pilipinas.

         Sa huling dako ng akda, ang pinakamapangahas, naroon ang hula ni Rizal na ang "dakilang Republikang Estados Unidos ng Amerika" ay hindi maaring manghimasok. Hindi sapagkat hindi pahihintulutan ng tradisyong makarepublikano ang pagsakop sa Pilipinas. Mali si Rizal, alam natin, batay sa kakulangan niya ng pag-aaral sa batas ng takbo ng kapitalismo patungong imperyalismo. Sa katunayan, ang kamalian ni Rizal ay bunga ng kanyang matimtimang pagnanasang makalaya ang bayan, ayon na rin sa mga batas ng kalikasan at etika na ang isang bagay na hindi likas sa katawang kinasisidlan ay hindi mananatili roon--malao'y maninira iyon sa katawan kung hindi matanggal, dili kaya'y mabaon doon at tuluyang maburol sa pusod ng organismo. Gayunman, hindi patalistiko si Rizal. Naniniwala siya na may bisa ang lakas-paggawa ng tao. At alinsunod sa edukasyon ni Rizal, umaayon ito sa romantikong boluntarismong hawa mula sa aktibistang idealismo ng Kaliwanagan sa Europa.
        Humahantong ngayon ang pangkasaysayang pamantayan ni Rizal sa mapagbuong sintesis ng kritika, praxis, at obhetibong analisis. Mababanaagan ito sa deklarasyon niya: "Isang pinakamakapangyarihang bathalang kilala ng daigdig ang nesesidad, at ito ay resulta ng mga pisikal na lakas na ginagabayan ng mga etikal na lakas." Kaya nga't kahit tinatanggap ni Rizal ang ginagampanang papel ng suwerte at mga di-kinukusang pangyayari, pinagpapayuan niya tayo na huwag masyadong magtiwala sa pagbabaka-sakali.  Aniya, "may matatagpuan tayong lohika sa takbo ng kasaysayan na mahirap masinag at unawain, lohikang umuugit sa mga estado at mga sambayanan." Dahil dito, si Rizal ay rebolusyonaryong bihasa sa birtud ng isang realismong mapag-ugnay, isang siyentipiko't mapanaklaw na pangitain, na kawangki ng materyalismong pangkasaysayang nalinang nina Marx, Engels, Lenin, at napagyaman din naman sa ating katutubong tradisyon ng populismong radikal mula kina Bonifacio at Sakay hanggang sa mga kampon nina Isabelo de los Reyes, Pedro Abad Santos, Amado V. Hernandez, Felixberto Olalia, at iba pa.

        Ang masigasig na pagsusumamo ni Rizal na dapat pansinin ng Espanya ang daing ng anim na milyong Pilipino, kung hindi'y baka umigting ito sa kapusukan ng galit, ay nagkakaroon ng balintunang katuturan. Ang kahulugan ng mga salita'y dumarami, umaapaw, dumudulas at nakalulusot sa kulungan ng dogma. Sa aking pagmumuni, ang buong sanaysay ni Rizal ay hindi paghingi ng reporma kundi isang pagsisiwalat na nakahulagpos na ang Pilipinas mula sa kapangyarihan ng Espanya, na natitiyak na ang pagsiklab ng rebolusyon, at ang masang Pilipino ay pumasok na sa arena ng kasaysayang pandaigdig.   Ano ang katibayan dito?  May isang bahagi sa dakong huli ng sanaysay kung saan mawawatasan ang pagkasal ng imahinasyon at realismo, alaala at paghahangad, sa isang pagkakataong binasbasan ni Ernst Bloch ng pariralang "gunita ng hinaharap." Ang mga salita ni Rizal ay naglalarawan ng panahon kung kailan malaya na ang Pilipinas, salamat sa pagsusumikap at madugong sakripisyo ng mga taong sisibol sa lupang magiging landas ng pagsulong, bubungkalin ang lupang minana sa mga magulang at anito at lilikha ng kayaman mula sa masaganang kalikasang nag-aalay ng biyaya sa lahat; at sa gayon ang pangkabuhayan ay sadyang magiging maaliwalas at totoong malaya, ang lahat ay lilipad na tulad ng ibong nakawala sa hawla at ligtas na ngayon, tulad ng bulaklak na bububuka upang ilantad ang kagandahan at ikalat ang halimuyak, at lahat ay malalango sa kapayapaan--maligaya, masigla, laging nakalaang magbigay, at bukod sa lahat, mapangahas.
       
Probisyonal na Lagom at Pagkilatis

    Mula sa ganitong nakabibighaning tanawin, ano ngayon ang mga aral na makukuha sa diskurso ni Rizal?
         Una, ito ang laro ng kontradiksyon na siyang matris ng pagsulong. Magugunita ang pagtatambal nina Ibarra at Elias sa Noli--dalawang tauhang kumakatawan sa magkasalungat na saloobin, gawi, isip, damdamin, at pagnanais.   Ang paghawak sa mga kontradiksyon sa lipunan, ang pagtatagisan at pagsasanib ng mga iba't ibang lakas, at ang pag-angat nito sa isang mataas na palapag ng katalahagan--ito ang ulirang pamamaraan o metodo ni Rizal.  Hindi ito laos na mga turo na empirikal ang pinagbasehan at patutunguhan, o salawikain na pagpupulutan ng mga halagang ituturing na esensiya ng kapilipinuhan tulad ng uso ngayon. Wala sa ilang datos o laman, kundi sa porma ng pag-iisip at pag-analisis nakasalalay ang matibay na handog ni Rizal sa atin.
    Isang halimbawa ang kritika ng indibidwalismo sa Fili: "Ano ang ginagawa ninyo alang-alang sa bayang nagbigay sa inyo ng pagkatao, nagbibigay sa inyo ng buhay at nagdudulot ng mga kaalaman? Hindi ba ninyo nalalamang walang halaga ang buhay na hindi iniuukol sa isang balak na dakila? Isang maliit na batong natapon sa kaparangan na hindi naisasangkap sa alin mang gusali."
          Sapagkat masalimuot ang "gusaling" natukoy, ang panitik ni Rizal ay masalimuot din, tigib ng sapin-saping kontradiksyon na nagsasalamin sa mga magkakaibang lakas sa buhay niya, lipos sa samutsaring panig ng katalagahan. Ang istratehiya ng pangangatwiran, retorika, kasaklawan, at bisa ng paghimay at pag-uugnay sa lahat ng elemento ng buhay ay maaaring maging sandata ngayon upang maintindihan ang mga batas ng pagsulong at pagkilos na siyang humuhubog sa ating kapaligiran, sa rebolusyonaryong transpormasyon ng ating buhay. Wala nang mas kapakipakinabang at makabuluhang labi ni Rizal kaysa dito.  


MGA TALA

1 Konsultahin ang libro niya: The First Filipino: A Biography of Jose Rizal (Manila: National Historical Commission, 1969).

2  Ang komentaryo ni Renato Constantino ay nasa libro niya: Dissent and Counter-consciousness (Quezon City: Malaya Books, Inc., 1970), mp. 125-46. Ang tradisyonal na atitudo kay Rizal ay makikita sa mga librong ito: Armando Malay, Jose Rizal: The National Hero of the Philippines (Manila: Jose Rizal National Centennial Commission, 1961); Data Papers, International Congress on Rizal, 4-8 December 1961 (Manila: Jose Rizal National Centennial Commission , 1961); Leopoldo Y. Yabes, "Rizal, Intellectual and Moral Leader," na nasa Alejandro Roces, patnugot, A Rizal Anthology (Manila: National Heroes Commission, 1964), mp. 3-49. Ikompara ang mga ideya ni Nick Joaquin, A Question of Heroes (Makati: Ayala Museum, 1977), mp. 51-74.
   
3 Salin ng awtor mula sa Ingles ni Encarnacion Alzona, Miscellaneous Writings of Dr. Jose Rizal, vol. VIII (Manila: National Heroes Commission, 1964), p. 178. Ang orihinal sa Kastila ay nasa Rizal (Manila: Comision Nacional del Centernario de Jose Rizal, 1961).

4 Maiging nakasaad ang tesis ni Majul sa artikulong ito: Cesar A. Majul, "Three thinkers: how they moved men and events," Archipelago I, 11 (Nobyembre 1974): mp. 8-13.

5 Hindi binago ang baybayin ng mga salita na ayon sa ortograpiyang ginamit ni Rizal sa orihinal. Tingnan sa Jose Rizal, A Letter to the Young Women of Malolos, pinamatnugutan ni Teodoro M. Kalaw (Manila: National Library, 1932), inilathala muli sa Jose Rizal, Political and Historical Writings of Jose Rizal (Manila: Jose Rizal National Centennial Commission, 1962).

6 Wika ni Simoun sa Kabanata VII ng Fili. Konsultahin: Jose Rizal, El Filibusterismo, salin nina Leonardo Dianzon, Inigo Ed. Regalado, at Dionisio San Agustin (Maynila: Manlapaz Publishing Co., 1965), p.49.

7 Salin ko ito mula sa bersiyong Ingles ni Charles Derbyshire na nakasama sa libro nina Gregorio Zaide at Sonia Zaide, Jose Rizal: Life, Works and Writings of a Genius, WRiter, SCientist and National Hero (Manila: National Book Store, 1984), mp. 333-64.

8 Habang matiyagang kinokopya ni Rizal ang Sucesos ni Antonio de Morga sa aklatan ng British Museum, si Friedrich Engels ay madalas nasa London at baka nagkasalubong sila ni Rizal, palibhasay malapit ang dating bahay ni Engels sa natirahan ni Rizal sa Primrose Hill. Namatay si Marx noong 1883; kilalang-kilala siya sa British Museum mula pa noong 1849. Baka sa luklukan din ni Marx sa British Museum namalagi si Rizal noong 1888-89? Siguradong mga hilaw na materyales ito para sa isang nobela.

9 Sa pagsubaybay ni Fr. Jose Arcilla sa buhay ni Rizal, si Rizal ay hindi na repormista ng taong 1890-1891 nang matalo ang kaso ng mga taga-Calamba. Tingnan ang Fr. Jose Arcilla, Rizal and the Emergence of the Filipino Nation (Quezon City: Ateneo University Office of Research and Publication, 1991), p. 234. Ikompara ang opinyon ni General Jose M. Alejandrino, The Price of Freedom (Manila: Solar Publishing Corp., 1986), mp. 1-14.

10 Tingnan ang tala ng interbyu kay Rizal ni General Jose Alejandrino sa kanyang libro: The Price of Freedom (Manila: Solar Publishing, 1987), mp. 3-4.

11  Ang "Filibusterismo," salin nina Leonardo Dianzon, Inigo Ed. Regalado at Dionisio San Agustin (Maynila: Manalapaz Publishing Co., 1965), p. 48.

12  Nais kong ipagunita sa mambabasa na ilang akda ko ang tumatalaky sa kabuuan ng praktika at teorya ni Rizal. Tunghayan ang mga ito: The Radical Tradition in Philippine Literature (Quezon City: Manlapaz Publishing Co., 1971), mp. 7-47;  "The Human Condition," Rizal: Contrary Essays, pinamatnugutan nina Petronilo Daroy at Dolores Feriaÿ(Quezon City: Guro Books, 1968), mp. 175-94; Toward a People's Literature (Quezon City: University of the Philippines Press), mp. 20-66; at History and Form: Selected Essays (Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1996), mp. 26-37.
    Kung nais masundan ang iba pang anggulo sa panitik ni Rizal, maimumungkahi ko ang aklat ni Soledad Reyes, patnugot, The Noli Me Tangere A Century After: An Interdisciplinary Perspective (Quezon City: Phoenix Publishing House, Inc., 1987).

ANDRES BONIFACIO: Katwiran, Kalayaan, Katubusan--ni E. San Juan, Jr.

$
0
0

HANDOG KAY ANDRES BONIFACIO: KATWIRAN, KALAYAAN, KATUBUSAN

ni E. SAN JUAN, Jr.


        Katakutan ang kasaysayan sapagkat walang lihim ang maitatago sa                 kanya. --GREGORIA DE JESUS

    Ugali na kapag pinag-uusapan ang kabayanihan ni Gat Andres Bonifacio, ang "Supremo," nauuwi sa trahedya ng Tejeros/Naik/Maragondon.  Hindi trahedya kundi ironya o kabalighuan: ang pasimunong nagtatag ng Katipunan ang pinaratangang taksil sa rebolusyon at pinaslang noong Mayo 10, 1897. Ngunit kung hindi nangyari iyon, ang katunayan ng uring ilustrado at ng tusong  pagkakanulo't paglililo (mga katagang malason sa diwa ni Balagtas) nila sa rebolusyon ay hindi umabot sa kaganapan.

        Subalit ang nakagawiang pagdakila sa bayani ay hindi garantiya na hindi mauulit ang pagdaraya ng mga mapagsamantalang uri. Masdan na lang ang pagbibigay muli ng basehan sa puwersang militar ng Estados Unidos. Naulit na nga sa asasinasyon ni Antonio Luna--mistulang "repeat performance" iyon--at paglinlang kay Macario Sakay, kasama ng Supremo sa Tundo. Nakagugulat sa umpisa, ngunit kung tutuusin, mahihinuhang itinakda iyon ng mga pagkakataong umigkas na di na mapigilan. Kung hindi tayo matuto sa kasaysayan, tiyak na paparusahan tayo muli sa pagbalik ng nasugpo't ipinagbawal dahil naroon din ang binhi ng darating, kung paglilimiin.

