Quantcast
Channel: HIMAGSIK KAYUMANGGI
Viewing all 91 articles
Browse latest View live

ANDRES BONIFACIO: Katwiran, Kalayaan, Katubusan--ni E. San Juan, Jr.

$
0
0

HANDOG KAY ANDRES BONIFACIO: KATWIRAN, KALAYAAN, KATUBUSAN

ni E. SAN JUAN, Jr.


        Katakutan ang kasaysayan sapagkat walang lihim ang maitatago sa                 kanya. --GREGORIA DE JESUS

    Ugali na kapag pinag-uusapan ang kabayanihan ni Gat Andres Bonifacio, ang "Supremo," nauuwi sa trahedya ng Tejeros/Naik/Maragondon.  Hindi trahedya kundi ironya o kabalighuan: ang pasimunong nagtatag ng Katipunan ang pinaratangang taksil sa rebolusyon at pinaslang noong Mayo 10, 1897. Ngunit kung hindi nangyari iyon, ang katunayan ng uring ilustrado at ng tusong  pagkakanulo't paglililo (mga katagang malason sa diwa ni Balagtas) nila sa rebolusyon ay hindi umabot sa kaganapan.

        Subalit ang nakagawiang pagdakila sa bayani ay hindi garantiya na hindi mauulit ang pagdaraya ng mga mapagsamantalang uri. Masdan na lang ang pagbibigay muli ng basehan sa puwersang militar ng Estados Unidos. Naulit na nga sa asasinasyon ni Antonio Luna--mistulang "repeat performance" iyon--at paglinlang kay Macario Sakay, kasama ng Supremo sa Tundo. Nakagugulat sa umpisa, ngunit kung tutuusin, mahihinuhang itinakda iyon ng mga pagkakataong umigkas na di na mapigilan. Kung hindi tayo matuto sa kasaysayan, tiyak na paparusahan tayo muli sa pagbalik ng nasugpo't ipinagbawal dahil naroon din ang binhi ng darating, kung paglilimiin.

Kasaysayan at Pananagutan

     Gaano man kasalimuot ang sitwasyong bumabalot sa atin, may kalayaan tayong umugit sa ating kapalaran batay sa ating dunong at kakayahan. Hindi lamang tayo biktima ng mga nagsalabit na sirkumstansya't aksidente. Ang kasalukuyang pagsisikap na pahalagahan ang buhay ni Bonifacio ay nagtataglay ng hangarin o mithiin ng kaganapan na siyang humuhubog ng mga sagisag at representasyon ng kolektibong karanasan. Kung ang radikal na politika ay praktika ng pagsasagawa ng mga inaasahang pagnanais sa daloy ng kasaysayan, at paglatag ng mga ayos ng pagbubuklod sa hinaharap, mga pagsasanib at ugnayang kailangan para sa pagbabagong malaliman at pangkalahatan, ano ang dapat gawin?

    Ibaling natin ngayon ang sipat sa mga salita't gawa ni Bonifacio na buntis sa mga maaaring mangyari. Ano ang potensiyalidad sa paghuhunos ng mga luma't piyudal na normatibong pamantayan tungo sa isang Kaliwanagang taglay ang kasarinlang makatwiran? Makakamit ba natin ang reyalidad ng awtonomiyang may kakayahang rasyonal at makabuluhan? Sa ibang salita, maiaangat ba sa diyalektikang paraan ang puri o dangal ng indibidwal sa antas ng pagkakabuklod, solidaridad at bahaginang pangkomunidad? Ano ang papel na gagampanan ng organikong intelektuwal sa pagtatatag ng lipunan kung saan ang malayang pag-unlad ng bawat isa ay nakasalalay sa kalayaan ng buong bansa/sambayanan (natio/populus), sa taguri ni Gramsci?

    Sa pagsasaliksik natin, ang pinakamahalagang simulain ay historiko-materyalismong pananaw na may diyalektikong paraan ng pag-kilatis at pag-unawa sa lipunan. Batay rito, ang kongkretong sitwasyon ng kabuhayan--ang relasyon ng mga uring nakasalig sa produksiyon ng mga pangagailangan sa buhay--ang pinakaimportante, hindi ang kamalayan ng hiwa-hiwalay na tao sa lipunang nahahati sa mga uri. Samakatwid, dapat iwasan ang palasak na analisis pangsikolohiya. Mapanligaw ang pagpapaliwanag sa anumang problemang panlipunan ayon sa karakter o katauhan ng mga indibidwal na kasangkot. Gayundin ang pagsandal sa abstraktong klima ng krisis o kaguluhan na sumisira sa anumang rasyonal na layunin ng mga aktor sa kasaysayan.

Pagtistis at Muling Paglilitis

    Sa pagbabalik-tanaw sa ating pambansang kasaysayan, ang kuwento tungkol sa Supremo ay nalalambungan pa rin ng samot-saring haka-haka, sumbong, chika, suplong at hinala. Marami pa ring kakutsaba ang mga kasike't imperyalista. Isahalimbawa ang The Revolt of the Masses  ni Teodoro Agoncillo. Bagamat sagana sa datos at humahanga sa KKK, sadyang lumabo ang nangyari sa sikolohikal at pang-Zeitgeist ("regionalism" at klima ng krisis noon) na lenteng itinuon ni Agoncillo sa mga karakter ng lumahok sa Tejeros, tungo sa pag-absuwelto kina Hen. Aguinaldo at mga kasapakat (1956, 293-99). Ang sikolohiya ng Supremo ang siya mismong dahilan sa kanyang pagkapatay, mungkahi ng historyador. Gumagad dito ang prehuwisyong ibinurda ni Nick Joaquin sa kaipala'y masahol na muling pagpaslang sa Supremo sa A Question of Heroes.

     Sanhi sa kolonyalismong danas na mahigit 400 dantaon (mula kolonyalismong Espanyol hanggang imperyalismong global), namihasa tayo sa burgesyang pangitain sa mundo. Makikita ito sa pop-sikolohiyang lapit ni Joaquin, makitid at mababaw sa pagkilatis sa masalimuot na puwersang pampolitikang nakasalalay sa mga pangyayari. Ang tesis ni Renato Constantino ay tinuligsa't inuyam ni Joaquin: "All this sounds ike an egghead effort to make Marxist boots out of Philippine bakya" (1977, 86). Nagkabuhol-buhol ang ulirat ni Joaquin sa pagpuntirya niya laban sa karakter at asal ni Bonifacio,  Hindi ang karakter ng indibidwal kundi ang sapin-saping langkay ng mga kontradiksiyon sa lipunan ang dapat suriin sapagkat iyon ang nagpapakilos sa katangian ng mga kolektibong puwersang humuhubog at nagpapaikot sa takbo ng kasaysayan.
         
    Mula noon, marami nang sumalungat sa mapagkunwaring pagpupugay nina Agoncillo at Joaquin sa "Dakilang Plebeyo." Ang mahusay na tugon at pagpapabulaan sa haka-haka nina Joaquin at mga maka-ilustrado ay ang sanaysay nina Milagros Guerrero, Emmanuel Encarnacion at Ramon Villegas, pinamagatang "Andres Bonifacio and the 1896 Revolution."  Katugma nila ang mahayap na hatol ni Apolinario Mabini sa La Revolucion Filipina: " Palibhasa'y paglabag ang ginawa ni Aguinaldo sa panuto ng Katipunan na kinasapian niya,...ang motibo sa asasinasyon ay walang iba kundi mga hinanakit at mga kapasiyahang sumira sa dangal ng Heneral; sa anu't anuman, ang krimeng naganap ay siyang unang tagumpay ng ambisyong personal laban sa wagas na patriyotismo" (Salin ko mula sa Ingles; sinalin din ni Cruz 1922, 57-58; Ingles ni Leon Ma. Guerrero sa Mabini 1969, p. 48).

Parametro ng Paghahanap

    Bilang katugunan sa mga pagkutya sa karakter ng Supremo, kadalasan gumagamit ng empirisistikong analisis ng uring kinabilangan ng Supremo. Idinidiin na sastre ang ama at trabahador sa pabrika ng tabako ang ina. Bukod sa artisanong nagbenta ng baston, ang Supremo ay nagsilbing ahente ng mga kalakal sa Fleming & Company (Ingles) at bodeguero sa Fressel & Co. (Aleman).  Sa palagay ko, upang matarok kung anong mga sangkap ang humulma sa pangitain-sa-mundo (Weltanschauung) ng Supremo at mga kapanalig, dapat isakonteksto ang mga detalyeng nabanggit, kalakip ang mga karanasan sa Teatro Porvenir sa Tundo at pansandaling paglahok sa Cuerpo de Compromisarios at masoneria, sa isang takdang yugto ng kasaysayan ng kolonya.

    Tatlong yugto ng kasaysayan ang dapat salungguhitan sa pagsubaybay sa diyalektika ng nesesidad at kalayaan, kapalaran at pagkakataon:

    1) Ang pagwasak ng ilusyon ng egemonya ng Espanya at Simbahan sa tagumpay at pagsakop sa Maynila ng Inglatera noong 1762-64. Sumiklab noon ang mga rebelyon nina Silang, Malong, Almazan at Palaris sa hilagang Luzon. Sa unang bahagi ng ika-18 dantaon, sa buntot ng rebolusyon sa Pransiya at digmaan ng imperador Napoleon sa buong Europa, nayanig muli ang ibuong ideolohiya/istruktura ng estado't simbahang Espanyol sa mga madugong pagbabalikwas sa Piddig at Sarat, Ilokos, noong 1807. Nasakop ni Napoleon ang Espanya noong 1808-14.  Nag-protesta sina Andres Novales at mga creoles noong 1823. Sumunod ang masidhing pag-aalsa ni Apolinario de la Cruz/Hermano Pule noong 1839-41 sa Tayabas, Batangas, Laguna at karatig-lunsod. Resulta nito: Nadurog ang pangkahalatang konsensus na mabuti't makatarungan ang gobyerno't simbahan. Tuluyang napawi ang "ethical totality" (sa kataga ni Hegel) o paniniwalang iisa ang kabutihan/tadhana ng kolonisadong mayorya at estado.

    2) Sa pagbubukas ng kapuluan sa kalakalang-pandaigdig simula 1834, bumilis ang pagpasok ng komoditi--ang kultura't gawi ng mga dayuhang negosyante--at ideya't estilo ng pamumuhay na kaiba o tiwali sa namamayaning gawi, kostumbre, pamantayan. Pumasok ang mga ideolohiya ng reporma sa Inglatera noong 1832, ng 1848 himagsikan sa Europa, laluna ang mga tunggalian para sa independensiya sa Argentina, Bolivia, Peru, Venezuela, Mexico at Cuba (simula pa noong 1868).

    Bukod sa impluwensiya ng kulturang komersiyal at pananalapi ng Fleming & Co. at Fressel & Co. sa Supremo, tumalab ang lundo ng kamalayang makabago't mapagbago--ang sensibilidad/dalumat ng panahon--sa nakararami. Ang sagisag-panulat ng Supremo, "May Pag-asa," ay hudyat ng hikayat ng kamalayang pangkasaysayang sinagap sa mga akda nina Marcelo del Pilar, Rizal, at mga librong Le Juif errant, Les Miserables, at Las Ruinas de Palmira.
Sa paglagom, lumaganap na sa kapuluan ang patnubay ng modernidad batay sa mabisang lohikang umaalalay sa siyensiya, kalakal at palitang pampinansiyal (money exchange), kontra sa dogmatikong institusyon ng relihiyon at gayuma ng mito, hiwaga at samot-saring pamahiin.
   
    3)  Pumutok ang Paris Commune (Marso-Mayo 1871). Sanhi sa nagkabungguang sigalot, nagtagumpay ang liberalismong pangkat sa Espanya noong 1873-75 at inilunsad ang republikanong 1812 Konstitusyon ng Cadiz. Nagkaroon ng kaluwagan sa administrasyon ni Gob. Carlos Maria de la Torre.   Subalit nang sumabog ang Cavite Mutiny ng 1872 (siyam na taong gulang ang Supremo noon) at patayin ang tatlong pareng Burgos, Gomez at Zamora, unti-unting naagnas ang paniwalang makabuluhan pa ang reporma.

    Nang ipatapon si Rizal ni Gob. Despujol noong Hulyo 1892, bunyag na ang katotohanang kahit mapayapang pagsisikap maisaayos ang katiwaliang umiiral--buhat pa nang* supilin si Sulayman sa Tundo hanggang sa pagsunog ng mga tirahan ng pesante sa Calamba noong 1891--ay wala nang katuturan. Hinog na ang katotohanang nasambit ni Rizal: "Ang sagot sa dahas ay dahas din, kung bingi sa katwiran."

Ideolohiya at Balangkas ng Pamunuan

    Pagkahawan ng madawag na landas sa kasaysayan, bumalik tayo sa naimungkahi kong maitatanging layong natamo ni Bonifacio. Walang iba kundi ang pagtatampok sa halaga ng ideolohiya at namumunong ahensiya/aktor (vanguard party) sa rebolusyon. Bagamat importante ang modo ng produksiyon sa tingin nina Marx and Engels, ang tagisan ng lumang institusyon/relasyong sosyal at ng sumisibol na lakas sa produksiyon ay naisisiwalat muna sa larangan ng kaisipan, saloobin, atitudo, o normatibong sukatan. Dito lumilitaw ang nakakubling tunggalian ng mga uri at pwersang pampolitika.
   
    Angkop ang huwarang inilahad ni Engels sa Peasant War sa Alemanya noong 1524-25, panahon ng Repormasyong Protestante. Kahalintulad noon ang  sitwasyon sa Pilipinas noong 1892-1898.  Sa halip na kapitalistang/burgesyang partido laban sa piyudal/kolonyalistang kapangyarihan ng Espanya, nagsanib ang pesante, maliit na maylupa, ilang ilustradong malapit sa magsasaka, trabahador, negosyante at artisano sa kalunsuran. Ang lakas na nagigipit at napipigil ay hindi kapitalismo kundi buong hanay ng mga binubusabos ng Estado at Simbahan--sila ang buong sambayanan na tutol sa pag-aari, sa mga nagmamay-ari (frailocracia, aristokratang opisyales, peninsulares) at sila, samakatwid, ang siyang magpapalaya sa pagtatayo ng ordeng makatarungan, demokratiko at makatao.

    Sa pagitan ng obhetibong sitwasyon at suhetibong kamalayan, pumasok ang Katipunan. Hindi na makayang supilin ng Espanya ang taumbayang inihanda ng mga Propagandista buhat pa noong 1872 (pag-aalsa sa Kavite; pagbitay sa tatlong pare), o buhat pa noong rebelyon ng Tayabas Rehimyento noong 1843 (De la Costa 1965, 215). Kahit na malaki ang pinagbago ng Pilipinas sa pagbubukas ng Suez Canal at pagpasok ng mga empresang dayuhan, laluna kalakalan sa asukal, tabako, abaka at ibang produktong iniluluwas, at may umuusbong na kapitalismong industriyal, nasa palapag pa rin ng piyudal/agrikultural at artisanong kabuhayan ang Pilipinas sa huling dako ng ika-19 dantaon. Ang ayos pamproduksiyon ay nakasalig pa rin sa pagsasamantala sa mga pesante ng mayamang magsasaka at prinsipalyang nakapailalim sa mga prayle at burokrasya.  Sa ganitong paghahanay ng mga nagtatagisan, mahihinuha na mula sa mga uring inaapi--taglay ang kawalan/karukhaan na siyang yumayari't lumilikha ng kayamanang panlipunan--sa blokeng ito magbubuhat ang ahensiya/suhetibong kondisyon na maglulunsad at magsusulong sa himagsikan.

    Ang pinakamatingkad na kontradiksiyon ay sa pagitan ng nakararaming katutubo at ang Simbahan/Estadong kolonyal. Pangalawa ang kontradiksiyon ng mga pesante/manggagawa at kasike/prinsipalya. Sa dimensiyon ng ideolohiya o pangitain-sa-mundo, ang kamalayan ng mga uring inaapi ay natatakluban ng ideolohiya ng teyokratiko-piyudal na sistema ng kolonyalismo. O kung gising man ang mga biktima, hindi pa sila makapagpasiyang tumakas at tuwirang tumalikod sa nakagawiang kabuhayan o kinagisnang kalagayan.  Sinikap ng mga Propagandista sa Solidaridad at, di naglaon, sa Liga Filipina, na pag-isahin at itaas ang pampulitikang budhi/dunong/bait ng masa. Umabot sa matining na baytang,  subalit hindi pa rin mabisang napagkasunduan ang koordinasyon ng magkakahiwa-hiwalay na inisyatiba ng mga rebeldeng partisano.

Kabatiran at Pagpapasiya: Kinabukasan Ngayon

         Mahimalang naibuod ni Bonifacio ang kahulugan ng mga kontradiksiyong naisaad sa interaksyon ng katutubo at mananakop sa sinoptikong akda, "Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog" (Cruz & Reyes 1984, 97-98). Sa pakiwari ko, ito ang pinakaunang teksto ng modernidad sa arkibo ng ating kultura. Mainam na naibalangkas dito ang pagtuklas at paglalahad ng kahulugan ng kolektibong pagbabalikwas sa pagsalikop ng isip at nais, kamalayan at budhi.       

     Makakatas ang pilosopiya ng rebolusyon mula sa istruktura ng panahong naikintal dito (hinggil sa temang ito, tunghayan si Arendt 1978). Nakabuod iyon sa pag-iisa ng kamalayan at reyalidad, ng dapat mangyari at kasalukuyang nangyayari.  Paano ito natupad?  Una, ikinintal ang naglahong kasaganaan at kaginhawahan kaakibat ng pamamahala ng tunay na mga kababayan, pati karunungan ng lahat sa pagsulat at pagbasa sa sariling wika: "Itong Katagalugan, na pinamamahalaan nang unang panahon na ating tunay na mga kababayan....ay nabubuhay sa lubos na kasaganaan, at kaginhawan...Mayaman ang kaasalan ng lahat...." Alalahanin: magkasudlong ang karunungan, wika, kayaman ng asal, kasaganaan, at kaginhawahan. Nakabaon sa kaalamang ito ang pagnanais malasap muli ang nakaraan sa hinaharap, hindi bilang utopikong pita kundi bagong imbensyon, walang katumbas na likha, sa pagtatalik ng panahong lumipas at kasalukuyan.

    Lahat ng mga katangiang naitala ay nawala pagkaraan ng Pakto de Sangre nina Legaspi at Sikatuna. Tila kusang bumaliktad ang lahat. Mula noon, "ating binubuhay [ang mga kolonisador] sa lubos na kasaganaan, ating pinagtatamasa at binubusog, kahit abutin natin ang kasalatan at kadayukdukan; iginugugol natin ang yaman, dugo at sampu ng tunay na mga kababayan na aayaw pumayag sa kanila'y pasakop." Ang buhay ng mananakop ay utang sa pawis at sakripisyo ng mga sinakop. Pansinin na binanggit ang tulong ng mga Indyo sa mga Kastila laban sa Intsik at Holandes, ngunit walang banggit sa pagsakop ng Inglatera sa Maynila.

    Kahanga-hanga ang pagkaunawa't paglalagom ni Bonifacio sa komplikadong diyalektikong hinimay ni Hegel na balighong ugnayan ng alipin at panginoon sa Phenomenology of Spirit (1807) na isinakongkreto ni Marx sa The German Ideology (1845-6) at, di kalaunan, sa Das Kapital (1867). Nang lumabas ang libro ni Marx, apat na taong gulang pa lamang ang Supremo.

    Nasira ang mito ng Pakto de Sangre sa tatlong siglong pandarambong ng Espanya. Pinawi ng malagim na kasalukuyan ang nakalipas, at umigting ang hinaharap, puspos ng magkahalong pag-asa't pangamba. Maramdaming inilarawan ni Bonifacio ang hirap at sakit, dalamhati't pagtitiis ng bayan sa ganitong talinghaga. Inihambing niya ang bawat patak ng pananangis ng sanggol sa "isang kumukulong tingga, na sumasalang sa mahapding sugat ng ating pusong nagdaramdam." Umaapaw ang kalooban sa simbuyong galit, inip, ngitngit sa tanikalang bumibigti sa bawat katawan. Di naglao'y naitulak ang kolektibong sensibilidad sa hangganang hindi na matatanggap ang kasalukuyan. Paulit-ulit na lang ba ang Ngayon? Wala bang ibang napipinto, pagbabago o pag-iiba?

    Humarap sa nagiyagis na ulirat ang problema ng kinabukasan: "Ano ang dapat gawin?" Tila alingawngaw ng makasaysayang tanong ni Lenin. Ang sagot ng organikong intelektwal ng masang mulat ay artikulasyon ng hinaharap, kung saan ang karunungan/kaalaman ay nakasanib sa katwiran. Ang dunong ay guro, nagtuturo o tumutuklas ng direksiyon ng pagsisikap at pakikibaka : "Ang araw ng katwiran na sumusikat sa Silanganan, ay malinaw na itinuturo sa ating mga matang malaong nabulagan, ang landas na dapat tunguhin..."

    Sa patnubay at hikayat ng kaalaman/dunong, naging mahalaga na ang bawat sandali sa buhay. Ang lundo ng payo nito ng katwiran ay, una, magtiwala sa sariling lakas at umasa sa sariling kakayahan.  At pangalawa, magkaisa sa kalooban, isip at pagnanais upang sa gayo'y "magkalakas na maihanap ng lunas ang naghaharing kasamaan sa ating Bayan."   Samakatwid, ang rebolusyon ay pagpapahalaga sa kapangyarihan ng kolektibong dunong/kaalaman.  Mangyayari ito sa pagsasapraktika ng aksyomang nabanggit:  sa pagtitiwala (1) sa sariling pagkatao ng mga kababayan (awtonomiya; kasarinlan) at (2) sa pagkakaisa ng loob at lakas sa kapasiyahang maigupo ang kabuktutang pumipinsala sa bayan.

Metamorposis  ng Panahon

           Nakatuon ang budhi ng modernistang diskurso ni Bonifacio sa aktuwalidad, sa pagtarok sa daloy ng panahon, na humuhubog ng lugar o espasyo ng rasyonalidad (katwiran). Tandaan na ilang ulit tinuldikan ang parusang ipinapataw ng Kastila: "isinadlak sa lubak ng kasamaan ang kapurihan ng ating Bayan" at tayo'y "nabibingit sa malalim na hukay ng kamatayan na sa ati'y inuumang ng mga kaaway." 

    Malasin ang tagpo: nasa larangan na tayo ng digmaan.  Layon ng pahayag na ito ay hindi lamang makamit ang mithi ng rasong instrumental o makamit ang absolutong kapangyarihang umaangkin ng normatibong birtud. Walang pasubali, pakay ng panawagan ay dagling maisalin ang isip sa gawa at kagyat malasap ang pangako ng kinabukasan ngayon din. Sapiliting dapat pumili at  hindi makaiiwas magpasiya.

    Tiyak na kung may kabatiran, handa nang gumayak tungo sa tumpak na pagpapasiya't pagkilos. Marahil ang karanasan ni Bonifacio sa dayuhang bahay-kalakal ng Fleming & Co ng Inglatera at Alemanyang Fressel & Company bilang ahente/bodegero, ay tumalab sa pagtuturo sa halaga ng kontrata, pagtitiwala at pagsunod sa panuto't regulasyon. Dumagdag sa dunong ni Bonifacio tungkol sa rebolusyon sa Pransiya (laluna ang disiplina ng "virtue" bilang susi sa tatag ng Republika) ang larawan ng tunggalian ng uri sa Les Miserables ni Victor Hugo. Nakapukaw rin ang melodramatikong El Judio Errante/Le Juif errant ni Eugene Sue, kung saan iniugma ang salot ng kolera sa dahas ng mapanupil na Hesuwita at pag-uusig ng mga Protestang Huguenot sa Pransiya. Nakaambag din ang mga kuro-kuro ni Rizal (laluna ang anotasyon niya sa ulat ni Morga), at pagsusuri sa daloy ng kasaysayan mula sa librong "Ang mga Ruinas ng Palmira," at "Buhay ng mga Pangulo ng Estados Unidos" (Zaide 1970, 106).

    Di kalabisan kung muli kong igiit na ang  "Dapat Mabatid" ay hindi lamang pinakatampok na dalumat ng modernidad sa Pilipinas na nailunsad ng mga pangyayaring naiulat ko sa panimula. Dapat salungguhitan ang penomenang ito.  Katambal ng mga sanaysay ni Rizal at del Pilar, iginuhit dito ang materyalistang teorya ng kasaysaysan na humihirang sa masa bilang tagalikha ng pag-unlad at pagsulong ng buong lipunan. Ang mapanlikhang talino ng sambayanan ay siyang dinakilang kagamitan at sangkap sa pagbabagong-buhay ng lahi.

    Sa pagsusuri ko, ito at iba pang kasulatan ay palatandaan sa matayog na budhi at kabatiran ng Supremo. Ito ay patibay na hindi lang malawak ang kaalamang pangkasayayan ni Bonifacio, sumasaklaw sa kondisyon ng buong kapuluan (hindi lamang Luzon), bagkus masinsing pagtarok na ang pangkat na di kasali sa pamahalaan, walang representasyon, ay siyang awtentikong ahensiya ng pagbabago. Tulad ng bisyon ni Marx sa kritika ng pilosopiya ni Hegel (Osborne 2005), ang uring proletaryo na kumakatawan sa unibersal na kapakanan ng lahat, gayundin ang lahing kolonisado--ang Indyo, ang nakararaming itinakwil, inkarnasyon ng pagdurusa, at negatibong larawan ng sangkatauhang yumayari ng tirahan sa mundo. Pangkalahatang dignidad, puring unibersal ng pagkatao, ang itinatanghal niya, na hindi kinikilala ng imperyong Espanya.

    Samakatwid, ang Katipunan--ang motor ng himagsikan--ang maituturing na pagsasakatuparan ng pilosopiya ng Kaliwanagan, ang aktuwalisasyon ng pangangailangan ng sambayanan. Ang Katipunan ang tagapagpaganap ng pagbabanyuhay na sumilang sa malay at nagbigay-kahulugan sa data-rati'y ulit-ulit na pag-inog ng panahon.

    Walang pasubaling napukaw si Bonifacio ng mga impormasyon, datos, at kabatirang nakatas sa panitik ng Propagandista at ng mga pinag-aralang aklat. Sinikap niyang iakma ang Katipunan sa prosesong naranasan niya, partikular ang paglitaw ng "liwanag ng katotohanan," pagpapakilala sa ating sariling puri, hiya, pagdadamayan, hiwatigan ng pakikipagkapwa; at pagsisiwalat ng dakilang aral na "magwawasak sa masinsing tabing na bumubulag sa ating kaisipan."  Ang danas ay nailapat sa hanay ng yugto ng panahon at kabatiran. 

    Idiniin sa patalastas ng Supremo ang pagpapasiyang bunga ng kabatiran at inantig ang mga kasapi sa pagpupunyaging magpasiya't isakatuparan ang ninanais.  Sa dulo ng pahayag, nakatumbok  ang diwa ni Bonifacio sa paghikayat ng kaluluwa salig sa kusang paghuhunos o dili kaya'y pagtransporma ng saloobin--ang larangan ng digmaan ng ideya/ugali--na siyang susi sa pagkilates sa kilos at gawa ng bawat nilalang at ang kabuluhan nito sa malayang pag-unlad ng buong komunidad.

    Pagnilayin na hindi ito simpleng pagbabalik sa nakaraan--di na pwede iyon sanhi sa nakapamagitang karanasan ng pagkabigo, gulat, kilabot, matinding pagdurusa--kundi pagpihit at pagliko mula sa nagisnang daan. Dunong, paglinang sa kakayahan ng kaisipan, tiyaga at sigasig. Sa pagbubuod, lahat ng katangiang likas sa Pilipino ang dapat isingkaw sa kolektibong proyekto ng pagwasak sa lumang insitutusyon at pagtayo ng bagong sistema ng kabuhayan.

Diyalektika ng Kabatiran at Kamangmangan

    Hanggang ngayon ang makatuturang panawagan ni Bonifacio ay hindi pa nabibigyan ng karampatang pagpapahalaga. Paglimiin, halimbawa, ang gamit ng retorika ng dilim at liwanag na halos arketipong tatak o signatura na sa mga dokumento ng Katipunan, na unang naibadya sa "Liwanag at Dilim" ni Emilio Jacinto (Santos 1935).

    Ang duwalistikong pagtatagisan ng dilim at liwanag ang bumabalangkas sa "Ang Dapat Mabatid" at sa ritwal ng inisyasyon ng Katipunan. Kung tutuusin, ang tema ng "liwanag ng katotohanan" na nakabaon sa liturhiya ng Kristiyanismo ay hango sa tradisyon ng Gnostisismo, isang paganong kilusang nag-ugat sa Manikiyanismo (naging alagad si San Agustin bago binyag), neo-Platonismo at Pythagoreanismo, at tumalab sa Kristiyanismo ng ika-2-3 dantaon.

    Pangunahing turo nito ay walang katubusan kung walang kabatiran sa Diyos (ibinunyag lamang sa initiates) at tadhana ng sangkatauhan. Ang Diyos (bansag sa Espiritu o banal na Kaalaman, Sophia) ay halos katumbas ng kalikasan (deus sive natura, sa tahasang sekular na kaisipan ni Spinoza). Ang relihiyon ng Taga-ligtas (Saviour) ay kumalat sa krisis ng imperyong Roma, kaagapay ng paglago ng Mithraismo at Kristiyanismo (Murray 1964, 130-31). Kinondena ito ng Simbahang Katoliko (sa pagmasaker sa mga ereheng Albigensian sa Pransiya noong ika-13 dantaon). Litaw ito sa lahat ng programang may rebolusyonaryong adhikaing nakasalalay sa rason/katwiran, budhi/bait, at sariling pagsisikap na makamit ang hinahangad na pansariling paglilinis (purification) at kaganapang pampersonal.

    Hindi lamang katutubong danas at dalumat ang pinagmulan ng Katipunan kundi paglagom sa kabihasnan ng Kanluran mula sa klasikong kultura ng Griyego at Romano hanggang sa siglo nina Robespierre, Rousseau, Goethe at Kant. Bukod sa daloy ng Gnostisismo sa kaisipan ng mga pilosopo ng Kaliwanagan sa Europa. Sinala iyon ng ispekulatibang Freemasonry (Guerrero 1969, 397-98); halimbawa, ang halaga ng "Virtue" o Kagalingan sa pagkontrol sa udyok ng laman at erotikong simbuyo; alegorya at simbolong naghihimatong ng paniniwala sa isang Makapangyarihang Arkitekto ng santinakpan. Maidiriin dito na masaklaw at malalim ang impluwensiya ng Stoisismo sa mga Propagandista, laluna sa mga makasosyalistang Isabelo de los Reyes, Hermenegildo Cruz, atbp.

    Ang pilosopiya ng mga Stoiko (Epictetus, Aurelius, Cicero), na nagpunla ng mga binhi ng doktrina ng Neo-Platonismo at Kristiyanismo, ay nagturo ng isang materyalismo't panteistikong sistema ng moralidad. Sa etika, idiniin nila ang pagtiwala sa sariling likas na kakayahan at pagtanggap ng tadhana. Ang kagalingan ng pagkatao (virtue) ang siyang tanging bagay na may wagas na halaga, ayon sa mga Stoiko. Ito rin ang bukal ng materyalismong historikal ng tradisyong nagmula sa mga philosophes (Voltaire, Diderot, Saint Simon) na minana at pinagyaman nina Marx-Engels, Plekhanov, Gramsci, atbp.

    Kaya bagamat naimungkahi ni Renato Constantino na utang kay Bonifacio ang sintesis ng teorya at kilusan, hindi wasto ang paratang niya na "The ideas of Bonifacio did not have a solid ideological content" at iyon ay "primitive" dahil nakasandig lamang sa "dignity of man" (1975, 165). Maraming implikasyon ito. Malalim at mapamaraan ang nakapaloob sa pariralang "dignity of man," na natukoy na natin na nagbuhat pa sa Griyego-Romano't Hudeo-Kristyanong kabihasnan, patungo sa Kaliwanagan (Enlightenment) at 1789 rebolusyon sa Pransiya at sa buong Europa noong 1848 at 1872 (Paris Commune).

    Ang batas ng kalikasan (ley natural, sa awit ni Balagtas) ay kumakatawan sa logos o prinsipyo ng rason/katwiran. Ito ang saligan ng katarungan, demokrasya o pagkakapantay-pantay, kalayaan at kasarinlan. Ang mapagpalayang kapasiyahan ng masa ang gumagabay sa kapalaran o tadhana--sa wika ni Engels, "Ang kalayaan ay kamalayan ng pangangailangan (Necessity)."  Ang pangangailangan ay matatarok sa kaliwanagan tungkol sa nakalipas at posibilidad ng kinabukasan, sampu ng kolektibong pagpapasiyang maisakatuparan ang pangarap at mithiin ng kasalukuyan. Ito ang pinakabuod na simulain ng Katipunan at republikang isinilang sa Pugad-Lawin noong Agosto 23, 1896.

Teorya ng Ritwal, Praktika ng Kilusan

    Bukod sa Dekalogo ng Katipunan, ang pinakamabisang kagamitan sa pagbuo ng ahensiya ng pag-ugit sa rebolusyon ay mamalas sa ritwal ng samahan.  Sa Dekalogo, idinulog ni Bonifacio ang prinsipyo na ang pag-ibig sa Diyos (sa perspektiba ng deistikong rason) ay singkahulugan ng pag-ibig sa bayan at sa kapwa. At ang tiyak na panukat sa dangal at luwalhati ng sarili ay nakatimo sa pag-aalay ng buhay sa ikatutubos ng buong bayan. Pakikiramay, sipag sa paggawa, pagbabahaginan, pananagutan, paglingap sa kasama't kababayan--ito ang mga pinakamabigat na asal na dapat isapuso ng mga kasapi sa Katipunan.

    Taglay ng kasaping sumusumpa sa Katipunan ang birtud ng mga natukoy na katangian. Naisapraktika iyon sa ritwal ng inisyasyon, isang seremonyang na siya mismong maantig na huwaran ng proseso ng pagbabago. 
Sa sekretong paraan, ang ritwal ng pagkakaloob ng karangalang sumanib sa mapanganib na organisasyon ay sagisag ng pagbabagong-buhay. Isang alegorikong dula ito sa pagpasinaya sa isang bagong ayos ng komunidad kasalungat sa umiiral na orden--"ang negasyon ng negasyon," sa taguri ni Engels. Ang prosesong ito ng pagkilala sa bago't dinalisay na identidad ng kasapi--muling pagkabuhay!--ay kahawig ng mga inisyasyon sa Griyego sa Eleusis at Delphi, at sa Roma sa pananampalataya kay Mithra at, sa paglaganap ng Kristiyanismo sa misyon ni San Pablo, ang misteryo ng Muling Pagbangon ("resurrection of the dead").

    Masinop na tinalakay ni Gilbert Murray ang nakabibighaning pagkakawangkis ng turo ni San Pablo at paglalangkap ng Stoiko't Gnostikong pilosopiya sa panahon ng matinding krisis (1964, 107-38). Layon ng mga paniniwalang kaiba sa status quo ng imperyo ang magdulot ng pagkakataong mailigtas ang kaluluwa/pagkatao sa kilabot at dahas ng kapaligirang mundong sawi. Layon ng Kristiyanismo, halimbawa, ang tubusin ang paganong kaluluwa sa korupsiyon at kabuktutan ng umiiral na sistema ng Imperyong unti-unting nabubulok at gumuguho.

    Sa yugto ng nabubulok na kapangyarihan ng mga prayle't marahas na burokrasyang kontrolado ng mapag-imbot na frailocracia't ganid na opisyal, handog ng Katipunan sa mga dinuhagi ang kaligtasan at kalinisan--isang bagong mundo ng kasaganaan at katiwasayan. Pampurga sa dumi at pagbawi sa dalisay na puri o dangal ng pagkatao: ito ang mithiing patnubay sa pagpasok sa Katipunan nakaangkla sa kondisyong "Kung may lakas at tapang, ikaw'y makatutuloy....Kung di ka marunong pumigil ng iyong masasamang hilig, umurong ka..."   Kasunod ang pag-lilirip sa mga tanong na tila hango sa nasuring akda ni Bonifacio, mga tanong pangkasaysayan na magtataya at magtitimbang sa pagkakaiba ng mga yugto ng panahon habang sinisikap ipag-ugnayin at bigyan-kabuluhan iyon sa pamamagitan ng bagong suheto/sabjek--ang negasyon ng nakalipas at umiiral:

1.  Ano ang kalagayan nitong Katagalugan ng unang panahom?
2.  Ano ang kalagayan sa ngayon?
3. Ano ang magiging kalagayan sa darating na panahon?     (Cruz 1922, 22-23).

Sa Wakas, Banaag at Sikat

    Kung tutuusin, ang mga tanong at pagpapaalala ay sangkap ng isang pedagohikal na metodo upang mamulat ang natutulog na bait/budhi ng taong nais mapabuti ang kanyang buhay. Ang ritwal ng inisyason ay magaling na panimulang pagsasanay, dagdag sa panunumpa at pagsasandugo pagkatapos ng pagsubok sa katapangan at katapatan ng kandidato sa partido.

    Sa haraya ng pagbabagong buhay, o paghuhunos sa bagong kalagayan mula sa lumang pagkatao na kusang itinakwil at tinalikdan, ang kontradiksiyon ng lumang suliranin at bagong kaayusan ay nalulutas. 

    Natutugon din ang kontradiksiyon sa pagitan ng makasariling karakter/makitid na kaalaman at kamalayang naliwanagan, kalangkap sa pagkataong taglay ang birtud ng pagmamalasakit at pakikiramay. Sa ibang salita, muling nabuhay ang patay at nahango sa kapahamakan.  Natubos ang kaluluwa at naisauli sa pugad ng mga lumilingap at nagmamahal na mga kapwa, kadugo man o dayuhan. Maipalalagay na ito ay pagsasanay sa napipintong pagpapasinaya ng bagong ordeng lumulutang sa usok at apoy ng digmaang gumigiba't nagwawasak sa lumang istruktura ng kolonyalismo't  Simbahan. Alalaong baga, ito'y pagdiriwang sa tagumpay ng rebolusyon.

    Sa balik-tingin, ang interbensiyon ng Katipunan ay itinalagang napapanahon. Naging mapagpasiyang salik iyon sa pag-imbento ng kinakailangang ahensiyang wawasak sa lakas militar at politikal ng Espanya, ang abanteng liderato ng Katipunan. Palibhasa'y nakapagitan ang uring sandigan nina Bonifacio at kapanalig--artisano, maliit na negosyante, edukadong empleyado sa hukuman, kawani sa imprenta at kalakal-bahay--masikhay ang pakiramdam at pagmamalasakit nila sa mga magsasaka, trabahador sa pabrika at daungan, kababaihan, atbp. Sanhi sa maluwag na hirarkiya sa partido, napagparayaan ang tendensiyang rehiyonalismo sa Cavite na sinakyan nina Aguinaldo't mga kapanalig na kasike't ilustrado.

    Mabilis na lumago ang Katipunan, mula 300 noong Enero 1896 hanggang mahigit 40,000 nang iproklama ang rebolusyon ng "Haring Bayang Katagalugan" ("Sovereign Tagalog Nation") noong 29 Agosto 1896 (Cruz 192, 43).  Maraming gremio o bukluran sa pagtutulong-tulungan ang lumahok sa Katipunan (halimbawa, ang gremio de litografos sa UST kung saan inilimbag ni Jacinto ang unang bilang ng Kalayaan, Enero 1896) at naging sanayan tungo sa unyonismong bumulas noong unang dekada ng pananakop ng Estados Unidos (Guevarra 1992).

Ang Imahen ng Ina at Palaisipan ng Kasarian

     Dapat salungguhitan ang bisa ng "Katapusang Hibik" ni Bonifacio sa pagpapahiwatig ng natatanging birtud ng kasarinlan/pagsasarili (Panganiban & Panganiban 1954, 136-38).  Kasangkot ito sa pinakaimportanteng suliranin ng kasarian sa kilusang mapagpalaya. Bukod sa bisa ng Gnostisismo at Stoisismo sa pilosopiya ng Katipunan at Propagandista (hinalaw sa literatura ng rebolusyon sa Pransiya at liberalismo-anarkismo sa Espanya), ang pananaw sa kababaihan ng kilusang mapagpalaya ay larangang hindi pa nabibigyan ng masusing analisis. Ang pigura ng ina, sumasagisag sa bayan, ginhawa o kaluwalhating inaadhika, maaliwalas na kinabukasan, kaluwalhatian, atbp., ay laging isteryotipikal at mekanikal ang pagpapakahulugan.

    Nasilip ni Soledad Reyes ang kabaligtarang mukha ng ina--"hindi siya Mater Dolorosa kundi Medusa" (1997, 127), ngunit marami pang implikasyong hindi nagagalugad. Halimbawa, ang posisyon ng Ina bilang Sophia (Katwiran/Wisdom). Katwiran at Kapangyarihan ay magkatambal; nabura ang kababaihan sa mga Konsehong makapatriaryakal ng Simbahan. Ayon kay Marina Warner: "The spirit of God, the shekinah, was feminine in Hebrew, neuter in the Greek  pneuma, feminine as sophia (wisdom), invariably feminine in Syriac, but in Latin it became incontrovertibly masculine: spiritus sanctus" (1976, 39). Gayunpaman, paalala ni Regis Debray: "While other denominations tends towards the univocal, the Catholic fantasy has as its mainspring a divided vision of the feminine, torn between angel and whore, saint and sorceress" (2004, 176).

    Payo ng Supremo: "Itinuturo ng katwiran ang tayo'y umasa sa ating sarili at huwag hintayin sa iba ang ating kabuhayan."  Sophia, ang kababaihang aspekto ng kaliwanagan, ay matatagpuan sa Muling Pagkabuhay sa dulo ng ritwal ng inisyasyon ng Katipunan at sa diwa ng "Dekalogo." Samakatwid, ang "Ina" ay siyang birtud ng kaliwanagan, maalab na inspirasyon ng pag-aalsang mapagpalaya. Para sa organikong intelektwal ng uring anak-pawis, ang Sophia ay muling pagbangon--ang inaasam na paglingap handog sa "naghihingalong Yna,", ang sinuyong "tinubuang lupa" na espasyong materyal at batayang lugar ng panahon, inarugang larangan ng kasaysayan--walang lihim sa tanod nito, ayon kay Gregoria de Jesus:

    Ang nanga karaang panahun ng aliw
ang inaasahan araw na darating
ng pagkatimawa ng mga alipin
liban pa sa bayan saan tatanghalin? 
       
("Pag-ibig sa Tinubuang Bayan,"
 nasa sa Medina 1972, 186)

    Sa kabilang banda, ang pagtakwil sa Espanya ng "Panghuling Hibik" ay umaayon sa bisyon ng Katipunan bilang boluntaryong samahan, solidaridad o kapatirang hinirang, isang ekklesiang subersibo't sekular. Kaugnay nito, kapasiyahang mulat, hindi henealohiya (tali sa pusod), ang kailangan. Tugon ito sa puna ni Rizal na sa Filipinas, indibidwalismo ang umiiral, hindi damayan. Ang Katipunan ay sinadyang pagtitipon ng mga anak ng Kaliwanagan laban sa mga kampon ng Kadiliman--isang tema ng grupong Essenes na salungat sa imperyong Romano. (Tila ang kuwebang dinalaw ng Supremo sa Pamitinan, Montalban, ang sumagisag sa sinaunang taguan ng mga Essenes.) Sa kalaunan, naging komunidad ng mga matapat (hindi taksil o mapaglilo), synchronized sa oryentasyon ng pag-asa (kinabukasan), hindi lamang sa bunsod ng memorya o gunita (nakalipas), ang proyektong etikal/politikal ng Katipunan.

    Ang pagtalikda sa inang utusan ng Imperyo't Simbahan ay umaayon sa malaparabulang tugon ni Kristo sa ina: "Babae, ano ang relasyon mo sa akin? (John 2:3; sa ibang pagkakataon na dudukalin ang suliraning ito). Sa pamamagitan ng malayang pagsanib, hindi batay sa dugo, kasarian, pamilya o angkan, ang Katipunan ay bukas sa sinumang nais makiisa sa pambansang digmaan laban sa kolonyalismo, makulinismong awtoritaryanismo ng Simbahan, sampu ng ideolohiya, praktika, institusyon at normatibong ugaling pinagpilitang ipasunod sa nilupig na Indya/Indyo. Ang gahum pampolitika ay bunga ng estratehiyang ito na may kaunting alalay din sa gerilyang metodo ng pakikibaka noong unang sagupaan sa Morong, Marikina, Antipolo, Pasig at mga nayon sa Bulakan, Nueva Ecija at Pampanga.
   
    Samakatwid, radikal ang naitatag na bangguwardyang liderato ng himagsikan na lumampas sa hanggahang itinakda ng sinaunang kabihasnan at ng kolonyalismong Espanyol. Radikal din ang pinagsamang paraan ng edukasyon at aktibong pakikibakang (higit sa repormistang taktika nina Rizal at ka-ilustrado) tinalunton ng mga alagad hanggang kina Malvar, Sakay at mga bayani ng Balangiga, Samar. Utang natin sa Supremo at 1.4 milyong mamamayang nagbuwis ng buhay (laban sa imperyong Espanya at Estados Unidos) ang dunong, danas at pagkakataon ngayon upang magpatuloy sa pagsisikap matamo ang tunay na pambansang demokrasya at kasarinlan sa harap ng malagim na terorismo ng hegemonyang lakas ng kapitalismong global.

Pagbabalik sa Kinabukasan

    Nais kong wakasan ang interbensiyon ko dito sa ilang puna tungkol sa kakulangan ng namamayaning aralin at pagsisiyasat. Pamibihira ang nakahagip sa di maikubling aporia sa mga kritikong sumuri at sumipat sa diwa ng Supremong nailahad sa kanyang "Katapusang Hibik" at "Dapat Mabatid." Sintomas ito ng naghaharing ideolohiya ng reaksyonaryong pananaw ng neoliberalismong orden sa ating neokolonya.

    Ilang halimbawa lamang ang maitatala dito. Impluwensiyal si Reynaldo Ileto sa paglapat ng banghay ng Bernardo Carpio (tulad ng Pasyon) sa panitik ng rebolusyon. Subalit pumalya ang interpretasyon at binaluktot ang katuturan ng mga akda. Naging "bunso" ang taumbayan; "layaw" at "utang" sa halip na katwiran at kabatiran at mabudhing pagpipigil sa sarili ang naging paliwanag sa masalimuot na sigalot at krisis. Dagdag pa: "...assuming [Bonifacio] was aware of [previous revolts], he would not have found them relevant to the drama of separation from Spain that he helped portray; the 'national drama for him begins after 1872" (1998, 25). Diyata't makitid ang kaalaman ng Supremo sa mismong kasaysayan ng kapaligiran? Sa ideyalistikong pagtaya sa organisadong mobilisasyon, pilitang ipinataw ang ilang piling ideya (layaw, damay, atbp) at sikolohiyang panukat na walang saligan sa kongkretong totalidad ng mga puwersang nagtatagisan sa isang takdang yugto ng kasaysayan.

    Sa perspektibang nailatag dito, hindi rin matibay ang paninindigan ng mga kritiko. Sa pagbasa naman ni Virgilio Almario ng "Katapusang Hibik," ang tangkang subukan ang "pagtanaw na historikal" ay lumubog sa kakatwang puna: sa retorika ni Bonifacio ay "masisinag ang pananagisag na Kristiyano bilang bukal ng kapangyarihan ng wika ni Balagtas" (2006, 202). Kahawig ng antikwaryong hatol ni Ileto, mahigpit na opinyon ni Almario na hindi pa rin makahulagpos ang porma't sining ng Supremo sa kwadro ng Pasyon, huwaran at aral ng relihiyong dulot ng kolonyalismong Espanyol. 

    Sa kabilang banda, bagama't maingat ang paraan ng pagsipat ni Soledad Reyes, hindi pa rin naiwasan ang pormalistikong pagkiling sa makapangyarihang birtud ng sining na di-umano'y lumilikha ng sariling daigdig. Alingawngaw ito ng romantiko't pormalistikong pamantayan ng konserbatibong ilustrado. Batay sa ganitong metapisika, humantong sa isang anarkista't suhetibismong konklusyon: "ang daigdig na diskurso ng rebolusyon ay isang mundong wala nang orden at batas, pinamamayanihan ng anarkiya...." (1997, 128). Kung iposisyon natin ito sa gitna ng paggigiit ng Katipunan sa halaga ng intelihenteng disiplina at kolektibong pangangasiwa't pangagalaga sa bawat aksiyon ng mandirigma, anong kahidwaan ang lilitaw?.

    Anong aral ang mahuhugot dito? Isa lamang: Kailangang balikan--mas tumpak, halungkatin at siyasatin--ang kasaysayan ng himagsikang pinamunuan ng Katipunan upang matuklasan natin ang binhing nakaburol doon, ipakawalan ang enerhiyang nahihimlay sa pusod ng nakalipas, at sa gayo'y maikasangakapan iyon upang maitayo ang malaya, makatarungan at demokratikong kaayusan ng lipunan ngayon at sa hinaharap.  Pansin ni Senador Claro Recto na ang ideyalismo ni Bonifacio, nabahiran ng mga kaisipan ni Rizal, ay siyang nagtulak sa bisig ng rebolusyon: "Not all dreams come true. But the wonderful things of the world were created by idealists like the Great Poorly-born Andres Bonifacio" (1968, 78). 

    Ang kinabukasan ng ibinubuong bansang may tunay na kasarinlan ay nakasalalay sa kasalukuyang gawaing suriin at pahalagahan ang tagumpay at kabiguan ng nakalipas, maihiwalay ang dilim sa liwanag, at makamit ang malayang pag-unlad ng bawat nilalang na nakasandig sa kalayaan at kaunlaran ng buong sangkatauhan. Mabuhay ang Supremo at masang lumalaban!

SANGGUNIAN

Agoncillo, Teodoro. 1965.  The Revolt of the Masses.  Quezon City: University of     the Philippines Press.
------ & Oscar Alfonso.  1967.  History of the Filipino People.      Quezon City:     Malaya Books.
Almario, Virgilio.  2006.  Pag-unawa sa Ating Pagtula.  Manila: Anvil Publishing     Co.
Arendt, Hannah.  1978.  The Life of the Mind.  New York: Harcourt Brace     Jovanovich.
Constantino, Renato.  1975.   The Philippines: A Past Revisited.  Quezon City:     Tala Publishing Services.
Cruz, Hermengildo.   1922.  Kartilyang Makabayan.  Maynila: Lupong     Tagaganap, Araw ni Bonifacio.
Cruz, Isagani at Soledad S.Reyes.  1984.  Ang Ating Panitikan.  Manila; Goodwill     Trading Co.
De la Costa, Horacio. 1965.  Readings in Philippine History. Manila: Bookmark.
Debray, Regis.  2004.  God: An Itinerary.  London: Verso.
Guerrero, Leon M.  1969.  The First Filipino.  Manila: Jose Rizal National     Centennial Commission.
Guerrero, Milagros, Emmanuel N. Encarnacion, and Ramon Villegas.  2003.      "Andres Bonifacio and the 1896 Revolution."  Sulyap Kultura. Manila:     National Commission for Culture and the Arts.
Guevarra, Dante G.  1992.  Unyonismo sa Pilipinas.  Manila: Institute of Labor and     Industrial Relations, Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas.
Ileto, Reynaldo.  1998.  The Filipinos and their Revolution.  Manila: Anvil     Publishing Co.
Joaquin, Nick.  1977.  A Question of Heroes. Manila:  Ayala Museum.
Mabini, Apolinario.  1969.  The Philippine Revolution. Tr. Leon Ma. Guerrero.      Manila: National Historical Commission.
Medina, Ben Jr.  1972.  Tatlong Panahon ng Panitikan.  Manila: National Book     Store.
Murray, Gilbert.  1964.  Humanist Essays.  London: Unwin Books.
Ocampo, Ambeth. 1998.  The Centennial Countdown.  Manila: Anvil Publishing     Inc.
Osborne, Peter.  2005.  How To Read Marx.  New York: W.W. Norton.
Palma, Rafael.  1949.  The Pride of the Malay Race.  New York: Prentice-Hall, Inc.
Panganiban, J. Villa and Consuelo Torres-Panganiban.  1954.  Panitikan ng     Pilipinas.  Quezon City: Bede's Publishing House.
Recto, Claro M.  1968. "Rizal the Realist and Bonifacio the Idealist."  In  Rizal:     Contrary Essays. Ed. Petronilo Daroy and Dolores Feria.  Quezon City:     Guro Books.
Reyes, Soledad.  1997.  Pagbasa ng Panitikan at Kulturang Popular.  Quezon City:     Ateneo University Press.
Santos, Jose P. 1935.  Buhay at Mga Sinulat ni Emilio Jacinto.  Manila: Jose P.     Bantug.
Sevilla y Tolentino, Jose. 1922.  Sa Langit ng Bayang Pilipinas: Mga Dakilang     Pilipino.  Maynila: Limbagan nina Sevilla at mga kapatid.  Web.
   
Warner, Marina.  1976.  Alone of All Her Sex.  New York:
Zaide, Gregorio.  1970.  Great Filipinos in History.  Manila: Verde Book Store.
---- and Sonia Zaide.  1984.  Jose Rizal: Life, Works and Writings of a Genius,     Writer,     Scientist and National Hero.  Manila: National Book Store.

-----__________

E. SAN JUAN, Jr.   9/8/2013



NOBELA NI EFREN ABUEG, HUWAG MONG SAKYAN ANG BUHAWI!--Kritika ni E. SAN JUAN, Jr.

$
0
0
               
INTRODUKSIYON SA NOBELA NI EFREN ABUEG, HUWAG MONG SAKYAN ANG BUHAWI

ni E. SAN JUAN, Jr.



           Sa pulutong ng mga kabataang manunulat noong dekada 60 hanggang sa huling dako ng dantaong nakalipas, si Efren Abueg ay namumukod sa kanyang mapanghamong sosyo-realistikong sining. Mapanuri at progresibo, ang mga akda niya ay nagsilbing sandata sa kolektibong pagpupunyaging matamo ng sambayanan ang pagkakapantay-pantay, katarungan, dignidad ng bawat tao, at tunay na kasarinlan ng Pilipinas.
    Isang halimbawa ng mapagpalayang sining ni Abueg ang nobelang ito na lumabas sa Liwayway noong 1985-86. Bantog na si Abueg simula nang gantimpalaan ang kanyang nobelang Dilim sa Umaga (1967) at kuwentong "Kamatayan ni Tiyo Samuel" (1967). Nailimbag kamakailan ang Mga Kaluluwa sa Kumunoy (2004) na kabahagi ng isang epikong panorama na- nag-umpisa sa Apoy sa Kanilang Dibdib at bumagtas sa Mga Haliging Inaanay--mapanghawang proyekto ng pinakamakabuluhang mangangatha sa atin ngayon.
    Patuloy pa rin sa bagong milenyo ang pagsisikap ni Abueg na maimulat ang bayan (pahatid niya sa isang e-meyl sa akin) sa "mga kontradiksiyong nangyayari sa ating lipunan na nagreresulta sa hindi na matapos-tapos na pagsasamantala sa 'maliliit' nating mga kababayan na siya namang tunay na lumilikha ng yamang materyal at iba pang uri ng yaman sa ating bansa."
         Sapagkat nailahad ko na sa isang sanaysay sa rebyung Malay 23.2 (Abril 2011) ang unang pagtaya ko sa panitik ni Abueg, itutuon ang interbensiyong ito sa raison d'etre ng kasalukuyang katha. Tulad ng naunang obra, masugid na hinimay dito ang mga kontradiksiyong sosyopolitikal na pumipigil/tumutulak sa kaunlaran ng bansa. Kamalayang historiko-materyalismo ang patnubay dito. Sumupling ang diwang ito sa krisis ng imperyalismo noong paninibasib ng Estados Unidos sa Indo-Tsina (dekada 60-70) at, lalong angkop, sa krisis ng "Cold War" sa ating bansa sa pagpataw ng "martial law" ni Ferdinand Marcos noong Setyembre 1972. Nakaukit ito sa sub-text ng nobelang ito na, sa dagling balik-tanaw, ay maituturing na propetikong harayang nagbadya sa pagbagsak ng diktadurya sa "People Power Revolution" ng Pebrero 1986.


Pagdulog sa Konseptuwalisasyon ng Sining

    Pumagitna muna tayo sa larangan ng kasaysayang pang-estetika o agham ng panlasa bago dukalin ang temang etikal-politikal ng nobela. Pakay ng sining ang sumalamin sa realidad at hulihin ang katotohanang nakakubli sa penomenang nadarama. Magkatambal dito ang mimesis at alegorya, representasyon at dikonstruksiyon. Masalimuot ang imbestigasyon at pagbunyag sa katunayan. Isang uliraning layunin ng panitik ni Abueg ang paglalarawan ng realidad sa pamamagitan ng analisis at paglilitis sa mga kontra--diksiyong gumagabay sa pagsulong ng lipunan. Sa kaalamang naipalaganap, inaasahang mapupukaw ang lahat upang tumulong sa paglutas ng mga pinakamaselang problema: ang pagtigil sa pagsasamantala ng mga anak-pawis, ang liping manggagawa na siyang bukal ng kayamanan ng mundo. Pagtalos sa katotohanan at papuri sa birtud ng masang lumilikha't yumayari ang adhikaing imperatibong kategorikal. Saan nagmula ang mithiing ito?
    Harapin muna natin ang matinik na isyu ng realismo dahil napapagkamalang naturalismong imitasyon ang namamalas. Nais kong idiin dito na hindi mekanikal na paggagad ng kapaligiran ang metodo ni Abueg kundi dramatikong simbolisasyon ng lohikang nakasilid sa galaw, kilos, salita, damdamin at iba pang katangian ng mga protagonista. Ang dalawang motibasyong kaugnay nito--pagtistis sa kongkretong sitwasyon sa buhay at paghikayat isakatuparan ang hinihinging pangangailangan--ay siyang saligan ng tradisyong kritikal-realismo sa ating kultura.
    Pinasinayaan ng Noli at Fili ni Rizal, yumabong ito sa unang dekada ng pananakop ng imperyalismong Amerikano--saksi ang Pinaglahuan ni Faustino Aguilar, Banaag at Sikat ni Lope K. Santos, Madaling Araw ni Inigo Ed. Regalado--at nahinog sa Mga Ibong Mandaragit ni Amado V. Hernandez, Maganda pa ang Daigdig ni Lazaro Francisco, at Apoy sa Madaling Araw nina Dominador Mirasol at Rogelio Ordonez. Nilagom ni Rizal ang mga aral ng Kaliwanagan (Enlightenment) sa Europa na sumukdol sa himagsikan sa Pransiya. Pambalanang babasahin ng salinlahi ng mga Propagandista (tinaguriang ilustrado) hanggang kina Bonifacio, Jacinto, Mabini at Isabelo de los Reyes ang mga sinulat nina Rousseau, Voltaire, Diderot, at mga nobelang Le Juif errante ni Eugene Sue, Les Miserables ni Victor Hugo, Conde de Monte Cristo ni Dumas, at mga diskurso ng sosyalista-anarkistang kilusan sa bukana ng siglong 1900. Mula doon hinango ng mga nabanggit na awtor ang tema't estilo ng kanilang nobela.    
    Samakatwid, ang minanang tradisyon ng mga sinaunang nobelista ay hindi kwentong-bayan, pasyon, korido, alamat, at labi ng ebanghelyong propaganda, bagaman may talab pa rin ang mga ito. At hindi rin ang Gotikong romansa nina Washington Irving, Poe at Longfellow na ikinalat ng mga Thomasites. Ang masaganang bukal ay walang iba kundi ang mapanuring realismong global mula sa rebelyon noong 1848, sa 1871 Komuna sa Paris at mga pag-aalsang anti-kapitalistang humantong sa rebolusyong Bolshevik. Sinala, binistay at binusilak ang mga hiniram na ideya't hinagap, retorika't hulagway, sa katutubong alembiko ng imahinasyon nina Rizal, Santos, Hernandez, Abueg, atbp. Nagtaglay ng katanging Pilipino ang kabihasnang natutunan.

Praktika/Teorya ng Simbolikong Kapital

    Ito ang konteksto ng modernistang panulat na nailunsad ni Abueg at mga kapanahon sa huling kwarto ng 1900. Partikular sa sitwasyon ng mga manunulat sa bernakular mula pa noong Batas Anti-Sedisyon (1901) ang panggigipit at paglalayo nila sa kapangyarihang pampulitika, laluna ang paghihiwalay sa panggitnang saray o sa mga petiburgesyang nakaluklok sa burokrasya, militar, kalakalan, at publikong institusyon na sanay sa wikang Ingles. Sa namayaning hegemonya ng wikang Ingles, ang manunulat sa bernakular ay ipinalagay na mababa ang kalidad at nakapokus lamang ang talino sa pansandaling aliwan ng madlang walang pinag-aralan, isang prehuwisyong matagal nang pinabulaanan.
     Sa kabilang banda, nanatiling malapit sila sa uring manggagawa't pesante, bagamat sila'y edukado, nakikisalamuha taglay ang asal-propesyonal at pagkabihasa sa kalakarang internasyonal. Ito ang galing ng wikang sinuso. Sa paggamit ng wikang katutubong mahigpit na kasanib sa wani, saloobin at pangitain-sa-mundo ng karaniwang mamamayan, hindi lamang nanatiling popular bagkus laging mapagmalasakit at nakaagapay dahil nakaugat sa karanasan, oryentasyon at sensibilidad ng masa. Testigo dito, halimbawa, ang militanteng huwaran ni Benigno Ramos, lider ng Sakdalista; at mga akdang radikal ni Amado Hernandez, unyonista at peryodista sa paglago ng Congress of Labor Organizations at pagsiklab ng rebelyong Huk sapul ng dekada 1945-60.  Sa pakiwari ko, laging pasugod bagamat supil ang sumasangkapan sa wikang katutubo sa pagpapahayag ng damdamin at kaisipan ng komunidad, laluna kung ito'y bumbatikos at tumutuligsa sa katiwalian ng ordeng umiiral. Sa ibang pagkakataon na natin uriratin ang komplikadong implikasyon ng mga proposisyong nailahad dito.

Pagtalunton sa Landas ng Nobela

    Ang nobela bilang uri o genre ng panitikan ay gumitaw sa Europa noong pagkalaos ng piyudalismong ugali at institusyon. Iniulat ni Ian Watt sa The Rise of the Novel, tubo sa indibidwalismong kabihasnan ng burgesya at publikong espasyo ang mga akda nina Richardson, Defoe at Fielding sa Inglatera. Bago pa rito, ang modelong ispesimen ng pikarong talambuhay, ang Don Quixote ni Miguel Cervantes, ay sintomas ng lumulubhang alyenasyon ng indibidwal sa milyu ng eksplotasyon ng lakas-paggawa ng nakararami, kasabay ng pagbulusok ng paniniwala sa mga ispiritu, kulam, himala't diyos. Masisinag sa yugtong ito ang paghina't tuluyang pagkasira ng pagbubuklod ng mga tao sa isang komunidad, isang organikong kapamuhayan. Sa kanyang Theory of the Novel, sinipat ni Georg Lukacs ang daigdig ng modernong naratibo na larangan ng matinding desengkanto, pagkabigo, tahasang pagkawala ng kahulugan sa buhay. Sa madaling sabi, ang nobela ay siyang natatanging diskurso ng mundong walang direksiyon, katuturan o kahihinatnan--ang kapitalista/burgesyang sistema na umiiral pa hanggang ngayon, kaakibat ang masahol na kabulukan at kabuktutan ng mga panginoong may-ari .
    Bumaling tayo ngayon sa isang partikular na kaibahang di pa natuturol. Hiwalay sa pinagbuhatan ng nobelang kanluranin ang mga ulirang akdang nabanggit sapagkat hindi tayo nagsasariling bansa noon (tulad ng Inglatera o Pransiya) kundi isang bayang sinakop, isang kolonya.  Nakapailalim ang Pilipinas sa makapangyarihang poder ng Estados Unidos. Binuwag ang rebolusyonaryong hukbo ng Republika, pinanatili ang piyudalismong ugnayan sa lupa, sinugpo ang demokratikong hangarin ng mayorya. Lumilitaw na ang basehan ng nobelang katutubo ay dili iba kundi ang matinding pagkasikil at pag-alipusta sa komunidad, hindi pagkawala ng kahulugan sa buhay (ayon kay Lukacs). Samakatwid, ang genesis ng nobelang bernakular ay sitwasyon ng pansamantalang paghupa ng rebolusyonaryong silakbo, istratehikong paglubog sa "underground," at paghuhunos sa iba't ibang mapanlinlang na anyo. Susog ko na ito ang "political unconscious," ang paradigmang angklahan ng literaturang Filipino.
    Sa perspektibang ito, maipalalagay na ang akdang ito ay prologo sa isang teorya ng pagbabago't praktika ng pagtutuos. Masisinag dito ang pinaksang pagpapatuloy sa paghahanap ng nilambungang komunidad, ng makatuturang ugnayan ng babae't lalaki, ng magulang at anak; sa pangkalahatan, ang pagsisiyasat sa anumang kahulugang nadukot o napikot (tulad ni Rina) sa dahas ng imperyalismo at mga kakutsabang oligarkong may kontrol sa praktika't institusyon ng buong lipunan. Binubuhay muli ni Abueg ang naburol na biyaya ng tradisyong subersibo't mapagpalaya sa pakikipagsapalaran ng kanyang tauhan sa isang takdang yugto ng kasaysayan ng bansa, sa panahon ng diktaduryang Marcos. Subaybayan natin ang pagsubok na ito.

Kritika ng Sikolohiyang Pananaw

    Ang mga ideyang natukoy ay hindi kakatwa o banyaga sa ating mga kritiko at manunulat. Sangguniin na lamang ang antolohiyang Kilates (2006) ni Rosario Torres-Yu o Kritisismo (1992) ni Soledad Reyes. Karagdagang ebidensiya rito ang mga kuro-kuro ng mga nobelista, matanda at bata, sa kalipunang Sampaksaan ng mga Nobelistang Tagalog (1974). Sa importanteng panayam ni Abueg dito, "Ang Sosyalismo sa Nobelang Tagalog," masinop niyang sinuri't tinimbang ang mga nobela nina Lope K Santos, Faustino Aguilar, Lazaro Francisco, Amado Hernandez, atbp. Puna ni Abueg na kapansin-pansin sa mga kabataang nobelista ang "pagkakaroon ng indibiduwal na kaisipan ng mga tauhan...ang paglikha ng mga tauhan sa kanilang sarili bilang mga bayani...Maaring ang ekspresyon ng idealismo ng kabataan ay lubhang maka-diyoses, na sa pagpapaligsahan ay ibinabadya sa madla ang sari-sariling katangian."
    Mapagpasiya ang obserbasyong iyon sa paghabi ng masaklaw na interpretasyon ng nobela. Malinaw na naipahiwatig ni Abueg ang masidhing usaping sumasalalay sa tinangkang pagsalikop ng mga buhay nina Mig, Rina, Clarita, atbp: indibidwalismo versus sakrispiyo ng sarili sa kapakanan ng masa. Sa ibang kataga: egotismo o solidaridad. Sa dagling paglagom, ang hidwaan ng dalawang panig ng pangitaing panlipunan sa nobela ay maisisisik sa argumentong tanong: pansariling kabutihan o katarungang panlipunan--magkasalungat  ba ito, kaya dapat pumili ang taong may konsiyensiya't pananagutan sa panahon ng ligalig?
    Sa pambungad na kabanata pa lamang, naiguhit na ang di matatakasang daloy ng buhawing tadhana. Nausal ni Mig, ang pangunahing karakter, na "walang malasakit sa sarili" si Bayani Maglalang, ang matalik niyang kaibigan. Sa pagkamatay ni Bayani sa isang aklasan--pagkasawing nagbigay ng "malalim na kahulugan" sa buhay ni Mig, nangibabaw na ang pagtugis sa hustisya, "ang liwanag ng katarungan." Samantala, payo ni Mig kay Clarita na mag-isip at mag-aral upang mapangalagaan ang sarili sa hinaharap. Naging masigasig na kasapi si Mig sa HURLS, pangkat ng mga abogadong "pragmatiko," hindi ideyalista. Naakit siya kay Rina, mamamahayag at nakakubling ahente ng militar, dahil mulat at independiyenteng babae, na kusang humandog ng tulong.
    Lubhang nagayuma ni Rina si Mig; hindi niya nagunita ang payo sa kanya ng kanyang ina: "Mapanganib ang panahon...Hindi mo ngayon alam, kung sino ang kaibigan at kaaway." Isaisip din ang babalang payo ng kanyang ama: "Huwag mong sakyan ang buhawi, anak." Isinaisantabi iyon.  Walang ingat si Mig sa pagbuno sa doble-karang maniobra ng diktadurya. Bukod dito, bagamat matiyaga sa pagsunod sa burokrasyang panuntunan ng hukuman, labis ang paniwala ni Mig na madaling makatatawid sa krisis at makakamit ang inaasahang pagbabago--malalang kahinaan na bumulag sa kanyang ulirat at bumunsod sa di-maiiwasang kaganapan. Ito ba ang lansi, daya o lalang ng kasaysayan?
    Matingkad na nailarawan ni Abueg ang sapin-saping kontradiksiyong bumalot sa pakikipagkapwa ng mga tauhan. Ang tagisan ng sariling interes laban sa lakas-komunidad ay dumaan sa maraming antas sa diyalogong alitan nina Mig at Rina. Tumining ito sa sagutan nila: halimbawa, sa tuya ni Rina na "Napakain ba kayo ng bayan o masa?" tugon ni Mig na "imposibleng sumulong ang isang indibidwal kung hindi natin isusulong ang pagkakaroon ng tunay na kalayaan" at itakwil ang mga dayuhan at naghaharing uri na nagpapasiya sa kapalaran ng nakararami. Matatag ang paninindigan ni Mig: kalayaan/kasarinlan ay kailangan bago makamit ang pagsulong, pag-unlad, at kaginhawaan ng bawat isa. Upang makuha ang kalayaan, sakripisyo--nina Bayani, Pastor at di mabilang na aktibistang pinaslang, at kung sakali, ni Mig--ang kailangan. Maisingit natin: walang bang pangatlong alternatibo, o mediyasyon sa diyalektikang bumabalisa sa kamalayan ng ating bayani?
    Umabot na tayo sa pagpihit ng tadhana (peripeteia) nang lumipat si Mig mula sa bahay ni Clarita sa isang safehouse at mahuli si Rupert Briones, ang puno ng HURLS. Bago arestuhin si Mig ng mga ahente ng diktadurya at makulong sa bartolina, naisip niya na siya'y inakay lamang ng mga pangyayari, at wala siyang pagpapasiya sa takbo ng kapalaran. Pagmumuni-muni niya: "Wala siyang hinanakit sa mundo,  Bakit siya nasa gitna ng pagtutol at bingit ng paghihimagsik?" Bagamat matigas ang loob niya sa pagtalikod sa dulog ng dating kasintahang si Flora, narahuyo siya kay Rina batay sa paniniwalang nasa panig niya ang babaeng nakikipagtatalik. Wala siyang kutob o hinala, bubulaga na lamang ang katotohanan pagkatapos ng "ritwal ng pagbubunyi ng kaluwalhatian."  Matutuklasan na ang maapoy na galak ng katawan ay hindi patibay, bagkus patibong, sa tunay na mapanganib na sitwasyong kinasadlakan ni Mig.
    Gayunpaman, inulit ni Mig ang nalalapit na araw ng pagbabago: "Ang kinabukasan natin ay nakasalalay sa pakikipaglabang ito....Walang katapusan ang tunggalian."  Sa antas ng pagkilala (anagnorisis), ang tunggalian ay sumukdol sa pagitan ng prinsipyo (kolektibong disiplina) laban sa pansariling ligaya, sa pagninilay ni Mig. Totoong sakripisyo ang hinihingi ng krisis; gayunpaman, tanong ni Mig sa sarili: "Kasalanan ba ang umibig at mangarap?" Walang pasubaling sakripisyong personal ang tugon ni Mig sa kabila ng makamandag na tatak ng suyuan nila ni Rina. Limitado ang kamalayan ng protagonista, malawak ang patalastas ng banghay ng naratibo, ng tekstura't istruktura ng salaysay: dapat makahulagpos sa partikular na sensibilidad at maintindihan ang buod ng kabuuang sitwasyon, ang dinamikong panloob nito, upang masakyan at mabigyan-direksiyon ang daloy ng kasaysayan. Hindi ito naisakatuparan.

Diyalektika ng Pagkatao't Kalikasan

    Naimungkahi ni Marx sa Theses on Feuerbach na ang pilosopiya/dunong na natuklasan sa isip/budhi ay mapapatunayan lamang sa praktika. Pinabulaanan ng balangkas ng mga pangyayari na si Mig ang siyang matalinong taga-ugit ng kanyang buhay. Sa bangis ng erotikong ritwal ng magkasintahan, taglay sa bugso-bugsong udyok ng laman/damdamin ang ironikal na himatong na ang pagsuko ni Mig sa tadhana ay saksi rin sa kanyang katapangan sa pagkalalaki.   Kataka-taka na nang nabilanggo si Mig, hindi kailanman sumagi sa alaala niya ang matamis at nakalalangong pagtatalik nila ni Rina, o maski ang masalimuot na relasyon nila ni Clarita. Bakit? Walang malakas na hikayat o amuki ang mga tagpong iyon sa kaluluwa niya. Bakit kaya?
    Maitataya na ibinunsod ng kanyang piniling sitwasyon ang kapalaran ni Mig. Katugma ito sa pagkatao niya, palibhasa'y sinanay sa petiburgesyang gawi na humilig sa tradisyonal na institutusyon, maingat na sumunod sa regulasyon, bagamat sa klima ng matinding krisis, pinagpayuan na siyang balintuna't kabaligtaran ang lahat. Hindi ito lubusang natarok, kaya hindi paano man nasiyasat, nakilates at nasakyan ang tuso't sistematikong pagkukunwari ng kalaban. Biktima si Mig ng kanyang makauring sitwasyon, ang kompromiso ng panggitnang saray, na siya ring katwiran o lohika ng kanyang pagkagumon sa mapang-akit na kilos, salita, at pahiwatig ni Rina, ang nakabalatkayong ahente ng diktadurya.
    Lumipat ang lunan ng salaysay mula sa safehouse ng lungsod hanggang sa resthouse sa Bocaue, Bulakan (gunitain na sa Valenzuela, Bulakan, pinaslang si Bayani). Sagisag ito ng pagsungaw ng tendensiyang utopiko-pastoral, nagpapagunita sa Pila, Laguna, tahanan ng kanyang magulang. Pumalaot sa di-hantad na lugar, dala ng punto-de-vista ang hinuha  ng napipintong wakas. Ipinahiwatig na ang resolusyon (denouement) sa pag-inog ng mga tagpong tila eksena sa alegorikong trahedyang kumakatawan sa proseso ng diyalektikang paglulusaw sa mga hidwaang natukoy na.  Alin ang mangingibabaw: prinsipyo ng pakikibaka o kapangyarihan ng Estadong ipagtanggol ang status quo? Pumalit ito sa problemang "Alin ang masusunod: katungkulan o aliw?"

Pagbabalika sa Luwasa't Hulo

    Naitampok muli ang paksa ng katwiran ng nobela, ang rason ng literatura bilang malikot na repleksiyon ng indibidwal sa loob/labas ng komunidad. Nakulong ang mga suliraning nahukay at naisatinig sa kamalayan ng mga aktor sa sosyedad sibil (hindi pa makataong kaayusan). Ang mga taong gumaganap ay kapwa marupok ang ugnayan sa pamilya o kamag-anak, madalas nangungulila o tiwalag sa mga kaibigan at kasama. Kaya ang antinomya ay walang pagkalas kundi sa pagkawala ng ilusyon ni Mig at ang sakripisyo ng protagonistang sumabog sa liwanag ng katotohanan.
    Kung tutuusin, matagumpay na naipagtanggol ni Mig ang kanyang katapatan at responsibilidad sa kilusan--tila nakaligtas siya sa tukso ng magayumang Sirena. Ngunit nagwagi naman ang diktadurya, ang dahas ng katiwalian, sa okasyong ito. Ang mabigat ngunit ironikal na deklarasyon ni Mig, sa halip na magdulot ng matinong tugon sa dilema ng inbidwalismo, ay pruweba sa kalabuan at kalituan ng karakter bunga ng takdang posisyon nito sa lipunan: "Nakaigpaw na ako sa pagiging ordinaryong Mig, na umiibig sa 'yo.  Ako'y si Mig na ari-arian na ng bayan, at hindi ng sinomang indibidwal." Naging fetish ang "bayan," kapalit ng mga idolo. Maaaninag na pagtakas ito sa sindak ng parikalang sumbat niya sa kasuyo: "Sino ka, Rina?"
    Natalakay na natin ang teorya ng nobela sa pangkalahatan at sa partikular napulsuhan na ang delikadong katayuan ng manunulat. Nakatutok ito sa problema ng indibidwalismo at alyenasyon sa kapitalistang orden. Sa milyu ng neokolonyang Pilipinas, ang palasintahang tradisyon ay buhay pa rin sa mga ilusyon ng kalalakihan at kababaihan sa isa't isa, at sa patriarkal na ugnayan sa pamilya. Ang kontradiksiyon ng prinsipyo at pag-ibig, isang temang palasak sa mga romantikong diskurso't sining, ay ugat ng pagkaalangan na gumulo sa buhay ni Mig, na sandaling nalutas sa kombensyonal na paraan sa pakikipag-unawaan, at permanenteng nalunasan sa pagtanggap ng salvaging. Sa kabilang banda, huwag kalimutan na nakapamundok na si Rupert Briones, ligtas sa galamay ng Estado, at nagliliyab na rin ang kanayunan ng Mindanao sa tulong ng mga gerilyang Moro na kalahok na rin sa ligal na pakikibakang itinanghal dito--mga palatandaan ng pangakong bindikasyon ng mga bayaning nagbuwis ng buhay sa ngalan ng kalayaan, pambansang demokrasya, at kasarinlan. Walang pasubaling mananaig ang katotohanan at katarungan paghupa ng buhawi.
    Halinhinang maigting at matimpi ang pagsasalaysay ni Abueg. Hitik sa kapanapanabik na pangyayari ang naratibo, sumasagitsit sa mga tagpo ng pagtatalik at nakababagabag sa pag-ulat ng karanasan ni Mig sa impyerno ng bilangguang dahop sa catharsis. Malalim at matalas ang paraan ng paglalarawan ng physiognomia ng mga tauhan. Nakaaantig din ang relasyon ni Mig kina Pastor at Deng, ugnayang siyang mataimtim na testigo ng solidaridad ng mga nakikibaka (isang magandang halimbawa nito sa Dilim sa Umaga ang pagdamay nina Antero Magdalo at Ligaya sa sawing pamilya ni Meliton; kabanata XII). Hindi tuwirang nagluwal ang sitwasyon ni Mig ng ganitong mga insidenteng saksi sa kolektibong pagsusumikap, pagtangkilik, pagkalinga't pagtutulungan (tingnan ang komentaryo ni Raymond Williams hinggil sa "tragedy and revolution" sa Marxist Literary Theory, 1996).
    Paglimiin ang lohika ng komprontasyong iginuhit sa huli. Ang pagpili ng tadhanang ito (iwinangki sa montage ng pelikula), sa pagtatasa ko, ay huwad na pagtalilis sa indibidwalismong tinalikdan ni Mig sapagkat (una) hindi katugma ng kanyang pagnanais masagip ang buhay ng kanyang mga kasamahan habang maingat na kumikilos; (pangalawa), ang galit niya sa babaeng kaipala'y iniibig niya ay personal na paghihiganti, hibong mapusok ng makasariling determinasyon; at (pangatlo), iyon ay kalabisang pagmamalaki sa katumpakan ng posisyong moral/etikal ng kilusan, sintomas ng karupukan ng paninindigan, na may bahid ng relihiyosong pagdulog sa isang kapangyarihang supernatural na tiwalag sa lunggating sekular ng organisasyong nagtatanggol ng karapatang pantaong garantisado ng Konstitusyon at U.N. Charter.
    Mahusay na naipakita ni Abueg sa nobela ang mga madugong kontradiksiyon ng ating lipunan. Karamihan ay bunga ng tunggalian ng mga uri, ng mga nilulupig at nambubusabos, ng oligarko't imperyalismo laban sa nakararaming mamamayan. Nakabilad ito sa alegorikong pagpapadama ng nagsasalpukang simbuyo sa sitwasyon ni Mig at sa balighong pangangatwiran ni Rina tungkol sa kanyang kalagayan. Bagamat realistiko ang teknik (sa detalyadong paglalarawan ng pagkain, katawan, bartolina, atbp.), malusog ang diyagramatikong pagsasaayos ng nagtatagisang panig (kahawig sa kuwentong "Kamatayan ni Tiyo Samuel"), mga puwersang mahirap ipagsanib, bagay na siyang nais igiit ng istruktura ng nobela. Nakatambad din ang mga lamat, biyak at kakulangan ng ideolohiyang siyang susi sa paghabi ng teksto, ideolohiyang produkto mismo ng mga nagtatagisang sektor sa kapamuhayang pambansa, sa pagitan ng mga grupong yumayari at nagsasamantalang may-ari/Estadong neokolonyal (naipaliwanag ito nina Etienne Balibar at Pierre Macherey sa "On Literature as an Ideological Form").    
    Samakatwid, sintomas ng malubhang sakit at suliranin ng nahahating lipunan ang matalinghaga ngunit kapus at sapilitang pagkalag ng mga buhol ng kontradiksiyon ng ilusyon at katotohanan sa nobela. Isang halimbawa ang suyuan nina Rina at Mig, magkasiping habang magkaaway ang kanilang isip, budhi at paniniwala. Ang panukalang rekonsilyasyong naikintal sa mga huling pahina ay isang mapanghamong palaisipan, isang maalingawgaw na paanyaya sa lahat na halukayin, bulatlatin, pag-aralan, walang hintong saliksikin at suriin ang problema ng kontradiksiyon sa bawat karanasan, dalumat, at sitwasyon sa ating buhay sa araw-araw sa gitna ng nagbabago't bumabagong kasaysayan ng ating bansa.