Kasaysayan at Pananagutan

     Gaano man kasalimuot ang sitwasyong bumabalot sa atin, may kalayaan tayong umugit sa ating kapalaran batay sa ating dunong at kakayahan. Hindi lamang tayo biktima ng mga nagsalabit na sirkumstansya't aksidente. Ang kasalukuyang pagsisikap na pahalagahan ang buhay ni Bonifacio ay nagtataglay ng hangarin o mithiin ng kaganapan na siyang humuhubog ng mga sagisag at representasyon ng kolektibong karanasan. Kung ang radikal na politika ay praktika ng pagsasagawa ng mga inaasahang pagnanais sa daloy ng kasaysayan, at paglatag ng mga ayos ng pagbubuklod sa hinaharap, mga pagsasanib at ugnayang kailangan para sa pagbabagong malaliman at pangkalahatan, ano ang dapat gawin?

    Ibaling natin ngayon ang sipat sa mga salita't gawa ni Bonifacio na buntis sa mga maaaring mangyari. Ano ang potensiyalidad sa paghuhunos ng mga luma't piyudal na normatibong pamantayan tungo sa isang Kaliwanagang taglay ang kasarinlang makatwiran? Makakamit ba natin ang reyalidad ng awtonomiyang may kakayahang rasyonal at makabuluhan? Sa ibang salita, maiaangat ba sa diyalektikang paraan ang puri o dangal ng indibidwal sa antas ng pagkakabuklod, solidaridad at bahaginang pangkomunidad? Ano ang papel na gagampanan ng organikong intelektuwal sa pagtatatag ng lipunan kung saan ang malayang pag-unlad ng bawat isa ay nakasalalay sa kalayaan ng buong bansa/sambayanan (natio/populus), sa taguri ni Gramsci?

    Sa pagsasaliksik natin, ang pinakamahalagang simulain ay historiko-materyalismong pananaw na may diyalektikong paraan ng pag-kilatis at pag-unawa sa lipunan. Batay rito, ang kongkretong sitwasyon ng kabuhayan--ang relasyon ng mga uring nakasalig sa produksiyon ng mga pangagailangan sa buhay--ang pinakaimportante, hindi ang kamalayan ng hiwa-hiwalay na tao sa lipunang nahahati sa mga uri. Samakatwid, dapat iwasan ang palasak na analisis pangsikolohiya. Mapanligaw ang pagpapaliwanag sa anumang problemang panlipunan ayon sa karakter o katauhan ng mga indibidwal na kasangkot. Gayundin ang pagsandal sa abstraktong klima ng krisis o kaguluhan na sumisira sa anumang rasyonal na layunin ng mga aktor sa kasaysayan.

Pagtistis at Muling Paglilitis

    Sa pagbabalik-tanaw sa ating pambansang kasaysayan, ang kuwento tungkol sa Supremo ay nalalambungan pa rin ng samot-saring haka-haka, sumbong, chika, suplong at hinala. Marami pa ring kakutsaba ang mga kasike't imperyalista. Isahalimbawa ang The Revolt of the Masses  ni Teodoro Agoncillo. Bagamat sagana sa datos at humahanga sa KKK, sadyang lumabo ang nangyari sa sikolohikal at pang-Zeitgeist ("regionalism" at klima ng krisis noon) na lenteng itinuon ni Agoncillo sa mga karakter ng lumahok sa Tejeros, tungo sa pag-absuwelto kina Hen. Aguinaldo at mga kasapakat (1956, 293-99). Ang sikolohiya ng Supremo ang siya mismong dahilan sa kanyang pagkapatay, mungkahi ng historyador. Gumagad dito ang prehuwisyong ibinurda ni Nick Joaquin sa kaipala'y masahol na muling pagpaslang sa Supremo sa A Question of Heroes.

     Sanhi sa kolonyalismong danas na mahigit 400 dantaon (mula kolonyalismong Espanyol hanggang imperyalismong global), namihasa tayo sa burgesyang pangitain sa mundo. Makikita ito sa pop-sikolohiyang lapit ni Joaquin, makitid at mababaw sa pagkilatis sa masalimuot na puwersang pampolitikang nakasalalay sa mga pangyayari. Ang tesis ni Renato Constantino ay tinuligsa't inuyam ni Joaquin: "All this sounds ike an egghead effort to make Marxist boots out of Philippine bakya" (1977, 86). Nagkabuhol-buhol ang ulirat ni Joaquin sa pagpuntirya niya laban sa karakter at asal ni Bonifacio,  Hindi ang karakter ng indibidwal kundi ang sapin-saping langkay ng mga kontradiksiyon sa lipunan ang dapat suriin sapagkat iyon ang nagpapakilos sa katangian ng mga kolektibong puwersang humuhubog at nagpapaikot sa takbo ng kasaysayan.
         
    Mula noon, marami nang sumalungat sa mapagkunwaring pagpupugay nina Agoncillo at Joaquin sa "Dakilang Plebeyo." Ang mahusay na tugon at pagpapabulaan sa haka-haka nina Joaquin at mga maka-ilustrado ay ang sanaysay nina Milagros Guerrero, Emmanuel Encarnacion at Ramon Villegas, pinamagatang "Andres Bonifacio and the 1896 Revolution."  Katugma nila ang mahayap na hatol ni Apolinario Mabini sa La Revolucion Filipina: " Palibhasa'y paglabag ang ginawa ni Aguinaldo sa panuto ng Katipunan na kinasapian niya,...ang motibo sa asasinasyon ay walang iba kundi mga hinanakit at mga kapasiyahang sumira sa dangal ng Heneral; sa anu't anuman, ang krimeng naganap ay siyang unang tagumpay ng ambisyong personal laban sa wagas na patriyotismo" (Salin ko mula sa Ingles; sinalin din ni Cruz 1922, 57-58; Ingles ni Leon Ma. Guerrero sa Mabini 1969, p. 48).

Parametro ng Paghahanap

    Bilang katugunan sa mga pagkutya sa karakter ng Supremo, kadalasan gumagamit ng empirisistikong analisis ng uring kinabilangan ng Supremo. Idinidiin na sastre ang ama at trabahador sa pabrika ng tabako ang ina. Bukod sa artisanong nagbenta ng baston, ang Supremo ay nagsilbing ahente ng mga kalakal sa Fleming & Company (Ingles) at bodeguero sa Fressel & Co. (Aleman).  Sa palagay ko, upang matarok kung anong mga sangkap ang humulma sa pangitain-sa-mundo (Weltanschauung) ng Supremo at mga kapanalig, dapat isakonteksto ang mga detalyeng nabanggit, kalakip ang mga karanasan sa Teatro Porvenir sa Tundo at pansandaling paglahok sa Cuerpo de Compromisarios at masoneria, sa isang takdang yugto ng kasaysayan ng kolonya.

    Tatlong yugto ng kasaysayan ang dapat salungguhitan sa pagsubaybay sa diyalektika ng nesesidad at kalayaan, kapalaran at pagkakataon:

    1) Ang pagwasak ng ilusyon ng egemonya ng Espanya at Simbahan sa tagumpay at pagsakop sa Maynila ng Inglatera noong 1762-64. Sumiklab noon ang mga rebelyon nina Silang, Malong, Almazan at Palaris sa hilagang Luzon. Sa unang bahagi ng ika-18 dantaon, sa buntot ng rebolusyon sa Pransiya at digmaan ng imperador Napoleon sa buong Europa, nayanig muli ang ibuong ideolohiya/istruktura ng estado't simbahang Espanyol sa mga madugong pagbabalikwas sa Piddig at Sarat, Ilokos, noong 1807. Nasakop ni Napoleon ang Espanya noong 1808-14.  Nag-protesta sina Andres Novales at mga creoles noong 1823. Sumunod ang masidhing pag-aalsa ni Apolinario de la Cruz/Hermano Pule noong 1839-41 sa Tayabas, Batangas, Laguna at karatig-lunsod. Resulta nito: Nadurog ang pangkahalatang konsensus na mabuti't makatarungan ang gobyerno't simbahan. Tuluyang napawi ang "ethical totality" (sa kataga ni Hegel) o paniniwalang iisa ang kabutihan/tadhana ng kolonisadong mayorya at estado.

    2) Sa pagbubukas ng kapuluan sa kalakalang-pandaigdig simula 1834, bumilis ang pagpasok ng komoditi--ang kultura't gawi ng mga dayuhang negosyante--at ideya't estilo ng pamumuhay na kaiba o tiwali sa namamayaning gawi, kostumbre, pamantayan. Pumasok ang mga ideolohiya ng reporma sa Inglatera noong 1832, ng 1848 himagsikan sa Europa, laluna ang mga tunggalian para sa independensiya sa Argentina, Bolivia, Peru, Venezuela, Mexico at Cuba (simula pa noong 1868).

    Bukod sa impluwensiya ng kulturang komersiyal at pananalapi ng Fleming & Co. at Fressel & Co. sa Supremo, tumalab ang lundo ng kamalayang makabago't mapagbago--ang sensibilidad/dalumat ng panahon--sa nakararami. Ang sagisag-panulat ng Supremo, "May Pag-asa," ay hudyat ng hikayat ng kamalayang pangkasaysayang sinagap sa mga akda nina Marcelo del Pilar, Rizal, at mga librong Le Juif errant, Les Miserables, at Las Ruinas de Palmira.
Sa paglagom, lumaganap na sa kapuluan ang patnubay ng modernidad batay sa mabisang lohikang umaalalay sa siyensiya, kalakal at palitang pampinansiyal (money exchange), kontra sa dogmatikong institusyon ng relihiyon at gayuma ng mito, hiwaga at samot-saring pamahiin.
   
    3)  Pumutok ang Paris Commune (Marso-Mayo 1871). Sanhi sa nagkabungguang sigalot, nagtagumpay ang liberalismong pangkat sa Espanya noong 1873-75 at inilunsad ang republikanong 1812 Konstitusyon ng Cadiz. Nagkaroon ng kaluwagan sa administrasyon ni Gob. Carlos Maria de la Torre.   Subalit nang sumabog ang Cavite Mutiny ng 1872 (siyam na taong gulang ang Supremo noon) at patayin ang tatlong pareng Burgos, Gomez at Zamora, unti-unting naagnas ang paniwalang makabuluhan pa ang reporma.

    Nang ipatapon si Rizal ni Gob. Despujol noong Hulyo 1892, bunyag na ang katotohanang kahit mapayapang pagsisikap maisaayos ang katiwaliang umiiral--buhat pa nang* supilin si Sulayman sa Tundo hanggang sa pagsunog ng mga tirahan ng pesante sa Calamba noong 1891--ay wala nang katuturan. Hinog na ang katotohanang nasambit ni Rizal: "Ang sagot sa dahas ay dahas din, kung bingi sa katwiran."

Ideolohiya at Balangkas ng Pamunuan

    Pagkahawan ng madawag na landas sa kasaysayan, bumalik tayo sa naimungkahi kong maitatanging layong natamo ni Bonifacio. Walang iba kundi ang pagtatampok sa halaga ng ideolohiya at namumunong ahensiya/aktor (vanguard party) sa rebolusyon. Bagamat importante ang modo ng produksiyon sa tingin nina Marx and Engels, ang tagisan ng lumang institusyon/relasyong sosyal at ng sumisibol na lakas sa produksiyon ay naisisiwalat muna sa larangan ng kaisipan, saloobin, atitudo, o normatibong sukatan. Dito lumilitaw ang nakakubling tunggalian ng mga uri at pwersang pampolitika.
   
    Angkop ang huwarang inilahad ni Engels sa Peasant War sa Alemanya noong 1524-25, panahon ng Repormasyong Protestante. Kahalintulad noon ang  sitwasyon sa Pilipinas noong 1892-1898.  Sa halip na kapitalistang/burgesyang partido laban sa piyudal/kolonyalistang kapangyarihan ng Espanya, nagsanib ang pesante, maliit na maylupa, ilang ilustradong malapit sa magsasaka, trabahador, negosyante at artisano sa kalunsuran. Ang lakas na nagigipit at napipigil ay hindi kapitalismo kundi buong hanay ng mga binubusabos ng Estado at Simbahan--sila ang buong sambayanan na tutol sa pag-aari, sa mga nagmamay-ari (frailocracia, aristokratang opisyales, peninsulares) at sila, samakatwid, ang siyang magpapalaya sa pagtatayo ng ordeng makatarungan, demokratiko at makatao.

    Sa pagitan ng obhetibong sitwasyon at suhetibong kamalayan, pumasok ang Katipunan. Hindi na makayang supilin ng Espanya ang taumbayang inihanda ng mga Propagandista buhat pa noong 1872 (pag-aalsa sa Kavite; pagbitay sa tatlong pare), o buhat pa noong rebelyon ng Tayabas Rehimyento noong 1843 (De la Costa 1965, 215). Kahit na malaki ang pinagbago ng Pilipinas sa pagbubukas ng Suez Canal at pagpasok ng mga empresang dayuhan, laluna kalakalan sa asukal, tabako, abaka at ibang produktong iniluluwas, at may umuusbong na kapitalismong industriyal, nasa palapag pa rin ng piyudal/agrikultural at artisanong kabuhayan ang Pilipinas sa huling dako ng ika-19 dantaon. Ang ayos pamproduksiyon ay nakasalig pa rin sa pagsasamantala sa mga pesante ng mayamang magsasaka at prinsipalyang nakapailalim sa mga prayle at burokrasya.  Sa ganitong paghahanay ng mga nagtatagisan, mahihinuha na mula sa mga uring inaapi--taglay ang kawalan/karukhaan na siyang yumayari't lumilikha ng kayamanang panlipunan--sa blokeng ito magbubuhat ang ahensiya/suhetibong kondisyon na maglulunsad at magsusulong sa himagsikan.

    Ang pinakamatingkad na kontradiksiyon ay sa pagitan ng nakararaming katutubo at ang Simbahan/Estadong kolonyal. Pangalawa ang kontradiksiyon ng mga pesante/manggagawa at kasike/prinsipalya. Sa dimensiyon ng ideolohiya o pangitain-sa-mundo, ang kamalayan ng mga uring inaapi ay natatakluban ng ideolohiya ng teyokratiko-piyudal na sistema ng kolonyalismo. O kung gising man ang mga biktima, hindi pa sila makapagpasiyang tumakas at tuwirang tumalikod sa nakagawiang kabuhayan o kinagisnang kalagayan.  Sinikap ng mga Propagandista sa Solidaridad at, di naglaon, sa Liga Filipina, na pag-isahin at itaas ang pampulitikang budhi/dunong/bait ng masa. Umabot sa matining na baytang,  subalit hindi pa rin mabisang napagkasunduan ang koordinasyon ng magkakahiwa-hiwalay na inisyatiba ng mga rebeldeng partisano.