                                --E. SAN JUAN, Jr.
                                   Storrs, CT, USA
                                   Oktubre 2013
                                 

   

LAMUYOT NG LIBOG -Tulang Konseptuwal ni E. San Juan, Jr.

$
0
0
LAMUYOT  NG  LIBOG -





Tulang Konseptuwal ni E. San Juan, Jr.

TULA--Depinisyon, halimbawa--ni E. San Juan

$
0
0

TULA




ABA

                                ALIMURA

                                                                                          ANAS

                                                           ALINGAWngaw
Ay      ay       ay





      L I 
              K A 
                        B O K

MASAKER SA MENDIOLA--tula ni E. San Juan, Jr.

$
0
0
MENDIOLA MASAKER:  Labintatlong Katawang Bumabangon

--ni E. SAN JUAN, Jr.



LEOPOLDO  ALONZO

[22 Enero 1987: demonstrasyon ng mahigit 20,000 pesante't manggagawa
    sa harap ng  Malakanyang]

Ang kaisipan ay tandisang pagtutol sa kung anong katalahagan ang nakatambad sa harap natin...

Lupang makulimlim      di maabot-tanaw
ADELFA  ARIBE

[13 ang napatay,  105 ang nasugatan, nang paputukan sila ng pulis at militar ng rehimeng Cory Aquino]

Ang malalim na pagkabatid ay sumisibol sa pagpapakilala na ang mga nangyayari o mga  nadarama ay tumataliwas sa mga ideang ipinapataw ng rason o katuwiran.

Unti-unting nagkakahugis        labintatlong aninong naglalagalag

DANILO  ARJONA

[Wala kahit isa sa mga pumatay ang inaresto't ipiniit, o nilitis sa hukuman]

Magsimula tayo sa pagsalungat sa mga nangyayari, sa katalagahan.

Saksi sa pinaslang ay walumpung mamamayang sugatan

  DIONISIO  BAUTISTA

[Nobyembre 16, 2004: pitong mangagawang umaklas ang binaril ng militar at pulis sa isang piket sa Hacienda Luisita.  Utos iyon ng dating pangulong Gloria Arroyo, kasabwat ng angkang Cojuangco-Aquino]

Ang mga pangyayari sa ating karanasan ay mga baytang lamang ng isang
proseso o kalakaran na nagtatambal ng diwa at bagay, kamalayan at realidad

  ROBERTO  CAYLAO

[Oktubre 27, 2005: Nagpulong ang mga upisyal ng Central Azucarera de Tarlac Labor Union sa Barangay Mapalacsiao. Pinag-usapan kung ano ang gagawin pagkatapas paslangin ang kanilang presidente, si Ricardo Ramos, 47 anos.]

Ano ang kamalayang lumilikha ng nadaramang daigdig?

Humihirit ang punglo    sumisingasing ang hininga ng kaluluwang nalugmok

 VICENTE  CAMPOMANES

[22 Enero 1987--araw ng kasuklam-suklam na krimen....]

Sa idealistang pananaw, tawag sa kamalayan  ay Kaisipan, Rason, Espiritu--mga katawagang tumutukoy sa diwa ng tao sa  iba't ibang anyo ng pakikipag-ugnayan sa buhay.

Katawan nina Ricardo Ramos at mga kasamang bumabagtas sa dagat ng mga kontinente ng Aprika, Asya, Norte at Timog Amerika...
.       
RONILO  DUMANICO

[22 Enero  1987: araw ng kahapon, ngayon at lumipas...]

Ang kaunlaran ngayon ay nasusukat sa bilang.  Nahahadlangan ang  pagsulong mula sa kabilangan (kantidad) tungo sa kaurian (kalidad)---tungo sa paglitaw  ng mga bagong uri ng kabuhayan at bayong ayos ng katwiran at kalayaan.

Sigwa't kidlat ng diwang napiit, ngayo'y nakaigpaw

 DANTE  EVANGELIO

[22 Enero 1987    Sumpa o dasal?]

 Sa kabuuan ng pag-uugnay ng diwa at kapaligiran, ng kamalayan at pangyayari, matatanto ang katotohanan.

Butil-butil na pawis at luhang dumadaloy
    ang bumubuhos na "demokratikong tsunaming" tinukoy ni Ka Crispin Beltran nang ipabilanggo siya ng "reyna ng kadiliman"

 ANGELITO  GUTIERREZ

[22 Enero  1987      Dasal o sumpa?]

Ang lahat ng bagay ay nagkakatawan sa taong nagsisikap maunawaan ito at ng taong gumagawa.

Payo mo'y mas mabuting magsindi ng kandila sa halip na isumpa
                        ang nakapanghihilakbot na dilim--
Itanong natin sa naksubsob na bangkay sa sinusong lupa

 RODRIGO  GRAMPAN

[22 Enero  1987       Dasal at sumpa kapwa?]

Ang lahat ng bagay ay siyang nagsasalin ng nakalipas sa panig ng kasalukuyan.

Mungkahi mo'y magparaya, patawarin ang nagbubulag-bulagan '
                           o nabubulagan--mga sundalong sinuhulan o binayaran--
Itanong natin kina Alice Omengan Claver  at Rafael Markus Bangit--
                Sinikap nilang ilawan ang landas ng mga naliligaw....


BERNABE  LAQUINDANUM

[22 Enero  1987    Sumpa muna bago dasal?]

Samakatwid, lahat ng bagay ay nag-aari ng kamalayan sa buong balangkas at kalamnan nito.

Panukala mong humagilap ng batong kiskisan upang
                makalikha ng titis na siyang magpapaliyab sa parang...

SONNY  BOY  PEREZ

[22 Enero  1987   Kailan pa ang pananagutan?  ang hustisya?]

Hanggang ngayon, walang pang tunay na paghahati ng lupaing binuwisan ng dugo ng mga magsasaka sa Hacienda....

Mula ngayon, ang lahat ng kaisipang hindi saksi sa kamalayan ng radikal na kabalintunaan ng lahat ng umiiral na porma ng buhay ay isang kaisipang sahol at mapanlinlang.  Sa harap ng mga kontradiksiyon, tumututol ang kaisipan sa ngalan ng katotohanan.

Itanong natin sa mga nasawi kung anong titis  anong kislap
    ang inagaw sa paghagilap ng katarungan
                    apoy sa lambong ng bayang biyaya'y  lagim


ROBERTO  YUMUL

[22 Enero  1987  Kailan pa?]

Negasyon o pagtutol ay siyang pinakasaligang kategorya ng diyalektika.

Sinong ipagdarasal sa tanglaw ng kandilang naupos ang mitsa?

Mungkahi ni Ricardo Ramos na mas mabuting isumpa ang mga kriminal
            sa halip na magsindi ng ilandaang kandila sa harap ng altar

Payo ni Eden Marcellana na mas mabuting isumpa
    ang kabuktutang naghahari
                 at ipukol ang batong kiskisan sa mga salarin
    upang mahuli ang nakasisilaw na ngiti nina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan,
             titis na inihagis sa pangil ng kadiliman--

Oo, mabuting magsindi ng kandila at isumpa ang kadiliman

Sa gayo'y maaaninaw natin ang galit sa sumabog na matang nakamulagat
    ng mga nasawi sa Mendiola--apoy na tutupok sa isinumpang kabuktutan.

Abot-tanaw na
            tumatagos sa karimlan ang hirit-ganti

Unti-unting abot-tanaw na natin
                            ng liwanag ng sumabog na utak
    at dugong dumanak sa larangan ng digmaan
           
        sa Mendiola,  sa bawat ika-22 ng mga Enerong walang salang darating....

ULIKBA & AT IBA PANG TULA

$
0
0
ULIKBA AT IBA PANG BAGONG TULA
ni E. SAN JUAN, Jr.

MGA  NILALAMAN

PAUNANG SALITA

1  Parabula ng Pakikibaka
2  Bukas, May-Nilad!
3  Baguhin Mo ang Iyong Buhay
4  Montage: Tatlong Kuha ng Baguio City
5  Biyernes ng Hapon Sa Oktubre
6  Punta Spartivento
7  Uyaying Naghahanap ng Makabagong Kantor
8  Balikbayang Sinta
9  Itaga Sa sa Bato
10  Problema na ng Makata sa Panahon ng Terorismo
11  Simulakrang Abot Abot-Tanaw
12  Sa Hardin ng Villa Serbelloni, Bellagio, Italya
13  Ipaubaya sa Ulikba
14  Hintay, Sandali Lamang, Birheng Walang Awa
15  Harana sa Isang Kasama, Hinahamon ang Tadhana
16  Biyaya ng Tagapagligtas
17  Sandaling Pahinga’t Pagninilay Pagkatapos ng Pakikipagtalik
18   Pahiwatig ng Armadong  Paraluman
19  Mitsa ng Parikalang Umuklos sa Bituka
20  Pagbaybay sa Transisyonal na Landas ng Pagbabago
21  Naligaw na Dahong Lagas
22  Umbay Patungong Tagumpay
23  Dalit Sa sa Pagdiriwang Bago Sumapit ang Huling Pagtutuos
24  Tag-Ssibol sa Nederland
25  Pumapagaspas  ang Patalastas
26  Bago Tumirik, Umirap Muna at Biruin ang Tadhana
27  Sutrang Kayumanggi
28  Lunggati: Palaisipan sa Ilalim ng Layag
29  Kung Sakaling Hindi Na na Tayo Magkitang Muli
30  Kahimanawari
31  Pasalubong sa Babaylan, Mula sa Balangiga, Samar
32  Singaw ng mga Nilangong Hulagway
33  Pakiramdaman
34  Kailangan Lamang, Idugtong at Pagkabitin
35 Engkuwentro sa Pinagtapunan ng Bayani
36 Lindol sa Iloilo, Visayas (6 Pebrero 2012)
37 Liwaliw sa Ilog ng Loboc, Bohol
38 Pagninilay sa Hardin ng Bahay ni Isis, Quezon City
39 Pagsukat sa Trayektorya ng Panagimpan
35  40  Mahal, Magpakailanman

TUNGKOL SA AWTOR
 PAUNANG  SALITA

     Sa ating minanang daigdig, bawat gawa o likha ay kolaborasyon ng samot-saring tauhan, lakas, at daloy ng kalikasan at kasaysayan. Ang interaksiyon ng mga ito ay diyalektikal. Bagama’t inihagis tayo ng tadhana na walang tiyak na dahilan, nasa atin ang pagyari ng tugon sa "Bakit?"  Sa gayon, pangahasan nating baguhin ang kahapon, hubugin ang kinabukasang higit na malaya't makatarungan para sa lahat. Isang hamon ito, hindi tukso. Makapagpapasiya tayo. Hindi lamang pag-iingat o pagsasaalang-alang, ayon kay Kierkegaard, kundi damayan o pakikipagkapwa-tao, mungkahi ng mga pilosopong sina Epicurus at Zeno; at mula kay Spinoza at Lao-tzu, ligaya at tuwa sa bawat sandali ng buhay sa lupa, sa pakikipagtunggali at pagtutulungan.
    Kasangkot dito sa masalimuot na pakikipagsapalaran ang ilang mga kasama't kadaupang-palad. Salamat sa tulong nina Delia Aguilar, Sarah Raymundo, Lulu Torres Reyes, Joseph Lim, Roger at Fe Mangahas, Judy Taguiwalo, Esther Pacheco, Karina Bolasco, R.C. Asa, Delfin Tolentino Jr., Charlie Veric, Tomas Talledo, Bobby Tuazon, Roland Tolentino, Danny Arao, Reynaldo Bautista, at Luis Gorgonio. Sa kanila ang birtud at galing ng naisakatuparan, sa akin ang limitasyon at kakulangan. Nais kong kilalanin dito ang kagandahang-loob at talino ni Propesor Cristina Pantoja-Hidalgo, dating direktor ng UST Publishing House, sa karangalang paglalathala ng librong ito.
      Sa mga patnugot ng mga publikasyon na unang naglabas ng ilang mga tula rito, kabilang na ang Ani, Liwayway, San Ag (University of San Agustin), Sun-Star (Baguio), GMA Online, at iba pa, taos-pusong pasasalamat. Sa lahat, biyaya ng mga bathalang namamatnubay––mabuhay at isulong ang pakikibaka!

--E. SAN JUAN, Jr.
Storrs, Connecticut, USA/Diliman, Quezon City, Philippine

PARABULA NG PAKIKIBAKA




Sa buntot ng barikada nagtago tayo't tayo’t kumalas...
Maalikabok sa lansangang tinahak at tinalunton—
(Sariwa pa ang gunita ko hanggang ngayon)

Sino'ng Sino’ng humahabol sa atin?

Nakadikit ang kaluluwa't kaluluwa’t laman, kinulapulan ng pulbura
   pawis at usok ng Molotov molotov cocktail   dura   tear gas...
Walang tubig sa bato walang awa ang isinumpang lugar
    na ito---walang pakialam o panghihimasok...

Ahas na gumagapang sa bitak...
May bukal kaya sa singit ng mga bato?
Lagaslas ng bukal  huni ng ibon  sa sangang  nakalupaypay

Sino'ng Sino’ng sumusunod sa atin?   Dinig mo ba ang yabag?

Nagtatakbo tayo palayo sa panganib, palayo sa kilabot
Umurong sa madlang humugos sa Plaza, umatras
    ngunit lumingon sa magkabila, nag-alanganin...

Di ba ikaw at ako lamang ang tumakas, walang iba pa,
    ngunit sino 'yang ‘yang humahangos sa tabi mo?

Anong hayup hayop ang gumagapang sa bitak?
Hindi patak ng ulan o kaluskos ng bayawak sa muhon
Hindi lagaslas ng batis o awit ng talahib na sinusuklay ng
    mabiyayang daliri ng hangin...

Tumiwalag tayo sa hanay ng barikada, akala nati'ynati’y
    walang susubaybay  hahagilap  tutugis
Dito'y walang tinig ng pagsaklolo kundi taghoy ng kuliglig
Walang daing o iyak o panangis

Walang tubig sa biyak ng pader o batis sa nakabukang  burol

Nang tumingala ako'y ako’y nasulyapan ko ang dulo ng landas...
Sa tabi ng muhon naghihintay ang aninong may putikang
pandong--

Anong hayup hayop ang lumukso sa bitak?

Nabulabog ang mga uwak sa gilid ng parang
Walang tubig doon sa walang kibong alambreng bakod...
Walang imik o ungol sa likod ng natuyo't nabuwal na mga
    punong-kahoypunongkahoy...

Walang kamay na mag-aabot ng kapirasong tinapay.

Sinong naglalakad ang umaantabay sa atin?
May saplot sa mukha, nakabalatkayo, bitbit ang putikang  pandong--
Di ko batid kung babae o lalaki, binalaki, katutubo, dayuhan—

Lagaslas ng ulan  agos ng ilog  alingawngaw ng alon sa
    dalampasigan—

Sino 'yang ‘yang naglalakad nagkakandatisod sa kabilang tabi mo?
Sinong kasama natin ang tumakbo't tumakbo’t tumakas din upang
    tayo'y matagpuan dito, mabaho’t limahid
                        ngunit kaakbay at kabalikat?

Nagmamadaling araw na noon (natatandaan ko pa) nang
    tayo'y lumuhod at humalik sa tigang na lupa
        nagpapasalamat
            na umabot din—ay naku!
                tila himala, sa awa ng armadong Birhen –
                            sa napagkasunduang tipanan.

###

BUKAS, MAY-NILAD!

“By the rivers of Babylon, there we sat down, yea, we wept when we remembered Zion….”—
--PSALM 137


Mula kay Ka Alegria, pasalubong ang cancion ng sosyalistang pakikibaka
sa Venezuela, kalugod-lugod na balitang ipinaabot mo bilang balik-bayanbalikbayan--
Bagama’t sinagkaan  hinarang, patuloy ang agos ng Revolucion Bolivariano
sa lupang binusabos ng imperyalistang dayuhan  unti-unting bumabangon….

Sana’y magtagumpay ang mga makatarungan

Habang dito sa Babilonya kami’y nakadukwang sa ilog, naghihintay
tumatangis sa paggunita ng lupang tinubuan—kailan tutubusin?
Paano namin isasatinig ang awit ng Panginoon sa bayang ipinagtapunan?
Paano magdudulot ng tuwa sa pangungulila nang tangayin ng estranghero?

Panalangin nating magtagumpay ang mga makatarungan

Nakaupo sa pampang ng ilog Babilonya,  lumuluha    tumataghoy
tangay ng agos   kimkim ang alaala ng naiwang tahanan…  bumabalik
Sa panaginip ang lupang sinakop  bansang nagkawatak-watak
di mapahinahon ang kaluluwa ng katawang hiniwa ng paghihiwalay….

Sikapin nating ipagtagumpay ang makatarungan

Mula sa gilid ng ilog   nakagulapay   umiiyak kung magugunita ka
O lupang binihag!  Yaong mga dumukot at gumahasa sa amin,
humihingi—ay naku--
Pilit kaming pinapakanta    subalit paano, Ka Alegria,  di ko maubos maisip,
Paano aawitin ang cancion ng manunubos sa bayan ng mambubusabos?

Oo, walang salang magtatagumpay ang mga makatarungan!

BAGUHIN MO ANG IYONG BUHAY

“Masdan ninyo ang mga ibon....”

Bago magpantay ang paa
     lumikas ka mula sa lugar ng engkuwentrong
         pinaghaluan ng balat at tinalupan
Walang tanglaw sa pakikipagtipan
     ayaw tumawad sa sugal ng maskarang mapagpanggap

Kinalawang na ang puso
    nilagok ang apdong hinugot sa kung saang tadyang

Gumulong ang tadhanang palabiro, humihimok
Kawing-kawing ang himutok
Mula sa kumuno’y pabulaos—

Busabos ng palad, bakit mo tinitiis? Kailangan, kailangan  ang paghuhunos

Namamalahibo, isingkaw mo ang nakaumang na pangil, isingkaw

At huwag sumuko sa kabuktutan

Walang tiyak na katubusan kaya itakwil ang larong mapanlinlang
       ng mandarayang kaulayaw

Masahol pa sa lambutsingan ng hayop at malansang isda

Iligtas mo ang puso sa tukso ng Aprodayteng iniluwa ng dagat-bula—

Ano’t maghuhunos-dili o mag-aatubili?

Oo, baguhin natin ang lahat

sa mapagpalayang pagbubuklod

    at pagbabalikwas—

MONTAGE:  TATLONG  KUHA  NG  BAGUIO CITY


I.

Umuulan noon   lumulundong ungol ng tulirong panahon
sa lungsod Lungsod ng Baguio isang hapon ng Agosto 1986…

Nanuot sa buto ang walang hunos-diling lamig
tumalab sa bawat nagsalabid na himaymay, lumalagos….

Nirambolan ako ng ligalig, Sinta,
ngunit ugong lang ng humihingal na yapos
usok lang ng naupos na halik
sapagkat wala ka sa piling ko…

Ulang umigting    ulang tumimo sa butong binabalot ng kutob
   ulang umaasar sa kirot at hiwa ng pagsisisi….

Hikbing nagpahibik--nasaan ako?

Pumapayagpag hanggang napalaot
sa bulubunduking tahanan ng mga anito
      sumusuray-suray, lulan ang inimbak na gunita--
       kanino ilalaan?

Naligaw sa nagkabuhol-buhol na lansangan ng kabihasnang plastik,
dating teritoryo ng mga Igorot
na sinakop ng imperyalismong mabagsik,
doon hinagilap kita,
Paraluman ng manlalayag,
    sa gubat ng ulan na unti-unting tumalunton ng landas…

Sandaling nakalimot sa sarili, natulak-nakabig ako
sa isang maulap na tuktok, kung saan
        biglang natambad ang tagibang tore ng katedral….

Nakakatulalang Nakatutulalang bangungot?  Diyata?!
Sige, kurutin mo ang pisngi ko, Sinta,
upang bumalik sa kadluan
ng hilakbot at rahuyong pinagmulan.

II.

Umuulan noon  walang awang bagsak ng  bumubugsong tubig
sa lungsod Lungsod ng Baguio isang hapon ng Agosto 1986….

Pinakawalan ng mapagbirong kalikasan
     ang rumagasang buhos, barumbadong saliw ng hanging nagngingitngit--

Kinakaligkig na balahibo ng kaluluwa ang umungol, naghanap sa iyo,
    Mahal….

Ulang gumiyagis sa taong naligaw
sa nagluksang lansangang inaspalto ng pighati'tpighati’t
   inambus na panaginip….

Sa gilid ng iyong natikom na labi namilaylay ang ilanlibong dalamhati
na humati sa 'ting ‘ting dalawa
lubog sa lagim ng walang pananagutan….

Umuukilkil sa ulirat hanggang ngayon
       ang natagpuang biktimang nakalupasay sa Session Road,
katawang isinuka ng duguang matris
   ng lipunang haliparot….

Sige, ulang masungit, ulang nanunukso ng patawad
hinuhugasan ang isinumpang luad
na bumaklas sa maluhong hibo ng uri ng petiburgis
upang ipaghiganti si Macliing Dulag…

Pinaliguan ang katawan ko ng ulang mabagsik, Mahal,
habang tinatalunton ang liku-likong landas sa bundok Bundok Mirador,

pilit na nilulunok ang pait ng pagtitiis at asim ng pagkabigo,
    upang doon salubungin ang timbulan ng ating pag-asa--
Ay naku, makatang sampay-bakod, konting timpi…
Isingkaw sa sikmurang hungkag

ang pagbubulay-bulay ng budhing nabuwal sa putikang pusali,
nangangalap ng mumo
sa pinagmulan….

III.

Umuulan noon… ulang nagkulapol ng ulap at bulang pumulandit
         sa lungsod Lungsod ng Baguio
      isang hapon ng Agostong kay panglaw….

Ginimbal ng walang-hiyang kulog ang panaginip ng mga Igorot
at pulot-gata ng mga nagkalimatikang bagong- kasal--
binulabog ng kidlat
ang kapayapaang tumining sandali, nagluwal ng duwende at paru-paro,
pagkabuwal ng diktaduryang Marcos-USA….

Alimpuyo ng buntong-hininga sa panahong sakmal ng pangamba, makulimlim,
saplot ng agiw at anino
ang guniguning nakalimutang humalakhak….

Wala ka sa piling ko, Sinta, kaya naligaw sa pagsugod sa maburak na tanawin
habang binabayo ng ulan
        ang katawang dati'y hinimas mo't mo’t hinaplos….

Inaalimpungatan ba ako?

Saang bubong
makikisilong ang ulilang nilalang?
Sino ang  mapapagkakatiwalaan
sa nagsangandaang napasukan?

Nakadipang kaluluwang dinapuan ng takot, Mahal,
      sa liblib na sulok ng
    Burnham Park nasumpungan kita,
    diwatang walang pangalan,
nilambungan ng ulang humahaplit

Paralumang naghuhudyat ng direksiyon,

wala akong kamanyang maisusuob sa iyong altar

kundi pangakong matutuklasan ang kahulugan at katuturan ng aking buhay

sa bitak ng iyong talampakan--

ang landas patungo sa hamog at halimuyak, sa silahis

     at luwalhati ng pagbabagong-buhay

doon sa mga gulod ng pinong pinapatnubayan ng mga anito,

        kung saan masisilip sa pagitan ng ulan at ulap

ang ngiti ng mga Igorotang tumatawid sa tarundon ng terasa

malayo sa lungsod Lungsod ng Baguio,

kasiping ng mga bituin.


BIYERNES NG HAPON SA OKTUBRE



Sa hapong taglagas may sugat na umaantak
Sa lamat ng mga kalsadang aspalto sa lungsod na dating pastulan ng mga
katutubong Indyang Pequot.


Anong kabulaanan ang itinatago ng mga kortina sa durungawan?
Hindi alam ng mga kalapati kung anong kulay ng pag-asa.


Naupos na sigarilyo’y ibinurol ko sa tabi ng Tulay ng mga Palaka
Habang patungo ang prusisyon ng trapik sa Foxboro Casino
na pag-aari ng Indyang Pequot.


Kung bakit sumingit sa isip ang Abu Sayyaf?
Sa takipsilim ng taglagas sinisilip sa gunita ang kutob at kilabot
bago tayo naglakbay patungong Amerika.




(Oktubre 1, 2005, Willimantic, Connecticut, USA)


PUNTA SPARTIVENTO

“In the naked and outcast, seek love there.” –William Blake


Kamusmusa’y pinaglahuan, Mahal ko
Hinubdang kariktan ng lawa, bundok, at ulap na maaliwalas--
Bakit     malulungkot?

Sa kabilang ibayo nagliliyab ang mga bulaklak, pula, dilaw, asul, o kulay luntian

Ngunit ang nakaraan ay sumisingit sa ganda’t aliwalas ng kalikasan
Bumibiyak sa pinagbuklod na puso’t humahati sa pinagtipan
Nagugunita ang pinakasasabikan
“Ininis sa hukay ng dusa’t pighati”
Alaala ng kinabukasan—
anong balighong simbuyo ang naibulalas ng dumaragsang hangin?

Sa dalampasigan ng lawa dito rito sa Punta Spartivento
kung saan naghihiwalay ang hangin—sa kaliwa o sa kanan--
Tila walang pagpapasiya, itinutulak sa kaliwa o kinakabig sa kanan
Pinaghahati ng tadhana o kapalaran?

O itinitulak itinutulak ng pagkamuhi, kinakabig ng pagmimithi?

Anong uring ibon doon sa kabilang pampang—pumapaimbulog, pumapailanlang?

Tila kuko ng mandaragit ang humahagupit ngayon
Nagsisikip ang dibdib, balisa sa pagkabigo, pinagtiim ang bagang

Buhay ma’y abuting magkalagot-lagutlagot—walang kailangan….
Doon ang pag-ibig sa mga hinagupit ng walang-katarungang orden,
doon sa mga dukha’t ibinukod ng kabuktutan.

Agaw-dilim sa Punta Spartivento, humahati’t bumibiyak sa agos ng panahon at
     karanasan

Sa pangungulila, kumikintal sa gunita ang mga mandirigmang sumakabilang
     buhay

Di matatarok ang lalim ng pag-ibig sa tinubuang lupa
Patuloy ang paglalakbay sa kabila ng hanggahang humahati’t naghihiwalay sa atin

Mahal ko, namimilaylay sa iyong labi ang damdaming biyaya ng nahubdang
     kamalayan

Nakintal sa dalumat, sa pagitan ng panganib at dahas, ang kailangan at di-
    kailangan
Ang walang halaga at may halaga, pinaghahati’t pinaghihiwalay…

Pinagpala ang mga kaibigang namundok at nag-alay ng kanilang buhay
Pinagpala ang mga walang pag-aaring nagdusa’t nagdurusa para sa kinabukasan
Pinagpala ang mga bayaning naghiwalay at humati, nagbukod at nagbiyak

Magtatagpo ang lahat sa Punta Spartivento ng pakikipagtuos


UYAYING  NAGHAHANAP NG MAKABAGONG  KANTOR



Tulog na, bunsong sinta, sayang lang ang luha mo
Ang ina mo’y malayo’t sumugod na sa dilim
Hanap mo’y dating tamis  sinisipsip  hinihigop

Meme na, bungangang humihikbi’t nakanganga
Kundi’y isisilid ka sa gusit  kapalit mo’y salapi
Di naman masundo’t nanupol daw ng sampaga

Tulog na, dilang uhaw, ina mo’y naligaw tila
Saan nakahain ang dibdib  susong nakalantad
May putik sa pisngi may balaho sa sinapupunan

Meme na, labing tigang, nilalang na nilinlang
Isisilid ka sa bumbong kapalit mo’y bagoong
Dalamhati’y ingawa  ina mo’y napariwara

Tulog na, ngiping bungi, sumisingasing sa silong
Kakilakilabot na hayop  alagang bumangis
Sa pakikihamok  ina mo’y hinuli’t hinuthot

Meme na, bunsong uhugin, malaki ang sisidlan
Lawit ang tumbong  pasang-krus  ibulong sa hangin
Sandok nakasuksok  palayok nakataob

Gising na, bunsong madungis, humabi ng bagong uyayi
Manupol ng pulbura’t isabog sa marangyang alta
Gusi’t bumbong ay bawiin kamusmusa’y isuka


Taas noo’t kabakahin ngitngit-sungit ng panahon

BALIKBAYANG  SINTA

I.
Lumipad ka na patungong Roma at London
Balisang nakalingon sa ulap lulan ng naglaboy na panaginip
Lubog sa alaala ng kinabukasang unti-unting nalulunod
Lumipad ka na patungong Riyadh at Qatar
Sa pagkamulat kukurap-kurap  sa pagtulog puso'y nagsisikip
Binabagabag ng sumpang naligaw sa salawahang paglalakbay
Lumipad ka na patungong Toronto at New York
Tinutugis ang biyayang mailap nabulusok sa patibong ng banyaga
Sa ulilang pugad anong maamong pag-asa ang nabulabog
Lumipad ka na patungong Chicago at San Francisco
Kumakaway ka pa tiwalang may katuparang babati ng “"Mabuhay! ”"
Alinlangang luha'y naglambitin sa bahag-haribahaghari ng bawat  yapos
Lumipad ka na patungong Hong Kong at Tokyo
“"Di kita malilimot”"--pumaimbulog ang tukso ng nabitiwang paalam
Nabakling pakpak  usok sa bagwis   inalagwang talulot ng bituing nasunog
Lumipad ka na patungong Sydney at Taipeh
Ay naku, anong panganib ng gayumang sa pangarap nagkupkop
Ibon kang nagpumiglas  alay mo'y mo’y talim ng paglayang nilalangit
Lumipad ka, O sintang mahal, ngunit saang kandungan ka lalapag?
Bumabalik sa dalampasigang hulog ng iyong hinasang pagtitiis
Aking kaluluwang hiniwa't hiniwa’t ikinalat sa bawat sulok ng daigdig.


II.

Huli na raw ang lahat.  Huli na, umalis na ang tren lulan ang gunita'tgunita’t
pangarap.
Huli na, lumipas na ang kamusmusan ng balikbayang naglagalag.

Huli na, naiwan na tayo ng eruplanong eroplanong patungong Tokyo at Los Angeles.
Huli na, nakaraan na ang oras ng kagampan at pagsisiyam.

Tumulak na, malayo na ang bapor patungong Hong Kong at Singapore.
Nagbabakasakaling aabot pa ang kable--Sayang, di biro, nakapanghihinayang.

Huli ka na sa pangakong pinutakti ng agam-agam at pag-uulik-ulik.
Huli na, nahulog na ang araw.  Itikom ang labi, itiim ang bagang.

Kahuluga'y naanod-lumubog sa dagat Dagat Sargasso ng pagpapakumbaba't pagpapakumbaba’t pagtitiis--
Pahabol ay di na magbubuhol—  Tapos na ang pagsisisi't pagsisisi’t pagpapatawad.

Walang taga-ligtas ang lalapag sa tarmak mula sa lobo ng iyong pangarap.
Huli na nga, nakaraos na ang kasukdulan, di na maisasauli ang naibigay.

Sinong manlalakbay ang magkakaila upang mahuli ang katotohanan?
Mailap pa sa mabangis na hayop na nasukol, bumabalandra sa rehas---

Mailap pa sa hibong ibong (?) nagpupumiglas—
    Saan ka nanggaling? Saan pupunta?

Paos, hapo, dayukdok, gasgas ang siko't siko’t tuhod, gumagapang mula sa guwang--

Maghulihan tayo ng loob, Estranghera, hinihintay ang ligayang walang
kahulilip.

ITAGA  SA  BATO



Naghiwalay tayo noong Disyembre 1991 sa kanto ng Blumentritt at Avenida Rizal.
Ka Felix Razon, natatandaan mo ba?

        Bungkalin mo ang kalansay sa apog at lumot ng gunita
upang masapol ang katotohanang taliwas sa kabuktutang naghahari.
Inilantad mo ang kabulukan at pagtataksil ng gobyerno't gobyerno’t militar
sampu ng pagpuputa ng mga premyadong artista't intelektuwal

kaya hindi nakapagtataka, hinuli ka't ka’t ikinulong, binugbog, ginutumginutom
sa bartolina, kinoryente ang bayag, parusang makaabo'tmakaabo’t-dili--
Diyos ng awa, sinong makapagbubulag-bulagan sa krimeng nangyayari
araw-araw sa bilanggong pulitikal? Sinong testigo ang magpapatunay?—

dahil (bintang nila) ikaw raw ay komunista.

        Umaambong takip-silim
nang tayo'y maghiwalay, patungo ka na sa asilo ng Utrecht, Holland….

Samantala sa Isabela at Davao, timog at hilaga ng kapuluan, patuloy
ang paghihimagsik ng masa, ang “"di-kagila-gilalas na pakikipagsapalaran”"
ng karaniwang mamamayan, katuwang ang mga kapatid sa Bagong Hukbong Bayan….

Ilang taon na ang nakapamagitan sa atin….

Makulit ka pa rin, sinusurot ang lahat ng kasuklam-suklam na kamyerdahan
Ngunit kaagapay ng iyong paglipat, napansin ko sa mga sulat mo
may bahid ng pagkainis, pagkasuya, pagtatampo, hinakdal--totoo ba ito?
sapagkat (wika mo) nakalimutan na ang sakripisyong naihandog mo sa bayan….

Yumao ka na, Ka Felix, naglagalag sa gubat ng mga lungsod, kaulayaw ang
mga ulilang lansangan at malungkot na katedral at palasyo sa Europa, habang
sa Nepal, Venezuela, Bolivia, Palestina at iba pang bansa unti-unting sinasakop
ng mga komunista


--mabalasik at matalisik—
    ang mga kuta ng imperyalismo
kaya kahit na walang makaalala sa iyong paglilingkod sa kilusan, di kailangan,
ipagbubunyi ang iyong katapangan at katapatan, kahit bawal ito at mapanganib….

Ka Felix Razon, saan ka man naroroon, dinggin mo ang pahimakas kong ito:

Alimuom at trapik ng nagsalikop na kalsada sa Blumentritt at Dimasalang
ang sumaksi sa ating huling pagniniig, at itong katagang hinugot sa alabok
ang magsisilbing memoryal sa iyong puntod o saan mang larangan ng pakikibaka,
nawa'y nawa’y maging mabalasik at matalisik

ang talinghagang naikintal ko rito—

pintig at pitlag ng panambitan,

        nagpupuyos sa angil ng tagulaylay.

PROBLEMA NG MAKATA SA PANAHON NG TERORISMO




Nangungulila              Tila luho’t karangyaan

Habang patuloy ang kabuktutan  kasamaan
Terorismo ng Estadong neokolonyal     Dahas ng militar at pulis

Patuloy ang pandurukot   pagpaslang
Ilan libong biktima ng Oplan Bantay Laya—di na mabilang

Kamakailan, 57 na ang (?) biktima ng masaker sa Maguindanao

Pinagbabaril ang mga mukha’t katawan
Nilapastangan pa ang maselang bahagi ng mga babaeng pinatay

Wala na bang hiya    Wala na bang dignidad ang Pilipino?

Karumal-dumal     Kahindik-hindik

Pagkatapos ng Auschwitz   Buchenwald   Intramuros
Barbaridad ng mga pasistang Aleman at Hapones
Sampu ng mga namatay sa Hiroshima at Nagasaki

Payo ni Theodore Adorno, pantas sa sining at pilosopiya,
Wala na’ng kabuluhan ang sining at tula—
Ang tutula pa, talagang tulala!

Ngunit lahat ba’y sakop na ng politika ng oportunismo’t dahas ng Estado?
Ng gahasa’t pangungulimbat?

Kasama,  pwede ba’ng lumihis sa linyadong programa?

Pwede ba’ng ipakawalan ang isang buntong-hiningabuntonghininga
Pagtutol sa kabuktutang umiiral?

__________

Habang pinakikiramdaman ang ngiti sa matang pumilantik
Hinagka’t sumimsim
Saglit lamang

Luwalhating kay tamis  sumisirit  namumuro
Saglit lang

Nanuot sa bawat himaymay  lubos   labis
Saglit lang

Nangalisag  sa bangis ng kalmot at kagat
Saglit lamang

Sagad-sagad   sumisidhing  labis  lubos  namumuro
Saglit lang

Umabot sa kasukdulang putok ng nasa sa laman
Lumbay ng paalam sa pagkaalam

Minsan lamang ang salagimsim

Kaluluwa’y nagkabuhol-buhol sa braso’t binti
Sa lalamunan anong hapdi’t pait

Kusang-loob na pagtatalik    mula sa paraisong
Bagamat walang kamataya’y   tinalikdan

Saglit lamang

Ay naku, muling hagkan

Apoy ng halik   walang taros  walang awa   kung saan-saan

Walang katapusan

SIMULAKRANG   ABOT-TANAW


Kawiiliwili ang silid na ito, hantungan ng iyong paglalakbay.

Halina’t maupo dito rito sa harap ng punong pino sa may durungawan.


Di nasaling ng nagmamadaling takbo ng daigdig ang pusong namamahinga.

Halika’t magnilay tayo sa panahong dumadaloy, magmuni-muni sa karanasan     at pangyayaring
         umaatikabong humahabol sa daluyong ng trapik sa labas.


Sa silangan, may umuusad at lumalagitik na aninong di ko mahulo….

Sa kanluran, may anasan ng umiihip na hanging di ko alam kung saan galing….


Walang daan sa harap…
     Iyon ay mga bakas lamang ng aking paa.


Nakahuhumaling humimpil sa silid na ito, di ba?
Ngunit

Kung nais mong magpatuloy, sige, huwag magpaabot ng dilim-- hayo na!

Ang hakbang mo ang lilikha ng landas—

       landas na hinihiwa ng tutubi

         at sinusukat ng pakpak ng paruparo.

SA HARDIN NG VILLA SERBELLONI, BELLAGIO, ITALYA

Sandaling matining ang kristal na tubig sa lawa, kapagkuwa’y
nagsising-sing at umaalimbukay
Di mo pansin ang lagaslas ng hanging pumupukaw
sa mga bulaklak ng tinataluntong landas   pababa
sa gumuhong kutang nakaumang sa ating pakikibaka

Curva pericolosa   Rimanere sul sentiero

Sa gitna ng luho’t yamang naipon sa mga mariwasang palasyo nina Duke Serbelloni
     at iba pang mga “ibong mandaragit”
Huwag ka raw lumihis    lumiko    lumukso-lukso,
banyagang lumuluha kahit walang mata

Sandaling matining, kapagkuwa’y umaalong maharot—nagbabago sa kisap-mata!

Huwag lumipat o magbago, dayuhang lumalakad kahit walang paa—mapanganib daw

Lawang tahimik, mahinahon, salaming matining
ngunit sa muling paglingon umaalimbukay--
ngunit di mo alintana habang umaakyat ka
         upang maabot ang yelo’t ulap sa bagwis ng himpapawid

Sa hardin ng rosas sa grotto nakaluklok ang ispiritu espiritu ng mga Romanong sundalo’t
 alipin ni Pliny, historyador—
Abo ni Pliny ang naging pataba sa lupa
kasiping ng mga buto ng mga piratang anino’y gumagala tuwing dapit-hapongdapithapong
     maalinsangan
                  Curva pericolosa  Rimanere sul sentiero

Biglang sumulpot sa gunam-gunam si Victor Olayvar, aktibistang pinaslang ng
     militar sa Bohol ilang libong milya ang layo sa Bellagio, Italya….

Manlalakbay mula sa islang dinilig ng dugo ng mga bayani, mag-ingat ka raw
    at huwag lumihis sa nakagawiang daan ng talisuyong inaruga’t kinupkop ng
     mabiyayang
kalikasang malamyos ang yapos ngayon, kapagkuwa’y maharot
Nag-uulik-ulik
Tatawid sa pagitan ng mga daang nagkrus at nagsalit-salit
Nagdidili-dili
Lumipat sa kabilang daang nagkawing-kawing, nagsing-singnagsingsing
Nagmumuni-muni
Nakatutok sa diyalektika ng pagtakwil o pagtalima

Talipandas na kinalinga’t inandukha ng mga taga-gubat, tiwalag sa dahas ng
     rehimeng komprador sa Pilipinas  kakutsaba ng imperyalistang Yangki

Sa baluktot na panahong puspos ng krimen at kabuktutan ng mga naghaharing-uri
Kailangang lumihis sa baluktot na daan
Kailangang humawan, gumawa,     lumikha ng bagong landas doon sa sukal at yagit
     ng gubat
Harapin ang nakaumang na panganib
Umiwas   sa nakaugaliang pagpapabaya, pagpapaubaya
                                    Curva pericolos
Iwan, talikdan, itakwil ang bulag na pagsunod sa tradisyon ng mga nang-aalipin at     nagpapaalipin
Lundag           Lukso          Lipat                   Baguhin               Ibahin

Mangahas itayo ang bagong hagdan sa pagitan ng langit at lupa
Mangahas ilatag ang tulay mula sa duguang lupa ng mga Villa
tungo sa pinakamimithing dulo’t hangganan
       ng ating pinagbuklod-buklod
na pagkikipagsapalaran laban sa nagmana sa kapangyarihan ng
 mga Pliny at Serbelloni—
Sandaling matining ang kristal na tubig sa lawa, ngunit maya-maya’y
    sumusulpot, bumubulwak,
 umaalimbukay—iuumang  ang ‘yong buhay?

Curva pericolosa

Sa bawat sandali, nagbababala, sa ‘sang kisap-matakisapmata—
Saan mo itututok  saang daan at direksiyon mo
 iuumang ang ‘yong buhay?

[Bellagio, Italya, Setyembre 2006]

IPAUBAYA  SA  ULIKBA

Nag-uulik-ulik pa sa larong paghuli sa Adarna
Habang dinuro ng udyok ng balahibong gayuma
Hibong pumukaw sa ubod-usbong ng kaluluwa

Tumakas ang sutlang bagwis, umaalimbukay

Ulilang lumipad sa kasukdulang aliw ng ulirat
Tumakas at nagkubli sa ulbong hinabi’t
Hinubog sa pugad ng duguang matris ng guniguni—

Sa ugnayang magdamag, umaalingawngaw ang pakpak

Kung saan umuukilkil ang uha ng sanggol
Tuksong umugit sa panimdim at umulos sa budhi
Ulinigin ang pagaspas ng sutlang bagwis, umaarangkada--

Habang nagtatalik ang buwan at araw sa nagluksang balat-kayobalatkayo—

Nabulabog sa hibong ugong ng uyaying tukso
Ungol ungal ng inang nabuntis sa pag-uulik-ulik
Karamay magdamag, naghunos sa ulbong kinamulatan—

Sino’ng huhuli sa libog ng diwang pumaimbulog?

Usigin ang hiwagang lulan ng gumiring takipsilim--
Urong-uod sa dahas ng utak ang makatang ulol
Nasilo ng gayumang umigkas sa duguang taring

Hulog ang kaliskis ng hayop panaginip ang umaga.

HINTAY,  SANDALI LAMANG,  BIRHENG WALANG AWA


Nakabibighaning dilag, pwede ba?

Habang nakasalampak sa bakod ng sangandaang di malusutan
Naritong hampas-lupanghampaslupang nabalaho’t
sinibasib ng matinding pagnanais
Anong sungit ng langit, napakamaramot….

Nakatutuksong dilag, talang unti-unting naglalaho:
Sabik na sabik na akong mapakiramdaman ang bugso ng dugong mailap--
Bakit nagmamadali?
   Unawain sana, pwede ba, walang awang dilag
Itong sugalerong napasabak sa laro
       ng diyablong pitang gumigiyagis sa ulirat.

Saan mahahagilap ang matimtimang dilag?
     Hintay, kahit isang sulyap lamang---

Sa pilantik ng iyong mata nagsalubong, sa aking panimdim,
Ang katawang naluray at guniguning alumpihit,
       di maramot sa awa…
Sinusubukang makilatis ang kariktan
    ng nimpang nalusaw sa panaginip--
Hintay sandali!
        Anong kakintalang dagling naglaho’t tumimo sa diwa?

Mataimtim ang pagnanasa, O birheng kay bangis--
isusuka ko ang asim at pait
Ng ilanlibong pagsisisi at panibugho

          upang sa muling balasa, kahit malas,
Makapiling ka, lumilikas
     sa nakabibighaning pilantik at halik

         ng mga ahas sa iyong buhok...

HARANA SA ISANG KASAMA, HINAHAMON ANG TADHANA

Pambihira ka

Matatag matingkad mabagsik ang luntiang apoy sa iyong mga mata
Habang dumarampi ang hamog ng umaga
Sa iyong pisnging hinog sa pangarap ng dinukot at ibinilanggong kinabukasan—

Nagliliyab ang iyong tapang, nakapapaso ang dingas ng iyong determinasyon—

Nabighani sa alindog ng iyong dangal habang lugmok sa panaginip
Nangahas ang kaluluwang lumantad madarang, nahimok ng kung anong bagwis
Ng tukso sa bulong ng iyong labi’t galaw, tuloy naligaw sa paglalakbay—

Walang sindak mong binalangkas ang ordeng mapanganib at binungkal ang landas
Namumukod sa madla, buntalang motor/dynamo ng bukang-liwayway….

Kahit sumabog ang pulbura sa mundong binagtas ng iyong budhi, wala kang takot
Hawak ang sulo ng katarungan, sumusugod ka--
Siklab ng huling paghuhukom, O armadong anghel—

Bumabangon sa iyong bisig at kamao ang mga biktima ng imperyalismo
Upang bawat nilalang ay magkaroon ng pambihirang katangian tulad mo—
Upang maging pangkaraniwan ang iyong pambihirang giting at kariktan—

O Paraluman ng pag-asa’t pagnanais, sisikapin kong ipagbunyi ang dahas ng iyong
kabayanihan
Ang binhing inihasik ng talim ng iyong pagpapasiya

Bagama’t baliw akong nakasubsob sa hiwaga ng guniguning masalimuot,
       pinagtatalik ang nitroglycerine ng pagnanasa  at titis ng tadhana--

Walang makapipigil sa iyo, matatag at mabagsik, luntiang apoy ng himagsik
     kayumanggi
humahagibis ang katawan mong lumalagablab
yakap ang bulalakaw ng pagkakapantay-pantay
    at yapos ng sanghaya
     ng pambansang kasarinlan.

BIYAYA  NG  TAGAPAGLIGTAS


1.

Unti-unti   umaambon  dumagit ang naglambiting
ulap sa panimdim
Patak-patak  napigtal ang pangakong nahulog sa matris ng lupa
Naligaw ang umaasong tala sa takip-silim ng pangarap
Dahan-dahan  ang pakpak ng guni-guni’yguniguni’y lumilim
humimlay sa iyong bisig


Bumalisbis  dumaluyong  ang babaeng kagila-gilalas—
Sumasaiyo  sumasaatin ang kanyang pusong umiigkas—
Umaapaw ang ligayang biyaya ng tagapagligtas—

2.

Umuulan  nang ikaw’y ika’y (?) umalis,  nakisilong sa mutyang  humarap sa panganib
Umaapaw ang batis,  lumalagos sa pader ng tadhanang walang mukha
Nagpasiya ka,  bulong mo’y dasal na tumalab sa kilabot at hilahil
Unti-unti   humupa ang antak ng pagsusumamo,  kamao’y bumuka’t bumigay


Bumalisbis  dumaluyong  ang babaeng kagila-gilalas—
Sumasaiyo  sumasaatin ang kanyang pusong umiigkas—
Umaapaw ang ligayang biyaya ng tagapagligtas—


3.

Dahan-dahang  tumikom ang labing bumigkas ng pagbati sa nagtanang
     panaginip
Tigil na ang pangungulila--  Sa wakas ng sigwa, gumigising ang bangkay sa
     ating  pagdamay
Tigil na ang pagtitiis--


Dumulog sa lambing at bagsik hugot sa katawang inialay
Kumanlong sa gunita ang kaluluwang bumabangon, nakaumang ang dibdib sa
     pagsubok ng umaga.


Bumalisbis  dumaluyong  ang babaeng kagila-gilalas—
Sumasaiyo  sumasaatin ang kanyang pusong umiigkas—
Umaapaw ang ligayang biyaya ng tagapagligtas—

SANDALING PAHINGA’T PAGNINILAY PAGKATAPOS NG PAKIKIPAGTALIK

Gayunpaman.
Batid nating may nangyaring di maiwas-iwasan.
Sumisikip   sinisikil.
Dahas ng teroristang Estado’t imperyalistang mandarambong.
Di sukat    walang kailangan.
Walang awa   nawawala.
Bakit?
Galing sa magkabilang dulo: engkuwentro ng lakbay-bayan.
Gabriela.
Kontradiksiyong walang kalutasan.
Isang butas.
Pag-aatubili’y nabunyag.
Sinusukat ng ilang nangungurakot ang panahon ng mga anak-dalitang binusabos.
Panahong dinanas  labis sa kasaysayan.
Sapagkat.
Lumulutang sa tubig ng matris ng ina.
Pwedeng mangyari ang di inaasahan.
Flor Contemplacion.
Subalit.
Umapaw kahit di pa takda.
Sa hilagang Afghanistan ilandaang bangkay ang natagpuan sa Dasht-I-Leili.
Datapwat.
Upang matuklasan ang katotohanan.
Tumatagos sa komoditi-petisismo / commodity-fetishism.
Di kailangan.
Huwag makisangkot  o makiramay  baka daw raw mapahamak.
Bibinyagan pa rin ba.
Ngunit kung walang panganib.
Salud Algabre.
Dinukot ng  militar sina----.
Muntik nang.
Naligaw sa gubat ng Albanya  sa pagitan ng AFP/PNP  at Abu Sayaff Sayyaf sa
Basilan.
Walang saklolo.
Bakit.
Nanggigipuspos  pumipiglas.
Samantalang lumulutang sa mala-hiningang lawa    mangangailangan.
Kung di ngayon  kailan pa.
Iniluluwal   naiilang.
Maria Lorena.
Sukat nang pagliripin.
Upang makahulagpos.
Nakadilat.

PAHIWATIG   NG  ARMADONG  PARALUMAN



Mahal,
Nagliliyab ang lansangan ng Islang Puting Bato nang ikaw’y  ika’y (?)  lumisan
Sa iyong balintataw  nagtalik ang liwanag at dilim
Nagtipan ang luha’t ngiti sa hanggahan ng pangako’t alaala
Saang likong landas tayo naghiwalay, nakipagsapalaran?

Pumalaot ka sa lagim ng lungsod, napigtal sa diwa’t nakintal sa dibdib
Patnubay ang masang kumalinga, sabik sa paglaya’y naglakbay

Bagwis sa budhi’y pumailanlang  sa madugong larangan
Sa gilid ng bangin  naglamay, sa gubat ng gunita naghintay
sa tukso ng  mapagkandiling bituin….


Sa bawat pintig ng iyong kaluluwa, sa bawat himaymay
Nagpupumiglas ang sinag ng kinabukasan—
Luningning ng pag-asa, halimuyak at alindog ng panaginip
ng armadong diwatang  kusang   naghandog, kumalas, nagligtas—


Mahal,
Nilambungan ng usok at apoy ang gayuma ng iyong pilik-matapilikmata
Humagip ang bagwis ng guniguning lumipad   lumapag
Lumusong ka’t tinahak ang tulay sa nilunggating ligaya
Sa dusa’t aliw ng busabos, binalangkas mo ang hiwaga ng darating.

Saang dulo ng landas kaya tayo magtatagpo, abot-tanaw?
Binaybay mo ang ilog, dumaramay sa udyok ng mapagpaubayang
batis  sa lambak

Sa takipsilim gumapang ang sugatang katawan sa dalampasigan
Sinasalubong ang luwalhating biyaya, agos ng bukang-liwayway.


Sa bawat pintig ng iyong kaluluwa, sa bawat himaymay
Nagpupumiglas ang sinag ng kinabukasan—
Luningning ng pag-asa, halimuyak at alindog ng panaginip ng armadong
diwatang kusang naghandog, kumalas, nagligtas—

MITSA NG PARIKALANG UMUKLOS  SA BITUKA



Nakaupo ka sa silong  ng kawayan, kumakalabit sa gitara,
awit mo’y nanaginip kang ikaw ay isang paruparo

sumasalimbay sa hangin hanggang—saglit lang—namangha
di mawari kung ikaw ay paruparong nanaginip ng dalagang umaawit….

Walang galaw, ang puso ko’y nakadapo sa buhok mo’t di mapigtal….

Bakit kailangan ko pang managinip na ako’y paruparo o paraluman?
Bakit maghahangad pa ng ibang kapalit sa katiwasayang dinaranas?

Palagay ko’y walang nakamasid sa iyong anyong hinagkan ng karimlan
maliban sa buwang tumatanglaw mula sa sanga ng kawayan….

Sa gabing tag-lagastaglagas, ako’y naglamay upang masulyapan ka muli….
Nanunubok sa ilalim ng bituing nakasalabid sa dahon ng kawayan.

Sa hungkag na burol, lumagpak ang kung anong bungang sukdulang hinog--

Gising ba o nagtutulog-tulugan? Hiblang lumipad? o lagas na talulot?

Nakakubli, sandaling tumigil, nakatitig sa anino ng mundong naglalaho….

Paruparo ka ba o guni-guniguniguni? Pumupungas-pungas, nangangalumata—

Inaku!  mistulang bingi, pipi, bulag itong kaluluwang namalikmata

Nakaupo sa lilim ng balag,
      kinakapa ang gitarang nalikha sa kawalan.

PAGBAYBAY SA TRANSISYONAL NA LANDAS NG PAGBABAGO

“Walang rebelyong nasayang, bawat isa’y hakbang tungo sa kalayaan….”
--Salud Algabre, lider ng mga Sakdalista



Napakapanganib ng tulay na ito, delikadong nakabitin sa hangin, nakakatakot--
Sana’y may iba pang daan sa kaliwang matatawid palayo sa kilabot ng gubat at    
disyerto …
Kung bumigay ito, tiyak na malulunod ako, ikaw rin; ngunit kung wala ito
Walang dudang nabaon na tayo’t natodas sa dahas ng rumaragasang ilog.

Nakaraos din, sa malao’t madali, ngunit kung makuhang magbalik-tanaw
Napagnilay ko kung gaano kalalim ng tubig at anong hirap ang napakatarik na    
hagdan paakyat;
Pagal, nais ko sanang mayroon tayong matibay na tulay, sariling atin, upang
Sinumang manlalakbay ay makatawid nang matiwasay, walang kutob ng pangamba.

Sa palagay ko, kung nais natin ng isang maaasaha’t matipunong tulay
Dapat tayo na mismo ang magpasiyang kumuha ng karapat-dapat na materyales at     tuluyang  baguhin ang luma’t minanang tulay--
Mangahas maglambitin tayo sa banging mapanganib tulad ng mga manggagawang     yumayari ng matatayog at kapakipakinabang na gusali--

Mga bayaning makalupa, pulang mandirigma, pinilit ng pangangailangan,
Tayo’y natirang buhay, taglay ang karanasan, kalooba’t determinasyong ingatan
At pangalagaan ang trapik sa bisa ng katwirang malikhain, ng rebolusyonaryong    
pagtitiwala sa  isa’t isa, sampu ng pakikipagtulungan sa Nagkakaisang Hanay--
Siyang tanging paraang nalalabi upang lahat tayo’y makatawid sa kaliwa at lubos na
makalaya!

NALIGAW NA DAHONG LAGAS


Wangis babala mula sa langit ang naibulalas—
“suwail dahil kami’y nagkaroon ng pagmamahal sa            
puri”

Umaarangkadang alipato ng utak ang dumampi
sa pisnging napukaw sa pagkaluhod….

  Bulong ba ito ng guniguning nagayuma sa pagbunyag ng                     katotohanan?

  Gumising sa pagkagupiling ang mga pinasuso ni Sisa o            
        Salome
sa gubat—“paraparang inianak na walang tanikala….”

   Inandukha’t inaruga sa hiwaga ng panaginip
        ng suwail na hayop—

   Nagpupumiglas sa hawla ng kasaysayan ang budhing    
  inatasang
    huwag “ipaalipin sa iba ang marangal at malayang pag-   
iisip”—

  Wangis pagaspas ng bagwis ang salitang hinugot sa bituka    
ng kaluluwang naglakbay sa London mula Kalamba—

Ngayo’y alipatong pumaimbulog mula sa Bagumbayang
kinabuwalan, babala’y alingawngaw ng putok….

        Tumahimik ang namagitang utak habang nabulabog na             
        titik
ang humirit sa santuwaryong nahubaran ng saplot,

    humihirit pa rin….

  Umaatikabong tinig ng armadong anghel sa Silangan        
ang nagbubunyag sa mga bagong binyag ng Malolos
ng kaligtasang kanilang inangkin at inaruga sa bisa
ng natuklasang katutubong tapang,
  alindog,
       dunong

-

UMBAY    PATUNGONG    TAGUMPAY


            1.
Unti-unti  lumilim  ang naglambiting  araw sa panimdim
Umaasong  pangako’y nahulog sa matris ng lupa
Naligaw ang tala sa takip-silimsilim ng pangarap
Apoy ng guni-guni’y humimlay sa iyong bisig

Dumaluyong  ang mutyang  kagila-gilalas—
Sumasaiyo ang pusong umiigkas—
Umaapaw ang  kapalarang tagapagligtas—

            2.
Nangahas kang humarap sa panganib,
Sumabog ang pag-asang  lumagos sa pader
Utak mo’y tumalab sa hapdi ng pangungulila
Humupa ang kirot,  kamao’y bumuka’t bumigay

Dumagsa  ang sintang kagila-gilalas—
Sumasaatin ang pusong umiigkas—
Umaapaw ang tadhanang tagapagligtas—

           
            3.
Tumikom ang labing bumati  sa nagtanang panaginip
Tigil na ang luha--  Gumising ang bangkay sa ating pagdamay
Tigil na ang lumbay--  Dumulog sa kaluluwang bumabangon
Nakaumang ang dibdib sa pagsubok ng umaga

Dumagit  ang diwatang kagila-gilalas—
Sumasalahat ang pusong umiigkas—
Umaapaw ang masang tagapagligtas—

DALIT  SA  PAGDIRIWANG BAGO SUMAPIT ANG HULING PAGTUTUOS

“Ito’y umiiral sapagkat, kasanib ng pagsalungat sa sarili, taglay nito ang kanyang pagkasugpo.”
-            ---F. Hegel


Sabi mo’y nabuhay ka sa panahong limot na sina Dorong Asedillo at Kulas    
Encalledo.
            Di na bale….

Kahit turing sa iyo’y lawit-dilang patay-gutom, sampay-bakod, sinikap mong
    pagbutihin ang gawaing iniatas at itinagubilin.
Paano nga maiaayos ang buto-buto sa mundong tagilid? 
                             Suliraning masalimuot.

Sa gabi ng ating pagniniig, bakit nakatalukbong sa kulandong ng isip?
Di mo naman ipinagbili ang mga buto ng yumaong magulang….
Di bawal ang mangarap habang sumisingasing sa paligid ang baril at balila.

Kumakatok sa pinto ang kamao ng unos, nagbabanta….

Inihasik ng diktadurya ang sindak—dukot, tortyur, masaker, pati Abu Sayyaf—
Pinag-usig at pinuksa ang mga makabayang mamamayan.

Nilapastagan ng mga patutot ng oligarko ang sinumang tumutol—
Putris.
     pati Birhen siguro’y gagahasahin kung kailangan, kahit hindi….

Sangkatutak na litanya ng bantay-salakay, mga kriminal na nakabalatkayong
    mga pulitiko, mayor, gobernador, heneral, pulis….

Batid kong nagsikap, naghirap, natuto’t nagturo ka, sa panahong itinakda para sa
     iyo.
Alam ko ring nagtikang baguhin ang ordeng bulok—

Nagpuputok ang budhi kung makikitang tiklop-tuhod ang madla sa imbing
    kapangyarihan ng burokrata’t maylupa.

Hayan, umuungol ang bagyo sa bubungan at kumakalampag sa rehas ng
     bintana.


Oras na. 

Namuo sa kilay ng katipang nilisan ang alimuom ng pagkabalisa’t alaala.

Nalulusaw na ang duguang sapot na iniladlad ng kuwago ni Minerba kagabi.

Unti-unting sumusungaw ang liwanag sa tabing ng nakababagot na singaw ng
     pulburang  sumabog sa pilbaks at Molotob molotov kakteylcocktail.

Di iyon kabag o utot ng kaluluwang naglamay sa putahan ng Makati’t
     Malakanyang.

Ayos nang na’ng (?) buto-buto….

Sa malas, ‘padre, bagama’t walang nakakilala sa iyo, suwerte ka’t ligtas ka
    sa kumunoy at kakungan nina Imelda, Gloria, at--bakit sumagi sa isip?—
   
                      ang seksing Gina Lolobrigida!

Samantala, ipagdiwang natin ang dakilang halimbawa nina Macario Sakay,    

        Salud Algabre, Cherith Dayrit, at Kemberley Jul Luna.

Darating din,  Oo, tiyak ko—

Darating din ang hamog ng tag-araw bagama’t tila walang patid

                            ang paghahari ng dahas….

TAG-SSIBOL SA NEDERLAND
 

Mula sa bubong ng simbahang Christus Triumfator   sumungaw ang araw at sa Pax    
    Christi  sumikat  ang balintataw ng hatol:
“"Guilty ang rehimeng U.S.-Arroyo”--deklara ng Permanent People's People’s Tribunal—
Mainit na ang hipo ng amihan sa iyong pisngi, Karolina....
Nagtatangka nang bumuka ang buko ng mga bulaklak  sa pintuan ng Hotel Van Der
Valk de Bijhorst
Subalit sina Ka Beltran at ilandaang kasama sa buong kapuluan ay  nakabilanggo pa         rin
Patuloy pa rin ang pamamaslang at pambubusabos

Patuloy pa rin, sa kabila ng pagtutol, ang paglaganap ng dilim
Dito sa maaliwalas na lansangan ng Den Haag, walang dagundong ng motorsiklo,   
walang mga taong naka-bonet
Walang baril na nakaumang sa pagitan ng mga hita ng daffodil
     Ngunit bakit hindi panatag ang loob mo, Karolina?
Tumatagos sa buhok mo ang silahis, tumatalab sa pilat ng sugat sa ulo mong    
    inupakan  at  binasbasan ng teroristang Estado
Habang pinapakiramdaman ang gumigising at gumagapang na risoma ng tulip
sa matris ng lupa
Unti-unting bumabangon mula sa panaginip       unti-unting bumubuka
At sa banaag ng pagdamay    masilayan ang iyong ngiti—
Binabaklas ang tanikala ng bukang-liwayway ng iyong mga labi--
                                    Panahon na ng Christus Triumfator: bayang lumalaban!      

    [Amsterdam-Den Haag, Nederland, 3/26/2007]

PUMAPAGASPAS ANG PATALASTAS

Binatuta’t binugbog  tumili’t humiyaw
Nahihimbing lahat sa nayon bagama’t didib mo’y inaalat
Ngunit hinala’y ilusyon lamang ang hibik, ingay ng kung anong hayuphayop—

Sa gitna ng ilog, patuloy na (?) sumasagwan ang mangingisda, umaawit

Kinutya  tinuligsa  hinubaran  inaglahi
Sa talahib sumikwat ang metalikong sandata’t aparato
Ngunit sa butas ng selda anong bulong at anas ang lumulusot

Sa gilid ng lambak, walang tigil ang hampas ng mga sulong tumatawid

Pinupukaw ng daing at taghoy ang budhing taksil sa gunita—
Habang sa kamalig sumilip ang ugit ng duguang araro
Ngunit nasaan ang nangunyapit na kaluluwang isinumpang baog?

Sa dalampasigan lumutang ang tamod,  iniluwang alak at alabok

Pagkatapos ng putukan, dumukwang at tumanaw ang nagising—
Sinong nakarinig ng sigaw ng “saklolo!”?  Sino?
Ngunit patianod sa trapik ang uod ng poot, ngitngit ng bulating umuusod….

Sa liwasan, iniligpit na ang lantang bulaklak at tulyapis

Natagpuan ang bangkay sa gilid ng pampang, walang ibang tanda
Nakapagitan sa mga saksing umahon sa pusod ng gubat
Ngunit di mapaghulo ang gilas ng angil ng alamid

Sa bulaos  tumalimuwang ang mga uwak sa alimbukay ng alipato

Bumalatay ang kilabot at nagbudbod ng apog sa pisngi’t labi
Walang kibo ang nagmalasakit, walang imik ang nagdalamhati
Habang masinop ang sinag ng buwang gumuguhit sa mukha ng nasawi

Sa gulod, nakintal ang samyo ng pulbura,
                          alingasaw ng pagngingitngit.

BAGO TUMIRIK, UMIRAP MUNA AT BIRUIN ANG TADHANA



Putris!  Tila kurot sa singit ang babala ng kamatayan
Mula sa lingid na libis gumapang ang ulupong
Labas tumbong, mangkukulam na sabik makipag-ugnayan

Naaninaw ang kalapating humapon sa kaliwang balikat
Umikot ka’t umakit na maglamay sa burol ng bangungot

Bagama’t namimitak na sa silangan at nalusaw na ang ligamgam
Nakubabaw ng walang puksang pagtutol
Walang suob sa lilim ng kilay, umuugod-ugod sa pagnanais

Mailap ang diwang suwail at walang hinayang--
Kinakalampag pa rin ang bolang kristal sa harap ng militar

Siniil at nasukol sa sabik na pagliko, sumalungat
Sinikap lumihis sa nakagawiang landas, tumakas
Sumayod sa pusod ng kukong binunot sa leeg

Walang bantas  badya  badhang naaninag
Kinakalampag pa rin ng naghihingalong kasapakat ng tadhana

Kinuyom hanggang naibulalas ang pinakasasabikan
Sinagilahan ng libog sa lumagaslas na yapak ng diwatang lumipol
Sumagsag, bumaluktot  upang buklatin

Nakubabaw, namiyapis, walang tugot bagama’t nakalupasay--
Walang sayang, walang kailangan, kinakailangan

Harang!  laway at surot sa bulbol ang gantimpala ng birhen ng tadhana.

SUTRANG   KAYUMANGGI



Akala mo’y nasa tabi mo pa ako, namalaging lumpo  walang imik o kibo
Bagama‘t alam mo’ng lahat ay nagbabago, nag-iiba, sa daloy ng pangyayari—
walang tigil, kinakabahan--kung di pa nayari, Mahal, yariin mo na!

Laging nagnanais, nagnanasa, akala mo’y udyok ng katawan, ngunit pag-aari mo    
ba
ang mga bisig na iyan, mukha, suso, vulva, pigi—kanino ba  iyan?

Halika sa loob ng kulambo, ibulong mo, kumukutob ang     tiwalang nawawala.

Sa likod nati’y hindi makulay na salamin sa bintana kundi bukas     na dungawan—
Sapat ba ang isip sa diwa upang malagom ang karanasang     walang hanggan?

Saang pitak ng laman ilalagak ang sandaling ito na unti-unting lumilipas?

Iniakma mong tanggihan (ngunit tanggap sa loob), di mahulo ang tiyak na    
hugis,
anyo, hubog—hungkag lahat, walang laman—paano     maihahayag o makikilala

ang damdamin mo kahit di mo man ipagkaila? kung di pa  nayari, mangyayari    
iyan.

Mahirap bigyan ng salita o larawan, ituro mo na lamang  at sa bigkas ng labi mo
nabibigyan-kahulugan ang pumamapanaw  di mo man mahipo o masalat--

dagling naglalaho—kay bilis, lumilihis—sumpang bunga ng   pagluwal at pag-iral.

Lumabas ka sa kulambong masukal, Mahal, di maatim na   walang kagampan
at, di biro, walang kaganapan sa buhay ng bawat nilikha, ng bawat nilalang

kaya sikaping lasapin ang aliw ng sandali, salubungin habang naglalaho,    
pumaparam….


Ngunit, sawimpalad, ito’y ilusyon lamang, malikmatang nakasusulukasok,
sapot sa matang dilat sa panganoring nakapaligid, nalilibiran ng   samyo’t ganda

ng kalikasan--  Halina doon sa lilim ng balete kung saan sumumpa,

talastas mong walang hiwaga, walang wika ang may bisang   magbunyag o
     magpakita,
sa gayo’y ituro mo na lang ang landas—teka, hintay, sinong    
pumapalakpak?

Ipahalata mo lamang kung saan ang lusot, ipahiwatig kung saang lagusan

masusumpungan ang pagkatao mong hubad—doon kusang magaganap ang tipan
kahit walang kagampan, may ngiti ka namang iniingatan sa likod ng tuwa’t    
lumbay--

Sayang ba, Mahal? kinukutuban—kahit di pa hinog, sunggaban mo na!

Magkasaliwang kilos paikot ang umuugnay sa awit ng gabi at ngiti
ng madaling-araw, kasaliw ang tunog ng ulilang palad na pumapalakpak sa
     dilim:

Tahimik. Walang imik. Mayuming lumalapag ang mga talulot. 

                         Liwanag humahalik.

LUNGGATI: PALAISIPAN SA ILALIM NG LAYAG


Nagulumihanan sa ilang ang dayuhan
Sa gilid ng balintataw   pumalaot ang umugit
Kahit ginigipit ng kilabot  tumitingala

Humugos sa dibdib ang tagulaylay ng lunggati

Nangulimlim sa anino ng manlalakbay
Sa bingit ng pilik-mata gumapang ang kutob
Lumutang ang bula ng pagmimithi

Naghihingalong bulalakaw sa gilid ng balintataw

Nagulantang sa ilang  sumungaw   sumisid
Ang dumayong lunggati  tumindi’t pumanaw
Nagipit sa dulo ng angklang natimbuwang

Tumirik ang tala sa lungga ng dalampasigan

Pumailanlang mula sa banging humati sa laman
Humupa’t namilaylay sa bingit ng pananabik
Gumapang ang kilabot sa kariktang di matarok

Humugos ang taghoy ng guniguning pumalaot

KUNG SAKALING HINDI NA TAYO MAGKITA MULI

                     

Tila matandang tugtugin na ito, Kasama, maski na wala akong lamparang
    pagsisidlan upang makalusot sa guwardiya,
      di bale,  pakibigay sana ito….

Sabi nila’y kung saan marapa, doon bumangon,   sige    pagbigyan--
    ngunit kung ikaw’y ika’y (?) pinatid, dinukot, binugbog,
              pinaluwa ang bituka, ginahasa, tinadtad ang laman?

Walang kailangan—

Kaluluwa ko’y katawang bahagi’t sangkap ng buong kalikasan, lamang
         ito’y may kasaysaysang hinugot
                      mula sa tunggalian ng mga uri at lakas…

Ngunit bukas?         Kasama, walang  maliw ang kalikasan….

Dinggin mo’ng amihang humahaplos sa bawat pisngi ng dahon at bunga
                                             ng mga  halamang alaga ng gerilya  doon sa libis—

Masdan ang agos ng ulan sa bubong at sa daang bumibigay tuwing takip-silimsilim—

Pakiramdaman ang mga ibo’t hayup hayop sa tabi ng ilog
      nakatingala sa buwan at sa bituing kumikislap
    (Oo, di maitatago,
          umaalingasaw ang bangkay na nakabayubay sa gilid ng hukay…)

Gayunpaman, magkita tayo doon roon sa tabi ng talong lumalasgas lumalagaslas (?) sa pusod ng gubat
         at dumadaloy  sa lilim ng  lumulutang na ulap
     sa balikat ng bundok….
Walang maliw ang kalikasan, bumibigay….

Sa bawat paalam, may handog na pagbating hitik ng kontradiksiyong
    kalangkap  ng bawat karanasan sa buhay:
                              iyo’y tadhana, kapalaran—

Sige lang, di ko na uulitin, sa iba’t ibang anyo’t mukha, magkikita muli tayo,
           
              sa bawat pagkakataong may bumabaklas
                                   at bumabalikwas
Naroon din ang humahalik at yumayapos—

Salamat, Kasama, hanggang sa muli, pakisuyo,  ingat—

                       walang maliw ang kalikasan,
                           
                                       bumibigay….

KAHIMANAWARI

                       

Laging tiklop-tuhod noon, hayup hayop na nagdarasal
Sa bawat bigwas at bawat hagupit, bumubulong-bulong

Tigil na, Inday, abutin  mo ang brasong it!

Hanggang kailan balewala—hanggang di pa tumatalab?
Sa palengke lahat ay nabibili’t ipinagbibili—
Di lang talampakan ng katawan kundi pati singit ng kaluluwa….

Dura ng galit ang sukli, ngipin sa ngipin
Habang nakaduro ang alambreng dekoryente sa suso mo—
Tumalab na ba ang talim ng poot at pagkamuhi?

Abutin mo, Inday, ang armas na ito!

Nakalatay sa laman ang basbas ng pulbura’t tingga…
Bakit pa luluhod at gagapang sa nagpawalang-halaga?
Nakasalang sa sumusugbang bunganga ng baril—

Sunggaban mo, Inday, ang sandata ng masang nakaalay!

PASALUBONG SA BABAYLAN,  MULA SA BALANGIGA, SAMAR
               

Sa dako pa roon, lumukso sa dingding ng bakuran
                mula sa pader ng bilibid   tumalon
    upang masilo ang layag at mga bituwing nakasalabit sa kadena
                ng takip-silimsilim---

Tigil muna, militanteng Musa,
sumilong tayo sa lilim ng umiinog na aranya ng gabi….

Pagmasdan ang aninong nagsasayaw sa paligid ng baliti—sinong babaylan
ang nagpugad doon?   Pumipiglas sa nagbiting ugat
        ang kaluluwang tumakas,  binusabos ng banyagang sumakop….

Bodhisattvang umandukha, anong patawad ng kalikasan?

May paniking pumapagpag sa daang masalimuot, pinupukaw ang ulirat
         hanggang  umalpas at humagip ang bagwis ng guniguni--

Sa bintana, mga daliring tumutulay sa bakurang sagwil, sa tinaluntong
     pader….
Sa sulok ng pinto, mga matang nagmamasid sa manlalakbay na walang balat-
    kayo.

Ikaw ba’y isang ulol, aninong alipin, alibughang pumalaot na walang
     destinasyon?

Sa pinagkayariang tipanan may himalang bumukal, pumuslit sa lusak,
    hagkis ang panatang bumalikwas
sa gabing humugos sa dalampasigan at sumagadsad--

Bumabangon sa salimbay ng bagwis ang mangkukulam sa utak
habang tumitingkad ang hugis ng aninong nagsasayaw, tumitiim sa                 dalumat--
         paniking naglagalag sa tanglaw ng mga bituing nagkabuhol-buhol,
                nalagas    bumitiw    nahulog
  dumapo sa leeg ng babaylan….

Bodhisattvang umandukha, walang patawad ang kasaysayan.

At namaybay ikaw sa daang-bakal ng maraming taon habang budhi’y
nagpupuyos
        hanggang mahutok ang katawang pikit-mata sa kandong ng lupa—

Umalapaap ang panginorin….   

Pagkatapos ng engkuwentro,
 nabuksan din ang landas  at sa tagpuang agaw-dilim agaw-liwanag,
 hintay, militanteng Mutya--
               ikintal ang kaluluwang nagumon sa panaginip
sa talampakan ng babaylang armado’t naglalamay.

SINGAW NG MGA NILANGONG HULAGWAY



Alimpuyo ng buntong-hininga sa Oktubre ng iyong kaluluwa

Bulang tila kislap ng diyamante sa gilid ng matang tumitirik
     lumalagos   dumadaloy
              sa pagitan ng hiblang rehas ng iyong buhok

Uhaw ng pagnanais sa labi ng guho sa natagpuang lungsod sa gitna ng disyerto

Hipo ng liwanag

Silahis na biglang bumuhos sa karimlang saplot ng kilabot

Kislap ng bituin’y nalunod sa buhawing nakahulagpos sa hawla ng iyong dibdib

Sa luksang lansangan ng lungsod na ating nilalakbay
   natagpuan natin ang nakalupasay na biktimang kasangkot sa ating pagtitipan
        mga katawang nilublub
                 sa duguang matris na iniluwal sa panaginip.

Sumisid hanggang sumabog ang dibdib
                 sa pagyapos sa iyong kaluluwa
                            sa kaibuturan ng dagat ng iyong panagimpan.

Sa iyong paa idinampi ang sulyap ng araw sa pagbubukang-liwayway
  
             paang binasbasan ng luha    

                               sa himpapawid

PAKIRAMDAMAN


1.  Kaakibat ng ulilang bahaghari sa panimdim
2.  Hayup Hayop na sumisinghal sa tukso ng bikig sa
     lalamunan
3.  Puta-putaking paglilirip ang nakadakip sa                                               nakabalatkayong salarin
4.  Kumikiliti sa bungo ang buhok na
    nakatalukbong sa     budhi
5.  Iginiit hanggang gilagid ang pagkukunwari
6.  Di ka pa tinudla’y umilag na
7.  Gumapang ang butiki sa alulod ng iyong
     kalululuwa
8.  Pinagbuklod ng alambreng matinik, nagisnan sa
     hukay
9.  Di pa nahipo’y tumitili na
10.  Sa bangin walang tulay na pumailanlang
11.  Sundang ba o karayom ang umulos sa
     panaginip?
12.  Sa usok ng talinghaga,  salat sa balangkas ng
     dalumat, naisakatuparan
13.   Samantala’y ipagpaubaya. nagmumuntik
           na sana

KAILANGAN  LAMANG, IDUGTONG AT  PAGKABITIN


….Di na umasa sa pirasong ass ni Britney Spears “sneaking into the Philippines”
tuluyang sumabak ang katawan sa rali ng GABRIELA
mula Rotunda hanggang Plaza Miranda—

Nasulyapan kita         Walang babala’y   sinagi   pinadaplisan mo lamang….
Ay, titi ng Ama, salbakutang kabuktutan ng rehimeng Arroyo!
Paano maibubuo ang body politic mula sa pira-pirasong lamang
       ikinalat sa buong daigdig?

Samantala, sentensiyado  na si William Corpuz, Pinoy sa California, USA--
nilaslas niya ang lalamunan ng asawa, nilaslas ng nang walang premeditasyon,
di nag-ulik-ulik-- 

Nagprotesta ang mga Pinay, walang pag-aatubili, pati si     Eve Ensler ng “Usaping     Puk….”

Salbakutang seksismo ba ang dahilan? O sitwasyon ng OFW sa buong daigdig?
Nangyari ito sa “land of milk and honey”—

Ay,  titi ng American Idols at Lea Salonga!

Saksi tayo sa krimeng extrajudicial killings, salvaging, terorismo
    ng Estadong neokolonyal  habang ilanlibong U.S.US “Special Forces”
        ay lantad na dumarambong,  walang urong-sulong…

Idugtong at pagkabitin lamang ang deliryo ni Corpuz at habeas corpus--

Nilaslas na ang mga lalamunan nina Shirley Cadapan   Karen Empeno 
    Luisa Posa-Dominado   Jonas Burgos   at ilan daan pang dinukot ng                              rehimeng kriminal--

Ay, titi ng Ama,   di mabilang na biktima ng sistemang bulok, ng ordeng
     malupit--

Sa pagitan ng Rotunda at Plaza Miranda, walang premeditasyong hahagkan    
yayapusin kita
        upang tipunin at pagkabitin ang kaluluwa’t katawang
  hiniwa’t naihiwalay….
Magkapiling tayo, Mahal, panganib/gayuma
          
     ng madugong kontradiksiyong

                                            sumasabog---

ENGKUWENTRO SA PINAGTAPUNAN NG BAYANI


Isang hapong umuwi akong mag-isa, Bella—limot mo na ito--
mula sa Andres Bonifacio Elementary School, napadako ako
sa palengke ng Blumentritt  kung saan nasaksihan ang sakunang nangyari;

di sinasadya’y nasilip sa ilalim ng tren ang duguang bitukang
likaw-likaw ng kung sinong nadisgrasya, di alam kung bakit
sumagupa sa trapik na sinikap nating laging sabayan…..

Ilang taon pagkatapos, minsang pagliko sa nagkrus na daan
ng Dimasalang at Dapitan,  nasulyapan kita at nahihiyang binati….
At sa kung anong dahilan, nagitla ako, Bella,

nang biglang pumitas ka ng pulang bulaklak sa gilid ng kanal
at iniabot sa akin bago tayo muling naghiwalay….
Nakamamangha, kasi’y namagitan na sa atin mula noon

ang likaw-likaw na pangyayaring humiwa’t nagbukod sa katawa’t kaluluwa…
At ngayong hapong sumisilong ako sa ilalim ng riles ng modernong LRT
na humati sa Avenida Rizal at sumaplot sa pusod ng aking kamusmusmusan

di mapilas, di mapigtal sa gunita ang talulot na kasing pula
ng iyong labi, Bella--bahid kaya iyon o damay ng aksidenteng nakasisindak?
Walang tangka, balak o bantang sariwain ang kahapong nakapagtataka,

habang tumatawid sa lansangang tigib ng panganib at pangamba,
kasabay ng dagundong ng gulong na bakal ng tren sa bubungan
nakatingala ako, gulilat, naipit sa pagitan ng kalye Tandang Sora’t Laong-Laan,

di kinukusa’y nasambit ko—sa harap ng rumaragasang trapik sa Blumentritt—
ang pangalan ni Josephine Bracken MacBride, dulce extranjera,
at ang pakikipagsapalaran sa mahiwagang kaharian ng Albanya.

LINDOL  SA ILOILO, VISAYAS   (6 Pebrero 2012)


Habang binibigkas ang ilang taludtod ng “Florante at Laura”
Sa isang panayam sa Miagao,  nagkukrus na pala ang nakinig, nanginginig—
Hawak ang mikropono ngunit sumambulat lahat—
Nabingi sa takot kaya’t di matalunton ng niyanig na diwa…..
Dungawin mo, hirang, ang nananambitan

Sindak sa Ginhulgan!  Putol ang kawad, wasak ang mga kalye’t tulay….
Ligalig sa kontragahum ng kalikasan ang naghiwa-hiwalay….
Ahas ng babayla’y sumungaw sa lupang nabiyak, pusod na nawarat--
Sumbat ba ng pasumalang tadhana ang pumagitan?
Dungawin mo, hirang 
Makitid daw ang lunan natin, laging siksikan, agwat ay patlang lamang;
Gitgitan nga sa bulwagan sa Miagao bago yumanig ang lupa
Samantala, sa pintong nakabuka, nakatambad sa siwang at guwang
Ang bukiring walang bakod, gubat na pastulan, biyaya ng kalikasan….
Dungawin mo, hirang

Nadamay din kung gayon ang kuta’t kuwartel ng mga panginoon--
Gumuho ang pader ng bilangguan, napatid ang tanikala—nakalaya sila
Habang tayo’y bingi sa daing, sa humulagpos na taghoy: “Pakawalan
Ang binusalang bibig, sinugpong damdamin, ginapos na isip—”“

Iluwa, isuka ang nahuling tinig, budhing nabilibid, napiit na tagulaylay--
Bigyan ng puwang ang nasawi’t pinaslang ng makapangyarihan
Bagamat bagting ng kudyapi’y napatid ng mga bumalikwas, bumaliktad--
Sumungaw na Aladin sa gubat na maliyab ngayo’y bumibigkas:

“Dungawin mo’t hirangin ang kumakalas sa nabihag na puso’t kamalayan.” 

LIWALIW  SA ILOG NG LOBOC, BOHOL


Ilang araw pagkatapos lumabas sa “”yungib” ng Camp Crame
Sandaling dumalaw sa ilang bilanggong pulitikalpolitikal, narito tayo ngayon
Sakay sa bangkang may pangakong magdudulot ng galak, lugod, saya—

Mahalinang awit ng ibon, kaakit-akit na bulaklak sa pampang ng ilog
Lulan ng modernong paraw—kargado’y turistang dayuhan at balikbayan—
Upang panoorin ang talon sa dulo ng pumupulupot na ilog… umiikot…

Habang sa gitna ng lakbay, hayun ang daungan— Ay, hindi,
Entablado o plataporma pala, tanghalan ng sayaw at katutubong kariktan—
Hanap-buhay iyon ng mga nakatira sa baranggay katabi ng ilog—

Aliw handog sa mga estrangherong naakit sa unggoy Tarsier,
Tsokolateng bundok, indayog ng mga lipi nina Dagohoy at rebelde sa Jagna.
Kawili-wiling tanawin, ilog na humahagos sa mapating na dagat….

Umaapaw ang tubig mula sa mabatong bundok at gubat, sagitsit ng alon—
Rumaragasang buhos--kay pusok, kay rahas ng daluyong!
Sandaling nalimutan sa pagbaling at pagpihit ng walang layag na paraw

Ang malaking bato sa bunganga ng yungib, bago umahon dito
At iangkla ang iginaod na panaginip ng dayang-dayang sa isla ng Tawi-Tawi—
Paano ililiko ang daluyong upang maitulak ang batong takip
At salubungin ang inabatang taga-ugit ng muling pagkabuhay?

PAGNINILAY SA HARDIN NG BAHAY NI ISIS,  QUEZON CITY


Habang nilalasap ang linamnam ng buko sa pananghalian
Malasin ang ganda ng harding ito, mabango, maaliwalas;
Malayo sa Gethsemane ang groto ng Birhen sa sulok
Binabantayan ng mahinhing anghel, isang bulong ng amihan,

Lingid sa ingay at alibadbaran sa City Hall at telebisyon….
Mula sa bintana’y silip ko ang mayuming nimpang nakaluhod
Sumasalok ng tubig sa sapa—para kaninong uhaw?
Magayumang tagpo ito, walang daing, himutok, o hiyawan…..

Walang alitan. Tahimik. Halimuyak ng banal na kalikasan
Ang malalanghap, walang tayo o kami—atin lahat, walang nagmamay-ari….
Walang etsapuwera, salimpusa, maluwag ang lunan kahit upahan—
Lagos-lagusan, tiwasay, nakasuksok ang tabak ng anghel sa tagiliran.

Ngunit sa dapit-hapon, alingawngaw ng trapik ang sumampa sa bakod--
Nasulyapan ko rin ang ngiti sa labi ng labanderang nagwawalis--
Sa bukana ng tarangkahan, nasagap sa utusan ang balita ng masaker
Sa Mindanao, ginahasang biktima, madugong tunggalian ng uri’t kasarian…..

“Pantayong pananaw,” di kuno, walang pag-iimbot o kasuwapangan
Ang sermon sa Simbahan at Batasan…Lumabas ako’t nagtanong—
Anong asim, pait, askad ang lasa sa dilang dati’y walang kibo?
Nakabuwelo na ang anghel, hugot ang patalim, sa maalisangsangang takipsilim.

PAGSUKAT  SA  TRAYEKTORYA NG PANAGIMPAN

Ngunit bakit ka nangahas na sa akin ay lumiyag
Di mo baga natalastas na ako’y may ibang hanap?
           
                --Awit-Bayan



Dumarating sa gilid ng burol ang dayuhan

Pagkatapos ng dyugdyugan, anong mapapala?
Sinisingil ng mga balo’t ampon ang naglagalag
Bagama’t ambil sa kaniya’y taga-tuklas ng hiwaga,
Walang takot sa kawalan—lahat ay lumilipas…..
Dumarating sa  kurba ng bangin ang banyaga

Habang humihinga, payo ng pantas, asikasuhin
At alagaan ang di-sakop ng bukadurang palpak—
Nakalantad sa sindak ang kaluluwang hubad,
Nabunyag sa kilabot ang katawang nakabalat-kayo.
Dumarating sa bagwis ng layag ang kasamang naligaw

Lahat ay pumapanaw, anong silbi ng awa o habag?
Gayunma’y kanlungin ang sinumang kasiping sa magdamag,
Arugain ang katiwalang narumhan, nagtaksil,
Tinalikuran, taglay ang makasalana’t inandukhang kariktan.

Dumarating sa dulo ng bahaghari ang kadugong nagpautang

Sa karimlang lumambong, dumausdos ang tagulaylay--
Umaantak sa gunita ang kumalingang dibdib
Ginahis ng pangako’t panaginip, ngayo’y nakatimbuwang,
Niyapos ng dayuhang nakilala sa kislap ng bulalakaw.




MAHAL, MAGPAKAILANMAN

            Verweile doch, du bist so schon..   --Goethe, FAUST II

Hintay lang, sandali—

At sa sulok bumulong ang matiisi’t matiyagang kasama:
    “Higit na mabuti
               ang magsindi ng kandila kaysa isumpa ang dilim….”

Ngunit tanglaw ng bulalakaw sa iyong sulyap, kumaladkad sa ‘king katawan
     hanggang sa pampang, hilahod,  yapos ko, Mahal,
        ang lamang sumabog,  lakas ng diwa’t pusong
          uminog sa karnabal
                    ng araw bituwin  buwan ng ating buhay….
Hintay, sandali, anong ganda—

Apoy sa mata mo’y sulong pumatnubay, pinagtalik ang dilim at liwanag
        sa lamang nagnanais,
                nagpupuyos sa bawat himaymay ng gunita--

Sa gabing pusikit, kumikislap ang elektrisidad ng iyong hininga—

Sa kabilang pampang ng ilog doon tayo magtatagpo
           malayo sa barikada, sa puntod ng Alamogordo   Ground Zero   Fukushima—

Bulong ko’y  walang kandilang naghihintay, sumpain nawa ako
               sa pagbati ng iyong sumbat, Mahal –
                     Ay,  “pasensiya na po….”

Hintay, tila may naiwan—
Walang tiis o tiyagang kailangan, ngunit di ko matandaan kung ano….

Kung anumang natuklasang nakalimutan, puwede ba--
Ipaalam lamang, hindi paalam, Mahal ko, kundi
                              padayon!

TUNGKOL SA AWTOR


           Kilalang kritiko at manlilikha sa larangang internasyonal, si E. SAN JUAN, Jr.
ay dating 2009 Fellow ng W.E. B. Du Bois Institute, Harvard University.  Siya’y awtor ng maraming libro, kabilang na ang Balikbayang Sinta: An E. San Juan Reader (Ateneo University Press), Sapagkat Iniibig Kita (University of the Philippines Press), Tinik sa Kaluluwa; Rizal In Our Time (Anvil Publishing), Alay Sa Paglikha ng Bukang-Liwayway (Ateneo University Press), Salud Algabre (University of San Agustin Publishing House), at Balikbayang Mahal:  Passages from Exile, at Sutrang Kayumanggi (LuLu.com).
    Inireprint kamakailan ng U.P.UP Press ang kalipunan ng mga panunuring pampanitikan niya.  na Toward a People’s Literature.  Inilathala ng Lambert Academic Publishing Co., Saarbrucken, Germany, ang kaniyang Critical Interventions: From Joyce and Ibsen to Peirce and Kingston, kasunod ng In the Wake of Terror (Lexington) at US Imperialism and Revolution in the Philippines (Palgrave).
          Naglingkod siya bilang Fulbright professor of American Studies sa Katholieke Universiteit Leuven, Belgium; Fellow,  Center for the Humanities, Wesleyan University; at visiting professor of literature sa National Tsing Hua University, Hsinchu, Taiwan. Kamakailan, siya ay naging Residential Fellow ng Rockefeller Foundation Study & Conference Center sa Bellagio, Italya.  Siya ay Kasalukuyang kasalukuyang director ng Philippines Cultural Studies Center sa Connecticut, USA, at katulong na patnugot ng maraming dyornal tulad ng  Atlantic Studies, Left Curve, Cultural Logic, Kultura Kritika, at iba pa.  Kasapi siya sa National Writers Union, American Civil Liberties Union, Committees of Correspondence for Democracy and Socialism, American Studies Association, Democratic Socialists of America, at Modern Language Association of America. Simula Hunyo 2012, nahirang siyang fellow ng Harry Ransom Center, University of Texas, Austin.

 

WALA & iba pang bagong tula ni E. SAN JUAN, Jr.

$
0
0
   





   
       
WALA
Akda & tula ni E. SAN  JUAN, Jr.






 MGA NILALAMAN

Wala
Ang Baliti sa Bundok
Bugtongang Erotika
Kumpisal
Pasumalang Tadhana
Ang Pasaherong Salamander
Lambat ng Bahag-hari
Dating
Bitag
Niyari
Umang
Tahimik
Binurang Borador
Senyas ng Panahon (1)
Pakana
Bitin
Dekonstruksiyon
Pagbubulay-bulay ni Felix Razon
Linlang
Transkripsiyon ng Testimonyo
Hiwaga
Senyas ng Panahon (2)
Hula
Walang Pamagat na mga Pahayag
Kababalaghan
Balitang Pinoy
Balada ni Harry Stonehill
Patibong
Umaga sa Durungawan
Mga Tatak ng Daliri ni Marwan
Trahedya/Komedyang Moro-Moro sa Mamasapano
Juramentado
Impresyon sa Isang Diktador
Kung Paano Kumain ng Neo-konseptuwalistang Pinakbet
Ang Panulaan ay Isang Mapangwasak na Lakas
Taglagas
Sino ang Kapwa Ko?
Tula
Ultimo Adios Dinistila
Demonstrasyon Para kay Kasamang Stalin
Ni-Ready-made si Marcel Duchamp ng Taga-saling Google
Sa Aking Sarili
Balikbayang Babaylan /Mater Dolorosa Konsumerista
Sa Mga Maninipil na Tadhana
Nasulyapang Karatula
Pag-asa
        Tungkol sa Awtor

WALA


Wala: laot, pagiging malayo

Wala: di-dumating, liban, di-nagtataglay ng anuman, ala
Wala:  kaliwa, kaliwete

Wala:  walang-wala, dahop, naghihirap, paos
Wala: liban, di dumalo, hindi umiiral, hindi taglay, tsero, malayo
Wala: nakawala, naka-alpas, nakatakas

Wala: Nawala, di nakita, naglaho, nawawaglit
Wala: kahirapan, kakulangan, kadahupan, karukhaan

Wala: hindi makita o matagpuan

Wala:  nakatakas, nakatanan, nakaalpas, nakahulagpos, nakakalag

Wala:  naglaho, nawaglit, di-makita, naparam

Walawala:  pagkukunwari na di-pansin, paglilibang sa tumatanaw upang     makatalilis     nang hindi napapansin

Walang-bisa       Walang-habas

    Walang-hanggan      Walanghiya        Walang-humpay

            Walang-muwang    
                        Walang-wala      
                                    Nawala
 ANG BALITI SA BUNDOK
(Halaw mula sa Ivatan)



Lumaki't lumago ang baliti sa bundok

Nang magkasanga'y nauga't di-kusang nabali

Bumagsak nang ako'y sumilong sa ulilang burol

Nakakubling walang kapiling o katulong

Di ko matanaw di ko masilip ang mga barko sa dagat....

Umaantak sa damdamin

                tumatagos sa hapdi

Along umuungol 

                       rumaragasang agos

Umaalimbukay sa dibdib--

                lumubog-lumutang

Dumarating na kay bigat

         Ay  anong saklap  

                Ay kay hapdi
    `                       Oy  walang kasimpait!
 BUGTONGANG EROTIKA



Munting tampipi, puno ng salapi.
Malalim kung bawasan, mababaw kung dagdagan.

Baboy ko sa Marungko, balahibo ay pako.
Baka ko sa palupandan, unga'y nakararating kung saan.

Baston ni Adan, hindi mabilang-bilang.
Tungkod ni Kurdapyo, hindi mahipo-hipo.

Tumakbo si Tarzan, bumuka ang daan.
Buka kung hapon, kung umaga ay lulon.

Isang matinik na tampipi, asim-tamis ang pinagsama
    sa maputing laman niya.
Malayo pa ang sibat, nganga na ang sugat.

Baka ko sa Maynila, abot diyan ang unga.
Bumubuka'y walang bibig, ngumingiti nang tahimik.

Naupo si Itim, sinulot ni Pula; heto na si Puti, bubuga-buga.
Iisa ang pinasukan, tatlo ang nilabasan.

Baboy ko sa Sorsogon, kung di sakya'y di lalamon.
Urong-sulong panay ang lamon, urong-sulong lumalamon.

Sa isang kalabit, may buhay na kapalit.
Pumutok ay di narinig, tumama'y di nakasakit.

Baboy ko sa kaingin, nataba'y walang pagkain.
Habang iyong kinakain, lalo kang gugutumin.




KUMPISAL
 PASUMALANG  TADHANA



Nag-uulik-ulik kung aling huwego
                    ng pagkakataon ang sasalihan....

Urong-sulong kaipala
               ang nabiting pukol ng dais sa entablado....

Nagbabaka-sakaling matakpan
                    ang butas ng hula sa sinapupunan....

Nag-aapuhap pang makahagilap
                    ng suwerteng nag-ulap sa kapalarang malas....

Patsansing-tsansing lang di sigurado
                                nag-aatubili sa pagpili baka madaya....

Nag-aalanganing bulag na balato'y
                             pagkabigo sa larong di sukat paghinalaan...

Bantulot sa hinuhang duda
                  kung ano talaga ang kahihinatnan ng timbangan....

Di sinasadyang bitin ang sugal
                               kung hindi sadyang sasamantalahin,,,,

Nagkataon nga lamang  itinaya ka

                sa bituka ng madugong biruang walang bulagaw.....
 ANG PASAHERONG  SALAMANDER


"....don't know what I want, but I know how to get it...."
                    --SEX PISTOLS



Habang naglalakbay patungong Isla Ambil, karatig ng baybaying Batangas
at Mindoro Oksidental, malapit sa isla Lubang--
(2,000 hektarya, ipinagbibili ngayon sa halagang  P839,300.760),
napatakan ng tae ng ibong Adarna sa dalampasigan,  nagtanong:

"Nang nagugutom ako,
                 pinakain mo ba ako? "
                       
"Nang nasa bilanggo,
                    dinalaw mo ba ako?"

Kipil ang hinagap, naisip ng ipinatapong taga-Samaritan:

"Kapag may karayagan, may kabaligtaran-
                            lumalaon, bumubuti;
Sumasama kapag dati"---

Samakatwid, kung may utang, mabait;
sa pagsingil, anong galit;
tago muna habang hinahanap,
                      liko pagsalubong,
                        ayos, ocho derecho---"

Salamangkero, kailan mo ibaba ang tabing
               
                    upang mabunyag ang iyong lihim?

LAMBAT  NG BAHAG-HARI:  Katumbalikan sa Teorya & Praktika




1.   PAIN


Anak na di paluhain, ina't asawa ang patatangisin--
Walang ligaya sa lupa na di dinilig ng balde-baldeng luha--

Dagat binubuo ng patak ng tubig, bundok ng buto't bungong maliliit--
Maliit man daw ang sili may anghang na angking sarili--

Malaki man at buhanghang, daig ang munting aring siksikan--
Munti ma't matindi, daig ang nagmamalaki--

Mababaw man ang sugat, malalim ang ugat ng gurlis at pilat--
Sugat na inilihim at tinakpan, gumaling ma'y balantukan--

Kung minsan ang awa ay nagiging iwa, pasaling ma'y humihiwa--
Nasa tuldik ang awa, nasa lumagda ang gawa, siya nawa--



2.  LANSI


Hindi lahat ng batid o wani kailangang ipagsulit---
Walang humawak ng kalan o nanghimasok sa luto na di naulingan.

Bawat palayok daw ay may kasukat na suklob, isinukat na tungtong.
Sumala ang sandok sa palayok, gusing lihim ang nadukot.

Sala sa lamig, sala sa init, sa pagmumura nagkasala'y nahuhuli--
Walang masamang kanya, walang mabuti sa iba, pag-aayaw-ayawin pa ba?

Batong-buhay ka man na sakdal tigas, unti-unting patak ng dura
    tuloy maaagnas--
Biyayang apoy at habagat, batuta man ay pinalalambot.

Humahabol ay nahuli sa unang humarurot sa pagsisisi.
Walang unang sisi sa huling pangyayari, mayroon sa unang pagkawili.
Bakit ka pa magsisisi, gayong napariwara't di na makangisi.



3.  SILO


Kung mayroong itinanim, tila hindi tiyak na may aanihin--
Kapag may isinuksok sa dingding, kailangan pa bang tingalain?

Kung hangin ang itinanim, baka tsunami ang aanihin--
Hanging pabula-bulangit, sandaling sakdal tuwid, kadalasa'y pilipit--

Nagkamali ang hilot sa isinuksok, ay naku! sa puwit nadukot--
Ang sukli ng isang nasa kamao, higit sa ipinangakong dalawa o tatlo--

Iba na ang isang hawak sa palad kaysa sandamakmak na lumilipad--

Walang mailap na baboy-ramo sa matiyagang patay-gutom--
Iba ang pugong huli na kumpara sa sungayang dadakpin pa--

Walang umani ng tuwa na di sa hinagpis naipunla--
Kung hiwaga ang itinanim, baka himala't masungit na aswang ang anihin--



4.  DAYA 


Kapag iniamba dapat na itaga, kapag itinaga, maipatataga--

Ang anumang gawin, makapito mong isipin kung di ka pa nabigti--
Kung magagawa at di gawin, di na magagawa kahiman ibigin--

Tikatik man kung panay ang ulan, nakapinid na pilik-mata'y mapapaapaw--
Anumang gawang dinali-dali, malimit mangyari'y di mayayari't tuloy lugi--

Hanap lamang ay hamog, putragis, buong katawan sa tubig naanod-

Kung di makipagsapalaran, di makatatawid sa magkaibayong karagatan--
Kaya maligo ka sa linaw, kahit duling o bulag, sa labo magbanlaw--

Malabis na pag-asa, laging pangangarap, dalamhati ang ibubunga.

Kung ang hirap ay masasal na, bisperas na kaya ng ginhawa?
 DATING

"Sufficient unto the day is the evil thereof"




Darating ang takdang araw sa dulo ng tulay

                            Dati rin ang pagdating

Tumatawid sa tulay na dapat tawirin ng nagdatingan

Dumating na ba?

        Tumatawid na sa dating lugar

Dumarating ang itinadhanang oras

                    Lahat ay lumilipas

Pagdating  ng itinakdang sandali

                    Darating pa

Magpasiya ka   kung di pa batid ang datingan

Dumarating na

    ....habang tumatawid ng tulay   lumilipas

                         Dumating na ba

Nadatnan sa gitna ng landas ng nakalipas

Sinong dinatingan

          Nabitin  sa dating  daan

                     Baka hindi na makarating....

                                paratingin na lamang.... 
 BITAG



Kung saan masikip, doon nagpipilit.
Isang butil ng palay  sakop ang buong bahay.

Kung gabi ay hinog, kung araw ay hilaw.
Nagbibihis araw-araw, nag-iiba ang pangalan.

Sa araw ay nakahimbing, sa gabi ay gising.
Lumuluha walang mata, lumalakad walang paa.

Kulay rosas ang pulseras ng reyna, pumuputok walang bala.
Walang ngipin, walang panga, mainit ang hininga.

Kung bayaan ay nabubuhay, kung himasin ay namamatay.
Kung ako'y mamamatay, pilit siyang madaramay.

May katawa'y walang mukha, walang mata'y lumuluha.
Kung kailan pinatay, saka humaba ang buhay.

Kung bayaan ay nabubuhay, kung himasin ay namamatay.
Kung kailan pa ako pinatay, saka nagtagal ang buhay.

Iisa na kinuha pa, ang natira ay dalawa.
Kapag ako'y minsang pinatay, buhay kong ingat lalong magtatagal.

Apat na kapapang kumot, di matakpan ang tuhod.
Isang butil ng trigo pinapagsikip ang buong mundo.
 NIYARI




BINALANGKAS      NILIKHA   

                    SA TULONG NG ANUMANG NAIWAN

        KAPURIT    KAUNTI LAMANG        

NAMAGITAN   





HANGGANG  MABUO  ANG  HUGIS    

                        ANYO   

                                KUWADRO  NG  IDEYA

BAGAMAT   IKINULONG

                UMALPAS

                        UMIGPAW

                                    UMAPAW
 UMANG




Maputing dalaga nagtatalik sa lila.
Isang reynang maraming mata, nasa gitna ng mga espada.

Balahibong binalot ng balat, balahibong bumalot sa balat.
Pagsipot sa maliwanag, kulubot na ang balat.

Tubig na binalot sa papel, papel na binalot sa bato
    batong binalot sa balahibo.
Kawangis ay palu-palo, libot na libot ng ginto.

Nang wala ang ginto ay doon nagpalalo,
Nang magkagintu-ginto, doon na nga sumuko.

Gintong binalot sa pilak, pilak na binalot sa balat.
Tinakpan bago minulatan.

Itinapon ang laman, balat ang pinagyaman.
Abot na ng kamay, ipinagawa pa sa tulay.

Binalangkas ko't binalutan, saka ibinilad sa araw.
Kinalag ang balangkas, sumayaw nang ilagpak.
 TAHIMIK




Payapang lugar   walang tili   bulahaw  hiyaw  kulog  dagundong

Tahimik

Walang tinig   taghoy  halinghing  sigaw  saklolo tahol  tugtog   palakpak  iyak 

Walang bigkas    atungal   palahaw  tanguyngoy  usap   ngalngal  tagulaylay

Walang  ingay  ungol  haginghing  himutok   irit   hibik  hagulgol  angil

Payapa 

Walang hikbi  daldal  haluyhoy  lagaslas  alingawngaw   saklolo

Walang huni  sipol  pagaspas  lawiswis  halakhak  agas-as

Walang siyap  sutsot  bulong  alatiit   kuliling  kaluskos  paswit

Tahimik  

Piping lahat--ngunit bakit may kumakatok   humihingi ng saklolo

         ugong sa sulok 

                anasan sa butas

                        ng bungo ...psssssst---
 BINURANG  BORADOR
 SENYAS NG PANAHON (1)  :  Balitang Pinoy (GMA News 11/23/2014)




Lalaking bibisita sa mga magulang, inagawan ng kotse at pinatay pa sa QC

Mommy Dionisia, agaw-eksena sa weigh-in nina Pacquiao at Algieri

Pagpatay sa vice-mayor ng Villaba, Leyte, di pa rin malinaw ang motibo

Suspek sa pagkapatay sa mag-ina sa Pampanga, kakilala ng mga biktima

Ginang at 9 anyos na anak, pinagnakawan at pinatay, sanggol na itinatago sa ilalim ng     kama ligtas

Guro, inireklamo dahil sa pagbugbog at pagsampal daw ng kanyang grade 2 pupils

Babaeng pinagpakitaan daw ni Virgin Mary sa panaginip, nakagaggamot ng sakit

7 katao huli sa anti-drug operation sa Iloilo, 2 sa mga nadakip babae

Burol, pinasabugan sa Bacolod City, tatlong nakikipaglamay, sugatan

1 patay, 4 sugatan sa pagsabog ng oxygen tank sa Cebu

Paaralan nabulabog dahil sa bomb threat na kumalat sa text

Nanay na naalimpungatan, naihagis ang sanggol na anak at bumagsak sa sahig

Lalaking tumakas sa Bilibid, nadakip sa Camarines Sur pagkaraan ng 14 na taon

Sa loob ng isang araw, magkapatid na 12 at 10 anyos magkasunod na ginahasa     ng 1     lalaki

4 miyembro ng pamilya, hinihinalang nalason sa kinaing patani at kamoteng kahoy

Babae, huli pagkatapos magbenta ng bahay at lupa na hindi naman sa kanya

2 teenagers na nakaistambay sa tindahan, patay sa pamamaril sa CDO

Sino ang national artist na gumuhit ng "Markang Demonyo" ng Ginebra?
 PAKANA





 Nagpiging ang bayan, iisa ang hugasan.
Tubig na pinagpala, walang makakakuha kundi bata.

Nang bata ay nakasaya, naghubo nang maging dalaga.
Nang maliit pa'y nakabaro, nang lumaki'y naghubo.

Tatlong magkakapatid, sing-iitim ang dibdib.
Magkakapatid na prinsesa, lahat nama'y pawang negra.

Maitim na parang alkitran, pumuputi kahit di labhan.
Nagbibigay na, sinasakal pa.

Isang balong malalim, punong-puno ng patalim.
Tubig sa ining-ining, di mahipan ng hangin.

Dalawa kong kahon, buksan walang ugong.
Sa buhatan ay may silbi, sa igiban walang sinabi.

Dumaan ang hari, nagkagatan ang mga pari.
Hindi pari, hindi hari, nagdadamit ng sari-sari.

May binti walang hita, may tuktok walang mukha.
Sumususo ang anak habang lumilipad.
 BITIN



Sandaling tumagilid ang ulap sakay ang  manlalakbay

    naudlot   nagimbal    nangalisag-- 

Babalang pumatnubay:  "May reklamo ka ba?"

Bukas makalawa  sa  pagtila ng ulan.... Hintay!

    lumiligwak ang panganorin

                nangangalisag sa himpapawid

Buhawi ng along bingi sa taghoy ng saklolo-- Hintay!
 
            tila biro lamang  bangungot sa panaginip

Bago tumaob  nahulog ang himutok na umagting at pumailanlang

    Hintay pa?  wangis  mumong  pinagpag  sa sinapupunan

        lumundo't lumawit     bumugso't pumulandit 

Nahihinog lahat sa pananabik....
 DEKONSTRUKSIYON



 Apat katao, iisa ang sombrero;  paa'y apat, hindi makalakad.

Ang bahay ni Pedrito, walang pinto, puro kuwarto.
Mayroon pitong bentanilya, tatlo lamang ang naisasara.

Isang bahay na bato, ang takip ay bilao.
Isang bakuran, sari-sari ang nagdaraan.

Kakalat-kalat, natitisod-tisod; kapagka tinipon, matibay na moog.

Nagbahay ang marunong, nasa ilalim ang bubong.
Limang magkakapatid, tig-iisa ang silid.

Bahay ni Santa Maria, naiinog ng sandata.
May bintana, walang bubungan; may pinto, walang hagdanan.

Bahay ni Ka Huli, haligi ay bali-bali, ang bubong ay kawali.
Bahay ng anluwagi, iisa ang haligi.
Maliit na bahay, puno ng mga patay.

Sarado roon, sarado rito; sarado hanggang dulo.


PAGBUBULAY-BULAY NI FELIX RAZON, SANDALING
NAKAHIMPIL SA ISLA NG KONDE DE MONTE CRISTO




Sukdulang init sa hapong ito, lubhang maalinsangan....
Gayumang amuking managinip ng bagyong malayo pa

Dilim ang malapit nang lumapag tinutuksong lumipad
Kapiling mo, magkayapos, pumapailanlang sa buwan.



Hinihimok ng nagliliyab na bagwis ng takip-silim
Na managinip ng ulang bumuhos sa islang abot-tanaw

Gabi'y lumalatag na't gumigising ang panaginip
Na magkatalik tayong pumapaimbulog tungo sa buwan.



Mabagsik na apoy ang dumarang sa maghapong ito
Hibong sumulak sa panaginip ng sigwang wala pang senyal

Gabing mailap na bumabangon, umaali-aligid, gumagapang
Sabik sa paglukso natin halos abot ang buwang nakabitin....


Umiimbay sa maghapong nabuntis ng buhawi ng guniguni.
 LINLANG



May kawalang lumilipad, nakawalang kumikislap.
Bumbong kung maliwanag, kung gabi ay dagat.

Isda sa Kilaw-kilaw, di mahuli't may pataw.
Munting hayop na pangahas, aaligid-aligid sa ningas.

Hayan na, hayan na, hindi mo nakikita, buto't balat lumilipad.
Walang pakpak, mabilis lumipad.

Hawakan mo ang buntot ko, sisisid ako.
Munting tiririt, may baga sa puwit.

Ang ibabaw ay tawiran, ang ilalim ay lusutan.
Tubig na sakdal linaw, nadadala sa kamay.

Nakaluluto nang walang init, umaaso'y malamig.
Sa init ay sumasaya, sa lamig ay nalalanta.

Di man isda, di man itik, nakahuhuni kung ibig.
Maliit pa si Kumare, marunong nang humuni.

Nang munti pa'y may buntot, paglaki ay punggok.
Hanggang leeg kung mababaw, kung malalim hanggang baywang.

Nang umalis lumilipad, nang dumating umuusad.
Itinanim sa kinagabihan, inani sa kinaumagahan.
 TRANSKRIPSIYON  NG  TESTIMONYO

MAGPAPATULOY BA KAYO SA KARANIWANG GINAGAWA NINYO KUNG ALAM NINYO ANG MGA NANGYARI'T NANGYAYARI SA MGA SAFEHOUSE AT KAMPO MILITAR-PULIS NG REHIMENG MAPAGSAMANTALA?

Bahagi ng  Pagtestigo  ni RAYMOND MANALO



Noong Pebrero 14, 2006, sa pagitan ng alas dose ng tanghali at ala una ng hapon, sa aming bahay habang ako ay natutulog, ako ay ginising ng ingay at suntok sa aking tiyan gamit ang baril ng mga di kilalang tao....

Ang sabi ng mga nakasibilyang kalalakihan na armado rin ng de kalibreng mga baril na "salot" daw kami at mga New People's Army (NPA) daw kami...

Dalawang beses inihinto ang sasakyan bago kami ibinaba sa isang lugar na hindi ko alam kung saan. 

Nang makababa ay ipinasok kami sa kwarto at doon muling sinaktan at binugbog: hinampas kami ng dos por kwatro sa puwitan at sa hita, binuhusan ng tubig sa bibig at ilong, sinuntok sa dibdib at tiyan, pinalo ng kadena sa likod.

...Nang sumunod na araw, biglang may pumasok sa loob ng kwarto, bigla na lamang akong tinadyakan at sinuntok sa dibdib, buhay pa pala kayo, dapat sa inyo ay pinapatay, ang sabi. 

Binuhusan ako ng ihi sa mukha, pinaso ang aking hita at braso ng nagbabagang kahoy sabay buhos naman ng mainit na tubig sa ulo ko na sinundan ng pagbuhos ng malamig na tubig--napahiyaw ako. 

Muli akong pinaso ng nagbabagang lata sa kanang likod at pinukpok ng baril sa noo.  Nagdugo ito at nahilo ako....

Bago ako pumunta sa kusina, napatingin ako sa kalapit na kwarto at dito nakita ko ang hubad na katawan ni Sherlyn [Cadapan]: nakahiga sa upuang nakatumba, nakatali ang dalawang kamay at isang paa habang ang isang paa nama'y nakalambitin.

Nakita ko na pinaghahampas ng kahoy si Sherlyn, kinukuryente, sinusuntok, binubuhusan ng tubig sa ilong at bibig at nakita ko kung paano paglaruan ang maselang bahagi ng katawan nito--sinusundot ng kahoy ang maselang bahagi ng katawan. 

Habang ginagawa nila ito kay Sherlyn ay pinapanood ito ng asawa ni Donald Caigas na nakilala ko sa pangalang Elsie at ng asawang doktora ni Platino Lat. 

Narinig kong pilit na pinaaamin ng mga militar si Sherlyn kung sino ang nagplanong gumawa ng 'sulat,' na sa sobrang hirap na dinanas nito ay umamin itong si Karen ang may gawa at nagplano ng sulat. 

Nang marinig ito ng militar ay agad na inilabas si Karen mula sa bodega.  Tinalian ang kamay at paa pagkatapos ay hinubaran ito. 

Habang walang saplot sa katawan si Karen, pinagsusuntok ito, binubuhusan ng tubig sa bibig at ilong, pinapaso ng sigarilyo ang katawan at sinusundot ng kahoy ang maselang bahagi ng katawan nito.




{Sinipi mula sa PAGTATAGPO SA KABILANG DULO: PanitikangTestimonial ng Desaparecidos, Quezon City: Pamilya ng mga Desaparecidos para sa Katarungan & Amado V. Hernandez Resource Center, 2009, pahina 294-296, 306).
 HIWAGA



 Ako'y may tapat na irog saanman paroo'y kasunod-sunod;
 Mapatubig ay di nalulunod, mapaapoy ay di nasusunog.

 Mayroon akong alipin, sunod nang sunod sa akin.

Kung araw, yumao ka; kung gabi'y halika;
Sa araw ay nagtataboy, sa gabi ay nag-aampon.

Laging nakasakay ngunit di nagpapasyal.
Lumalakad ang bangka, ang piloto ay nakahiga.

Hindi hayop, hindi tao, walang gulong ay tumatakbo.
Takbo roon, takbo rito, hindi makaalis sa tayong ito.

Nang maalala'y naiwan, nadala nang malimutan.
Pasurot-surot, dala-dala ay gapos.

Dalawang magkaibigan, unahan nang unahan.
Dalawang batong itim, malayo ang nararating.

Maputing parang bulak, kalihim ko sa pagliyag.
 SENYAS NG PANAHON (2)  (GMA NEWS  28 Mayo 2015)


Binatilyong naliligo sa dagat, patay nang madikitan ng dikya

Babaeng nanakot para makikilan ng pera ang isang lola sa Pangasinan, arestado

5 babae na umano'y biktima ng human trafficking, nailigtas sa Kalibo airport

Lalaki, tinangay ang krus at umakyat sa bubong ng simbahan

Mag-ama, patay sa bugbog at pananaksak ng mga kabataan na umano'y adik sa     solvent

Pila ng mga trak patungong Matnog port sa Sorsogon, inabot na raw ng 2 linggo

Babae, patay matapos tamaan sa leeg ng nabasag na bote ng softdrinks

WATCH: Malas na mandurukot: Bigo sa unang biktima, nahuli naman sa     ikalawang     tangka

Bakit tanyag si Anacleto del Rosario noong sakop ng mga Kastila ang Pilipinas?

Ano ang dapat gawin ng Pilipinas sa girian ng US at China kaugnay ng West PHL Sea?

Magnanakaw sa Iloilo City, nagpalit ng damit at tsinelas sa bahay na kanyang     nilooban

Australyanong 6 na taon nang naninirahan sa Cebu, dinakip dahil sa pang-    aabuso raw sa ilang dalagita

Kilabot na mandurukot na napanood sa viral video, nasakote na

Sundalo, patay sa banggaan ng motorsiklo sa Davao

Pullis na sumaklolo sa insidente ng kidnapping, napatay, dalagitang biktima     nailigtas

3 anyos na babae, inabuso umano ng sariling ama sa Camarines Sur
 HULA



Nakatalikod na ang prinsesa, mukha niya'y nakaharap pa.

Mukha ko'y totoong tinikin, ngunit busilak ang kalooban.
Aling mabuting litrato, kuhang-kuha sa mukha mo?

Isang panyong parisukat, kung buksa'y nakakausap.

Hindi pa natatalupan, nanganganinag na ang laman.
Binuksan ang kanyon, perdigones ang nakabaon.

Dalawang bolang sinulid, abot hanggang langit.
Kung manahi'y nagbabaging, dumudumi ng sinulid.

Binili ko nang mahal, isinabit ko lamang.

Mataas ay binitin, kaysa pinagbitinan.
Pusong bibitin-bitin, masarap kainin.

Kinain mo't naubos, nabubuo pang lubos.
 WALANG PAMAGAT NA MGA PAHAYAG ni Lawrence Weiner

(Salin ng Google Translator mula sa "Untitled Statements"  1970)




1.  Maaaring mabuo ang artist ng mga piraso.

2.  Ang piraso ay maaaring gawa-gawa.

3.  Ang piraso ay hindi kailangang maging binuo.


Bawat pagiging patas at pareho-pareho di mga layunin ng mga artist ang mga

desisyon na kalagayan ay nakasalalay sa receiver sa okasyon ng receivership.

Sinubukan at Totoo.


---Dokumentasyon  ni E. San Juan, Jr.
 KABABALAGHAN 



Punong layu-layo, dulo'y tagpu-tagpo.

Hinila ko ang baging, nag-iingay ang matsing.
Binatak ko ang baging, bumuka ay tikin.

Aling kahoy sa gubat ang nagsasanga'y walang ugat?
May puno, walang bunga; may dahon, walang sanga.

Bawat dahong binabaksak ay araw na lumilipas.

Limang punong niyog, iisa ang matayog.
Tinaga ko sa puno, sa dulo nagdugo.

Usbong nang usbong, hindi naman nagdadahon.
Sa araw ay bumbong, sa gabi ay dahon.

Tinaga ko sa gubat, sa bahay umiyak.
Halamang di nalalanta, kahit natabas na.

Bunga na, namunga pa.
 BALITANG PINOY: Mga Bakas ng Maykapal
(Saan masasaksihan ang mga kilos ng Diyos? sagot ng pilosopong Hegel,
"basahin ang mga balita sa pahayagan")



State of calamity, idineklara sa Pikit, Cotabato, dahil sa epekto ng matinding init

Princess Pacquiao, hinamon ng rematch si Mayweather para sa ama

P'Noy, kinastigo ang gumagawa ng kanyang talumpati

Mga bangkay, nakita sa ikalawang palapag ng nasunog na gusali sa Valenzuela City

Makukulay na kalabaw, ipinarada sa kapistahan sa Ilocos Norte

Nasa 200 pamilya, nawalan ng tirahan sa sunog na naganap sa Iligan City

Mainit na panahon, sinasamantala ng mga gumagawa ng palayok

Mag-asawang Chinese na munti malunod sa Boracay, iniligtas ng Coast Guard

Alis-kuto operation, isinagawa sa ilang barangay sa Guinobatan, Albay

Pacquiao, dapat na bang magretiro sa boxing?

Alert level 1, itinaas na sa bulkang Bulusan sa Sorsogon

Ihi, dumi ng tao at asido, umulan sa demolisyon sa QC

2 lalaki, nalunod sa ilog; 1 sa mga biktima, nakasagip muna ng nalulunod na bata

Babae, huli matapos tangkang magpuslit daw ng shabu sa kulungan

Itlog ng manok, apektado na ng mainit na panahon

Batang naglalaro, patay matapos mabagsakan ng bunga ng niyog
 BALADA NI HARRY STONEHILL
(isinulat sa dingding ng kubeta bago nag-martial law ang sumusunod)



"Dilihensiya pa rin!  Itong mga Pinoy ba'y mag-iiba?
Itaga mo sa pader, Apo, pagkat di tayo talo--
GI lamang ako ngunit mula sa ilang puslit na K-rations

Isang empire ng korporasyon at mga kerida ang naipundar ko--
Sa aking listahan magkasiping ang obispo't senador
At labor lider na kasabwat sa asukal kopra't tabako--

Demokrasya'y magaling kung Kano'y amo--Mabuhay!
What are we in power for? ayon kay Senador Lagay,
Pati si Heneral Doblecara't mga peryodista'y nasa payrolll ko

Magbabago ba'ng Pinoy? Putang 'na niyo, mga huwes-puwes!
Pantay-pantay nga ang tao pero mas pantay ang may dolyar
Pagkat talagang ganyan ang buhay sa Pilipinas kong mahal...

Makismo ni Ferdie? Patigasan na lang ng titi.
Patron din ako ng arteng may dalawang pusod--
Walang bayag 'yang mga Huk, bibilhin ko sila--

Rebolusyon? Baka coup ng CIA?  May porsiyento ako riyan.
Dilihensiya pa rin, Apo..  Hustisya'y bulag....tsokaran....
Walang libog 'yang mga komunistang may 'vested interests'--

Parang sugal o suhol lamang ang buhay ng Pinoy...
Hindot ninyo, mga bayarang pulis. Magkano ba kayong lahat?
Mangmang at lokong Pinoy, magsalsal na lang kayo!

Kung ako'y makababalik, OK din ako sa rebolusyon aka
"Las delicias del good time," buladas ng kumpisal, buwisit--
Pasensiya na, pare, "wat di world nids is lab  lab  lab...."



[Unang nalathala ang tulang ito sa DAWN, publikasyon ng mga estudyante sa University of the East noong 1962, taong idineport si Harry Stonehill ng rehimeng Macapagal. Katakut-takot na batikos at tuligsa ang tinanggap ng awtor. Ito ang sagot ko noon: "Ang ganitong karupukan ng pag-iisip at kadahupan ng imahinasyon (ng mga kritiko) ay siyang sagwil sa paglaya ng diwa mula sa reaksiyonaryo't mistikal na paniniwala upang maabot ang isang rasyonal at kritikal na kamalayan.  Kulang sa "sympathetic intuition" at hindi makuhang maipalagay na isang karakter o persona ang "Harry Stonehill" na siyuang nagsasalita sa tula at may kagagawan ng diskursong nagpapahiwatig ng kanyang pagkatao. Sa gayon, ipinaratang ang "malaswang" salita sa makata, na lumikha ng piksyonal na tauhan na may pangalang "Harry Stonehill" at pumili ng sadyang salitang angkop sa konseptuwalisasyon ng tula at gayundin mabisang magpupukaw ng galit at pagkasuklam sa isang taong tulad ni Harry Stonehill.  Ngunit anong kakatwang himala! Ang kaisipan ng maraming Pilipino ay nakabulid pa rin sa balon ng kolonyal na situwasyon, nakabilibid sa makitid na pangitain.  Hindi maisip-isip na ang isang Amerikanong mangungulimbat ay makapagmumura laban sa Pilipino, at hindi rin makuhang tanggapin na maaaring ang makatang Pilipino ay mangahas sumikad upang isakdal ang kriminal na Amerikano sa pamamagitan ng ilusyon ng tula."]
 PATIBONG



Isang reynang maraming mata, nasa gitna ng mga espada.
Nakayuko ang reyna, di malaglag ang korona.

Ang sombrero ni Bernabe sa bundok itinabi.

Maliit pa si kumpare, nakaakyat na sa tore.
Naunang umakyat, nahuli sa lahat.

Nakatindig walang paa, may tiya'y walang bituka
Naligo ang kapitan, hindi nabasa ang tiyan.

May likod walang tiyan, matulin sa karagatan.
Lumuluha'y walang mata, lumalakad walang paa.

May ulo walang tiyan, may leeg walang baywang.
Tag-ulan o tag-araw, hanggang tuhod ang salawal.

Mataas kung nakaupo, mababa kung nakatayo.
Ang ina'y gumagapang pa, ang anak ay umuupo na.
May dala, may bitbit, may sunong, may kilik.

Di matingkalang bundok, darak ay nakakamot.

Kay raming nakahiga, iilan lamang ang abot sa lupa.
Masarap na hantungan, ngunit iniiwasan ng tanan.
 UMAGA SA DURUNGAWAN
(Halaw mula kay T.S. Eliot)


Kinakalampag nila ang mga platong pang-almusal sa silong sa kusina
At habang tinutunton ang niyurakang gilid ng lansangan
Alam ko ang mga basa-basang kaluluwa ng mga katulong sa bahay
Mapanglaw na bumubukad sa mga tarangkahan ng looban.

Itinataboy sa akin ng kulay-lupang alon ng lumundong ulap
Ang mga mukhang tabingi mula sa kailaliman ng lansangan;
At pumipilas mula sa nagdaraang maputik na palda
Ang ngiting walang layon na umaaligid-aligid sa himpapawid
At tuloy naglalaho sa kapatagan ng mga bubong.
 ANG TATAK NG DALIRI NI MARWAN


Di kataka-taka
Saksing-iglap ang hintuturong naputol
Kung saan o sino ang nakasungkit

Ilang diwata sa langit ang naduro na kaya
Gayuma ng pabuya sa sundalo
Balaklaot naging amihan

Bakit ang singsing ay suot ng hinlalaki?

Sawimpalad na hinayupak ng Estado
Ang pumaslang sa bantog na "teroristang" tinagurian
Ngunit walang bakas o lagdang mapagpala
Ng mga kagila-gilalas na pakikipagsapalaran
Ang natuklasan sa pirasong laman

Tinugis sa sukal ng Mamasapano
Binagtas niya ang sikip at salimuot ng gubat
Nakaukit sa laberinto ng kanyang palad--
Humahanap pa ng manghuhulang
Makasisilip sa nagsanga-sangang landas
Ng kamaong di na pagtatakhan.
 TRAHEDYA/KOMEDYANG MORO-MORO  SA MAMASAPANO
Dulang Algoritmong Palaruan

(Alinsunod sa paraan ng Ouvroir de Litterature Potentielle)





[Paunawa: Lahat ng tauhan sa dulang ito ay pawang likhang-isip; kung sakaling kahawig ng mga personaheng buhay, ituring na aksidenteng pagkakataon lamang iyon at hindi talagang sinasadya--Awtor]




TAGPO 1:

Balisa si Presidente Obama at mga upisyal sa Pentagon, Washington DC. Baka bumagsak ang dolyar at ordeng kapital-pampinansiyal, pag-ulit ng 2008 krisis, kung hindi mahuhuli sina Zulkifli bin Hir at Abdul Basit Usman. Binabalaan na sila ng mga CEO ng Goldman Sachs, JP Morgan, IMF at World Bank na dapat kagyat lutasin ang ugat ng panganib sa Pilipinas. Tulala si Obama dahil sa dalawang bagay, na dapat piliin ninyo:

    Walang mahanap na Pinay/Pinay na eskiroll na magkukumpisal kung     nasaan ang dalawang terorista (tingnan ang Tagpo 8)

    Itinago ni Putin ang dalawang rebelde dahil sa panghihimasok ng U.S. sa     Ukraine (tingnan ang Tagpo 9)


TAGPO 2:

Nagsuplong kay P'Noy Aquino ang isang ahente ng Taliban sa Afghanistan kung saan nagtatago ang dalawang kontrabida.  Pinatawag si Heneral Alan Purisima na suspindido noon, ngunit nawawala ang heneral.  Siya ba ay nakompromiso ni:

    Kurt Hoyer, Press Attache ng US Embassy, na sikretong CIA ahente, na     naghahanda ng planong Wolverine sa Manila Hotel? (tingnan ang Tagpo     5)

    O ni bise-presidente Binay habang nagliliwaliw siya sa isang casino sa     Makati?  (tingnan ang Tagpo 7)


TAGPO 3:

Pinagpayuan ni Sec. Leila de Lima si P'Noy na dapat sa PNP (Philippine National Police) lamang sumangguni sapagkat hindi maasahan ang AFP
na matakaw din sa pabuyang limang milyong dolyar sa paghuli sa dalawang terorista.  Hindi makapagpasiya si P'Noy sanhi sa alin sa dalawang dahilan:

    Marami siyang utang kay Heneral Pio Gregorio Catapang, hepe ng AFP     (tingnan ang Tagpo 6)

    Binantaan na siya ni PNP Heneral Leonardo Espina at Int. Sec. Mar Roxas dahil     sa pakikipagsosyo sa isang seksing "socialite" (tingnan ang Tagpo 2)


TAGPO  4:

Enero 25, 2015, lumunsad na ang 6 tropang Amerikano sa TCP (Tactical Command Post) ng Sheriff Aguak sa Manguindanao. Ngunit di nila alam ang tiyak na situwasyon ng Special Action Force ng PNP sapagkat ang planong Wolverine ay hindi katugma sa planong Exodus. Bakit nagkaganoon? Piliiin sa dalawang posibilidad:

    Nagsusugal ang dalawang heneral  sa Zamboanga AFP Western Command,     Rustico Guerrero at Edmundo Pangilinan, nang ipahatid ang utos batay sa ulat     ng drone ng mga Amerikano (tingnan ang Tagpo 2 )

    Inilihim ni PNP Chief Getulio Napenas ang tunay na sabwatan nila ng MILF at     BBP sa gagawing "pintakasi" sa Mamasapano (tingnan ang Tagpo 7)


TAGPO  5:

Sinabi ni P'Noy kay Purisima noong Enero 9 sa Bahay Pangarap--"Ayusin mo na kina Espina at Roxas... Ako na ang bahala kay Catapang."  Inutusan niya ang staff sa Malacanang na kontakin ang Coordinating Committee for the Cessation of Hostilities.  Bakit hindi nagawa iyon?  Piliin ang dahilan:

    Okupado sina Mohagher Iqbal sa US Embassy sa pakikipag-ugnayan sa     US     Institute of Peace at mga kinatawan ng Malaysian Embassy tungkol sa     "investments"  sa kanilang "ancestral domain" (tingnan ang Tagpo 9)

    "Busy" si Chief Napenas sa pakikipag-usap sa isang kaibigan sa Moscow,     Russian Federation na nakahimpil sa Teheran, Iran (tingnan ang Tagpo 1)


TAGPO  6

Sumugod na ang 44 na PNP SAF sa Tukanalipao, baryo ng Mamasapano, hindi alam kung ang kalaban nila ay kabilang sa Abu Sayyaf, Al Qaeda, Jemaah Islamiyah, MILF (Moro Islamic Liberation Front), BIFF (Bangsamoro Islamic Freedom Fighters), o NPA (New People's Army), at walang muwang sa posisyon ng kanilang tinutugis. Ano ang rason ng ganitong pagkalito? Piliin:

    Pinangakuan na sila ng bahagi ng pabuya sa pagkahuli o pagkapatay kina     Marwan at Usman, kaya hindi na kailangan  tiyakin kung anong politika o     prinsipyo ng mga kaaway (Tingnan ang Tagpo 3)

    Binigyan sila ng kopya ng VFA (Visiting Forces Agreement), EDCA     (Enhanced     Defense Cooperation Agreement) at CIA Counterinsurgency     Manual laban sa     terorismo upang magamit sa pagdumi sa gubat  (Tingnan ang Tagpo 8).


TAGPO 7


Iginiit ni Napenas na "iniwan kami sa ere," ibig sabihin, walang ibinigay na "reward money" ang Washington nang makumpirma sa DNA test na napatay nga si Marwan. Naibalita naman sa Al Jazeera na nakapuslit si Marwan sa tulong ng ilang barko ng Tsina patungo sa Spratley/Kalayaan Isla. At si Usman naman ay nakalusot sa tulong ng MNLF ni Nur Misuari patungong Sabah.

    Gusto ninyo ba ng masayang wakas?  (tingnan ang Tagpo 9)
    Gusto ninyo ba ng masaklap na wakas?  (tingnan ang Tagpo 6)


TAGPO 8

Tinanggap na ni P'Noy na responsable siya sa palpak na Exodus, ngunit galit siya kay Fidel Ramos sa panawagan na magbitiw. Mula sa Mamasapano, taglay pa ng mga tao roon ang mga regalo nina Usman at Marwan, ayon kina Boyong Unggala at Farhannah Abdulkahar, dalawa sa 72,585  biktima ng giyera ni P'Noy buhat pa noong Pebrero 25. Nitong Marso 10-13, nadiskubre ng Suara Bangsamoro at Kawagib Moro Human Rights Alliance na nagkalat ang mga nilagas na dokumentong VFA at EDCA sa gubat kung saan nasawi ang 44 PNP pulis, 3 sibilyan, at 17 gerilya ng MILF at BIFF.

    Nais ninyo ba ng makatwirang wakas? (tingnan ang Tagpo 5 & 7)
    Nais ninyo ba ng balighong wakas?  (tingnan ang Tagpo 4 & 9)




TAGPO 9


Samantala, nakipagkita ang Ombudsman sa isang sugo ni Putin sa Singapore at ibinalita na may "gantimpala" sina Heneral Catapang at Espina, pati na sina Mar Roxas at Sec. Leila de Lima, sa "fiasco" ng Wolverine/Exodus. 

Sa Washington DC naman, binalak ni Obama na tawagan si P'Noy at ipahatid ang Congratulations ng FBI, Nais daw ng FBI na makapanood ng makulay na dulang "Moro-Moro"....

Samantala, nagpipista ang mga investors sa Wall Street na naglalaway sa pagbukas ng likas-yaman ng Mindanao na may halagang $840 bilyon-$1 trilyon sa mga korporasyong dayuhan, salamat sa napipintong kasunduang Bangsamoro Basic Law.

Mabuhay ang mga "bayani" ng Mamasapano!

        ____________________________________________
 JURAMENTADO?   HURAMENTADO!
(Handog kay Abdulmari Imao, RIP)


Sabi ng mga magulang natin, takbo pag nakakita ng Moro--juramentado iyon!
Hadji Kamlon--takbo! 
Jabidah--takbo!
Dumarating sina Nur Misuari & Hashim Salamat--Hura? Huramentado?
Tapos si Marcos, tapos si Cory Aquino, dumating ang Al-Qaeda
O sige, bumaba sa Bud Dajo at Bud "Weiser" ang Abu Sayyaf--
Abdurarajak Janjalani--Khadaffy Janjalani--takbo!
Baka Taliban, takbo!
Pirata sa Palawan, takbo!

Dumating ang US Special Forcs & drone, todas na ang Abu Sayyaf--
Napatay ng AFP si Zulfik bin Abdulhim alyas Marwan
Pero nabuhay raw muli--takbo na naman!
Saksi ang midya, walang duda, ibinigay sa AFP ang 1.5 milyong dolyar--
Iusod ang siwang ng sepulkro sa Camp Abubakar, nabuhay raw muli!
Resureksiyon! 
Takbo muli! Aswang ng Abu Sayyaf? Kulam ni Osama bin laden?
Jihad ni Ampatuan?
Hura! Hura! Huramentado!

Nagtampisaw si Marwan sa lagusang masikip sa gubat ni Florante't Aladin
Nanlilimahid ang bakas ng balakyot na "terorista"
Ibinurol si Zulfik, sayang--kailan babangon muli?
Saan, sinong pumuslit ng 1.5 milyong dolyar?
Bakas at bakat, tiyak na babalik habang umaakyat sa Bud Bagsak....
Nabubulok ang mga pinugutang bangkay ng AFP sa Basilan at Sulu....

Di naglao'y nagkapuwang si Marwan, magaling yumari ng bomba--
Tugisin ang pork-barrel ng USA, takbo!
Takbo, mabuhay si Zulfik!
Takbo, aswang o mangkukulam ng Jemaah Islamiyah, mabuhay!
Takbo, nariyan si Obamang may suhol na dolyar para sa AFP--
Huramentado ni BS Aquino at mga heneral ng AFP?
Juramentado ng trapo't burokrata kapitalista?
Masaker nina Hen. John Pershing at Leonard Wood? Ulit na naman?
Sa gubat ng Sabah o Zamboanga? Ampat, ampatin ang dugo....

Alahu Akbar,
Tiyak ang resureksiyon nina Zulfik at mga kasama--
Hanggang may salapi, walang patid ang takbuhan at patayan--
Ikaw na sibilisadong mambabasa, kapatid ng mga heneral at trapo,
Di biro, hindi ba huramentado ka rin?
 IMPRESYON SA ISANG DIKTADOR


Huwag, huwag mong sabihin na siya'y tunggak  loko  tanga--
Marunong iyon sa pandaraya't panggagahis.
Huwag mong sabihing gago o hangal--
Sa katusuhan wala siyang pangalawa....

Huwag, huwag mong sabihing ulol o baliw siya--
Siya'y tuso sa pangako't pambobola....
Totoong alam natin ito, hindi maiisahan, sanay na tayo.
Ilang bilanggo't nasawi ang testigo dito.

Huwag mong sabihing di natin alam
Ang mga taktika ng mangungulimbat
At estratehiya ng mga galamay ng Estado-
Magkasundo tayo ng diktador sa kabatiran

Na sa larangan ng politika tayo naglalaban--
Di lang sa diwa o isip, madugong tagisan
Ng mga katawan--tortyur, dukot, sapilitang pagkawala--
Pagwasak ng katawan ay politika,
Ang kaligtasan ng laman ay politika,
Ang bangkay ay politikang natalo,
Ang buhay ng mga anak ay politikang nagtagumpay.

Kaya magkasabwat tayo ng diktador,
Kapwa tayo alagad ng walang patawad na Realpolitik--
Ang madugong transpormasyon ng diwa't kilos,
Katawa't kaluluwa, pakikipagkapwa't pangungulila.
 KUNG PAANO KUMAIN NG NEO-KONSEPTUWALISTANG PINAKBET


Napakamabili ngayon ng mga cookbook at ibang komoditing may kinalaman sa pagkain. Madaling kumita't magkamal ng salapi at prestihiyo kung sasangkot sa pagkain o tindang pagkain. Nahuhumalling din ang mga artista't manunulat. Pati ang mga kritiko't akademikong premyado man o patakbuhin.

Ayon kay Doreen Fernandez, ang Filipino di umano'y nakikilala sa pagkain. Ganoon din ba kaya ang lahat ng tao sa iba't ibang bansa? Tila kasingkahulugan ng pagkain ang kultura. May reklamo ka ba?


Ngunit bago kumain, dapat magluto--o iutos ang pagluluto. Kung paano pagsasamahin ang kailangang pansahog, kailangang piliin ang mabuting materyales at proporsyon nito. Kailangan ang tubig, apoy o init, mga kagamitan sa kusina, panahon, lakas, dunong, intuwisyon, sining....

Kailangan ang mga rekado: tubig, baboy na hiniwa sa mahabang piraso, kamatis, bawang, luyang tinadtad, talong, bagoong alamang, ampalaya, atbp. Puwedeng budburan ng asin, anise, kulantro, oregano, paminta, siling labuyo, dilaw, salsa perin, atbp. ayon sa panlasa ng mga kakain o titikim. Maaaring ayusin ang tamis-anghang, pait, alat, at lagyan ng sotanghon, bihon, miki, miswa, o anumang nais ng kustomer.  O anong reklamo mo?


Bago tangkain o subukan ang resipe ni Nora Daza at iba pang kusinero na Ilokano o taga-Los Angeles na Pinay, paglimiin sandali ang mungkahi ni Doktor K'ung-fu-tzu, ang dalubhasang Maestro-chef na taga-Binondo, Maynila:

"Dapat wastuhin ang mga pangalan at salita.
Kung mali iyon, at di katugma sa realidad,
walang tinutukoy ang wika.

Kung walang matatag na tinutukoy
o tiyak na tinuturing ang wikang ginagamit,
imposible ang kumilos at lumikha ng anuman.
Sa gayon, lahat ng gawain sa buhay ay mabubuwag
at mawawalan ng saysay."

ANG PANULAAN AY ISANG MAPANGWASAK NA LAKAS
        (Halaw mula kay Wallace Stevens)

Ganyan nga ang paghihinagpis,
Walang bagay na dapat isapuso.
Kawalan man o pagkamit ang usapan.

Isang bagay na maaangkin,
Isang leon, isang matipunong baka sa iyong dibdib,
Nararamdaman mong humihinga roon.

Corazon, matabang aso,
Batang lalaking baka, osong sakang,
Nalalasahan niya ang dugo niyon, hindi dura.

Tulad niya ang isang lalaki
Sa katawan ng isang hayop na mabangis.
Ang kalamnang marahas ay kanya rin.

Natutulog ang leon nakabilad sa araw.
Ang nguso niya ay nakalapat sa kanyang mga kuko.
Pumapatay iyon ng tao.

__________________________________________________


TAGLAGAS
(Halaw mula kay Rainer Maria Rilke)


Nalalagas ang mga dahon, nahuhulog mula sa malayong itaas
mistulang galing mula sa mga hardin sa langit na naghihingalo,
Nahuhulog sila at tila hindi nila itinatakwil iyon.

At sa gabi ang daigdig, isang bolang mabigat,
ay nahuhulog sa pagkaulilang walang bituin.
Lahat tayo'y nalalagas. 

Pati ang kamay kong ito.
Sa gitna ng lahat ng bagay, masdan mo, taglay ito ng lahat.
Ngunit mayroong isang nariyan, sa bisa ng mapagkalingang hawak,

na siyang nagkukupkop sa lahat ng nalagas
sa kanyang mapagpalang palad.
 SINO ANG KAPWA KO?  HINDI MAKAPAGPIGIL ANG IBANG  HUMIHINGI?
(Sina Nena at Neneng sa Paningin ng Ebanghelyong Pablo)



Payo ni San Pablo:


"Huwag kayong magkait sa isa't isa, malibang pagkasunduan ninyong huwag munang magsiping, upang maiukol ninyo ang panahon sa pananalangin. Pagkatapos, magsiping na uli kayo upang hindi kayo matukso ni Satanas dahil sa hindi kayo makapagpigil....Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.... Walang sinuman sa atin ang nabubuhay o namamatay sa kanyang sarili lamang."


Pakikibahagi ni Neneng kay Nena ang panaginip niya sa Kabanata XLVIII ng nobela:

"Lumuwas ka raw mag-isa sa Maynila at ako'y ipinagsasama mo sa isang malayong bayan dahil sa nagalit ka sa iyong asawa. Ako pa naman noon ay punong-puno ng putik sa mukha dahil daw sa pagkahulog sa aming pusalian.  Pinipilit mo akong manaog at sumama noon din.  Isinagot ko raw sa iyo na "nariyan ang asawa ko."  Ang ibig ko'y sa kaniya ka magsabi kung ako'y papayagan.  Matuos mo ang ibig mong gawin noon kung di ka isang pilla?  Pinipili mo raw akong hagkan ay inilalayo ko naman ang aking mukha at "huwag, huwag" ang saway ko sa iyo.  Lalo ka namang napalapit-lapit at ako'y hinagkan mo rin, kaya pati ikaw ay napuno ng putik ng pusali.  Nang marumhan ang dami't mo'y galit na galit ka at ihuhulog mo ako sa bintana.  Siya kong pagkamulat.  Si Narciso [asawa ni Neneng] pala ang may hawak sa akin kaya hindi na kami nagkatulog tuloy at nagkatampuhan kami na hindi ko malaman kung bakit.  Tila naghinala siya sa akin at gayon din naman ako sa kaniya, ngunit hindi na kami nagkaliwanagan  at di na naman naungkat minsan man sa aming pag-uusap."


Sipi sa huling sulat ni Neneng kay Narciso:

"Pawang kasawiang-palad ang kinalagu-laguyo ko sa ating pagsasamang sandaling panahon pagka't ang namasdan sa iyo'y panay na pag-aalapaap sa mabuti kong loob.  Pinagtitiisan kong matamis ang pakikiayon at pinakapipilit na masunduan mo ang katahimikan sa pamamagitan ng aking walang sawang pag-irog. Pinag-isipan mo ang kalinisan ng aking puso at nabatang lisanin sa madlang simbuyo. Nguni't ngayo'y nabibingit na ako sa labi ng hukay. Bahid ma'y wala akong paglililo sa iyo at sinasaksi ko ngayon ang di na malalaong aking kamatayan...."
    Hanggang sa kabilang buhay naghihintay si Neneng, sa asawa o kay Nena?

 "ULTIMO ADIOS"   DINISTILA SA DALAWANG SAKNONG


(Pinaghalong tinig nina Andres Bonifacio,  Jose Sevilla, Jose Gatmaytan,
Julian Cruz Balmaseda, Jose Corazon de Jesus,
Guillermo Tolentino, Ildefonso Santos, &  Felix Razon)




Kung ang libingan ko'y limot na ng lahat
at wala nang kurus at batong mabakas
bayaang linangin ng taong masipag
lupa'y asarolin at kanyang ikalat.


At mga buto ko bago matunaw
mauwi sa wala at kusang maparam
alabok ng iyong latay at bayaang
siya ang babalang doo'y makipisan.


Kung ang libingan ko'y limot na ng madla
at wala ng kurus ni bato mang tanda
sa nangaglilinang ay ipaubayang
bungkali't isabog ang natimping lupa


Ang mga abo ko bago pailanlang
mauwi sa wala na pinanggalingan
ay makalat uling parang kapupunan
ng iyong alabok sa lupang tuntungan.


Kung ang libingan kong limot na ng madla
ay wala nang kurus at bato mang tanda
sa nangagbubukid ay ipaubayang
bungkali't isabog ang natiping lupa.


Ang mga abo ko'y pailanglang
mauwi sa wala na pinanggalingan
ay makalat munang parang kapupunan
ng iyong alabok sa lupang tuntungan.


Sakaling limot na ang lupang sa akin ay pinaglibingan
at wala nang kurus ni panandang batong pagkakakilanlan
bayaang ang luypa'y bungkali't isabog ng lipakang kamay
ang mga abo ko, sa wala bago muling pailanlang
maging sabog sana sa latag na iyong kinatutungtungan.


At kung pati ng hukay ko'y malimutan na ng madla
walang kurus, kahi't batong sa puntod ay maging tanda
bayaan mong kahi't sino ay bungkalin itong lupa
at nang bago ang abo ko sa hangin ay mangawala,
maging alpombra ng iyong tatapakang pinagpala


At kapag ang libingan ko'y nalimutan na nang madla
Walang dipa, maging batong kabakasan niyang tanda,
bayaan mong bungkalin na't isabog nang maglulupa't
ang abo ko bago sana mapabalik man sa wala
sa malambot mong tungtunga'y mapalatag munang sadya.


Kung sa libingan ko'y di pansin ng madla't laon nang nalimot,
ni kurus, ni bato'y wala nang pananda't iba na ang ayos
bayaang bungkalin ng mag-aararo, bayaang madurog,
at ang aking abong babalik sa wala, agad na isabog
maging gabok man lang sa sutlang damuhan ng iyong lupalop.


At kung ang burol ko ay tuluyang ibinaon na sa gunita
at di matuklasan (walang krus o simpleng batong inilagak doon)
bayaang wasakin ng suyod, laspagin at durugin ng pala
at hayaang ang abo ko, bago lumipad at tuluyang mapawi,
abang alabok maging bahagi muli ng iyong himlayang nilatag.

DEMONSTRASYON PARA KAY KASAMANG STALIN
[Halaw mula kay Langston Hughes]



Tinaguriang Kasamang Bakal, malambot ang iyong dibdib,
Nasugatan ng paghihikahos ng uring manggagawa’t magsasaka
Sa bilangguan ng Tsar, nagpupugay kami,
Mga taga-Ben Tre, Biyetnam

Hanap mo’y kalayaan, Kasamang Stalin,
Di para sa iyo kundi para sa masa ng sansinukob
Kaya humawak ng baril, bumabati kami,
Mga taga-Lidice, Czechoslovakia.

Mula Antartica hanggang Zanzibar
Inilarawan kang berdugo sa propaganda ng imperyalismo ngunit
Sa puso naming taga-Guernica, Espanya,
Ikaw ang pulang tala ng pagbabangon.

Magiting na Komunista, Kasamang Stalin,
Kaming taga-Soweto’t Karameh ay nagpapasalamat sa iyong halimbawa
Kung may pagkakamali ka man, iyo’y napunan na
Sa tagumpay ng digmaan laban sa pasismo.

Kaming mga taga-Jolo’y sumusumpang ibuburol ang imperyalismong Kano’t
Mga kakutsaba sa harap mo, dakilang Stalin,
Saanmang lupalop kung saan ang maso’t karit ay di lamang sagisag
Kundi kagamitang mabisa sa pang-araw-araw na gawain.
 NI-READY-MADE SI MARCEL DUCHAMP NG TAGA-SALING GOOGLE


ANG SALIN:

Ang isang punto kung saan gusto ko Sobra na magtatag na ang pagpili ng mga "handa-mades" ay hindi dictated ng esthetic lugod. Ang pagpipiliang ito ay batay sa isang reaksyon ng visual na pagwawalang-bahala sa parehong oras ang isang kabuuang kawalan ng mabuti o masama ang lasa ... sa katunayan ng isang kumpletong kawalan ng pakiramdam. Para sa mga manonood kahit na higit pa para sa mga artist, art ay isang ugali na bumubuo ng mga bawal na gamot at nais kong protektahan ang aking handa-mades laban sa gayong karumihan.

ANG ORIHINAL:

A point which I want very much to establish is that the choice of these "ready-mades" was never dictated by esthetic delectation.  This choice was based on a reaction of visual indifference with at the same time a total absence of good or bad taste...in fact a complete anesthesia. For the spectator even more than for the artist, art is a habit forming drug and I wanted to protect my ready-mades against such contamination. 



[ SANGGUNIAN: Marcel DuChamp, "Apropos of 'Readymades' 1961)" na nasa Theories and Documents of Contemporary Art, ed. Kristine Stiles and Peter Selz (Berkeley: University of California Press, 1996), p. 819-820. Dokumentasyon ni E. San Juan, Jr. 6/4/2015]

  BALIKBAYANG  BABAYLAN /  MATER DOLOROSA KONSUMERISTA


    Dalawa lang silang mag-ina dito sa Amerika at hinihintay nila ang pagdating ng pamilya nila. Pero ay susmaryosep! habang naghihintay namatay si Nanay. Nais ng pamilya sa Pilipinas na ilibing ang ina sa sariling bayan, pero it was so expensive.

Pero dahil gusto ng nakararami ang ganoon, walang choice ang anak dito sa States kung hindi sundin ang mga nakatatanda sa kanya.   Dahil nga very expensive, she decided to remain in the States and ship the coffin unaccompanied.

Nang dumating na sa Pilipinas ang kanilang ina, napansin ng pamilya na hindi maganda.  Ang mukha at katawan ng inay nila ay dikit na dikit na sa salamin ng kabaong. Sabi tuloy ng isa, "Ay tingnan mo yan, hindi sila marunong mag-asikaso ng patay sa Amerika." 

To cut the story short, they prepared the coffin for viewing. Pag bukas ng takip (salamin) ng ataul, may napansin silang sulat sa ibaba ng dibdib ng kanilang inay. Dahan-dahang kinuha at nanginginig na binuksan ni Kuya ang sulat at binasa sa lahat ng buong pamilya. Ang nilalaman ng sulat ay ito:

"Mahal kong mga Kapatid, Hayan na si Inay!

Pasyensiya na kayo at hindi ko nasamahan ang inay sa pag-uwi diyan sa Pinas sa dahilan na nakapamahal ng pamasahe.  Ang gastos ko na nga lang sa kanya ay kulang-kulang sa sampung libo (kabaong at shipment).  Anyway, pinadala ko kasama si inay ang:

*dalawampu't apat na karne norte nasa likod ni Inay. Maghati-hati na kayo.

*anim na bagong labas na Reebok sneakers....isa suot-suot ni Inay, at lima ang nasa ulunan ni inay...isa-isa na kayo riyan.

*iba't ibang tsokolate, nasa puwit ni inay...maghati-hati na kayong lahat.

*anim na Ralph Lauren na t-shirts suot-suot ni Inay...para sa iyo, Kuya, at isa-isa ang mga pamangkin ko.

*isang dosenang Wonderbra na gustong-gusto ninyo, mga kapatid ko, suot-suot din ni Inay.  Maghati-hati na kayo riyan.

*dalawang dosenang Victoria Secret na panties na inaasam-asam ninyo, suot-suot din ni Inay.  Maghati-hati na rin kayo, Ate....


*walong Dockers na pantalon suot-suot din ni Nanay.... Kuya, Diko, isa-isa na kayo, at mga pamangkin ko.

*ang Rolex na hinahabilin mo, Kuya, e suot-suot din ni Inay. Kunin mo na.

*ang hikaw, singsing at kuwintas na gustong-gusto mo, Ate, eh suot-suot din ni Inay. Kunin mo na.

*mga Chanel na medyas, suot-suot din ni Inay. Tig-isa na kayo ng mga pamangkin ko.

Bahala na kayo kay Inay. Pamimisahan ko na lang siya dito. Balitaan ninyo na lang ako pagkatapos ng libing.

Nagmamahal na kapatid, Nene

PS. Pakibihisan na lang si Inay.....

                [Dokumentasyon mula sa Internet, circa 1970-1980]
 SA MGA MANINIPIL NA TADHANA
(Halaw mula kay Friedrich Holderlin)



Bigyan ninyo ako ng kahit isang tag-araw lang,
O mga makapangyarihan!  Isang taglagas
    Upang mapahinog ang aking awit: sa wakas,
Sagana sa kanyang matamis na pagkanta
Ang aking puso'y kusang yayakapin
    Ang kagustuhan niyang lubos pumanaw.

Ang kaluluwa'y hindi nakatanggap
Ng kanyang karapatang handog ng mga bathala.
    Sa buhay na ito, at hindi nagpapahinga
Ang kaluluwa kahit na umahon ito sa Orkus
Sa ilalim ng lupa; subalit aking matatamo
    Ang hangarin ng aking puso: ang aking tula.

Halika na, O kapayapaan ng mundo
Ng kadiliman!  Mahinahon na ako
    Kahit hindi ako akayin ng indayog
Ng aking lira; minsan ay nabuhay ako
Tulad ng mga bathala: hindi na kailangan
    Ang dating gawi sa kinabukasan.
 -----SA  AKING  SARILI
(Halaw mula kay Giacomo Leopardi)



Ngayon magpapahinga ka na sa habang panahon,
Puso kong hapo.  Pumanaw na ang huling pangarap
Na paniwala ko'y walang kamatayan.
Napawi na.  Taimtim kong nadarama ito,
Namatay na sa kalooban natin
Hindi lang pag-asa sa mahal na mga panaginip
Kundi pati na rin ang pagnanasa rito.