Kabatiran at Pagpapasiya: Kinabukasan Ngayon

         Mahimalang naibuod ni Bonifacio ang kahulugan ng mga kontradiksiyong naisaad sa interaksyon ng katutubo at mananakop sa sinoptikong akda, "Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog" (Cruz & Reyes 1984, 97-98). Sa pakiwari ko, ito ang pinakaunang teksto ng modernidad sa arkibo ng ating kultura. Mainam na naibalangkas dito ang pagtuklas at paglalahad ng kahulugan ng kolektibong pagbabalikwas sa pagsalikop ng isip at nais, kamalayan at budhi.       

     Makakatas ang pilosopiya ng rebolusyon mula sa istruktura ng panahong naikintal dito (hinggil sa temang ito, tunghayan si Arendt 1978). Nakabuod iyon sa pag-iisa ng kamalayan at reyalidad, ng dapat mangyari at kasalukuyang nangyayari.  Paano ito natupad?  Una, ikinintal ang naglahong kasaganaan at kaginhawahan kaakibat ng pamamahala ng tunay na mga kababayan, pati karunungan ng lahat sa pagsulat at pagbasa sa sariling wika: "Itong Katagalugan, na pinamamahalaan nang unang panahon na ating tunay na mga kababayan....ay nabubuhay sa lubos na kasaganaan, at kaginhawan...Mayaman ang kaasalan ng lahat...." Alalahanin: magkasudlong ang karunungan, wika, kayaman ng asal, kasaganaan, at kaginhawahan. Nakabaon sa kaalamang ito ang pagnanais malasap muli ang nakaraan sa hinaharap, hindi bilang utopikong pita kundi bagong imbensyon, walang katumbas na likha, sa pagtatalik ng panahong lumipas at kasalukuyan.

    Lahat ng mga katangiang naitala ay nawala pagkaraan ng Pakto de Sangre nina Legaspi at Sikatuna. Tila kusang bumaliktad ang lahat. Mula noon, "ating binubuhay [ang mga kolonisador] sa lubos na kasaganaan, ating pinagtatamasa at binubusog, kahit abutin natin ang kasalatan at kadayukdukan; iginugugol natin ang yaman, dugo at sampu ng tunay na mga kababayan na aayaw pumayag sa kanila'y pasakop." Ang buhay ng mananakop ay utang sa pawis at sakripisyo ng mga sinakop. Pansinin na binanggit ang tulong ng mga Indyo sa mga Kastila laban sa Intsik at Holandes, ngunit walang banggit sa pagsakop ng Inglatera sa Maynila.

    Kahanga-hanga ang pagkaunawa't paglalagom ni Bonifacio sa komplikadong diyalektikong hinimay ni Hegel na balighong ugnayan ng alipin at panginoon sa Phenomenology of Spirit (1807) na isinakongkreto ni Marx sa The German Ideology (1845-6) at, di kalaunan, sa Das Kapital (1867). Nang lumabas ang libro ni Marx, apat na taong gulang pa lamang ang Supremo.

    Nasira ang mito ng Pakto de Sangre sa tatlong siglong pandarambong ng Espanya. Pinawi ng malagim na kasalukuyan ang nakalipas, at umigting ang hinaharap, puspos ng magkahalong pag-asa't pangamba. Maramdaming inilarawan ni Bonifacio ang hirap at sakit, dalamhati't pagtitiis ng bayan sa ganitong talinghaga. Inihambing niya ang bawat patak ng pananangis ng sanggol sa "isang kumukulong tingga, na sumasalang sa mahapding sugat ng ating pusong nagdaramdam." Umaapaw ang kalooban sa simbuyong galit, inip, ngitngit sa tanikalang bumibigti sa bawat katawan. Di naglao'y naitulak ang kolektibong sensibilidad sa hangganang hindi na matatanggap ang kasalukuyan. Paulit-ulit na lang ba ang Ngayon? Wala bang ibang napipinto, pagbabago o pag-iiba?

    Humarap sa nagiyagis na ulirat ang problema ng kinabukasan: "Ano ang dapat gawin?" Tila alingawngaw ng makasaysayang tanong ni Lenin. Ang sagot ng organikong intelektwal ng masang mulat ay artikulasyon ng hinaharap, kung saan ang karunungan/kaalaman ay nakasanib sa katwiran. Ang dunong ay guro, nagtuturo o tumutuklas ng direksiyon ng pagsisikap at pakikibaka : "Ang araw ng katwiran na sumusikat sa Silanganan, ay malinaw na itinuturo sa ating mga matang malaong nabulagan, ang landas na dapat tunguhin..."

    Sa patnubay at hikayat ng kaalaman/dunong, naging mahalaga na ang bawat sandali sa buhay. Ang lundo ng payo nito ng katwiran ay, una, magtiwala sa sariling lakas at umasa sa sariling kakayahan.  At pangalawa, magkaisa sa kalooban, isip at pagnanais upang sa gayo'y "magkalakas na maihanap ng lunas ang naghaharing kasamaan sa ating Bayan."   Samakatwid, ang rebolusyon ay pagpapahalaga sa kapangyarihan ng kolektibong dunong/kaalaman.  Mangyayari ito sa pagsasapraktika ng aksyomang nabanggit:  sa pagtitiwala (1) sa sariling pagkatao ng mga kababayan (awtonomiya; kasarinlan) at (2) sa pagkakaisa ng loob at lakas sa kapasiyahang maigupo ang kabuktutang pumipinsala sa bayan.

Metamorposis  ng Panahon

           Nakatuon ang budhi ng modernistang diskurso ni Bonifacio sa aktuwalidad, sa pagtarok sa daloy ng panahon, na humuhubog ng lugar o espasyo ng rasyonalidad (katwiran). Tandaan na ilang ulit tinuldikan ang parusang ipinapataw ng Kastila: "isinadlak sa lubak ng kasamaan ang kapurihan ng ating Bayan" at tayo'y "nabibingit sa malalim na hukay ng kamatayan na sa ati'y inuumang ng mga kaaway." 

    Malasin ang tagpo: nasa larangan na tayo ng digmaan.  Layon ng pahayag na ito ay hindi lamang makamit ang mithi ng rasong instrumental o makamit ang absolutong kapangyarihang umaangkin ng normatibong birtud. Walang pasubali, pakay ng panawagan ay dagling maisalin ang isip sa gawa at kagyat malasap ang pangako ng kinabukasan ngayon din. Sapiliting dapat pumili at  hindi makaiiwas magpasiya.

    Tiyak na kung may kabatiran, handa nang gumayak tungo sa tumpak na pagpapasiya't pagkilos. Marahil ang karanasan ni Bonifacio sa dayuhang bahay-kalakal ng Fleming & Co ng Inglatera at Alemanyang Fressel & Company bilang ahente/bodegero, ay tumalab sa pagtuturo sa halaga ng kontrata, pagtitiwala at pagsunod sa panuto't regulasyon. Dumagdag sa dunong ni Bonifacio tungkol sa rebolusyon sa Pransiya (laluna ang disiplina ng "virtue" bilang susi sa tatag ng Republika) ang larawan ng tunggalian ng uri sa Les Miserables ni Victor Hugo. Nakapukaw rin ang melodramatikong El Judio Errante/Le Juif errant ni Eugene Sue, kung saan iniugma ang salot ng kolera sa dahas ng mapanupil na Hesuwita at pag-uusig ng mga Protestang Huguenot sa Pransiya. Nakaambag din ang mga kuro-kuro ni Rizal (laluna ang anotasyon niya sa ulat ni Morga), at pagsusuri sa daloy ng kasaysayan mula sa librong "Ang mga Ruinas ng Palmira," at "Buhay ng mga Pangulo ng Estados Unidos" (Zaide 1970, 106).

    Di kalabisan kung muli kong igiit na ang  "Dapat Mabatid" ay hindi lamang pinakatampok na dalumat ng modernidad sa Pilipinas na nailunsad ng mga pangyayaring naiulat ko sa panimula. Dapat salungguhitan ang penomenang ito.  Katambal ng mga sanaysay ni Rizal at del Pilar, iginuhit dito ang materyalistang teorya ng kasaysaysan na humihirang sa masa bilang tagalikha ng pag-unlad at pagsulong ng buong lipunan. Ang mapanlikhang talino ng sambayanan ay siyang dinakilang kagamitan at sangkap sa pagbabagong-buhay ng lahi.

    Sa pagsusuri ko, ito at iba pang kasulatan ay palatandaan sa matayog na budhi at kabatiran ng Supremo. Ito ay patibay na hindi lang malawak ang kaalamang pangkasayayan ni Bonifacio, sumasaklaw sa kondisyon ng buong kapuluan (hindi lamang Luzon), bagkus masinsing pagtarok na ang pangkat na di kasali sa pamahalaan, walang representasyon, ay siyang awtentikong ahensiya ng pagbabago. Tulad ng bisyon ni Marx sa kritika ng pilosopiya ni Hegel (Osborne 2005), ang uring proletaryo na kumakatawan sa unibersal na kapakanan ng lahat, gayundin ang lahing kolonisado--ang Indyo, ang nakararaming itinakwil, inkarnasyon ng pagdurusa, at negatibong larawan ng sangkatauhang yumayari ng tirahan sa mundo. Pangkalahatang dignidad, puring unibersal ng pagkatao, ang itinatanghal niya, na hindi kinikilala ng imperyong Espanya.

    Samakatwid, ang Katipunan--ang motor ng himagsikan--ang maituturing na pagsasakatuparan ng pilosopiya ng Kaliwanagan, ang aktuwalisasyon ng pangangailangan ng sambayanan. Ang Katipunan ang tagapagpaganap ng pagbabanyuhay na sumilang sa malay at nagbigay-kahulugan sa data-rati'y ulit-ulit na pag-inog ng panahon.

    Walang pasubaling napukaw si Bonifacio ng mga impormasyon, datos, at kabatirang nakatas sa panitik ng Propagandista at ng mga pinag-aralang aklat. Sinikap niyang iakma ang Katipunan sa prosesong naranasan niya, partikular ang paglitaw ng "liwanag ng katotohanan," pagpapakilala sa ating sariling puri, hiya, pagdadamayan, hiwatigan ng pakikipagkapwa; at pagsisiwalat ng dakilang aral na "magwawasak sa masinsing tabing na bumubulag sa ating kaisipan."  Ang danas ay nailapat sa hanay ng yugto ng panahon at kabatiran. 

    Idiniin sa patalastas ng Supremo ang pagpapasiyang bunga ng kabatiran at inantig ang mga kasapi sa pagpupunyaging magpasiya't isakatuparan ang ninanais.  Sa dulo ng pahayag, nakatumbok  ang diwa ni Bonifacio sa paghikayat ng kaluluwa salig sa kusang paghuhunos o dili kaya'y pagtransporma ng saloobin--ang larangan ng digmaan ng ideya/ugali--na siyang susi sa pagkilates sa kilos at gawa ng bawat nilalang at ang kabuluhan nito sa malayang pag-unlad ng buong komunidad.

    Pagnilayin na hindi ito simpleng pagbabalik sa nakaraan--di na pwede iyon sanhi sa nakapamagitang karanasan ng pagkabigo, gulat, kilabot, matinding pagdurusa--kundi pagpihit at pagliko mula sa nagisnang daan. Dunong, paglinang sa kakayahan ng kaisipan, tiyaga at sigasig. Sa pagbubuod, lahat ng katangiang likas sa Pilipino ang dapat isingkaw sa kolektibong proyekto ng pagwasak sa lumang insitutusyon at pagtayo ng bagong sistema ng kabuhayan.

Diyalektika ng Kabatiran at Kamangmangan

    Hanggang ngayon ang makatuturang panawagan ni Bonifacio ay hindi pa nabibigyan ng karampatang pagpapahalaga. Paglimiin, halimbawa, ang gamit ng retorika ng dilim at liwanag na halos arketipong tatak o signatura na sa mga dokumento ng Katipunan, na unang naibadya sa "Liwanag at Dilim" ni Emilio Jacinto (Santos 1935).

    Ang duwalistikong pagtatagisan ng dilim at liwanag ang bumabalangkas sa "Ang Dapat Mabatid" at sa ritwal ng inisyasyon ng Katipunan. Kung tutuusin, ang tema ng "liwanag ng katotohanan" na nakabaon sa liturhiya ng Kristiyanismo ay hango sa tradisyon ng Gnostisismo, isang paganong kilusang nag-ugat sa Manikiyanismo (naging alagad si San Agustin bago binyag), neo-Platonismo at Pythagoreanismo, at tumalab sa Kristiyanismo ng ika-2-3 dantaon.

    Pangunahing turo nito ay walang katubusan kung walang kabatiran sa Diyos (ibinunyag lamang sa initiates) at tadhana ng sangkatauhan. Ang Diyos (bansag sa Espiritu o banal na Kaalaman, Sophia) ay halos katumbas ng kalikasan (deus sive natura, sa tahasang sekular na kaisipan ni Spinoza). Ang relihiyon ng Taga-ligtas (Saviour) ay kumalat sa krisis ng imperyong Roma, kaagapay ng paglago ng Mithraismo at Kristiyanismo (Murray 1964, 130-31). Kinondena ito ng Simbahang Katoliko (sa pagmasaker sa mga ereheng Albigensian sa Pransiya noong ika-13 dantaon). Litaw ito sa lahat ng programang may rebolusyonaryong adhikaing nakasalalay sa rason/katwiran, budhi/bait, at sariling pagsisikap na makamit ang hinahangad na pansariling paglilinis (purification) at kaganapang pampersonal.