Humimlay ka nang walang hanggan,
Masigasig kang nagsikap.
Walang makagagantimpala sa iyong ginawa,
At di naman karapat-dapat ang mundo sa iyong hininga.

Kapaitan at pagkabagot lang ang buhay,
Putik lang ang daigdig.
Manahimik ka na.
Tumangis sa katapusan. 

Sa tao itinakda ng kapalaran
Ang kamatayan. 

        Layuan ang kalikasan
Na may makahayop na lakas na umiiral
Upang manakit ng sinumang nilalang;
Walang hanggan ang pagkawalang kabuluhan ng lahat.

NASULYAPANG  KARATULA   NI   "ALING   ANGGE     HILOT"
SA ISANG ESKINITA SA QUIAPO



PASMA  --    50     PESOS
PILAY ------  100   PESOS
MASAHE --- 300  PESOS
BUNTIS ----  500  PESOS
DULING --    800  PESOS
ULIANIN  --  900 +  PESOS (PIKS PRAYS)


-------  SPESYAL  SIRBIS ----

KULAM SA ASAWA ---              1000 PESOS

KULAMIN ANG TISMOSA---     2000  PESOS 

GAYUMAHIN ANG NOBYA --   5000 PESOS
SPESYAL DESKAWNT ---        4,500 PESOS

PAGTANGGAL NG LIBOG --- 10,000 PESOS (di garantisado)


----  CHICHAT SA KALULUWA--


DIPENDE SA ORAS -- 100 PESOS (5 MINITS) HANGGANG
        30 MINITS +  500 PESOS --WALANG TAWAD


-----BULONG ---- PARA SA KAGALIT O KAAWAY---
MURA LAMANG PERO SIKRETO, AREGLO  NA LANG SA LOOB


KUNG MAY IBANG SAKIT  TAWAGIN SI ALING TINAY SA TABI
NG QUIAPO SIMBAHAN, SA TINDAHAN NG BAWANG TAWAS ANTING-ANTING & MIRAKULONG LUHA NG BIRHEN NG TODOS LOS SANTOS

PANSENSYA NA PO KUNG WALANG TINDERA RITO
BAKA NATUTULOG LAMANG O NASA KUBETA

+++++++++++++++++
 PAG-ASA:  Analekta sa Paghabi ng Bagwis ng Paglalayag



Komadrona ng palaisipan, iligtas mo kami sa mga tuksong ito,
     mga bagay na pinagmumulan ng sindak at kilabot:

Bangungot   Mag-isa   Malason   Mamulubi  Makulam
Masaktan sa gabi  Malayo sa pamilya   Mapilay
Mawalan ng sikmura    Mawalan  ng salapi
Magkasakit sanhi sa mahiwagang dahilan   Di makadinig
Di makaamoy   Walang pakiramdam   Manhid na manhid  Walang panlasa
Di masaran ang pinto      Pasukan ng isang hayop mula sa lansangan
Gahisin ng pulis o sundalo     Di na gagaling muli sa kanser o AIDS

            __________________________________

Nailipat mula sa isang payapang pugad tungo sa matris ng ligalig
(taglay o hindi ang hangarin)

Nawindang at puspusang nayanig hanggang magkasira-sira
(kahit walang bisa o talab)

Nailagay sa paraang pumipigil sa alingawngaw at pagkahawa
(kahit sagad ang talab at bisa)

Hindi kinukusa o sinasadya ang paglilipat
Walang tangka o pakay ang kilos at galaw ng mga kamay

Ipagpasiya na ipahinuhod sa nagpaubayang makapangyarihan
ang daloy at dulo ng nagsapalarang buhay--Sino ba ang kapit-bahay ko?

            _____________________________

Pinuputakti ang talasalitaan ng mura: putragis, putang 'na
Pesteng yawa    Kupal mo  Tarantado  Gago  Walang-hiya
Ulol   Buwisit    Hudas   Hinayupak  Buwang  Demonyo--

Tukso't lalang ng suson-susong kalamidad sa tagisan ng mga uri
Hinagupit  nasalanta  sapalarang balintuna't baligho--
Bigkasin mo, Komadrona ng himagsik, ang patalastas:

Sa pamamagitan ng isang mahigpit na panunumpa, upang sa
pagkakaisang ito'y magkalakas na iwasak ang masinsing tabing
na nakabubulag sa kaisipan...at matuklasan ang tunay na landas
ng katuiran at kaliwanagan (sipi sa Kartilla). Maliban kung mamatay ang buto....
 TUNGKOL SA AWTOR


           Kilalang kritiko at manlilikha sa larangang internasyonal, si E. SAN JUAN, Jr. ay dating Fellow ng  W.E. B. Du Bois Institute, Harvard University at Humanities Center, Wesleyan Uniersity. Emeritus professor of English, Comparative Literature & Ethnic Studies, siya ay naging fellow ng Harry Ransom Center, University of Texas, Austin. Kasalukuyang professorial lecturer sa Polytechnic University of the Philippines, Manila.

    Si San Juan ay awtor ng maraming libro, kabilang na ang Balikbayang Sinta: An E. San Juan Reader (Ateneo University Press), Sapagkat Iniibig Kita (University of the Philippines Press), Tinik sa Kaluluwa; Rizal In Our Time (Anvil Publishing), Alay Sa Paglikha ng Bukang-Liwayway (Ateneo University Press), Salud Algabre (University of San Agustin Publishing House), Balikbayang Mahal:  Passages from Exile, Sutrang Kayumanggi  & Bukas Luwalhating Kay Ganda (amazon.com), Ulikba (UST Publishing House) at Kundiman sa Gitna ng Karimlan (U.P. Press).

    Inireprint kamakailan ng U.P. Press ang kalipunan ng mga panunuring pampanitikan niya. Toward a People’s Literature.  Inilathala ng Lambert Academic Publishing Co., Saarbrucken, Germany, ang kanyang Critical Interventions: From Joyce and Ibsen to Peirce and Kingston, kasunod ng In the Wake of Terror (Lexington) at US Imperialism and Revolution in the Philippines (Palgrave).

    Ang pinakabagong libro niya ay: Ambil (Philippines Research Center), Lupang Hinirang, Lupang Tinubuan (De La Salle University Publishing House) at Between Empire and Insurgency: The Philippines in the New Millennium (University of the Philippines Press).



                        



MULA SA MANDUDULA AT MUSIKERONG NONI QUEANO


       Undergrad ako sa UP Diliman nang mabasa ko ang isa sa mga unang aklat ni Dr. E. San Juan Jr. na may titulong, The Art of Oscar Wilde na ginawan ko ng rebyung nalathala sa Philippine Collegian.  Mga tatlumpong-taon mula noon, naging guro ko siya sa CL 398 sa UP Diliman pa rin para sa Ph.D. degree ko sa English at Comparative Literature.  Sa mahabang panahon, nabasa ko rin ang mga sanaysay at pag-aaral niya ukol sa Kultura at Panitikang Pilipino, at hinangaan  ang kanyang malalim at masigasig na mga pag-aaral na nakapagpayaman sa mga  pamantayan sa kritisismo hindi lamang sa Pilipinas kundi sa iba’ibang panig ng mundo.
        Ikinatutuwa at ikinararangal kong matunghayan ngayon ang kanyang mga bagong obra, partikular na ang mga tula, sa koleksiyong tinawag niyang, Wala, na unang tingin’y nagpaalaala sa aking ng mga dibuhong modernismo sa panitikan, tulad, halimbawa ng nihilism sa panitikang Ruso.  Ngunit taliwas sa eksistensiyal angst o epektong absurdismo, ang mga tula ni Prop. San Juan, ay malinaw na may pinag-uugatan sa lipunan at praktikal na buhay ng Pilipino.   Una-una, sa paggamit niya ng mga bugtong at talinhaga na marami’y hango rin sa katutubong tradisyon at kulturang Pilipino.—hal., noong bata ako narinig ko na ang bugtong sa pagsasaing ng bigas sa tongko sa abuhan, particular, ang linyang, “Nakaupo si maitim, sinusulot ni mapula, si maputi’y tawang-tawa,” atbp. – at ang mga alaalang ganoon ay nagpapatingkad sa estetikong aliw at pagkaunawa sa mga tula.  Nababago ni San Juan ang ilang “canon” o pamantayan sa pagbasa ng tula dito, samakatwid, mula sa pangkaraniwan o tradisyonal, halimbawa, sa tula bilang daluyan ng damdamin (gaya sa tradisyong romantiko, hal. nina Wordsworth o Keats), o kahit sa imahismo. 
        Dahil sa gamit ng mga palaisipan at talinhaga, tila deretsahang tundos sa isipan at pagmumuni ang estetikong pag-unawa at aliw na dulot ng mga tula, sa halip na mang-antig o maglambitin muna sa damdamin.  Gayunman, mula sa palaisipan, luminya ang mga tula lalo na sa hulihan sa pagtukoy ng mga pangkasalukuyang usaping panlipunan –laluna, yaong sa Mindanao, tulad ng insidente sa Mamasapao at pagpaslang kay Marwan, atbp.  Malinaw ang mapanghimagsik na pakikisangkot at tuwirang pagturol – sa kabila ng balintunang imahen, hal., sa “neo-konseptuwalistang pinakbet,” – sa mga usaping panlipunan, kahit na hindi maikakaila ang post-modernismong hagupit at disenyo  na tiyak na ipinapakita, laluna, ng grupo ng mga tula – “halaw,” ang ilan, aniya sa ibang makata’t intelektuwal – sa mga hulihang pahina ng aklat.


--- NONILON V. QUEANO, Ph.D.  
Dept of English, University of the Philippines

ANG PANITIK NI CIRIO PANGANIBAN--Panunuri ni E. San Juan, Jr.

$
0
0
PAGHAHANAP AT PAGTUKLAS  SA PANITIK NI  
CIRIO  PANGANIBAN  

ni E. San Juan, Jr. 
Professorial Lecturer, Polytechnic University of the Philippines (Manila)




Sa matipunong kasaysayan ng panitikang katutubo, ang pangalan ni Cirio Panganiban ay namumukod bilang makabagong makata at mandudula sa unang bahagi ng nakaraang siglo. Ngunit madalang ang may pagkakilala sa kanya kumpara sa mga kontemporaryo niya. Kapanahon siya nina Jose Corazon de Jesus, Deogracias Rosario, at Teodoro Gener, mga kasapi sa samahang Ilaw at Panitik. Naging patnugot ng Surian ng Wikang Pambansa (1948-1954), si Panganiban ay abogado, propesor sa FEU, mangangatha at makata, at isa sa mga nagsalin ng Codigo Administrativo ng bansa (Panganiban at Panganiban  202, 216). Pumanaw siya noong 1955, kasukdulang krisis ng “Cold War” nang mahati ang Vietnam sa sosyalisting Hilaga at neokolonyang Timog, na pinagbuhatan ng madugong digmaang Indo-Tsina na yumanig sa buong mundo.

Ang panahon ng grupo ni Panganiban, mula 1922 hanggang 1934, ay kinakitaan ng pagsilang ng lingguhang magasing Liwayway. Naging popular ang mga kuwento o maikling katha (Abadilla, Sebastian at Mariano). Isa rito ang kuwentong "Bunga ng Kasalanan" na lumabas sa Liwayway noong 1920. Bagamat sanay sa paghihilera ng mga pangyayari, sadyang mahilig siya sa pagpokus sa mga eksena o tagpong kinasasaniban ng sala-salabid na aksyon, diyalogo, pakikisalamuha. Sa halip na naratibo, madulang paglalarawan ang piniling metodo ng makata sa maraming pagkakataon.

Lalong kilala si Panganiban sa natatanging dulang Veronidia (1919). Tambad na sa dulang ito ang kuwadrong alegorikal-simbolikal na masisinag din sa banghay at paksain ng mga tulang "Manika,""Karnabal ng Puso," atbp. Naging popular ang Veronidia buhat nang itanghal iyon sa dulaang Zorilla sa Maynila noong ika-7 Oktubre 1927, at idinaos din iyon sa iba't ibang bayan at paaralan.

Nakatawag-pansin ang hidwaan ng laman at porma sa dula. Bagamat melodramatiko't sentimental ang estilo't karakterisasyon, taglay ng akda ang isang suliraning masalimuot na dinulutan ng masinop na analisis at timbang. Masugid na itinampok sa banggaan ng mga tauhan ang karapatan at suliranin ng kababaihan sa panahon ng krisis ng patriyarkong orden ng lipunan sa ilalim ng pananakop ng Amerika at patuloy na rebelyon ng magsasaka't manggawa laban sa kaayusang piyudal at tradisyonal na moralidad. Patayin man ng asawa si Veronidia, patuloy pa rin ang pagnanais maging tapat sa unang sumpa't pagmamahal. Ambil ito nang lalong malawak na problema. Sapantaha nating sumbat ito sa mga taksil o traydor na tumalikod sa rebolusyonaryong adhikain at tuloy nagpaalipin sa bagong kolonisador. 

Panata ng Pakikisangkot


Sumabog ang Unang Digmaang Pandaigdig ng siglo 20 ngunit wala pang ganap na kasarinlan ang taumbayan. Sa isang pagdiriwang ng Ilaw at Panitik sa Hotel Colon noong Agosto 1915, ayon sa ulat ni Virgilio Almario, binigkas ni Panganiban ang pahayag sa mga kasapi:

Apoy!  Apoy ang puso ninyo'y kusang nag-iinit,
yaong apoy na mithiing sa sarili mananalig;
kayong iyan ay sa ilaw ng sariling pag-iisip
kumukuha ng liwanag na patnubay hanggang langit.
Mula noon sa Parnaso'y habang kayong umaawit
na ang tungo'y sa Olimpo upang doon ay isulit
na ang Laya't Katubusa'y panitik ang nagguguhit,
ang tao at ang baya'y tinutubos ng panitik. 
(Almario, Balagtasismo 54-55)

Tunog-talumpati ang hagod retorikal ng siniping saknong. Nasa mga anak ni Balagtas ang kaligtasan ng bayan. Ipinagpatuloy ng samahan nina Panganiban at De Jesus ang makabansa't progresibong adhikain ng panitikan na naigiit ng naunang kapisanan, ang Aklatang Bayan nina Lope K. Santos, Faustino Aguilar,Benigno Ramos, Inigo Ed. Regalado, Amado Hernandez, at marami pang bantog na manunulat. "Laya't katubusan" ng sambayanan ang kolektibong layunin ng dalawang henerasyon ng mga alagad ng sining sa kabila ng pansamantalang pagpanaw ng silakbo ng 1898 himagsikan.

Dumako tayo sa isang halimbawa ng pagsasapraktika ng mensahe ng nasiping pahayag. Sa mga tula ni Panganiban, natatangi ang "Three O'Clock in the Morning" sa kakaibang balangkas, imahen at daloy nito. Hindi matiyak kung kailan nailathala ito. Sa haka-haka ni Almario, tumutukoy ito sa pagkauso ng mga kabaret (sa Maypajo, San Juan at Sta. Ana) at baylarina noong dekada 1930 na dinumog ng mga sundalong Amerikano mula sa Fort McKinley at US Asiatic Fleet. Tumalab na ang impluwensiya ng kanlurang kultura, ng wika at musika nito. Tumindi ito sa pagbabalik ni McArthur noong liberasyon (1945) at tumingkad sa rehimeng neokolonyal nina Roxas, Quirino ant Magsaysay.

Bago pa man ilunsad ang mga hakbang tungo sa Komonwelt, mahigpit na ang kontrol ng aparatong ideolohikal sa diwa’t panlasa ng bayan. Dapat banggitin ang mga pangalang Tomas Claudio, kasama sa American Expeditionary Force na namatay sa Europa; si Pancho Villa, boksingerong kayumanggi na sumikat sa Amerika; at si Isang Tapales, bituin ng bodabil, na inanyayahang kumanta sa La Scala, Milan. Ang internasyonalisasyon ng milyu
ay sumagad sa krusada ng konseho ng Maynila laban sa mga puta sa Gardenia, Sampaloc. Subalternong modernisasyon ang inugit ng administrasyong kolonyal sa bawat mamamayan na may bonus na pang-aliw sa maramdaming kaluluwang kailan lamang nakawala sa patnubay ng Simbahan.

Panahon, hindi espasyo, ang problema. Dahil sa paggamit ng pamagat ng tanyag na awit noon, hinuha ni Almario: "Ang marikit ngunit panandaliang aliw sa loob ng mga panggabing pughad na ito ang dalubhasang ikinintal ni C.H. Panganiban sa kanyang 'Three O'Clock in the Morning" na kaipala'y alaala rin ng isang paboritong awit noon" (Balagtasismo 124).  Mayroong taning ang pagsulong ng urbanidad, isang katotohanang gumana’t gumayak sa maraming alagad ng sining noon. Laging matatagpuan ang tulang ito sa mga teksbuk at antolohiya. Bakit mag-aabala pa tayo sa kung sino talaga ang may-katha ng ating araling tula kung naibalita na, kahapon o malaon na, na patay na ang awtor ("death of the author," sa panukala ni Roland Barthes at Michel Foucault)? Paano, saan matatagpuan siya, ang mga buto o labi man lamang?

Basahin natin muli ang "Three O Clock in the Morning” gamit ang puntodebistang historikal.  Ano ang saysay nito, ano ang dating o kinalaman sa atin? Bakit makahulugan ito? Anong kabutihan, kung mayroon man, ang dulot nito? Mahirag tugunin ang lahat ng tanong, subalit subukan nating umaligid sa 
implikasyon ng ganitong moda ng pag-urirat.

Resureksiyon ng Awtor?

Ang pagsisiyasat sa identidad ng awtor ay kolektibong pagtistis sa ating kinabibilangang lugar o tahanan ng wikang katutubo. Hanggang may gumagamit ng wika, buhay pa ang mga salitang nakatitik dito.  Ipagpalagay nating di pa tuluyang utas, kundi naghihingalo pa, ang tinaguriang "awtor," ibig sabihin, ang responsableng taong lumikha ng kulupong na mga salitang ito. Mag-asta tayong usyoso, “curiosity-seekers,” wika nga. Baka maging Lazaro pa ang ating awtor.  Paulit-ulit sa mga teksbuk ang kauting datos tungkol kay Cirio Panganiban, awtor ng "Three O'Clock in the Morning." Matatagpuan ang tula sa antolohiya, Ang Ating Panitikan, pinamatnugutan nina Isagani Cruz at Soledad Reyes, at sa inedit ni Efren Abueg na ikatlong edisyon ng Parnasong Tagalog ni A G Abadilla.

Di magluluwat,  bukambibig na ang naisakatuparan ng makata. Inulit sa Internet ang naitala na nina J Villa Panganiban at Consuelo-Torres Panganiban sa kanilang Panitikan ng Pilipinas. Di kalabisang ulitin dito ang ilang datos sapagkat pambibihira ang nag-aaksaya ng panahon sa panulaang kayumanggi.

  Sinilang noong Agosto 21,1895 sa Bocaue, Bulacan, ang awtor ay naging patnugot ng Surian ng Wikang Pambansa (circa 1950s). Bukod sa pagkamanananggol, siya ay makata, kwentista, mandudula, mambabalarila, at guro ng wika. Laging binabanggit ang kuwento niyang "Bunga ng Kasalanan" na nalathala sa Taliba na pinagkamit niya ng titulong kwentista ng taong 1920 dahil sa boto ng mga mambabasa ng magasing Liwayway. Napuna ng kritikong Teodoro Agoncillo na sa katibayan ng kuwento ni Panganiban, ang mga manunulat sa atin ay marunong nang "magtagni-tagni ng mga tagpo" sa isang banghay (17). Nasabi ko na, hindi naratibo ang buhay kay Panganiban kundi mga eksenang pinaglakip tulad na montage sa pelikula—ang sining ng sinehan ay bago pa lamang naikalat sa kapuluan ng 1920.

Nabanggit na natin na tanyag si Panganiban sa dulang "Veronidia" (1927) na "lumikha ng pagbabago sa kasaysayan ng mga dulang Tagalog" (Panganiban & Panganiban 203).  Lalong kilala siya bilang makata ng mga tulang  "Sa Likod ng Altar,""Karnabal ng mga Puso,""Manika,""Sa Habang Buhay," atbp. Kabilang si Panganiban sa grupo ng mga manunulat ng "Ilaw at Panitik," at nasabi ko nga, sa isang antolohiya ng mga salin sa Ingles, na si Panganiban ay "link between the bardic style of Huseng Batute and the retrospective self-dramatization of A.G. Abadilla" (San Juan Introduction 74). Kung paano ito nag-ugnay kina Batute at Abadilla, ay isang bugtong o misteryong baka maaaring paglimiin sa siwang ng diskursong ito. Sa anu’t anuman, may pagkakahawig ang situwasyon niya sa karera ni Ezra Pound, tagapagtatag ng kilusang Imagism at Vorticism, tanging guro nina T.S. Eliot at tagapayo kina William Butler Yeats at James Joyce.  Sayang at hindi pa natin talagang lubos nakikilala si Cirio Panganiban.

Paghalungkat sa Likhang-Sining

Ilang iskolar lamang ang nagdulot ng tiyagang kilalanin ang awtor. Sa pananaliksik ko, isang sanaysay lamang ang tumalakay sa panitik ni Panganiban, akda ni Ben Medina na lumabas sa Philippine Studies (1971), at tungkol naman sa "Three O'Clock in the Morning," ang sipat ni Virgilio Almario. Ang komentaryo ni Medina ay pagpapatunay sa naisaad ng tala sa Wikipedia: "Naging alagad siya ni Balagtas sa pagsulat ng tula. Tradisyunal ang istilo niya sa pagbuo ng tula subalit nang malaunan ay nagbago na rin ng istilo, tulad ng masisinag sa "Manika" at sa "Three O'Clock". Tungkol sa "Manika," hatol ni Medina: "Napalayo siya sa pinagkaugaliang sukat, subalit pinatibayan niya ang likas na aliw-iw, indayog, ng mga salitang Tagalog…" (“Panganiban” 302). Nakagawian pa rin ni Medina ang pagkilates sa sining ayon sa pagsunod nito sa tradisyonal na panuntunan at sinaunang istandard gayong nag-iba na ang panahon at sitwasyon ng kritiko.

        Paano naman ang banat ng modernistang pantas? Dalawang beses nang nadalaw ni Almario itong tulang ito, una sa kanyang 1972 libro, Ang Makata sa Panahon ng Makina, at sa pangalawa, sa formalista't Marxistang punto-de-bista sa kanyang  2006 libro, Pag-unawa sa Ating Pagtula. Garapal ang pagtutumbas ni Almario ng "makauring pananaw" at realistang pamantayan ng Marxismo. Kaya itinuon niya ang "tipo ng buhay na isinasadula sa tula," alalaong baga, "ang dekadenteng buhay na dulot ng modernisasyon" (Pag-unawa 283).  Mistipikasyon lamang ito, ayon sa di-umano’y Marxistang pagtatasa ni Almario, samakatwid: "..ang tula ay isang romantisasyon ng aliw sa ganitong pugad ng mariwasa at hindi nakatutulong sa paglalantad ng bulok na relasyong panlipunan sa loob ng salon" (2006, 284). Batid nating mayaman ang pamilya ng makata, kaya "mambabaw kundi ma'y romantisadong paggamit" ng paksa ang nangyari.  Kongklusyon ni Allmario: delikado itong ipabasa sa progresibo (o inaaping) sektor ng lipunan. Baka mahumaling ang inosenteng mambabasa sa burgesyang “lifestyle” na napanood sa tula.

        Bagamat maraming partikular na detalye ang sinuyod at pinaglimi ni Almario sa kanyang pormalistang paghimay, lubhang dahop kundi man karikatura ang demonstrasyon niya ng Marxistang pagkilates. Moralista ang tula, ayon kay Almario, ngunit taglay ang angking gayuma o "iwing kamandag."  Hindi naipagkabit-kabit ang masalimuot na aspektong bumubuo sa tula. Bagamat nailugar ni Almario ang panahon ng tula sa kolonyang milyu ng Amerikanisadong lipunan bago sumapit ang WWII, istatiko't walang makatuturang relasyon ang panahong iyon sa nakalipas at sa darating na epoka ng kasaysayan ng bansa. Kung ihahambing, higit na malawak ang tanawing panlipunang nailarawan ni Almario sa pagsakonteksto niya ng tula sa 1984 libro niyang Balagtasismo versus Modernismo, ngunit walang bisa iyon sa pagpapakahulugan sa mapagpasiyang paghahati ng panahon sa dulang itinanghal ng tula.

Bumaling tayo sa ibang puna. Timbangin ang hagod ni Rolando Tolentino sa degenerasyong naturol na ni Almario. Hindi sermon ang tula  kundi pagpapatibay sa indibidwalistikong liberalismong ikinalat ng Amerika sa ilalim ng ideolohiyang liberalismo. Ipinakita ng tula ang tagumpay ng pangitaing ito, pakiwari ni Tolentino. Dagdag niya: "Ang pagtula ni Panganiban sa ganitong paksa ay pagbibigay ng lehitimasyon sa degenerasyon bilang kabahagi ng liberal na gawi--na sa hulling usapan, ang indibidwal ang may ahensya ng paglahok, pagpigil at pagwaksi sa kalakarang panlipunan, kahit pa nga nagpapahiwatig ito ng degenerasyon" (179).  Sa palagay ko, tila kalabisan ang pagbibigay ng ahensiya sa nag-iisang indibidwal, sadyang salungat sa tipikal na representasyon ng dula at tauhan sa tula. Gayunman, mainam ang diin ni Tolentino sa dekadensiya ng buong milyu.

Musika ng mga Aliping Nagbalikwas

Iminumungkahi ko rito ang isang mapanghamong interpretasyon. Sa halip na ulilang indibidwal, ang diwa ng solidaridad at dinamikong alingawngaw nito ang kinakatawan ng tinig ng tula. Ang laman at anyo ng "jazz," genre ng tugtuging "Three O'Clock in the Morning," ay hango sa "call-and-response" ritmo ng mga Aprikanong nagtatrabaho sa mga plantasyon ng bulak sa Katimugang Estado ng Amerikano noong panahong ante-bellum, bago sumiklab ang Giyera Sibil. Kahalintulad ito ng sitwasyon ng kolonya't malakolonyang bansa na sinakop at nilupig ng puting Establisimyentong umangkin sa jazz at kinomodify ito bilang kagamitan sa pagkamal ng kita at tubo sa Amerikanisadong cabaret noong dekada 1920-1942 sa buong kapuluan. Samakatwid, ang musikang nasasangkot rito ay mapagpalaya, hindi gayumang nakabibilanggo.

Mula sa kasaysayan ng mga itim na alipin sumibol ang jazz, katibayan ng kolektibong pananagisag ng pagkakaisa ng mga alipin/esklabo sa kanilang kasawian at pakikibaka. Bagamat may namamayaning temang sinusunod ng lahat ng gumaganap sa orkestra sa paglalaro sa jazz, may kalayaan ang bawat isa na humabi ng kanyang baryasyon o bigyan-kahulugan ang dominanteng tema sa isang partikular na tono't bilis na ekspresyon ng pansariling nais sa loob ng napagkasunduang porma ng musika. 

Ibig sabihin, sa idiomang konseptwal: ang ahensiya ng indibidwal (musikero, alipin) ay nakakapa sa kolektibong pagsisikap isakatuparan ang layuning bumubuklod sa lahat, ang bukal ng kahalagahan ng partikular na identidad ng kasapi sa orkestra. Kolektibong saloobin ang itinatampok ng jazz.

Kawangki sa istruktura ng jazz ang pagsulong ng tatlong eksena sa tula. Ang praktika ng pagsasalit-salit ng indibidwal at lipunan ay naipahiwatig sa transisyon mula sa "lilipad-lipad" na mananayaw hanggang sa pigura ng babaeng humibik, "hinahanap-hanap ang puring nawaglit." Ang mismong senyas/representamen ng jazz ang siyang nagdadala sa pagsulong ng tula mula sa masiglang aliw sa unang saknong, kasunod ng dalumat sa pansamantala't mapaglinlang na uri ng ganda't saya, hanggang sa huling saknong na saksi sa pagtuklas ng kabiguan kaalinsabay ng paglukob ng dilim sa dati'y maaliwalas na kapaligiran. Sinubukang sukatin ang pagbabago ng panahon sa pag-iiba ng eksena, ngunit walang ganap na pagsabay o paglalapat.

Triyanggulong Nabuo ng Dalawang Dulo

Pagnilayin ang kaibhan ng senyas na ikon and indeks, sa semiotika ni Charles Sanders Peirce.  Ang ikon ay kalidad ng nadaramang karanasan  samantalang ang indeks ay referent, ang bagay o kondisyon na inihuhudyat. Sa guwang ng kontradiksiyong ito sumingit ang rason/batayan ng pagkakawing ng ikoniko't indeksikal na senyas ng tula at tagpo't aksyon. Ang dahilan na ang hugis ng nadaramang kapaligiran ay di dapat ituring na katotohanan kundi pambungad na hagdan o panimulang palantandaan ng katunayang matutuklasan sa dulo ng takbo ng karanasan. Ito ang tinaguring lohikang interpretant, ang masaklaw ng kahulugan ng tula. 

Di naganap ang tangkang rekonsilyasyon ng mga kontradiksiyon. May himatong ng pagsasanib ng reyalidad at pantasya, ng dalamhati sa katalagahan at ligayang ginuguni, sa metapora ng pusong naglalaro sa isang sandali, kapagdaka'y nagsisinungaling. Sinalamin ng nadaramang kapaligiran, ng eksena, ang paghuhunos ng panahon. Sa natatanging lugar ng cabaret at panahon ng alanganin o biting yugto ng kinaumagahan nasapul ang ethos o chronotope ng kabuhayan sa kolonisadong Pilipinas.. Sa ganitong paraan matagumpay na napagsanib ng makata ang anyo (porma) at laman (tema) ng tula.

Nilagom ni Panganiban ang physiognomy ng dekada 1930-1940, krisis ng kaptalismong internasyonal at kolonyang Pilipinas. Maisisingit dito ang signipikasyon ng awit bilang matinik na pagsasanib ng nakalipas at hinaharap--isang diyalektikong karanasan--na mabisang nagamit ni F. Scott Fitzgerald sa nobelang The Great Gatsby.  Dekada 1922 iyon, katatapos lamang ng Unang Giyerang Pandaigdig. Masigla ang kapitalismong negosyo noon, ngunit may banta ng krisis na babagsak. 

Samantala, puno ng paghihintay at pag-aasam ang kabataang kadluan ng panaganip at pangarap.  Paglimiin ang panimdim mula sa punto-de-bista ng tagapagsalaysay sa nobela ni Fitzgerald, si Nick Carraway: "....where Three O'Clock in the Morning, a neat, sad little waltz of that year, was drifting out the open door. After all, in the very casualness of Gatsby's party there were romantic possibilities totally absent from her [Daisy's] world. What was it up there in the song that seemed to be calling her back inside?  What would happen now in the dim, incalculable hours?" (111). Hindi lahat ay pagkabigo't pagkasalanta; taglay rin ng eksena't pangyayaring iyon ang pag-asa, pangako ng katuparan, kaligtasan, tagumpay at luwalhati. Sa gitna ng apokaliptikong bugso ng panahon, sumusulak ang simbuyo ng tuwa’t kaluguran.

Dulog sa Semiotika 

Sandaling ibaling ko ang diskurso se semiotika ng pilosopong Peirce.
Naipaliwanag ko na sa isang sanaysay na lumabas sa Daluyan 2013, sa  kathang ”Kahulugan, Katotohanan, Katwiran: Pagpapakilala sa Semiotika” ang elementaryang turo ni Peirce. Naipaliwanag ko na rin ang ilang batayang prinsipyo ng teorya ng senyas ng pantas. Pwedeng idiin muli ang triyadikong paradigma nito: obheto--senyas o representamen--interpretant. Sa lingguwistika ni Saussure, ito ang signifier-signified na binaryong relasyon, tiwalag sa "obheto" o yaong okasyon o dahilan ng signipikasyon. Kaiba kay Saussure, binubuklod ng interpretant ang signifier (senyas) at signified (obhetong tinuturo), ayon kay Peirce. Ang interpretant (saysay, kahulugan) ang siyang nag-uugnay sa obheto (referent, sa ibang diskurso) at sign/senyas (tanda, marka).

Iniuugnay ng interpretant ang marka o representamen sa bagay na tinutukoy, ang obheto. Sa gayon nagkakaroon ng kahulugan ang senyas para sa isang nagpapakahulugan (hindi laging tao ito).  Pansinin na hindi dekonstruksyonista si Peirce sapagkat ang obheto ng semiotika ang nagtitiyak o nagtatakda sa senyas/salita/marka, kaya hindi arbitraryo ang lahat ng pagpapakahulugan o signipikasyon. May reyalidad sa labas ng malay o muni. Gayunpaman, hindi lubos na natitiyak o naitatakda ng senyas ang interpretant (253-259). Kaakibat ng interpretant ang obheto na siyang nagbibigay ng kahulugan sa senyas/sign, kaya maraming posibilidad ito--at hindi talagang maiiwasan ang kalabuan, pasumala, baligtarang pahiwatig, at walang patid na sikap sa trabaho ng unawaan at pagpapaliwanagan.

Kaunting pagmamasid pa sa paksang ito. Humigit-kumulang, maitutukoy ang tatlong uri ng interpretant: ang kagyat o immediate interpretant, na hindi pa lubos na nakamamalay at nakakikilala kung ano ang ibig isiwalat na senyas. Ito ang reaksyon sa unang basa ng tula: bahagi ng sentido lamang ang nasakyan.  Pangalawa, importante ang dinamikong interpretant. Tinutukoy nito ang lahat ng pormalistiko't moralistikong pagbasa. Ito ang bisang aktuwal ng mapagkawing na punksiyon ng senyas sa ulirat, ang tahasang dating. Nasa ilalim ng kategoryang ito ang nabanggit na kritisismo.  Pangatlo, ang pinal o pinakahuling interpretant. Ayon kay Floyd Merrell, "the final interpretant is that which is accessible only in the theoretical long run and hence outside the reach of the finite interpreter or interpreters" (128). 

Sa pagsusuma, ihahanay ko ang posibleng baytang o antas ng tatlong uri ng interpretant sa eksplisayon ng dula ni Panganiban. Una, ang kagyat na interpretant ng Veronidia ay awdiyens na nagimbal at nasindak sa pagpatay ni Cristino sa asawa sanhi ng panibugho. Isaisip ito patungo sa pangalawang antas. Sa dinamikong interpretant, saklaw na ang pagtatagisan ng patriyarkong awtoridad ng lalaki/asawa at espirituwal na personalidad ng babae bilang malayang ahente. Sa pangatlo o pinal na interpretant, maimumungkahi na ang asal o ugaling ipinahahatid ng dula ay paglalagom ng una at dalawang antas ng pagpapakahulugan. Dinamikong pag-uugnayan ang layon upang payamanin at paunlarin ang kabatiran natin ng saysay ng tula.

Sa pakiwari ko, ito ay may kaugnayan sa etika-moral na ordeng piyudal (patriyarko) at ordeng burgesya (malayang pagkilos ng indibidwal), at ang tunggalian nito. Paano natin mapapahalagahan ang tapang ni Veronidia, ang kanyang pagsunod sa damdamin at paglabag sa utos ng makapangyarihang uri/pangkat ng kalalakihan? Alin ang may malalim o mabigat na kabuluhan: ang kaligayahan ng mapagkalinga't mapag-arugang asal o ang indibidwalistikong danas ng personal na kagustuhan? Marami pang isyu't usapang kasangkot nito, ngunit dapat igiit na hindi tekstuwal o pangsining lamang ang target ng semiotika kundi kilos, gawa o praktika ng relasyong panlipunan.

Pinalalim ni Peirce ang pagtalakay sa pag-imbento ng "intentional interpretant" na isang senyas na ginawa ng nangungusap upang magkaroon ng komunikasyon. Maari ring magbuo ang nangungusap o sumusulat ng"effectual interpretant" kung saan nagkabisa o tumalab ang senyas ng inilahad ng nangungusap (Liszka 90).  Sa palagay ko, ang dalawang ito ay kalakip sa dinamikong interpretant. Kung lalagumin, ang iba't ibang antas ng dinamikong interpretant ay maaaring mapatingkad at mapabulas sa masinsinang pagpapaloob ng porma at nilalaman ng tula sa kuwadro ng mahabang kasaysayan ng bansa na nagkakabit sa rebolusyon laban sa Espanya at sa Amerika hanggang sa pagsakop ng Hapon. Nakabuod sa tula ang transisyonal na espasyo/panahong tinawid ng bayang Pilipinas. 

Ulirang  Pagsisiyasat

Historiko-materyalistikong proseso sa hermeneutics ang nailatag ko rito. Sa aking pagbasa, itinuring kong sa likod ng partikular na detalyeng mailalahad sa isang sosyolohistikang ulat, naroon ang intensiyong gamitin ang penomena upang ipaabot ang isang mapanuri't mapaglagom na pangitain: ang karanasan ng kolektibo, ng buong lipunan, Pagpapalawig ito sa literal o denotatibang katuturan. Pagbibigkis iyon sa punto-de-bista hindi ng isang grupo o pangkat kundi ng buong sambayanan. Sisipiin ko ang nailahad ko na sa nabanggit na artikulo:

Sa pakiwari ko, ito ang alegoryang nakalakip sa kategoryang Pangalawahin, binubuo ng indeks ng limitasyon sa kagustuhan o pagnanais ng tao. Malinaw na ang temang nakasentro ay
pagkabigo, kabalintunaan, sakit at sakuna dulot ng mapanggayumang hibo ng magara’t nakasisilaw na pamilihan/komersyo ng lungsod dala ng Kanluraning kapital. Naranasan ito sa pangyayaring naganap. Ang bayang Pilipino ang natukso ng Amerika, ngunit sa pagitan ng gabi ng kahirapan at umaga ng katubusan, hindi pa rin makaigpaw sa romansang walang kasasapitan. Ang kaligtasan ay nasa pagmumuni sa takbo ng ating kasaysayan noong bago "liberasyon" sa pananakop ng Hapon (San Juan. “Kahulugan” 12)..


Bakit ko naungkat ang rason ng ating pag-aaral at imbestigasyon tungkol sa kahulugan? Ano ang silbi nito bilang kasangkapan sa pamumuhay? 

Ipagunita natin sa kalipunan ng mga nag-sisiyasat--tayo ito, ang komunidad ng mga mananaliksik at nagsusuri--ang dahilan ng pag-uusisa sa senyas, wika, sining. Ang kahulugan ay isang proseso ng komunikasyon sa iba't ibang mga ahensiya. Ang produkto nito ay impormasyon, at ang bisa o resulta ng komunikasyon ay pag-uunawan, yaong ibinabahaging pagkakaiintindi na pag-aari ng lahat, kaalamang gamit ng lahat.  Adhika nating matamo ang kasukdulang sinabi ni Peirce: “concrete reasonableness” (de Waal 155-57).

Samakatwid, ang layon o pakay ng pag-aaral (inquiry, sa kataga ni Peirce) ay pagkakasundo sa isang totoong paniniwala o kaalaman (Liszka 81). Sa pangkalahatan, pagkakaisa sa opinyong naitatag na.  Ang bunga naman ng tunay na paniniwala, ng mataimtim na pinaninindigan, ay pagkontrol sa sarili, disiplina sa sarili; at para sa madla, kilos o ugali o gawi ng nagpapakita ng konkretong pagkamakatwiran (kongkretong rasyonalidad). Sa dagling pagsusuma, ang layon ng interpretasyon ay isang makatwirang pagkilos at ugali ng pakikipagkapwa taglay ang pagkamakatwiran.

Motibasyon ng Pagtatanong

Sa ganitong perspektib, sikapin nating patalasin at palawakin ang sakop ng interpretant. Bakit? Upang magamit ang pagbasa sa tula sa pagkakamit ng lalong mapagpasiyang kabatiran hinggil sa kontribusyon ng tula sa ating dunong, talino, damdamin, kakayahan, sensibilidad. Hindi ito pagkakataong ilahad ang teorya ng interpretasyong iminungkahi ni Fredric Jameson sa kanyang "On Interpretation: Narrative as a Socialiy Symbolic Act," kasama sa The Political Unconscious (1981). Sa halip, tunghayan ang kanyang mga panukala’t paniwala sa kanyang "Third World Literature in the Era of Multinational Capitalism." 

Naimungkahi ni Jameson pagkatapos sipatin ang halimbawa ni Lu Hsun, ang rebolusyonaryong manunulat ng Tsina, na ang manunulat sa Pangatlong Mundo ay kaiba sa katukayo niya sa industriyallisadong metropolitanong sentro. Kaiba dahil ang relasyon ng pribado at publikong larangan, ang koneksiyon ng pulitika at pansariling kapakanan, ang papel na ginagampanan ng intelektwal sa pulitikong digmaan ng kolonyalismo at sinakop. ay lubhang balintuna. Ilapat ang obserbasyong ito sa panitik ng mga kapanahon ni Panganiban:  "Third-world texts, even those which are seemingly private and invested with a properly libidinal dynamic--necessarily project a political dimension in the form of  national allegory:  the story of the private individual destiny is always an allegory of the embattled situation of the public third-world culture and society” (Jameson, Reader 320). Dalubhasa sa alegoristang pagsasalin si Panganiban.

Maidadag na sa klima ng kulturang kinasangkutan ng mga pagpupunyagi ng kapisanang Ilaw at Panitik, kabilang na si Panganiban, ang usapin ng kalayaan at kasarinlan ng bansa laban sa Estados Unidos ay maigting na adhikain. Laganap ito buhat nang sumuko si Aguinaldo sa Estados Unidos at nagapi ang mga gerilya ni Macario Sakay. Maungkat muli ang naiulat: sa isang pulong ng grupo noong Agosto 1915 nasambit ni Panganiban ang pahayag ng dakilang simulain ng manunulat sa panahon ng pananakop na manalig sa sariling pag-iisip, itaguyod ang liwanag ng patnubay na paninindigan "Na ang Laya't Katubusa'y panitik ang nagguguhit, / Ang tao at ang baya'y tinutubos ng panitik" (Almario, Ang Tungkulin 257). 

Samakatwid, ang dula ng "Three O'Clock in the Morning" ay isang alegorya ng bansa. Iyon ay dramatikong pagsisiwalat ng sitwasyon ng bansa sa pagitan ng ilusyon ng hegemonya ng Amerika at malupit na okupasyon ng pasistang lakas-pandigma ng imperyong Hapon. Batay sa bagong kaalamang ito, ano ang nararapat ipagpasiya sa pag-ugit sa pagpapalaya't pagsulong ng buong bansa? Anong dapat gawin pagkakamit ng kabatirang dulot ng mga salita?

Kung sisipatin sa ganitong kuwadro ng pagpapahalaga, lilitaw na ang tula ay isang masaklaw na talinghaga, isang parabula ng sambayanan, hindi lamang ng ilang indibidwal o pangkat (San Juan 2015). At ang interpretant nito, kung makalilipat mula sa dinamiko hanggang final o effectual na antas, ay mahihikayat magpasiya na, una, ibahin ang sitwasyon ng panitikan at mambabasa; pangalawa, gamitin ang impormasyong nahugot sa tula at ilapat sa hinihingi ng bagong kapaligiran; at pangatlo, sa pagbabago ng ating kamalayang panlipunan at pangkasaysayan, kailangang baguhin ang ayos ng lipunang giinagalawan natin. Kung ano ang kayang gawin ninuman, o kung anong nais—ito’y responsibilidad na ng bawat uri sa kanilang pagtatagisan at pagkakaisa.

Pagsubok sa Paglampas sa Hanggahan

Dapat salungguhitan ang tesis nina Peirce at iba pang aktibistang intelektwal (Bakhtin, Althusser) sa Marxistang tradisyon. Gawing saloobin ang proposisyon na ang wika, sa panitikan o pasalitang diskurso, ay isang praktikang panlipunan na magkatalik sa kasaysayan at pulitika. Ang panitikan ay isang tahasang interbensiyon sa tunggalian ng iba't ibang uri, sektor, lakas, isang sandatang pampulitika na bumubuo ng suheto/identidad sa pamamagitan ng interpelasyon o pagtawag sa tao upang maging suheto o aktor sa isang dulang pangkasaysayan(Lecercle 198). Ang tula ay panawagan, taliba, panghikayat upang magtaglay na kahulugan/katuturan ang mundo.

Sa sangandaang himpilan na narating natin, maitanong kung ano ang interbensiyon ng kuwentong "Bunga ng Kasalanan" ni Panganiban sa larang ng makauring politika? Maselang tanong na maaring sagutin sa salita, kilos, gawa—mga tanda ng pagkaunawa. O sa tahimik na pagwawalang-kibo, isa ring pagpapasiya.

Sa palagay ko, masisipat iyon sa unang pangungusap ng kuwento: "Si Virginia, ang babaing madasalin, palasimba at mapagluhod sa mga tabi ng "Confesionario" ay may 10 taon nang kasal kay Rodin" ( 113). Magkasalungat ang siyentipikong panunuri at tradisyonal na relihiyon sa usapin ng pagbubuntis at panganganak. Ngunit sa panaginip ni Virginia, naligtas niya ang kanyang sanggol sa kukong sasambilat dito, ang kapangyarihan ng lalaki/ama, na mapanira't mapangwasak. Sa paraan ng pagsisiwalat sa "di-malay"na sektor ng dalumat, naisakatuparan ng naratibo ang pag-sublimate ng tradisyonal na paniniwala--"yaong sa kabaliwan ni Virginia ay tinawag na bunga ng kasalanan"--at apirmasyon ng posisyon ng Ina sa hirarkya ng modernong pamilya. 

Dapat tiyakin ang partikular na sitwasyong pampulitikang kinalalagyan ng mga tauhan sa kuwento.  Bagamat ito'y nangyari sa rehimen ng Amerikanong kolonisador, may pahiwatig pa rin na hindi lubos na maayos o maluwalhati ang kontrol ng patriyarkong mananakop. Nakatago o nahihimbing pa rin ang mga subteraneong lakas ng mapanlikhang subalterno/katutubo na sinasagisag ni Virginia sa akdang ito--at ni Veronidia sa dulang natalakay na natin. Paano mapapatunayan na taglay ng ama/lalaki ang awtoridad sa pamilya kung wala siyang kontrol sa libidong gumagabay sa personalidad ng asawa?

Komodipikasyon ng Damdamin

Sa kanyang pagbabalik-tanaw sa panitikang Tagalog, nilagom ni B.S. Medina Jr. ang partikular na katangian ng panulaan ng makata. Diin niya na sa kabila ng ilang tangkang eksperimental na nabanggit na, patuloy na tradisyonalista ang “pangungunyapit niya kay Balagtas”: “Kapansin-pansin na sa mga tulang namumukod ni Panganiban, ang paksang-diwang pagdurusa ng puso ay namamayani” (Tatlong Panahon 237). Sang-ayon sa kuro-kurong ito si Almario: maindayog at romantisista, bagamat taglay ang “maingat na balangkas at masinop na estratehiyang pormalista” (Walong Dekada 375).  

Sa tingin ko, mapanglupaypay ang tilamsik ng pag-unawang ito. Ganoon din ang hatol ng maraming kritiko, na hindi nagsikap ihiwalay si Panganiban sa pangkat ng konserbatibong Cuarteto ng Ilaw at Panitik. Tiyak na naliliman siya ng dominanteng aura ni Huseng Batute, na kinilalang bantog na makatang-bayan bago pumawi noong Mayo 26, 1932. 

Tunghayan muli natin ang malimit isa-antolohiyang “Manika.”  Pagdurusa ng puso ba ang nakatanghal dito? Sa malas, tampok dito ang transpormasyon, ang pagpanaw ng utopya ng nakalipas: “sa puso ni Ina’y muling dumadalaw /ang panahong musmos ng kaligayahan.”  Ngunit kakatwa: mahiwaga ang manika sapagkat hindi nagbago ang “chinitang” sa pagngiti’y pumipikit. May hinalang ang manika ng nangungusap ang manika rin ng kanyang Ina, napabayaan nang magdalaga ang Ina, kaya naghihiganti sa anak. Datapwa’t ayaw magsalita ang manika, wangis “Esfinge” taglay ang marmol na puso. Naging niyaring laruan ang organikong nilalang; nilambungan ng ingay ng palengke ang mairuging pag-aaliwan sa tahanan.

Tiyak na ang krisis ng paglipas ng ordeng kumalinga sa patriyarkong pamilya, ang sistemang piyudal, ang nagsilbing bukal ng lumbay at pananangis. Sa bagay na biniling manika, isang komoditi ng komersiyanteng lipunan, nakasalamin ang kontradiksiyon ng bagay na hindi tumatanda at karanasang nagbabago, kaakibat ng mapusyaw na imahen sa gunita. Walang mahihinuhang paliwanag ang mundo ng mga bagay-bagay, ang mundo ng negosyo at salapi, kung bakit nawala ang masuyong aruga ng Ina, ang daigdig ng layaw—ang kaugnayang naitransporma ng modernistang aparatong ideolohikal ng kolonyalismong Amerikano. Hiwalay ang manikang maakit ngunit pipi sa sitwasyon ng anak at inang nag-uusap. Sakuna sa pag-iral ng pamilihan at komersyanteng sistema ang relasyong pakikipagkapwa batay sa wika, salita, talastasan ng lipunang nakasentro sa pamilya. Walang imik ang manika.

Marikit, nakabibighani, ang kapaligiran ng komersiyanteng mundo sa panahon ng Komonwelt para sa uring petiburgis. “Sabuyan ng kompeting serpentina” ang ipinagdiriwang sa “Karnabal ng mga Puso” at “Ang Dispras Kong Nangungusap,” karanasang naulit nang matinding nostalgia sa “Three O’Clock in the Morning.” Mapipisil na si Panganiban ay nagayuma ng dalamhati at kapanglawan, pighating kasabay ng pag-alis ng minamahal o paglisan ng magandang panaginip. 

Iginuhit ng Tadhana?

Bumalot sa diwa ng makata ang kolektibong trahedya ng mga makabayang alagad ng sining.  Sa halip na pag-aalinlangan, na sumagisag sa mga oportunistang pulitikong baligtaran noong maggapi ang Republika ni Aguinaldo, mahilig si Panganiban sa pagsamba’t pagsamo sa “salamisim,” na siyang magdudulot ng Pag-asa at Kaluwalhatian, sa tulang “Sa Habang Buhay.” 
Mahirap isantabi ang pusong nasugatan upang harapin ang pangangailangan ng diwang nagigipit, umaalimbukay. Bagamat melodramatiko at lubhang maramdamin ang tono ng makata sa “Salamisim,” hangaring maigting ng makata na makatakas o makahulagpos sa kanyang pangungulila; mahihinuhang hindi pa rin lubos na mapagsarili ang hibo ng guniguni. Napansin pa sa labas ng kanyang silid: “Sino ang dalagang sa karimla’y naglalamay?” Tumatagos sa salamisim ng utak ang tigas at talim ng buhay sa karaniwang karanasan.

Natalakay na sa unahan ang krisis na gumiyagis sa mga manunulat at intelektwal noong tatlong dekada bago maitatag ang Komonwelt: ang pagbuwag ng Malolos Republik, pagsuko ng mga oligarkong pulitiko, at pagkompromiso nina Quezon, Osmena at mga kapanalig. Sintomas ng marupok at nabubulok na rehimeng ng oligarko’t kolonyalismo ang insureksiyon ng Kolorum at Sakdal, bukod pa sa maalab na unyonismo ng uring proletaryo sa kalunsuran nang panahong bumulas ang pasismo sa Alemanya, Italya, Espanya at Hapon.

Ang pangalawang krisis na hinarap ng saray ng mga artista ay pagsuko ng puwersa ni MacArthur sa Hapon, na siyang isinadula ni Panganiban sa “Three O’Clock in the Morning.” Sa pangatlong krisis ng bansa, sinaksihan ng pagmasaker sa mga gerilyang Huk at pagbabalik ng sistemang piyudal/burokrata-kapitalismo nang itayo ang Republika ni Roxas, tumahimik tila si Panganiban nang siyang hiranging puno ng Surian hanggang sa kanyang pagkamatay noong 1955. Nalugmok ang gerilyang Huk nina Magsaysay at mga tutang pulis/militar, at pansamantalang nanlupaypay ang makabayang kilusan.

Ang huling saknong ng “Salamisim” ay maituturing na maniobrang paglutas sa hidwaan ng adhikaing lumaya at realidad ng pagkabusabos. Ang indeks ng pakikitunggali ay nalubog sa ikon ng damdamin at pangimpan. Ang kalikasan ay kumakatawan sa kaluluwa, paglilimayon ng makata:

At sapagkat ang sampaga ay bulaklak kong kalihim,
Sa kanya ko itinanong ang sa gabing salamisim….
At nagtapat: “Ikaw pala!”  Ang mukha mo, aking Giliw,
Ay sa hamog ng sampaga nalarawang tila Birhen.  
(Medina, Tatlong Panahon 237)

Panghihimasok ng Kapangitan

Mapapansin na bihasa sa malahimalang resolusyon ng problema ang makata. Ngunit ang dula ng krisis ng manunulat tulad ni Panganiban at mga kapanahon ay hindi nagtatapos sa mistikong kaisahan ng kalikasan at espiritu tulad ng kongklusyon ng maraming tula niya at mga kasamang Batute, Gener, atbp. Mahirap iwasan ang komprontasyon ng imperyalistant panginoon at pinagsasamantalahang taumbayan. 

Ungkatin natin ang pinakamadugong usapin noong bata pa si Panganiban: ang kasong libel laban sa editoryalista ng “Aves de Rapina” ng El Renacimiento (Oktubre 30, 1908). Isinakdal ng mga peryodistang Martin Ocampo at Teodoro Kalaw ang paninibasib ng upisyal na si Dean Worcester, Interior Secretary, na tutol sa pagsasarili ng Pilipinas. Ibinandila ni Amado Hernandez ang pangyayaring ito sa kanyang nobelang Mga Ibong Mandaragit, na tumutukoy sa mga oligarko’t imperyalistang bumibiktima sa masang yumayari’t lumilikha ng kayamanan ng bansa, ang uring manggagawa’t magsasaka, sampu ng petiburgesyang naglilingkod sa pamahalaan.

Kasangkot si Panbaniban sa usapin ng pagsasamantala, hustisya, pagbabago, demokratikong karapatan, at pambansang kasarinlan. Hindi tuwirang tinalakay niya ang mithiing rebolusyonaryo’t nasyonalistiko sa bawat tula, liban na lamang sa isang tulang natatangi, “Babala ng Lawin.”  

Alegorikong hayag ang diskursong kumbensyonal, na ginagad niya sa kontemporaryong daloy ng pamamahayag noon. May himig balagtasan ang tempo ng pangungusap at payak ang mga imaheng ginamit. Walang dapat ipangamba. Gayunpaman, ito’y katibayan na sa likod ng melodramatiko’t romantisistang tabing ay matatagpuan ang rebeldeng diwang kumakatawan sa kapalaran ng nakararaming mamayan, di lamang sa Pilipinas kundi sa buong planeta—ang tadahana ng sangkatauhan:

Babala ng Lawin

Mga bukang pakpak,
Mga matang uslak—
Mahayap ang tuka, matalim ang kuko—
Buhat sa irurok ay pumapalasong daragitin ako;
Kung ako ay sisiw, sa papaimbulog ay mabibitbit mo…

Ngunit ako’y bayang bayani’t malakas
Na di maaring gapiin sa dahas,
At sa aking pusong hindi nasisindak
Ay may nagbabagang patalim ang kidlat,
At sa aking dibdib ay may naglalatang na ngitngit ang bagyo—
May bulkan sa diwa, may tabak sa kamay, may dupil sa noo—
Kaya, Mandaragit, huwag mong tangkaing kunin ang Laya ko,
Sapagkat may lintik at may kamatayang kikitil sa iyo!

(Almario, Walong Dekada  59)

Sunod sa arkibo ng araling utopya, ang kalikasan ay nasa panig ng taumbayan at ang kolektibong dunong at kakayahan nito ay maihahaintulad sa puwersang nasasaksihan sa karaniwang proseso ng buhay. Lamang, dito, tutol ang budhi at bait ng bayan sa lawin, sa “ibong mandaragit” (ang naninibasib na imperyalismong Yangki), na binabalaan, tulad ng turo ni Apolinario Mabini sa kanyang paninindigan na dapat masigasig na labanan ang mabangis na rasismo ng makapangyarihang Anglo-Saxon (1969). Mabisang sandatang ideolohikal ang rasismo, kaakibat ng makismo o paghahari ng kalalakihan, na inatupag tuligsain nina Batute, Ramos, Hernandez, at mga kapanahon.

Di hamak ang utopikong simbuyong nananalaytay sa tulang-bayan, sa poklorikong diskursong popular.  Malapit sa masang pesante o magbubukid, hindi pa sanay sa kabihasnan ng madaya’t mapagkunwaring kalunsuran, ang mga kapanahon ni Panganiban ay nakalingod pa sa paraiso ng masaganang bukid, ilog, parang, kung saan wala pang batas ng pribadong pag-aari, at ang salapi ay di pa siyang nagdidikta ng direksiyon ng buhay, Salungat sila sa alyenasyon ng kapitalistang orden, ngunit ang kanilang sandata ay luma, mahina, hiram sa romantikong tradisyon ng Europa, salat o kulang pa sa disiplina at kabatiran ng proletaryong nakausad na sa Paris Commune ng 1871 or sa Rebolusyong Bolshevik ng 1917. Subalit di dapat sisihin sila, taglay ang iwing pastoral/utopikong sensibilidad ng pesanteng nagpugad sa mabiyayang kalikasan ng kapuluan.

Pandayin ang Bukang-Liwayway

Pag-isipan natin na hindi sabay-sabay ang pagsulong ng iba’t ibang panig ng lipunan.  Magkahalo ang maunlad at reaksyonaryong tendensiya sa bawat uri, grupo, pangkat, saray.  Hitik sa kontradiksiyong obhetibo ang personalidad ng manunulat, ang kolektibong diwa ng mga organikong intelektwal saan mang lugar. Ang modernistang kilusang nailunsad nina Jose Garcia Villa at Alejandro Abadilla ay nakaugat sa petiburgesyang saray sa lungsod ng Maynila at sadyang may kanluraning oryentasyon. Marahil nalahiran si Panganiban ng mga eksperimentong promalistika ng dalawa sa balangkas ng saknong at sa maladulang ayos ng diyalogo ng mga tinig. Walang pasubaling naganap ang tunggalian ng mga ideya, damdamin, paniniwala, sa dibdib, utak, danas ng mga makatang nabanggit.

Gayunpaman, ang kontribusyong radikal ni Panganiban ay natatangi. Tinanglawan niya ang anyo’t bilis ng mga pagbabago, siniyasat niya ang masalimuot na hidwaan ng makabago at makaluma, hinimay niya ang kuwadro ng modo ng produksiyong kinalalagyan ng mga pangyayaring inilarawan niya. Siya ang gumanap ng papel ng seismograph ng pagsulong mula agraryo-piyudal na kaayusan ng malay tungo sa neokolonyal at burokratikong hugis nito, sampu ng mga sintomas ng krisis ng kasindak-sindak na pagbabagong nadama ng pambansang konsiyensiya. Isa siya sa mga artistang humubog ng poetikang mapagpalaya, kahanay nina Jose Corazon de Jesus, Amado V. Hernandez, Benigno Ramos, at Teodoro Agoncillo.

Bukod kay Amado Hernandez, wala pa sa kanila ang nakaimpluwensiyang malalim sa budhi at sensibiidad ng madla. Tanggapin natin ang obserbasyong laganap: nakukulapulan pa ng romantikong alapaap ang simbuyong mapaghimagsik sapagkat nagsisilbing silungan o saligan ang makalumang gawi, isip at dalumat. Samakatwid, hindi pa tapos ang pagtuklas ng kahulugang mapagpalaya sa likod ng minanang estilo’t retorika.  Hindi pa luma o laos ang intelihensiyang mapanuri't mapanlikha na nakasingit sa pagitan ng mga lumang taludtod at saknong ng makata. Kailangan ng tiyaga’t intuwisyon ang pagbulatlat ng halu-halong tendensiya sa daloy ng mga pangyayari sa kasaysayan.  

Ipagpaumanhin ang panawagang ito sa estilo ni Panganiban: Nasa sa inyo, mga mambabasa, ang tungkuling pigilin ang takbo ng panahon at bumuo ng bagong daigdig na makatutubos sa panahong lumipas. Isang asignatura itong tumitimbang sa katuturan ng panitikan o sining bilang mga karaniwang pangangailangan sa larangan ng kritika ng ideolohiyang mapaniil at utopyang bumabanaag sa harapan, isang mabisang patnubay tungo sa pagpupunyaging makamit ang isang makatao't makatarungang lipunan (San Juan LupangTinubuan). Ito ang ating pangkalahatang mithing sinisikap matamo sa abang gawaing pagpapahalaga’t panunuri ng mga tulang nakasulat sa ating katutubong wikang matagal nang lumago’t namulaklak sa gubat at kalunsuran ng “bayang sawi.”


SANGGUNIAN


Abadilla, A.G., F. B. Sebastian, & A.D.G. Mariano.   Ang Maikling Kathang Tagalog.  Quezon City: Bede's Publishing House, Inc., 1954. Print.
Abueg, Efren.   Parnasong Tagalog ni A. G. Abadilla, Ikatlong Edisyon.  Maynila: MCS Enterprises Inc., 1973.  Print.
Agoncillo, Teodoro,    Ang Maiklng Kuwentong Tagalog (1886-1948).  Maynila:  Inang Wika Publishing Co., 1972. Print.
Almario, Virgilio. Walong Dekada ng Makabagong Tulang Pilipino.  Maynila: Philippine Education Co., 1981. Print.
——-.  Balagtasismo Versus Modernismo.  Quezon City: Ateneo University Press, 1984.  Print.
----.   Pag-unawa sa Ating Pagtula.  Maynila: Anvil, 2006.  Print.
---.   Ang Tungkulin ng Kritisismo sa Filipinas.  Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 2014.  Print.
Barthes, Roland.  Writing Degree Zero.  New York: Hill and Wang, 1968. Print.
de Waal, Cornelis.  Peirce: A Guide for the Perplexed.  New York: Bloomsbury, 2013.  Print.
Fitzgerald, F. Scott.  The Great Gatsby.  New York: Bantam Books., 1952.  Print.
Foucault, Michel.  Language, Counter-Memory, Practice.  Ithaca, NY: Cornell University Press, 1977. Print.
Jameson, Fredric  The Political Unconscious.  Ithaca: Cornell University Press, 1981.  Print.
-----.    The Jameson Reader. Malden, MA: Blackwell, 2000.  Print.
Lecercle, Jean-Jacques.  A Marxist Philosophy of Language.  Chicago IL: Haymarket Books, 2005.  Print..
Liszka, James Jakob.  A General Introduction to the Semeiotic of Charles Sanders Peirce.  Bloomington, IND: Indiana University Press, 1990. Print.
Mabini, Apolinario.  The Philippine Revolution. Tr. Leon Ma. Guerrero. Manila: National Historical Commission, 1969.  Print.
Medina, Ben S.    "Panganiban: Tradisyon at Modernismo."  Philippine Studies 192 (1971): 287-306. Print
——-.  Tatlong Panahon ng Panitikan.  Maynila: National Book Store, 1972.  Print.
Panganiban, Cirio.   "Three O'Clock in the Morning."  Nasa sa Ang Ating Panitikan, pinamatnugutan nina Isagani Cruz & Soledad Reyes.  Manila: Goodwill Trading Inc., 1984.  Print
-----..  "Bunga na Kasalanan."  Nasa sa Ang Maikling Kathang Tagalog, pinamatnugutan nina A.G. Abadilla, F.B. Sebastian at A.D.G. Mariano.  Quezon City: Bede's Publishing House, 1954.  Print..
-----.   "Veronidia."  Nasa sa Ang Dulang Tagalog, pinamatnugutan ni Federico Sebastian.  Quezon City:  Bede's Publishing House, 1951.  Print.
Panganiban, J. Villa & Consuelo Torres Panganiban.  1954.  Panitikan ng Pilipinas. Quezon City: Bede's Publishing House, 1954.  Print.  
Peirce, Charles Sanders.   Peirce on Signs. Ed. James Hoopes. Chapel HIll: University of North Carolina Press, 1991.  Print.
San Juan, E., ed.  Introduction to Modern Pilipino Literature.  Boston: Twayne, 1974.  Print.
——.  “Kahulugan, Katotohanan, Katwiran:  Pagpapakilala sa Semiotika ni Charles Sanders Peirce,”  Daluyan 18.1 (2013): 54-60.  Web.
-----.   Lupang Hinirang, Lupang Tinubuan: Mga Sanaysay sa Politikang Pangkultura at Teorya ng Panunuri.  Manila: De La Salle University Press, 2015.  Print.
Sebastian, Federico B.  Ang Dulang Tagalog.  Quezon City: Bede's Publishing House, 1951. Print.
Tolentino, Rolando B.   Sipat Kultura.  Quezon City: Ateneo U Press, 2007. Print.
Wikipedia.   "Cirio Panganiban."  <http://tl.wikipedia.org/w/2014. index.php?title+Cirio_Panganiban&oldid=1436428>  Web.

___________________



LAGDA NI ANDRES BONIFACIO -- Sanaysay ni E. San Juan, Jr.

$
0
0


LAGDA NI  ANDRES BONIFACIO: 
Paghamon sa Tadhana, Himagsikan, at Pagtupad sa Kapalaran ng Sambayanang Pilipino

ni E. SAN JUAN, Jr.
Professorial Lecturer, Polytechnic University of the Philippines



Katakutan ang kasaysayan sapagkat walang lihim ang maitatago sa kanya. 
--GREGORIA DE JESUS

Ganyan si Pilosopong Tasyo [sa El Filibusterismo ni Rizal]: nakakakita siya ng tagumpay sa anino ng pansamantalang pagkatalo.

--TEODORO AGONCILLO

ABSTRACT 


From hindsight, Bonifacio’s  “signature” in our historical archive is distinctly legible in his initiative in founding the Katipunan and its praxis in organized revolt. His death by the Aguinaldo clique revealed the Katipunan’s inadequacy. But it is also productive since hegemony became the new telos of the nationalist impetus.  Universal reason and natural rights, the foundation of the national-lberation struggle, have proved not sufficient to forge the popular will and affirm the sovereignty of the nation-people in the face of US imperial power. Ultimately, however, as Mabini discerned, the political economy of a feudal/comprador formation defined the limits of ilustrado nationalism. Bonifacio’s example survives in the actuality of irepressible multifaceted subaltern agencies. It renews itself today in the ethnic/indigenous, national-democractic insurgencies flourishing today under global imperial terrorism.


ABSTRAKTO

Sa balik-tanaw, ang “lagda” ni Bonifacio sa ating kasaysayan ay masisipat sa kanyang birtud sa pagbuo ng Katipunan at praktikang diwa sa maugnayang pag-aklas. Nabunyag ang kakulangan noon nang paslangin siya ng pangkat ni Aguinaldo. Sa gayon, naging bagong mithi ng makabayang bugso ang pagtatamo ng hegemonya/gahum.  Hindi sapat sa paglikha ng soberanya at pagpapasiyang makabayan ang batayan ng Katipunan: rasong unibersal at karapatang pangkalikasan. Sa huling pagtutuos, ayon kay Mabini, naitakda ng ekonomyang pampulitika ng piyudal/komprador na kaayusan ang limitasyon ng ilustradong nasyonalismong mana kay Aguinaldo. Buhay pa rin ang halimbawa ni Bonifacio sa aktwalidad ng ahensiya ng lahat ng inaapi’t pinagsasamantalahan. Nagkaroon ng bagong sigla ito sa himagsik ng mga enitiko/katutubong mamamayan, kaugnay ng manggagawa’t pesante sa pambansang-demokratikong kilusan, na lalong nag-ibayo ngayon sa harap ng terorismo ng imperyalismong global.





Prologo

Palasak na hatulan ang proyekto ng himagsikan ng 1896 at ng Katipunan na malaking kabiguan sanhi sa pagkapaslang sa Supremo. At dahil sa pagkatalo ng mga nagpatuloy sa adhikaing mapagpalaya (sina Malvar, Sakay, atbp.), laos na ang adhikaing inugit ng mga bayaning nagsabuhay sa mga prinsipyo't batayang simulain ng Katipunan at humaliling organisasyon. Ngunit lahat ng tagumpay ay nagdaraan sa pagkatalo, at ang pag-unlad ay umuusad sa liko-likong urong-sulong ng mga pangyayari na itinakda ng mga naganap. Paglimiin natin ang payo ni Marx: “Men make their own history….” but “not under circumstances chosen by themselves, but under circumstances directly encountered,given and transmitted from the past”(1950, 225). Sukat ng alalahanin na sa pagkamatay, sa paglaho ng kasalukuyan, bumabalong ang muling pagkabuhay.

Gayundin ang walang patid na pakikipagsapalaran ng mga kaisipan, akto't salita ni Andres Bonifacio. Tunay na hindi pa natin nauunawaan ang tagubilin niya't pahiwatig. Hindi pa natin lubos na nasasakyan ang kanyang pahatid na hindi pa naisasagad ang programa ng pagbabangon ng dignidad at pagkatao ng bawat mamamayan sa harap ng karalitaan at pagkaupasalang laganap. Masasabing nasa kinabukasan pa ang tahasang pagsasakatuparan ng programa ng Katipunan, hinihintay pa ang matapat na pagpapahalaga sa mapagpasiyang lagda ni Bonifacio na sandaling nalambungan sa tuso't madayang pag-inog ng kasaysayan. Namumukod sa lahat, husga ni Apolinario Mabini (1969), si Bonifacio lamang ang matigas na nagsusog na walang halaga ang mapayapang paraan; kolektibong lakas ang kailangan, nang ipagbawal ang repormistang Liga ni Rizal.

Ugali na kapag pinag-uusapan ang kabayanihan ni Bonifacio, ang "Supremo," nauuwi sa trahedya ng Tejeros/Naik/Maragondon.  Hindi trahedya kundi ironya o kabalighuan. Paano ipapaliwanag itong aporia: ang pasimunong nagtatag ng Katipunan ang pinaratangang taksil sa rebolusyon at pinaslang noong Mayo 10, 1897. Ngunit kung hindi nangyari iyon, ang katunayan ng uring ilustrado at ng tusong  pagkakanulo't paglililo (mga katagang malason sa diwa ni Balagtas) nila sa rebolusyon ay hindi umabot sa kaganapan. Humantong sa kasukdulan ang kontradiksiyong panloob sa kilusan at humakbang sa panibago’t mabiyayang antas.

    Subalit hindi awtomatiko ang aral na ginapas dito. Ang nakagawiang pagdakila sa bayani ay hindi garantiya na hindi mauulit ang pagdaraya ng mga mapagsamantalang uri. Isipin na lamang kamakailan ang pagbibigay muli ng basehan sa puwersang militar ng Estados Unidos. Naulit na nga sa asasinasyon ni Antonio Luna--mistulang "repeat performance" iyon--at paglinlang kay Macario Sakay, kasama ng Supremo sa Tundo. Nakagugulat sa umpisa, ngunit kung tutuusin, mahihinuhang itinakda iyon ng mga pagkakataong umigkas na di na mapigilan. Kung hindi tayo matuto sa kasaysayan, tiyak na paparusahan tayo muli sa pagbalik ng nasugpo't ipinagbawal dahil naroon din ang binhi ng darating, kung pagninilaying maigi.

Kasaysayan at Pananagutan

Gaano man kasalimuot ang sitwasyong bumabalot sa atin, may kalayaan tayong umugit sa ating kapalaran batay sa ating dunong at kakayahan. Hindi lamang tayo biktima ng mga nagsalabit na sirkumstansya't aksidente, bagamat sumusunod sa batas ng regularidad ang hugos ng kasaysayan. Ang kasalukuyang pagsisikap na pahalagahan ang buhay ni Bonifacio ay nagtataglay ng mithiin ng kaganapan na siyang humuhubog ng mga sagisag at representasyon ng kolektibong karanasan. Kung ang radikal na politika ay praktika ng pagsasagawa ng mga inaasahang pagnanais sa daloy ng kasaysayan, at paglatag ng mga ayos ng pagbubuklod sa hinaharap, mga pagsasanib at ugnayang kailangan para sa pagbabagong malaliman at pangkalahatan, ano ang dapat gawin? Ano ang turo ni Bonfacio para sa kasalukuyang sitwasyon?

Ibaling natin ngayon ang sipat sa mga salita't gawa ni Bonifacio (at ng Katipunan) na buntis sa mga maaaring mangyari. Ano ang potensiyalidad sa paghuhunos ng mga luma't piyudal na normatibong pamantayan tungo sa isang kaliwanagang taglay ang kasarinlang makatwiran? Makakamit ba natin ang reyalidad ng awtonomiyang may kakayahang rasyonal at makabuluhan? Sa ibang salita, maiaangat ba sa diyalektikang paraan ang puri o dangal ng indibidwal sa antas ng pagkakabuklod, solidaridad at bahaginang pangkomunidad? Ano ang papel na gagampanan ng organikong intelektuwal (tulad ni Bonifacio) sa pagtatatag ng lipunan kung saan ang malayang pag-unlad ng bawat isa ay nakasalalay sa kalayaan ng buong bansa/sambayanan (natio/populus), sa taguri ni Gramsci?

Sa pagsasaliksik natin, ang pinakamahalagang simulain ay historiko-materyalismong pananaw na may diyalektikong paraan ng pag-kilatis at pag-unawa sa lipunan. Batay rito, ang kongkretong sitwasyon ng kabuhayan--ang relasyon ng mga uring nakasalig sa produksyon ng mga pangagailangan sa buhay--ang pinakaimportante, hindi ang kamalayan ng hiwa-hiwalay na tao sa lipunang nahahati sa mga uri. Samakatwid, dapat iwasan ang palasak na analisis pangsikolohiya. Mapanligaw ang pagpapaliwanag sa anumang problemang panlipunan ayon sa karakter o katauhan ng mga indibidwal na kasangkot. Gayundin ang pagsandal sa abstraktong klima ng krisis o kaguluhan na sumisira sa anumang rasyonal na layunin ng mga aktor sa kasaysayan.

Pagtistis at Muling Paglilitis

Sa pagbabalik-tanaw sa ating pambansang kasaysayan, ang kuwento tungkol sa Supremo ay nalalambungan pa rin ng samot-saring haka-haka, sumbong, chika, suplong at hinala. Marami pa ring kakutsaba ang mga kasike't imperyalista. Isahalimbawa ang The Revolt of the Masses  ni Teodoro Agoncillo. Bagamat sagana sa datos at humahanga sa KKK, sadyang lumabo ang nangyari sa sikolohikal at pang-Zeitgeist ("regionalism" at klima ng krisis noon) na lenteng itinuon ni Agoncillo sa mga karakter na lumahok sa Tejeros, tungo sa pag-absuwelto kina Hen. Aguinaldo at mga kasapakat (1956, 293-99). Ang sikolohiya ng Supremo ang siya mismong dahilan sa kanyang pagkapatay, mungkahi ng historyador. Gumagad dito ang prehuwisyong ibinurda ni Nick Joaquin sa kaipala'y masahol na muling pagpaslang sa Supremo sa A Question of Heroes.

Sanhi sa kolonyalismong danas na mahigit 400 dantaon (mula kolonyalismong Espanyol hanggang imperyalismong global), namihasa tayo sa burgesyang pangitain sa mundo. Makikita ito sa pop-sikolohiyang lapit ni Joaquin, makitid at mababaw sa pagkilatis sa masalimuot na puwersang pampulitikang nakasalalay sa mga pangyayari. Ang tesis ni Renato Constantino ay tinuligsa't inuyam ni Joaquin: "All this sounds like an egghead effort to make Marxist boots out of Philippine bakya" (1977, 86). Nagkabuhol-buhol ang ulirat ni Joaquin sa pagpuntirya niya laban sa karakter at asal ni Bonifacio. Ngunit sino si Bonifacio kundi ang masang naghimagsik, pumatay at nag-alay ng buhay sa ikatatagumpay ng katwiran at kalayaan ng sambayanan?  Hindi ang karakter ng indibidwal kundi ang sapin-saping langkay ng mga kontradiksiyon sa lipunan ang dapat suriin sapagkat iyon ang nagpapakilos sa katangian ng mga kolektibong puwersang humuhubog at nagpapaikot sa takbo ng kasaysayan. 
          
Mula noon, marami nang sumalungat sa mapagkunwaring pagpupugay nina Agoncillo at Joaquin sa "Dakilang Plebeyo." Ang mahusay na tugon at pagpapabulaan sa haka-haka nina Joaquin at mga maka-ilustrado ay ang sanaysay nina Milagros Guerrero, Emmanuel Encarnacion at Ramon Villegas, pinamagatang "Andres Bonifacio and the 1896 Revolution."  Katugma nila ang mahayap na hatol ni Mabini sa La Revolucion Filipina: " Palibhasa'y paglabag ang ginawa ni Aguinaldo sa panuto ng Katipunan na kinasapian niya,...ang motibo sa asasinasyon ay walang iba kundi mga hinanakit at mga kapasiyahang sumira sa dangal ng Heneral; sa anu't anuman, ang krimeng naganap ay siyang unang tagumpay ng ambisyong personal laban sa wagas na patriyotismo" (Salin ko mula sa Ingles; sinalin din ni Cruz 1922, 57-58; Ingles ni Leon Ma. Guerrero sa Mabini 1969, 48). Pangkat o uring panlipunan ang mga aktor, o dramatis personae, sa dula ng ating kasaysayan bilang bansang hangad-magsarili.

Bilang katugunan sa mga pagkutya sa karakter ng Supremo, kadalasan gumagamit ng empirisistikong analisis ng uring kinabilangan ng Supremo. Idinidiin na sastre ang ama at trabahador sa pabrika ng tabako ang ina. Bukod sa artisanong nagbenta ng baston, ang Supremo ay nagsilbing ahente ng mga kalakal sa Fleming & Company (Ingles) at bodeguero sa Fressel & Co. (Aleman).  Sa palagay ko, upang matarok kung anong mga sangkap ang humulma sa pangitain-sa-mundo (Weltanschauung) ng Supremo at mga kapanalig, dapat isakonteksto ang mga detalyeng nabanggit, kalakip ang mga karanasan sa Teatro Porvenir sa Tundo at pansandaling paglahok sa Cuerpo de Compromisarios at masoneria, sa isang takdang yugto ng kasaysayan ng kolonya.

Bagamat walang pormal na edukasyon, naidistila ng Supremo ang makabagong pedagohiya sa kanyang pagbabasa at sa mismong karanasan sa paghahanap-buhay (Agoncillo 1965).  Batid na ng lahat--hindi na dapat irebyu ang talambuhay ng Supremo--na bukod sa kanyang katutubong talino, napag-aralan at naisadibdib niya ang modelo ng Liga Filipina na naibunsod ni Dr. Jose Rizal noong Hulyo 1982. 

Malaking hakbang ang Liga mula sa repormistang paninindigan ng mga propagandista ng Solidaridad. Isinaisantabi na ang layuning asimilasyon sapagkat inadhika nito na pag-isahin ang buong kapuluan at mga katutubo upang magtulung-tulungan.  Bukod sa paghikayat na pagbutihin ang edukasyon, pagtatanggol laban sa inhustisya at dahas, sinikap ding magtayo ng mga paraan at istrukturang tutugon sa bawat pangangailangan ng mga kasapi. Naipunla na roon ang binhi ng Katipunan at ng rebolusyonaryong matrix ng ating kasaysayan.