    Hindi lamang katutubong danas at dalumat ang pinagmulan ng Katipunan kundi paglagom sa kabihasnan ng Kanluran mula sa klasikong kultura ng Griyego at Romano hanggang sa siglo nina Robespierre, Rousseau, Goethe at Kant. Bukod sa daloy ng Gnostisismo sa kaisipan ng mga pilosopo ng Kaliwanagan sa Europa. Sinala iyon ng ispekulatibang Freemasonry (Guerrero 1969, 397-98); halimbawa, ang halaga ng "Virtue" o Kagalingan sa pagkontrol sa udyok ng laman at erotikong simbuyo; alegorya at simbolong naghihimatong ng paniniwala sa isang Makapangyarihang Arkitekto ng santinakpan. Maidiriin dito na masaklaw at malalim ang impluwensiya ng Stoisismo sa mga Propagandista, laluna sa mga makasosyalistang Isabelo de los Reyes, Hermenegildo Cruz, atbp.

    Ang pilosopiya ng mga Stoiko (Epictetus, Aurelius, Cicero), na nagpunla ng mga binhi ng doktrina ng Neo-Platonismo at Kristiyanismo, ay nagturo ng isang materyalismo't panteistikong sistema ng moralidad. Sa etika, idiniin nila ang pagtiwala sa sariling likas na kakayahan at pagtanggap ng tadhana. Ang kagalingan ng pagkatao (virtue) ang siyang tanging bagay na may wagas na halaga, ayon sa mga Stoiko. Ito rin ang bukal ng materyalismong historikal ng tradisyong nagmula sa mga philosophes (Voltaire, Diderot, Saint Simon) na minana at pinagyaman nina Marx-Engels, Plekhanov, Gramsci, atbp.

    Kaya bagamat naimungkahi ni Renato Constantino na utang kay Bonifacio ang sintesis ng teorya at kilusan, hindi wasto ang paratang niya na "The ideas of Bonifacio did not have a solid ideological content" at iyon ay "primitive" dahil nakasandig lamang sa "dignity of man" (1975, 165). Maraming implikasyon ito. Malalim at mapamaraan ang nakapaloob sa pariralang "dignity of man," na natukoy na natin na nagbuhat pa sa Griyego-Romano't Hudeo-Kristyanong kabihasnan, patungo sa Kaliwanagan (Enlightenment) at 1789 rebolusyon sa Pransiya at sa buong Europa noong 1848 at 1872 (Paris Commune).

    Ang batas ng kalikasan (ley natural, sa awit ni Balagtas) ay kumakatawan sa logos o prinsipyo ng rason/katwiran. Ito ang saligan ng katarungan, demokrasya o pagkakapantay-pantay, kalayaan at kasarinlan. Ang mapagpalayang kapasiyahan ng masa ang gumagabay sa kapalaran o tadhana--sa wika ni Engels, "Ang kalayaan ay kamalayan ng pangangailangan (Necessity)."  Ang pangangailangan ay matatarok sa kaliwanagan tungkol sa nakalipas at posibilidad ng kinabukasan, sampu ng kolektibong pagpapasiyang maisakatuparan ang pangarap at mithiin ng kasalukuyan. Ito ang pinakabuod na simulain ng Katipunan at republikang isinilang sa Pugad-Lawin noong Agosto 23, 1896.

Teorya ng Ritwal, Praktika ng Kilusan

    Bukod sa Dekalogo ng Katipunan, ang pinakamabisang kagamitan sa pagbuo ng ahensiya ng pag-ugit sa rebolusyon ay mamalas sa ritwal ng samahan.  Sa Dekalogo, idinulog ni Bonifacio ang prinsipyo na ang pag-ibig sa Diyos (sa perspektiba ng deistikong rason) ay singkahulugan ng pag-ibig sa bayan at sa kapwa. At ang tiyak na panukat sa dangal at luwalhati ng sarili ay nakatimo sa pag-aalay ng buhay sa ikatutubos ng buong bayan. Pakikiramay, sipag sa paggawa, pagbabahaginan, pananagutan, paglingap sa kasama't kababayan--ito ang mga pinakamabigat na asal na dapat isapuso ng mga kasapi sa Katipunan.

    Taglay ng kasaping sumusumpa sa Katipunan ang birtud ng mga natukoy na katangian. Naisapraktika iyon sa ritwal ng inisyasyon, isang seremonyang na siya mismong maantig na huwaran ng proseso ng pagbabago. 
Sa sekretong paraan, ang ritwal ng pagkakaloob ng karangalang sumanib sa mapanganib na organisasyon ay sagisag ng pagbabagong-buhay. Isang alegorikong dula ito sa pagpasinaya sa isang bagong ayos ng komunidad kasalungat sa umiiral na orden--"ang negasyon ng negasyon," sa taguri ni Engels. Ang prosesong ito ng pagkilala sa bago't dinalisay na identidad ng kasapi--muling pagkabuhay!--ay kahawig ng mga inisyasyon sa Griyego sa Eleusis at Delphi, at sa Roma sa pananampalataya kay Mithra at, sa paglaganap ng Kristiyanismo sa misyon ni San Pablo, ang misteryo ng Muling Pagbangon ("resurrection of the dead").

    Masinop na tinalakay ni Gilbert Murray ang nakabibighaning pagkakawangkis ng turo ni San Pablo at paglalangkap ng Stoiko't Gnostikong pilosopiya sa panahon ng matinding krisis (1964, 107-38). Layon ng mga paniniwalang kaiba sa status quo ng imperyo ang magdulot ng pagkakataong mailigtas ang kaluluwa/pagkatao sa kilabot at dahas ng kapaligirang mundong sawi. Layon ng Kristiyanismo, halimbawa, ang tubusin ang paganong kaluluwa sa korupsiyon at kabuktutan ng umiiral na sistema ng Imperyong unti-unting nabubulok at gumuguho.

    Sa yugto ng nabubulok na kapangyarihan ng mga prayle't marahas na burokrasyang kontrolado ng mapag-imbot na frailocracia't ganid na opisyal, handog ng Katipunan sa mga dinuhagi ang kaligtasan at kalinisan--isang bagong mundo ng kasaganaan at katiwasayan. Pampurga sa dumi at pagbawi sa dalisay na puri o dangal ng pagkatao: ito ang mithiing patnubay sa pagpasok sa Katipunan nakaangkla sa kondisyong "Kung may lakas at tapang, ikaw'y makatutuloy....Kung di ka marunong pumigil ng iyong masasamang hilig, umurong ka..."   Kasunod ang pag-lilirip sa mga tanong na tila hango sa nasuring akda ni Bonifacio, mga tanong pangkasaysayan na magtataya at magtitimbang sa pagkakaiba ng mga yugto ng panahon habang sinisikap ipag-ugnayin at bigyan-kabuluhan iyon sa pamamagitan ng bagong suheto/sabjek--ang negasyon ng nakalipas at umiiral:

1.  Ano ang kalagayan nitong Katagalugan ng unang panahom?
2.  Ano ang kalagayan sa ngayon?
3. Ano ang magiging kalagayan sa darating na panahon?     (Cruz 1922, 22-23).

Sa Wakas, Banaag at Sikat

    Kung tutuusin, ang mga tanong at pagpapaalala ay sangkap ng isang pedagohikal na metodo upang mamulat ang natutulog na bait/budhi ng taong nais mapabuti ang kanyang buhay. Ang ritwal ng inisyason ay magaling na panimulang pagsasanay, dagdag sa panunumpa at pagsasandugo pagkatapos ng pagsubok sa katapangan at katapatan ng kandidato sa partido.

    Sa haraya ng pagbabagong buhay, o paghuhunos sa bagong kalagayan mula sa lumang pagkatao na kusang itinakwil at tinalikdan, ang kontradiksiyon ng lumang suliranin at bagong kaayusan ay nalulutas. 

    Natutugon din ang kontradiksiyon sa pagitan ng makasariling karakter/makitid na kaalaman at kamalayang naliwanagan, kalangkap sa pagkataong taglay ang birtud ng pagmamalasakit at pakikiramay. Sa ibang salita, muling nabuhay ang patay at nahango sa kapahamakan.  Natubos ang kaluluwa at naisauli sa pugad ng mga lumilingap at nagmamahal na mga kapwa, kadugo man o dayuhan. Maipalalagay na ito ay pagsasanay sa napipintong pagpapasinaya ng bagong ordeng lumulutang sa usok at apoy ng digmaang gumigiba't nagwawasak sa lumang istruktura ng kolonyalismo't  Simbahan. Alalaong baga, ito'y pagdiriwang sa tagumpay ng rebolusyon.

    Sa balik-tingin, ang interbensiyon ng Katipunan ay itinalagang napapanahon. Naging mapagpasiyang salik iyon sa pag-imbento ng kinakailangang ahensiyang wawasak sa lakas militar at politikal ng Espanya, ang abanteng liderato ng Katipunan. Palibhasa'y nakapagitan ang uring sandigan nina Bonifacio at kapanalig--artisano, maliit na negosyante, edukadong empleyado sa hukuman, kawani sa imprenta at kalakal-bahay--masikhay ang pakiramdam at pagmamalasakit nila sa mga magsasaka, trabahador sa pabrika at daungan, kababaihan, atbp. Sanhi sa maluwag na hirarkiya sa partido, napagparayaan ang tendensiyang rehiyonalismo sa Cavite na sinakyan nina Aguinaldo't mga kapanalig na kasike't ilustrado.

    Mabilis na lumago ang Katipunan, mula 300 noong Enero 1896 hanggang mahigit 40,000 nang iproklama ang rebolusyon ng "Haring Bayang Katagalugan" ("Sovereign Tagalog Nation") noong 29 Agosto 1896 (Cruz 192, 43).  Maraming gremio o bukluran sa pagtutulong-tulungan ang lumahok sa Katipunan (halimbawa, ang gremio de litografos sa UST kung saan inilimbag ni Jacinto ang unang bilang ng Kalayaan, Enero 1896) at naging sanayan tungo sa unyonismong bumulas noong unang dekada ng pananakop ng Estados Unidos (Guevarra 1992).

Ang Imahen ng Ina at Palaisipan ng Kasarian

     Dapat salungguhitan ang bisa ng "Katapusang Hibik" ni Bonifacio sa pagpapahiwatig ng natatanging birtud ng kasarinlan/pagsasarili (Panganiban & Panganiban 1954, 136-38).  Kasangkot ito sa pinakaimportanteng suliranin ng kasarian sa kilusang mapagpalaya. Bukod sa bisa ng Gnostisismo at Stoisismo sa pilosopiya ng Katipunan at Propagandista (hinalaw sa literatura ng rebolusyon sa Pransiya at liberalismo-anarkismo sa Espanya), ang pananaw sa kababaihan ng kilusang mapagpalaya ay larangang hindi pa nabibigyan ng masusing analisis. Ang pigura ng ina, sumasagisag sa bayan, ginhawa o kaluwalhating inaadhika, maaliwalas na kinabukasan, kaluwalhatian, atbp., ay laging isteryotipikal at mekanikal ang pagpapakahulugan.

    Nasilip ni Soledad Reyes ang kabaligtarang mukha ng ina--"hindi siya Mater Dolorosa kundi Medusa" (1997, 127), ngunit marami pang implikasyong hindi nagagalugad. Halimbawa, ang posisyon ng Ina bilang Sophia (Katwiran/Wisdom). Katwiran at Kapangyarihan ay magkatambal; nabura ang kababaihan sa mga Konsehong makapatriaryakal ng Simbahan. Ayon kay Marina Warner: "The spirit of God, the shekinah, was feminine in Hebrew, neuter in the Greek  pneuma, feminine as sophia (wisdom), invariably feminine in Syriac, but in Latin it became incontrovertibly masculine: spiritus sanctus" (1976, 39). Gayunpaman, paalala ni Regis Debray: "While other denominations tends towards the univocal, the Catholic fantasy has as its mainspring a divided vision of the feminine, torn between angel and whore, saint and sorceress" (2004, 176).

    Payo ng Supremo: "Itinuturo ng katwiran ang tayo'y umasa sa ating sarili at huwag hintayin sa iba ang ating kabuhayan."  Sophia, ang kababaihang aspekto ng kaliwanagan, ay matatagpuan sa Muling Pagkabuhay sa dulo ng ritwal ng inisyasyon ng Katipunan at sa diwa ng "Dekalogo." Samakatwid, ang "Ina" ay siyang birtud ng kaliwanagan, maalab na inspirasyon ng pag-aalsang mapagpalaya. Para sa organikong intelektwal ng uring anak-pawis, ang Sophia ay muling pagbangon--ang inaasam na paglingap handog sa "naghihingalong Yna,", ang sinuyong "tinubuang lupa" na espasyong materyal at batayang lugar ng panahon, inarugang larangan ng kasaysayan--walang lihim sa tanod nito, ayon kay Gregoria de Jesus:

    Ang nanga karaang panahun ng aliw
ang inaasahan araw na darating
ng pagkatimawa ng mga alipin
liban pa sa bayan saan tatanghalin? 
       
("Pag-ibig sa Tinubuang Bayan,"
 nasa sa Medina 1972, 186)

    Sa kabilang banda, ang pagtakwil sa Espanya ng "Panghuling Hibik" ay umaayon sa bisyon ng Katipunan bilang boluntaryong samahan, solidaridad o kapatirang hinirang, isang ekklesiang subersibo't sekular. Kaugnay nito, kapasiyahang mulat, hindi henealohiya (tali sa pusod), ang kailangan. Tugon ito sa puna ni Rizal na sa Filipinas, indibidwalismo ang umiiral, hindi damayan. Ang Katipunan ay sinadyang pagtitipon ng mga anak ng Kaliwanagan laban sa mga kampon ng Kadiliman--isang tema ng grupong Essenes na salungat sa imperyong Romano. (Tila ang kuwebang dinalaw ng Supremo sa Pamitinan, Montalban, ang sumagisag sa sinaunang taguan ng mga Essenes.) Sa kalaunan, naging komunidad ng mga matapat (hindi taksil o mapaglilo), synchronized sa oryentasyon ng pag-asa (kinabukasan), hindi lamang sa bunsod ng memorya o gunita (nakalipas), ang proyektong etikal/politikal ng Katipunan.