Bagamat tila payapang pagpaplano lamang ang Liga, sa ikaapat na araw na pagdating ni Rizal, inaresto na agad siya. Dagling binuhay ng Supremo at ni Domingo Franco ang Liga at hinirang si Apolinario Mabini na maging sekretaryo ng Konseho Supremo. Parang hula ng darating ang pagkalahok ni Mabini sa pagkakataong ito, "prophetic" sa taguring pangteolohiya. Hindi nagtagal, humiwalay ang ilang kasapi sa Cuerpo de Compromisarios at tuluyang napilitang ilunsad ng Supremo at mga kasama ang Katipunan (Constantino 1975, 153-54). Pagtakwil sa Espanya ang mithi ng organisadong lakas ng sambayanan, sa paraan ng malawakang himagsikan. Isang orihinal na hakbang ito ng Supremo.

Sa Pagitan ng Nagsasalpukang Lakas

Sa henealohiya ng pagsulong ng kamalayan ng Supremo, ang aral ng Liga at limitasyon ng mga Propagandista ay magkasudlong. Walang makabuluhang pagbabago ang magaganap kung hindi kasangkot ang nakararaming klase o uri sa lipunan. Ang masa ang yumayari ng kasaysayan. 

Bukod dito, natanto rin ng Supremo na dapat kolektibo ang makinang uugit sa kilusan, isang pamunuang nakaugat sa abilidad at kakayahan ng nakararaming anak-pawis: magsasaka at trabahador na siyang bumubuo ng mayorya. Gayunpaman, ang liderato ay magmumula sa mga mulat at bihasang kasapi na mahigpit at malalim ang pagkakaugnay sa mga abanteng elemento--ang mga kinikilalang kinatawan ng mga bayan o purok. Paano makikilala ang mga bayani?  Sa sandali ng pagpapasiya, sa tandisang pakikibaka at sakripisyo ng buhay para sa katwiran at kabutihan ng nakararami.

Nabigyan-tinig ito sa isang panawagang pinamagatang "Katipunan Marahas ng mga Anak ng Bayan."  Inalagatang taos-pusong  paghahandog ng buhay ang pamantayan ng Katipunan, masinop na idiniin ng Supremo ang motibasyon ng kolektibong pagbabalikwas, ang bukal ng mga damdamin at hibong nagpapagalaw sa isip at katawan. Pagtuunan ng pansin ang retorika at estilo ng paghikayat, hindi lamang pakikiramay kundi pakikiisa (empathy):

....ang kadahilanan ng ating paggugol ng lalong mahalaga sa loob at sampu ng ingat na buhay, ay nang upang tamuhin at kamtan yaong nilalayong Kalayaan ng ating Bayang tinubuan na siyang magbibigay buong kaginhawahan at magbabangon ng kapurihan na inilugmok na kaalipinan sa hukay ng kadustaang walang katulad.

Sasagi kaya sa inyong loob ang panglulumo at aabutin kaya ng panghihinayang na mamatay sa kadahilanang ito?  Hindi!  hindi! Sapagkat nakikintal sa inyong gunita yaong libu-libong kinitil sa buhay ng mapanganyayang kamay ng kastila, yaong daing, yaong himutok at panangis ng mga pinapangulila ng kanilang kalupitan, yaong mga kapatid nating nangapipiit sa kalagimlagim na bilangguan, at nagtitiis ng walang awang pagpapahirap, yaong walang tilang pag-agos ng luha ng mga nawalay sa piling ng kanilang mga anak, asawa, at matatandang magulang na itinapon sa iba't ibang malalayong lupa at ang katampalasanang pagpatay sa ating pinaka-iibig nating kababayan na si M. Jose Rizal, ay nagbukas na sa ating puso ng isang sugat na kailan pa ma'y hindi mababahaw. Lahat ng ito'y sukat nang magpaningas sa lalong malamig na dugo at magbunsod sa atin sa pakikihamok sa hamak na kastila na nagbigay sa atin ng lahat ng kahirapan at kapamatayan (Agoncillo 1963, 71).

Sa nakaaantig na diskursong nasipi, nalikha ng Supremo ang lunan o espasyo ng pakikidigma pagkaraang maisusog sa kamalayan ang daloy ng panahon, daloy na may kahapon, ngayon at kinabukasan--sa isang salita, ang kasaysayan ng bayan. Sa paglatag ng larangan ng tunggalian, tinukoy rin kung sino ang kaaway at kakampi, ang linya ng digmaan kung saan ang obheto ng kolonisasyon ay nagiging suheto ng pagbangon: ang pagkatao ng Filipino. Sa diyalektikang paglalarawan, ibinigkis ng Supremo ang gunita ng mga kahirapang dulot ng Espanya, ang alaala ng mga magulang at ninuno na patuloy na sumasagitsit sa katawan ng mga anak. Nagkaroon ng galaw ng panahon ang lugar/lunan. Matingkad na nailarawan ito sa tulang "Ang Mga Cazadores," isang mabalasik at dramatikong konkretisasyon ng karanasan ng mga sinakop.

Ngunit ang sentimyento ng gunita (memory-work) ay hindi sapat. Kailangan ang dunong o talino upang mahugot sa karanasang nakalipas ang disenyo at lohika ng nabubuong iskema ng kinabukasan. Hindi lamang elemento ng damay o simpatiya ang kailangan, kundi distansiya o paghinuha ng unibersal na nakalakip sa partikular--sa intuwisyon ng paglalagom. Katutubong ntelihensiya at mapanuring sensibilidad ang kailangan. 

Marahil, natutuhan niya ito sa pagbabasa sa mga nobela ni Victor Hugo at Eugene Sue. Nasagap niya rin ito sa pagsasanay sa dulaan, sa Teatro Porvenir sa Tundo; sa pakikitungo sa mga magulang ni Gregoria de Jesus; at laluna sa mga pakikisalamuha sa grupo nina Deodato Arellano, Aurelio Tolentino, Teodoro Plata, Pio Valenzuela, at iba pang maituturing na "petiburgesya" sa konteksto ng kolonisadong lipunan noon (Agoncillo 1967). Ang karakter ng Supremo ay hinubog ng karanasan at kapaligirang kinagisnan niya, at siya namang humubog sa balak, plano, at kilos niya at mga kasama.

Diyalektika ng Indibidwal at Komunidad

Ang galing o kakayahang lumagom ng hiwa-hiwalay na karanasan ay natatanging birtud ng Supremo. Karapat-dapat nga siyang maging puno ng Katipunan at ng puwersang sandatahan nito. Samakatwid, ang oryentasyon ay hindi paurong o sentimentalistikong nostalhiya kundi progresibong mobilisasyon ng lakas ng bawat mamamayan tungo sa hegemonya nito--kapangyarihang moral at intelektuwal (sa pakiwari ni Antonio Gramsci)--na rationale ng politikang pakikibaka. Magkaalinsabay ang paghubog ng malay at ng kapaligiran, diyalektikal ang kalakaran ng dalawang lakas. Ito ang buod ng laging makabuluhang pamana ng Supremo sa saling-lahi.

Nailahad nina Eric Hobsbawm (1959) at George Rude (1980) ang dinamikong penomena ng protesta’t insureksyon ng mga pesante’t madlang hiwalay sa proletaryado sa iba’t ibang sulok ng daigdig. Matinong pagwawasto iyon sa makitid na pagpokus nina Marx at Engels sa proletaryadong sektor. Nakatutok sila sa milyu ng Pilipinas noong 1800-1896. Hindi proletaryong pangkat ang Katipunan kundi tagapanday ng nasyonalismong mapagbuklod. 

Tatlong yugto ng kasaysayan ang dapat salungguhitan sa pagsubaybay sa diyalektika ng nesesidad at kalayaan, kapalaran at pagkakataon, sa isang pormasyong kolonisado’t piyudal. Malimit magkasalabid at tuhog-tuhog ang iba’t ibang salik ng mga yugto: 

1) Ang pagwasak ng ilusyon ng hegemonya ng Espanya at Simbahan sa tagumpay at pagsakop sa Maynila ng Inglatera noong 1762-64. Sumiklab noon ang mga rebelyon nina Silang, Malong, Almazan at Palaris sa hilagang Luzon. Sa unang bahagi ng ika-18 dantaon, sa buntot ng rebolusyon sa Pransiya at digmaan ng imperador Napoleon sa buong Europa, nayanig muli ang buong ideolohiya/istruktura ng estado't simbahang Espanyol sa mga madugong pagbabalikwas sa Piddig at Sarat, Ilokos, noong 1807. Nasakop ni Napoleon ang Espanya noong 1808-14.  Nag-protesta sina Andres Novales at mga creoles noong 1823. Sumunod ang masidhing pag-aalsa ni Apolinario de la Cruz/Hermano Pule noong 1839-41 sa Tayabas, Batangas, Laguna at karatig-lunsod. Resulta nito: Nadurog ang pangkahalatang konsensus na mabuti't makatarungan ang gobyerno't simbahan. Tuluyang napawi ang "ethical totality" (sa kataga ni Hegel) o paniniwalang iisa ang kabutihan/tadhana ng kolonisadong mayorya at estado.

2) Sa pagbubukas ng kapuluan sa kalakalang-pandaigdig simula 1834, bumilis ang pagpasok ng komoditi kaakibat ng salaping pangkapital--ang kultura't gawi ng mga dayuhang negosyante--at ideya't estilo ng pamumuhay na kaiba o tiwali sa namamayaning gawi, kostumbre, pamantayan.  Sa krisis na lumukob sa Maynila at karatig-pook, tumindi ang alyenasyon. Pumasok ang mga ideolohiya ng reporma sa Inglatera noong 1832, ng 1848 himagsikan sa Europa, laluna ang mga tunggalian para sa independensiya sa Argentina, Bolivia, Peru, Venezuela, Mexico at Cuba (simula pa noong 1868). Niyanig ang kapayapaan sa nayon at kalunsuran.

Bukod sa impluwensiya ng kulturang komersiyal at pananalapi ng Fleming & Co. at Fressel & Co. sa Supremo, tumalab ang lundo ng kamalayang makabago't mapagbago--ang sensibilidad/dalumat ng panahon--sa nakararami. Ang sagisag-panulat ng Supremo, "May Pag-asa," ay hudyat ng hikayat ng kamalayang pangkasaysayang sinagap sa mga akda nina Marcelo del Pilar, Rizal, at mga librong Le Juif errant, Les Miserables, at Las Ruinas de Palmira—mga artifact ngkanlunraning arkibo ng estetikang panlasa.
Sa paglagom, unti-unting nagugunaw ang gahum/hegemonya ng Simbahan. Lumaganap na sa kapuluan ang patnubay ng modernidad batay sa mabisang lohikang umaalalay sa siyensiya, kalakal at palitang pampinansiyal (money exchange), kontra sa dogmatikong institusyon ng relihiyon at gayuma ng mito, hiwaga at samot-saring pamahiin. Pagkakaiba ng kabuhayan ng mga dayuhan at katutubong gumala ang nakatambad sa balana.
3)  Pumutok ang Paris Commune (Marso-Mayo 1871). Sanhi sa nagkabungguang puwersa sa sigalot, nagtagumpay ang liberalismong pangkat sa Espanya noong 1873-75 at inilunsad ang republikanong 1812 Konstitusyon ng Cadiz. Nagkaroon ng kaluwagan sa administrasyon ni Gob. Carlos Maria de la Torre.   Subalit nang sumabog ang Cavite Mutiny ng 1872 (siyam na taong gulang ang Supremo noon) at patayin ang tatlong pareng Burgos, Gomez at Zamora, unti-unting naagnas ang paniwalang makabuluhan pa ang reporma. Binhi iyon ng Katipunan, sinundan ng pagparusa kay Rizal at pagpanaw ng Solidaridad ni Marcelo del Pilar.

Nahihinog ang proseso ng kontradiksiyon. Nang ipatapon si Rizal ni Gob. Despujol noong Hulyo 1892, bunyag na ang katotohanang kahit mapayapang pagsisikap maisaayos ang katiwaliang umiiral--buhat pa nang supilin si Sulayman sa Tundo hanggang sa pagsunog ng mga tirahan ng mga magsasaka’t artisano sa Calamba noong 1891--ay wala nang katuturan. Hinog na ang katotohanang nasambit ni Rizal: "Ang sagot sa dahas ay dahas din, kung bingi sa katwiran." Kung walang bisa ang diyalogo, makabuluhang dumulog sa lakas ng komunidad.

Ideolohiya at Balangkas ng Pamunuan

Pagkahawan ng madawag na landas sa kasaysayan, bumalik tayo sa naimungkahi kong maitatanging layong naisakatuparan ni Bonifacio. Naidugtong niya ang saloobing historikal sa binubuong bangguwardia ng kilusan. Sentral sa proyektong ito ang pagtatampok sa halaga ng ideolohiya at namumunong ahensiya/aktor (lideratong mulat) sa rebolusyon. Bagamat importante ang moda ng produksiyon sa tingin nina Marx and Engels, ang tagisan ng lumang institusyon/relasyong sosyal at ng sumisibol na lakas sa produksyon ay naisisiwalat muna sa larangan ng kaisipan, damdamin, atitudo, o normatibong sukatan. Dito lumilitaw ang nakakubling tunggalian ng mga uri. Dito rin isinisiwalat ang pwersang pampolitika at iginuguhit ang puwang para sa interbensiyon ng kolektibong lakas. 
Angkop ang huwarang inilahad ni Engels sa Peasant War sa Alemanya noong 1524-25, panahon ng Repormasyong Protestante. Kahalintulad noon ang  sitwasyon sa Pilipinas noong 1892-1898.  Sa halip na kapitalistang/burgesyang partido laban sa piyudal/kolonyalistang kapangyarihan ng Espanya, nagsanib ang pesante, maliit na maylupa, ilang ilustradong malapit sa magsasaka, ang mga etsa-puwera o hampas-lupang palaboy, trabahador, negosyante at artisano sa kalunsuran. Ang lakas na nagigipit at napipigil ay hindi kapitalismo kundi buong hanay ng mga binubusabos ng Estado at Simbahan--sila ang buong sambayanan na tutol sa pag-aari, sa mga nagmamay-ari (frailocracia, aristokratang opisyales, peninsulares—mga oligarkong ngayon) at sila, samakatwid, ang siyang magpapalaya sa pagtatayo ng ordeng makatarungan, demokratiko at makatao. Saligang popular ito ng niyayaring bansa.

Parametro ng Pagsisiyasat

Sa pagitan ng obhetibong sitwasyon at suhetibong kamalayan, pumasok ang Katipunan. Hindi na makayang supilin ng Espanya ang taumbayang inihanda ng mga Propagandista, na namobilisa na buhat pa noong 1872 (pag-aalsa sa Kavite; pagbitay sa tatlong pare), o buhat pa noong rebelyon ng Tayabas Rehimyento noong 1843 (De la Costa 1965, 215). Kahit na malaki ang pinagbago ng Pilipinas sa pagbubukas ng Suez Canal at pagpasok ng mga empresang dayuhan, laluna kalakalan sa asukal, tabako, abaka at ibang produktong iniluluwas, at may umuusbong na kapitalismong industriyal, nasa palapag pa rin ng piyudal/agrikultural at artisanong kabuhayan ang Pilipinas sa huling dako ng ika-19 dantaon. Pambansang demokrasya, hindi sosyalismo, ang nangunguna sa agenda ng madlang bumabalikwas.

Ang ayos pamproduksyon ay nakasalig pa rin sa pagsasamantala sa mga pesante ng mayamang magsasaka at prinsipalyang nakapailalim sa mga prayle at burokrasya.  Sa ganitong paghahanay ng mga nagtatagisan, mahihinuha na mula sa mga uring inaapi--taglay ang kawalan/karukhaan na siyang yumayari't lumilikha ng kayamanang panlipunan--sa blokeng ito magbubuhat ang ahensiya/suhetibong kondisyon na maglulunsad at magsusulong sa himagsikan.

Salamat sa matiyagang pananalisik ni Jim Richardson, nalikom na ang lahat ng dokumentong kailangan sa libro niyang The Light of Liberty (2013). Masipag at masigasig ang mga kasamang Teodoro Plata, Deodato Arellano, Ladislao Diwa, Moises Salvador at iba pang lumikha ng mga saligang prinsipyo’t panuntunan ng Katipunan. Noon pa mang Enero 1892 nakumpleto na ang “Kasaysayan, Pinag-Kasunduan, at Mga Dakilang Kautusan ng Katipunan,” bago pa ipinatapon si Rizal sa Dapitan. Ang mahalagang katibayan ng lalim at saklaw ng pangitain ng Katipunan ay makikita sa unang bahagi ng Kasaysayan, ang matrix ng pilosopiyang rebolusyonaryo ng bayan.

Himaymayin at timbangin ang kadalisayan at determinasyon ng pagpapasiyang ipagsanib ang praktika at prinsipyo sa pagpapakahulugan sa diskriminasyon ng panahon sa pambungad ng manipestong natagpuan ni Richardson (2013) sa Archivo General Militar de Madrid sa Espanya :


May isang bayang pinag haharian nang sama at lupit; ang manga kautusan ay ualang halaga at nananaig ang balang malakas. Gayon man ang bayan ito gumugugol ng dugo at buhay sa kapurihan at kailangan ng sa kaniyay ang hahari, maguing dapat lamang tawaguing kapatid o anak. Ang kaniang yaman bohay at puai ay ipinaiiyan, upang itangkakal sa may nasang sukab. Tatlong siglo nang mahiguit na nagtitiis ng hirap at pagod alipusta ay di ipinagmamasakit bagkus ipinauubaya.
Ang bayang ito, ay, ang atin; ito ang napakabalita sa pagka duahagui; bayang lubos na mapag tiis, hangang sa maalipin; ¡oh Pilipinas ! ¡sa aba mo ! ¡oh bayan naming tinoboan ! tangi kang lubos sa ibang kapamayanan; kung sa kaniyay natampok ang bayang anak na nagpuri o maghangad ng bayang ikakagaling o ikaguiguinhawa, sa iyo ay hindi gayon, inuusig at pinaruausahan ng parusang kalaitlait at lihis sa katuiran; ang paisaisa mong anak na sumisita sa iyo, ito rin at kinukutia sa sariling buhay ang ibang hindi makaimik at inilalathala ang puri na kusang guinagahis (Richardson 2005-2016).
      Sipatin sa deklarasyong ito ang ilang detalyang makahulugan ang pahiwatig.  Una, tiwalag sa pag-aakala ang kasalukuyang nangyayari.  Lisya’t tagilid ang panahon.  Sa halip na umasa sa pag-ikot ng panahon, isinabalikat ang pagtatanghal sa espasyo ng kahirapan at kahayupan, kung saan ang pamilya (haligi ng piyudal at patriyarkong orden) ay gumuho’t hinalinhan ng alitan, pagmamalupit, pagkakawatak. Sa pagkadurog ng ordeng patriyarkal, humalili ang pigura ng inang mapaglingap. Pangalawa, sa dasal at hinakdal ipinahihiwatig ang marubdob na pagnanais na magkabuklod ang mga supling upang wastuhin ang lisyang katayuan ng lugar.  Panahon ang larangan ng pagpapasiya’y pagsisikap. Pangatlo, lumitaw ang isang identidad na hindi nagmamakaawa kundi nagsasakdal. Naghahanap ng lunas ang tinig, lumuluhog sa inang siyang inaasahang makapag-uutos na ibalik ang kasaganaang nawaglit, pairalin ang katarungan, at purihin ang karangalan ng taumbayan (tungkol sa temang ito, konsultahin si Maceda 1995). 
Katatangi-tangi ang panaghoy na iniaalay sa ina. Samakatwid, ang pamilyang nakabatay sa kapangyarihan ng ina, hindi ng ama, ang siyang dapat manaig. Angkop ito sa pagsusuri sa kalabisan ng patriyarkong orden. Ang pinakamatingkad na kontradiksiyon ay sumukdol sa pagitan ng nakararaming katutubo at ng Simbahan/Estadong kolonyal. Kaalinsabay nito ang kontradiksiyon ng mga pesante/manggagawa at kasike/prinsipalya. 

Sa kabilang dako, sa rebisyon ng dokumentong ito noong Agosto 1892, pinalitan ang “ina” ng “tinubuang lupa” at binigyan ng paunang babala ng pagtiwalag ng kapuluan sa alaga ng bulagsak ng ina (Espanya) na simula ng bagong naratibo—ang batayan ng kasisilang na ordeng ibinalangkas ng Katipunan:   “Ysinasaysay mag buhat sa araw na ito ang manga Kapuloang ito ay humihiwalay sa Espania at walang kinikilala at kikilanling Pamumuno kung di itong Kataastaasang Katipunan” (Richardson 2005-2016)

Walang pasubali, tutol sa institusyonalisadong reiihiyon ang mga anak ng bayan.  Sa dimensiyon ng ideolohiya o pangitain-sa-mundo, ang kamalayan ng mga uring inaapi ay natatakluban ng ideolohiya ng teyokratiko-piyudal na sistema ng imperyong Espanya. O kung gising man ang mga biktima, hindi pa sila makapagpasiyang tumakas at tuwirang tumalikod sa nakagawiang kabuhayan o kinagisnang kalagayan.  Sinikap ng mga Propagandista sa Solidaridad at, di naglaon, sa Liga Filipina, na pag-isahin at itaas ang pampulitikang budhi/dunong/bait ng masa. Umabot ang mga katawang nagsanib sa matining na antas,  subalit hindi pa rin mabisang napagkasunduan ang koordinasyon ng magkakahiwa-hiwalay na inisyatiba ng mga rebeldeng partisano. Sa halip na pamilya, ang organikong kapalit na Katipunan ang nakasalang na’t pinapanday sa araw-araw na kabuhayan.

Kabatiran at Pagpapasiya: Kinabukasan Ngayon

     Mahimalang naibuod ni Bonifacio ang kahulugan ng mga kontradiksiyong naisaad sa interaksyon ng katutubo at mananakop sa sinoptikong akda, "Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog" (Cruz & Reyes 1984, 97-98). Sa pakiwari ko, ito ang tekstong pundasyonal ng modernidad sa arkibo ng ating kultura. Mainam na naibalangkas dito ang pagtuklas at paglalahad ng kahulugan ng kolektibong pag-aalsa sa pagsalikop ng isip at nais, kamalayan at budhi.Birheng lupa ang natuklasan at napasinayaan, kaya itinampok ang katutubong birtud at kagalingan.

Makakatas ang pilosopiya ng rebolusyon mula sa istruktura ng panahong naikintal dito (hinggil sa temang ito, tunghayan si Arendt 1978). Nakabuod iyon sa pag-iisa ng kamalayan at reyalidad, ng dapat mangyari at kasalukuyang nangyayari.  Paano ito natupad?  Una, ikinintal ang naglahong kasaganaan at kaginhawahan kaakibat ng pamamahala ng tunay na mga kababayan, pati karunungan ng lahat sa pagsulat at pagbasa sa sariling wika: "Itong Katagalugan, na pinamamahalaan nang unang panahon na ating tunay na mga kababayan....ay nabubuhay sa lubos na kasaganaan, at kaginhawan...Mayaman ang kaasalan ng lahat...." Alalahanin: magkasudlong ang karunungan, wika, kayamanan ng asal, kasaganaan, at kaginhawahan. Nakabaon sa kaalamang ito ang pagnanais malasap muli ang nakaraan sa hinaharap, hindi bilang utopikong pita kundi bagong imbensyon, walang katumbas na likha, sa pagtatalik ng panahong lumipas at kasalukuyan. Hindi memorya ng lumipas kundi pagtuklas sa nalambungang birtud ng kasalukuyan, aktuwalisasyon ng potensiyal na kalikasan ng taumbayan, ang pinagbubuhusan ng lakas at talino.

Lahat ng mga katangiang naitala ay nawala pagkaraan ng Pakto de Sangre nina Legaspi at Sikatuna. Tila kusang bumaliktad ang lahat. Mula noon, "ating binubuhay [ang mga kolonisador] sa lubos na kasaganaan, ating pinagtatamasa at binubusog, kahit abutin natin ang kasalatan at kadayukdukan; iginugugol natin ang yaman, dugo at sampu ng tunay na mga kababayan na aayaw pumayag sa kanila'y pasakop." Ang buhay ng mananakop ay utang sa pawis at sakripisyo ng mga sinakop. Pansinin na binanggit ang tulong ng mga Indyo sa mga Kastila laban sa Intsik at Holandes, ngunit walang banggit sa pagsakop ng Inglatera sa Maynila. Bakit kaya?

Pagkawing sa Hinuha’t Hinagap

Kahanga-hanga ang pagsusuri't paglalagom ni Bonifacio sa komplikadong diyalektika ng kamalayan at kapaligiran. Ang suheto-obhetong antagonismo ay unang hinimay ni Hegel na balighong ugnayan ng alipin at panginoon sa Phenomenology of Spirit (1807), kapagdaka’y isinakonkreto ni Marx sa The GermanIdeology (1845-6) at, di kalaunan, sa Das Kapital (1867). Nang lumabas ang libro ni Marx, apat na taong gulang pa lamang ang Supremo. Walang duda, nasagap niya ang mga ideyang laganap sa Europa mula sa komunikasyon at lathalain nina Del Pilar, Lopez Jaena, Rizal at mga kapanalig na naging kasapi ng Katipunan. Lumulutang sa atmospera ng panahong iyon ang espiritu ng negasyon at transpormasyon. Balintuna, doblekara, walang katiyakan ang lahat.

Nasira ang mito ng Pakto de Sangre sa tatlong siglong pandarambong ng Espanya. Pinawi ng malagim na kasalukuyan ang nakalipas; umigting ang hinaharap, puspos ng magkahalong pag-asa't pangamba. Maramdaming inilarawan ni Bonifacio ang hirap at kasawiang-palada, dalamhati't pagtitiis ng bayan sa ganitong talinghaga. Inihambing niya ang bawat patak ng pananangis ng sanggol sa "isang kumukulong tingga, na sumasalang sa mahapding sugat ng ating pusong nagdaramdam." Umaapaw ang kalooban sa simbuyong galit, inip, ngitngit sa tanikalang bumibigti sa bawat katawan. Di naglao'y naitulak ang kolektibong sensibilidad sa hanggahang hindi na matatanggap ang walang awang pagmamalupit. Paulit-ulit na lang ba ang kasuklam-suklam na kalakaran? Wala bang ibang napipinto, pagbabago o pag-iiba?

Humarap sa nagiyagis na ulirat ang problema ng kinabukasan: "Ano ang dapat gawin?" Tila alingawngaw ng makasaysayang tanong ni Lenin. Ang sagot ng organikong intelektwal ng masang mulat ay artikulasyon ng hinaharap, kung saan ang karunungan/kaalaman ay nakasanib sa katwiran. Ang dunong ay guro, nagtuturo o tumutuklas ng direksiyon ng pagsisikap at pakikibaka : "Ang araw ng katwiran na sumusikat sa Silanganan, ay malinaw na itinuturo sa ating mga matang malaong nabulagan, ang landas na dapat tunguhin..." Ito ang patalastas ng Kaliwanagan (Enlightenment): awtonomiya, pagtiwala sa sariling kakayahan, kapangahasang subukin ang anumang naisip at maglagalag sa mahiwagang lupalop ng panimdim.

Sa patnubay at hikayat ng kaalaman/dunong, naging mahalaga na ang bawat sandali sa buhay. Ang lundo ng susog o untag ng katwiran ay, una, magtiwala sa sariling lakas at umasa sa sariling kakayahan.  At pangalawa, magkaisa sa kalooban, isip at pagnanais upang sa gayo'y "magkalakas na maihanap ng lunas ang naghaharing kasamaan sa ating Bayan."  Samakatwid, ang rebolusyon ay pagpapahalaga sa kapangyarihan ng kolektibong dunong/kaalaman.  Mangyayari ito sa pagsasapraktika ng aksyomang nabanggit:  sa pagtitiwala (1) sa sariling pagkatao ng mga kababayan (awtonomiya; kasarinlan) at (2) sa pagkakaisa ng loob at lakas sa kapasiyahang maigupo ang kabuktutang pumipinsala sa bayan. 

           Nakatuon ang budhi ng modernistang diskurso ni Bonifacio sa aktuwalidad, sa pagtarok sa daloy ng panahon, na humuhubog ng lugar o espasyo ng rasyonalidad (katwiran). Tandaan na ilang ulit tinuldikan ang parusang ipinapataw ng Kastila: "isinadlak sa lubak ng kasamaan ang kapurihan ng ating Bayan" at tayo'y "nabibingit sa malalim na hukay ng kamatayan na sa ati'y inuumang ng mga kaaway."  Puri o dangal ang paksain ng nagbangong kaluluwa mula sa lagim ng pagkaalipusta.

Malasin ang tagpo: inilunsad na tayo sa larangan ng digmaan.  Layon ng pahayag na ito ay hindi lamang makamit ang mithi ng rasong instrumental o makamit ang absolutong kapangyarihang umaangkin sa normatibong birtud. Sa katunayan, ang ultimong pakay ng panawagan ay dagling maisalin ang isip sa gawa at kagyat malasap ang pangako ng kinabukasan ngayon din. Sapiliting dapat pumili sapagkat hindi makaiiwas magpasiya. Habang kumikilos, sinusuri ang dalumat ng pagkilos at pinapatnubayan ang direksiyon nito.

Pagtitika at Pagsubok

Tiyak na kung may kabatiran, handa nang gumayak tungo sa tumpak na pagpapasiya't pagkilos. Marahil ang karanasan ni Bonifacio sa dayuhang bahay-kalakal ng Fleming & Co ng Inglatera at Alemanyang Fressel & Company bilang ahente/bodegero, ay tumalab sa pagtuturo sa halaga ng kontrata, pagtitiwala at pagsunod sa panuto't regulasyon. Napag-alaman niya na ang panahon ay hindi mahahati sa dikta ng espasyo o lunan. Kailangan yumari ng naratibo ng panimula, kasukdulan at kalutasan ng anumang proyekto.

    Sapantaha nating nahimalay ni Bonifacio ang bunga ng rebolusyon sa Europa sa kanyang pagbabasa. Iyan ang mungkahi ni Hermenegildo Cruz (1922).  Isa rito ang disiplina ng "virtue" bilang susi sa tatag ng Republika salig sa komunidad na nagpatingkad sa larawan ng tunggalian ng uri sa Les Miserables ni Victor Hugo. Nakapukaw rin ang melodramatikong El Judio Errante/Le Juif errant ni Eugene Sue, kung saan iniugma ang salot ng kolera sa dahas ng mapanupil na Hesuwita at pag-uusig ng mga Protestang Huguenot sa Pransiya. Nakaambag din ang mga kuro-kuro ni Rizal (laluna ang anotasyon niya sa ulat ni Morga), at paglilimi sa daloy ng kasaysayan mula sa librong "Ang mga Ruinas ng Palmira," at "Buhay ng mga Pangulo ng Estados Unidos" (Zaide 1970, 106).

Di kalabisan kung muli kong igiit na ang  "Dapat Mabatid" ay hindi lamang pinakatampok na dalumat ng modernidad sa Pilipinas na nailunsad ng mga pangyayaring naiulat ko sa panimula. Dapat salungguhitan ang penomenang ito.  Katambal ng mga diskurso nina Rizal at del Pilar, iginuhit dito ang materyalistang teorya ng kasaysaysan na humihirang sa masa bilang tagalikha ng pag-unlad at pagsulong ng buong lipunan. Ang mapanlikhang talino ng sambayanan ay siyang dinakilang kagamitan at sangkap sa pagbabagong-buhay ng lahi hango sa paglutas sa sapin-saping kontradiksiyon sa kasaysayan.

Sa pagsusuri ko, ito at iba pang kasulatan ay palatandaan sa matayog na budhi at kabatiran ng Supremo. Ito ay patibay na hindi lang malawak ang kaalamang pangkasayayan ni Bonifacio, sumasaklaw sa kondisyon ng buong kapuluan (hindi lamang Luzon), bagkus masinsing pagtarok na ang pangkat na di kasali sa pamahalaan, walang representasyon, ay siyang awtentikong ahensiya ng pagbabago. Inuurirat dito ang lakas ng negasyon, ang pagtanggi at pagwawalang-bisa sa di-makataong status quo ng kolonyalistang rehimen.

Materyalismong historikal ang puntodebista ng Supremo. Tulad ng bisyon ni Marx sa kritika ng pilosopiya ni Hegel (Osborne 2005), ang mga taong inapi’t inalipin na kumakatawan sa unibersal na kapakanan ng lahat, gayundin ang lahing kolonisado--ang Indyo, ang nakararaming itinakwil, inkarnasyon ng pagdurusa, at negatibong larawan ng sangkatauhang yumayari ng tirahan sa mundo, ang mga anak-pawis na ginawang hayup sa trabaho. Pangkalahatang dignidad, puring unibersal ng pagkatao, ang itinatanghal niya, na hindi kinikilala ng imperyong Espanya. 

Nasaan, sino ang ahensiya ng pagbabago sa sitwasyong hinarap nina Bonifacio?  Walang iba kundi ang bagong tatag na Katipunan--ang motor ng himagsikan. Maituturing ang proyekto nina Bonifacio at kapanalig na pagsasakatuparan ng pilosopiya ng Kaliwanagan, ang aktuwalisasyon ng simbuyo ng pangangailangan ng sambayanan. Ang Katipunan ang tagapagpaganap ng pagbabanyuhay na sumilang sa malay at nagbigay-kahulugan sa data-rati'y ulit-ulit na pag-inog ng panahon. Sagisag ito ng kakanyahan at kakayahan ng mga kasangkot sa naratibong inilalatag.

Walang pasubaling napukaw si Bonifacio ng mga impormasyon, datos, at kabatirang nakatas sa panitik ng Propagandista at ng mga pinag-aralang aklat. Sinikap niyang iakma ang Katipunan sa prosesong naranasan niya, partikular ang paglitaw ng "liwanag ng katotohanan," pagpapakilala sa ating sariling puri, hiya, pagdadamayan, hiwatigan ng pakikipagkapwa; at pagsisiwalat ng dakilang aral na "magwawasak sa masinsing tabing na bumubulag sa ating kaisipan."  Ang danas ay nailapat sa hanay ng yugto ng panahon at kabatiran.  

Tunghayan ang maalab na retorika ng paghimok, pag-amuki, paghikayat.  Idiniin sa patalastas ng Supremo ang pagpapasiyang bunga ng kabatiran na siyang umantig sa mga kasapi sa pagpupunyaging magpasiya't isakatuparan ang ninanais.  Sa dulo ng pahayag, nakatumbok  ang diwa ni Bonifacio sa paghikayat ng kaluluwa salig sa kusang paghuhunos o dili kaya'y pagpupurga’t pagpapalusog ng saloobin--ang larangan ng digmaan ng ideya/ugali--na siyang susi sa pagkilates sa kilos at gawa ng bawat nilalang at ang kabuluhan nito sa malayang pag-unlad ng buong komunidad. 

Pagnilayin na hindi ito simpleng pagbabalik sa nakaraan--di na pwede iyon sanhi sa nakapamagitang karanasan ng pagkabigo, gulat, kilabot, matinding pagdurusa. Nakaamba na tayo sa pagpihit at pagliko mula sa nagisnang daan. Dunong, paglinang sa kakayahan ng kaisipan, tiyaga at sigasig ang itinagubilin niyang pamamaraan. Sa pagbubuod, ang panukala ng Supremo ay nakasentro sa utos at atas sa kapanalig: lahat ng katangiang likas sa Pilipino ay dapat isingkaw sa kolektibong proyekto ng pagwasak sa lumang institusyon at pagtayo ng bagong sistema ng kabuhayan.

Bahag-hari ng Kabatiran at Kamangmangan

Hanggang ngayon ang makatuturang panawagan ni Bonifacio ay hindi pa nabibigyan ng karampatang pagpapahalaga. Paglimiin, halimbawa, ang gamit ng metapora ng dilim at liwanag na halos arketipong tatak o signatura na sa mga dokumento ng Katipunan, na unang naibadya sa "Liwanag at Dilim" ni Emilio Jacinto (Santos 1935). 

Ang duwalistikong pagtatagisan ng dilim at liwanag ang bumabalangkas sa "Ang Dapat Mabatid" at sa ritwal ng inisyasyon ng Katipunan. Kung tutuusin, ang tema ng "liwanag ng katotohanan" na nakabaon sa liturhiya ng Kristiyanismo ay hango sa tradisyon ng Gnostisismo, isang paganong kilusang nag-ugat sa Manikiyanismo (naging alagad si San Agustin bago binyag), neo-Platonismo at Pythagoreanismo, at tumalab sa Kristiyanismo ng ika-2/3 dantaon. Laganap ito sa diskurso’t praktika ng Masoneria, mga pangkat ng “freethinkers,” atbp.

Pangunahing turo nito ay walang katubusan kung walang kabatiran sa Diyos (ibinunyag lamang sa initiates) at tadhana ng sangkatauhan. Ang Diyos (bansag sa Espiritu o banal na Kaalaman, Sophia) ay halos katumbas ng kalikasan (deus sive natura, sa tahasang sekular na kaisipan ni Spinoza). Ang relihiyon ng Tagapagligtas (Saviour) ay kumalat sa krisis ng imperyong Roma, kaagapay ng paglago ng Mithraismo at Kristiyanismo (Murray 1964, 130-31). Kinondena ito ng Simbahang Katoliko (sa pagmasaker sa mga ereheng Catharista sa Albiga sa Pransiya noong ika-13 dantaon). Litaw ito sa lahat ng programang may rebolusyonaryong adhikaing nakasalalay sa rason/katwiran, budhi/bait, at sariling pagsisikap na makamit ang hinahangad na pansariling paglilinis (paghuhunos ng makasalanan o maruming kaluluwa) at kaganapang pampersonal.

Nabanggit na sa unahan ang pagsisikap ng Katipunan na mabawi o mailigtas ang katutubong birtud.  Hindi lamang katutubong danas at dalumat ang pinagmulan ng Katipunan kundi paglagom sa kabihasnan ng Kanluran mula sa klasikong kultura ng Griyego at Romano hanggang sa siglo nina Robespierre, Rousseau, Goethe at Kant. Bukod iyon sa daloy ng Gnostisismo sa kaisipan ng mga pilosopo ng Kaliwanagan sa Europa. Sinala iyon ng ispekulatibang Masoneria na isinalin nina del Pilar, Rizal, Jaena, atbp. (Guerrero 1969, 397-98) Matutukoy, halimbawa, ang halaga ng "Virtue" o Kagalingan sa pagkontrol sa udyok ng laman at erotikong simbuyo; at pati alegorya at simbolong naghihimatong ng paniniwala sa isang Makapangyarihang Arkitekto ng santinakpan. Maidiriin dito na masaklaw at malalim ang impluwensiya ng Stoisismo sa mga Propagandista, laluna sa mga makasosyalistang Isabelo de los Reyes, Hermenegildo Cruz, Lope K. Santos, atbp. 

Hindi tinanggihan ng Katipunan ang pagkakataong kasangkapanin ang ipinataw na kabihasnan ng kolonisador.  Binistay at sinala nila ang reaksyonaryo’t progresibong tendensiya sa banyagang kultura. Ang pilosopiya ng mga Stoiko (Epictetus, Aurelius, Cicero), na nagpunla ng mga binhi ng doktrina ng Neo-Platonismo at Kristiyanismo, ay nagturo ng isang materyalismo't panteistikong sistema ng moralidad. Sa etika, idiniin nila ang pagtiwala sa sariling likas na kakayahan at pagtanggap ng tadhana. Ang kagalingan ng pagkatao (virtu, sa kataga ni Machiavelli) ang siyang tanging bagay na may wagas na halaga, ayon sa mga Stoiko. Ito rin ang bukal ng materyalismong historikal ng tradisyong nagmula sa mga philosophes (Voltaire, Diderot, Saint Simon) na minana at pinagyaman nina Marx, Engels, Plekhanov, Gramsci, atbp. 

Kaya bagamat naimungkahi ni Renato Constantino na utang kay Bonifacio ang sintesis ng teorya at kilusan, hindi wasto ang paratang niya na "The ideas of Bonifacio did not have a solid ideological content" at iyon ay "primitive" dahil nakasandig lamang sa "dignity of man" (1975, 165). Maraming implikasyon ito. Malalim at mapamaraan ang nakapaloob sa pariralang "dignity of man," na natukoy na natin na nagbuhat pa sa Griyego-Romano't Hudeo-Kristyanong kabihasnan, patungo sa Kaliwanagan (Enlightenment) at 1789 rebolusyon sa Pransiya at sa buong Europa noong 1848 at 1872 (Paris Commune). Mapanganib na ibasura na ito sa pinalalagong naratibo ng pagsulong at pag-unlad dahil sa di-umano’y binaluktot ng ipokritong burgesya. Nababagay na dapat isakongkreto ang abstrakto’t teoretikal na ideya ng dignidad at karapatan.

Ang batas ng kalikasan (ley natural, sa awit ni Balagtas) ay kumakatawan sa logos o prinsipyo ng rason/katwiran. Ito ang saligan ng katarungan, demokrasya o pagkakapantay-pantay, kalayaan at kasarinlan. Ang mapagpalayang kapasiyahan ng masa ang gumagabay sa kapalaran o tadhana na nakalapat sa pangangailangan--sa wika ni Engels, "Ang kalayaan ay kamalayan ng pangangailangan (Necessity)."  Ang pangangailangan ay matatarok sa kaliwanagan tungkol sa nakalipas at posibilidad ng kinabukasan, sampu ng kolektibong pagpapasiyang maisakatuparan ang pangarap at mithiin ng kasalukuyan. Pinakatampok ang materyales sa produksyon/reproduksyon ng buhay sa lupa—pagkain, damit, tahanan, pagpapahinga pagkatapos ng trabaho, aliw ng katawan, ligaya ng kapitbahayan, atbp.  Ito ang pinakabuod na simulain ng Katipunan at republikang isinilang sa Pugad-Lawin noong Agosto 23, 1896. Salik na esensyal ito sa naratibo ng pag-unlad ng pagkamakatao sa bansa.



Teorya ng Ritwal, Praktika ng Kilusan

Hinarap nina Bonifacio ang pangkalahatang suliranin kung paano magiging makabuluhang Pilipino ang dinustang Indyo?  

Bukod sa Dekalogo ng Katipunan, ang pinakamabisang kagamitan sa pagbuo ng ahensiya ng pag-ugit sa rebolusyon ay mamamalas sa ritwal ng samahan.  Sa Dekalogo, idinulog ni Bonifacio ang prinsipyo na ang pag-ibig sa Diyos (sa perspektib ng deistikong rason) ay singkahulugan ng pag-ibig sa bayan at sa kapwa. At ang tiyak na panukat sa dangal at luwalhati ng sarili ay nakatimo sa pag-aalay ng buhay sa ikatutubos ng buong bayan. Pakikiramay, sipag sa paggawa, pagbabahaginan, pananagutan, paglingap sa kasama't kababayan--ito ang mga pinakamabigat na asal na dapat isapuso ng mga kasapi sa Katipunan. Bago maging tunay na tao, dapat maging responsableng Pilipino muna.

Taglay ng kasaping sumusumpa sa Katipunan ang birtud ng mga natukoy na katangian. Naisapraktika iyon sa ritwal ng inisyasyon, isang seremonya na siya mismong maantig na huwaran ng proseso ng pagbabago.  Sa sekretong paraan, ang ritwal ng pagkakaloob ng karangalang sumanib sa mapanganib na organisasyon ay sagisag ng pagbabagong-buhay. Isang alegorikong dula ito sa pagpasinaya sa isang bagong ayos ng komunidad kasalungat sa umiiral na orden--"ang negasyon ng negasyon," sa taguri ni Engels. Ang prosesong ito ng pagkilala sa bago't dinalisay na identidad ng kasapi--muling pagkabuhay!--ay kahawig ng mga inisyasyon sa Griyego sa Eleusis at Delphi, at sa Roma sa pananampalataya kay Mithra at, kaugnay ng paglaganap ng Kristiyanismo sa misyon ni San Pablo, ang misteryo ng Muling Pagbangon ("resurrection of the dead"). Kasangkot dito ang konsepto ng pag-asa sa nakalakip sa matalinghagang utopya ng milenaryanismong umaalalay sa lahat ng panaginip ng rebolusyonaryo saanmang lugar (Desroche 1979; Bloch 1986; Moore 1966).

Mistulang propetiko ang pag-uugnay ng Griyego’t Kristiyanong pananaw sa sintesis ng diskuro ng Katipunan.  Masinop na tinalakay ni Gilbert Murray ang nakabibighaning pagkakawangkis ng turo ni San Pablo at paglalangkap ng Stoiko't Gnostikong pilosopiya sa panahon ng matinding krisis (1964, 107-38). Layon ng Kristiyano na tubusin ang panganong kaluluwa sa kabuktutan at korupsyon ng umiiral na sistema ng imperyong bulok at unti-unting gumuguho. Layon ng mga paniniwalang kaiba sa status quo ng imperyo ang magdulot ng pagkakataong mailigtas ang kaluluwa/pagkatao sa kilabot at dahas ng kapaligirang mundong sawi. Ang pagkakataong iyon ay walang iba kundi ang sandali ng pagbaklas, ang pagputok ng himagsikan, na maituturing na maluwang na espasyong pagyayamanin ng dibuho ng naratibo ng pakikibaka.

Sinimulan ng Katipunan ang paglalatag ng espasyong iyon.  Sa yugto ng nabubulok na kapangyarihan ng mga prayle't marahas na burokrasyang kontrolado ng mapag-imbot na frailocracia't ganid na opisyal, handog ng Katipunan sa mga dinuhagi ang kaligtasan at kalinisan--isang bagong mundo ng kasaganaan at katiwasayan. Pampurga sa dumi at pagbawi sa dalisay na puri o dangal ng pagkatao: ito ang mithiing patnubay sa pagpasok sa Katipunan na nakaangkla sa kondisyong "Kung may lakas at tapang, ikaw'y makatutuloy....Kung di ka marunong pumigil ng iyong masasamang hilig, umurong ka..."  Kasunod nito ang pag-lilirip sa mga tanong na tila hango sa nasuring akda ni Bonifacio, mga tanong pangkasaysayan na magtataya at kikilates sa pagkakaiba ng mga yugto ng panahon habang sinisikap ipag-ugnayin at bigyan-kabuluhan iyon sa pamamagitan ng bagong suheto/sabjek--ang negasyon ng nakalipas at umiiral:

1.  Ano ang kalagayan nitong Katagalugan ng unang panahon?
2.  Ano ang kalagayan sa ngayon?
3. Ano ang magiging kalagayan sa darating na panahon?    
(Cruz 1922, 22-23).

Mapupuna na sinusukat ng mga tanong ang espasyo ng bagong mundo, sampu ng sandali ng katuparan. Iyon ay nabubuo sa pagdugtong ng kahapon, ngayon, at bukas sa naratibo ng pakikitunggali upang makamit ang kalayaan at kasarinlan ng bayan.

Sa Wakas, Banaag at Sikat

Iyon ang mapagpalayang praxis, aktwalisasyon ng isip sa gawa. Kung tutuusin, ang mga imbestigasyon at pagpapaalala ay sangkap ng isang pedagohikal na metodo upang mamulat ang natutulog na bait/budhi ng taong nais mapabuti ang kanyang buhay. Ang ritwal ng inisyason ay magaling na panimulang pagsasanay, dagdag sa panunumpa at pagsasandugo pagkatapos ng pagsubok sa katapangan at katapatan ng kandidato sa partido. Hindi na kailangang dumulog sa Mao Tsetung Thought upang maipagpatuloy ang napatid na naratibo ng di-kumpletong 1896 rebolusyon. Gamitin ang sariling atin, ang masustansyang tradisyon ng paghihimagsik.

Bagamat nakalingon sa nakalipas, ang oryentasyon ng Katipunan ay pasugod sa sariwa’t naghihintay na kaganapan. Sa haraya ng pagbabagong buhay, o paghuhunos sa bagong kalagayan mula sa lumang pagkatao na kusang itinakwil at tinalikdan, ang kontradiksiyon ng lumang suliranin at bagong kaayusan ay nalulutas.  Kamakailan naungkat na mahilig ang Supremo sa paglilinis ng pagkatao tuwing dadalaw sa yungib ng Pamintinan sa Montalban, Rizal. Tila doon nakakabit ang mito ni Bernardo Carpio (kinagiliwing papel niyang ganapin sa teatro sa Tundo, kasama ang kaibigang Macario Sakay), doon kung saan nagpamalas ng pambihirang lakas ang bayani (Flores 2013). Muli, tumatalunton tayo sa landas ng naratibo ng bumbabangong taumbayan.

Taglay ng reyalidad ang magkahalong pasumala’t katiyakan, aksidente at nesesidad.  Natutugon din ang kontradiksiyon sa pagitan ng makasariling karakter/malabong kaalaman at kamalayang naliwanagan, kalangkap sa pagkataong taglay ang birtud ng pagmamalasakit at pakikiramay. Sa ibang salita, muling nabuhay ang patay at nahango sa kapahamakan.  Natubos ang kaluluwa at naisauli sa pugad ng mga lumilingap at nagmamahal na mga kapwa, kadugo man o dayuhan. Maipalalagay na ito ay pagsasanay sa napipintong pagpapasinaya ng bagong ordeng lumulutang sa usok at apoy ng digmaang gumigiba't nagwawasak sa lumang istruktura ng kolonyalismo't  Simbahan. Alalaong baga, ito'y pagdiriwang sa tagumpay ng rebolusyon.

Sa balik-tanaw, ang interbensiyon ng Katipunan ay itinalagang napapanahon. Naging mapagpasiyang salik iyon sa pag-imbento ng kinakailangang ahensiyang wawasak sa lakas militar at politikal ng Espanya, ang mobilisadong liderato ng Katipunan. Palibhasa'y nakapagitan ang uring sandigan nina Bonifacio at kapanalig--artisano, maliit na negosyante, edukadong empleyado sa hukuman, kawani sa imprenta at kalakal-bahay karaniwang mamamayan—masikhay ang pakiramdam at pagmamalasakit nila sa mga magsasaka, trabahador sa pabrika at daungan, kababaihan, atbp. Sanhi sa maluwag na hirarkiya sa partido, napagparayaan ang tendensiyang rehiyonalismo sa Cavite na sinakyan nina Aguinaldo't mga kapanalig na kasike't ilustrado.

Mabilis na lumago ang Katipunan, mula 300 noong Enero 1896 hanggang mahigit 40,000 kasapi nang iproklama ang rebolusyon ng "Haring Bayang Katagalugan" ("Sovereign Tagalog Nation") noong 29 Agosto 1896 (Cruz 192, 43).  Maraming gremio o bukluran sa pagtutulong-tulungan ang lumahok sa Katipunan (halimbawa, ang gremio de litografos sa UST kung saan inilimbag ni Jacinto ang unang bilang ng Kalayaan, Enero 1896) at naging sanayan tungo sa unyonismong bumulas noong unang dekada ng pananakop ng Estados Unidos (Guevarra 1992).

 Palaisipan ng Kasarian

Sanay sa paglahok sa dulaan, bihasa rin ang Supremo sa pagsubok sa panitikan.  Dapat salungguhitan ang bisa ng "Katapusang Hibik" ni Bonifacio sa pagpapahiwatig ng natatanging birtud ng kasarinlan/pagsasarili (Panganiban & Panganiban 1954, 136-38).  Kasangkot ito sa pinakaimportanteng suliranin ng kasarian sa kilusang mapagpalaya. Bukod sa bisa ng Gnostisismo at Stoisismo sa pilosopiya ng Katipunan at Propagandista (hinalaw sa literatura ng rebolusyon sa Pransiya at liberalismo-anarkismo sa Espanya), ang pananaw sa kababaihan ng kilusang mapagpalaya ay larangang hindi pa nabibigyan ng masusing analisis. Ang pigura ng ina, sumasagisag sa bayan, ginhawa o kaluwalhating inaadhika, maaliwalas na kinabukasan, pinakasasabikang kaganapan, atbp., ay laging isteryotipikal at mekanikal ang pagpapakahulugan. Nabanggit na natin ang dalawang mukha ng ina. Namasid natin ito sa dokumento ng pagtatatag kung saan nasaksihan na mabilis, madulas at di mahuhulaan ang alimpuyo ng digmaan, ang hunyangong taktika’t estratehika ng mga mandirigma.

Nasilip ni Soledad Reyes ang kabaligtarang mukha ng ina--"hindi siya Mater Dolorosa kundi Medusa" (1997, 127). Magaling subalit marami pang implikasyong hindi nagagalugad. Halimbawa, ang posisyon ng Ina bilang Sophia (Katwiran/Wisdom). Katwiran at Kapangyarihan ay magkatambal; nabura ang kababaihan sa mga Konsehong makapatriaryakal ng Simbahan. Ayon kay Marina Warner: "The spirit of God, the shekinah, was feminine in Hebrew, neuter in the Greek  pneuma, feminine as sophia (wisdom), invariably feminine in Syriac, but in Latin it became incontrovertibly masculine: spiritus sanctus" (1976, 39). Gayunpaman, paalala ni Regis Debray: "While other denominations tends towards the univocal, the Catholic fantasy has as its mainspring a divided vision of the feminine, torn between angel and whore, saint and sorceress" (2004, 176). Salamin kaya ito ng sikolohiya ng lipunan, o repkleksiyon ng proseso ng pakikisalamuha?

Tagubilin ng Supremo: "Itinuturo ng katwiran ang tayo'y umasa sa ating sarili at huwag hintayin sa iba ang ating kabuhayan."  Sophia, ang kababaihang aspekto ng kaliwanagan, ay matatagpuan sa Muling Pagkabuhay sa dulo ng ritwal ng inisyasyon ng Katipunan at sa diwa ng "Dekalogo." Samakatwid, ang "Ina" ay siyang birtud ng kaliwanagan, maalab na inspirasyon ng pag-aalsang mapagpalaya. Para sa organikong intelektwal ng uring anak-pawis, ang Sophia ay muling pagbangon--ang inaasam na paglingap handog sa "naghihingalong Yna," ang sinuyong "tinubuang lupa" na espasyong materyal at batayang lugar ng panahon, inarugang larangan ng kasaysayan--walang lihim sa tanod nito, ayon kay Gregoria de Jesus: 

Ang nanga karaang panahun ng aliw
ang inaasahan araw na darating
ng pagkatimawa ng mga alipin
liban pa sa bayan saan tatanghalin?  
("Pag-ibig sa Tinubuang Bayan," 
 nasa sa Medina 1972, 186)

Sa kabilang banda, ang pagtakwil sa Espanya ng "Panghuling Hibik" ay umaayon sa bisyon ng Katipunan bilang boluntaryong samahan, solidaridad o kapatirang hinirang, isang ekklesiang subersibo't sekular. Kaugnay nito, kapasiyahang mulat at mausisa, hindi henealohiya (tali sa pusod), ang kailangan.Tugon ito sa puna ni Rizal na sa Filipinas, indibidwalismo ang umiiral, hindi damayan. 

Hindi matatanto ang katuturan ng indibidwal hiwalay sa totalidad ng ugnayang panlipunan.  Ang Katipunan ay sinadyang pagtitipon ng mga anak ng Kaliwanagan laban sa mga kampon ng Kadiliman--isang tema ng grupong Essenes na salungat sa imperyong Romano. (Tila ang kuwebang dinalaw ng Supremo sa Pamitinan, Montalban, ang sumagisag sa sinaunang taguan ng mga Essenes.) Sa kalaunan, naging komunidad ng mga matapat (hindi taksil o mapaglilo), sinkronisado sa oryentasyon ng pag-asa (kinabukasan), hindi lamang sa bunsod ng memorya o gunita (nakalipas), ang proyektong etikal/politikal ng Katipunan. Sa huling pagtaya, hindi tuwid at tuluyan ang igkas ng naratibo kundi kumplikado, mahirap abangan kung saan ang bagsak ng susunod na dagok.

Ang pagtakwil sa inang utusan ng Imperyo't Simbahan ay umaayon sa malaparabulang tugon ni Kristo sa ina: "Babae, ano ang relasyon mo sa akin?” (John 2:3; sa ibang pagkakataon na dudukalin ang suliraning ito). Sa pamamagitan ng malayang pagsanib, hindi batay sa dugo, kasarian, pamilya o angkan, ang Katipunan ay bukas sa sinumang nais makiisa sa pambansang krusada laban sa kolonyalismo, maskulinismong awtoritaryanismo ng Simbahan, sampu ng ideolohiya, praktika, institusyon at normatibong ugaling pinagpilitang ipasunod sa nilupig na Indya/Indyo. Ang gahum pampolitika ay bunga ng estratehiyang ito na may kaunting alalay din sa gerilyang metodo ng pakikibaka noong unang sagupaan sa Morong, Marikina, Antipolo, Pasig at mga nayon sa Bulakan, Nueva Ecija at Pampanga.
Samakatwid, radikal ang naitatag na bangguwardyang liderato ng himagsikan na lumampas sa hanggahang itinakda ng sinaunang kabihasnan at ng kolonyalismong Espanyol. Radikal din ang pinagsamang paraan ng edukasyon at aktibong pakikibakang (higit sa repormistang taktika nina Rizal at ka-ilustrado) tinalunton ng mga alagad hanggang kina Malvar, Sakay at mga bayani ng Balangiga, Samar. Utang natin sa Supremo at 1.4 milyong mamamayang nagbuwis ng buhay (laban sa imperyong Espanya at Estados Unidos) ang dunong, danas at pagkakataon ngayon upang magpatuloy sa pagsisikap matamo ang tunay na pambansang demokrasya at kasarinlan sa harap ng malagim na terorismo ng hegemonyang pagsasamantala ng kapitalismong global (National Historical Commission of the Philippines 2012).


Pagbabalik sa Kinabukasan

Nais kong tiklupin ang interbensiyon ko dito sa ilang puna tungkol sa kakulangan ng namamayaning aralin at pagsisiyasat tungkol sa paksaing Bonifacio/Katipunan. Pamibihira ang nakahagip sa di maikubling aporia sa mga kritikong sumuri at sumipat sa diwa ng Supremong nailahad sa kanyang "Katapusang Hibik" at "Dapat Mabatid." Sintomas ito ng naghaharing ideolohiya ng reaksyonaryong pananaw ng neoliberalismong orden sa ating neokolonya (naitalakay ko ito kamakailan sa dalawang libro kong Between Empire and Insurgency at Lupang Tinubuan, Lupang Hinirang).

Ilang halimbawa lamang ang maitatala dito. Impluwensiyal si Reynaldo Ileto sa pagpokus sa banghay ng Bernardo Carpio (tulad ng Pasyon) sa panitik ng rebolusyon. Pormalistiko’t lubhang pilit ang paglapat ng arketipong paradigm sa malikot na bugso ng naratibo ng himagsikan. Samakatwid, pumalya ang interpretasyon at binaluktot ang katuturan ng mga akda. Naging "bunso" ang taumbayan; "layaw" at "utang" sa halip na katwiran at kabatiran at mabudhing pagpipigil sa sarili ang naging paliwanag sa masalimuot na sigalot at krisis. Dagdag pa: "...assuming [Bonifacio] was aware of [previous revolts], he would not have found them relevant to the drama of separation from Spain that he helped portray; the 'national drama for him begins after 1872" (1998, 25). Diyata't makitid ang kaalaman ng Supremo sa mismong kasaysayan ng kapaligiran? Sa ideyalistikong pagtaya sa organisadong mobilisasyon, pilitang ipinataw ang ilang piling ideya (layaw, damay, atbp.) at sikolohiyang panukat na walang saligan sa kongkretong totalidad ng mga puwersang nagtatagisan sa isang takdang yugto ng kasaysayan.

Sa perspektibang nailatag dito, hindi rin matibay ang paninindigan ng mga iskolar. Sa pagbasa naman ni Virgilio Almario ng "Katapusang Hibik," ang tangkang subukan ang "pagtanaw na historikal" ay lumubog sa kakatwang puna: sa retorika ni Bonifacio ay "masisinag ang pananagisag na Kristiyano bilang bukal ng kapangyarihan ng wika ni Balagtas" (2006, 202). Kahawig ng antikwaryong hatol ni Ileto, mahigpit na opinyon ni Almario na hindi pa rin makahulagpos ang porma't sining ng Supremo sa kwadro ng Pasyon, huwaran at aral ng relihiyong dulot ng kolonyalismong Espanyol.  Salungat ito sa sulukasok at pagkakabuhol ng mga pangyayaring kinasangkutan ng mga aktibista, na umuuwi sa di-matingkalang pagkakaiba ng interpretasyon at pagtasa sa sari-saring danas at kaalaman ng bawat protagonista.

Subukan naman natin ang pagbasang palabiro. Bagama't maingat ang paraan ng pagsipat ni Soledad Reyes, hindi pa rin naiwasan ang pormalistikong pagkiling sa makapangyarihang birtud ng sining na di-umano'y lumilikha ng sariling daigdig. Alingawngaw ito ng romantiko't pormalistikong pamantayan ng konserbatibong ilustrado. Batay sa ganitong metapisika, humantong sa isang anarkista't suhetibismong konklusyon: "ang daigdig na diskurso ng rebolusyon ay isang mundong wala nang orden at batas, pinamamayanihan ng anarkiya...." (1997, 128). Kung ang motibasyon ng sining ay lumikha ng kanyang sarilling daigdig, paano nito masasalaming mabuti ang nangyayari sa labas ng guniguni? Maselang problema ito.  Kung iposisyon natin ito sa gitna ng paggigiit ng Katipunan sa halaga ng intelihenteng disiplina at kolektibong pangangasiwa't pangagalaga sa bawat aksyon ng mandirigma, anong kahidwaan ang lilitaw?

Anong aral ang mahuhugot dito? Isa lamang: Kailangang balikan--mas tumpak, halungkatin at siyasatin--ang kasaysayan ng himagsikang pinamunuan ng Katipunan upang matuklasan natin ang binhing nakaburol doon. Dapat nating ipakawalan ang enerhiyang nahihimlay sa pusod ng nakalipas, at sa gayo'y maikasangkapan iyon upang maitayo ang malaya, makatarungan at demokratikong kaayusan ng lipunan ngayon at sa hinaharap.  Pansin ni Senador Claro Recto na ang ideyalismo ni Bonifacio, nabahiran ng mga kaisipan ni Rizal, ay siyang nagtulak sa bisig ng rebolusyon: "Not all dreams come true. But the wonderful things of the world were created by idealists like the Great Poorly-born Andres Bonifacio" (1968, 78).  Sadyang kakatwa nga, sapagkat utang natin sa realismong matalas ni Rizal and panimdim at umaasang paghihinala ng ideyalistang filibustero.

Balikan natin ang proposisyon ng balintunang pag-inog ng naratibo ng kasaysayan. Nakabuod ito sa nasambit na hinuha: sa pagkagapi matatagpuan ang tagumpay. Ang kinabukasan ng binubuong bansang may tunay na kasarinlan ay nakasalalay sa kasalukuyang gawaing suriin at pahalagahan ang tagumpay at kabiguan ng nakalipas. Nakasandig ito sa paniwalang maihihiwalay ang dilim sa liwanag, at matatamo ang malayang pag-unlad ng bawat nilalang na nagtatamasa ng kalayaan. Magandang hinagap, nakapupukaw, nakaantig sa damdaming kadalasa'y nakalulukob sa budhi't isip. Madalas, tuluyan nating nakakaligtaang dapat bumalik sa orihinal na inspirasyon: ang singularidad ng inisyatiba ng Supremo at mga kapanalig na nagbunsod sa Katipunan at rebolusyon ng 1896 at republikang ginabayan ni Mabini, dating sekretaryo ng Liga at kabalikat ng Supremo. 

Paglalakbay sa Kalawakan

     Bagong panahon, bagong pag-aangkop ng sinaunang pananaw na tinunghayan natin, tinaya't tinimbang. Utang sa mabulas at masiglang pagsulong ng kilusang mapagpalaya mula noong dekada 1960 hanggang ngayon ang pagpupugay kay Andres Bonifacio bilang ulirang rebolusyonaryo ng sambayanan. Utang sa ilang publikong intelektuwal tulad nina Renato Constantino, Teodoro Agoncillo, Amado V. Hernandez, Jose Maria Sison, atbp., laluna kina Claro Recto, Lorenzo Tanada, at Jose Diokno na nagpasimuno sa pagtutol sa diktadurang U.S.-Marcos. Sa katunayan, lahat tayo ay kalahok sa madugong pagsulong mula sa pagkagapi at pagsakop ng imperyong Estados Unidos.

Sa kolektibong aksyon ng masa, naiahon ang nasyonalismong nailubog ng matinding Amerikanisasyon ng bansa. Naibangong muli ang dignidad ng Supremo sa pagkasadlak nito noong panahon ng Cold War at pamamayani ng komodipikadong neoliberalismo nitong huling bahagdan ng nakaraang siglo. Patuloy ang mahabang martsa ng taumbayan. Sa kasalukuyang yugto ng malalang krisis ng kapitalismong neoliberal--pansinin ang sintomas nito sa teroristang giyerang inilulunsad ng Estados Unidos sa halos lahat ng sulok ng daigdig-- kailangang balik-suriin ang ating posisyon tungkol sa relasyon ng indibidwal at lipunan/kasaysayan. Problematikong suliranin ito buhat ipunla ng U.S. ang ideolohiya ng kasakiman at pagkamakasarili. 

Sa namamayaning ideolohiya ng kapitalismong global (sakop na ang neokolonyang Pilipinas), ugaling isentro ang lahat sa namumukod na indibidwal. Ang indibidwalismong naikintal sa atin ay mahirap iwasan. Gawi nating ipaliwanag ang bawat pangyayari sa kilos ng isa o ilang indibidwal. Halimbawa: kung wala si Marcos, di nangyari ang martial law at diktadurya noong 1972-86. Kung wala si Aguinaldo, di sana'y nagtagumpay ang himagsikan ng 1898. Kung wala si Quezon....  Bakit ganyan ang hilig ng pag-iisip?  

Magsumikap suriin at wastuhin ang kamaliang ito. Sa materyalistikong pagtaya, ang lipunan ay hindi koleksiyon ng atomistikong sangkap--hiwa-hiwalay at magkakompitensiyang indibidwal--kundi pinagsamang relasyon ng mga grupo ng tao. Hindi pagdagdag isa-isa kundi pagwatas sa totalidad ng mga ugnayan sosyedad. Kung tutuusin, ang personalidad o karakter ng isang tao ay binubuo ng kanyang sapin-saping pakikipag-ugnayan o pakikipagkapwa sa kapaligiran. Ang buhay ng tao ay maigting na kalangkap ng daloy ng lipunan sa kasaysayan.

Itong dalumat ng pagkakasanib ng indibidwal at lipunan ang pangunahing prinsipyong nailahad sa "Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog." Dinamikong kolektibismo ang naghaharing pangitain. Ang kontribusyon ng Supremo sa pilosopiya ng nasyonalismong radikal sa akdang iyon, kaakibat ng "Dekalogo" ng Katipunan, ng mga tula at liham kina Emilio Jacinto at Mariano Alvarez, ay katibayan ng historiko-materyalistang pagsipat ng Supremo sa mga pangyayari at paghusga sa kung anong dapat gawin upang mabago ang sitwasyon ng sambayanan (tingnan ang kalipunan ni Agoncillo 1963). 

Mapagbuo at mapaglikha ang tendensiya ng dalumat niya. Tumutumbok iyon sa proseso ng karanasan at repleksiyon ng kamalayan tungkol dito.  Kaagapay ng teorya hinggil sa ayos ng lipunan ang praktika ng estratehiya at taktika ng pagbabago nito. Tumatagos at tumatalab sa mga salita ng Supremo ang kamalayang pangkasaysayan na tumakwil at lumihis sa ideyalistiko't dogmatismong etika/politika ng Simbahan Katoliko, laluna ng mga prayle at mga ordeng relihiyosong umuugit sa aparato ng Estado noong panahon ng pananakop ng Espanya. Kinatawan ng Supremo ang pag-unlad natin mula sa Edad Medya ng Simbahan tungo sa renaissance at repormasyon sa Europa hanggang sa pagpasok ng modernidad sa insureksiyon ng Paris Commune noong 1871 at pagtatag ng Internasyonal ng mga trabahador sa buong mundo noong 1872. Palatandaang muhon ang Katipunan sa pagsulong natin sa panahon ng modernidad at imbensiyon ng bansang Pilipinas mula huling dekada ng siglo 1800 hanggang sa kasalukuyang laban.

Diskursong Anti-Pasyon

Natalakay ko na sa isang sanaysay ang simulaing pampilosopiya ng ”Mga Katungkulang Gagawin ng mga Anak ng Bayan" at "Ang Dapat Mabatid"--dalawang testimonya ng dalubhasang paglalagom ng Supremo (San Juan 2013; 2015b). Kasukdulan nang ulitin dito iyon maliban sa pagbanggit sa isang bagay. Ang Stoikong pagkilatis ng Supremo sa pagkatao ng Filipino ay hindi nakatuon sa "hiya," damay, o "utang na loob" o anupamang esensiyal na salik, kundi sa paggamit ng rason o katwiran na nakasalig sa batas ng kalikasan. Ang rasong ito ay hindi instrumental kundi imahinasyong mapanlikha't kritikal. Dito nakasalalay ang ramipikasyong unibersal ng Katipunan, di lamang iyon para sa katagalugan.

Ang naturalistikong kaisipan at pagtarok ng Supremo ay kahawig ng mga ideya nina Spinoza, Rousseau at mga philosophes sa Pransiya at Alemanya (Kant, Herder, Hegel). Ang materyalistikong pagtingin ay hindi positibistiko o empirisistiko sapagkat mahigpit na kakabit ng kamalayan ng aktibong nakikibaka.  Nakakawing iyon sa masalimuot at diyalektikong pagsulong ng kasaysayan ng mga lipunan batay sa produksiyon at reproduksiyon ng buhay sa lupa (alinsunod sa tagubilin ni Marx sa kanyang "Theses on Feuerbach"). Malayo na tayo sa iskolastikong turo nina San Agustin at Santo Tomas Aquinas, lumagpas na sa Renaissance at Repormasyon, at nakarating na tayo kina Voltaire, Diderot, Locke, at St Simon--mga pantas na sinuri nina Marx at Engels noong kalagitnaan ng siglo 1800. Nagbunga't nahinog ang tradisyong mapagpalaya sa mga kaisipan at gawa ng Supremo noong 1896 hanggang siya'y paslangin ng mga ilustradong kasabwat ni Aguinaldo. Nahubad doon ang limitasyon ng burgesyang pangitaing batay sa pag-aari ng lupa, ang limitasyon ng elitistang pamumuno, ang limitasyon ng uring komprador.

Yamang nabanggit na si Heneral Aguinaldo, kailangan pa bang balik-tanawin ang nangyari sa Tejeros noong Marso 22, 1897 at ang sumunod na paglilitis sa Supremo at pagpatay sa kanya? Unang sinuyod at hinusgahan ito ni Teodoro Agoncillo sa kanyang sanaysay "Ang Ibinunga ng Kapulungan ng Teheros" (1998) bago pa sinulat ang The Revolt of the Masses. Hinggil sa Tejeros, napuna ni Constantino na nagwagi ang ilustrado't natalo ang proletaryo, hanggang sumukdol sa kompromiso ng Biak-na-Bato noong 1897. Sang-ayon ako na pansamantalang nakapaimbabaw ang kampon ng mga elite ng Cavite (Severino de las Alas, Mariano Noriel, Daniel Tirona, atbp), subalit hindi lahat ng Katipunero ay napasailalim nila. Malakas at matatag ang karisma ng Supremo kahit na wala na siya. Nagpatuloy ang pakikilaban nina Emilio Jacinto at mga kasama sa ibang lalawigang walang impluwensiya si Aguinaldo (Agoncillo and Alfonso 1967). Nagpatuloy sina Lukban, Malvar, Sakay, at maraming “bandidong” kasangkot sa pag-aklas ng mga kolorum, Sakdalista at pagsulpot ng Hukbalahap.

Magiting na tradisyong naisilang ng Katipunan.Ngunit ano ang aral na mahuhugot sa nangyari sa Tejeros? Lumalabas na hindi kabisado ng Supremo ang katusuhan ng mga ilustrado sa Cavite. Labis ang kanyang pagtitiwala sa mga "Magdiwang" ng Cavite (Alvarez 1992), at hindi niya nakalkula ang patuloy na pagnanaig ng ideolohiyang piyudal sa mga ilustrado at mga kapanalig. Lantad ito sa rasyonalisasyon ni Aguinaldo sa kanyang talambuhay, Mga Gunita ng Himagsikan (1964, 225-27), tungkol sa pagbawi niya ng "indulto" na ipatapon lamang, hindi patayin, ang magkapatid na Bonifacio. 

Labis ang pagtitiwala ng Supremo sa mga kapanalig. Sa harap ng mga maniobra ng mga elite sa Tejeros, maisususog na kulang ang kabatiran ng Supremo sa politika ng uring sumusunod sa pormalistikong regulasyon ng pagpupulong, hindi ang kalamnan. Hindi sanay ang Supremo sa makinasyong panloob sa Tejeros, sintomas ng mabisang paghahari ng kostumbreng awtoritaryanismo't piyudal na umugit sa mga nagsilahok sa pulong sa Tejeros (na pinuri naman ni Nick Joaquin sa kanyang A Question of Heroes). 

Kulang pa ang indigenization ng minanang karunungan. Nabanggit ni Ambeth Ocampo na ang Konstitusyong sinulat ni Edilberto Evangelista ay hango sa Ordeng Royal ng gobyerno ng Espanya na gawa ni Maura, ang ministrong responsable sa mga kolonya (1998, 19). Sa anu't anoman, pakiwari ko'y nadama ng Supremo na ibang bayan ang pook na iyon, hindi pa handa sa inaasahan ng Katipunan, walang muwang sa Dekalogo, kaya umalis hanggang naharang sila sa Limbon, Indang. Ang trahedya ng nangyari ay masisipat sa kuwadro ng pagtatagisan ng uring panlipunan, hindi ang kontradiksiyon ng personalidad nina Bonifacio at Aguinaldo. Samakatwid, hindi pa sukdulang lumaganap ang etika at politika ng Katipunan at ng dalumat ng modernidad kaakibat nito. Hindi pa umiral ang hegemonya ng anak-pawis sa mga kaaway ng Espanya sa Cavite. Maisasapantaha na sa hubris ng Supremo nagkapuwang ang reaksyonaryo't konserbatibong lakas, at sa gayon nagapi ang isang miyembro ng partido ng kaunlaran at kaliwanagan.

Sa perspektibang malawak, ang pangyayari sa Tejeros ay hindi dapat makalambong sa larangan ng digmaan ng mananakop at sinakop. Sa diyalektika ng alipin at nang-aalipin, laging panalo ang alipin. Ang takbo ng himagsikan (na sinuri ni Mabini sa kanyang Memorias) ay katibayan na rin na hindi pa humihinog ang punla ng Liga & Katipunan. Panahon at sipag ang hinihingi na sirkonstansya upang maabot ang antas ng hegemonya ng anak-pawis sa buong kapuluan. Mangyayari ito sa pagpupunyagi nina Isabelo de los Reyes, Crisanto Evangelista, Benigno Ramos, atbp sa pakikitunggali sa Estados Unidos. Kabagligtaran ito sa inasal ni Aguinaldo sa tusong pagdepende sa Amerikang inakala niyang sasaklolo sa kanya. Mapapatunayan ito sa pagtatag ng partido sosyalista at komunista noong nakaraang siglo, at sa pagyabong ng puwersa ng pambansang demokrasya sa bukana ng bagong milenyo. Katunayan nito ang kasalukuyang masusing pagpapahalaga sa buhay at halimbawa ng Supremo sa gitna ng krisis ng neokolonya at ng imperyalismo, ang unti-unting paglusaw ng kapangyarihan ng globalisadong kapital. 

Kontra-Gahum: Ano ang Dapat Gawin?

Sa paglalagom, ano ang mga prinsipyong dapat tandaan na naikatawan at naihalimbawa sa buhay ni Andres Bonifacio?

Una, ang lohika ng konsentrasyon.  Ang puno ng organisasyon ay hindi isang natatanging indibidwal lamang.  Siya ang pinagsanib na lakas ng mga uring manggagawa at makamalayang kalahi o kababayan na kapwa inaapi't ginigipit ng Simbahan at Estado. Samakatwid, lahat ng sinakop at inagawan ng humanidad, ng iwing dangal at bait. Sa kasalukuyan, ang mga Lumad, magsasaka, walang trabaho, OFWs, biktima ng demolisyon ng mga bahay at paghahari ng mga korporasyong nagmimina at sumisira sa kalikasan—sila ang bagong katipunan ng bansa.

Pangalawa, sinasagisag ng Supremo ang naisakatuparang pagsisikap ng mga naunang rebelde--mula pa kina Dagohoy hanggang Diego Silang, Apolinario Cruz, at mga ginaroteng pareng Burgos, Gomez at Zamora. Sinasagisag din niya ang natamong pagmumulat ng bayan nina Marcelo del Pilar, Lopez Jaena, at Rizal (na napukaw at namobilisa nina Balagtas at Burgos). Dinistila ng Katipunan ang minanang kultura at dinalisay upang umakma sa bagong adhikain at pangangailangan.

Pangatlo, sa pagtatag at pagpapalago sa Katipunan at sa sistematikong pag-udyok at paghikayat na palawakin ang himagsikan--kahit man nabigo ang ilang paglusob (na siyang argumento ni Nick Joaquin upang siraan ang Supremo)--matagumpay na naitampok ang kinakailangang pag-iisa ng teorya at praktika sa anumang kolektibong proyekto ng sambayanan. Rason at karanasan ay magkatuwang sa trajektori ng kabiguan at pagwawagi proyektong ito.

Kulang pa ba ang inisyatibang naitampok? Ang tatlong nakamit na layuning naisaad ay sapat na upang maging palagiang dakilang bayani ng lahi si Andres Bonifacio. Iyon ay mga tagumpay na nakaigpaw sa pagtataksil ng mga ilustrado na tumungo sa pagsuko ni Aguinaldo sa Estados Unidos at asimilasyon ng elite (Quezon, Osmena, Roxas) sa hegemonya ng imperyo. Patuloy pa rin ang tendensiyang kontrahin ang nasyonalistikong agos ng kasaysayan (halimbawa, ang pagbatikos ng Amerikanong Glenn May sa mga Pilipinong historyador, na itinala nina Milagros Guerrero at Ramon Villegas (1997) at ni Reynaldo Ileto (1998). Sa palagay ko, magpapatuloy ito hanggang nanaig ang ideolohiya ng “white supremacy” sa aparatong pang-hegemonya ng kapitalismo.