    Ang pagtalikda sa inang utusan ng Imperyo't Simbahan ay umaayon sa malaparabulang tugon ni Kristo sa ina: "Babae, ano ang relasyon mo sa akin? (John 2:3; sa ibang pagkakataon na dudukalin ang suliraning ito). Sa pamamagitan ng malayang pagsanib, hindi batay sa dugo, kasarian, pamilya o angkan, ang Katipunan ay bukas sa sinumang nais makiisa sa pambansang digmaan laban sa kolonyalismo, makulinismong awtoritaryanismo ng Simbahan, sampu ng ideolohiya, praktika, institusyon at normatibong ugaling pinagpilitang ipasunod sa nilupig na Indya/Indyo. Ang gahum pampolitika ay bunga ng estratehiyang ito na may kaunting alalay din sa gerilyang metodo ng pakikibaka noong unang sagupaan sa Morong, Marikina, Antipolo, Pasig at mga nayon sa Bulakan, Nueva Ecija at Pampanga.
   
    Samakatwid, radikal ang naitatag na bangguwardyang liderato ng himagsikan na lumampas sa hanggahang itinakda ng sinaunang kabihasnan at ng kolonyalismong Espanyol. Radikal din ang pinagsamang paraan ng edukasyon at aktibong pakikibakang (higit sa repormistang taktika nina Rizal at ka-ilustrado) tinalunton ng mga alagad hanggang kina Malvar, Sakay at mga bayani ng Balangiga, Samar. Utang natin sa Supremo at 1.4 milyong mamamayang nagbuwis ng buhay (laban sa imperyong Espanya at Estados Unidos) ang dunong, danas at pagkakataon ngayon upang magpatuloy sa pagsisikap matamo ang tunay na pambansang demokrasya at kasarinlan sa harap ng malagim na terorismo ng hegemonyang lakas ng kapitalismong global.

Pagbabalik sa Kinabukasan

    Nais kong wakasan ang interbensiyon ko dito sa ilang puna tungkol sa kakulangan ng namamayaning aralin at pagsisiyasat. Pamibihira ang nakahagip sa di maikubling aporia sa mga kritikong sumuri at sumipat sa diwa ng Supremong nailahad sa kanyang "Katapusang Hibik" at "Dapat Mabatid." Sintomas ito ng naghaharing ideolohiya ng reaksyonaryong pananaw ng neoliberalismong orden sa ating neokolonya.

    Ilang halimbawa lamang ang maitatala dito. Impluwensiyal si Reynaldo Ileto sa paglapat ng banghay ng Bernardo Carpio (tulad ng Pasyon) sa panitik ng rebolusyon. Subalit pumalya ang interpretasyon at binaluktot ang katuturan ng mga akda. Naging "bunso" ang taumbayan; "layaw" at "utang" sa halip na katwiran at kabatiran at mabudhing pagpipigil sa sarili ang naging paliwanag sa masalimuot na sigalot at krisis. Dagdag pa: "...assuming [Bonifacio] was aware of [previous revolts], he would not have found them relevant to the drama of separation from Spain that he helped portray; the 'national drama for him begins after 1872" (1998, 25). Diyata't makitid ang kaalaman ng Supremo sa mismong kasaysayan ng kapaligiran? Sa ideyalistikong pagtaya sa organisadong mobilisasyon, pilitang ipinataw ang ilang piling ideya (layaw, damay, atbp) at sikolohiyang panukat na walang saligan sa kongkretong totalidad ng mga puwersang nagtatagisan sa isang takdang yugto ng kasaysayan.

    Sa perspektibang nailatag dito, hindi rin matibay ang paninindigan ng mga kritiko. Sa pagbasa naman ni Virgilio Almario ng "Katapusang Hibik," ang tangkang subukan ang "pagtanaw na historikal" ay lumubog sa kakatwang puna: sa retorika ni Bonifacio ay "masisinag ang pananagisag na Kristiyano bilang bukal ng kapangyarihan ng wika ni Balagtas" (2006, 202). Kahawig ng antikwaryong hatol ni Ileto, mahigpit na opinyon ni Almario na hindi pa rin makahulagpos ang porma't sining ng Supremo sa kwadro ng Pasyon, huwaran at aral ng relihiyong dulot ng kolonyalismong Espanyol. 

    Sa kabilang banda, bagama't maingat ang paraan ng pagsipat ni Soledad Reyes, hindi pa rin naiwasan ang pormalistikong pagkiling sa makapangyarihang birtud ng sining na di-umano'y lumilikha ng sariling daigdig. Alingawngaw ito ng romantiko't pormalistikong pamantayan ng konserbatibong ilustrado. Batay sa ganitong metapisika, humantong sa isang anarkista't suhetibismong konklusyon: "ang daigdig na diskurso ng rebolusyon ay isang mundong wala nang orden at batas, pinamamayanihan ng anarkiya...." (1997, 128). Kung iposisyon natin ito sa gitna ng paggigiit ng Katipunan sa halaga ng intelihenteng disiplina at kolektibong pangangasiwa't pangagalaga sa bawat aksiyon ng mandirigma, anong kahidwaan ang lilitaw?.

    Anong aral ang mahuhugot dito? Isa lamang: Kailangang balikan--mas tumpak, halungkatin at siyasatin--ang kasaysayan ng himagsikang pinamunuan ng Katipunan upang matuklasan natin ang binhing nakaburol doon, ipakawalan ang enerhiyang nahihimlay sa pusod ng nakalipas, at sa gayo'y maikasangakapan iyon upang maitayo ang malaya, makatarungan at demokratikong kaayusan ng lipunan ngayon at sa hinaharap.  Pansin ni Senador Claro Recto na ang ideyalismo ni Bonifacio, nabahiran ng mga kaisipan ni Rizal, ay siyang nagtulak sa bisig ng rebolusyon: "Not all dreams come true. But the wonderful things of the world were created by idealists like the Great Poorly-born Andres Bonifacio" (1968, 78). 

    Ang kinabukasan ng ibinubuong bansang may tunay na kasarinlan ay nakasalalay sa kasalukuyang gawaing suriin at pahalagahan ang tagumpay at kabiguan ng nakalipas, maihiwalay ang dilim sa liwanag, at makamit ang malayang pag-unlad ng bawat nilalang na nakasandig sa kalayaan at kaunlaran ng buong sangkatauhan. Mabuhay ang Supremo at masang lumalaban!

SANGGUNIAN

Agoncillo, Teodoro. 1965.  The Revolt of the Masses.  Quezon City: University of     the Philippines Press.
------ & Oscar Alfonso.  1967.  History of the Filipino People.      Quezon City:     Malaya Books.
Almario, Virgilio.  2006.  Pag-unawa sa Ating Pagtula.  Manila: Anvil Publishing     Co.
Arendt, Hannah.  1978.  The Life of the Mind.  New York: Harcourt Brace     Jovanovich.
Constantino, Renato.  1975.   The Philippines: A Past Revisited.  Quezon City:     Tala Publishing Services.
Cruz, Hermengildo.   1922.  Kartilyang Makabayan.  Maynila: Lupong     Tagaganap, Araw ni Bonifacio.
Cruz, Isagani at Soledad S.Reyes.  1984.  Ang Ating Panitikan.  Manila; Goodwill     Trading Co.
De la Costa, Horacio. 1965.  Readings in Philippine History. Manila: Bookmark.
Debray, Regis.  2004.  God: An Itinerary.  London: Verso.
Guerrero, Leon M.  1969.  The First Filipino.  Manila: Jose Rizal National     Centennial Commission.
Guerrero, Milagros, Emmanuel N. Encarnacion, and Ramon Villegas.  2003.      "Andres Bonifacio and the 1896 Revolution."  Sulyap Kultura. Manila:     National Commission for Culture and the Arts.
Guevarra, Dante G.  1992.  Unyonismo sa Pilipinas.  Manila: Institute of Labor and     Industrial Relations, Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas.
Ileto, Reynaldo.  1998.  The Filipinos and their Revolution.  Manila: Anvil     Publishing Co.
Joaquin, Nick.  1977.  A Question of Heroes. Manila:  Ayala Museum.
Mabini, Apolinario.  1969.  The Philippine Revolution. Tr. Leon Ma. Guerrero.      Manila: National Historical Commission.
Medina, Ben Jr.  1972.  Tatlong Panahon ng Panitikan.  Manila: National Book     Store.
Murray, Gilbert.  1964.  Humanist Essays.  London: Unwin Books.
Ocampo, Ambeth. 1998.  The Centennial Countdown.  Manila: Anvil Publishing     Inc.
Osborne, Peter.  2005.  How To Read Marx.  New York: W.W. Norton.
Palma, Rafael.  1949.  The Pride of the Malay Race.  New York: Prentice-Hall, Inc.
Panganiban, J. Villa and Consuelo Torres-Panganiban.  1954.  Panitikan ng     Pilipinas.  Quezon City: Bede's Publishing House.
Recto, Claro M.  1968. "Rizal the Realist and Bonifacio the Idealist."  In  Rizal:     Contrary Essays. Ed. Petronilo Daroy and Dolores Feria.  Quezon City:     Guro Books.
Reyes, Soledad.  1997.  Pagbasa ng Panitikan at Kulturang Popular.  Quezon City:     Ateneo University Press.
Santos, Jose P. 1935.  Buhay at Mga Sinulat ni Emilio Jacinto.  Manila: Jose P.     Bantug.
Sevilla y Tolentino, Jose. 1922.  Sa Langit ng Bayang Pilipinas: Mga Dakilang     Pilipino.  Maynila: Limbagan nina Sevilla at mga kapatid.  Web.
   
Warner, Marina.  1976.  Alone of All Her Sex.  New York:
Zaide, Gregorio.  1970.  Great Filipinos in History.  Manila: Verde Book Store.
---- and Sonia Zaide.  1984.  Jose Rizal: Life, Works and Writings of a Genius,     Writer,     Scientist and National Hero.  Manila: National Book Store.

-----__________

E. SAN JUAN, Jr.   9/8/2013



NOBELA NI EFREN ABUEG, HUWAG MONG SAKYAN ANG BUHAWI!--Kritika ni E. SAN JUAN, Jr.

$
0
0
               
INTRODUKSIYON SA NOBELA NI EFREN ABUEG, HUWAG MONG SAKYAN ANG BUHAWI

ni E. SAN JUAN, Jr.



           Sa pulutong ng mga kabataang manunulat noong dekada 60 hanggang sa huling dako ng dantaong nakalipas, si Efren Abueg ay namumukod sa kanyang mapanghamong sosyo-realistikong sining. Mapanuri at progresibo, ang mga akda niya ay nagsilbing sandata sa kolektibong pagpupunyaging matamo ng sambayanan ang pagkakapantay-pantay, katarungan, dignidad ng bawat tao, at tunay na kasarinlan ng Pilipinas.
    Isang halimbawa ng mapagpalayang sining ni Abueg ang nobelang ito na lumabas sa Liwayway noong 1985-86. Bantog na si Abueg simula nang gantimpalaan ang kanyang nobelang Dilim sa Umaga (1967) at kuwentong "Kamatayan ni Tiyo Samuel" (1967). Nailimbag kamakailan ang Mga Kaluluwa sa Kumunoy (2004) na kabahagi ng isang epikong panorama na- nag-umpisa sa Apoy sa Kanilang Dibdib at bumagtas sa Mga Haliging Inaanay--mapanghawang proyekto ng pinakamakabuluhang mangangatha sa atin ngayon.
    Patuloy pa rin sa bagong milenyo ang pagsisikap ni Abueg na maimulat ang bayan (pahatid niya sa isang e-meyl sa akin) sa "mga kontradiksiyong nangyayari sa ating lipunan na nagreresulta sa hindi na matapos-tapos na pagsasamantala sa 'maliliit' nating mga kababayan na siya namang tunay na lumilikha ng yamang materyal at iba pang uri ng yaman sa ating bansa."
         Sapagkat nailahad ko na sa isang sanaysay sa rebyung Malay 23.2 (Abril 2011) ang unang pagtaya ko sa panitik ni Abueg, itutuon ang interbensiyong ito sa raison d'etre ng kasalukuyang katha. Tulad ng naunang obra, masugid na hinimay dito ang mga kontradiksiyong sosyopolitikal na pumipigil/tumutulak sa kaunlaran ng bansa. Kamalayang historiko-materyalismo ang patnubay dito. Sumupling ang diwang ito sa krisis ng imperyalismo noong paninibasib ng Estados Unidos sa Indo-Tsina (dekada 60-70) at, lalong angkop, sa krisis ng "Cold War" sa ating bansa sa pagpataw ng "martial law" ni Ferdinand Marcos noong Setyembre 1972. Nakaukit ito sa sub-text ng nobelang ito na, sa dagling balik-tanaw, ay maituturing na propetikong harayang nagbadya sa pagbagsak ng diktadurya sa "People Power Revolution" ng Pebrero 1986.