Gayunpaman, ang inspirasyon ng Supremo ay nagbanyuhay hindi lamang sa kagitingan ng mga hukbo nina Macario Sakay at mga kasama sa Balanguiga, Samar, bagkus nagkaroon ng kakambal o alingawngaw sa maraming pag-aalsa at rebelyon ng mga Moro sa Mindanao at Sulu at mga pagtutol ng mga pesante sa kolorum at ng mga Sakdalista hanggang sa mga gerilya ng Hukbo ng Bayan Laban sa Hapon, at mandirigmang militante ng Bagong Hukbong Bayan. Walang putol ang mapagpalayang naratibo hanggang gumagana ang utak, puso, damdamin—silakbo ng pag-asa at pangarap ng bawat Filipino.  Oo nga't hindi na mabilang ang mga pagdalaw ng espiritu ng paghihimagsik sa dekadang sumaksi sa First Quarter Storm ng 1970 at "People Power Revolt" ng Pebrero 1986. Ano ang pahiwatig nito? Walang iba kundi ito. Buhay ang Supremo sa bawat pagsulong tungo sa tunay na kasarinlan at kalayaan, katapat ng kanyang inihudyat na pithayang panlipunan, ang pangkalahatang "katwiran" at "kaginhawaan." Nakapalibot ang senyas ng panahong buntis sa maluwalhating bukang-liwayway. Buhay pa rin ang puso't diwa ng Supremo sa mga programa ng kilusang naghahangad ng katarungan at pambansang demokrasya, at ng mga taong nagmimithi ng pagkakapantay-pantay ng mga kasarian at ng bawat mamamayan, ng kasaganaan at dignidad ng bayang Pilipinas.


SANGGUNIAN

Agoncillo, Teodoro.  1963.  The Writings and Trial of Andres Bonifacio.  Manila: Office of the Mayor and the University of the Philippines.
-----.  1965.  The Revolt of the Masses.  Quezon City: University of the Philippines Press.
-----.  1969.  Ang mga Pangunahing Tauhang Lalaki sa mga Nobela ni Dr. Jose Rizal.  Maynila: UNESCO.
-----.  1998.  "Ang Ibinunga ng Kapulungan ng Tejeros."  Nasa sa Bahaghari't Bulalakaw.  Quezon City: University of the Philippines Press.
------. and Oscar Alfonso.  1967 History of the Filipino People. Quezon City: Malaya Books.
Aguinaldo, Emilio.  1964.  Mga Gunita ng Himagsikan.  Manila: Cristina Aguinaldo Suntay.
Almario, Virgilio.  2006.  Pag-unawa sa Ating Pagtula.  Manila: Anvil Publishing Co.
Alvarez, Santiago V.  1992.  The Katipunan and the Revolution. Tr. Paula Carolina Malay.  Quezon City: Ateneo University Press.
Arendt, Hannah.  1978.  The Life of the Mind.  New York: Harcourt Brace Jovanovich.
Constantino, Renato.  1975.  The Philippines: A Past Revisited. Quezon City: Tala       Publishing Services.
Cruz, Hermengildo.   1922.  Kartilyang Makabayan.  Maynila: Lupong Tagaganap, Araw ni Bonifacio.
Cruz, Isagani at Soledad S.Reyes.  1984.  Ang Ating Panitikan.  Manila; Goodwill Trading Co.
De la Costa, Horacio. 1965.  Readings in Philippine History. Manila: Bookmark.
Debray, Regis.  2004.  God: An Itinerary.  London: Verso.
Guerrero, Leon M.  1969.  The First Filipino.  Manila: Jose Rizal National Centennial Commission.
Guerrero, Milagros and Ramon Villegas.  1997.  "The Ugly American    Returns."Heritage (Sumer): 37-41.
Guerrero, Milagros, Emmanuel N. Encarnacion, and Ramon Villegas.  2003.  "Andres Bonifacio and the 1896 Revolution."  Sulyap Kultura. Manila: National Commission for Culture and the Arts.
Guevarra, Dante G.  1992.  Unyonismo sa Pilipinas.  Manila: Institute of Labor and Industrial Relations, Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas.
Gramsci, Antonio.   xxxx. 
Ileto, Reynaldo.  1998.  Filipinos and their Revolution.  Quezon City: Ateneo de Manila University Press.
Joaquin, Nick. 1977.  A Question of Heroes.  Manila: Ayala Museum.
Mabini, Apolinario.  1969.  The Philippine Revolution. Tr. Leon Ma. Guerrero.  Manila: National Historical Commission.
Marx, Karl. 1950.  The Eighteenth Brumaire of Louis Napoleon.  In Karl Marx and Frederick Engels, Selected Works, Vol. 1.  Moscow: Progress Publishers.
Medina, Ben Jr.  1972.  Tatlong Panahon ng Panitikan.  Manila: National Book Store.
Murray, Gilbert.  1964.  Humanist Essays.  London: Unwin Books.
Ocampo, Ambeth. 1998.  The Centennial Countdown.  Manila: Anvil Publishing Inc.
Osborne, Peter.  2005.  How To Read Marx.  New York: W.W. Norton.
Palma, Rafael.  1949.  The Pride of the Malay Race.  New York: Prentice-Hall, Inc.
Panganiban, J. Villa and Consuelo Torres-Panganiban.  1954.  Panitikan ng PilipinasQuezon City: Bede's Publishing House.
Recto, Claro M.  1968. "Rizal the Realist and Bonifacio the Idealist."  In  Rizal: Contrary Essays. Ed. Petronilo Daroy and Dolores Feria.  Quezon City: Guro Books.
Reyes, Soledad.  1997.  Pagbasa ng Panitikan at Kulturang Popular.  Quezon City: Ateneo University Press.
Richardson, Jim.  2005-2016.  Katipunan: Documents and Studies.  Web. 
——-2013.  The Light of Liberty: Documents and Studies on the Katipunan: 1892-1897. 
Quezon City: Ateneo de Manila University Press.
San Juan, E. 2013.  "Handog kay Andres Bonifacio: Katwiran, Kalayaan,     Katubusan."  Nasa sa Salita ng Sandata,ed. Bienvenido Lumbera, et al.  Quezon City: Ibon Books.
——.  2015a.  Between Empire and Insurgency.  Quezon City: University of the   Philippines Press.
_____.  2015b.  Lupang Tinubuan, Lupang Hinirang.  Manila: De La Salle University Publishing House.
Santos, Jose P. 1935.  Buhay at Mga Sinulat ni Emilio Jacinto.  Manila: Jose P. Bantug.
Sevilla y Tolentino, Jose. 1922.  Sa Langit ng Bayang Pilipinas: Mga Dakilang Pilipino.  Maynila: Limbagan nina Sevilla at mga kapatid.  Web.
Warner, Marina.  1976.  Alone of All Her Sex.  New York:
Zaide, Gregorio.  1970.  Great Filipinos in History.  Manila: Verde Book Store.
---- and Sonia Zaide.  1984.  Jose Rizal: Life, Works and Writings of a Genius, Writer, Scientist and National Hero.  Manila: National Book Store.
__________


E. SAN JUAN, Jr  <philcsc@sbcglobal.net>

LEARNING FROM THE FILIPINO DIASPORA by E. San Juan, Jr.

$
0
0
BOOK FORTHCOMING FROM
THE UNIVERSITY OF SANTO TOMAS PUBLISHING HOUSE, Sept 2016.

ANDRES BONIFACIO, Buhay at Gawa--Isang Interpretasyon at Pagpapahalaga ni E. SAN JUAN, Jr.

$
0
0

LAGDA NI ANDRES BONIFACIO: 
Paghamon sa tadhana, himagsikan, at pagtupad sa kapalaran ng sambayanang Pilipino


ni E. SAN JUAN, Jr.
Professorial Lecturer, Polytechnic University of the Philippines

Sa balik-tanaw, ang “lagda” ni Bonifacio sa ating kasaysayan ay masisipat sa kanyang birtud sa pagbuo ng Katipunan at praktikang diwa sa maugnayang pag-aklas. Nabunyag ang kakulangan noon nang paslangin siya ng pangkat ni Aguinaldo. Sa gayon, naging bagong mithi ng makabayang bugso ang pagtatamo ng hegemonya/gahum. Hindi sapat sa paglikha ng soberenya at pagpapasyang makabayan ang batayan ng Katipunan: rasong unibersal at karapatang pangkalikasan. Sa huling pagtutuos, ayon kay Mabini, naitakda ng ekonomiyang pampolitika ng piyudal/komprador na kaayusan ang limitasyon ng ilustradong nasyonalismong mana kay Aguinaldo. Buhay pa rin ang halimbawa ni Bonifacio sa aktuwalidad ng ahensiya ng lahat ng inaapi at pinagsasamantalahan. Nagkaroon ng bagong sigla ito sa himagsik ng mga etniko/katutubong mamamayan, kaugnay ng manggagawa at pesante sa pambansang-demokratikong kilusan, na lalong nag-ibayo ngayon sa harap ng terorismo ng imperyalismong global.

Keywords: Katipunan; nasyonalismo; Andres Bonifacio; Kapulungan ng Tejeros; Himagsikan ng 1896


From hindsight, Bonifacio’s  “signature” in our historical archive is distinctly legible in his initiative in founding the Katipunan and its praxis in organized revolt. His death by the Aguinaldo clique revealed the Katipunan’s inadequacy. But it is also productive since hegemony became the new telos of the nationalist impetus.  Universal reason and natural rights, the foundation of the national-lberation struggle, have proved not sufficient to forge the popular will and affirm the sovereignty of the nation-people in the face of US imperial power. Ultimately, however, as Mabini discerned, the political economy of a feudal/comprador formation defined the limits of ilustrado nationalism. Bonifacio’s example survives in the actuality of irepressible multifaceted subaltern agencies. It renews itself today in the ethnic/indigenous, national-democractic insurgencies flourishing today under global imperial terrorism.

Keywords: Katipunan; nationalism; Andres Bonifacio; Tejeros Convention; 1896 Revolution



Katakutan ang kasaysayan sapagkat walang lihim ang maitatago sa kanya. 
--GREGORIA DE JESUS

Ganyan si Pilosopong Tasyo [sa El Filibusterismo ni Rizal]: nakakakita siya ng tagumpay sa anino ng pansamantalang pagkatalo.

--TEODORO AGONCILLO



Prologo

Palasak na hatulang malaking kabiguan ang proyekto ng himagsikan ng 1896 at ng Katipunan sanhi ng pagkapaslang sa Supremo. At dahil sa pagkatalo ng mga nagpatuloy sa adhikaing mapagpalaya (sina Malvar, Sakay, at iba pa), laos na ang adhikaing inugit ng mga bayaning nagsabuhay sa mga prinsipyo at batayang simulain ng Katipunan at humaliling organisasyon. Ngunit lahat ng tagumpay ay nagdaraan sa pagkatalo, at ang pag-unlad ay umuusad sa liko-likong pag-urong-sulong ng mga pangyayari na itinakda ng mga naganap. Paglimiin natin ang payo ni Marx: “Men make their own history…”but “not under circumstances chosen by themselves, but under circumstances directly encountered, given and transmitted from the past”(1950, p. 225). Sukat nang alalahanin na sa pagkamatay, sa paglaho ng kasalukuyan, bumabalong ang muling pagkabuhay.

Gayundin ang walang patid na pakikipagsapalaran ng mga kaisipan, akto, at salita ni Andres Bonifacio. Tunay na hindi pa natin nauunawaan ang tagubilin niya at pahiwatig. Hindi pa natin lubos na nasasakyan ang kaniyang pahatid na hindi pa naisasagad ang programa ng pagbabangon ng dignidad at pagkatao ng bawat mamamayan sa harap ng karalitaan at pagkaupasalang laganap. Masasabing nasa kinabukasan pa ang tahasang pagsasakatuparan ng programa ng Katipunan, hinihintay pa ang matapat na pagpapahalaga sa mapagpasyang lagda ni Bonifacio na sandaling nalambungan sa tuso at madayang pag-inog ng kasaysayan. Namumukod sa lahat, husga ni Apolinario Mabini (1969), si Bonifacio lamang ang matigas na nagsusog na walang halaga ang mapayapang paraan; kolektibong lakas ang kailangan, nang ipagbawal ang repormistang Liga ni Rizal.

Ugali na kapag pinag-uusapan ang kabayanihan ni Bonifacio, ang “Supremo”, nauuwi sa trahedya ng Tejeros/Naik/Maragondon. Hindi trahedya kundi ironya o kabalighuan. Paano ipapaliwanag itong aporia: ang pasimunong nagtatag ng Katipunan ang pinaratangang taksil sa rebolusyon at pinaslang noong 10 Mayo 1897. Ngunit kung hindi nangyari iyon, ang katunayan ng uring ilustrado at ng tusong pagkakanulo at paglililo (mga katagang malason sa diwa ni Balagtas) nila sa rebolusyon ay hindi umabot sa kaganapan. Humantong sa kasukdulan ang kontradiksiyong panloob sa kilusan at humakbang sa panibago at mabiyayang antas.

Subalit hindi awtomatiko ang aral na ginapas dito. Ang nakagawiang pagdakila sa bayani ay hindi garantiya na hindi mauulit ang pagdaraya ng mga mapagsamantalang uri. Isipin na lamang kamakailan ang pagbibigay muli ng basehan sa puwersang militar ng Estados Unidos. Naulit na nga sa asasinasyon ni Antonio Luna – mistulang “repeat performance” iyon – at paglinlang kay Macario Sakay, kasama ng Supremo sa Tundo. Nakagugulat sa umpisa, ngunit kung tutuusin, mahihinuhang itinakda iyon ng mga pagkakataong umigkas na hindi na mapigilan. Kung hindi tayo matuto sa kasaysayan, tiyak na parurusahan tayong muli sa pagbalik ng nasugpo at ipinagbawal dahil naroon din ang binhi ng darating, kung pagninilayang maigi.

Kasaysayan at pananagutan

Gaano man kasalimuot ang sitwasyong bumabalot sa atin, may kalayaan tayong umugit sa ating kapalaran batay sa ating dunong at kakayahan. Hindi lamang tayo biktima ng mga nagsalabit na sirkumstansiya at aksidente, bagama’t sumusunod sa batas ng regularidad ang hugos ng kasaysayan. Ang kasalukuyang pagsisikap na pahalagahan ang buhay ni Bonifacio ay nagtataglay ng mithiin ng kaganapan na siyang humuhubog ng mga sagisag at representasyon ng kolektibong karanasan. Kung ang radikal na politika ay praktika ng pagsasagawa ng mga inaasahang pagnanais sa daloy ng kasaysayan, at paglatag ng mga ayos ng pagbubuklod sa hinaharap, mga pagsasanib at ugnayang kailangan para sa pagbabagong malaliman at pangkalahatan, ano ang dapat gawin? Ano ang turo ni Bonfacio para sa kasalukuyang sitwasyon?

Ibaling natin ngayon ang sipat sa mga salita at gawa ni Bonifacio (at ng Katipunan) na buntis sa mga maaaring mangyari. Ano ang potensiyalidad sa paghuhunos ng mga luma at piyudal na normatibong pamantayan tungo sa isang kaliwanagang taglay ang kasarinlang makatwiran? Makakamit ba natin ang realidad ng awtonomiyang may kakayahang rasyonal at makabuluhan? Sa ibang salita, maiaangat ba sa diyalektikang paraan ang puri o dangal ng indibidwal sa antas ng pagkakabuklod, solidaridad, at bahaginang pangkomunidad? Ano ang papel na gagampanan ng organikong intelektuwal (tulad ni Bonifacio) sa pagtatatag ng lipunan kung saan ang malayang pag-unlad ng bawat isa ay nakasalalay sa kalayaan ng buong bansa/sambayanan (natio/populus), sa taguri ni Antonio Gramsci?

Sa pagsasaliksik natin, ang pinakamahalagang simulain ay historiko-materyalismong pananaw na may diyalektikong paraan ng pagkilatis at pag-unawa sa lipunan. Batay rito, ang kongkretong sitwasyon ng kabuhayan – ang relasyon ng mga uring nakasalig sa produksiyon ng mga pangangailangan sa buhay – ang pinakamahalaga, hindi ang kamalayan ng hiwa-hiwalay na tao sa lipunang nahahati sa mga uri. Samakatuwid, dapat iwasan ang palasak na pagsusuring sikolohikal. Mapanligaw ang pagpapaliwanag sa anumang problemang panlipunan ayon sa karakter o katauhan ng mga indibidwal na kasangkot. Gayundin ang pagsandal sa abstraktong klima ng krisis o kaguluhan na sumisira sa anumang rasyonal na layunin ng mga aktor sa kasaysayan.

Pagtistis at muling paglilitis

Sa pagbabalik-tanaw sa ating pambansang kasaysayan, ang kuwento tungkol sa Supremo ay nalalambungan pa rin ng samot-saring haka-haka, sumbong, tsismis, suplong, at hinala. Marami pa ring kakuntsaba ang mga kasike at imperyalista. Isang halimbawa ang The Revolt of the Masses  ni Teodoro Agoncillo (1956). Bagama’t sagana sa datos at humahanga sa KKK, sadyang lumabo ang nangyari sa sikolohikal at pang-Zeitgeist (“regionalism” at klima ng krisis noon) na lenteng itinuon ni Agoncillo sa mga tauhang lumahok sa Tejeros, tungo sa pagpapawalang-sala kina Emilio Aguinaldo at mga kasapakat (pp. 293-299). Ang sikolohiya ng Supremo ang siya mismong dahilan sa kaniyang pagkapatay, mungkahi ng historyador. Gumagad dito ang perwisyong ibinurda ni Nick Joaquin sa kaipala'y masahol na muling pagpaslang sa Supremo sa A Question of Heroes (1977).

Sanhi sa kolonyalismong danas na mahigit 400 taon (mula kolonyalismong Espanyol hanggang imperyalismong global), namihasa tayo sa burgesyang pangitain sa mundo. Makikita ito sa pop-sikolohiyang lapit ni Joaquin, makitid at mababaw sa pagkilatis sa masalimuot na puwersang pampolitikang nakasalalay sa mga pangyayari. Ang tesis ni Renato Constantino ay tinuligsa at inuyam ni Joaquin: “All this sounds like an egghead effort to make Marxist boots out of Philippine bakya” (1977, p. 86). Nagkabuhol-buhol ang ulirat ni Joaquin sa pagpuntirya niya laban sa katauhan at asal ni Bonifacio. Ngunit sino si Bonifacio kundi ang masang naghimagsik, pumatay, at nag-alay ng buhay sa ikatatagumpay ng katuwiran at kalayaan ng sambayanan? Hindi ang katauhan ng indibidwal kundi ang sapin-saping langkay ng mga kontradiksiyon sa lipunan ang dapat suriin sapagkat iyon ang nagpapakilos sa katangian ng mga kolektibong puwersang humuhubog at nagpapaikot sa takbo ng kasaysayan. 
          
Mula noon, marami nang sumalungat sa mapagkunwaring pagpupugay nina Agoncillo at Joaquin sa “Dakilang Plebeyo”. Ang mahusay na tugon at pagpapabulaan sa haka-haka nina Joaquin at mga maka-ilustrado ay ang sanaysay nina Milagros Guerrero, Emmanuel Encarnacion, at Ramon Villegas, pinamagatang Andres Bonifacio and the 1896 Revolution.  Katugma nila ang mahayap na hatol ni Mabini sa La Revolucion Filipina

“Palibhasa'y paglabag ang ginawa ni Aguinaldo sa panuto ng Katipunan na kinasapian niya,...ang motibo sa asasinasyon ay walang iba kundi mga hinanakit at mga kapasyahang sumira sa dangal ng Heneral; sa anu't anuman, ang krimeng naganap ay siyang unang tagumpay ng ambisyong personal laban sa wagas na patriyotismo” [Salin ko mula sa Ingles; isinalin din ni Cruz (1922, pp. 57-58); Ingles ni Leon Ma. Guerrero sa Mabini (1969, p. 48)]. 

Pangkat o uring panlipunan ang mga aktor, o dramatis personae, sa dula ng ating kasaysayan bilang bansang hangad magsarili.

Bilang katugunan sa mga pagkutya sa katauhan ng Supremo, kadalasang gumagamit ng empirisistikong pagsusuri ng uring kinabilangan ng Supremo. Idinidiin na sastre ang ama at manggagawa sa pabrika ng tabako ang ina. Bukod sa artisanong nagbenta ng baston, ang Supremo ay nagsilbing ahente ng Ingles na bahay-kalakal na Fleming & Company at bodegero ng Aleman na bahal-kalakal na Fressel & Company (Aleman). Sa palagay ko, upang matarok kung anong mga sangkap ang humulma sa pananaw-sa-mundo ng Supremo at mga kapanalig, dapat isakonteksto ang mga detalyeng nabanggit, kalakip ang mga karanasan sa Teatro Porvenir sa Tundo at panandaliang paglahok sa Cuerpo de Compromisarios at masoneria, sa isang takdang yugto ng kasaysayan ng Pilipinas.

Bagama’t walang pormal na edukasyon, nahalaw ng Supremo ang makabagong pedagohiya sa kaniyang pagbabasa at sa mismong karanasan sa paghahanapbuhay (Agoncillo, 1965). Batid na ng lahat – hindi na dapat balikan pa ang talambuhay ng Supremo – na bukod sa kaniyang katutubong talino, napag-aralan at naisadibdib niya ang modelo ng La Liga Filipina na ibinunsod ni Jose Rizal noong Hulyo 1892. 

Malaking hakbang ang La Liga mula sa repormistang paninindigan ng mga propagandista ng La Solidaridad. Isinaisantabi na ang layuning asimilasyon sapagkat inadhika nito na pag-isahin ang buong kapuluan at mga katutubo upang magtulung-tulungan. Bukod sa paghikayat na pagbutihin ang edukasyon, pagtatanggol laban sa kawalang-katarungan at dahas, sinikap ding magtayo ng mga paraan at istrukturang tutugon sa bawat pangangailangan ng mga kasapi. Naipunla na roon ang binhi ng Katipunan at ng rebolusyonaryong balangkas ng ating kasaysayan.

Bagama’t tila payapang pagpaplano lamang ang La Liga, sa ikaapat na araw ng pagdating ni Rizal sa Pilipinas mula Espanya, inaresto na agad siya. Dagling binuhay ng Supremo at ni Domingo Franco ang La Liga at hinirang si Apolinario Mabini na maging kalihim ng Konseho Supremo. Parang hulang natupad ang pagkalahok ni Mabini sa pagkakataong ito, “prophetic” sa taguring panteolohiya. Hindi nagtagal, humiwalay ang ilang kasapi sa Cuerpo de Compromisarios at tuluyang napilitang ilunsad ng Supremo at mga kasama ang Katipunan (Constantino, 1975, pp. 153-154). Pagtakwil sa Espanya ang mithi ng organisadong lakas ng sambayanan, sa paraan ng malawakang himagsikan. Isang orihinal na hakbang ito ng Supremo.

Sa pagitan ng nagsasalpukang lakas

Sa henealohiya ng pagsulong ng kamalayan ng Supremo, ang aral ng La Liga at limitasyon ng mga Propagandista ay magkasudlong. Walang makabuluhang pagbabago ang magaganap kung hindi kasangkot ang nakararaming uri sa lipunan. Ang masa ang bumubuo ng kasaysayan. 

Bukod dito, napagtanto rin ng Supremo na dapat kolektibo ang makinang uugit sa kilusan, isang pamunuang nakaugat sa kakayahan ng nakararaming anak-pawis: magsasaka at manggagawang siyang bumubuo ng mayorya. Gayunpaman, ang liderato ay magmumula sa mga mulat at bihasang kasapi na mahigpit at malalim ang pagkakaugnay sa mga abanteng elemento – ang mga kinikilalang kinatawan ng mga bayan o purok. Paano makikilala ang mga bayani? Sa sandali ng pagpapasya, sa tandisang pakikibaka at sakripisyo ng buhay para sa katuwiran at kabutihan ng nakararami.

Nabigyang-tinig ito sa isang panawagang pinamagatang, Katipunan Marahas ng mga Anak ng Bayan (nasa Agoncillo (1963)). Inilatag na ang taos-pusong paghahandog ng buhay ang pamantayan ng Katipunan; masinop na idiniin ng Supremo ang motibasyon ng kolektibong pagbabalikwas, ang bukal ng mga damdamin at hibong nagpapagalaw sa isip at katawan. Pagtuunan ng pansin ang retorika at estilo ng panghihikayat, hindi lamang pakikiramay kundi pakikiisa:

....ang kadahilanan ng ating paggugol ng lalong mahalaga sa loob at sampu ng ingat na buhay, ay nang upang tamuhin at kamtan yaong nilalayong Kalayaan ng ating Bayang tinubuan na siyang magbibigay buong kaginhawahan at magbabangon ng kapurihan na inilugmok na kaalipinan sa hukay ng kadustaang walang katulad.

Sasagi kaya sa inyong loob ang panglulumo at aabutin kaya ng panghihinayang na mamatay sa kadahilanang ito? Hindi! hindi! Sapagkat nakikintal sa inyong gunita yaong libu-libong kinitil sa buhay ng mapanganyayang kamay ng kastila, yaong daing, yaong himutok at panangis ng mga pinapangulila ng kanilang kalupitan, yaong mga kapatid nating nangapipiit sa kalagimlagim na bilangguan, at nagtitiis ng walang awang pagpapahirap, yaong walang tilang pag-agos ng luha ng mga nawalay sa piling ng kanilang mga anak, asawa, at matatandang magulang na itinapon sa iba't ibang malalayong lupa at ang katampalasanang pagpatay sa ating pinaka-iibig nating kababayan na si M. Jose Rizal, ay nagbukas na sa ating puso ng isang sugat na kailan pa ma'y hindi mababahaw. Lahat ng ito'y sukat nang magpaningas sa lalong malamig na dugo at magbunsod sa atin sa pakikihamok sa hamak na kastila na nagbigay sa atin ng lahat ng kahirapan at kapamatayan (Agoncillo, 1963, p. 71).

Sa nakaaantig na diskursong sinipi, nalikha ng Supremo ang lunan ng pakikidigma pagkaraang maisusog sa kamalayan ang daloy ng panahon, daloy na may kahapon, ngayon at kinabukasan – sa isang salita, ang kasaysayan ng bayan. Sa paglatag ng larangan ng tunggalian, tinukoy rin kung sino ang kaaway at kakampi, ang linya ng digmaan kung saan ang obheto ng kolonisasyon ay nagiging suheto ng pagbangon: ang pagkatao ng Pilipino. Sa diyalektikang paglalarawan, ibinigkis ng Supremo ang gunita ng mga kahirapang dulot ng Espanya, ang alaala ng mga magulang at ninuno na patuloy na sumasagitsit sa katawan ng mga anak. Nagkaroon ng galaw ng panahon ang lugar/lunan. Matingkad na nailarawan ito sa kaniyang tulang Ang mga Cazadores, isang mabalasik at dramatikong pagsasakongkreto ng karanasan ng mga sinakop.

Ngunit ang sentimyento ng gunita ay hindi sapat. Kailangan ang dunong o talino upang mahugot sa karanasang nakalipas ang disenyo at lohika ng nabubuong iskema ng kinabukasan. Hindi lamang elemento ng pakikiramay o pakikisimpatiya ang kailangan, kundi distansiya o paghinuha ng unibersal na nakalakip sa partikular – sa intuwisyon ng paglalagom. Katutubong karunungan at mapanuring sensibilidad ang kailangan. 

Marahil, natutunan niya ito sa pagbabasa ng mga nobela ni Victor Hugo at ni Eugene Sue. Nasagap niya rin ito sa pagsasanay sa dulaan, sa Teatro Porvenir sa Tundo; sa pakikitungo sa mga magulang ni Gregoria de Jesus; at lalo na sa mga pakikisalamuha sa grupo nina Deodato Arellano, Aurelio Tolentino, Teodoro Plata, Pio Valenzuela, at iba pang maituturing na “petiburgesya” sa konteksto ng kolonisadong lipunan noon (Agoncillo, 1967). Ang katauhan ng Supremo ay hinubog ng karanasan at kapaligirang kinagisnan niya, at siya namang humubog sa balak, plano, at kilos niya at mga kasama.

Diyalektika ng indibidwal at komunidad

Ang galing o kakayahang lumagom ng hiwa-hiwalay na karanasan ay natatanging birtud ng Supremo. Karapat-dapat nga siyang maging puno ng Katipunan at ng puwersang sandatahan nito. Samakatuwid, ang oryentasyon ay hindi paurong o sentimentalistikong nostalhiya kundi progresibong mobilisasyon ng lakas ng bawat mamamayan tungo sa gahum nito – kapangyarihang moral at intelektuwal (sa pakiwari ni Gramsci) – na batayan ng politikang pakikibaka. Magkaalinsabay ang paghubog ng malay at ng kapaligiran, diyalektikal ang kalakaran ng dalawang lakas. Ito ang buod ng laging makabuluhang pamana ng Supremo sa salinlahi.

Inilahad nina Eric Hobsbawm (1959) at George Rude (1980) ang dinamikong penomena ng protesta at insureksiyon ng mga pesante at madlang hiwalay sa proletaryado sa iba’t ibang sulok ng daigdig. Matinong pagwawasto iyon sa makitid na pagtuon nina Karl Marx at Friedrich Engels sa proletaryadong sektor. Nakatutok sila sa milieu ng Pilipinas noong 1800 hanggang 1896. Hindi proletaryong pangkat ang Katipunan kundi tagapanday ng nasyonalismong mapagbuklod. 

Tatlong yugto ng kasaysayan ang dapat salungguhitan sa pagsubaybay sa diyalektika ng pangangailangan at kalayaan, kapalaran at pagkakataon, sa isang anyong kolonisado at piyudal. Malimit magkasalabid at tuhog-tuhog ang iba’t ibang salik ng mga yugto: 

Una, ang pagwasak ng ilusyon ng gahum ng Espanya at Simbahan sa tagumpay at pagsakop sa Maynila ng Inglatera noong 1762 hanggang 1764. Sumiklab noon ang mga rebelyong Silang, Malong, Almazan, at Palaris sa hilagang Luzon. Sa unang bahagi ng ika-18 dantaon, sa buntot ng rebolusyon sa Pransiya at digmaan ni Napoleon Bonaparte sa buong Europa, nayanig muli ang buong ideolohiya/istruktura ng estado at simbahang Espanyol sa mga madugong pagbabalikwas sa Piddig at Sarat, Ilocos noong 1807. Nasakop ni Napoleon ang Espanya noong 1808 hanggang 1814.  Nagprotesta sina Andres Novales at mga creoles noong 1823. Sumunod ang masidhing pag-aalsa ni Apolinario de la Cruz / Hermano Pule noong 1839 hanggang 1841 sa Tayabas, Batangas, Laguna, at karatig-lunsod. Resulta nito: Nadurog ang pangkalahatang pagkakasunduan na mabuti at makatarungan ng gobyerno at simbahan. Tuluyang napawi ang ethical totality (sa kataga ni Hegel) o paniniwalang iisa ang kabutihan/tadhana ng kolonisadong mayorya at estado.

Ikalawa, ang pagbubukas ng kapuluan sa kalakalang pandaigdig mula 1834, bumilis ang pagpasok ng produkto at serbisyong kaakibat ng salaping puhunan – ang kultura at gawi ng mga dayuhang negosyante – at ideya at estilo ng pamumuhay na kaiba o tiwali sa namamayaning gawi, kostumbre, pamantayan. Sa krisis na lumukob sa Maynila at karatig-pook, tumindi ang pag-iiba-iba at pang-iiba. Pumasok ang mga ideolohiya ng reporma sa Inglatera noong 1832, ng 1848 himagsikan sa Europa, lalo na ang mga tunggalian para sa kalayaan sa Argentina, Bolivia, Cuba, Mexico, Peru, at Venezuela (mula pa noong 1868). Niyanig ang kapayapaan sa nayon at kalunsuran.

Bukod sa impluwensiya ng kulturang komersiyal at pananalapi ng Fleming & Co. at Fressel & Co. sa Supremo, tumalab ang lundo ng kamalayang makabago at mapagpabago – ang sensibilidad/dalumat ng panahon – sa nakararami. Ang sagisag-panulat ng Supremo, “May Pag-asa”, ay hudyat ng hikayat ng kamalayang pangkasaysayang sinagap sa mga akda nina Marcelo del Pilar, Rizal, at mga librong Le Juif errant (1844), Les Miserables (1862), at Las Ruinas de Palmiramgaartifact ngkanlunraning arkibo ng estetikang panlasa.
Sa paglagom, unti-unting nagugunaw ang gahum ng Simbahan. Lumaganap na sa kapuluan ang patnubay ng modernidad batay sa mabisang lohikang umaalalay sa siyensiya, kalakal, at palitang pinansiyal, kontra sa dogmatikong institusyon ng relihiyon at gayuma ng mito, hiwaga at samu’t saring pamahiin. Pagkakaiba ng kabuhayan ng mga dayuhan at katutubong gumala ang nakatambad sa balana.
Ikatlo, pumutok ang Paris Commune (Marso hanggang Mayo 1871). Sanhi sa nagkabungguang puwersa sa sigalot, nagtagumpay ang liberalismong pangkat sa Espanya noong 1873 hanggang 1875 at inilunsad ang republikanong 1812 Konstitusyon ng Cadiz. Nagkaroon ng kaluwagan sa administrasyon ni Gobernador Carlos Maria de la Torre. Subalit nang sumabog ang Cavite Mutiny ng 1872 (siyam na taong gulang ang Supremo noon) at patayin ang tatlong paring Burgos, Gomez, at Zamora (GOMBURZA), unti-unting naagnas ang paniwalang makabuluhan pa ang reporma. Binhi iyon ng Katipunan, sinundan ng pagpaparusa kay Rizal at pagpanaw ng La Solidaridad ni Marcelo del Pilar.

Nahihinog ang proseso ng kontradiksiyon. Nang ipatapon ni Gobernador-Heneral Eulogio Despujol si Rizal noong Hulyo 1892 sa Dapitan, bunyag na ang katotohanang kahit ang mapayapang pagsisikap na maisaayos ang katiwaliang umiiral – buhat pa nang supilin si Sulayman sa Tundo hanggang sa pagsunog ng mga tirahan ng mga magsasaka at artisano sa Calamba noong 1891 – ay wala nang katuturan. Hinog na ang katotohanang nasambit ni Rizal (1964): “Ang sagot sa dahas ay dahas din, kung bingi sa katuwiran” (p.253). Kung walang bisa ang diyalogo, makabuluhang dumulog sa lakas ng komunidad.

Ideolohiya at balangkas ng pamunuan

Pagkahawan ng madawag na landas sa kasaysayan, bumalik tayo sa iminungkahi kong maitatanging layong naisakatuparan ni Bonifacio. Naidugtong niya ang saloobing historikal sa binubuong mangunguna sa kilusan. Sentral sa proyektong ito ang pagtatampok sa halaga ng ideolohiya at namumunong ahensiya/aktor (lideratong mulat) sa rebolusyon. Bagama’t importante ang moda ng produksiyon sa pananaw nina Marx and Engels, ang tagisan ng lumang institusyon/ugnayang panlipunan at ng sumisibol na lakas sa produksiyon ay naisisiwalat muna sa larangan ng kaisipan, damdamin, asal, o normatibong sukatan. Dito lumilitaw ang nakakubling tunggalian ng mga uri. Dito rin isinisiwalat ang puwersang pampolitika at iginuguhit ang puwang para sa pamamagitan ng kolektibong lakas. 
Angkop ang huwarang inilahad ni Engels sa Peasant War sa Alemanya noong 1524 hanggang 1525, panahon ng Repormasyong Protestante. Kahalintulad noon ang  sitwasyon sa Pilipinas noong 1892 hanggang 1898. Sa halip na kapitalistang/burgesyang partido laban sa piyudal/kolonyalistang kapangyarihan ng Espanya, nagsanib ang pesante, maliit na maylupa, ilang ilustradong malapit sa magsasaka, ang mga etsa-puwera o hampas-lupang palaboy, manggagawa, negosyante, at artisano sa kalunsuran. Ang lakas na nagigipit at napipigil ay hindi kapitalismo kundi buong hanay ng mga binubusabos ng Estado at Simbahan – sila ang buong sambayanang tutol sa pag-aari, sa mga nagmamay-ari (mga prayle, mga aristokratang opisyal, at mga peninsulares – mga oligarko sa kasalukuyan) at sila, samakatuwid, ang siyang magpapalaya sa pagtatayo ng ordeng makatarungan, demokratiko, at makatao. Saligang popular ito ng binubuong bansa.

Parametro ng pagsisiyasat

Sa pagitan ng obhetibong sitwasyon at suhetibong kamalayan, pumasok ang Katipunan. Hindi na makayang supilin ng Espanya ang taumbayang inihanda ng mga Propagandista, na namobilisa na buhat pa noong 1872 (pag-aalsa sa Cavite; pagbitay sa tatlong pare), o buhat pa noong rebelyon ng Tayabas Rehimyento noong 1843 (De la Costa, 1965, p. 215). Kahit na malaki ang pinagbago ng Pilipinas sa pagbubukas ng Suez Canal at pagpasok ng mga impluwensiyang dayuhan, lalo na ng kalakalan sa asukal, tabako, abaka at ibang produktong iniluluwas, at may umuusbong na kapitalismong industriyal, nasa palapag pa rin ng piyudal/agrikultural at artisanong kabuhayan ang Pilipinas sa huling dako ng ika-19 dantaon. Pambansang demokrasya, hindi sosyalismo, ang nangunguna sa adyenda ng madlang bumabalikwas.

Ang ayos pamproduksiyon ay nakasalig pa rin sa pagsasamantala sa mga pesante ng mayamang magsasaka at prinsipalyang nakapailalim sa mga prayle at burokrasya. Sa ganitong paghahanay ng mga nagtatagisan, mahihinuha na mula sa mga uring inaapi – taglay ang kawalan/karukhaan na siyang yumayari at lumilikha ng kayamanang panlipunan – sa blokeng ito magbubuhat ang ahensiya/suhetibong kondisyon na maglulunsad at magsusulong ng himagsikan.

Salamat sa matiyagang pananalisik ni Jim Richardson, nalikom na ang lahat ng dokumentong kailangan sa libro niyang The Light of Liberty (2013). Masipag at masigasig ang mga kasamang Teodoro Plata, Deodato Arellano, Ladislao Diwa, Moises Salvador, at iba pang lumikha ng mga saligang prinsipyo at panuntunan ng Katipunan. Noon pa mang Enero 1892 nakumpleto na ang Kasaysayan, Pinag-Kasunduan, at Mga Dakilang Kautusan ng Katipunan, bago pa ipinatapon si Rizal sa Dapitan. Ang mahalagang katibayan ng lalim at saklaw ng pangitain ng Katipunan ay makikita sa unang bahagi ng Kasaysayan, ang balangkas ng pilosopiyang rebolusyonaryo ng bayan.

Himaymayin at timbangin ang kadalisayan at determinasyon ng pagpapasyang pagsanibin ang praktika at prinsipyo sa pagpapakahulugan sa diskriminasyon ng panahon sa pambungad ng manipestong natagpuan ni Richardson (2013) sa Archivo General Militar de Madrid sa Espanya:

May isang bayang pinag haharian nang sama at lupit; ang manga kautusan ay ualang halaga at nananaig ang balang malakas. Gayon man ang bayan ito gumugugol ng dugo at buhay sa kapurihan at kailangan ng sa kaniyay ang hahari, maguing dapat lamang tawaguing kapatid o anak. Ang kaniang yaman bohay at puai ay ipinaiiyan, upang itangkakal sa may nasang sukab. Tatlong siglo nang mahiguit na nagtitiis ng hirap at pagod alipusta ay di ipinagmamasakit bagkus ipinauubaya.
Ang bayang ito, ay, ang atin; ito ang napakabalita sa pagka duahagui; bayang lubos na mapag tiis, hangang sa maalipin; ¡oh Pilipinas ! ¡sa aba mo! ¡oh bayan naming tinoboan! tangi kang lubos sa ibang kapamayanan; kung sa kaniyay natampok ang bayang anak na nagpuri o maghangad ng bayang ikakagaling o ikaguiguinhawa, sa iyo ay hindi gayon, inuusig at pinaruausahan ng parusang kalaitlait at lihis sa katuiran; ang paisaisa mong anak na sumisita sa iyo, ito rin at kinukutia sa sariling buhay ang ibang hindi makaimik at inilalathala ang puri na kusang guinagahis (Richardson, 2005-2016).
Sipatin sa deklarasyong ito ang ilang detalyeng makahulugan ang pahiwatig. Una, tiwalag sa pag-aakala ang kasalukuyang nangyayari.  Lisya’t tagilid ang panahon. Sa halip na umasa sa pag-ikot ng panahon, isinabalikat ang pagtatanghal sa espasyo ng kahirapan at kahayupan, kung saan ang pamilya (haligi ng piyudal at patriyarkong orden) ay gumuho at hinalinhan ng alitan, pagmamalupit, pagkakawatak. Sa pagkadurog ng ordeng patriyarkal, humalili ang pigura ng inang mapaglingap. Pangalawa, sa dasal at hinakdal ipinahihiwatig ang marubdob na pagnanais na magkabuklod ang mga supling upang wastuhin ang lisyang katayuan ng lugar. Panahon ang larangan ng pagpapasya at pagsisikap. Pangatlo, lumitaw ang isang identidad na hindi nagmamakaawa kundi nagsasakdal. Naghahanap ng lunas ang tinig, lumuluhog sa inang siyang inaasahang makapag-uutos na ibalik ang kasaganaang nawaglit, magpapairal ng katarungan, at pupuri sa karangalan ng taumbayan (cf. Maceda, 1995). 
Katangi-tangi ang panaghoy na iniaalay sa ina. Samakatuwid, ang pamilyang nakabatay sa kapangyarihan ng ina, hindi ng ama, ang siyang dapat manaig. Angkop ito sa pagsusuri sa kalabisan ng patriyarkong orden. Ang pinakamatingkad na kontradiksiyon ay sumukdol sa pagitan ng nakararaming katutubo at ng Simbahan/Estadong kolonyal. Kaalinsabay nito ang kontradiksiyon ng mga pesante/manggagawa at cacique/prinsipalya. 

Sa kabilang dako, sa rebisyon ng dokumentong ito noong Agosto 1892, pinalitan ng “tinubuang lupa”ang “ina”at binigyan ng paunang babala ng pagtiwalag ng kapuluan sa alaga ng bulagsak na ina (Espanya) na simula ng bagong naratiboang batayan ng kasisilang na ordeng ibinalangkas ng Katipunan: “Ysinasaysay mag buhat sa araw na ito ang manga Kapuloang ito ay humihiwalay sa Espania at walang kinikilala at kikilanling Pamumuno kung di itong Kataastaasang Katipunan”(Richardson, 2005-2016).

Walang pasubali, tutol sa institusyonalisadong reilihiyon ang mga anak ng bayan. Sa dimensiyon ng ideolohiya o pananaw-sa-mundo, ang kamalayan ng mga uring inaapi ay natatakluban ng ideolohiya ng teokratiko-piyudal na sistema ng imperyong Espanya. O kung gising man ang mga biktima, hindi pa sila makapagpasyang tumakas at tuwirang tumalikod sa nakagawiang kabuhayan o kinagisnang kalagayan.  Sinikap ng mga Propagandista sa La Solidaridad at, hindi naglaon, sa La Liga Filipina, na pag-isahin at itaas ang pampolitikang budhi/dunong/bait ng masa. Umabot ang mga katawang nagsanib sa matining na antas, subalit hindi pa rin mabisang napagkasunduan ang koordinasyon ng hiwa-hiwalay na inisyatiba ng mga rebeldeng partisano. Sa halip na pamilya, ang organikong kapalit na Katipunan na ang nakasalang at pinapanday sa araw-araw na kabuhayan.

Kabatiran at pagpapasiya: Kinabukasan ngayon

Mahimalang naibuod ni Bonifacio ang kahulugan ng mga kontradiksiyong naisaad sa interaksiyon ng katutubo at mananakop sa sinoptikong akda, Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog (Cruz & Reyes, 1984, pp. 97-98). Sa pakiwari ko, ito ang tekstong pinagsasaligan ng modernidad sa arkibo ng ating kultura. Mainam na naibalangkas dito ang pagtuklas at paglalahad ng kahulugan ng kolektibong pag-aalsa sa pagsalikop ng isip at nais, kamalayan at budhi. Birheng lupa ang natuklasan at napasinayaan, kaya itinampok ang katutubong birtud at kagalingan.

Makakatas ang pilosopiya ng rebolusyon mula sa istruktura ng panahong naikintal dito (hinggil sa temang ito, tunghayan si Arendt (1978)). Nakabuod iyon sa pag-iisa ng kamalayan at realidad, ng dapat mangyari at kasalukuyang nangyayari. Paano ito natupad? Una, ikinintal ang naglahong kasaganaan at kaginhawahan kaakibat ng pamamahala ng tunay na mga kababayan, pati karunungan ng lahat sa pagsulat at pagbasa sa sariling wika: “Itong Katagalugan, na pinamamahalaan nang unang panahon na ating tunay na mga kababayan....ay nabubuhay sa lubos na kasaganaan, at kaginhawan...Mayaman ang kaasalan ng lahat....” Alalahanin: magkasudlong ang karunungan, wika, kayamanan ng asal, kasaganaan, at kaginhawahan. Nakabaon sa kaalamang ito ang pagnanais malasap muli ang nakaraan sa hinaharap, hindi bilang utopikong pita kundi bagong imbensiyon, walang katumbas na likha, sa pagtatalik ng panahong lumipas at kasalukuyan. Hindi memorya ng lumipas kundi pagtuklas sa nalambungang birtud ng kasalukuyan, aktuwalisasyon ng potensiyal na kalikasan ng taumbayan, ang pinagbubuhusan ng lakas at talino.

Lahat ng mga katangiang naitala ay nawala pagkaraan ng Pakto de Sangre nina Legazpi at Sikatuna. Tila kusang bumaligtad ang lahat. Mula noon, “ating binubuhay [ang mga kolonisador] sa lubos na kasaganaan, ating pinagtatamasa at binubusog, kahit abutin natin ang kasalatan at kadayukdukan; iginugugol natin ang yaman, dugo at sampu ng tunay na mga kababayan na aayaw pumayag sa kanila'y pasakop”. Ang buhay ng mananakop ay utang sa pawis at sakripisyo ng mga sinakop. Pansinin na binanggit ang tulong ng mga Indiyo sa mga Kastila laban sa Tsino at Holandes, ngunit walang banggit sa pagsakop ng Ingglatera sa Maynila. Bakit kaya?

Pagkawing sa hinuha at hinagap

Kahanga-hanga ang pagsusuri at paglalagom ni Bonifacio sa komplikadong diyalektika ng kamalayan at kapaligiran. Ang suheto-obhetong antagonismo ay unang hinimay ni Hegel na balighong ugnayan ng alipin at panginoon sa Phenomenology of Spirit (1807), kapagdaka’y isinakonkreto ni Marx sa The GermanIdeology (1845-1846) at, di kalaunan, sa Das Kapital (1867). Nang lumabas ang libro ni Marx, apat na taong gulang pa lamang ang Supremo. Walang duda, nasagap niya ang mga ideyang laganap sa Europa mula sa komunikasyon at lathalain nina Del Pilar, Graciano Lopez Jaena, Rizal, at mga kapanalig na naging kasapi ng Katipunan. Lumulutang sa klima ng panahong iyon ang espiritu ng negasyon at transpormasyon. Balintuna, doblekara, walang katiyakan ang lahat.

Nasira ang mito ng Pakto de Sangre sa tatlong siglong pandarambong ng Espanya. Pinawi ng malagim na kasalukuyan ang nakalipas; umigting ang hinaharap, puspos ng magkahalong pag-asa at pangamba. Maramdaming inilarawan ni Bonifacio ang hirap at kasawiang-palad, dalamhati at pagtitiis ng bayan sa ganitong talinghaga. Inihambing niya ang bawat patak ng pananangis ng sanggol sa “isang kumukulong tingga, na sumasalang sa mahapding sugat ng ating pusong nagdaramdam”. Umaapaw ang kalooban sa simbuyong galit, inip, ngitngit sa tanikalang bumibigti sa bawat katawan. Di naglaon, naitulak ang kolektibong sensibilidad sa hanggahang hindi na matatanggap ang walang awang pagmamalupit. Paulit-ulit na lang ba ang kasuklam-suklam na kalakaran? Wala bang ibang napipinto, pagbabago, o pag-iiba?

Humarap sa nagiyagis na ulirat ang problema ng kinabukasan: “Ano ang dapat gawin?” Tila alingawngaw ng makasaysayang tanong ni Lenin. Ang sagot ng organikong intelektuwal ng masang mulat ay artikulasyon ng hinaharap, kung saan ang karunungan/kaalaman ay nakasanib sa katuwiran. Ang dunong ay guro, nagtuturo o tumutuklas ng direksiyon ng pagsisikap at pakikibaka : “Ang araw ng katwiran na sumusikat sa Silanganan, ay malinaw na itinuturo sa ating mga matang malaong nabulagan, ang landas na dapat tunguhin...” Ito ang patalastas ng Kaliwanagan (Enlightenment): awtonomiya, pagtiwala sa sariling kakayahan, kapangahasang subukin ang anumang naisip at maglagalag sa mahiwagang lupalop ng panimdim.

Sa patnubay at hikayat ng kaalaman/dunong, naging mahalaga na ang bawat sandali sa buhay. Ang lundo ng susog o untag ng katwiran ay, una, magtiwala sa sariling lakas at umasa sa sariling kakayahan. At pangalawa, magkaisa sa kalooban, isip, at pagnanais upang sa gayo'y “magkalakas na maihanap ng lunas ang naghaharing kasamaan sa ating Bayan”.   Samakatuwid, ang rebolusyon ay pagpapahalaga sa kapangyarihan ng kolektibong dunong/kaalaman. Mangyayari ito sa pagsasapraktika ng aksiyomang nabanggit: sa pagtitiwala (1) sa sariling pagkatao ng mga kababayan (awtonomiya; kasarinlan) at (2) sa pagkakaisa ng loob at lakas sa kapasyahang maigupo ang kabuktutang pumipinsala sa bayan. 

Nakatuon ang budhi ng modernistang diskurso ni Bonifacio sa aktuwalidad, sa pagtarok sa daloy ng panahon, na humuhubog ng lugar o espasyo ng rasyonalidad (katuwiran). Tandaan na ilang ulit tinuldikan ang parusang ipinapataw ng Kastila: “isinadlak sa lubak ng kasamaan ang kapurihan ng ating Bayan” at tayo ay “nabibingit sa malalim na hukay ng kamatayan na sa ati'y inuumang ng mga kaaway”. Puri o dangal ang paksain ng nagbangong kaluluwa mula sa lagim ng pagkaalipusta.

Malasin ang tagpo: inilunsad na tayo sa larangan ng digmaan. Ang layon ng pahayag na ito ay hindi lamang upang makamit ang mithi ng rasong instrumental o makamit ang sukdulang kapangyarihang umaangkin sa normatibong birtud. Sa katunayan, ang ultimong pakay ng panawagan ay dagling maisalin ang isip sa gawa at kagyat malasap ang pangako ng kinabukasan ngayon din. Sapilitan dapat pumili sapagkat hindi makaiiwas na magpasiya. Habang kumikilos, sinusuri ang dalumat ng pagkilos at pinapatnubayan ang direksiyon nito.

Pagtitika at pagsubok

Tiyak na kung may kabatiran, handa nang gumayak tungo sa tumpak na pagpapasya at pagkilos. Marahil ang karanasan ni Bonifacio sa dayuhang bahay-kalakal ng Fleming & Co. ng Ingglatera at Alemanyang Fressel & Co. bilang ahente/bodegero, ay tumalab sa pagtuturo sa halaga ng kontrata, pagtitiwala at pagsunod sa panuto at regulasyon. Napag-alaman niya na ang panahon ay hindi mahahati sa dikta ng espasyo o lunan. Kailangang yumari ng naratibo ng panimula, kasukdulan, at kalutasan ng anumang proyekto.

Sapantaha nating nahimalay ni Bonifacio ang bunga ng rebolusyon sa Europa sa kaniyang pagbabasa. Iyan ang mungkahi ni Hermenegildo Cruz (1922). Isa rito ang pagiging matuwid o “virtuous” bilang susi sa tatag ng Republika salig sa komunidad na nagpatingkad sa larawan ng tunggalian ng uri sa Les Miserables ni Victor Hugo. Nakapukaw rin ang melodramatikong El Judio Errante/Le Juif errant ni Eugene Sue, kung saan iniugma ang salot ng kolera sa dahas ng mapanupil na Hesuwita at pag-uusig ng mga Protestang Huguenot sa Pransiya. Nakaambag din ang mga kuru-kuro ni Rizal (lalo na ang anotasyon niya sa ulat ni Antonio de Morga  noong 1609), at paglilimi sa daloy ng kasaysayan mula sa librong Ang mga Ruinas ng Palmira, at Buhay ng mga Pangulo ng Estados Unidos (Zaide, 1970, p. 106).

Hindi kalabisan kung muli kong igiit na ang Dapat Mabatid ay hindi lamang pinakatampok na dalumat ng modernidad sa Pilipinas na nailunsad ng mga pangyayaring iniulat ko sa panimula. Dapat salungguhitan ang penomenong ito. Katambal ng mga diskurso nina Rizal at del Pilar, iginuhit dito ang materyalistang teorya ng kasaysayan na humihirang sa masa bilang tagalikha ng pag-unlad at pagsulong ng buong lipunan. Ang mapanlikhang talino ng sambayanan ay siyang dinakilang kagamitan at sangkap sa pagbabagong-buhay ng lahi hango sa paglutas sa sapin-saping kontradiksiyon sa kasaysayan.

Sa pagsusuri ko, ito at ang iba pang kasulatan ay palatandaan ng matayog na budhi at kabatiran ng Supremo. Ito ay katibayan na hindi lang malawak ang kaalamang pangkasaysayan ni Bonifacio, na sumasaklaw sa kondisyon ng buong kapuluan (hindi lamang Luzon), bagkus masinsin ding natarok na ang pangkat na di kasali sa pamahalaan, walang representasyon, ay siyang awtentikong ahensiya ng pagbabago. Inuurirat dito ang lakas ng negasyon, ang pagtanggi at pagpapawalang-bisa sa di-makataong status quo ng kolonyalistang rehimen.

Materyalismong historikal ang punto de bista ng Supremo. Tulad ng pananaw ni Marx sa kritika ng pilosopiya ni Hegel (Osborne, 2005), ang mga taong inapi at inalipin, na kumakatawan sa unibersal na kapakanan ng lahat, gayundin ang lahing kolonisado – ang Indiyo, ang nakararaming itinakwil, inkarnasyon ng pagdurusa, at negatibong larawan ng sangkatauhang yumayari ng tirahan sa mundo, ang mga anak-pawis na ginawang hayop sa trabaho. Pangkalahatang dignidad, puring unibersal ng pagkatao, ang itinatanghal niya, na hindi kinikilala ng imperyong Espanya. 

Nasaan, sino ang ahensiya ng pagbabago sa sitwasyong hinarap nina Bonifacio? Walang iba kundi ang bagong tatag na Katipunan – ang motor ng himagsikan. Ang proyekto nina Bonifacio at kapanalig ay maituturing na pagsasakatuparan ng pilosopiya ng Kaliwanagan, ang aktuwalisasyon ng simbuyo ng pangangailangan ng sambayanan. Ang Katipunan ang tagapagpaganap ng pagbabanyuhay na sumilang sa malay at nagbigay-kahulugan sa dati-rati ay paulit-ulit na pag-inog ng panahon. Sagisag ito ng kakanyahan at kakayahan ng mga kasangkot sa naratibong inilalatag.

Walang pasubaling napukaw si Bonifacio ng mga impormasyon, datos, at kabatirang nakatas sa panitik ng Propagandista at ng mga pinag-aralang aklat. Sinikap niyang iakma ang Katipunan sa prosesong naranasan niya, partikular ang paglitaw ng “liwanag ng katotohanan”; pagpapakilala sa ating sariling puri, hiya, pagdadamayan, at hiwatigan ng pakikipagkapwa; at pagsisiwalat ng dakilang aral na “magwawasak sa masinsing tabing na bumubulag sa ating kaisipan”. Ang danas ay nailapat sa hanay ng yugto ng panahon at kabatiran.  

Tunghayan ang maalab na retorika ng paghimok, pag-amuki, paghikayat.  Idiniin sa patalastas ng Supremo ang pagpapasyang bunga ng kabatiran na siyang umantig sa mga kasapi sa pagpupunyaging magpasya at isakatuparan ang ninanais.  Sa dulo ng pahayag, nakatumbok  ang diwa ni Bonifacio sa paghikayat ng kaluluwa salig sa kusang paghuhunos o dili kaya’y pagpupurga at pagpapalusog ng saloobin – ang larangan ng digmaan ng ideya/ugali – na siyang susi sa pagkilatis sa kilos at gawa ng bawat nilalang at ang kabuluhan nito sa malayang pag-unlad ng buong komunidad. 

Pagnilayin na hindi ito simpleng pagbabalik sa nakaraan – hindi na puwede iyon sanhi ng nakapamagitang karanasan ng pagkabigo, gulat, kilabot, at matinding pagdurusa. Nakaamba na tayo sa pagpihit at pagliko mula sa kinagisnang daan. Dunong, paglinang sa kakayahan ng kaisipan, tiyaga, at sigasig ang itinagubilin niyang pamamaraan. Sa pagbubuod, ang panukala ng Supremo ay nakasentro sa utos at atas sa kapanalig: lahat ng katangiang likas sa Pilipino ay dapat isingkaw sa kolektibong proyekto ng pagwasak sa lumang institusyon at pagtayo ng bagong sistema ng kabuhayan.

Bahaghari ng kabatiran at kamangmangan

Hanggang ngayon ang makatuturang panawagan ni Bonifacio ay hindi pa nabibigyan ng karampatang pagpapahalaga. Paglimiin, halimbawa, ang gamit ng metapora ng dilim at liwanag na halos karaniwan nang tatak o lagda sa mga dokumento ng Katipunan, na unang ibinadya sa Liwanag at Dilim ni Emilio Jacinto (Santos, 1935). 

Ang duwalistikong pagtatagisan ng dilim at liwanag ang bumabalangkas sa Ang Dapat Mabatid at sa ritwal ng inisasyon ng Katipunan. Kung tutuusin, ang tema ng “liwanag ng katotohanan” na nakabaon sa liturhiya ng Kristiyanismo ay hango sa tradisyon ng Agnostisismo, isang paganong kilusang nag-ugat sa Manikiyanismo (naging alagad si San Agustin bago bininyagan), neo-Platonismo at Pythagoreanismo, at tumalab sa Kristiyanismo nang ikalawa o ikatlong dantaon. Laganap ito sa diskurso at praktika ng Masoneria, mga pangkat ng “freethinkers”, atiba pang mga pantas na alagad ng liberalismong ibinunga ng Siglo ng Rason/Katuwiran (tingnan ang puna ni Benedict Anderson (2005, p. 36)). 

Pangunahing itinuro nito na walang katubusan kung walang kabatiran sa Diyos (ibinunyag lamang sa initiates) at tadhana ng sangkatauhan. Ang Diyos (bansag sa Espiritu o banal na Kaalaman, Sophia) ay halos katumbas ng kalikasan (deus sive natura, sa tahasang sekular na kaisipan ni Baruch Spinoza). Ang relihiyon ng Tagapagligtas (Saviour) ay kumalat sa krisis ng imperyong Roma, kaagapay ng paglago ng Mithraismo at Kristiyanismo (Murray, 1964, pp. 130-131). Kinondena ito ng Simbahang Katoliko (sa paglipol sa mga ereheng Catharista sa Albiga sa Pransiya noong ika-13 dantaon). Litaw ito sa lahat ng programang may rebolusyonaryong adhikaing nakasalalay sa rason/katuwiran, budhi/bait, at sariling pagsisikap na makamit ang hinahangad na pansariling paglilinis (paghuhunos ng makasalanan o maruming kaluluwa) at kaganapang pansarili.

Nabanggit na sa unahan ang pagsisikap ng Katipunan na mabawi o mailigtas ang katutubong birtud. Hindi lamang katutubong danas at dalumat ang pinagmulan ng Katipunan kundi paglagom sa kabihasnan ng Kanluran mula sa klasikong kultura ng Griyego at Romano hanggang sa siglo nina Maximilien Robespierre, Jean-Jacques Rousseau, Johann Wolfgang von Goethe, at Immanuel Kant. Bukod iyon sa daloy ng Agnostisismo sa kaisipan ng mga pilosopo ng Kaliwanagan sa Europa. Sinala iyon ng ispekulatibang Masoneria na isinalin nina del Pilar, Rizal, Jaena, at iba pa. (Guerrero, 1969, pp. 397-398). Matutukoy, halimbawa, ang halaga ng “Virtue” o Kagalingan (sa pagkontrol sa udyok ng laman at erotikong simbuyo); at pati alegorya at simbolong naghihimatong ng paniniwala sa isang Makapangyarihang Arkitekto ng santinakpan. Maidiriin dito na masaklaw at malalim ang impluwensiya ng Stoisismo sa mga Propagandista, lalo na sa mga makasosyalistang gaya nina Isabelo de los Reyes, Hermenegildo Cruz, at Lope K. Santos. 

Hindi tinanggihan ng Katipunan ang pagkakataong kasangkapanin ang ipinataw na kabihasnan ng kolonisador. Binistay at sinala nila ang reaksiyonaryo at progresibong tendensiya sa banyagang kultura. Ang pilosopiya ng mga Stoiko (Epictetus, Marcus Aurelius, at Marcus Tullius Cicero), na nagpunla ng mga binhi ng doktrina ng Neo-Platonismo at Kristiyanismo, ay nagturo ng isang materyalismo at panteistikong sistema ng moralidad. Sa etika, idiniin nila ang pagtiwala sa sariling likas na kakayahan at pagtanggap ng tadhana. Ang kagalingan ng pagkatao (virtu, sa kataga ni Machiavelli) ang siyang tanging bagay na may wagas na halaga, ayon sa mga Stoiko. Ito rin ang bukal ng materyalismong historikal ng tradisyong nagmula sa mga philosophes (Voltaire, Denis Diderot, at Henri de Saint-Simon) na minana at pinagyaman nina Marx, Engels, Georgi Plekhanov, Gramsci, at iba pa. 

Kaya bagama’t iminungkahi ni Constantino (1975) na utang kay Bonifacio ang sintesis ng teorya at kilusan, hindi wasto ang paratang niya na, “The ideas of Bonifacio did not have a solid ideological content” at iyon ay “primitive” dahil nakasandig lamang sa “dignity of man” (p. 165). Maraming implikasyon ito. Malalim at mapamaraan ang nakapaloob sa pariralang “dignity of man”, na natukoy na natin na nagbuhat pa sa Griyego-Romano at Hudeo-Kristiyanong kabihasnan, patungo sa Kaliwanagan (Enlightenment) at 1789 rebolusyon sa Pransiya at sa buong Europa noong 1848 at 1872 (Paris Commune). Mapanganib na ibasura na ito sa pinalalagong naratibo ng pagsulong at pag-unlad dahil sa diumano’y binaluktot ng mapagkunwaring burgesya. Dapat lamang na isakongkreto ang abstrakto at teoretikal na ideya ng dignidad at karapatan.

Ang batas ng kalikasan (ley natural, sa awit ni Balagtas) ay kumakatawan sa logos o prinsipyo ng rason/katuwiran. Ito ang saligan ng katarungan, demokrasya o pagkakapantay-pantay, kalayaan, at kasarinlan. Ang mapagpalayang kapasyahan ng masa ang gumagabay sa kapalaran o tadhana na nakalapat sa pangangailangan – sa wika ni Engels, “Ang kalayaan ay kamalayan ng pangangailangan (Necessity)” (Engels, 1939, p. 125). Ang pangangailangan ay matatarok sa kaliwanagan tungkol sa nakalipas at posibilidad ng kinabukasan, sampu ng kolektibong pagpapasyang maisakatuparan ang pangarap at mithiin ng kasalukuyan. Pinakatampok ang materyales sa produksiyon/reproduksiyon ng buhay sa lupapagkain, damit, tahanan, pagpapahinga pagkatapos ng trabaho, aliw ng katawan, ligaya ng kapitbahayan, at iba pa. Ito ang pinakabuod na simulain ng Katipunan at republikang isinilang sa Pugadlawin noong 23 Agosto 1896. Mahalagang salik ito sa naratibo ng pag-unlad ng pagkamakatao sa bansa.


Teorya ng ritwal, praktika ng kilusan

Hinarap nina Bonifacio ang pangkalahatang suliranin kung paano magiging makabuluhang Pilipino ang dinustang Indiyo.

Bukod sa Dekalogo ng Katipunan, ang pinakamabisang kagamitan sa pagbuo ng ahensiya ng pag-ugit sa rebolusyon ay mamamalas sa ritwal ng samahan. Sa Dekalogo, idinulog ni Bonifacio ang prinsipyo na ang pag-ibig sa Diyos (sa perspektibo ng deistikong rason) ay singkahulugan ng pag-ibig sa bayan at sa kapwa. At ang tiyak na panukat sa dangal at luwalhati ng sarili ay nakatimo sa pag-aalay ng buhay sa ikatutubos ng buong bayan. Pakikiramay, sipag sa paggawa, pagbabahaginan, pananagutan, paglingap sa kasama at kababayan – ang mga ito ang pinakamabibigat na asal na dapat isapuso ng mga kasapi sa Katipunan. Bago maging tunay na tao, dapat maging responsableng Pilipino muna.

Taglay ng kasaping sumusumpa sa Katipunan ang birtud ng mga natukoy na katangian. Naisapraktika iyon sa ritwal ng inisasyon, isang seremonya na siya mismong maantig na huwaran ng proseso ng pagbabago. Sa sikretong paraan, ang ritwal ng pagkakaloob ng karangalang sumanib sa mapanganib na organisasyon ay sagisag ng pagbabagong-buhay. Isang alegorikong dula ito sa pagpasinaya sa isang bagong ayos ng komunidad kasalungat sa umiiral na orden – “ang negasyon ng negasyon”, sa taguri ni Engels. Ang prosesong ito ng pagkilala sa bago at dinalisay na identidad ng kasapi – muling pagkabuhay! – ay kahawig ng mga inisasyong Griyego sa Eleusis at Delphi, at sa Roma sa pananampalataya kay Mithra, at, kaugnay ng paglaganap ng Kristiyanismo sa misyon ni San Pablo, ang misteryo ng Muling Pagbangon (“resurrection of the dead”). Kasangkot dito ang konsepto ng pag-asa sa nakalakip sa matalinghagang utopya ng milenaryanismong umaalalay sa lahat ng panaginip ng rebolusyonaryo saanmang lugar (Desroche, 1979; Bloch, 1986; Moore, 1966).

Mistulang propetiko ang pag-uugnay ng Griyego at Kristiyanong pananaw sa sintesis ng diskuro ng Katipunan. Masinop na tinalakay ni Gilbert Murray (1964) ang nakabibighaning pagkakawangkis ng turo ni San Pablo at paglalangkap ng Stoiko at Agnostikong pilosopiya sa panahon ng matinding krisis (pp. 107-138). Layon ng Kristiyano na tubusin ang paganong kaluluwa sa kabuktutan at korupsiyon ng umiiral na sistema ng imperyong bulok at unti-unting gumuguho. Layon ng mga paniniwalang kaiba sa status quo ng imperyo ang magdulot ng pagkakataong mailigtas ang kaluluwa/pagkatao sa kilabot at dahas ng kapaligiran ng mundong sawi. Ang pagkakataong iyon ay walang iba kundi ang sandali ng pagbaklas, ang pagputok ng himagsikan, na maituturing na maluwang na espasyong pagyayamanin ng dibuho ng naratibo ng pakikibaka.

Sinimulan ng Katipunan ang paglalatag ng espasyong iyon. Sa yugto ng nabubulok na kapangyarihan ng mga prayle at marahas na burokrasyang kontrolado ng mapag-imbot na frailocracia at ganid na opisyal, handog ng Katipunan sa mga dinuhagi ang kaligtasan at kalinisan – isang bagong mundo ng kasaganaan at katiwasayan. Pampurga sa dumi at pagbawi sa dalisay na puri o dangal ng pagkatao: ito ang mithiing patnubay sa pagpasok sa Katipunan na nakaangkla sa kondisyong, “Kung may lakas at tapang, ikaw'y makatutuloy....Kung di ka marunong pumigil ng iyong masasamang hilig, umurong ka...” (Panganiban & Panganiban, 1954, p. 135). Kasunod nito ang pag-lilirip sa mga tanong na tila hango sa nasuring akda ni Bonifacio, mga tanong pangkasaysayan na magtataya at kikilatis sa pagkakaiba ng mga yugto ng panahon habang sinisikap pag-ugnayin at bigyang-kabuluhan iyon sa pamamagitan ng bagong suheto/paksa – ang negasyon ng nakalipas at ng umiiral:

1.  Ano ang kalagayan nitong Katagalugan ng unang panahon?
2.  Ano ang kalagayan sa ngayon?
3. Ano ang magiging kalagayan sa darating na panahon?    
(Cruz, 1922, pp. 22-23).

Mapupuna na sinusukat ng mga tanong ang espasyo ng bagong mundo, sampu ng sandali ng katuparan. Iyon ay nabubuo sa pagdudugtong ng kahapon, ngayon, at bukas sa naratibo ng pakikipagtunggali upang makamit ang kalayaan at kasarinlan ng bayan.

Sa wakas, banaag at sikat

Iyon ang mapagpalayang praksis, aktuwalisasyon ng isip sa gawa. Kung tutuusin, ang mga pagsisiyasat at pagpapaalala ay sangkap ng isang pedagohikal na metodo upang mamulat ang natutulog na bait/budhi ng taong nais mapabuti ang kaniyang buhay. Ang ritwal ng inisasyon ay magaling na panimulang pagsasanay, dagdag sa panunumpa at pagsasandugo pagkatapos ng pagsubok sa katapangan at katapatan ng kandidato sa partido. Hindi na kailangang dumulog sa ibang kaisipan o paraan ng pamamahala (e.g., Mao Tse-tung) upang maipagpatuloy ang napatid na naratibo ng di-kumpletong 1896 rebolusyon. Gamitin ang sariling atin, ang masustansiyang tradisyon ng paghihimagsik.

Bagama’t nakalingon sa nakalipas, ang oryentasyon ng Katipunan ay pasugod sa sariwa at naghihintay ng kaganapan. Sa haraya ng pagbabagong-buhay, o paghuhunos sa bagong kalagayan mula sa lumang pagkatao na kusang itinakwil at tinalikdan, ang kontradiksiyon ng lumang suliranin at bagong kaayusan ay nalulutas. Kamakailan naungkat na mahilig ang Supremo sa paglilinis ng pagkatao tuwing dadalaw sa yungib ng Pamintinan sa Montalban, Rizal. Tila doon nakakabit ang mito ni Bernardo Carpio (papel na kinagiliwan niyang gampanan sa teatro sa Tundo, kasama ang kaibigang Macario Sakay), doon kung saan nagpamalas ng pambihirang lakas ang bayani (Flores, 2013). Muli, tumatalunton tayo sa landas ng naratibo ng bumabangong taumbayan.

Taglay ng realidad ang magkahalong pasumala’t katiyakan, aksidente at pangangailangan. Natutugon din ang kontradiksiyon sa pagitan ng makasariling katauhan/malabong kaalaman at kamalayang naliwanagan, kalangkap sa pagkataong taglay ang birtud ng pagmamalasakit at pakikiramay. Sa ibang salita, muling nabuhay ang patay at nahango sa kapahamakan. Natubos ang kaluluwa at naisauli sa pugad ng mga lumilingap at nagmamahal na mga kapwa, kadugo man o dayuhan. Maipapalagay na ito ay pagsasanay sa napipintong pagpapasinaya ng bagong ordeng lumulutang sa usok at apoy ng digmaang gumigiba at nagwawasak sa lumang istruktura ng kolonyalismo at  Simbahan. Alalaong baga, ito ay pagdiriwang sa tagumpay ng rebolusyon.

Sa balik-tanaw, ang interbensiyon ng Katipunan ay itinalagang napapanahon. Naging mapagpasyang salik iyon sa pag-imbento ng kinakailangang ahensiyang wawasak sa lakas-militar at politikal ng Espanya, ang mobilisadong liderato ng Katipunan. Palibhasa, nakapagitan ang uring sandigan nina Bonifacio at kapanalig – artisano, maliit na negosyante, edukadong empleyado sa hukuman, kawani sa imprenta, at kalakal-bahay, karaniwang mamamayanmasikhay ang pakiramdam at pagmamalasakit nila sa mga magsasaka, trabahador sa pabrika at daungan, kababaihan, at iba pa. Sanhi sa maluwag na hirarkiya sa partido, napagparayaan ang tendensiyang rehiyonalismo sa Cavite na sinakyan nina Aguinaldo at mga kapanalig na cacique at ilustrado.

Mabilis na lumago ang Katipunan, mula 300 noong Enero 1896 hanggang mahigit 40,000 kasapi nang iproklama ang rebolusyon ng “Haring Bayang Katagalugan” (“Sovereign Tagalog Nation”) noong 29 Agosto 1896 (Cruz, 1922, p. 43).  Maraming gremio o bukluran sa pagtutulungan ang lumahok sa Katipunan (halimbawa, ang gremio de litografos sa UST kung saan inilimbag ni Jacinto ang unang tomo ng Kalayaan, Enero 1896) at naging sanayan tungo sa unyonismong bumulas noong unang dekada ng pananakop ng Estados Unidos (Guevarra, 1992).

 Palaisipan ng kasarian

Sanay sa paglahok sa dulaan at bihasa maging sa pagsubok sa panitikan ang. Dapat salungguhitan ang bisa ng “Katapusang Hibik” ni Bonifacio sa pagpapahiwatig ng natatanging birtud ng kasarinlan/pagsasarili (Panganiban & Panganiban, 1954, pp. 136-38). Kasangkot ito sa pinakamahalagang suliranin ng kasarian sa kilusang mapagpalaya. Bukod sa bisa ng Agnostisismo at Stoisismo sa pilosopiya ng Katipunan at Propagandista (hinalaw sa literatura ng rebolusyon sa Pransiya at liberalismo-anarkismo sa Espanya), ang pananaw sa kababaihan ng kilusang mapagpalaya ay larangang hindi pa nabibigyan ng masusing pagsusuri. Ang pigura ng ina, sumasagisag sa bayan, ginhawa o kaluwalhatiang inaadhika, maaliwalas na kinabukasan, pinakakinasasabikang kaganapan, at iba pa, ay laging estereotipikal at mekanikal ang pagpapakahulugan. Nabanggit na natin ang dalawang mukha ng ina. Namasid natin ito sa dokumento ng pagtatatag kung saan nasaksihan na mabilis, madulas, at hindi mahuhulaan ang alimpuyo ng digmaan, ang hunyangong taktika at estratehiya ng mga mandirigma.

Nasilip ni Soledad Reyes (1997) ang kabaligtarang mukha ng ina – “hindi siya Mater Dolorosa kundi Medusa” (p. 127). Magaling subalit marami pang implikasyong hindi nagagalugad. Halimbawa, ang posisyon ng Ina bilang Sophia (Katuwiran/Wisdom). Ang Katuwiran at Kapangyarihan ay magkatambal; nabura ang kababaihan sa mga Konsehong makapatriaryaka ng Simbahan. Ayon kay Marina Warner (1976): “The spirit of God, the shekinah, was feminine in Hebrew, neuter in the Greek pneuma, feminine as sophia (wisdom), invariably feminine in Syriac, but in Latin it became incontrovertibly masculine: spiritus sanctus” (p. 39). Gayunpaman, paalala ni Regis Debray (2004): “While other denominations tend towards the univocal, the Catholic fantasy has as its mainspring a divided vision of the feminine, torn between angel and whore, saint and sorceress” (p. 176). Salamin kaya ito ng sikolohiya ng lipunan, o ng proseso ng pakikisalamuha?

Tagubilin ng Supremo: “Itinuturo ng katuwiran ang tayo'y umasa sa ating sarili at huwag hintayin sa iba ang ating kabuhayan” (Agoncillo, 1963, p. 71). Ang sophia, na pambabaeng aspekto ng kaliwanagan, ay matatagpuan sa Muling Pagkabuhay sa dulo ng ritwal ng inisasyon ng Katipunan at sa diwa ng Dekalogo. Samakatuwid, ang “Ina” ay siyang birtud ng kaliwanagan, maalab na inspirasyon ng pag-aalsang mapagpalaya. Para sa organikong intelektuwal ng uring anak-pawis, ang Sophia ay muling pagbangon – ang inaasam na paglingap handog sa “naghihingalong Yna”, ang sinuyong “tinubuang lupa” na espasyong materyal at batayang lugar ng panahon, inarugang larangan ng kasaysayan – walang lihim sa tanod nito, ayon kay Gregoria de Jesus: 

Ang nanga karaang panahun ng aliw
ang inaasahan araw na darating
ng pagkatimawa ng mga alipin
liban pa sa bayan saan tatanghalin?  
[Pag-ibig sa Tinubuang Bayan
 nasa Medina (1972, p. 186)]

Sa kabilang banda, ang pagtatakwil sa Espanya ng Panghuling Hibik ay umaayon sa bisyon ng Katipunan bilang boluntaryong samahan, solidaridad, o kapatirang hinirang, isang ekklesiang subersibo at sekular. Kaugnay nito, ang kapasyahang mulat at mausisa, hindi henealohiya (tali sa pusod), ang kailangan. Tugon ito sa puna ni Rizal na sa Pilipinas, indibidwalismo ang umiiral, hindi damayan. 

Hindi matatanto ang katuturan ng indibidwal hiwalay sa kabuuan ng ugnayang panlipunan. Ang Katipunan ay sinadyang pagtitipon ng mga anak ng Kaliwanagan laban sa mga kampon ng Kadiliman – isang tema ng grupong Essenes na salungat sa imperyong Romano. (Tila ang kuwebang dinalaw ng Supremo sa Pamitinan, Montalban, ang sumagisag sa sinaunang taguan ng mga Essenes.) Sa kalaunan, naging komunidad ng mga matapat (hindi taksil o mapaglilo), singkronisado sa oryentasyon ng pag-asa (kinabukasan), hindi lamang sa bunsod ng memorya o gunita (nakalipas), ang proyektong etikal/politikal ng Katipunan. Sa huling pagtaya, hindi tuwid at tuluyan ang igkas ng naratibo kundi kumplikado, mahirap abangan kung saan ang bagsak ng susunod na dagok.

Ang pagtatakwil sa inang utusan ng Imperyo at Simbahan ay umaayon sa malaparabulang tugon ni Kristo sa ina: “Babae, ano ang relasyon mo sa akin?”(John 2:3; sa ibang pagkakataon na dudukalin ang suliraning ito). Sa pamamagitan ng malayang pagsasanib, hindi batay sa dugo, kasarian, pamilya, o angkan, ang Katipunan ay bukas sa sinumang nais makiisa sa pambansang krusada laban sa kolonyalismo, maskulinismong awtoritaryanismo ng Simbahan, sampu ng ideolohiya, praktika, institusyon at normatibong ugaling pinagpilitang ipasunod sa nilupig na Indiya/Indiyo. Ang gahum pampolitika ay bunga ng estratehiyang ito na may kaunting alalay din sa gerilyang metodo ng pakikibaka noong unang sagupaan sa Morong, Marikina, Antipolo, Pasig at mga nayon sa Bulacan, Nueva Ecija, at Pampanga.
Samakatwid, radikal ang naitatag na bangguwardiyang liderato ng himagsikan na lumampas sa hanggahang itinakda ng sinaunang kabihasnan at ng kolonyalismong Espanyol. Radikal din ang pinagsamang paraan ng edukasyon at aktibong pakikibakang (higit sa repormistang taktika nina Rizal at ka-ilustrado) tinalunton ng mga alagad hanggang kina Malvar, Sakay, at mga bayani ng Balangiga, Samar. Utang natin sa Supremo at 1.4 milyong mamamayang nagbuwis ng buhay (laban sa imperyong Espanya at Estados Unidos) ang dunong, danas, at pagkakataon ngayon upang magpatuloy sa pagsisikap na matamo ang tunay na pambansang demokrasya at kasarinlan sa harap ng malagim na terorismo ng gahum ng pagsasamantala ng kapitalismong global (National Historical Commission of the Philippines 2012).


Pagbabalik sa kinabukasan

Nais kong tiklupin ang interbensiyon ko rito sa ilang puna tungkol sa kakulangan ng namamayaning aralin at pagsisiyasat tungkol sa paksaing Bonifacio/Katipunan. Pambihira ang nakahagip sa di-maikubling aporia sa mga kritikong sumuri at sumipat sa diwa ng Supremong nailahad sa kaniyang Katapusang Hibik at Dapat Mabatid. Sintomas ito ng naghaharing ideolohiya ng reaksiyonaryong pananaw ng neoliberalismong orden sa ating neokolonya (natalakay ko ito kamakailan sa dalawang libro kong Between Empire and Insurgency (2015a)at Lupang Tinubuan, Lupang Hinirang (2015b)).

Ilang halimbawa lamang ang maitatala rito. Impluwensiyal si Reynaldo Ileto (1998) sa pagtuon sa banghay ng Bernardo Carpio (tulad ng Pasyon) sa panitik ng rebolusyon. Pormalistiko at lubhang pilit ang paglapat ng arketipong paradigm sa malikot na bugso ng naratibo ng himagsikan. Samakatuwid, pumalya ang interpretasyon at binaluktot ang katuturan ng mga akda. Naging “bunso” ang taumbayan; “layaw” at “utang” sa halip na katuwiran at kabatiran at mabudhing pagpipigil sa sarili ang naging paliwanag sa masalimuot na sigalot at krisis. Dagdag pa: “...assuming [Bonifacio] was aware of [previous revolts], he would not have found them relevant to the drama of separation from Spain that he helped portray; the ‘national drama’ for him begins after 1872” (p. 25). Diyata't makitid ang kaalaman ng Supremo sa mismong kasaysayan ng kapaligiran? Sa idealistikong pagtaya sa organisadong mobilisasyon, pilitang ipinataw ang ilang piling ideya (layaw, damay, at iba pa) at sikolohiyang panukat na walang saligan sa kongkretong totalidad ng mga puwersang nagtatagisan sa isang takdang yugto ng kasaysayan.

Sa perspektibang nailatag dito, hindi rin matibay ang paninindigan ng mga iskolar. Sa pagbasa naman ni Virgilio Almario (2006) ng Katapusang Hibik ng Pilipinas, ang tangkang subukan ang “pagtanaw na historikal” ay lumubog sa kakatwang puna: sa retorika ni Bonifacio ay “masisinag ang pananagisag na Kristiyano bilang bukal ng kapangyarihan ng wika ni Balagtas” (p. 202). Kahawig ng antikwaryong hatol ni Ileto, mahigpit na opinyon ni Almario na hindi pa rin makahulagpos ang porma at sining ng Supremo sa kuwadro ng Pasyon, huwaran at aral ng relihiyong dulot ng kolonyalismong Espanyol.  Salungat ito sa sulukasok at pagkakabuhol ng mga pangyayaring kinasangkutan ng mga aktibista, na umuuwi sa di-matingkalang pagkakaiba ng interpretasyon at pagtasa sa sari-saring danas at kaalaman ng bawat protagonista.

Subukan naman natin ang pagbasang palabiro. Bagama't maingat ang paraan ng pagsipat ni Reyes (1997), hindi pa rin naiwasan ang pormalistikong pagkiling sa makapangyarihang birtud ng sining na diumano'y lumilikha ng sariling daigdig. Alingawngaw ito ng romantiko at pormalistikong pamantayan ng konserbatibong ilustrado. Batay sa ganitong metapisika, humantong sa isang anarkista at suhetibismong konklusyon: “ang daigdig na diskurso ng rebolusyon ay isang mundong wala nang orden at batas, pinamamayanihan ng anarkiya....” (p. 128). Kung ang motibasyon ng sining ay lumikha ng kaniyang sarilling daigdig, paano nito masasalaming mabuti ang nangyayari sa labas ng guni-guni? Maselang problema ito. Kung ipoposisyon natin ito sa gitna ng paggigiit ng Katipunan sa halaga ng intelihenteng disiplina at kolektibong pangangasiwa at pangagalaga sa bawat kilos ng mandirigma, anong kahidwaan ang lilitaw?

Anong aral ang mahuhugot dito? Isa lamang: Kailangang balikan – mas tumpak, halungkatin at siyasatin – ang kasaysayan ng himagsikang pinamunuan ng Katipunan upang matuklasan natin ang binhing nakaburol doon. Dapat nating pakawalan ang enerhiyang nahihimlay sa pusod ng nakalipas, at sa gayon ay maisangkap iyon upang maitayo ang malaya, makatarungan at demokratikong kaayusan ng lipunan ngayon at sa hinaharap. Pinansin ni Claro M. Recto (1968) na ang ideyalismo ni Bonifacio, nabahiran ng mga kaisipan ni Rizal, ang siyang nagtulak sa bisig ng rebolusyon: “Not all dreams come true. But the wonderful things of the world were created by idealists like the Great Poorly-born Andres Bonifacio” (p. 78).  Sadyang kakatwa nga, sapagkat utang natin sa realismong matalas ni Rizal ang panimdim at umaasang paghihinala ng ideyalistang filibustero.

Balikan natin ang proposisyon ng balintunang pag-inog ng naratibo ng kasaysayan. Nakabuod ito sa nasambit na hinuha: sa pagkagapi matatagpuan ang tagumpay. Ang kinabukasan ng binubuong bansang may tunay na kasarinlan ay nakasalalay sa kasalukuyang gawaing suriin at pahalagahan ang tagumpay at kabiguan ng nakalipas. Nakasandig ito sa paniwalang maihihiwalay ang dilim sa liwanag, at matatamo ang malayang pag-unlad ng bawat nilalang na nagtatamasa ng kalayaan. Magandang hinagap, nakapupukaw, nakaaantig sa damdaming kadalasan ay nakalulukob sa budhi at isip. Madalas, tuluyan nating nakakaligtaang dapat bumalik sa orihinal na inspirasyon: ang pagsasanib at pag-iisa ng inisyatiba ng Supremo at mga kapanalig na nagbunsod sa Katipunan at rebolusyon ng 1896 at republikang ginabayan ni Mabini, dating kalihim ng La Liga at kabalikat ng Supremo. 

Paglalakbay sa kalawakan

Bagong panahon, bagong pag-aangkop ng sinaunang pananaw na tinunghayan natin, tinaya at tinimbang. Utang sa mabulas at masiglang pagsulong ng kilusang mapagpalaya mula noong dekada ‘60 hanggang ngayon ang pagpupugay kay Andres Bonifacio bilang ulirang rebolusyonaryo ng sambayanan. Utang sa ilang publikong intelektuwal tulad nina Constantino, Teodoro Agoncillo, Amado V. Hernandez, Jose Maria Sison, at iba pa, lalo na kina Recto, Lorenzo Tanada, at Jose Diokno na nagpasimuno sa pagtutol sa diktadurang Estados Unidos-Marcos. Sa katunayan, lahat tayo ay kalahok sa madugong pagsulong mula sa pagkagapi at pagsakop ng imperyong Estados Unidos.

Sa kolektibong aksiyon ng masa, naiahon ang nasyonalismong nailubog ng matinding Amerikanisasyon ng bansa. Naibangong muli ang dignidad ng Supremo sa pagkasadlak nito noong panahon ng Cold War at pamamayani ng komodipikadong neoliberalismo nitong huling bahagi ng nakaraang siglo. Patuloy ang mahabang martsa ng taumbayan. Sa kasalukuyang yugto ng malalang krisis ng kapitalismong neoliberal – pansinin ang sintomas nito sa teroristang giyerang inilulunsad ng Estados Unidos sa halos lahat ng sulok ng daigdig – kailangang balik-suriin ang ating posisyon tungkol sa relasyon ng indibidwal at lipunan/kasaysayan. Problematikong suliranin ito buhat nang ipunla ng Estados Unidos ang ideolohiya ng kasakiman at pagkamakasarili. 

Sa namamayaning ideolohiya ng kapitalismong global (sakop na ang neokolonyang Pilipinas), ugaling isentro ang lahat sa namumukod na indibidwal. Ang indibidwalismong naikintal sa atin ay mahirap iwasan. Gawi nating ipaliwanag ang bawat pangyayari sa kilos ng isa o ilang indibidwal. Halimbawa: kung wala si Ferdinand Marcos, di nangyari ang batas militar at diktadurya noong 1972 hanggang 1986. Kung wala si Aguinaldo, nagtagumpay sana ang himagsikan ng 1898. Kung wala si Manuel Quezon... Bakit ganyan ang hilig ng pag-iisip?  

Magsumikap suriin at wastuhin ang kamaliang ito. Sa materyalistikong pagtaya, ang lipunan ay hindi koleksiyon ng atomistikong sangkap – hiwa-hiwalay at magkakompitensiyang indibidwal – kundi pinagsamang relasyon ng mga grupo ng tao. Hindi pagdagdag isa-isa kundi pagwatas sa kabuuan ng mga ugnayang panlipunan. Kung tutuusin, ang pagkatao o katauhan ay binubuo ng sapin-saping pakikipag-ugnayan o pakikipagkapwa sa kapaligiran. Ang buhay ng tao ay maigting na kalangkap ng daloy ng lipunan sa kasaysayan.

Itong dalumat ng pagkakasanib ng indibidwal at lipunan ang pangunahing prinsipyong nailahad sa Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog. Dinamikong kolektibismo ang naghaharing pangitain. Ang kontribusyon ng Supremo sa pilosopiya ng nasyonalismong radikal sa akdang iyon, kaakibat ng Dekalogo ng Katipunan, ng mga tula at liham nina Emilio Jacinto at Mariano Alvarez, ay katibayan ng historiko-materyalistang pagsipat ng Supremo sa mga pangyayari at paghusga sa kung ano ang dapat gawin upang mabago ang sitwasyon ng sambayanan (tingnan ang kalipunan ni Agoncillo (1963)). 

Mapagbuo at mapaglikha ang tendensiya ng dalumat niya. Tumutumbok iyon sa proseso ng karanasan at repleksiyon ng kamalayan tungkol dito.  Kaagapay ng teorya hinggil sa ayos ng lipunan ang praktika ng estratehiya at taktika ng pagbabago nito. Tumatagos at tumatalab sa mga salita ng Supremo ang kamalayang pangkasaysayan na tumakwil at lumihis sa idealistiko at dogmatismong etika/politika ng Simbahang Katoliko, lalo na ng mga prayle at mga ordeng relihiyosong umuugit sa aparato ng Estado noong panahon ng pananakop ng Espanya. Kinatawan ng Supremo ang pag-unlad natin mula sa Edad Medya ng Simbahan tungo sa Renaissance at repormasyon sa Europa hanggang sa pagpasok ng modernidad sa insureksiyon ng Paris Commune noong 1871, at pagtatag ng Internacionale ng mga trabahador sa buong mundo noong 1872. Palatandaang muhon ang Katipunan sa pagsulong natin sa panahon ng modernidad at imbensiyon ng bansang Pilipinas mula huling dekada ng siglo 1800 hanggang sa kasalukuyang laban.

Diskursong anti-pasyon

Natalakay ko na sa isang sanaysay ang simulaing pampilosopiya ng Mga Katungkulang Gagawin ng mga Anak ng Bayan at Ang Dapat Mabatid– dalawang testimonya ng dalubhasang paglalagom ng Supremo (San Juan, 2013; 2015b). Kasukdulan nang ulitin dito iyon maliban sa pagbanggit sa isang bagay. Ang Stoikong pagkilatis ng Supremo sa pagkatao ng Pilipino ay hindi nakatuon sa “hiya”, “damay”, o “utang na loob” o anupamang esensiyal na salik, kundi sa paggamit ng rason o katuwiran na nakasalig sa batas ng kalikasan. Ang rasong ito ay hindi instrumental kundi imahinasyong mapanlikha at kritikal. Dito nakasalalay ang pangkalahatang saysay ng Katipunan, na hindi lamang para sa Katagalugan.

Ang naturalistikong kaisipan at pagtarok ng Supremo ay kahawig ng mga ideya nina Spinoza, Rousseau at mga philosophes sa Pransiya at Alemanya (Kant, Johann Gottfried Herder, Hegel). Ang materyalistikong pagtingin ay hindi positibistiko o empirisistiko sapagkat mahigpit itong nakakabit sa kamalayan ng aktibong nakikibaka.  Nakakawing iyon sa masalimuot at diyalektikong pagsulong ng kasaysayan ng mga lipunan batay sa produksiyon at reproduksiyon ng buhay sa lupa (alinsunod sa tagubilin ni Marx sa kaniyang Theses on Feuerbach). Malayo na tayo sa iskolastikong turo nina San Agustin at Santo Tomas Aquinas, lumagpas na sa Renaissance at Repormasyon, at nakarating na tayo kina Voltaire, Diderot, John Locke, at Saint-Simon – mga pantas na sinuri nina Marx at Engels noong kalagitnaan ng siglo 1800. Nagbunga at nahinog ang tradisyong mapagpalaya sa mga kaisipan at gawa ng Supremo noong 1896 hanggang siya ay paslangin ng mga ilustradong kasabwat ni Aguinaldo. Nahubad doon ang limitasyon ng burgesyang pangitaing batay sa pag-aari ng lupa, ang limitasyon ng elitistang pamumuno, ang limitasyon ng uring komprador.

Yamang nabanggit na si Aguinaldo, kailangan pa bang balik-tanawin ang nangyari sa Tejeros noong 22 Marso 1897 at ang sumunod na paglilitis sa Supremo at pagpatay sa kaniya? Una itong sinuyod at hinusgahan ni Agoncillo sa kaniyang sanaysay, Ang ibinunga ng Kapulungan ng Teheros (1998) bago pa isinulat ang The Revolt of the Masses. Hinggil sa Tejeros, napuna ni Constantino na nagwagi ang ilustrado at natalo ang proletaryo, hanggang sumukdol sa kompromiso ng Biak-na-Bato noong 1897. Sang-ayon ako na pansamantalang nakapaimbabaw ang kampon ng mga naghaharing-uri ng Cavite (Severino de las Alas, Mariano Noriel, Daniel Tirona, at iba pa), subalit hindi lahat ng Katipunero ay napasailalim nila. Malakas at matatag ang pagkabighani sa Supremo kahit na wala na siya. Nagpatuloy ang pakikilaban nina Emilio Jacinto at mga kasama sa ibang lalawigang walang impluwensiya si Aguinaldo (Agoncillo & Alfonso, 1967). Nagpatuloy sina Lukban, Miguel Malvar, Macario Sakay, at maraming “bandidong”kasangkot sa pag-aklas ng mga kolorum, Sakdalista, at ng pagsulpot ng Hukbalahap.

Magiting ang tradisyong naisilang ng Katipunan. Ngunit ano ang aral na mahuhugot sa nangyari sa Tejeros? Lumalabas na hindi kabisado ng Supremo ang katusuhan ng mga ilustrado sa Cavite. Labis ang kaniyang pagtitiwala sa mga “Magdiwang” ng Cavite (Alvarez, 1992), at hindi niya nakalkula ang patuloy na pananaig ng ideolohiyang piyudal sa mga ilustrado at mga kapanalig. Lantad ito sa rasyonalisasyon ni Aguinaldo (1964) sa kaniyang talambuhay, Mga Gunita ng Himagsikan (pp. 225-227), tungkol sa pagbawi niya ng “indulto” na ipatapon lamang, hindi patayin, ang magkapatid na Bonifacio. 

Labis ang pagtitiwala ng Supremo sa mga kapanalig. Sa harap ng mga maniobra ng mga naghaharing-uri sa Tejeros, maisususog na kulang ang kabatiran ng Supremo sa politika ng uring sumusunod sa pormalistikong regulasyon ng pagpupulong, hindi ang kalamnan. Hindi sanay ang Supremo sa kalakarang panloob sa Tejeros, sintomas ng mabisang paghahari ng kostumbreng awtoritaryanismo at piyudal na umugit sa mga nagsilahok sa pulong sa Tejeros (na pinuri naman ni Joaquin sa kaniyang A Question of Heroes (1977)). 

Kulang pa ang indihenisasyon ng minanang karunungan. Nabanggit ni Ambeth Ocampo (1998) na ang Konstitusyong sinulat ni Edilberto Evangelista ay hango sa Ordeng Royal ng gobyerno ng Espanya na gawa ni Antonio Maura, ang ministrong responsable sa mga kolonya (p. 19). Sa anu't anuman, pakiwari ko ay nadama ng Supremo na ibang bayan ang pook na iyon, hindi pa handa sa inaasahan ng Katipunan, walang muwang sa Dekalogo, kaya umalis hanggang naharang sila sa Limbon, Indang. Ang trahedya ng nangyari ay masisipat sa kuwadro ng pagtatagisan ng uring panlipunan, hindi ang kontradiksiyon ng personalidad nina Bonifacio at Aguinaldo. Samakatuwid, hindi pa sukdulang lumaganap ang etika at politika ng Katipunan at ng dalumat ng modernidad na kaakibat nito. Hindi pa umiral ang gahum ng anak-pawis sa mga kaaway ng Espanya sa Cavite. Maisasapantaha na sa kapalaluan ng Supremo nagkapuwang ang reaksiyonaryo at konserbatibong lakas, at sa gayon nagapi ang isang miyembro ng partido ng kaunlaran at kaliwanagan.

Sa perspektibang malawak, ang pangyayari sa Tejeros ay hindi dapat makalambong sa larangan ng digmaan ng mananakop at sinakop. Sa diyalektika ng alipin at nang-aalipin, laging panalo ang alipin. Ang takbo ng himagsikan (na sinuri ni Mabini sa kaniyang Memorias) ay katibayan na rin na hindi pa humihinog ang punla ng La Liga at Katipunan. Panahon at sipag ang hinihingi na pagkakataon upang maabot ang antas ng gahum ng anak-pawis sa buong kapuluan. Mangyayari ito sa pagpupunyagi nina Isabelo de los Reyes, Crisanto Evangelista, Benigno Ramos, at iba pa sa pakikipagtunggali sa Estados Unidos. Kabagligtaran ito sa inasal ni Aguinaldo sa tusong pagdepende sa Estados Unidos na inakala niyang sasaklolo sa kaniya. Mapapatunayan ito sa pagtatag ng partido sosyalista at komunista noong nakaraang siglo, at sa pagyabong ng puwersa ng pambansang demokrasya sa bukana ng bagong milenyo. Katunayan nito ang kasalukuyang masusing pagpapahalaga sa buhay at halimbawa ng Supremo sa gitna ng krisis ng neokolonya at ng imperyalismo, ang unti-unting paglusaw ng kapangyarihan ng globalisadong kapital. 

Kontra-gahum: Ano ang dapat gawin?

Sa paglalagom, ano ang mga prinsipyong dapat tandaan na naisakatawan at naisahalimbawa sa buhay ni Andres Bonifacio?

Una, ang lohika ng konsentrasyon. Ang puno ng organisasyon ay hindi isang natatanging indibidwal lamang. Siya ang pinagsanib na lakas ng mga uring manggagawa at makamalayang kalahi o kababayan na kapwa inaapi at ginigipit ng Simbahan at Estado. Samakatuwid, lahat ng sinakop at inagawan ng pagkatao, ng iwing dangal at bait. Sa kasalukuyan, ang mga Lumad, magsasaka, walang trabaho, OFW, at biktima ng demolisyon ng mga bahay at ng paghahari ng mga korporasyong nagmimina at sumisira sa kalikasansila ang bagong katipunan ng bansa.

Pangalawa, sinasagisag ng Supremo ang naisakatuparang pagsisikap ng mga naunang nag-aklas – mula pa kay Dagohoy hanggang kina Diego Silang, Apolinario Cruz, at mga ginaroteng paring Burgos, Gomez at Zamora. Sinasagisag din niya ang natamong pagmumulat ng bayan nina del Pilar, Lopez Jaena, at Rizal (na napukaw at namobilisa nina Balagtas at Burgos). Hinalaw ng Katipunan ang minanang kultura at dinalisay upang umakma sa bagong adhikain at pangangailangan.

Pangatlo, sa pagtatatag at pagpapalago sa Katipunan at sa sistematikong pag-udyok at paghikayat na palawakin ang himagsikan – nabigo man ang ilang paglusob (na siyang argumento ni Joaquin upang siraan ang Supremo) – matagumpay na naitampok ang kinakailangang pag-iisa ng teorya at praktika sa anumang kolektibong proyekto ng sambayanan. Ang rason at karanasan ay magkatuwang sa landasin ng kabiguan at pagwawagi proyektong ito.

Kulang pa ba ang inisyatibang naitampok? Ang tatlong nakamit na layuning naisaad ay sapat na upang maging palagiang dakilang bayani ng lahi si Bonifacio. Iyon ay mga tagumpay na nakaigpaw sa pagtataksil ng mga ilustrado na tumungo sa pagsuko ni Aguinaldo sa Estados Unidos at asimilasyon ng naghaharing-uri (Quezon, Osmeña, at Roxas) sa gahum ng imperyo. Patuloy pa rin ang tendensiyang kontrahin ang nasyonalistikong agos ng kasaysayan (halimbawa, ang pagbatikos ng Amerikanong Glenn May sa mga Pilipinong historyador, na itinala nina Guerrero at Villegas (1997) at ni Ileto (1998)). Sa palagay ko, magpapatuloy ito hanggang manaig ang ideolohiya ng “white supremacy”sa aparatong panghegemonya ng kapitalismo.

Gayunpaman, ang inspirasyon ng Supremo ay nagbanyuhay hindi lamang sa kagitingan ng mga hukbo nina Macario Sakay at mga kasama sa Balanggiga, Samar, bagkus nagkaroon ng kakambal o alingawngaw sa maraming pag-aalsa at rebelyon ng mga Moro sa Mindanao at Sulu at mga pagtutol ng mga pesante sa kolorum at ng mga Sakdalista hanggang sa mga gerilya ng Hukbo ng Bayan Laban sa Hapon, at mandirigmang militante ng Bagong Hukbong Bayan. Walang putol ang mapagpalayang naratibo hanggang gumana ang utak, puso, at damdamin – silakbo ng pag-asa at pangarap ng bawat Pilipino. Oo nga't hindi na mabilang ang mga pagdalaw ng diwa ng paghihimagsik sa dekadang sumaksi sa First Quarter Storm ng 1970 at “People Power Revolt” ng Pebrero 1986. Ano ang pahiwatig nito? Walang iba kundi ito: buhay ang Supremo sa bawat pagsulong tungo sa tunay na kasarinlan at kalayaan, katapat ng kaniyang inihudyat na pithayang panlipunan, ang pangkalahatang “katuwiran” at “kaginhawaan”. Nakapalibot ang tanda ng panahong buntis sa maluwalhating bukang-liwayway. Buhay pa rin ang puso at diwa ng Supremo sa mga programa ng kilusang naghahangad ng katarungan at pambansang demokrasya, at ng mga taong minimithi ang pagkakapantay-pantay ng mga kasarian at ng bawat mamamayan, ng kasaganaan at dignidad ng bayang Pilipinas.


SANGGUNIAN

Agoncillo, Teodoro. (1963). The Writings and Trial of Andres Bonifacio. Manila: Office of the Mayor and the University of the Philippines.
_____. (1965). The Revolt of the Masses. Quezon City: University of the Philippines Press.
_____. (1969). Ang mga Pangunahing Tauhang Lalaki sa mga Nobela ni Dr. Jose Rizal.Manila: UNESCO.
_____. (1998). Ang ibinunga ng Kapulungan ng Tejeros. Nasa Bahaghari't Bulalakaw. Quezon City: University of the Philippines Press.
_____ & Alfonso, O. (1967). History of the Filipino People. Quezon City: Malaya Books.
Aguinaldo, Emilio. (1964). Mga Gunita ng Himagsikan. Manila: Cristina Aguinaldo Suntay.
Almario, Virgilio. (2006). Pag-unawa sa Ating Pagtula. Manila: Anvil Publishing Co.
Alvarez, Santiago V. (1992). The Katipunan and the Revolution (Paula Carolina Malay, Trans.). Quezon City: Ateneo de Manila University Press.
Anderson, Benedict. (2005). Under Three Flags. London: Verso.
Arendt, Hannah. (1978). The Life of the Mind. New York: Harcourt Brace Jovanovich.
Constantino, Renato. (1975). The Philippines: A Past Revisited. Quezon City: Tala       Publishing Services.
Cruz, Hermengildo. (1922). Kartilyang Makabayan. Manila: Lupong Tagaganap, Araw ni Bonifacio.
Cruz, Isagani & Reyes, Soledad S. (1984). Ang Ating Panitikan. Manila: Goodwill Trading Co.
De la Costa, Horacio. (1965). Readings in Philippine History. Manila: Bookmark.
Debray, Regis. (2004). God: An Itinerary. London: Verso.
Engels, Friedrich. (1939). Anti-Duhring. New York: International Publishers.
Guerrero, Leon M. (1969). The First Filipino. Manila: Jose Rizal National Centennial Commission.
Guerrero, Milagros & Villegas, Ramon. (1997). The ugly American returns. Heritage,(Sumer), 37-41.
Guerrero, Milagros, Encarnacion, Emmanuel N. & Villegas, Ramon. (2003). Andres Bonifacio and the 1896 Revolution. Nasa Sulyap Kultura. Manila: National Commission for Culture and the Arts.
Guevarra, Dante G. (1992). Unyonismo sa Pilipinas. Manila: Institute of Labor and Industrial Relations, Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas.
Gramsci, Antonio. (1971). Selections from the Prison Notebooks. New York: International Publishers. 
Ileto, Reynaldo. (1998). Filipinos and their Revolution. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.
Joaquin, Nick. (1977). A Question of Heroes. Manila: Ayala Museum.
Mabini, Apolinario. (1969). The Philippine Revolution (Leon Ma. Guerrero, Trans.).  Manila: National Historical Commission.
Marx, Karl. (1950). The Eighteenth Brumaire of Louis Napoleon. Nasa Karl Marx & Frederick Engels, Selected Works, Vol. 1. Moscow: Progress Publishers.
Medina, Ben Jr. (1972). Tatlong Panahon ng Panitikan. Manila: National Book Store.
Murray, Gilbert. (1964). Humanist Essays. London: Unwin Books.
Ocampo, Ambeth. (1998). The Centennial Countdown. Manila: Anvil Publishing Inc.
Osborne, Peter. (2005). How To Read Marx. New York: W. W. Norton.
Palma, Rafael. (1949). The Pride of the Malay Race. New York: Prentice-Hall, Inc.
Panganiban, J. Villa & Torres-Panganiban, Consuelo. (1954). Panitikan ng PilipinasQuezon City: Bede's Publishing House.
Recto, Claro M. (1968). Rizal the Realist and Bonifacio the Idealist. Nasa Petronilo Daroy & Dolores Feria (Eds.), Rizal: Contrary Essays. Quezon City: Guro Books.
Reyes, Soledad. (1997). Pagbasa ng Panitikan at Kulturang Popular. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.
Richardson, Jim. (2005-2016). Katipunan: Documents and Studies. Nakuha 20 Enero 2016 sa .
_____. (2013). The Light of Liberty: Documents and Studies on the Katipunan: 1892-1897. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.
Rizal, Jose.  (1964). Miscellaneous Writings. Vol. VIII. (Encarnacion Alzona, Trans.). Manila: National Heroes Commission.
San Juan, E. (2013). Handog kay Andres Bonifacio: Katwiran, kalayaan, katubusan.  Nasa Bienvenido Lumbera, et al. (Eds.), Salita ng Sandata. Quezon City: Ibon Books.
_____. (2015a). Between Empire and Insurgency. Quezon City: University of the   Philippines Press.
_____. (2015b). Lupang Tinubuan, Lupang Hinirang. Manila: De La Salle University Publishing House.
Santos, Jose P. (1935). Buhay at Mga Sinulat ni Emilio Jacinto. Manila: Jose P. Bantug.
Sevilla y Tolentino, Jose. (1922). Sa Langit ng Bayang Pilipinas: Mga Dakilang Pilipino.Manila: Limbagan nina Sevilla at mga kapatid.  Nakuha 22 Enero 2016 sa .
Warner, Marina. (1976). Alone of All Her Sex. New York: Vintage Books.
Zaide, Gregorio. (1970). Great Filipinos in History. Manila: Verde Book Store.
_____ & Sonia Zaide. (1984). Jose Rizal: Life, Works and Writings of a Genius, Writer, Scientist and National Hero. Manila: National Book Store.
__________


E. SAN JUAN, Jr  <philcsc@sbcglobal.net>

BENIGNO RAMOS, "POETA REVOLUCIONARIO" -Komentaryo ni E. San Juan, Jr.

$
0
0


BENIGNO P. RAMOS, “POETA REVOLUCIONARIO”:
Ang Reponsibilidad ng Makata sa Gitna ng Krisis ng Ordeng Kolonyal


ni E. SAN JUAN, Jr.
Polytechnic University of the Philippines




Ang ginawa namin ay aming pagmamanahan…Nagpasiya kaming maghimagsik, bumalikwas at buwagin ang pusod ng kapangyarihan. Sigaw namin: “Kami’y mga Sakdalista….Walang pagbabangong nabibigo. Bawat isa’y hakbang sa tumpak na direksyon.  

—-Salud Algabre, isang lider ng rebelyon, 1935


Sino ka’mo?  Benigno Aquino?  Hindi po, Benigno P. Ramos, ang manunulat. Tuwing mababanggit ang pangalan ng makata sa usapang pampanitikan at talastasang pangkasaysayan, laging sumisingit ang bintang o paratang na siya’y naging traydor sa pagkampi sa puwersang Hapon noong Pangalawang Digmaang Pandaigdig. Maselang paratang iyon. Mauungkat na naging kasangkot si Ramos sa KALIBAPI (Kapisanan sa Paglilingkod sa Pilipinas), kung saan ang partidong GANAP na binuo niya ay bumangis sa kasukdulang yugto ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig (Taylor 1964, 106). Umiwas siyang malitis sa People’s Court dahil (ayon sa ilang ulat) pumanaw siya sa larangan ng pakikihamok (Agoncillo 1965; Goodman 1967).  
Sa anu’t anoman, tiyak na ito’y bagong balita sa mga salinlahing isinilang at lumaki nitong huling hati ng siglo 1900—maliban sa ilang dalubhasa’t apisyonadong bihasa sa pananaliksik sa katakomb ng mga lumang aklatan.

Hindi naman nag-iisa si Ramos sa predikamentong gumipit sa maraming kababayan. Kasangkot niya roon ang mga bantog na politikong Jose P. Laurel, Claro Recto, Benigno Aquino Sr., Manuel Roxas, at iba pang oligarkong ilustrado.  Sinasabing kompositor si Ramos ng himno ng KALIBAPI.  Bukod dito, dokumentado rin na si Ramos ay isa sa mga nagtatag ng MAKAPILI (Malayang Katipunan ng mga Pilipino), organisasyon ng militanteng kabataang nagsikap guluhin ang pamamahala ni Laurel at hikayatin ang mga taong sumanib sa mga umuurong na Hapon. Binigyan ng armas ang grupo nina Ramos at Heneral Artemio Ricarte noong huling dako ng taong 1944. Sinasabing namatay si Ramos nang bumagsak ang eruplanong ginamit niya sa pagtakas sa lumulusob na tropang Amerikano noong 1946 (Tolentino 1998).  Di kusang napuputol ang kumbersasyon sa ganitong haka-haka, mga opinyong nagbubunsod sa pagkamangha at makulit na pag-uusisa.

Kung masusing paglilimiin, sa loob ng panlabas na isyung pampolitika—ang responsibilidad ng kolonisadong sabjek/ahente—ay nakaluklok ang usapin ng relasyon ng katotohanan at kabutihan. Dinadaliri dito ang oposisyon ng kabutihan ng bayan at katotohanan ng buhay ng bawat isa. Narito ang hamon: isasaisantabi ang lahat upang lumaya ang buong lipunan, o upang makamit ang ginhawa’t kasaganaan ng sarili. Sa krisis na lumukob sa bawat Filipino paglaho ng pag-asang maililigtas ang soberanyang sinupil ng Estados Unidos, humarap ang dilema kung ano ang dapat piliin: tagumpay ng sambayanang inalipin, o kagalingang pansarili? Sa panig ng indibidwalistikong ideolohiya ng demokrasyong kolonyal, kagandahan at aliw ang dapat idulot ng sining at ibang gawaing kultural. Sa panig naman ng kilusang makabayan, ang hustisya’t kasarinlan ng sambayanan ang dapat gawing pangunahing layunin sa ibabaw ng lahat. Sa ibang salita: kaluwalhatiang pansarili versus ginhawa’t kasaganaan ng komunidad.  Paano nilutas ang kontradiksiyong ito sa buhay at sining ni Ramos?  Kung hindi nalutas, paano kinilala’t binuno ito? Isang maikling pagsubok na imbestigasyon lamang ang ihahain dito, kalakip ang ilang mungkahi sa maparaang pagsisiyasat sa tema ng diyalektika ng ideya at praktika sa larangan ng kulturang pampolitika sa ating bansa.

  Samantalahin ang Pagkakataon

Umpisahan natin sa ilang palatandaang hayag at laganap. Sa bunton ng datos na nakatambak sa Internet, halimbawa sa Wikipedia, masusulyapan ang ganitong impormasyon tungkol sa makata. 
Sumilang sa Bulacan noong 1892, si Ramos ay naging guro, makata (“Ben Ruben” ang isang sagisag niya), organisador, empleyado sa serbisyo sibil, at mamamayang kontrobersiyal. Hinirang siyang magsilbi sa Senado noong 1928, sumali sa Partido Nacionalista, at napalapit kay Manuel Quezon, ang makabuluhang politikong aktor noon. Isang importanteng pangyayari ang naganap noong 1930: umaklas ang mga estudyante sa Manla North High School laban sa isang mapanglait na gurong Amerikana. Nagalit ang gobyerno. Inusig at pinarusahan ang mga makabayang aktibista. Sinuportahan ni Ramos ang mga estudyanteng sumalungat sa utos ni Quezon na pumanig sa Amerikana. Dagling resulta nito: ipinatanggal si Ramos sa tungkulin niya sa pamahalaan. Isang mapait na bunga iyon ng pagbuklod ni Ramos ng sariling bait at kolektibong kapakanan. Malinaw na nailarawan dito ang mga puwersang mapagpasiyang nagtatakda ng takbo ng kolonisadong lipunan at ng tadhana ng buong sambayanan, sampu ng kapalaran ng isang abang manunulat.
Hindi nagluwat, walang atubiling inugitan ni Ramos ang daloy ng kasaysayan. Dagling naglunsad siya ng isang pahayagan noong Oktubre 13, 1930.  Ang kaniyang peryodikong Sakdal ay tambuli ng masang manggawa’t magbubukid. Bukod sa paninindigan sa hustisyang panilipunan at pagkakapantay-pantay, nanawagan ito sa kagyat na kasarinlan ng bansa. Kaakibat niyon ang pagtutol sa panukalang panatilihin ang base militar ng Estados Unidos ayon sa mga kasunduang nilagdaan ng mga oligarkong burokrasya sa susog ng administrasyon sa Washington (Richardson 2011, 166-67). Lumago ang mamababasa ng Sakdal, naging popular ang mga panawagan at diskursong makabayan nito. Samakatwid, nabuksan ni Ramos ang larangan ng tunggalian ng samotsaring lakas upang gumana roon ang mapagpasiyang interbensiyon ng malikhaing guniguni.
 Isang mapangahas na hakbang ang sumunod. Sa gitna ng hidwaan nina Quezon at Osmena hinggil sa Hare-Hawes Cutting Act noong 1933, itinatag ni Ramos ang partido Sakdal.  Matagumpay ang kanilang pagsisikap. Sa halalang idinaos noong 1934, tatlong kandidato nila ang nanalo para kinatawan sa Kongreso, isang gobernador ng Marinduque, at ilang posisyon sa pangasiwaang munisipal sa lalawigang Laguna, Bulacan, Nueva Ecija, Rizal at Cavite.  Nakatitik sa kanilang mga karatula ang ganiring mga islogan na tumutugon sa krisis ng panahong iyon (Labor Research Association 1958).:  
Ibagsak ang mapaniil!

Babaan ang buwis ng lupa.

Alisin ang nagpapayaman sa Katungkulan.

Kasarinlan ang aming hangad at hindi ang pagsakyod. 
(Constantino 1975, 368-369)

Walang dudang napukaw ng organisasyon ni Ramos ang sensibilidad ng madla, ang konsiyensiya’t damdamin ng masa. Mabilis ang reaksiyon ng Establisimiyento.  Sumikip ang espasyong demokratikong nakalaan para sa mamamayan. Naghunos ang trato ng burokrasyang kolonyal sa paglago’t paglakas ng Sakdalista. Nang magkampanya sila laban sa plebisitong gaganapin upang aprubahan ang Konstitusyon ng Komonwelt, pinaratangan silang “seditious,”   lumalabag sa batas. Maraming kasapi ang nabilanggo, at tuloy pinagbawalan ang pagboycott sa eleksyon. Umigting ang panggigipit at pandarahas, walang tigil na pananakot, upang masugpo ang rebolusyonaryong inisyatiba ni Ramos (Sturtevant 1976).
Hinala ng lahat na estratehiyang kontra-rebolusyonaryo ang plano ng kolonyalismo. Hindi nagtagal, pumutok ang tinitimping galit ng mahigit 26,000 kasapi ng partido sa kanayunan.  Hatinggabi ng Mayo 2, 1935,  150 armadong pesante, hawak ang mga tabak at paltik, ang nagmartsa sa munisipyo ng San Ildefono, Bulacan; ibinaba ang bandila ng Estados Unidos at itinaas ang bandilang Sakdalista. Kumilos ang mahigit 60,000 miyembro sa Laguna, Rizal at Cavite, at iba pang lugar.  Sa komprontasyong sumaksi, ginamit ng gobyerno ang armadong dahas na humantong sa pagmamalupit ng Konstabularya. Sa katanghalian ng Mayo 3, itinala ng mga peryodista ang natagpuan: mahigit na 57 Sakdalista ang patay, ilandaan ang sugatan, at 500 kasapi ang ibinilanggo (Agoncillo and Guerrero, 1970, 418-19). 
Nakarekord na sa panahong iyon, wala si Ramos sa Pilipinas. Nasa Hapon siya upang humingi ng tulong; dahil sa aklasang naganap, hindi siya nakabalik—isa siyang ipinatapon ng Estados Unidos—hanggang Agosto 28, 1938. Sa pagbabalik niya, nag-iba na ang sitwasyon sa Komonwelt. Sa payo ng mga kasama, itinatag ni Ramos ang partidong Ganap upang lumahok sa eleksyon ng 1941, ngunit siya’y dinakip at ipiniit sa bintang na sedisyon. Tila lumang tugtugin ang naulit. Tumagal ang pagliitis hanggang parusahan si Ramos noong Disyembre 1939 sa salang rebelyon at nabilibid hanggang sa pagsakop ng Hapon noong 1942. 
Naitala na ang pagkasangkot niya sa KALIBAPI at MAKAPILI, na tila siyang nagwakas sa unang yugto ng pakikipagsapalaran ni Ramos. Ngunit anong kahulugan ang madudukot sa siwang ng mga nagsalabit na pangyayaring tiwalag sa malay at kontrol ng isang tao na humubog sa kanyang pagkatao at kongkretong katayuan sa lipunan? Bakit makabuluhan ang buhay at nagawa ni Ramos sa pagsulong ng ating mapagpalayang pakikibaka?  Bakit kailangang basahin at unawain ang kanyang sinulat?
Nagsalimbayang  Agos

Sa puntodebista ng naitalang datos, ano ang ating mahihinuha? Anong leksiyon ang mahuhugot kung ang pagbabatayan ay itong mababaw na paglagom? Si Delfin Tolentino Jr. ang namumukod na iskolar na nag-ukol ng masinop na pagsusuri sa mga akda ni Ramos, palibahasa’y siya ang matiyagang pumatnugot sa kauna-unahang kalipunan ng mga tula ni Ramos, Gumising Ka, Aking Bayan!  Napakahalaga ng naisakatuparan ni Tolentino. Kuro-kuro niya sa wakas ng kanyang “Paunang Salita”: “Kung may mabigat na aral ng kasaysayan ng panulaan ni Benigno Ramos, matatagpuan ito sa pahiwatig na ang masigla’t matipunong mga tula ay maaari lamang magbukal sa katotohanan at katwiran: kapag ang makata ay nalihis ng landas at sumalungat sa makatwirang hangarin ng mga tao, ang kaniyang panulat ay unti-unting papanawan ng sigla, mauunsyami, hanggang sa hindi na muling daluyan pa ng mga titik na may kabuluhan sa kanyang panahon” (1998, xxxiii). Paglimiin natin ang obserbasyong nabitiwan habang tayo’y nagsusumikap umigpaw sa kasalukuyang krisis ng globalisasyon.
Kung tutuusin, isang palaisipan ang naimungkahi ni Tolentino. Kasanib siya sa grupo ng mga pantas tulad nina Plato at Tolstoy na sumusukat sa halaga ng sining sa istandard ng katotohanan at katwiran. Ngunit sa makabagong panahon, sa kapaligirang nahahati sa interes ng iba’t ibang uri o pangkat, walang pamantayang lumalakdaw sa pangangailangan ng mga uri. Kaninong katotohanan at katwiran? Ang kabuluhan ba ng mga dula ni Shakespeare o tula nina Vladimir Mayakovsky at Pablo Neruda ay nag-uugat sa “makatwirang hangarin ng mga tao” bagamat repleksyon iyon ng mga nagtutunggaling puwersa sa lipunan? Paano matutuklasan ang “makatwirang hangarin” at masusubok kung tunay na makatwiran iyon?  Sa pagsabog ng kosmolohiyang sinusunod ng sangkatauhan, tulad ng mga batas ng imperyong Romano, o ang sistema ng paniniwala ng Kristiyanidad na laganap sa Kanluran, problematiko na ang simpleng pagtatambalan ng sining at moralidad. Namagitan na ang salapi, komoditi, pagpapalitan ng produkto sa pamilihan; alyenasyon at reipikasyon ang namamayani. Ideolohiya ng magkakahiwalay na grupo ang umuugit sa buhay, hindi na pangkalahatang pangitain o unibersal na pananaw-sa-mundo. 
Halos lahat ng mga gumaganap sa intelihenteng talakayan ay magkasundo sa halaga ng mapagbuong komunikasyon. Magkakaunawaan kung may larangan ng diskursong sasalihan ng lahat. Sa pakiwari ko, kung tatanggapin natin ang larawang ito, mas malinaw at maagap nating maihihimay ang masalimuot na ugnayan ng sining at lipunan. Kung magkakasundo tayo sa isang materyalistiko’t historikal na perspektiba, maipaliliwanag kung bakit si Ramos, makatang ipinagbubunyi ng lahat, ay di tuwirang maisasaintabi na isang taong naligaw ng landas, wika nga. Mababatid din natin na ang pagkamalikhaing birtud niya ay bunga ng kanyang progresibo’t mapagpalayang simulain. Samakatwid, hindi kababalaghan ang sining niya’t politika sa partikular na konteksto ng mga taong 1935-1946. Maari din nating siyasatin at suriin ang katangian ng sining niya bago nabuhos ang lakas at panahon niya sa Sakdalistang kilusan. Ihahain natin ang ating saliksik sa madla upang maging tema ng pagpapalitang-kuro tungkol sa pagyari ng hegemonyang nasyonal-popular na napasimulan ng 1896 rebolusyon, at ngayo’y pinasisigla ng kilusang demokratikong pambansa sa buong kapuluan.

Engkuwentro’t Pagkilala

     Sa mga antolohiyang umiiral, matatagpuan ang ilang tula ni Ramos na laging nakalakip bilang halimbawa ng matandang panulaan. Sa bantog na Parnaso ni Abadilla, tatlong tula ang kasama: “Ano Pa?”  “Ang Bahay ng Diyos,” at “Ang Kayumanggi” (Abueg 1973, 132-34).  Sa pangkat ng “Ilaw at Panitik” (1916-35), maitatanghal si Ramos na isa sa mga awtor na may “kamalayan sa pagbabago ng panahon.” Ayon sa kritikong Pedro Ricarte, si Ramos ay tumuligsa sa “superpisyalidad ng relihiyong kumpormista” (Abueg 1973, 31). Tumutol siya sa gawing pagpipilit itanghal bilang modelo ang mga banyagang awtor (Victor Hugo, Blasco Ibanez) sa pagpapanatili ng masunuring oryentasyon ng diwa (Lumbera 1967, 311).   Nakahanay si Ramos sa iba pang makatang lumilihis at bumabalikwas tulad nina Jose Corazon de Jesus, Narciso del Rosario at Pedro Gatmaitan.  
Hindi kakatwa ang lalim at sigla ng kamalayang mapanuri ni Ramos. Sumusunod siya sa tradisyong mapanghamon nina Rizal, Marcelo del Pilar, Isabelo de los Reyes, at mga kapanahon niyang manunulat sa pangkat ng Aklatang Bayan, kabilang sina Lope K Santos, Faustino Aguilar, Severino Reyes, Amado Hernandez, atbp.. Sa kalipunan nina Lumbera, apat na tula ni Ramos ang naisama. Makatas ang pagtingin ni Lumbera kay Ramos: “Ramos, in his early works, showed himself to be a highly innovative poet with a natural concern for the oppressed but inarticulate….Whatever political errors he might have committed during the last part of his career, Ramos deserves to be accorded his due as a fine poet who, at an earlier point in his life, had set aside formalistic experimentation to make his poems easilly accessible to the masses in whose service he had placed his art” (1982, 115-16). Sa opinyon ko, matinik at matalas pa rin ang mga akdang nailathala noong dekada sa pagitan ng Komonwelt (1935) at giyerang pandaigdig (1941).

Tulad ng pagkilatis ni Tolentino, nakapupukaw ang obserbasyon ni Lumbera. Nasapol niya ang palagiang isyu sa kritika. Makatarungan ba na dapat tumiwalag sa problema ng politika ni Ramos upang mabuting maparangalan siya bilang mahusay na makata? Salungat ba ang kapinuhan ng porma o ayos (pormalistikong estetika) ng tula sa programang pampolitikang itinaguyod ni Ramos? Paano natin malulutas ang suliranin ng etika at sining, ng moralidad at aliw ng kagandahan? Magkatugma ba ito o talagang magkasalungat? Ano ang politika ng sining? Bakit kailangang itagubilin na di dapat sipatin ang lahat sa bisa ng pampulitikang timbangan? Sa kabilang dako, ano ang silbi ng sining hiwalay sa araw-araw na buhay ng karaniwang tao?

Nakatanikalang Pagsubaybay

  Sa naghaharing komentaryo sa panulaan, wala halos pumapansin sa panitik ni Ramos—kabilang siya sa mga etsa-pwera.  Tila isang pariah na iniiwasan ng lahat. At maliban kina Lumbera, Almario at Tolentino, tahimik ang akademya at publiko kung mababanggit si Ramos.  Kinulapulan ng stigma o tatak na “huwag pakialaman” sanhi nga ng kanyang pagkalulong sa gilas ng imperyong Hapon. Sa malas,  maingat bagamat patago ang pagpapaimbabaw ng etiko-politikang sukat kung katuturan ng sining ang nakataya. Hindi bunyag ito pero lantad ang moralistikong pagpisil at paghatol. Maidadag na ang pormalistikong estetika, tinaguriang sining-para-sa-sining, ay instrumento ng dominanteng status quo, kung titiyakin kung paano kumakain at nagsasaya ang mga alagad nito.

Ikumpara natin ang ganitong pagtingin sa mga kapanahon ni Ramos. Isang matapat na indeks ang puna ni Julian Cruz Balmaceda sa tanyag na panayam noong 28 Hulyo 1938. Isingit natin ang ilang pangyayari noon. Pinalaya na ni Presidente Quezon ang mga nabilanggong lider ng Partido Komunista ng Pilipinas. Tuluyang nagsikap sina Crisanto Evangelista at mga kasama na magtayo ng prente popular laban sa pasismo (Hapon, Aleman, Espanyol, Italyano). Sa pagsanib ng Partido Sosyalista ni Pedro Abad Santos, nagbalikatan ang magsasaka’t manggagawa, mga maliit na burges, at nasyonalistikong negosyante, sa isang nagkakaisang hanay (united front). Maligalig at mapanganib ang lumalalang sitwasyon sa Asya noon.
Bumalik si Ramos noong Agosto 1938 mula sa Hapon kung saan siya napahimpil dahil sa insureksyon noong 1935.  Hindi niya narinig ang puna ni Balmaceda tungkol sa kanilang “pagkamapaghimagsik” (kapiling si Pedro Gatmaitan) batay sa paglikha ng “tulang imposible.” Nagawa nila ito dahil sila’y “tila nagdaan sa isang panahong naggirian at nagpataasan ng panaginip sa panunula” (2013, 127). Sinipi ang limang taludtod ng tulang “Katas-diwa”:

Sa dinsul-dinsulang puno ng binatis ng mga pangarap
sa mala-tambilong na silid-silirang ala-alapaap
ng katas-diwako ng lumuhog-magtampong tila bahid-ulap
sa dikit-tala mo na dalampasigan ng lahat ng hirap
ng abang buhay ko, ay nagsusumamong ulol, baliw, hamak 
(1998, 48)

Mapapansin na taglay ng mga taludtod ang alingawngaw at balisang pagmamadali ng panahon noon. Sapagkat lumilihis sa nakagawiang padron ng pagtutugma’t pagbibilang ng patinig at katinig, inayawan ni Balmaceda ang “mapangahas na kabaguhan,” na sa kanyang opinyon ay hindi natularan at “biglang-biglang nasugpo” (2013, 128). Nasugpo, sa gayon, dahil walang ibang sumunod isapraktika ang prinsipyo ng pagbabagong inilunsad nina Gatmaitan at Ramos alinsunod sa kodigo’t disiplina ng globalisadong palengke ng literaturang nakalimbag, pati na ang komersyalisadong radyo at pelikula. Tinutukoy dito ang pagbabago ng pamamaraan, hindi paksain o kalamnan.

      Ang teknik ni Ramos ay hindi pambihira. Sa pag-uulit ng pantig sa prase o parirala (sa lingwistika, morphemes), umiigting ang konotasyon ng salita.  Ang repetisyon o pag-uulit ay katangiang katutubo sa awit. Batay sa saliksik sa pilolohiya’t antropolohiya ni George Thomson, ang awit sa paggawa na kapiling ng mga gawain sa bukid, bahay o pook-sanayan ay may dalawang sangkap: ang koro o refran at improbisasyon. Sa koro mararamdaman ang enerhiys o lakas ng katawan, ang udyok o hibo ng damdamin, na siyang umuugit at nagbubuklod sa kilos ng maraming tao. Ang paulit-ulit na sigaw ay sumasagisag sa kolektibong diwa, habang ang paglangkap ng mga sinkahulugang salita ay paghiwatig ng saloobin tungkol sa ginagawa (Thomson 1974, 25-29). Isiningkaw ni Ramos ang obhetibong pangyayari at suhetibong dalumat sa mga salitang ginitlingan, halimbawa: 

Ngunit tantuin mong yaring mala-gintong tikas-makaaraw
ng nipis-dumaling tabas-dinalitang bangkay-lamig-hukay
ng hinimig-murang sa mala-alamat na aklat-dalisay
na aking pag-ibig, ay ga-bughaw-langit na di mapaparam.
Naririto akong kilos-hindi-sawi kahit namamahay
sa dinagat-luha, sa-hirap-buhawi, sa saklap-libingan    (1998, 48)

Masisipat na ang estilistikong paraan ay tandisang diyalektikal. Malasin ang matagumpay na pagdurungtong ng saloobing personal at obhetibong pangyayari. Sa siniping huling saknong ng “Katas-diwa,” isinadula ang indayog ng pagsabay ng komunidad (sa refran) at makata, sampu ng mala-mahiyang ritwal ng muling pagkabuhay at kaganapan. Mistulang sinalamangka ang alapaap ng katas-diwa na naging “ga-bughaw-langit na di mapaparam.” Matalisik ang paghabi ng taludtod, ritmo, imahen at retorika ng dalityapi/liriko upang maipahayag ang damdaming siyang humuhubog ng panibagong sitwasyon (Thomson 1946, 22-24). Hindi paglalaro sa tunog ng patinig/katinig kundi tahasang rebolusyon sa ating pakikitungo sa ating daigdig ang nilalayon ng makata.

     Kakatwa ang inobasyong eksperimental ni Ramos kaya umangal ang mga matandang tinali. Hindi makabago iyon dahil kahawig ng istruktura ng mga katutubong awit, ng talindao at pabinian ( (Angeles, Matienzo & Panganiban 1972). Hindi naman kataka-taka ang pag-iral ng modelong hango sa Kanluran—dala ng mga Kastilang prayle na siyang nagpakalat ng gramatikang base sa Latin (mula sa Vocabulario nina Noceda at Sanlucar, Memorial ni Francisco de San Jose, abp.) Samakatwid, hindi talagang katutubo. Nakapangingibabaw pa rin ang nakaugalian, ang panggagad sa sinaunang balangkas at haraya ng panulaan. Ipinagtibay ito ni Inigo Ed. Regalado, kasapi din sa Aklatang-Bayan, sa kanyang lekturang “Ang Panulaang Tagalog” na binigkas noong 18 Agosto 1943, panahon ng pananakop ng Hapon.  Idiniin ni Regalado ang regla at panuntunang nahugot sa matandang panulaan. Hindi “sampay-bakod” iyon, manapa’y “mayaman sa kagandahan, nahihiyasan ng mga talinghaga, sagana sa indayog ng pag-iisip at kinapapalooban ng nakapagpapaheleng bunga ng lirip at ng mga ginawa” (2013, 203). 

Mapapansin na masipag maghalungkat ng mga lumang tula sina Balmaseda at Regalado, ngunit ang mga kategoryang pinuri ay halaw sa Grieyego’t Romanong teorya na inilapat sa kolonyang lipunan. Tunay na hindi katutubo o nilikha ng mga taal na kayumanggi. Bukod sa pagdakila sa banyagang kultura, di man lamang sumagi sa isipan ng mga kagalang-galang na pantas na hinubog ng kasaysayan ang kultura. Sa gayon, nababago at nagbabago ang lasa’t pagpapahalaga ng sining sa bawat kabihasnan. Lubhang tanda ng ignoransiya, kundi pagsamba sa dayuhang idolo, ang ipinagpipilitan nina Balmaceda at Regalado (hinggil sa historya ng panulaan, konsultahin si Santos 1996). Samantala, bumubuhos ang mga pangyayari sa likod ng mga utak ng pantas. Mulat sa daloy ng kasaysayan, sinikap ni Ramos na itugma ang musika’t tema ng tula sa himig ng mga kontradiksiyon ng mga nag-aawayang sektor sa lipunan at sa larangang internasyonal.

Di Pantay & Walang Tugmang Pag-inog

Mahirap maintindihan ang anumang bagay kung hiwalay sa kinalalagyang lunan at panahon. Nais kong isusog na kailangan ang isang makasaysayang pagsusuri, isang konseptualisasyon ng halagang nakapaloob sa daloy ng kasaysayan.  Ang katuturan at kahulugan ng sining ay kalakip sa ayos ng produksyong sosyal sa bawat yugto ng kasaysayan. Ang ayos at proseso ng produksyon ang talagang saligan ng kaisipan, saloobin, damdamin, gunita’t pangarap ng bawat lipunan. Maiging matatarok ang puno’t dulo ng anumang gawa o praktikang kultural kung nakaugnay ito sa kabuhayan, sa relasyong sosyal ng mga grupo sa isang tiyak na yugto ng kasaysayan.
Ipuwesto natin si Ramos sa sitwasyon ng sambayanan noong 1911-1914 hanggang sa dekadang 1926-1936 kung saan bumulas ang kanyang panitik. Mailalagom rito ang ilang datos tungkol sa pag-unlad ng kilusang manggagawa’t magbubukid. Itala natin ang pagtatag ng Congreso Obrera de Filipinas noong Mayo 1, 1913, sa pamumuno ni Hermengildo Cruz, isang beteranong unyonista na naging katulong ni Isabelo de los Reyes sa pagbuo ng Union Obrera Democratica noong 1901 (Scott 1992). Lumaban ang Congreso sa panlilinlang at pandaraya ng imperyalismong Amerikano sa pamamagitan ng Kawanihan sa Paggawa na itinatag noong 1908 (kasabay ng Unibersidad ng Pilipinas, na tagahubog ng mga mentalidad ng kolonisadong burokrasya).
Maigting na tunggalian ang nasaksihan sa dekadang 1910-1920 bukod sa bakbakan ng elitistang partido Democrata at partido Nacionalista. Kasabay ng pagputok ng rebolusyong bolsheviko sa Rusya, sumilang ang unyon ng magsasaka sa Bulacan (probinsya ni Ramos) noong 1917, at ang Anakpawis sa limang bayan ng Pampanga noong 1919. Matulin ang mobilisasyon ng mga magbubukid na humantong sa pagdaos ng kongreso ng Kalipunan ng Manggagawa at Magsasaka sa Pilipinas noong Agosto 1922. Dahil sa pag-unlad ng manupaktura sa buong kapuluan, tumaas ang bilang ng sigalot sa pagitan ng puhunan at trabahador: buhat 1,880 obrerong umaklaw noong 1912, mahigit 16,289 trabahador ang lumahok sa 83 sigalot noong 1918 (EILER 1982, 70). Noong 1921, 20,000 mangggawa ang nagwelga sa pabrika ng sigarilyo, sa daungan sa Iloilo, sa mga trosohan sa Negros Occidental, at sa mga asukarera sa Pampangga at Laguna. Pinanday at nahasa ang mga galing sa pagkakaisa’t pakikibaka ng liderato ng mga unyon sa mga welga sa perokaril at transportasyon, sa pabrika ng niyog, sa Manila Gas Company, sa pagawaan ng pagbuburda sa Maynila, at sa mga kiskisan ng palay sa Nueva Ecija. Noon 1927, sumapi ang Congreso sa Red International of Labor Union at nakuhalubilo ang liderato sa mga kasamang galing sa Rusya, Tsina, Indotsina, Europa at Amerika. Noong Agosto 26, 1930, itinatag ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) mula sa pagkapatiran ng Federacion Obrero de Filipinas at Katipunan ng mga Anak-Pawis sa Pilipinas. Noong Disyembre 1933, habang nililistis ang 16 lider ng PKP, 4000 manggagawa ang nagprotesta’t nagmartsa sa Korte Suprema at bahay ng Amerikanong Gubernador-Heneral. Ito ang kapaligirang umalalay at nagtakda ng kabuluhan sa panitik ni Ramos.

Bakas ng Pakikipagsapalaran

Balik-tanawin natin ang itineraryo ng indibidwal na protagonista. Nakatahi ang hibla ng buhay ni Ramos sa hinabing narasyon ng ating himagsikan. Nang iniluwal siya, kababalik lamang ni Rizal mula sa Europa upang itayo ang Liga Filipina. Hingi nagluwat, humalili ang Katipunan ni Andres Bonifacio at sumiklab ang rebolusyon laban sa Espanya.  Kasapi ng Katipunan ang magulang ni Ramos. Nagbinata siya nang nasugpo na ang sandatahang puwersa ng Republika at nabitay sina Sakay at mga kasamahan noong 1907. Sandaling nagturo si Ramos sa Pandi, Bigaa, Bulacan. Nabilanggo siya ng 24 oras dahil sa pagtuligsa sa isang pari doon. Lumuwas siya sa Maynila, nagsulat para sa Taliba; at noong 1911 nagkaroon ng trabaho sa isang lingguhang magasin, Renacimiento Filipino. Lagi siyang gutom; naisulat niya ang kanyang kahirapan: “walang inumin kundi tinta lamang, pluma ang tabako, acero’y tinapay” (Terami-Wada 1988, 428). 
Panahon iyon ng Sedition Law ng 1902: ipinagbawal ang mga akdang bumabandila ng nasyonalismo—mga dula nina Aurelio Tolentino, Juan Abad, atbp. Nasentensiyahan si Tolentino ng pagkabilanggo habang buhay; noon na lamang 1912 pinatawad siya ni Gob. Forbes. Mapanganib ang magdiskurso’t tumalakay ng paksa tungkol sa kasarinlan at demokratikong karapatan, o bumatikos ng korupsiyon sa gobyerno. Nang akusahin ng ElRenacimiento si Dean Worcester sa tanyag na editoryal, “Aves de Rapina”, sinakdal ang editor at pabliser noong 1908.  Humigit-kumulang sa dalawampung tula ni Ramos ang nailathala sa nasabing lingguhan bago siya lumipat sa peryodikong Ang Bayang Filipino,  na pag-aari ni Manuel Quezon. Peryodista siya noong 1913-1917. Tiyak na nabahiran si Ramos ng matapang na pagtatanggol ng kapwa peryodista, bukod sa pagmulat sa kabulukan ng sistemang kolonyal/kapitalista kung saan ang burokrasya ay instrumento ng makapangyarihang oligarko sa kanilang kapakanan. Mapanlinlang na ipokrisya at mapagkunwaring asal ng kolonyallismo ang araling natutunan ng makata. 

Samantala, maraming alitan at insureksyon ang yumanig sa buong kapuluan. Kabilang dito ang sedisyon ni Ruperto Rios sa Tayabas noong 1903, ni Papa Isio sa Negros, ang Pulajanes sa Leyte at Dios-dios sa Samar. Nakasindak sa awtoridad ang kilusan ni Felipe Salvador noong 1906-1910; nang bitayin si Apo Ipe, ipinagbunyi siya ng El Renacimiento bilang isang sundalong rebelde (Agosto 13, 1910 isyu). Ipinarangalan din siya ng makatang Jose Corazon de Jesus na mas marangal kaysa mga upisyal sa gobyerno (Constantino 1975, 269-70). Naisatitik ni Ramos ang dalumat ng mga kasama sa huling saknong ng “Mga Agam-agam” na handog sa Kaarawan ng Paggawa, Mayo 1, 1911, bago pa sumabog ang 1917 rebolusyon sa Rusya:

Ang pigil ng sama’y nasa dakong huli,
at kung sa ngayon ma’y laging nagwawagi
asahan at bukas nama’y mga api
ang magtatagumpay at hindi na imbi.

Maitatampok dito na ang pangunahing temang nananalaytay sa karamihan ng mga tula ni Ramos ay pagbabago, metamorposis ng kapaligiran, pagbabagong-buhay.  Kaakibat nito ang damdamin ng pakikiramay at tiwala sa katuparan ng pangarap, ng katuparang inaasam-asam, bunga ng magkabuklod na pagsisikhay ng sambayanan. Sinikap niyang bakahin ang mapanghamig na indibidwalismong ideolohiya ng kompetisyon sa negosyo. Sinubok niyang iugnay ang kapalaran ng mga sawing magbubukid sa petiburgesyang sirkulo ng mga kawani sa gobyerno’t karaniwang manggagawa sa lunsod. Resulta nito ang sinasabing magaspang, hindi pino, salungat sa nakamihasnang hilig at panlasa, ang sining ni Ramos. Ebidensiya ito ng mabisang pagdalumat niya sa masalimuot na kapaligirang sinusuri niya..

Pagtawid sa Bangin
Tunghayan natin ang lakbay ng historya. Naglaho ang lumang orden ng merkantilismong imperyo ng Espanya, humalili ang kapangyarihan pinansiyal ng industriyalisadong burgesya sa Estados Unidos. Nagapi ang rebolusyonaryong tropa nina Luna at Sakay ng makabagong teknolohiya’t logistics ng kapitalismong sistema. Subalit sa halip na paunlarin ang ekonomiya, pinalala pa ng bagong panginoon ang piyudal-agrikulturang kaayusan sa dalawang paraan. Noong 1909, ipinataw ang patakarang “free trade” ng Payne-Aldrich Tariff Act; sa gayon, natigil ang anumang tangkang industriyalisasyon.  Sa larangan ng edukasyon at burokrasya, inihiwalay ang sektor ng gitnang-uri upang hirangin bilang empleyado ng mga aparato ng estado, militar, at kawanihan. 
Sa kapwa ideolohikal at sosyo-politikal na maniobra, nahati ang lipunan sa nakararaming mahirap (pesante at manggagawa) at mayayaman (negosyante-komprador, may-lupa).  Hindi natuloy ang pagwasak sa malalaking asyenda; nagpatuloy ang pagsasamantala ng uring cacique at inquilino. Nahawakan ng mga korporasyong Amerikano ang malalaking lupain para sa tabako at asukal, habang pinabayaan ang mga cacique na umupo bilang alkalde o mga upisyal sa probinsiya, at kinatawan sa Asambleang itinatag noong 1907 at ng Komonwelt noong 1934 (Pomeroy 1970).
Sa unang tatlong dekada ng kolonisasyon ng Estados Unidos, sumidhi ang paghihikahos ng mga magsasaka, ang mayoryang anak-pawis sa kanayunan. Unti-unting naagnas ang paternalismong saligan ng ugnayang kliyente-patron. Naging malupit ang mga katiwala ng panginoon, at tuluyang naduhagi’t nagdusa ang mga magbubukid. Sumabog ang rebelyon sa buong kapuluan sa pagitan ng pagsuko ni Aguinaldo hanggang pagkilos ng Sakdalista. Tumindi ang mga gulong kasangkot ang Inglesiang Watawat ng Lahi, ang mga Colorum sa buong kapuluan, ang Santa Iglesia ni Felipe Salvador, at ang insureksiyon ni Pedro Kabola sa Nueva Ecija at Pedro Calosa sa Tayug, Pangasinan. Dahil sa panggigipit ng mga usurero at sakim na panginoong maylupa, bukod pa sa pinsalang iginawad ng masungit na panahon at iba’t ibang sakuna.  Lumubha ang lagay ng maraming nakikisama, isang kabalintunaan sa gitna ng mabiyayang kalikasan at dating mabighaning panorama ng ilog, parang, lambak, gubat at kabundukan. Gayunpaman, sa pagdaralita, walang nangungulila, salamat sa laganap na damayan sa harap ng sawing kapalaran. Hindi naglaho ang pag-asa ng masa para sa maluwalhating kinabukasan.

Bihasa na sa pakikipagbuno sa suliranin ng sambayanan, natuto si Ramos na tumiwalag sa gayuma ng tradisyon at konserbatismo ng kapanahon. Kaiba sa “Ang Balintawak” ni Regalado o “Ang Bundok” ni Lope K. Santos, na nakatutok sa kariktan ng kalikasan, masisinag sa anyo ng kalikasang isinadula ni Ramos ang damdamin at karanasan ng mga taong namumuhay sa malikhaing pakikitungo sa mundo (Angeles, Matienzo & Panganiban 1972, 80-81).  Samakatwid, gumanap ng simbolikong papel ang dalumat sa kalikasang naikintal sa “Bulkan” at “Bagyo,” halimbawa. Ngunit hindi rekonsilyasyon ng tao at kapaligiran ang inilarawan doon kundi ang tensiyon sa pagitan nito. Lumalabas na hindi simbolo kundi alegorikang karanasan na pinagmulan ng “aura” (sa turing ni Walter Benjamin, “the experience of aura is based on the transposition of a social reaction onto the relationship of the lifeless or of nature to man” (sinipi ni Jameson 1971, 77). Ngunit ang penomenang ito ay dominanteng pagpapahayag ng isang mundo kung saan ang mga bagay-bagay ay natanggalan ng kahulugan, o naalisan ng espiritu, napalayo sa awtentikong kabuhayan. Natuklasan ni Ramos na naligaw siya sa kagubatan ng kapitalismong parasitiko sa nabubulok na bangkay ng ordeng piyudal, patriyarkal at bulag na pagsunod sa utos ng simbahan.
Sinubok din ng makata na buhayin ang kalikasan na ginawang komoditi o kasangkapan ng kapital. Sinikap niyang pukawin ang kaluluwa nito at gawing kamag-anak o karamay sa tunggalian ng mga nagsasamantala at pinagsasamantalahan. Isang ultimatum ang hagupit ng makata, isang babala sa mga may kapangyarihan na may taning ang kanilang pagmamalabis. Inihudyat ito sa estilong melodramatiko:

Kayat tumigil na.  Sukat na ang sabing kayo’t mga hari’t pawang talosaling,
Sukat na ang wikang kayo’y malalaki at may maliit na talu-talunan,
Sukat na!  Sukat na!  Kaawa-awa kayo!  Sa mundo’y tahimik, subalit may bulkan,
May bulkang panghughog sa utak at diwa ng pantas na gurong sapat ikamatay,
May bulkang nunuga!….

Ano nga ba ang sadyang ipinahihiwatig ng ingay at usok ng bulkang sumasabog? Patalastas ba iyon ng diyos o bathala, o mahiwagang espiritung tiwalag sa lipunan? Hindi, ang bulka’y sagisag ng komunidad, isang sandatang may adhika o mithiing makatao.

Anupat’t ang bulka’y isa pang galamay na kinalalamnan ng madlang pithaya,
Isa pang haligi na naglalarawan ng mga pagtangis sa pamahid-luha,
Isa pang sagisag na kakikilanlan ng mga punyaging tuwina’y sariwa,
At sa buong mundo ay namamaraling: “Ang Sangkatauha’y may nasang lumaya.”
(1998, 3-4)

Sa tulang “Bagyo,” bukod sa payo’t pangaral, isang maramdaming ritwal ng pagsamo ang maririnig.  Kahawig ng mga dasal upang humingi ng biyaya’t ginhawa sa makapangyarihang espiritu ng kalikasan, ang panawagan ng makata ay hindi personal kundi kolektibong hinaing. Kadalasa’y nasasalanta ang biktima ng lipunan, kaya daing ng makata na magbago ang bagyo’t magdulot ng hustisya at magpakita ng katarungan:

Nariya’t marami
ang nangararapat na iyong handugan
ng taglay mong galit…ang angaw na diwang pawang nangangamkam,
ang pusong maghapo’y walang iniisip kundi ang paraan
ng lalong madaling ikapapaluklok sa yaman at dangal,
ang ngumunguya na’y hamig pa nang hamig na di naghuhumpay,
namumuwalan na’y ayaw pang bitiwan ang supot na taglay:
iya’y mga duming dapat nang itapon sa pusod ng panglaw.

Uli-uli sana’y
kung ihihinga mo ang iyong damdami’y
huwag ang bubungan ng mga mahirap ang pangingisihin,
huwag ang butas nang mabasa’t matuyo ang butas-butasin,
huwag ang sira nang dumuyan-mabuwal ang sira-sirain,
huwag at kung ikaw’y talagang may galit na di mapipigil
gibain mong lahat: mayama’t mahirap ay pagparisin
huwag kang magtira at makikita mong kita’y pupurihin.

Inilathala ang tula noong Hulyo 1911, taon na inilunsad ang Republika ng Tsina. Apat na taon na ang nakalipas nang magkaroon ng Asamblea noong 1907, at limang taon pa bago maipasa ang Jones Law noong 1916. Sa panahong isinulat ni Ramos ang tula, kahuhuli pa lamang kay Felipe Salvador, ang rebelde sa Bulakan at Nueva Ecija. Napatay na si Papa Isio sa Negros noong 1907, ngunit ang mga Dios-dios sa Samar ay hindi napatahimik hanggang 1911. Rumaragasa pa ang bagyo sa buong kapuluan, at patuloy pa rin ang pagputok ng bulkang muling pagagalitin ni Ramos sa Oktubre 1930 sa kanyang tulang “Gumising Ka, Aking Bayan!” Armadong tayutay ang ipinaindayog ni Ramos.  Ipagpapalit niya ang buhay niya, magbangon lamang ang bayan upang labanan ang “berdugo,” ang “anak ng mga Hudas”: “Masawi man ako ngayo’y malugod kong tatanggapin / kung sa likod naman nito’y babangon ka, Bayang giliw!”  

Ang matalinghagang estratehiya ng makata ay nakasandig sa pinagtiyap na mga karanasang nadarama at hibo ng diwang sumasagitsit doon. Naulit ang paglalaro sa alegoryang paggagalaw sa kalikasan sa bisa ng “pathetic fallacy” noong 1936,  pagkaraan ng madugong tagpo sa Cabuyao at sa Sta. Rosa. Sa tulang “Kidlat sa Tag-araw,” ibinabadya ng makata ang nalalapit na pagtutuos, isang apokaliptikong patalastas: “Nakaguhit ngayon sa langit ng bayan ang talim ng kidlat /Na sa mga taksil ay masamang hudyat” (1998, 213). Alingawngaw ito ng buhay sa “Asyenda,” taglay ang musika ng paghihimagsik na tumutunog na noon pang 1929-30: “Ang bawat sigaw mo ay nagiging kulog /ang bawat hibik mo ay nagiging unos.” Kapanalig ang kalikasan na nagdudulot ng kulog, kidlat at iba pang sandata.” Mapapakinggan din ang magkahalong inip na pagdududa, ngitngit, at pag-aalinlangan sa rason ng lumang ordeng: “Diyos man sa langit kung mayr’on ngang Diyos / sa kaapihan mo’y dapat nang kumilos!” (1998, 172).
Mararamdaman na hindi ito daing kundi artikulasyon sa sindak at pagtutol sa karumal-dumal na kalagayan ng bayan.
Metamorposis ng Guni-guni

Sa pagitan ng ideyang sumibol sa ulirat ng makata at pagsisiwalat dito, hindi tuwirang maikikintal ito sa malay ng mambabasa o nakikinig. Kailangan ang medyasyon ng nadaramang bagay. Kailangan ang metapora, palahambingan, simbolo o pigurang makamumulat o makahihikayat. Sa romantikong sensibilidad, ang kalikasan ay nagkakaroon ng balintunang mukha: nakakabighaning hiwaga ng mga espiritu, o mabangis na simbuyong kumakatawan sa kilabot ng mga pagbabagong nangyayari (sangguniin ang analisis ni Fischer [1963, 175-77). Matutunghayan din ito sa paghawak ni Ramos sa piling salik ng kalikasang kasalukuyang naghuhunos mula sariwang halimuyak sa nayon tungo sa usok, ingay at kasukalan ng lungsod. Mahihinuha rito ang isang gabay sa pagtarok sa proseso ng transisyon mula piyudal-tributaryong antas ng produksyon tungo sa burokrata-kapitalismong kalakalan.

Re-Imbensiyon ng Pamana

Laki sa kulturang Kristiyano, bagamat (tulad ng mga Propagandista) kritikal sa 
pang-aabuso ng simbahan, kinasangkapan ni Ramos ang mga ideya’t damdaming
minana sa mga ninuno. Tulad ni John Milton, ang may-katha ng Paradise Lost, ginamit ni Ramos ang mitolohiya ng Bibliya at binigyan ng ibang kahulugang ironikal. Kung mabisang komunikasyon sa madla ang hangad, kailangan ng makata na pumagitna sa diskursong alam ng lahat: ang pasyon ng Kristong taga-ligtas at talasalitaang gamay ng mambabasa. Pakay ng makata ang pagmulat, pag-udyok at paghikayat sa madla. Ngunit hindi mensaheng didaktiko ang adhika ng makata. Nais niyang ibunyag ang ipokrisya ng alta-sosyedad, tulad ng ginawa ni Kristo sa templo na inupasala ng mga bangkero, o sa komprontasyon niya sa mga Pariseo’t Sanhedrin. Tinuligsa ng Mesiyas ang katiwaliang naghahari, ang pagkukunwari’t kahungkagan ng sistema. Satiriko-propetikong mithiin ang pumapatnubay sa makata.

Maidiriin na nakalubog ang sining ni Ramos sa kumplikadong interaksyon ng luma at bagong praktika ng kabuhayan.  Nailahad na natin na di naisulong ang tunay na sekularisasyon at modernisasyon ng bansa sa ilalim ng bagong kolonisador. Nagpatuloy ang kapangyarihan ng simbahan, sampu ng mga ritwal, doktrina, ugali’t gawi. Di natinag ang mga pamahiin at alamat, mitolohiya at sagisag ng Kristiyanidad. Lantad ang pagbubulgar ng ipokrisya at katiwaliang labag sa moralidad sa mga tulang “Ang Bahay ng Diyos,” “Bagong Hudyo, Bagong Kristo,“ , o lente ang turo ng Mesiyas upang matuklasan ang katotohanan sa buhay, hindi iyon dogmatikong kuwadrong siyang pinakamabisang pamamaraan ng makata. 

Sa pagpihit ng pangatlong dekada ng Amerikanisasyon, binabagtas pa ni Ramos ang landas mula sa kanayunan tungo sa kalunsuran, tungo sa komodipikasyon ng kaluluwa. Matinik ang salungatan ng dalawang sistema ng produksyong kapwa umiiral: ang produksyong piyudal versus pabrika’t pamilihan ng kalakal. Problematiko ang pagpapatakbo sa dalawang makinang ito. Laganap ang sintomas ng awayan, gulo, ligalig, kadalasa’y humahantong sa karahasan at barbarismo. 
Dapat ilagay ang kritika sa gitna ng mga pangyayaring natukoy. Bagamat makabuluhan ang pagpapaliwanag ni Virgilio Almario na ginagad ni Ramos ang tradisyong saligan ng satiriko’t mapang-uyam na akda nina Rizal, Plaridel (Dasalan at Tocsohan), pati na ang panunuluyan, di tumpak ang sabihing “nagkaroon ng magandang papel ang alagad ng batas at pamahalaan” sa dulo (2006, 263). Mapagbiro ang himig sa huli, at tigib ng pasumala ang balangkas ng tulang “Ang Matanda.”   Sa kabila ng inaasahan, magkahalong parusa at kabutihan ang nangyari sa pagsalikop ng dalawang naratibo: ang   kawalan ng makataong simpatiya sa sosyedad at ang di-sinasadyang paglapat ng batas laban sa palaboy (mga taong walang tahanan) sa rehimeng kolonyal. Sa malas, pambabaligtad sa modo ng parikala ang naisakatuparan sa imitasyong natukoy na may bahid didaktiko’t mapanuto.