Pagdulog sa Konseptuwalisasyon ng Sining

    Pumagitna muna tayo sa larangan ng kasaysayang pang-estetika o agham ng panlasa bago dukalin ang temang etikal-politikal ng nobela. Pakay ng sining ang sumalamin sa realidad at hulihin ang katotohanang nakakubli sa penomenang nadarama. Magkatambal dito ang mimesis at alegorya, representasyon at dikonstruksiyon. Masalimuot ang imbestigasyon at pagbunyag sa katunayan. Isang uliraning layunin ng panitik ni Abueg ang paglalarawan ng realidad sa pamamagitan ng analisis at paglilitis sa mga kontra--diksiyong gumagabay sa pagsulong ng lipunan. Sa kaalamang naipalaganap, inaasahang mapupukaw ang lahat upang tumulong sa paglutas ng mga pinakamaselang problema: ang pagtigil sa pagsasamantala ng mga anak-pawis, ang liping manggagawa na siyang bukal ng kayamanan ng mundo. Pagtalos sa katotohanan at papuri sa birtud ng masang lumilikha't yumayari ang adhikaing imperatibong kategorikal. Saan nagmula ang mithiing ito?
    Harapin muna natin ang matinik na isyu ng realismo dahil napapagkamalang naturalismong imitasyon ang namamalas. Nais kong idiin dito na hindi mekanikal na paggagad ng kapaligiran ang metodo ni Abueg kundi dramatikong simbolisasyon ng lohikang nakasilid sa galaw, kilos, salita, damdamin at iba pang katangian ng mga protagonista. Ang dalawang motibasyong kaugnay nito--pagtistis sa kongkretong sitwasyon sa buhay at paghikayat isakatuparan ang hinihinging pangangailangan--ay siyang saligan ng tradisyong kritikal-realismo sa ating kultura.
    Pinasinayaan ng Noli at Fili ni Rizal, yumabong ito sa unang dekada ng pananakop ng imperyalismong Amerikano--saksi ang Pinaglahuan ni Faustino Aguilar, Banaag at Sikat ni Lope K. Santos, Madaling Araw ni Inigo Ed. Regalado--at nahinog sa Mga Ibong Mandaragit ni Amado V. Hernandez, Maganda pa ang Daigdig ni Lazaro Francisco, at Apoy sa Madaling Araw nina Dominador Mirasol at Rogelio Ordonez. Nilagom ni Rizal ang mga aral ng Kaliwanagan (Enlightenment) sa Europa na sumukdol sa himagsikan sa Pransiya. Pambalanang babasahin ng salinlahi ng mga Propagandista (tinaguriang ilustrado) hanggang kina Bonifacio, Jacinto, Mabini at Isabelo de los Reyes ang mga sinulat nina Rousseau, Voltaire, Diderot, at mga nobelang Le Juif errante ni Eugene Sue, Les Miserables ni Victor Hugo, Conde de Monte Cristo ni Dumas, at mga diskurso ng sosyalista-anarkistang kilusan sa bukana ng siglong 1900. Mula doon hinango ng mga nabanggit na awtor ang tema't estilo ng kanilang nobela.    
    Samakatwid, ang minanang tradisyon ng mga sinaunang nobelista ay hindi kwentong-bayan, pasyon, korido, alamat, at labi ng ebanghelyong propaganda, bagaman may talab pa rin ang mga ito. At hindi rin ang Gotikong romansa nina Washington Irving, Poe at Longfellow na ikinalat ng mga Thomasites. Ang masaganang bukal ay walang iba kundi ang mapanuring realismong global mula sa rebelyon noong 1848, sa 1871 Komuna sa Paris at mga pag-aalsang anti-kapitalistang humantong sa rebolusyong Bolshevik. Sinala, binistay at binusilak ang mga hiniram na ideya't hinagap, retorika't hulagway, sa katutubong alembiko ng imahinasyon nina Rizal, Santos, Hernandez, Abueg, atbp. Nagtaglay ng katanging Pilipino ang kabihasnang natutunan.

Praktika/Teorya ng Simbolikong Kapital

    Ito ang konteksto ng modernistang panulat na nailunsad ni Abueg at mga kapanahon sa huling kwarto ng 1900. Partikular sa sitwasyon ng mga manunulat sa bernakular mula pa noong Batas Anti-Sedisyon (1901) ang panggigipit at paglalayo nila sa kapangyarihang pampulitika, laluna ang paghihiwalay sa panggitnang saray o sa mga petiburgesyang nakaluklok sa burokrasya, militar, kalakalan, at publikong institusyon na sanay sa wikang Ingles. Sa namayaning hegemonya ng wikang Ingles, ang manunulat sa bernakular ay ipinalagay na mababa ang kalidad at nakapokus lamang ang talino sa pansandaling aliwan ng madlang walang pinag-aralan, isang prehuwisyong matagal nang pinabulaanan.
     Sa kabilang banda, nanatiling malapit sila sa uring manggagawa't pesante, bagamat sila'y edukado, nakikisalamuha taglay ang asal-propesyonal at pagkabihasa sa kalakarang internasyonal. Ito ang galing ng wikang sinuso. Sa paggamit ng wikang katutubong mahigpit na kasanib sa wani, saloobin at pangitain-sa-mundo ng karaniwang mamamayan, hindi lamang nanatiling popular bagkus laging mapagmalasakit at nakaagapay dahil nakaugat sa karanasan, oryentasyon at sensibilidad ng masa. Testigo dito, halimbawa, ang militanteng huwaran ni Benigno Ramos, lider ng Sakdalista; at mga akdang radikal ni Amado Hernandez, unyonista at peryodista sa paglago ng Congress of Labor Organizations at pagsiklab ng rebelyong Huk sapul ng dekada 1945-60.  Sa pakiwari ko, laging pasugod bagamat supil ang sumasangkapan sa wikang katutubo sa pagpapahayag ng damdamin at kaisipan ng komunidad, laluna kung ito'y bumbatikos at tumutuligsa sa katiwalian ng ordeng umiiral. Sa ibang pagkakataon na natin uriratin ang komplikadong implikasyon ng mga proposisyong nailahad dito.

Pagtalunton sa Landas ng Nobela

    Ang nobela bilang uri o genre ng panitikan ay gumitaw sa Europa noong pagkalaos ng piyudalismong ugali at institusyon. Iniulat ni Ian Watt sa The Rise of the Novel, tubo sa indibidwalismong kabihasnan ng burgesya at publikong espasyo ang mga akda nina Richardson, Defoe at Fielding sa Inglatera. Bago pa rito, ang modelong ispesimen ng pikarong talambuhay, ang Don Quixote ni Miguel Cervantes, ay sintomas ng lumulubhang alyenasyon ng indibidwal sa milyu ng eksplotasyon ng lakas-paggawa ng nakararami, kasabay ng pagbulusok ng paniniwala sa mga ispiritu, kulam, himala't diyos. Masisinag sa yugtong ito ang paghina't tuluyang pagkasira ng pagbubuklod ng mga tao sa isang komunidad, isang organikong kapamuhayan. Sa kanyang Theory of the Novel, sinipat ni Georg Lukacs ang daigdig ng modernong naratibo na larangan ng matinding desengkanto, pagkabigo, tahasang pagkawala ng kahulugan sa buhay. Sa madaling sabi, ang nobela ay siyang natatanging diskurso ng mundong walang direksiyon, katuturan o kahihinatnan--ang kapitalista/burgesyang sistema na umiiral pa hanggang ngayon, kaakibat ang masahol na kabulukan at kabuktutan ng mga panginoong may-ari .
    Bumaling tayo ngayon sa isang partikular na kaibahang di pa natuturol. Hiwalay sa pinagbuhatan ng nobelang kanluranin ang mga ulirang akdang nabanggit sapagkat hindi tayo nagsasariling bansa noon (tulad ng Inglatera o Pransiya) kundi isang bayang sinakop, isang kolonya.  Nakapailalim ang Pilipinas sa makapangyarihang poder ng Estados Unidos. Binuwag ang rebolusyonaryong hukbo ng Republika, pinanatili ang piyudalismong ugnayan sa lupa, sinugpo ang demokratikong hangarin ng mayorya. Lumilitaw na ang basehan ng nobelang katutubo ay dili iba kundi ang matinding pagkasikil at pag-alipusta sa komunidad, hindi pagkawala ng kahulugan sa buhay (ayon kay Lukacs). Samakatwid, ang genesis ng nobelang bernakular ay sitwasyon ng pansamantalang paghupa ng rebolusyonaryong silakbo, istratehikong paglubog sa "underground," at paghuhunos sa iba't ibang mapanlinlang na anyo. Susog ko na ito ang "political unconscious," ang paradigmang angklahan ng literaturang Filipino.
    Sa perspektibang ito, maipalalagay na ang akdang ito ay prologo sa isang teorya ng pagbabago't praktika ng pagtutuos. Masisinag dito ang pinaksang pagpapatuloy sa paghahanap ng nilambungang komunidad, ng makatuturang ugnayan ng babae't lalaki, ng magulang at anak; sa pangkalahatan, ang pagsisiyasat sa anumang kahulugang nadukot o napikot (tulad ni Rina) sa dahas ng imperyalismo at mga kakutsabang oligarkong may kontrol sa praktika't institusyon ng buong lipunan. Binubuhay muli ni Abueg ang naburol na biyaya ng tradisyong subersibo't mapagpalaya sa pakikipagsapalaran ng kanyang tauhan sa isang takdang yugto ng kasaysayan ng bansa, sa panahon ng diktaduryang Marcos. Subaybayan natin ang pagsubok na ito.

Kritika ng Sikolohiyang Pananaw

    Ang mga ideyang natukoy ay hindi kakatwa o banyaga sa ating mga kritiko at manunulat. Sangguniin na lamang ang antolohiyang Kilates (2006) ni Rosario Torres-Yu o Kritisismo (1992) ni Soledad Reyes. Karagdagang ebidensiya rito ang mga kuro-kuro ng mga nobelista, matanda at bata, sa kalipunang Sampaksaan ng mga Nobelistang Tagalog (1974). Sa importanteng panayam ni Abueg dito, "Ang Sosyalismo sa Nobelang Tagalog," masinop niyang sinuri't tinimbang ang mga nobela nina Lope K Santos, Faustino Aguilar, Lazaro Francisco, Amado Hernandez, atbp. Puna ni Abueg na kapansin-pansin sa mga kabataang nobelista ang "pagkakaroon ng indibiduwal na kaisipan ng mga tauhan...ang paglikha ng mga tauhan sa kanilang sarili bilang mga bayani...Maaring ang ekspresyon ng idealismo ng kabataan ay lubhang maka-diyoses, na sa pagpapaligsahan ay ibinabadya sa madla ang sari-sariling katangian."
    Mapagpasiya ang obserbasyong iyon sa paghabi ng masaklaw na interpretasyon ng nobela. Malinaw na naipahiwatig ni Abueg ang masidhing usaping sumasalalay sa tinangkang pagsalikop ng mga buhay nina Mig, Rina, Clarita, atbp: indibidwalismo versus sakrispiyo ng sarili sa kapakanan ng masa. Sa ibang kataga: egotismo o solidaridad. Sa dagling paglagom, ang hidwaan ng dalawang panig ng pangitaing panlipunan sa nobela ay maisisisik sa argumentong tanong: pansariling kabutihan o katarungang panlipunan--magkasalungat  ba ito, kaya dapat pumili ang taong may konsiyensiya't pananagutan sa panahon ng ligalig?
    Sa pambungad na kabanata pa lamang, naiguhit na ang di matatakasang daloy ng buhawing tadhana. Nausal ni Mig, ang pangunahing karakter, na "walang malasakit sa sarili" si Bayani Maglalang, ang matalik niyang kaibigan. Sa pagkamatay ni Bayani sa isang aklasan--pagkasawing nagbigay ng "malalim na kahulugan" sa buhay ni Mig, nangibabaw na ang pagtugis sa hustisya, "ang liwanag ng katarungan." Samantala, payo ni Mig kay Clarita na mag-isip at mag-aral upang mapangalagaan ang sarili sa hinaharap. Naging masigasig na kasapi si Mig sa HURLS, pangkat ng mga abogadong "pragmatiko," hindi ideyalista. Naakit siya kay Rina, mamamahayag at nakakubling ahente ng militar, dahil mulat at independiyenteng babae, na kusang humandog ng tulong.
    Lubhang nagayuma ni Rina si Mig; hindi niya nagunita ang payo sa kanya ng kanyang ina: "Mapanganib ang panahon...Hindi mo ngayon alam, kung sino ang kaibigan at kaaway." Isaisip din ang babalang payo ng kanyang ama: "Huwag mong sakyan ang buhawi, anak." Isinaisantabi iyon.  Walang ingat si Mig sa pagbuno sa doble-karang maniobra ng diktadurya. Bukod dito, bagamat matiyaga sa pagsunod sa burokrasyang panuntunan ng hukuman, labis ang paniwala ni Mig na madaling makatatawid sa krisis at makakamit ang inaasahang pagbabago--malalang kahinaan na bumulag sa kanyang ulirat at bumunsod sa di-maiiwasang kaganapan. Ito ba ang lansi, daya o lalang ng kasaysayan?
    Matingkad na nailarawan ni Abueg ang sapin-saping kontradiksiyong bumalot sa pakikipagkapwa ng mga tauhan. Ang tagisan ng sariling interes laban sa lakas-komunidad ay dumaan sa maraming antas sa diyalogong alitan nina Mig at Rina. Tumining ito sa sagutan nila: halimbawa, sa tuya ni Rina na "Napakain ba kayo ng bayan o masa?" tugon ni Mig na "imposibleng sumulong ang isang indibidwal kung hindi natin isusulong ang pagkakaroon ng tunay na kalayaan" at itakwil ang mga dayuhan at naghaharing uri na nagpapasiya sa kapalaran ng nakararami. Matatag ang paninindigan ni Mig: kalayaan/kasarinlan ay kailangan bago makamit ang pagsulong, pag-unlad, at kaginhawaan ng bawat isa. Upang makuha ang kalayaan, sakripisyo--nina Bayani, Pastor at di mabilang na aktibistang pinaslang, at kung sakali, ni Mig--ang kailangan. Maisingit natin: walang bang pangatlong alternatibo, o mediyasyon sa diyalektikang bumabalisa sa kamalayan ng ating bayani?
    Umabot na tayo sa pagpihit ng tadhana (peripeteia) nang lumipat si Mig mula sa bahay ni Clarita sa isang safehouse at mahuli si Rupert Briones, ang puno ng HURLS. Bago arestuhin si Mig ng mga ahente ng diktadurya at makulong sa bartolina, naisip niya na siya'y inakay lamang ng mga pangyayari, at wala siyang pagpapasiya sa takbo ng kapalaran. Pagmumuni-muni niya: "Wala siyang hinanakit sa mundo,  Bakit siya nasa gitna ng pagtutol at bingit ng paghihimagsik?" Bagamat matigas ang loob niya sa pagtalikod sa dulog ng dating kasintahang si Flora, narahuyo siya kay Rina batay sa paniniwalang nasa panig niya ang babaeng nakikipagtatalik. Wala siyang kutob o hinala, bubulaga na lamang ang katotohanan pagkatapos ng "ritwal ng pagbubunyi ng kaluwalhatian."  Matutuklasan na ang maapoy na galak ng katawan ay hindi patibay, bagkus patibong, sa tunay na mapanganib na sitwasyong kinasadlakan ni Mig.
    Gayunpaman, inulit ni Mig ang nalalapit na araw ng pagbabago: "Ang kinabukasan natin ay nakasalalay sa pakikipaglabang ito....Walang katapusan ang tunggalian."  Sa antas ng pagkilala (anagnorisis), ang tunggalian ay sumukdol sa pagitan ng prinsipyo (kolektibong disiplina) laban sa pansariling ligaya, sa pagninilay ni Mig. Totoong sakripisyo ang hinihingi ng krisis; gayunpaman, tanong ni Mig sa sarili: "Kasalanan ba ang umibig at mangarap?" Walang pasubaling sakripisyong personal ang tugon ni Mig sa kabila ng makamandag na tatak ng suyuan nila ni Rina. Limitado ang kamalayan ng protagonista, malawak ang patalastas ng banghay ng naratibo, ng tekstura't istruktura ng salaysay: dapat makahulagpos sa partikular na sensibilidad at maintindihan ang buod ng kabuuang sitwasyon, ang dinamikong panloob nito, upang masakyan at mabigyan-direksiyon ang daloy ng kasaysayan. Hindi ito naisakatuparan.

Diyalektika ng Pagkatao't Kalikasan

    Naimungkahi ni Marx sa Theses on Feuerbach na ang pilosopiya/dunong na natuklasan sa isip/budhi ay mapapatunayan lamang sa praktika. Pinabulaanan ng balangkas ng mga pangyayari na si Mig ang siyang matalinong taga-ugit ng kanyang buhay. Sa bangis ng erotikong ritwal ng magkasintahan, taglay sa bugso-bugsong udyok ng laman/damdamin ang ironikal na himatong na ang pagsuko ni Mig sa tadhana ay saksi rin sa kanyang katapangan sa pagkalalaki.   Kataka-taka na nang nabilanggo si Mig, hindi kailanman sumagi sa alaala niya ang matamis at nakalalangong pagtatalik nila ni Rina, o maski ang masalimuot na relasyon nila ni Clarita. Bakit? Walang malakas na hikayat o amuki ang mga tagpong iyon sa kaluluwa niya. Bakit kaya?
    Maitataya na ibinunsod ng kanyang piniling sitwasyon ang kapalaran ni Mig. Katugma ito sa pagkatao niya, palibhasa'y sinanay sa petiburgesyang gawi na humilig sa tradisyonal na institutusyon, maingat na sumunod sa regulasyon, bagamat sa klima ng matinding krisis, pinagpayuan na siyang balintuna't kabaligtaran ang lahat. Hindi ito lubusang natarok, kaya hindi paano man nasiyasat, nakilates at nasakyan ang tuso't sistematikong pagkukunwari ng kalaban. Biktima si Mig ng kanyang makauring sitwasyon, ang kompromiso ng panggitnang saray, na siya ring katwiran o lohika ng kanyang pagkagumon sa mapang-akit na kilos, salita, at pahiwatig ni Rina, ang nakabalatkayong ahente ng diktadurya.
    Lumipat ang lunan ng salaysay mula sa safehouse ng lungsod hanggang sa resthouse sa Bocaue, Bulakan (gunitain na sa Valenzuela, Bulakan, pinaslang si Bayani). Sagisag ito ng pagsungaw ng tendensiyang utopiko-pastoral, nagpapagunita sa Pila, Laguna, tahanan ng kanyang magulang. Pumalaot sa di-hantad na lugar, dala ng punto-de-vista ang hinuha  ng napipintong wakas. Ipinahiwatig na ang resolusyon (denouement) sa pag-inog ng mga tagpong tila eksena sa alegorikong trahedyang kumakatawan sa proseso ng diyalektikang paglulusaw sa mga hidwaang natukoy na.  Alin ang mangingibabaw: prinsipyo ng pakikibaka o kapangyarihan ng Estadong ipagtanggol ang status quo? Pumalit ito sa problemang "Alin ang masusunod: katungkulan o aliw?"

Pagbabalika sa Luwasa't Hulo

    Naitampok muli ang paksa ng katwiran ng nobela, ang rason ng literatura bilang malikot na repleksiyon ng indibidwal sa loob/labas ng komunidad. Nakulong ang mga suliraning nahukay at naisatinig sa kamalayan ng mga aktor sa sosyedad sibil (hindi pa makataong kaayusan). Ang mga taong gumaganap ay kapwa marupok ang ugnayan sa pamilya o kamag-anak, madalas nangungulila o tiwalag sa mga kaibigan at kasama. Kaya ang antinomya ay walang pagkalas kundi sa pagkawala ng ilusyon ni Mig at ang sakripisyo ng protagonistang sumabog sa liwanag ng katotohanan.
    Kung tutuusin, matagumpay na naipagtanggol ni Mig ang kanyang katapatan at responsibilidad sa kilusan--tila nakaligtas siya sa tukso ng magayumang Sirena. Ngunit nagwagi naman ang diktadurya, ang dahas ng katiwalian, sa okasyong ito. Ang mabigat ngunit ironikal na deklarasyon ni Mig, sa halip na magdulot ng matinong tugon sa dilema ng inbidwalismo, ay pruweba sa kalabuan at kalituan ng karakter bunga ng takdang posisyon nito sa lipunan: "Nakaigpaw na ako sa pagiging ordinaryong Mig, na umiibig sa 'yo.  Ako'y si Mig na ari-arian na ng bayan, at hindi ng sinomang indibidwal." Naging fetish ang "bayan," kapalit ng mga idolo. Maaaninag na pagtakas ito sa sindak ng parikalang sumbat niya sa kasuyo: "Sino ka, Rina?"
    Natalakay na natin ang teorya ng nobela sa pangkalahatan at sa partikular napulsuhan na ang delikadong katayuan ng manunulat. Nakatutok ito sa problema ng indibidwalismo at alyenasyon sa kapitalistang orden. Sa milyu ng neokolonyang Pilipinas, ang palasintahang tradisyon ay buhay pa rin sa mga ilusyon ng kalalakihan at kababaihan sa isa't isa, at sa patriarkal na ugnayan sa pamilya. Ang kontradiksiyon ng prinsipyo at pag-ibig, isang temang palasak sa mga romantikong diskurso't sining, ay ugat ng pagkaalangan na gumulo sa buhay ni Mig, na sandaling nalutas sa kombensyonal na paraan sa pakikipag-unawaan, at permanenteng nalunasan sa pagtanggap ng salvaging. Sa kabilang banda, huwag kalimutan na nakapamundok na si Rupert Briones, ligtas sa galamay ng Estado, at nagliliyab na rin ang kanayunan ng Mindanao sa tulong ng mga gerilyang Moro na kalahok na rin sa ligal na pakikibakang itinanghal dito--mga palatandaan ng pangakong bindikasyon ng mga bayaning nagbuwis ng buhay sa ngalan ng kalayaan, pambansang demokrasya, at kasarinlan. Walang pasubaling mananaig ang katotohanan at katarungan paghupa ng buhawi.
    Halinhinang maigting at matimpi ang pagsasalaysay ni Abueg. Hitik sa kapanapanabik na pangyayari ang naratibo, sumasagitsit sa mga tagpo ng pagtatalik at nakababagabag sa pag-ulat ng karanasan ni Mig sa impyerno ng bilangguang dahop sa catharsis. Malalim at matalas ang paraan ng paglalarawan ng physiognomia ng mga tauhan. Nakaaantig din ang relasyon ni Mig kina Pastor at Deng, ugnayang siyang mataimtim na testigo ng solidaridad ng mga nakikibaka (isang magandang halimbawa nito sa Dilim sa Umaga ang pagdamay nina Antero Magdalo at Ligaya sa sawing pamilya ni Meliton; kabanata XII). Hindi tuwirang nagluwal ang sitwasyon ni Mig ng ganitong mga insidenteng saksi sa kolektibong pagsusumikap, pagtangkilik, pagkalinga't pagtutulungan (tingnan ang komentaryo ni Raymond Williams hinggil sa "tragedy and revolution" sa Marxist Literary Theory, 1996).
    Paglimiin ang lohika ng komprontasyong iginuhit sa huli. Ang pagpili ng tadhanang ito (iwinangki sa montage ng pelikula), sa pagtatasa ko, ay huwad na pagtalilis sa indibidwalismong tinalikdan ni Mig sapagkat (una) hindi katugma ng kanyang pagnanais masagip ang buhay ng kanyang mga kasamahan habang maingat na kumikilos; (pangalawa), ang galit niya sa babaeng kaipala'y iniibig niya ay personal na paghihiganti, hibong mapusok ng makasariling determinasyon; at (pangatlo), iyon ay kalabisang pagmamalaki sa katumpakan ng posisyong moral/etikal ng kilusan, sintomas ng karupukan ng paninindigan, na may bahid ng relihiyosong pagdulog sa isang kapangyarihang supernatural na tiwalag sa lunggating sekular ng organisasyong nagtatanggol ng karapatang pantaong garantisado ng Konstitusyon at U.N. Charter.
    Mahusay na naipakita ni Abueg sa nobela ang mga madugong kontradiksiyon ng ating lipunan. Karamihan ay bunga ng tunggalian ng mga uri, ng mga nilulupig at nambubusabos, ng oligarko't imperyalismo laban sa nakararaming mamamayan. Nakabilad ito sa alegorikong pagpapadama ng nagsasalpukang simbuyo sa sitwasyon ni Mig at sa balighong pangangatwiran ni Rina tungkol sa kanyang kalagayan. Bagamat realistiko ang teknik (sa detalyadong paglalarawan ng pagkain, katawan, bartolina, atbp.), malusog ang diyagramatikong pagsasaayos ng nagtatagisang panig (kahawig sa kuwentong "Kamatayan ni Tiyo Samuel"), mga puwersang mahirap ipagsanib, bagay na siyang nais igiit ng istruktura ng nobela. Nakatambad din ang mga lamat, biyak at kakulangan ng ideolohiyang siyang susi sa paghabi ng teksto, ideolohiyang produkto mismo ng mga nagtatagisang sektor sa kapamuhayang pambansa, sa pagitan ng mga grupong yumayari at nagsasamantalang may-ari/Estadong neokolonyal (naipaliwanag ito nina Etienne Balibar at Pierre Macherey sa "On Literature as an Ideological Form").    
    Samakatwid, sintomas ng malubhang sakit at suliranin ng nahahating lipunan ang matalinghaga ngunit kapus at sapilitang pagkalag ng mga buhol ng kontradiksiyon ng ilusyon at katotohanan sa nobela. Isang halimbawa ang suyuan nina Rina at Mig, magkasiping habang magkaaway ang kanilang isip, budhi at paniniwala. Ang panukalang rekonsilyasyong naikintal sa mga huling pahina ay isang mapanghamong palaisipan, isang maalingawgaw na paanyaya sa lahat na halukayin, bulatlatin, pag-aralan, walang hintong saliksikin at suriin ang problema ng kontradiksiyon sa bawat karanasan, dalumat, at sitwasyon sa ating buhay sa araw-araw sa gitna ng nagbabago't bumabagong kasaysayan ng ating bansa.


                                --E. SAN JUAN, Jr.
                                   Storrs, CT, USA
                                   Oktubre 2013
                                 

   

LAMUYOT NG LIBOG -Tulang Konseptuwal ni E. San Juan, Jr.

$
0
0
LAMUYOT  NG  LIBOG -





Tulang Konseptuwal ni E. San Juan, Jr.

TULA--Depinisyon, halimbawa--ni E. San Juan

$
0
0

TULA




ABA

                                ALIMURA

                                                                                          ANAS

                                                           ALINGAWngaw
Ay      ay       ay





      L I 
              K A 
                        B O K

MASAKER SA MENDIOLA--tula ni E. San Juan, Jr.

$
0
0
MENDIOLA MASAKER:  Labintatlong Katawang Bumabangon

--ni E. SAN JUAN, Jr.



LEOPOLDO  ALONZO

[22 Enero 1987: demonstrasyon ng mahigit 20,000 pesante't manggagawa
    sa harap ng  Malakanyang]

Ang kaisipan ay tandisang pagtutol sa kung anong katalahagan ang nakatambad sa harap natin...

Lupang makulimlim      di maabot-tanaw
ADELFA  ARIBE

[13 ang napatay,  105 ang nasugatan, nang paputukan sila ng pulis at militar ng rehimeng Cory Aquino]

Ang malalim na pagkabatid ay sumisibol sa pagpapakilala na ang mga nangyayari o mga  nadarama ay tumataliwas sa mga ideang ipinapataw ng rason o katuwiran.

Unti-unting nagkakahugis        labintatlong aninong naglalagalag

DANILO  ARJONA

[Wala kahit isa sa mga pumatay ang inaresto't ipiniit, o nilitis sa hukuman]

Magsimula tayo sa pagsalungat sa mga nangyayari, sa katalagahan.

Saksi sa pinaslang ay walumpung mamamayang sugatan

  DIONISIO  BAUTISTA

[Nobyembre 16, 2004: pitong mangagawang umaklas ang binaril ng militar at pulis sa isang piket sa Hacienda Luisita.  Utos iyon ng dating pangulong Gloria Arroyo, kasabwat ng angkang Cojuangco-Aquino]

Ang mga pangyayari sa ating karanasan ay mga baytang lamang ng isang
proseso o kalakaran na nagtatambal ng diwa at bagay, kamalayan at realidad

  ROBERTO  CAYLAO

[Oktubre 27, 2005: Nagpulong ang mga upisyal ng Central Azucarera de Tarlac Labor Union sa Barangay Mapalacsiao. Pinag-usapan kung ano ang gagawin pagkatapas paslangin ang kanilang presidente, si Ricardo Ramos, 47 anos.]

Ano ang kamalayang lumilikha ng nadaramang daigdig?

Humihirit ang punglo    sumisingasing ang hininga ng kaluluwang nalugmok

 VICENTE  CAMPOMANES

[22 Enero 1987--araw ng kasuklam-suklam na krimen....]

Sa idealistang pananaw, tawag sa kamalayan  ay Kaisipan, Rason, Espiritu--mga katawagang tumutukoy sa diwa ng tao sa  iba't ibang anyo ng pakikipag-ugnayan sa buhay.

Katawan nina Ricardo Ramos at mga kasamang bumabagtas sa dagat ng mga kontinente ng Aprika, Asya, Norte at Timog Amerika...
.       
RONILO  DUMANICO

[22 Enero  1987: araw ng kahapon, ngayon at lumipas...]

Ang kaunlaran ngayon ay nasusukat sa bilang.  Nahahadlangan ang  pagsulong mula sa kabilangan (kantidad) tungo sa kaurian (kalidad)---tungo sa paglitaw  ng mga bagong uri ng kabuhayan at bayong ayos ng katwiran at kalayaan.

Sigwa't kidlat ng diwang napiit, ngayo'y nakaigpaw

 DANTE  EVANGELIO

[22 Enero 1987    Sumpa o dasal?]

 Sa kabuuan ng pag-uugnay ng diwa at kapaligiran, ng kamalayan at pangyayari, matatanto ang katotohanan.

Butil-butil na pawis at luhang dumadaloy
    ang bumubuhos na "demokratikong tsunaming" tinukoy ni Ka Crispin Beltran nang ipabilanggo siya ng "reyna ng kadiliman"

 ANGELITO  GUTIERREZ

[22 Enero  1987      Dasal o sumpa?]

Ang lahat ng bagay ay nagkakatawan sa taong nagsisikap maunawaan ito at ng taong gumagawa.

Payo mo'y mas mabuting magsindi ng kandila sa halip na isumpa
                        ang nakapanghihilakbot na dilim--
Itanong natin sa naksubsob na bangkay sa sinusong lupa

 RODRIGO  GRAMPAN

[22 Enero  1987       Dasal at sumpa kapwa?]

Ang lahat ng bagay ay siyang nagsasalin ng nakalipas sa panig ng kasalukuyan.

Mungkahi mo'y magparaya, patawarin ang nagbubulag-bulagan '
                           o nabubulagan--mga sundalong sinuhulan o binayaran--
Itanong natin kina Alice Omengan Claver  at Rafael Markus Bangit--
                Sinikap nilang ilawan ang landas ng mga naliligaw....


BERNABE  LAQUINDANUM

[22 Enero  1987    Sumpa muna bago dasal?]

Samakatwid, lahat ng bagay ay nag-aari ng kamalayan sa buong balangkas at kalamnan nito.

Panukala mong humagilap ng batong kiskisan upang
                makalikha ng titis na siyang magpapaliyab sa parang...

SONNY  BOY  PEREZ

[22 Enero  1987   Kailan pa ang pananagutan?  ang hustisya?]

Hanggang ngayon, walang pang tunay na paghahati ng lupaing binuwisan ng dugo ng mga magsasaka sa Hacienda....

Mula ngayon, ang lahat ng kaisipang hindi saksi sa kamalayan ng radikal na kabalintunaan ng lahat ng umiiral na porma ng buhay ay isang kaisipang sahol at mapanlinlang.  Sa harap ng mga kontradiksiyon, tumututol ang kaisipan sa ngalan ng katotohanan.

Itanong natin sa mga nasawi kung anong titis  anong kislap
    ang inagaw sa paghagilap ng katarungan
                    apoy sa lambong ng bayang biyaya'y  lagim


ROBERTO  YUMUL

[22 Enero  1987  Kailan pa?]

Negasyon o pagtutol ay siyang pinakasaligang kategorya ng diyalektika.

Sinong ipagdarasal sa tanglaw ng kandilang naupos ang mitsa?

Mungkahi ni Ricardo Ramos na mas mabuting isumpa ang mga kriminal
            sa halip na magsindi ng ilandaang kandila sa harap ng altar

Payo ni Eden Marcellana na mas mabuting isumpa
    ang kabuktutang naghahari
                 at ipukol ang batong kiskisan sa mga salarin
    upang mahuli ang nakasisilaw na ngiti nina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan,
             titis na inihagis sa pangil ng kadiliman--

Oo, mabuting magsindi ng kandila at isumpa ang kadiliman

Sa gayo'y maaaninaw natin ang galit sa sumabog na matang nakamulagat
    ng mga nasawi sa Mendiola--apoy na tutupok sa isinumpang kabuktutan.

Abot-tanaw na
            tumatagos sa karimlan ang hirit-ganti

Unti-unting abot-tanaw na natin
                            ng liwanag ng sumabog na utak
    at dugong dumanak sa larangan ng digmaan
           
        sa Mendiola,  sa bawat ika-22 ng mga Enerong walang salang darating....

MAPAGPALAYANG PANITIKAN ni E. San Juan, Jr.

$
0
0
 MAKABAYANG PANULAT  ( Lektura sa Polytechnic University of the Philippines 2/22/2014)

-ni E San Juan,Jr.



Makasaysayang pagkakataon ito upang pag-isipan natin ang halaga ng makabayang panulat sa panahon ng globalisasyon, panahon din ng malubha't lumalalang krisis ng imperyalismong sumasakop sa buong planeta.

Panahon din ito ng paglantad sa "total surveillance" at "drone warfare" na isinasagawa ng US habang patuloy na pinatitingkad ang giyera laban sa "terorismo"--ibig sabihin, ang interbensyong paglusob at paglupig sa mga bayan at grupong kontra sa imperyalismo ng mga higanteng korporasyong nakabase sa US, Europa, Hapon--ang Global North at mga kaalyado nito.

Sa okasyong ito, ilang tesis lamang ang ilalahad ko upang ganap na talakayin natin sa Open Forum, sa pagpapalitang-kuro.

1.  Bagamat kunwaring may kasarinlang republika buhat pa noong 1946, ang Pilipinas, sa katunayan, ay isang neokolonya ng US. Lantad ito sa pagdepende ng oligarkong gobyerno sa poder militar ng US, at sa mapagpasiyang kapangyarihan nito sa WB /IMF, WTO, G-7, UN, at konsortiya ng mga bangko't nagpapautang na mga ahensiya.

2.  Sa pandaigdigang situwasyong ito, nakalukob tayo sa panahon ng malubhang krisis ng kapitalismong pampinansiyal. Ebidensiya ang pagbagsak ng Wall Street, pangalawa sa nakaraang siglo, noong 2008. Mas maselan ito kaysa noong 1929. Napipinto pa raw ang isang mas mapanira't katastropikong pagbulusok sa hinaharap.

3. Bagamat ibang porma't paraan ang akumulasyon ng kapital, ng tubo, dahil sa makabagong teknolohiya ng komunikasyon at transportasyon, sa tulong ng kompyuter at Internet, at konsumerismong namamalas na pangunahing aktibidad sa lipunan---laluna sa mga siyudad sa atin na siksikan na ang malls, trapik, gusaling "call centers," atbp--nakasentro pa rin ang sistemang global sa pagkamal ng nagmamay-ari sa surplus-value na nagmumula sa di-binayarang trabaho ng karamihan. Kasama na ang "service workers," OFW--mahit 12 milyong Pilipino sa Saudi, Hong Kong, at saanmang lupalop. Sa kanilang remitans nakasandig ang ekonomya ng bansa.

Sa ibang salita, ang tubo o kapital ng uring kumukontrol sa malalaking gamit/paraan ng produksiyon, ay hinuhugot pa rin sa lakas-paggawa ng mayorya, ang mga anakpawis, magbubukid, at mga propesyonal na bumubuo sa panggitnang saray, ang petiburgesya.

4.  Ang pinakaimportanteng katangian ng kapitalismo, ayon kay Marx, na siyang birtud na nagtutulak sa tinaguriang "modernization" at "development," at humuhubog ng kultura, lifestyle, at araw-araw na pamumuhay at ito: walang tigil na transpormasyon ng modo ng produksiyon, walang patid na pagbabago ng kagamitan at proseso ng produksiyon ng lahat ng bagay, at reproduksiyon ng relasyong panlipunan/ugnayan ng mga tao.  Ang rebolusyong ito ng "mode of production" na kailangan sa kompitensiya ng iba't ibang paksyon o grupo ng burgesya,  ang saligan ng modernidad sa estilo ng buhay, ng kultura. Sintomas ng pagbabago ay masisilip at makakapa sa dalumat ng ideolohiya.

5.  Ang panitikan ay isang porma ng ideolohiya, tulad ng relihiyon, politika, palaruan/palakasan, mass midya, atbp. Ang namamayaning ideolohiya saanmang lipunan ay instrumento ng naghaharing uri, sa atin ang oligarko, pyudal na maylupa, komprador-burokrata, na kumokontrol sa Estado, hukuman, at sandatahang puwersa nito.

Gayunpaman, sa panitikan bilang ideolohiyang tanghalan o teatro naisisiwalat ang tunggalian ng mga uri, ang iba't ibang hugis, anyo, at proseso ng mga kontradiksiyon sa lipunan. Ang dating at bisa ng literatura ay nakasalig sa malikhaing paghawak at paggamit sa wika.
Sa tawag nito ginagawang sabjek ang indibidwal na nagtataglay ng kamalayang magpasiya't kumilos. Nagkakamalay tayo sa loob ng teksto/diskurso, tumatalab ito sa ating interpretasyon at pagtatasa.

6. Sapagkat sa ordinaryong karanasan, ang tunay na pagtatagisan ng mga uri at sektor sa lipunan ay nakatago o natatabingan ng petisismo sa komoditi--ang buong mundo ng salapi, negosyo, pagpapalitan ng binili-ipinagbili--sampu ng mistipikasyon ng realidad dulot ng relihiyon, pyudal na gawi't paniniwala (demokrasya raw tayo)--katungkulan ng mapagpalayang awtor ang wasakin ang tabing na nagtatago sa katotohanan: ang paghahati ng lipunan sa ilang mayamang nagsasamantala, at karamihang aping binubusabos. Pagwasak ng mga ilusyon at kababalaghang pumapalamuti sa mandaraya't  mapanlinlang na burgesyang orden.

7. Paglimiin ang adhikain ng makabayang awtor: sikapin niyang ibunyag ang katotohanan ng neokolonya, ang patuloy na pagsunod ng oligarkong namumuno sa utos ng US at pagpapailalalim ng kapakanan ng taumbayan sa interes ng korporasyong global.

8.  Ang wika ng panitikan ay madugong larangan din ng paglalaban ng mga uri, ng burgesyang gamit ang Ingles bilang sandatang ideolohikal sa pagsuhay sa buong istruktura ng palsipikadong soberanya at walang hustisyang demokrasya.

Araw-araw, sa TV, Internet, pelikula, at iba pang midya, ang wikang ginagamit--na nakakabit sa mga imahen, dramatikong eksena, performance art, awit, at komplikadong salik ng pelikula, ang wika ang makapangyarihang umuugit ng mensahe na siyang nagtutulak sa ating kumilos, magsalita't gumanap ng isang tiyak na papel sa lipunan, partikular na ang maging konsumer at masunuring mamamayan. Mapang-akit at mapang-gayuma ang nangingibabaw na kakintalan, ang impresyon ng kapaligirin, na nakasaplot sa katotohanan-- kailangang hubarin ang balat-kayo, ang saplot ng pagkukunwari't panlilinlang ng burgesyang ideolohiya.

9.  Ang halimbawa ng AGOS SA DISYERTO ay isang katibayan na ang malikhai't mahusay na artikulasyon ng konsepto sa wikang umaabot sa nakararaming mambabasa--ang wikang sinasalita ng taumbayan--ang siyang mabisang kagamitan sa pagpukaw ng mapanuring kamalayan, ng mapagmalasakit na damdamin, upang makatulong sa edukasyon ng nakararami at mobilisasyon sa mga kolektibong proyektong makapagsusulong at makapagpapabuti sa pulubing kalagayan ng nakararami.

10.  Sa panahon ng globalisasyon, sa mas mabilis at mabilisang pagbabagu-bago ng lahat ng bagay, sa disyerto ng mall at mga "Global City" na itinatayo sa guho ng mga tahanan ng maralitang taga-lunsod at sa bukid na inagaw sa mga magsasaka, kailangan ang mapangahas at subersibong panulat upang tuklasin ang katotohanan at itanghal ito sa panunuri't pagkilatis, pagtimbang at pagpapahalaga, ng taumbayan. 

Mapanghamong tawag ito na hinihingi ng sitwasyon, isang pagkakataon kung saan ang diskurso ng manunulat, kritiko't guro ay makapagsisilbi sa tunay na ugat at bukal ng kanilang imahinasyon, ang simpleng araw-araw na buhay ng masang yumayari ng kayamanan ng lipunan, ang proletaryo't magsasaka ng bayang naghihimagsik.

Mabuhay ang masang lumalaban!--2/22/2014--ESJ###



Viewing all 91 articles
Browse latest View live