Panukalang  Taliwakas

Utang sa sipag at kabatiran ni Almario ang pagtatampok kay Ramos bilang pinakamakabuluhang manlilikha sa pangkat ng Aklatang Bayan, na binubuo ng henerasyon nina Lope K. Santos, Faustino Aguilar, Inigo Regalado, Amado Hernandez, atbp. Sampung tula ang isinama niya sa antolohiyang Walong Dekada ng Makabagong Tulang Pilipino. Hinawan niya ang landas na tinahak ni Tolentino sa pamamatnugot ng tinipong mga tula ni Ramos. Wika ni Almario na “makulay ngunit kontrobersiyal ang buhay” ni “Ben Ruben,” ang paboritong alyas ni Ramos. Pahabol pa niya: “…hindi pa rin gaanong natataya ang kanyang papel sa kasaysayan at panulaan…Noon pa’y binansagang siyang “El Poeta Revolucionario” dahil sa kanyang matatalim na tuligsa sa kapangyarihang Amerikano at korupsiyon sa hanay ng mga pulitikong Pilipino . Nalalapatan niya ang ganitong kaisipang mapanghimagsik ng pambihirang inobasyon sa tugma at sukat upang mas maluwag na maisakatuparan ang pagtula….Bukod sa makalipunang diwa, maraming maaaring pulutin sa halimbawa ni BRR ng reporma sa tula para umangkop ang balangkas sa daloy ng isip” (1981, 375-376).  Naitala rin ni Almario ang eksperimentasyon ni Ramos sa paghabi ng sukat sa “Kahabag-habag,” na hindi  “parodya sa kinasadlaking lusak ng Balagtasismo” 1984, 114-16). Pawang karapat-dapat ang papuring iyon, lamang nakalutang sa pagdidili-dili ito at kailangang isilid sa kwadrong pangkasaysayan.
Subukan natin ang komentaryong pahapyaw na baka makatulong sa maiging pag-unawa ng motibasyon ng makata. Ang tinaguriang “tulang imposible” ni Valeriano Hernandez Pena, ang paglulubid ng mga salita ni Ramos, ay kahanay ng ethos o klima ng sensibilidad sa dalawang dekada ng kolonyalismong Amerikano.  Hindi parodya ng kumbensiyonal na taludturan kundi repleksyon ng Zeitgeist.  Mabilis, maligoy at magulo ang komplikadong pagtatagisan ng mga uri’t sektor ng lipunan. Masasagap ito sa bugso’t pagmamadali ng ritmo sa “Katas-Diwa” o sa ritmo ng “Ibig Kong Makita.” Padaplis lamang sa kontekstong ito ang makikita sa kuro-kuro ni Almario sa Balagtasismo Versus Modernismo sanhi sa empirisismo’t duwalistikong lohika nito (kahawig ng pormalistikong sipat ni Agoncillo [1970]).
Sa dagsa ng mga ipinasok na pagbabago ng budhi’t dalumat ng mga sinakop, laluna ang pagpataw ng Ingles bilang midyum sa edukasyon at gobyerno mula 1908, nagipit ang manunulat sa Tagalog. Nabulabog di lamang ang pangkat ng Aklatang Bayan pati rin ang Ilaw at Panitik, na kapwa pinatnubayan ng makabansa at mapagpalayang layunin. Sa pagpasok ng bagong teknolohiya ng pelikula’t radyo, unti-unting naglaho ang kultura ng balagtasan at sikolohiya ng tulang pabigkas. Si Ramos ay isa sa mga ulirang haligi ng institusyong balagtasan ngunit hindi bulag na alagad (Almario 1984, 59-60). Nahalinhan ito ng kulturang nakalimbag, ng komoditi o nabibiling mass midya (tingnan ang tulang “Makata”)—ang mediyasyon ng industriyalisadong komunikasyong pag-aari ng korporasyon o pribadong negosyo. Tiwalag ang makata sa kaniyang awdyens. Namagitan na ang salapi, pamilihan, lihim na maniobra ng komoditi-petisismo. Ginawang kalakal lahat: damdamin, pangarap, seks, isip, panaginip. Walang hindi maipagbibili.
Naranasan ng sensibilidad ni Ramos ang bigat ng Amerikanisasyon. Ang organisasyon ng burokrasya (mula 1901 hanggang 1920) ay tanda ng madaliang kapitalisasyon ng mga aparatong pang-ideolohiya ng Estado. Itinakda ng Payne-Aldrich Act ng 1909 na mananatiing agrikultural ang ekonomiya. Sa malayang pangangalakal, ang Pilipinas ay magiging tambakan ng mamahaling produkto ng Amerika at taga-panustos ng mga hilaw na materyales at murang produkto tulad ng asukal, kopra, abaka, tabako, atbp. Pananatilihin ang sistemang piyudal sa kontrol ng mga kasike’t kumprador/komersiyante, sa tulong ng oligarkong partido nina Quezon, Osmena at Roxas simula 1906.
Tumagos sa muni at kalooban ng makata ang transpormasyong naganap sa kapaligirang sosyo-ekonomiko.  Sandaling nagturo si Ramos sa elementarya sa Bigaa; utang niya sa karanasan doon ang kakayahan sa retorika at pedagohiya. Simula 1911 sa lingguhang El Renacimiento hanggang sa paglipat niya sa Ang Bayang Filipino (si Quezon ang pabliser) noong 1913 (Tolentino 1998, xvii). Noong 1917 hanggang 1930 nang sapilitang ipagbitiw siya, naglingkod siyang taga-salin sa Senado. Ang katungkulang ito ay makahulugan: isang tulay si Ramos sa pagitan ng mga wika, tagapagtawid ng mga diskurso’t kabihasnan. Naunawaan niya ang halaga’t silbi ng wika bilang tagapamagitan ng politiko’t ideolohiyang adhikain. Katunayan, nasanay na siya sa kabatirang iyon nang maganap ang kaso laban sa editor at pabliser ng El Renacimiento noong 1908. Ang “mayamang pangungusap at pihikang pagkukuro” ni Ramos—papuri ni Rosauro Almario sa kakayahan ni Ramos— ay nabuhos sa pagtatanggol sa mga estudyante’t kawaning umaklas laban sa rasismo ng Amerikano (Terami-Wada 1998, 429). Nasubok at napagtibayan ang lakas ng pangungusap at pagkukuro sa pagtalsik ni Ramos mula sa Senado sa utos ni Quezon.
Masasalamin ang mga kontradiksyong mapagpahiwatig ng mga pangyayaring naitala sa itaas sa tulang “Panulat.” Mapanganib ang literatura bilang sandatang magagamit ninuman para sa kagalingan ng lipunan o kapahamaktan nito. Nasa sa konkretong sirkunstansya ang determinasyon ng halaga ng anumang likhang-sining. Lubos na hinala’t pagbabaka-sakali ang mapipisil sa dalawang saknong na ito:

Di ko kailangan ang ikaw’y gamitin
kung sa iyong katas ang Baya’y daraing,
ibig ko pang ikaw’y tupuki’t tadtarin
kaysa maging sangkap sa gawaing taksil.

Di ko kailangang ikaw ay magsabog
ng bango sa landas ng masamang loob,
ibig ko pang ikaw’y magkadurog-durog
kaysa magamit kong sa Baya’y panlubog. (1998, 166)

Hindi panatag ang loob ng makata na mapagtitiwalaan ang panitik na kusang maglilingkod sa kabutihan ng tao. Wala siyang tiwala sa estetika ng “sining para sa sining” na maskara lamang ng mga imbi’t tampalasan. Mapusok ang nais ng makata na magamit ito sa kapakanan ng busabos, upang masugpo ang mga mapagsamantalang uri—panginoong maylupa, komprador, burokrata-kapitalista (sangguniin ang Guerrero, 1971):

Kailangan kita sa gitna ng digma
at sa pagtatanghal ng bayaning diwa;
Hayo’y ibangon mo ang lahat ng dukha!
Hayo’t ibagsak mo ang mga masiba!      (1998, 166)
Laro ng Rahuyo

Walang pasubaling ang komitment ni Ramos ay katalik ng mapagpalayang kilusan ng masa. Binigyan ng ibayong sigla ang tradisyong pedagohikal o mapangaral na katungkulan ng panitikan na nagmumula pa kina Balagtas hanggang sa mga Propagandista. Kasiping ng mga trabahador sa bukid o sa pabrika ang manunulat bilang isang manlilikha, o tagayari ng mga mapapakinabangang produkto.  Ang tula ay isang produktong dapat magsilbi sa pagtataguyod ng kolektibong proyekto. Halimbawa ang mga tulang “Alaala,” “Ang Ngiti ni Dora,” “Bayani,” “Gunita sa Lumipas,” “Filipinas,” “Bonifacio,” at halos 3/4 bahagdan ng kalipunang inedit ni Tolentino. ;
Kaalinsabay ng gayong layon, mapupunan ang pangangailangan ng aliw, saya, tuwa sa kariktan at galing ng produktong nilalasap ng madla. Halimbawa ang mga maramdami’t madulang “Kahabag-habag,” “Ang Kurus ng Puso,” “Patawad,” atbp. Malimit, ang “ako” na balatkayong figura ng makata ay maskara ng mapandamay na budhi, ang tinaguring “social ego” o “affective manifold” ni Christopher Caudwell (1937, 246) Naisasakutaparan ang dalawang motibasyon ng klasikong poetika: dulce et utile. Naganap iyon sa ritwal ng balagtasan at iba pang kolektibong pagkakataong nilahukan ng mga kapanahong manunulat. Napalitan ang publikong lugar ng komunikasyon ng mapag-aring pagkonsumo sa kalakal; nalusaw ang publiko sa magkahiwahiwalay na kaakuhang walang nagumon sa sariling kasiyahan.
Sa sangandaang ito ng ating diskurso, nais kong isingit ang suliranin ng di-singkronisadong daloy ng kultura/ideolohiya at kabuhayan. Sa binansagang “vulgar Marxism,” ang baseng pang-ekonomya ang siyang pangunahing nagdidikta sa laman at hugis ng kultura/sining. Kung susundin ito, dapat wala nang paghanga ngayon sa lumang trahedya nina Sophocles, Shakespeare, Ibsen, atbp. Ngunit naipayo ni Karl Marx na ang pagsulong ng sining/kultura ay hindi laging tuwirang nakaangkla sa produksyong materyal ng lipunan (tingnan ang “Introduction to the Critique of Political Economy”1973, 134-35). Sa ibang salita, taglay ng likhang-sining ang relatibong kasarinlan dahil sa di-laging magkatugma ang proseso ng guniguni o kamalayan sa kapaligiran, sa takbo ng masalimuot na relasyong panlipunan.
Sa katunayan, walang dogmatikong proposisyong makasasapol sa komplikadong ugnayan ng iba’t ibang himaymay ng organikong operasyon ng bawat lipunan. Naipaliwanag na itong maigi ni Max Raphael sa pagsaad na “economic life does not produce anything directly of itself. It merely determines—within the terms laid down by the particular sphere itself—the manner in which the pre-existing thoughts are transformed and evolve” (1980, 79). Sa partikular na larang ng peryodismo’t publikong ritwal ng balagtasan, kaakibat ng kanilang transaksiyon diyalektikal, maitataya ang katuturan at bisa ng mga akda ni Ramos. Namamagitan sa bawat salita ang mitolohiya ng Kristyanidad, kaakibat ng minanang pamahiing pagano at makabagong elemento ng siyensiya at teknolohiyang laganap sa sistemang industriyal. Huwag din kalimutan na sa rehimen ng kapitalismong global, ang halagang-palitan (exchange-value) o salapi, ang dominanteng determinasyon, kaya balewala ang kalidad, halagang-gamit (use-value), o buod na birtud ng sining (Lifshitz 1973).  Ito ang paliwanag kung bakit puspos ng kontradiksyon ang matatagpuan sa bawat tula na nilulutas sa isang magayuma’t minsa’y nakagugulat na resolusyon. Samakatwid, hindi ang resolusyon ang importante kundi ang representasyon ng problema sa mararanasang paglalarawan (Balibar at Macherey 1996).
Dagdag pa, ang institusyon ng nilimbag na babasahin, na tumalukbong sa institusyon ng balagtasan, ay may diyalektikal na interaksiyon sa sistema ng edukasyon at burokrasya. Sa masaklaw na pag-usisa, kalakip ang mga institusyong ito sa aparatong ideolohikal  ng estadong ipinundar ng Estados Unidos. Mula sa dinamikong proseso ng mga praktika sa institusyong nabanggit umiigkas ang diwa’t damdamin ng makata.  Ang kalabuan ng pag-unlad ng buong lipunan ay maililinaw kung isasangkot ang totalidad ng kongkretong detalye’t determinasyon sa isang takdang yugto ng kasaysayan sa lipunan. Samakatwid, ang panulaan ni Ramos ay makikilatis at matitimbang kung ilalagay ito sa yugto ng krisis ng pagsugpo sa huling pagtatanggol nina Ricarte at Sakay hanggang sa pagbuo ng Partido Nacionalista noong dekada 1920-1930. 
Ang krisis ay sumulpot sa kasukdulan ng rebelyon noong dekada 1930. Naisiwalat na huwad ang angkin ng Partido Nacionalista na sila ang kinatawan ng sambayanan; sa halip, lumantad na magkatunggali ang mayamang politikong namamahala ng Komonwelt (sa ilalim ng imperyong Amerikano) at ang tunay na kapakanan ng nakararaming mamamayan. Naibilad ang matining na kontradiksyon ng masang inaapi at  ilang uring umaapi.
Maiging naisadula itong etikal-moral na posisyon ng makabayang intelektuwal sa mapagbirong siste sa “Pag-ibig na Sawing-sawi”(inilathala noong Agosto 30, 1930) at sa “ibig Kong Makita.” Taglay ng mga adka ang himig, retorika at imahen ng pasyon at literaturang pamagpanuto, magkahalong dalit-puri at mapanuligsang dalumat:

Ibig kong makita ang pamahayagang hindi nasisilaw
sa mga anuns’yo at sa mga Apong makapangyarihan;
ibig kong makita ang hukbo ng mga manunulat diyang
hindi magkakasya sa mga papuri upang makalugdan;…
ibig kong makita ang bayang dakilang pangarap ni Rizal,
ang bayang may budhi at di natatakot sa mga dayuhan!  (1998, 162)

Inilathala noong Febrero 1929, itong “Ibig Kong Makita” ang tila pahimakas ni Ramos sa institusyon ng Batasang nagkupkop sa kanya bilang kawani, sa tangkilik ni Quezon. Itiniwalag siya sa kanyang pagtalima sa tanawing iginuhit niya rito, mga pagnanais na hindi pansarili kundi sa ngalan ng buong komunidad. Ang persona ng makata ay tambuli ng magkabuklod na damdamin at hinagap ng nakararami, patibay na ang buod ng indibidwal ay hindi maibubukod sa praktikang sumasagitsit sa dinamikong proseso ng ugnayong panlipunan, ang buong aktibidad ng lipunan sa bawat tiyak na yugto ng kasaysayan (Marx & Engels, “Theses on Feuerbach,” 1968, 29-30). Sa dagling salin, tinig ng sambayanan ang maling hinala ng marami na iyon ay nangungulilang boses ng makata sa gubat. Sa balik-tanaw, maigting na magkasanib sila: ang “ako” ng makata ay mahigpit na katalik ng “tayo” ng sambayanan sa diyalektika ng rebolusyon.

Balangkas ng Teorya, Katas ng Praktika

Sa aking palagay, ang dalisay na pagbabagong naipasok ni Ramos ay masasaksihan sa indayog at tekstura ng mga imaheng nakapaloob sa tulang “Ang Kurus ng Puso,” “Kahabag-habag,” at marami pang iba. Kakaiba’t nakamamanghang pagtuhog ng iba’t ibang salita ang mapapansin, ngunit hindi nalalayo sa indayog at masinsing pagsusunod ng makakaibang tunog na tatak ng kumatha ng Florante at Laura. Ibang paksa o laman, ngunit kahawig ang dating ng bigkas. Pasaring ng iba na “magaspang ngunit madamdamin” (Almario 1985, 68) ang pagtula ni Ramos, hindi matamis, kalkulado, malamukot o malamyos tulad ng kanyang mga kapanahon. Walang bale ang mga pang-uring ito kung hindi isasaalang-alang ang istruktura’t pakay ng tinig na nangungusap sa tula.
Isaisip natin ang kategorya ng diskursong sinusuri. Siyasatin kung ang hirit at tudla ay nakatumbok sa indibidwal na sitwasyon ng maraming protagonista. Himayin ang mga antas ng kontradiksiyon. Sa tulang “Ang Ngiti ni Dora,” dalawang saknong ang naiukol sa paglalarawan ng ngiti ni Teodora Alonso nang isilang ang bayani. Sa malas, ito’y partikular na detalye sa mukha ng ina, mistulang mimetiko o simpleng pagkopya ng hitsura ng tingin. Ngunit kung paglilimiin, higit sa pisikal na detalye ang masisinag sa matingkad na paghahambing sa estropang sumusunod:

Ngiting isang langit ang idinudulot nang buong-pagsuyo,
ngiting purgatoryo ang handa at laan sa diwang palalo,
ngiting kadalasa’y magtampong-sumamo,
umayaw-umibig, magalit-manuyo,
lumayo-lumapit, mangdahas-bumiro,
Ngiting kamayangan na tuwa’t ligaya ang iniaalo
sa pag-uumusok, na di naglulubay, hindi naghihinto
ng buong damdamin, buong-buong diwa, buong-buong puso.
Liwayway ng araw kung nag-uumagang hindi naglalaho,
anag-ag at sinag na laging kasama’t kalagu-laguyo
ang sila-silahis, ali-aliwayway na may kulay dugo,
alu-aluningning ali-alitaptap na pakitang-tago, 
na minsang dumagsang parang tinatabo,
parang sinasalok upang mailuwal sa loob ng pintong
kinaroroonan ng libong parusa’t paghamak na lalo.(1998, 26-27)

Lumilitaw na ang ngiti ay okasyon ng sari-saring hinuha, damdamin, hagilap, isip at layon.  Lumalagpas ang bugso ng paghanga sa taning ng pagpupugay sa isang tao, humihigit ang enerhiyang naibuhos dito para lamang dakilain ang ina ni Rizal. Umaapaw ang hibo’t udyok ng damdamin, higit pa sa alegorikal ng haraya ng ina sa tradisyon o ng inang hinubog ng mga militanteng peminista (konsultahin sina Maceda 1995; Torres-Yu ). Hindi ideolohiyang maternal ang tema rito kundi ang pinagsasamantalahang uri ng mga pesante’t magsasaka, na itinuring na babae sapagkat wala silang lakas upang umugit sa pagpapaunlad ng kanilang kabuhayan.

Pagnilayin natin na nabihag ang Inang Pilipinas ng imperyalismong Amerikano. Nagahis, naghihinagpis, at umaasang ililigtas. Naipunla sa malay ng makabayang awtor ang nasang sagipin ang inang humihibik, kahawig nina Joselynang Baliwag at mga kapatid sa ilang kundiman. Masidhing daloy ng damdamin ang masasalat sa mga tulang ukol sa nasawing babae, nagkahiwalay na mag-asawa o nabigong sintahan, tulad ng “Nasilaw sa Dilim,” “Ang Marapat Gawin,” “Ako’y Natatakot, “ “Himala,” “Patawad,” “Nasawi” at iba pa.  Sa dalawang tulang lumabas noong 1911 sa Renacimiento Filipino, ipinatalastas na ang makata’y siyang tutubos sa biktima ng karahasan:

Oo, asahan mo na sa pagkasilaw sa nakitang dilim,
at sa di mo talos na takbo ng palad na iyong daratni’y
alalahanin mo ang di mapaparam na aking hinaing:
magpakasawa ka sa buhay na bago na ngayo’y inangkin,
at kung malanta ka’y naririto akong laan kang kupkupin
laan kang iimis sa langit ng buhay. Kita’y tutubusin.  (1998, 18)

Kasangkapan pa rin ang relihiyosong mito ng taga-pagligtas na nakaluklok sa komunidad na nakikiramay at handang sumugod upang tumubos:

Oo, maging Kristo. Maging mananakop ng nangagkasala,
ng nangababagabag sa laot ng palad, ng nangagdurusa;
kaysa maging pataw ng pagkapalunging dulot ng nauna,
ng isang naghudas sa kimkim na puri ng iyong asawa.
Huwag manghilakbot ang budhi mong taglay sa pag-alimura
ng balat-sibuyas nating kapisanang sa iyo’y tatawa;
ang mata’y pikit: taglayin sa diwa ang isang pag-asa
na lalong dakila ang nagsisibuo ng nangapapaka
at ang sumasagip sa nangalulunod ay taong kapara
ng anak ng Diyos na nagbigay-tawad sa kay Magdalena. (1998, 20)

Makitid at mababaw ang hinuhang personal lamang ang pagninilay, hinaing, sumpa’t pangakong naikumpisal dito. Lampas sa sikolohikal na antas, sumisingaw ang konotasyong etikal-moral sa pakikipagkapwa.  Sumasaklaw ito sa kagipitan at kahirapang dinaranas ng mga pamilya, na kaagapay ng krisis sa pamumuhay ng sambayanan. Bunyag ang pampulitikang ambil sa trahedya ng buong komunidad na siyang masustansyang tema ng sining ni Ramos.

Hindi Sapat ang Interpretasyon Lamang

Naibadya na sa itaas ang alegorikong estratehiya ni Ramos. Nais kong igiit muli ang argumento ng kritika ko. Ang kontradiksiyon ng indibidwalistiko-burgesyang pananaw at anti-imperyalistang pakikibaka ng nagkakaisang-hanay ng mga kolonisado ay nagtakda ng porma’t estilo ng mga tula ni Ramos. Sa mala-romantikong pakiusap sa isang sinusuyo o matalik na kaibigan, inalagaan ang pagkakaisa ng komunidad. Tumagal ito hanggang 1930. 
Nang matuklasan ang sumisiglang kilusan ng mga magbubukid nang itatag ang partido Sakdalista, naging entablado ng makata ang kinamihasnang padron upang itaghoy ang malalang pagdurusa’t pambubusabos sa kababayan sa mga tulang “Asyenda,” “Independence Congress,” “Mayayaman,” “Ang Sawi,””Galit,” “Naniwala Ako,” at mga tulang inilathala sa Sakdal. Sa ika-anim na kaarawan ng pahayagang nabanggit, ipinagdiwang niya “Ang Guro ng Lahi.” Talinghagang ginamit ang “inang nagtuturo sa anak na mahal” ng “gintong kaisipan” upang di mapaglalangan ng”mapagkunwaring pinunong tulisan.” Natanaw ng mamamahayag ang tagumpay, ang “bukang-liwaywa…kapag narinig na ang putok ng bulkan/ iya’y hudyat nitong ating Kasarinlan!”  Kaagapay ang kalikasan sa mobilisasyon ng sambayanan.
Patuloy ang tagisan ng lungsod (balwarte ng kolonyalismong kapital) at kanayunan (pagtutulungan ng mga kasama). Pambansang demokrasya pa rin ang mithiing pumapatnubay sa imahinasyon.  Maari pang isandata ang tradisyonal na mito, alamat, awiting-bayan, ritwal. Kasabwat pa rin ang kalikasan ng makata’t sambayanan, hindi pa nabubulid sa alyenasyon at reipikasyon sa pabrika’t burokrasya. Sumisingit pa rin sa puwang ng palabiro’t mapang-uyam na banat sa ipokrisya ng mala-burgesyang sosyedad ang malambing o malamyos na tinig sa “Pagkakaiba,” “Ang Payo,” “Huwag Kang Lumuha,” at sa matimping pamimighati sa “Walang Hanggan.” Ang malungkutin at malambing na salamisim ay nagkaroon ng publikong ambil at intonasyon.
Marahil bunga ito ng praktika sa balagtasan, duplo, karagatan, at iba pang maligayang pagdiriwang. Makalipunang dalumat at sensibilidad ang namamayani sa kulturang katutubo. Matutukoy na ito’y testigo sa naimungkahi kong alegoryang pambansa ang naisakatuparan ng panulat ni Ramos. Patunay ito sa talinghagang pangmadla na ipinanukalang lente para sa panitik ng mga inalipin at sinakop, sa binitawang proposisyon ni Fredric Jameson: “Third-world texts, even those which are seemingly private and invested with a properly libidinal dynamic—necessarily project a political dimension in the form of national allegory: the story of the private individual destiny is always an allegory of the embattled situation of the public third-world culture and society” (2000, 320).  Samakatwid, di man tangka o akala, laging kasapakat at karamay ang manunulat/intelektuwal sa makabayang pakikibaka para sa kalayaan at kaunlaran. Nagbubuhat ang kaakuhan o kasiyaan ng indibidwal, ang partikular na halaga, mula sa pusod ng ugnayang panlipunan, pakikipagtulungang unibersal.
Hindi maitatatwa na kasangkot ang sining sa digmaan ng mga uri’t bansa sa lipunang sinakop. Dito sandaling maisusulit ang problema ng paghingi ng tulong sa Hapon ni Ramos simula pa nang itatag niya ang partidong Sakdalista. Kabalikat si Ramos ng nasyonaistikong pagsisikap na sinimulan ng Katipunan at ipinagpatuloy nina Isabelo de los Reyes, Lope K. Santos, Crisanto Evangelista, at Pedro Abad Santos sa bandila ng kasarinlan at sosyalismo (Saulo 1969; Fegan 2000) . Lumaban siya sa kolonyalismong Amerikano at oligarkong alipores nito, ang liderato nina Quezon, Osmena at Roxas. Liberasyon ng bansang Pilipinas ang adhika ni Ramos, katubusan ng masang manggagawa’t magbubukid ang pumatnubay sa kanya bilang tao at manlilikha. Sa gayon, hindi siya traydor kundi bayani ng lahi.
Bago ko wakasan ang panimulang saliksik na ito, nais kong sipiin dito ang isang tulang itinuring na modelo  ng “Kung Tuyo na ang Luha mo, Aking Bayan” ni Amado V. Hernandez. Iyon ang tulang “Huwag Kang Lumuha” ni Ramos na lumabas noong 1929-30, sa panahong naging biktima siya ng aristokratikong administrasyon ni Quezon.  Subalit ang hantungan nito ay hindi tahimik na pagtitiis tulad ng mga hibik at hikbi sa mga kundiman. Ang tunguhin ay isang babala, banta ng paghihiganti. Maitanong pa: anong aral ang mahuhugot dito bukod sa batas ng pagbabago, kabaligtaran, balighong galaw ng mundo? Masdan ang diyalektikang agos ng pangungulila’t pakikipagtulungan, indibidwalismo’t pakikibahagi—ang tagisan ng sakim na mananakop at mapag-arugang anakpawis, ng proletaryo’t kapital. Paradigmatikong estilo ni Ramos ang nakalarawan dito:

Di mo ba nakitang nang ikaw’y matuwa
ang lahat ng tao’y natuwa ring pawa?
Di mo ba nakitang nang ikaw’y lumuha
wala isa mang lumuha’t naawa?

Ang mundo ay talagang ganito kailanman
mabuti sa lugod, ilag sa may lumbay;
habang nagwawagi ay magkaibigan,
habang nalalagpak ay binabayaan.

Habang mayaman ka’y Diyos ka ng lahat,
habang nasa p’westo’y pagkasarap-sarap;
ngunit sa sandaling ikaw ay mabagsak
pati kawani mo’y di na mahagilap!

Kaya ang mabuti habang may tagumpay
magpakasawa ka sa kaligayahan,
patawarin mo na ang sangkatauhan,
sabugan ng tuwa ang nangalulumbay.

At pagdumating na ang araw ng lungkot,
pag ikaw’y lumagpak sa dati mong tayog, 
huwag kang lumuha, kunin mo ang gulok
at patayin mo na ang buong sinukob. (1998, 181)


Paglalagom:  Transisyonal na Gahum

Batay sa katibayan ng kanyang panulaan, hindi bumaligtad si Ramos sa kanyang panatang isatinig ang budhi’t damdamin ng madla. Hinagap niyang siya’y wasto sa kanyang pagpapasiyang magpatuloy sa kanyang naumpisahan. Hindi niya ipinagkanulo ang esensiya ng kanyang pananalig sa kolektibong kapakanan ng masa, hindi niya tinalikuran ang pangarap na tubusin ang inang bayan sa pagkasadlak. Tulad nina Laurel, Recto at iba pang nasyonastikong liderato ng Komonwelt, sumunod siya sa pansamantalang taktikang pakikitungo sa Hapon sa panahon ng digmaan na diumano’y may pahiwatig na pagsang-ayon ni Quezon (Steinberg 1967). Hindi niya lubos na naintindihan na ang pasista-militaristang nasyonalismo ng Hapon ay hindi katugma sa mapagpalayang prinsipyo ng rebolusyong Pranses, o maski na ang pilosopiya ni Sun Yat-sen sa isang tula niyang may epigraph: “Christ died to make men holy / Let us die to make men free” (1998, 85). Nadala siya ng propaganda ng “Co-Prosperity Sphere,” ng himok na ipailalaim ang identidad  na partikular ng Pilipino sa Asyatikong unibersalidad.  
Maraming kababayan ang sumasamba sa unibersalidad ng globalisasyon ngayon, isang pagkakamaling hindi naiwasan ni Ramos. Maikakabit sa kaso ni Ramos ang taludtod na ito mula sa tulang “Dili-dili”: “Magandang lalaki: Kung nagtaksil ka ma’y di rin nagmamaliw / ng gawang pag-ibig ang pinagtaksilang bayang maramdamin” (1998,50).  Bukas na suliraning pampulitika pa ito hanggang ngayon na dapat talakayin sa isang historiko-materyalismong paraan. Kung hindi, marahil alimura’t kaululan lamang ang mapapala. Sa kalakarang konsensus sa kritika, walang pag-aalinlangang si Benigno Ramos ay “poeta revolucionario.” Isa siya sa mga magiting na mandirigmang makabayan na naghandog ng matalim, mapangahas at maalindog na sandatang mailalapat sa proyektong hanggang ngayon ay ating ipinaglalaban sa siglo ng terorismog digmaan: ganap na kasarinlan ng Pilipinas, hustisyang panlipunan, demokrasyang pambansa, dignidad ng bawat mamamayan, mapagkalingang pakikitungo sa kalikasan, at masaganang kinabukasan sa sangkatauhan. ##

SANGGUNIAN

Abueg, Efren.  1973.  Parnasong Tagalog ni A.G.Abadilla.  Manila: MCS Enterprises Inc.
Agoncillo, Teodoro. 1965.  The Fateful Years: Japan’s Adventure in the Philippines 1941-45.  Quezon City: R.P. Publishing Inc.
—— and Milagros Guerrero.  1970.  History of the Filipino PeopleQuezon City: R.P. Garcia Publishing Co.
Allen, Jsmes S.  1993.  The Philippine Left on the Eve of World War II.  Minneapolis, MN: MEP.
Almario, Virgilio.  1984. Balagtasismo Versus Modernismo.  Quexon City: Ateneo de Manila University Press.
——-.  1985.  Taludtod at Talinghaga. Ed. Romulo Sandoval. Quezon City: Aklat Balagtasyana.
——.  2006.  Pag-unawa sa ating Pagtula.  Manila: Anvil Publishing Co.
Angeles, Epifania, Narciso Matienzo, & Jose Villa Panganiban.  1972.  Panulaang Tagalog.  San Juan: Limbagang Pilipino.
Balibar, Etienne & Pierre Macherey.  1996.  “On Literature as an Ideological Form.”  Nasa sa Marxist Literary Theory, edited by Terry Eagleton and Drew Milne.   Oxford,UK: Blackwell.
Balmaceda, Julian Cruz.  2013.  “Ang Tatlong Panahon ng Tulang Tagalog.”  Nasa sa Mga Lektura ng Kasaysayan ng Panitikan. Ed. Galileo Zafra.  Manila: Komisyon sa Wikang Filipino.
Caudwell, Christopher.  1937.  Illusion and Reality.  New York: International Publishers.
Constantino, Renato.  1975.  The Philippines: A Past Revisited.  Quezon City: Tala Publishing Services.
EILER (Ecumenical Institute for Labor and Research).  1982.  Manggagawa: Noon at Ngayon.  MetroManila, Philippines: EILER.
Fegan, Brian. 2000.  “Dionisio Macapagal: A Rebel Matures.”  Nasa sa Lives at the Margin. Ed. Alfred McCoy.  Madison: Center for Southeast Asian Studies.
Fischer, Ernst.  1963.  The Necessity of Art.  Baltimore, MD: Penguin Books.
Goodman, Grant K.  1967.  Four Aspects of Philippine-Japanese Relations 1930-40.  New Haven: Yale University Press.
Guerrero, Amado.  1971.  Lipunan at Rebolusyong Pilipino.  Maynila, Pilipinas: Lathalaang Pulang Tala.
Jameson, Fredric.  1971.  Marxism and Form. Princeton, NJ: Princeton University Press.
——-.  2000.  “Third-world Literature in the Era of Multinational Capitalism.”  In The Jameson Reader.  Ed. Michael Hardt and Kathi Weeks.  Oxford: Blackwell.
Labor Research Association.  1958.  U.S and the Philippines.  New York: International Publishers.
Lachica, Eduardo.  1971.  Huk: Philippine Agrarian Society in Revolt.  Manila: Solidaridad.
Lifshitz, Mikhail.  1973.  The Philosophy of Art of Karl Marx.  London: Pluto Press.
Lumbera, Bienvenido. 1967.  “The Literary Relations of Tagalog Literature.”  Nasa sa Brown Heritage.  Ed. Antonio Manuud.  Quezon City: Ateneo de Manila University Press.
—— & Cynthia Nograles-Lumbera.  1982. Philippine Literature: A History and Anthology.  Manila: National Bookstore.
Maceda, Teresita.  1993.  “Imahen ng Inang Bayan sa Kundiman ng Himagsikan.” Nasa sa Ulat sa Ikatlong Pambansang Kumperensya sa Sentenaryo ng Rebolusyong 1896. Baguio City: Unibersidad ng Pilipinas Kolehiyo sa Baguio at Benguet State University.
Marx, Karl and Friedrich Engels.  1968.  “Theses on Feuerbach.” Selected WorksNew York: International Publishers.
——-.  1973.  Marx and Engels on Literature and Art.  Ed. Lee Baxandall and Stefan Morawski.  St Louis/ Milwaukee: Telos Press.
Panganiban, Jose Villa and Consuelo Torres-Panganiban.  1954.  Panitikan ng Pilipinas.  Quezon City: Bede’s Publishing House.
Pomeroy, William J.  1970. American Neo-Colonialism.  New York: International Publishers.  
Ramos, Benigno.  1998.  Gumising Ka, Aking Bayan!  Quezon City: Ateneo University Press.
Raphael, Max.  1980.  Proudhon  Marx  Picasso.  New Jersey: Humanities Press.
Regalado, Inigo.  2013.  “Ang Panulaang Tagalog.”  Nasa sa Mga Lektura sa Kaysaysayan ng Panitikan.  Manila: Komisyon ng Wikang Fillipino.
Richardson, Jim.  2011.  Komunista. Quezon City: Ateneo de Manils University Press.
Saulo Alfredo B.  1969.  Communism in the Philippines: An Introduction.  Quezon City: Ateneo Publications Office.
Santos, Lope K.  1996.  “Mga Katangian ng Tulang Tagalog.”  Nasa sa Poetikang Tagalog, pinagmatnugutan ni Virgilio Almario.  Quezon City: Sentro ng Wikang Pilipino.
Scott, William Henry.  1992.  The Union Obrera Democratica: First Filipino Labor Union.  Quezon City:  New Day Publishers.
Steinberg, David Joel.  1967.  Philippine Collaboration in World War II.  Ann Arbor: University of Michigan Press.
Sturtevant, David.  1976.  Popular Uprisings in the Philippines, 1840-1940.  Ithaca: Cornell University Press.
Taylor, George E.  1964.  The Philippines and the United States: Problems of Partnership.  New York:  Frederick Praeger.
Terami-Wada, Motoe.  1988.  “Benigno Ramos and the Sakdal  Movement.”  Philippine Studies 36: 427-42.
Thomson, George.  1946.  Marxism and Poetry.  New York: International Publishers.
——-.  1974.  The Human Essence.  London: China Policy Study Group
Tolentino, Delfin Jr.  1998.  “Paunang Salita.”  Gumising Ka, Aking Bayan! ni Benigno Ramos.  Quezon City: Ateneo University Press.
Torres-Yu, Rosario.  2011.  Alinagnag.  Manila: University of Santo Tomas Press.


###

PARA KANINO TUMUTUGTOG BONG BONG BONG

$
0
0
 BONG BONG  BONG —  PARA KANINO — BONG  BONG —TUMUTUGTOG?
[Pagmumuni-muni ng isang matandang magulang]

ni E. San Juan, Jr.


Ewan ko’t nalimutan ko na’ng 50,000 libong mamamayang inaresto simula ideklara ang martial law
Ewan ko’t nalimutan ko ang baho’t nakasusukang selda sa Fort Bonifacio
Ewan ko ba’t nalimutan ko ang bagsik ni Lt. Arturo Castillo ng Constabulary Anti-Narcotic Unit nang dakpin si Liliosa Hilao, edad 21 anos, noong April 1973
Binugbog ginahasa’t pinatay si Liliosa—Ay, ewan namin, sabi ng militar kina Alice at Josefina Hilao

Hindi ko na maalala na inabuso rin ang magkapatid Amaryllis at Josefina 
Hindi ko maalala kung si Santiago Arce, Katolikong lider ng magsasaka sa Abra, ay kasangkot sa NPA—iyon ang bintang
Hindi ko maalala kung apat na araw siyang tinortyur bago barilin noong 7 Setyembre 1974
Sumigaw at tumiling nakatutulig habang kinukulata ang mukha’t katawan

Wala akong gunita sa paghuli kina Fr. Manuel Lahoz at Fr. Edicio de la Torre noong Disyembre 1974
Wala akong gunita sa pagparusa sa aktibista, ayon sa Amnesty International 
Wala akong gunita kung sa Metrocom Fort Bonifacio o Camp Crame nilapat ang electric shock truth serum Russian Roulette at ibang marahas na—-
Maski bigwasan o buntalin nila ako, di ko kabisado ang kabuktutan ng diktador

Pinilit kong tandaan kung paano sinaktan si Maria Elena Ang, edad 23 anos
Pinilit kong tandaan kung sina Polly Caramel & Vic Ambao ng MIG AFP ang bumiktima sa kanya
Pinilit kong tandaan kung paano pinaslang si Purificacion Pedro noong 23 Enero 1976
Binigti siya sa kubeta, hindi ko matiyak kung si Col. Miguel Aure ng 5th Constabulary Security Unit ang berdugong tumampalasan

Nawaglit sa memorya ang aklasan ng mga bilanggong pulitikal sa Camp Olivas noong Marso 1976
Nakuhang maisip sina Isabelita del Pilar-Guillermo’t Elita Ponce-Quitong nagpapasuso sa mga sanggol—may bakas ng lupit kayang naiwan?
Aksidenteng sumaglit sa malay ang tinig nina Armando Teng Julius Giron  Agaton Topacio, pati sina Lt Amante Bersamin at puta’ngnang Juan Ponce Benrile
Ay naku, wala pong tangkang ipaghele pa ang kasuklam-suklam na alipustang dinanas ng mga kaibiga’t kasama

Banggitin na lamang sina Iluminada Papa  Josefina Hilao  Eugenia Magpantay  Linda Taruc-Co  Nelia Sancho  Violeta Sevendal-Hilao sa Bicutan, huwag kaligtaan sina Hilda Narciso  Judy Taguiwalo & maraming biktimang lumaban sa diktaduryang Marcos-US imperyalismo

Di kinukusang dumadaluhong ang mga gunita’t alaalang dumadamba sa panaginip gumigiit gumigipit ibig makahulagpos

Kaya paano ko pahihintulutang ilibing ang bangkay ng halimaw kung minumura’t tinatadyakan 
Ang kaluluwa’t katawan hanggang ngayon— Narinig kong may pagbabagong darating sa rehimeng Duterte—hustisya? katarungan?  hanggang 
Kumalembang muli sa Balangiga—Bong! Bong!—Bong!  Bong!
gumigising sa budhi’t kamaong duguan ng buong sambayanan….—##


Forthcoming book by E.SAN JUAN, FILIPINAS EVERYWERE, De La Salle University Publishing House

DUTERTE'S LOGOMACHIA: LES DAMNES DE LA TERRE STRIKES BACK

$
0
0
FIRE-STORM FROM THE BOONDOCKS:  On President Duterte’s  Logomachia and Subaltern Realpolitik in the Philippines



by E. SAN JUAN, Jr.
Emeritus Professor of Ethnic Studies & Comparative Literature; Professorial Lecturer, Polytechnic University of the Philippines


“A howiing wilderness” was what General Jacob Smith ordered his troops to make of Samar, Philippines. He was taking revenge for the ambush of fifty-four soldiers by Filipino revolutionaries in September 1901. After the invaders killed most of the island’s inhabitants, three bells from the Balangiga Church were looted as war trophies; two are still displayed at Warren Air Force Base, Cheyenne, Wyoming. Very few Americans know this. Nor would they have any clue about the 1913 massacre of thousands of Muslim women, men and children resisting General Pershing’s systematic destruction of their homes in Mindanao where President Rodrigo Duterte today resides. 

Addressing this dire amnesia afflicting the public, both in the Philippines and abroad, newly-elected president Duterte began the task of evoking/invoking the accursed past. He assumed the role of oral tribune, with prophetic expletives. Like the Filipino guerillas of Generals Lukban and Malvar who retreated to the mountains (called “boondocks” by American pursuers from the Tagalog word “bundok,” mountain), Duterte seems to be coming down with the task of reclaiming the collective dignity of the heathens— eulogized by Rudyard Kipling, at the start of the war in February 1899, as “the white men’s burden.”

Mark Twain: “Thirty Thousand Killed a Million”

The Filipino-American War of 1899-1913 occupies only a paragraph, at most, in most US texbooks, a blip in the rise of the United States as an Asian Pacific Leviathan. Hobbes’ figure is more applicable to international rivalries than to predatory neoliberal capitalism today, or to the urban jungle of MetroManila.  At least 1.4 million Filipinos (verified by historian Luzviminda Francisco) died as a result of the scorched-earth policy of President McKinley.  His armed missionaries were notorious for Vietnam-style “hamletting.” They also practised the “water-cure,” also known as “water-boarding,” a form of torture now legitimized in a genocidal war of terror (Iraq, Afghanistan)  that recalls the ruthless suppression of Native American tribes and dehumanization of African slaves in the westward march of the “civilizing Krag” to the Pacific, to the Chinese market. Today the struggle at Standing Rock and Black-Lives-Matter are timely reminders. Stuart Creignton Miller’s 1982 book, “Benevolent Assimilation,” together with asides by Gabriel Kolko and Howard Zinn, recounted the vicissitudes of that bloody passage through Philippine boondocks and countryside.

Not everyone acquiesced to Washington’s brutal annexation of the island-colony. Mark Twain exposed the hypocrisy of  Washington’s “Benevolent Assimilation” with searing diatribes, as though inventing the “conscience” of his generation. William James, William Dean Howells, W.E.B. DuBois and other public intellectuals denounced what turned out to be the “first Vietnam” (Bernard Fall’s rubric). 

It was a learning experience for the conquerors. In Policing America’s Empire, Alfred McCoy discovered that America’s “tutelage” of the Filipino elite (involving oligarchic politicians of the Commonwealth period up to Marcos and Aquino) functioned as a laboratory for crafting methods of surveillance, ideological manipulation, propaganda, and other modes of covert and overt pacification. Censorship, mass arrests of suspected dissidents, torture and assasination of “bandits” protesting landlord abuses and bureaucratic corruption  in the first three decades of colonial rule led to large-scale killing of peasants and workers in numerous Colorum and Sakdalista uprisings. 

Re-Visiting the Cold War/War of Terror

This pattern of racialized class oppression via electoral politics and discipiinary pedagogy culminated in the Cold War apparatus devised by CIA agent Edward Lansdale and the technocrats of Magsasay to suppress the Huk rebellion in the two decades after formal granting of independence in 1946. The machinery continued to operate in the savage extrajudicial killings during the Marcos dictatorship up to Corazon Aquino’s “total war” against nationalists, progressive priests and nuns, Igorots, Lumads—all touted by Washington/Pentagon as the price for enjoying  democracy, free market, the right to gamble in the capitalist casino. This constitutes the rationale for U.S.-supported counterinsurgency schemes to shore up the decadent, if not moribund, status quo—a society plagued by profound and seemingly durable disparity of wealth and power—now impolitely challenged by Duterte.

Not a single mass-media article on Duterte’s intent to forge an independent foreign policy and solve corruption linked to narcopolitics, provides even an iota of historical background on the US record of colonial subjugation of Filipino bodies and souls. This is not strange, given the long history of Filipino “miseducation” documented by Renato Constantino. Perhaps the neglect if not dismissal of the Filipino collective experience is due to the indiscriminate celebration of America’s success in making the natives speak English, imitate the American Way of Life shown in Hollywood movies, and indulge in mimicked consumerism. 

What is scandalous is the complicity of the U.S. intelligentsia (with few exceptions) in regurgitating the “civilizing effect” of colonial exploitation. Every time the Filipino essence is described as violent, foolish, shrewd or cunning, the evidence displays the actions of a  landlord-politician, bureaucrat, savvy merchant, U.S.-educated professional, or rich entrepreneur. Unequal groups dissolve into these representative types: Quezon, Roxas, Magsaysay, Fidel Ramos, etc. What seems ironic if not parodic is that after a century of massive research and formulaic analysis of the colony’s underdevelopment, we arrive at Stanley Karnow’s verdict (amplified in In Our Image) that, really, the Filipinos and their character-syndromes are to blame for their poverty and backwardness, for not being smart beneficiaries of American “good works.” “F—ck you,” Duterte might uncouthly respond.

Hobbes or Che Guevarra?

An avalanche of media commentaries, disingenously purporting to be objective news reports, followed Duterte’s campaign to eradicate the endemic drug addiction rampant in the country. No need to cite statistics about the criminality of narcopolitics infecting the whole country, from poor slum-dweller to Senators and moguls; let’s get down to the basics. But the media, without any judicious assaying of hearsay, concluded that Duterte’s policy—his public pronouncement that bodies will float in Manila Bay, etc.—caused the killing of innocent civilians. His method of attack impressed the academics as Hobbesian, not Machiavellian. The journalistic imperative to sensationalize and distort by selective framing (following, of course, corporate norms and biases) governs the style and content of quotidian media operations.

Is Duterte guilty of the alleged EJK (extrajudicial killings)? No doubt, druglords and their police accomplices took advantage of the policy to silence their minions. This is the fabled “collateral damage” bewailed by the bishops and moralists. But Obama, UN and local pundits associated with the defeated parties seized on the cases of innocent victims (two or three are more than enough, demonstrated by the photo of a woman allegedly cradling the body of her husband, blown up inTime (October 10) and in The Atlantic, September issue, and social media) to teach Duterte a lesson on human rights, due process, and genteel diplomatic protocols. This irked the thin-skinned town mayor whose lack of etiquette, civility, and petty-bourgeois decorum became the target of unctuous sermons.

Stigma for All Seasons: “Anti-Americanism”

What finally gave the casuistic game away, in my view, is the piece in the November issue of The Atlantic by Jon Emont entitled “Duterte’s Anti-Americanism.” What does “anti-Americanism” mean—to be against McDonald burgers, Beyonce, I-phones, Saturday Night Live, Lady Gaga, Bloomingdale fashions, Wall Street, or Washington-Pentagon imperial browbeating of inferior nations/peoples-of-color? The article points to tell-tale symptoms: Duterte is suspending joint military exercises, separating from U.S. govt foreign policy (renewing friendly cooperation with China,”veering” toward Russia). 

Above all, Duterte is guilty of diverging from public opinion, meaning the Filipino love for Americans. He rejects US “security guarantees,” ignores the $3 billion remittances of Filipinos (presumably, relatives of middle and upper classes), the $13 million given by the U.S. for relief of Yolanda typhoon victims in 2013. Three negative testimonies against Duterte’s “anti-American bluster” are used: 1) Asia Foundation official Steven Rood’s comment that since most Filipinos don’t care about foreign policy, “elites have considerable latitude,” that is, they can do whatever pleases them. 2)  Richard Javad Heydarian, affiliated with De La Salle University, is quoted—this professor is now a celebrity of the anti-Duterte cult—that Duterte “can get away with it”; and, finally, Gen Fidel Ramos who contends that the military top brass “like US troops”—West-Point-trained Ramos has expanded on his tirade against Duterte with the usual cliches of unruly client-state leaders who turn against their masters. 

Like other anti-Duterte squibs, the article finally comes up with the psychological diagnosis of Duterte’s fixation on the case of the Davao 2002 bombing when a “supposed involvement of US officials” who spirited a CIA-affiliated American bomber confirmed the Davao mayor’s fondness for “stereotypes of superior meddling America.” The judgment seems anticllimatic. What calls attention will not be strange anymore: there is not a whisper of the tortuous history of US imperial exercise of power on the subalterns.
This polemic-cum-factoids culminates in a faux-folksy, rebarbative quip: “Washington can tolerate a thin-skinned ally who bites the hand that feeds him through crass invective.”  The Washington Post (Nov 2) quickly intoned its approval by harping on Ramos’ defection as a sign of the local elite’s displeasure. With Washington halting the sale of rifles to the Philippine police because of Duterte’s human-rights abuses, the Post warns that $ 9 million military aid and $32 million funds for law-enforcement will be dropped by Congress if Duterte doesn’t stop his “anti-US rhetoric.” Trick or treat? Duterte should learn that actions have consequences, pontificated this sacred office of journalistic rectitude after the Halloween mayhem.

On this recycled issue of “anti-Americanism,” the best riposte is by Michael Parenti, from his incisive book Inventing Reality: “The media dismiss conflicts that arise between the United States and popular forces in other countries as manifestations of the latter’s “anti-Americanism”….When thousands marched in the Philippines against the abominated US-supported Marcos regime, the New York Times reported, “Anti-Marcos and anti-American slogans and banners were in abundance, with the most common being “Down with the US-Marcos Dictatorship!” A week later, the Times again described Filipino protests against US support of the Marcos dictatorship as “anti-Americanism.” The Atlantic, the New York Times,and the Washington Post share an ideological-political genealogy with the Cold War paranoia currentlygripping the U.S. ruling-class Establishment.

Predictably, the New York Times (Nov. 3 issue) confirmed the consensus that the US is not worried so much about the “authoritarian” or “murderous ways of imposing law and order” (Walden Bello’s labels; InterAksyon, Oct 29) as they are discombobulated by Duterte’s rapproachment with China. The calculus of U.S. regional hegemony was changed when Filipino fishermen returned to fish around the Scarborough Shoal. Duterte’s “bombastic one-man” show, his foul mouth, his “authoritarian” pragmatism, did not lead to total dependency on China nor diplomatic isolation. This pivot to China panicked Washington, belyig the Time expert Carl Thayer who pontificated that Duterte “can’t really stand up to China unless the US is backing him” (Sept 15, 2016). A blowback occurred in the boondocks; the thin-skinned “Punisher” and scourge of druglords triggered a “howling wilderness” that exploded the century-long stranglehold of global finance capitalism on the islands. No need to waste time on more psychoanalysis of Duterte’s motivation. 

What the next US president would surely do to restore its ascendancy in that region is undermine Duterte’s popular base, fund a strategy of destabilization via divide-and-rule (as in Chile, Yugoslavia, Ukraine), and incite its volatile pro-American constituency to beat pots and kettles in the streets of MetroManila. 
This complex geopolitical situation entangling the United States and its former colony/neocolony, cries for deeper historical contextualization and empathy for the victims lacking in the Western media demonization of Duterte and his supporters, over 70% of a hundred million Filipinos in the Philippines and in the diaspora. For further elaboration, see my recent books US Imperialism and Revolution in the Philippines (Palgrave) and Between Empire and Insurgency (University of the Philippines Press).

_____


E. San Juan, Jr, an emeritus professor of Ethnic Studies and Comparative Literature, was a fellow of W.E.B. Du Bois Institute, Harvard University, Fulbright lecturer of American Studies at Leuven University, Belgium, is currently professorial lecturer, Polytechnic University of the Philippines, Manils. His e-mail: <philcsc@gmail.com>

Bagong libro: CARLOS BULOSAN: A Critical Appraisal by E. SAN JUAN, Jr.

$
0
0
Published by Peter Lang, Inc., New York, 2017




CARLOS BULOSAN  (1911-1956)


U.S. INTERBENSIYON SA PILIPINAS & KRISIS SA MARAWI, MINDANAO

$
0
0
INTERBYU KAY Prof. E. SAN JUAN, Jr., Polytechnic University of the Philippines

Hinggil sa Sitwasyon sa Mindanao & Buong Pilipinas





JVA:May masasabi po ba kayo sa pagpapataw ng gobyernong Duterte ng batas-militar sa Mindanao bilang huling paraan ng paglutas sa kaguluhan sa rehiyon dahil sa engkwentro sa pagitan ng militar at ng Maute sa Lungsod ng Marawi sa Lanao del Sur? Makakatulong po ba iyon sa paglutas sa mga problema sa Mindanao? 

ESJ: Sa simula pa, ang saligang pananaw ni Pres. Duterte ay awtoritaryang pamumuno. Kahawig ito ng mga nagdaang estilo ng pangangasiwa. Gamitin ang dahas, AfP/PNP, upang mapanitili ang Estadong neokolonyal at ekonomyang mapagsamantala. Madalas niyang ulitin na ipapataw niya ang martial-law buhat nang ilunsad ang anti-drug war at iburol ang labi ni Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Bagamat mahigit 8-10,000 biktima na, patuloy pa rin ang masaker ng mga ordinaryong sibilyan. 
Ang batas-militar ay sintomas ng lupaypay na neokolonyang orden, walang matinong suporta ang mamamayan, tulad ng diktadurya ni Pinochet, Duvalier, at mga heneral sa Brazil & Argentina. Bagamat mataas diumano ang poll rating ni Duterte, depende iyon sa publicity. Walang lehitimong katwiran ang Estado, kaya baril at bomba ang nalalabi upang sagipin ang istrukturang bumibiktima sa mayorya,laluna ang dinuhaging Bangsamoro. Sinamantala ng Maute/AbuSayaff ang daing at galit ng Moro laban sa komprador-kapitalistang rehimen. Hindi malulutas ng batas-militar ang problemang sosyal-pangkabuhayan. Sa halip, lalala ito.

·        JVA: Batid po ng maraming Pilipino ang marubdob na kahandaan ni Presidente Duterte na sumunod sa yapak ni dating Presidente Ferdinand Marcos pagdating sa pagpapataw ng batas-militar sa Pilipinas. Nalutas po ba talaga ng pagpapataw ng batas-militar sa ilalim ng gobyernong Marcos ang kaguluhan sa Mindanao at sa buong bansang Pilipinas? Batid po ba kaya ng gobyernong Duterte ang masalimuot na aral ng kasaysayan hinggil sa batas-militar sa bansang Pilipino at sa mga epekto nito sa bawat aspeto ng buhay-Pilipino?

ESJ: Hindi, lalong lumaganap ang gulo. Naging “chief recruiter” ng NPA si Marcos. Idolo ni Duterte si Marcos, subalit di niya alintana ang libong sibilyang pinaslang at tinortyur ng martial-law. Bumulusok ang ekonomya sa buong panahon ng diktadurya; naging “basket-case” ang Pilipinas. Sumabog ang rebelyon ng MNLF sa Mindanaw at libong nasawi sa engkuwentro, hanggang sa 1976 Tripoli Agreement sa tulong ni Muamar Qadaffi ng Libya—na pinatay ng US-UK-Nato kamakailan. 
Tumigil sandali. Walang pagbabago. Pinagpatuloy ng MILF at nang sumiklab ang 9/11 War on Terror, sinamantala ng ilan ang pagbuo ng Abu Sayyaf, kasabwat ang CIA at politikong lokal, upang magsilbing rason upang gawing base muli ng US Special Forces ang bansa pagkatapos patalsikin ang mga base noong 1992. Dahil sa VFA at EDCA, pinahintulutan sa kwadro ng 1947 Military Agreement na nagpundar ng JUSMAG, aktibo ang US SpecialForces sa atin—testigo ang P3 Orion surveillance plane na pinayagan ng gobyernong tumulong sa Marawi. Nagkalat din ang ahenteng CIA/FBI sa buong administrasyon.
Hindi lang mangmang tungkol sa epekto ng batas-militar ang rehimen, kundi tahasang sumusunod sa US Counter-Insurgency Guide ng 2009. Sa ilalim ng batas-militar, natural, ang mga opisyal ng AFP-PNP ang masusunod, hindi ang institusyong konstitusyonal. Hindi lang ang Peace Talks ng GRP-NDF ang nasugpo nito, pati iyong usapang ng gobyerno’t MILF. Kunsabagay, minamanipula ni Duterte ang lahat upang mapanatili ang estilo niya hanggang 2022.
Ang nakatulong sa bulagsak na rehimeng militar ni Marcos ay institusyon ng “overseas contract workers,” ang OFW ngayon, na hanggang ngayon ay siyang timbulan ng ekonomya—ilan bilyong dolyar ang remitans taun-taon, sapat na mabayaran ang utang-sa-labas ng gobyerno. Kapitalismong global ang naghahari hanggang ngayon. Kaya nariyan ang sandamakmak na konsumerismo sa megamall, maluhong life-style ng oligarkong dinastiya. Dekadensiya ng sistemang neokolonyal ang nangingibabaw sa kultura, Kongreso, korte, larangan ng pananampalataya, atbp.

·        JVA; Alam po natin na ang engkwentro sa pagitan ng militar at ng Maute sa Lungsod ng Marawi ay naganap sa kasagsagan ng pagbisita ni Presidente Duterte sa Russia. Naniniwala po ba kayo na ang nagaganap na kaguluhan sa lungsod ay posibleng pakana ng mga US at mga kasapakat nito sa loob ng gobyernong Duterte para magkaroon ng katuwiran para sa pagpapataw ng batas-militar, sa matinding presensyang militar ng US sa Mindanao, sa panghihimasok nito sa mga panloob na usapin ng bansang Pilipino sa tabing ng pagpigil sa banta ng ISIS, at pagsasagka sa pakikipag-usap ng gobyerno sa NDFP, MILF, at MNLF? Ano-ano naman po kaya ang mga posibleng epekto ng US military presence para sa mga nasa Mindanao, lalong-lalo na iyong mga Moro at Lumad?

ESJ:  Sa neokolonyang sitwasyon ng bansa, hindi mawawala ang US military presence. Lamang, gusto nilang nakakubli ito. Nais ng kapitalistang korporasyon, pati Washington, ang legal at konstitusyonal na gobyerno upang walang sagabal sa pagkamal ng tubo—ang surplus-value ng trabahador at pesante. Kahit man suportado ng CIA ang ISIS sa Syria, lokal na sirkontansya—ang walang hanap-buhay ng maraming Morong kabataan, ang miserableng kondisyon ng mga pesanteng Moro, ang bulok na Sultanate, atbp—ang pinagmumulan ng paglago ng Maute-AbuSayyaf. Gayundin ang problema ng droga. Walang pangkalahatang solusyon si Duterte, kundi dahas, tortyur, kidnaping, sindak at mura. 
Nabunyag na walang preparasyon at kakayahan ang AFP/PNP sa engkuwentro nitong Hunyo 9 sa Mandaya—13 sundalong patay, 40 sugatan, sa 14 oras na sagupaan. Buhat pa noong Mayo 23 hanggang ngayon, hindi umobra ang AFP/PNP sapagkat wala silang suporta sa mga sibilyan sa Marawi, na halos lumisan na. Hindi nakatulong ang mga puno ng barangay, mga lideratong lokal, patibay na maraming simpatetikong elemento ang Maute at si Isnilon Hapilon. Hindi ba patibay ito na walang hegemonya, o lideratong moral-intelektuwal, ang rehimen sa Mindanaw buhat pa noong panahon ng diktaduryang Marcos, o bago pa naitatag ang Commonwealth nina Quezon at Osmena noong 1935?


·        JVA:  Ano po ang inyong pagsusuri sa kasalukuyang sitwasyon sa Mindanao? Maari po ba ninyong ilahad ang tunay na kalagayan ng mga taga-roon, lalong-lalo na iyong mga Moro at Lumad na naapektuhan ng mga operasyon ng mga big mining companies, logging corporations, at agri-business plantations sa rehiyon? Ano-ano po ang mga epekto ng mga nabanggit na operasyong iyon sa kanilang kalagayan?

ESJ: Halos batid na ng lahat na ang Mindanao ang siyang pinakamayamang lupain sa bansa. Ngunit masahol ang karalitaan at hairapan ng marami, laluna sa mga Lumad na biktima ng mga vigilante, ayon sa lahat ng Surveys. Maraming OFW ang mula dito.
Patuloy ang pandarambong ng mga korporasyong dayuhan sa trozo, minahan, at plantasyon doon. Malaking potensiyal ang Liguasan Marsh sa pag-ani ng natural gas at petrolyo, bukod pa sa likas na mineral sa Surigao, Cotabato, Davao, Bukidnon, Zamboanga, atbp. Ano ang epekto nito?  Walang iba kundi malupit at mabangis na pag-abuso sa lahat ng populasyon. Hanggang hindi nabubuwag ang dependent ekonomya, minana pa sa kolonyang sitwasyon—taga-saplay ng hilaw na materyales, taga-angkat ng consumer goods; walang industriyalisasyong mabisa, murang produktong agrikultural, walang lupaing mapapagtamnan—patuloy ang paghihirap ng Bangsamoro, Lumad, at iba pang grupo sa Mindanao. Mikrokosmo ito ng buong bansa.

·      JVA:  Maari po ba ninyong ibuod ang mahabang kasaysayan ng kaguluhan sa Mindanao? Maari niyo rin pong ipaliwanag ang mga ugat-dahilan ng paglala ng kaguluhan sa rehiyon para malaman ng lahat na hindi iyon masosolusyunan ng kahit anong bihis ng panunupil at pandarahas ng estado, gaya ng batas-militar?

ESJ:   Masalimuot ito, pero sa isang salita: walang kontrol ang karaniwang tao sa lupain at iba pang kasangkapan sa produksiyon ng pagkain at basikong pangangailangan sa buhay.  Sa aking librong US Imperialism and Revolution in the Philippines (Palgrave 2007), nailagom ko ang kasaysayan ng political economy ng BangsaMoro. Reklamo nga nga na marami: biktima sila ng Manila kolonisasyon.
Bukod sa etniko-rasistang pagpapailalim ng grupong Moro, Lumad, at iba pang di-Kristyanong mamamayan, ang pundamental na ugat ay materyal-historikal: paghahati ng uri o klaseng panlipunan, monopolisasyon ng lupain at likas-kayamanan ng rehiyon ng mga oligarkong Kristiyano (kaunti lamang ang Morong komprador) at burokratikong upisyal (sibil, militar), kasabwat ang U.S. at dayuhang korporasyon. Ito ang susi ng walang kaunlaran at awtentikong demokrasya sa rehiyon, buhat pa noong pagsakop ng U.S. at pagpapanatili sa sistemang sultanate sa Sulu at Mindanao. Walang mabisang reporma ang ginawa ng Republika mula 1946 hanggang ngayon. Puro charity, philanthropy, at palabas na programang pansamantala, tulad ng EDCOR ni Magsaysay. Hindi kagulat-gulat na mangyari ang patayan sa Marawi, Basilan, Zamboanga, Davao, at kanugnog tulad ng Bohol.

·        JVA:  Tumuon po tayo sa pakikibakang Moro para sa pagtatamo ng karapatan sa pagpapasiya-sa-sarili bilang test case ng pakikibaka ng mga nasa Mindanao. Maari po ba ninyong ilahad ang kasalukuyang sitwasyon ng pakikibakang Moro? Ano po ang malalim na kaugnayan ng pakikibakang Moro sa nagpapatuloy na pakikibaka ng masang Pilipino para sa pambansa at panlipunang pagpapalaya at ang paninindigan ng NDFP hinggil rito? Ano-ano po ang mga kalakasan at kahinaan/kakulangan ng pakikibakang Moro sa konteksto ng mga dati at kasalukuyang pangyayari?

ESJ:   Tulad ng sambayanan, biktima ng kolonyalismong Espanyol at U.S. ang Bangsamoro. Minasaker sila sa Bud Dajo at Bud Bagsak nina Gen. Pershing at Wood. Nilupig din sila ng mga Hapon, at ng sumunod na Republika. Noong panahon ni Magsaysay, inilaan sa mga sumukong Huk ang malaking lupain sa Bukidnon at Cotabato. Kinamkam ng Dole, Del Monte at iba pang korporasyon ang mga plantasyon.
Samantala, ilang pribilehiyong Moro ang inilagay sa Kongreso upang mapatahimik ang mayorya. Sa kabuuan, ang Bangsamoro ay nakapaloob sa proletaryong uri, bagamat marami ang mangingisda, artisano, petiburgis, o pesante. Tulad ng karamihan, adhika nilang lumaya mula sa U.S. imperyalismo, kapitalismong dayuhan, at komprador-burokrata-kapitalista’t panginoong maylupa. Adhika nilang lumaya sa AFP/PNP ni Duterte o sinupamang oligarkong Kristiyano.

Bukod dito, ang usaping makauri ay pinaigting ng tsobinismong pangrelihiyon: ang Muslim ay nakapailalim sa Kristiyanong kultura/ideolohiya. Kaya kailangan nila ng kasarinlang kultural, na kaakibat ng kasarinlang pampulitika’t pang-ekonomya. Dapat sipatin ang kumplikadong ugnayan ng dalawang aspektong ito, bagamat ang ekonomya’t pulitikal na panig ay nakapamamayani, sa huling pagtutuos, sa aking perspektibo.

Paglimiin natin ang turo nina Marx & Engels, na sinunod nina Lenin at Mao: “Walang bansang magdaranas ng kalayaan kung inaapi o pinagsasamantalahan nito ang ibang bansa.” Pansin nila na hindi makalalaya ang proletaryong Ingles hanggang inaapi ng Inglatera ang Irlandya, o iba pang kolonya ng imperyo. Gayundi sa atin, bagamat virtual kolonya pa tayo ng U.S. Ang proletaryo’t pesanteng Bangsamoro—marahil, 8-10 milyon—ay nakapailalim sa oligarko’t komprador na uri, panginoong may-lupa, burokratikong aparato ng Estado. Kailangan nila ng kasarinlan—bilang isang bansa, o Estado. Sa Tripoli Agreement, nawaglit na ang “national self-determination.” Pumayag na sa autonomya, gayundin ang MILF sa MOA nila ni Gloria Macapagal-Arroyo. “Ancestral domain” ang taguri sa lugar/espasyo na sakop ng sibilyang orden ng MILF. Subalit maski ito, mahirap ibigay ng neokolonyang Estado.
Sa programa ng NDF, sa gunita ko, naroon pa rin ang prinsipyo ng “self-determination.” Paano ito isasakatuparan, ay siyang masalimuot na asignatura para sa natdem at progresibong kampo.
Ang kritika ko sa MILF ay ang praktika ng sektaryanismong dala ng lubos na pagsunod sa tradisyonal na gawi ng Islam, taglay ng pagtuon niyang solo sa etnikong panig ng pagkabusabos nila. Makitid na pananaw ito. Ang MNLF ay iba dahil mas matatag ang sekularismo nito dahil sa pagtangkilik ni Qadaffi; sa MILF naman, ang Wahabismo o mahigpit na Islamikong dogmatismo ay pinalakas ng pagtalima sa halimbawa ng Saudi Arabia, na siyang patron ng ISIS at Al-Qaeda. Sekondaryo lamang ang ideolohiya sa ekonomyang politikal, kung susuriin, subalit kung hindi ito titimbangin nang maigi, mekanistiko’t maling analisis ang resulta. Sa ibabaw, relihiyon ang imortante ngunit maskara lamang ito sa kompetisyon sa kontrol ng lupain, pabrika,atbp.


·       JVA:  Paano naman po ninyo susuriin ang mga pag-atake ng estado sa mga karapatan ng mga Moro, lalong-lalo iyong sa kanilang karapatan na magpasiya-sa-sarili sa gitna ng pagpapataw ng batas-militar sa Mindanao at ang mga epekto nito sa pakikipag-usap ng gobyerno sa MILF at MNLF na naglalayon pa po naman na itama ang mga historical injustices laban sa mga Moro?

ESJ: Nasabi ko na nga, estratehiya ito upang ialay sa dayuhang korporasyon at kasabwat nito ang kayamanan ng Mindanao. Walang mabuting bunga ang batas-militar kung katarungan at karapatan ng Bangsamoro ang itataguyod. Oligarko’t imperyalismong layunin ang isusulong ng rehimeng Duterte at mga heneral-trapo nito. Lalaganap ang historical injustices, darami ang EJKs at masisira lalo ang ekonomya ng buong bansa. Pomula sa armagedon ng Mindanaw.

·        JVA: Maari niyo po bang ipaliwanag muli ang mahalagang papel ng Abu Sayyaf, at sa ngayon, ng Maute sa pagsasantabi at sa baluktot na paglalarawan sa pakikibakang Moro? Kaugnayan nito, paano naman nagagamit ng US at mga sagad-sa-butong kasapakat nito ang Abu Sayyaf, Maute, at ISIS para maging katanggap-tanggap sa mga tao ang US military presence sa Mindanao, panghihimasok sa mga internal na usapin ng bansang Pilipino, at maging ng pag-atake sa mga karapatan ng mga Moro?

ESJ:   Nang pumanaw ang Cold War, kinailangan ng pangunahing kaaway ang imperyo. Naging tuwirang kultural o etniko-rasista ang paghahati sa mundo: Europa, US-Japan kapitalismo laban sa extremist Islam. Nangyari nga ang 9/11, demonisasyon ni Osama bin-Laden, okupasyon ng Iraq at Nato kampanya sa Aghanistan.
Kailangan ang Abu-Sayyaf na ikinabit sa Al-Qaeda (Saudi Arabia ang isponsor, na kaibigani ng US/Trump). Sumunod ang Maute. Kailangan na ni Duterte ang US-Pentagon at hindi na niya kayang murahin si Trump.Nakatulong din ang mariwasang Tsina, at ang impluwensiya ni Putin sa Rusya, na malapit kay Trump.

Hindi pa masyadong kumbinse ang marami na kinakalinga ng US (via Saudi) ang ISIS at al-Qaeda. Kailangan ikalat ito sa lahat. Sa kasalukuyan, dumaramay ang maraming maralita sa Maute, AbuS, sanhi sa dating daing: walang hanap-buhay o desperasyon, walang inaasahang magandang kinabukasan, inis sa korapsyon ng mga politiko, sinisismo’t kriminal na kilos ng mga gobyernong lokal. Lutasin ito, mawawalan ng kampon ang mga kriminal na organisasyon, pati mga druglords na militar at pulis. Ipagpatuloy ang palisi ni Duterte, dambuhalang rebelyon at insureksiyon ng buong bayan ang kahihinatnan. Pero hindi matuto ang mga berdugo hanggang kailangan sila ng mga naghaharing uri’t mga institusyon nito.

·        JVA: Ano naman po ang inyong pagsususri sa baluktot na paglalarawan ng Philippine dominant media sa magulong sitwasyon sa Mindanao para maging katanggap-tanggap sa mga tao ang pag-atake ng estado sa nagpapatuloy na paghahangad ng mga Moro para sa pagtatamo ng karapatan na magpasiya-sa-sarili sa pamamagitan ng pagpapatampok sa Abu Sayyaf, Maute, ISIS, Islamic fundamentalism, terrorism, at Islamophobia?

ESJ:  Una, malalim ang prehuwisyo ng marami laban sa Moro/Moslem sanhi sa ilang siglong brainwashing ng Simbahang Katoliko at maka-kanlurang oryentasyon.. Pangalawa, paniwala ng marami na dogmatiko’t sektaryan ang MILF at iba pang grupo. Siguro, kalat na ang larawan ng Abu-Sayaff na bandido ito, kaya hindi sila maikakabit sa MILF o MNLF. Gayunpaman, ginagamit ng Estado at mga berdugo ni Duterte ang prehuwisyo, at ang piyudal na mentalidad ng madlang walang mapanuring diwa. 
Tulad ng mga naloko ni Marcos, akala nila ang peace & security ay matatamo sa baril/bomba/tortyur sa kamay ng mga sundalo’t pulis. Kunsabagay, maraming anakpawis sa maralitang barangay ang takot na sa pulis. Ilag na sa terorismo ng pulis. Marami sa milenyal ang walang karanasan sa terorismo ng mga sundalo sa panahon ng diktaduryang Marcos. Karamihan dito ay medya-klase, gitnang uri o petiburges, na sinusulsulan ng mga trapo, burokratang-kapitalista at mga private army at paramilitary gangs. Wala silang pakialam sa patayan sa Mindanaw. Kailangan ng malaganap na prop-agit laban sa propaganda na disiplina ng militar ang kailangan upang mapairal ang kapayapaan at seguridad.

Hinggil sa Patuloy na Pag-atake sa Karapatan ng Masang Pilipino
·        
JVA:  Nagpapatuloy pa rin po ang mga pag-atake ng estado sa mga karapatang sibil at pulitikal at mga karapatang sosyo-ekonomiko ng masang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapatuloy sa mga neoliberal na patakaran sa ekonomiya, sa kawalan ng katarungang panlipunan, at pagsandig sa panunupil at pandarahas ng estado bilang solusyon sa matinding krisis panlipunan sa ilalim ng gobyernong Duterte na nagbabandila ng pagdating pa naman ng tunay na pagbabago sa gitna ng paggunita ng Pilipinas sa ika-119 taong anibersaryo ng paghahayag ng kasarinlang pulitikal ng bansa. Samahan pa po iyan ng mga nagpapatuloy na pagdami ng mga kaso ng extra-judicial killings sa ngalan ng drug war ng gobyerno, pagkatapos pa po nito ay ang naging pagpataw ng batas-militar sa Mindanao dahil sa matinding kaguluhan sa Lungsod ng Marawi sa Lanao del Sur. Ano po ang ipinapahiwatig ng mistulang pagpapatuloy ng gobyernong Duterte sa mga nabanggit na bihis ng pag-atake sa mga karapatan ng masa, lalong-lalo na iyong panunupil at pandarahas ng estado na pinapatunayan ng mga extra-judicial killings na tumatarget sa mga aktibista at mga ‘adik’? Ano naman po ang ipinapahiwatig ng pagpapataw ng batas-militar sa Mindanao at ang balak ng gobyerno na ipataw iyon maging sa buong Pilipinas sa sandaling lumala ang banta ng ISIS?

ESJ:  Nabanggit ko nga: sindak at takot ang layon ng pagpataw ng batas-militar. Ibig saibhin, kung hindi titigil ang BAYAN at iba pang legal na organisasyon sa kanilang kritika, lilipolin sila. Demonisasyon ng NPA/Komunista, kaakibat sa demonisasyon ng Moro at Lumad. Lubos-lubos ang pagdambana natin sa kulturang US-Europa.
Walang ibubunga ito kundi poot, kutya, galit ng maraming mamamayan sa pagyurak sa karapatang sibil. Wala ka nang makain, hindi ka pa makasigaw ng himutok at reklamo sa kung sinong nagmimiyerda sa iyo.
           Ang pangulo lang ba ang pwedeng magmura? Mura nang mura si US ang Presidente, pero lumuhod naman upang humingi ng tulong sa US Special Forces para bakahin ang mga bandido sa Marawi? Walang kuwenta ang mura habang ikaw ay alila ng Washington at mga hepe sa Pentagon.

JAV:·        Tumungo po tayo sa madugong drug war ni Presidente Duterte. Ipinangako po niya sa kanyang pag-upo sa estado poder ang pagsugpo ng kanyang gobyerno sa talamak na problema sa droga at kriminalidad sa Pilipinas sa kanyang panunungkulan bilang presidente. Ang pangakong ito ay lumikha ng kiliti sa maraming Pilipino na nagsawa sa kabiguan ng mga nakaraang gobyerno na malutas ang mga pangunahing problema ng bansang Pilipino, lalong-lalo na ang problema sa droga at kriminalidad. Lubos pa ngang sinusuportahan ng maraming Pilipino ang madugong ‘drug war’ ng gobyernong Duterte dahil pinapapababa nito ang antas ng kriminalidad sa bansa ngunit unti-unting nawawala iyon dahil lumilikha rin naman ang drug war ng sindak sa mga maralita at ng kondisyon para sa pagpapatingkad sa marumi at nakakahiyang kultura ng kawalang-pananagutan at korupsyon sa hanay ng pulisya. Samahan pa po ng masakit na katotohanan na tinatabunan lamang ng drug war ang mahahalagang isyu na kinahaharap ng masang Pilipino. Maari po ba ninyong ipaliwanag ang papel ng mga extra-judicial killings sa humihinang pagsuporta sa drug war ng gobyernong Duterte?Hanggang kalian pa po kaya magtatagal ang marubdob na pagsuporta ng maraming Pilipino sa drug war? Hanggang sa sumasampal na sa mukha ng gobyerno ang mga problemang nililikha nito ngayon at sa mabatid ng masang Pilipino na hindi mapupunang drug war ang kanilang kumakalam na mga sikmura?e D

ESJ: Kamakailan, bukod sa kritisimo ng Human Rights Watch, Amnesty International, US State Dept, at iba, 32 bansa ang bumatikos sa malisyang drug-war ni Duterte. Sa 35th session ng United Nations Human Rights Council, 32 bansa ang gumiit na tanggapon ni Duterte ang dalaw ni UN Rapporteur Agnes Callamard upang imbestigahin ang 7,000 biktima ng giyera lban sa drog.  Idinagdag pa sa kanilang deklarasyon ang puna tungkol sa biro ni Duterte tungkol sa panggagahasa ng mga sundalo: “We further stress that sexual violence can never be tolerated and call on the government to strongly condemn the use of sexual violene in conflict” (inquirer.net/june 10,2017).  Kung babalwalahin ng rehimen ito, magiging katibayan ito na pwedeng isakdal si Duterte sa International Criminal Court sa salang pagkitil sa maraming adik o pinaghihinalaang drug-sellers.  Kamakailan, inilista ng KARAPATAN ang masahol na paglabag sa karapatan, pagkasawi ng marami sa walang diskiriminasyong pagbobomba, at pananakit ng militar sa mga lugar na malayo sa Marawi.

·       JVA:  Sa isang banda, magtatagumpay pa po ba ang drug war ng gobyernong Duterte kung ipagkakatiwala iyon sa militar dahil sa iskandalong idinulot ng mga extra-judicial killings, ng Tokhang-for-ransom racket, at ng pamamayani pa rin ng nakakahiyang kultura ng kawalang-pananagutan, korupsyon, at kabulukan sa hanay ng pambansang kapulisan? Ano po kaya ang makabuluhang aral ng mga bigong drug war sa US (na tinatangkang buhayin ng gobyerno ni President Donald Trump), Colombia, Mexico, at Thailand?

ESJ:  Ang makabuluhang aral ay nakasaad sa pahayag ni Cesar Gaviria, dating presidente ng Colombia, na umusig ng matinding drug-war sa kanyang bayan. “There will always be drugs in the Philippines, whether the Philippines likes ir or not. The tragedy is that many more people are likely going to die as he learns this lesson” (TIME, May 1-8, 2017, p. 74). 
Dahil ayaw makinig, walang leksiyong matutuhan ang Presidenteng umaangkin na siya ang gobyerno (alingawngaw ng sabi ni Haring Louis sa Pransiya: “L’Etat,c’est moi”).  Hindi po, nakalagak sa sambayanan ang kapangyarihan. Tulala pa, pero kapag naggising, mag-ingat kayo, mga trapo’t alipores ng Malakanyang. Samantala, madaragdagan ang bilang ng mga inosenteng nasawi, hindi pa rin malulutas ang problema, bagkus lalawak. Kaululan at kapalaluan ang tatak-Duterte na ipamamana niya sa mga inulilang salin-lahi.

·        JVA: Ano naman po ang kinalaman ng Oplan Bayanihan ng nakaraang gobyernong Noynoy at ang Oplan Kapayapaan ng gobyernong Duterte at maging ng presensya ng matataas na opisyal ng militar sa gobyerno sa nagpapatuloy na panunupil at pandarahas ng estado sagitna ng pag-atras ng gobyernong Duterte sa pakikipag-usap nito sa NDFP? Bakit po tumatagal sa pangkalahatan ang nagpapatuloy na pakikibaka ng masang Pilipino para sa pambansa at panlipunang pagpapalaya sa kabila ng mga kaliwa’t kanang programang kontra-insurhensya ng mga gobyernong dumaan sa bansa at ng mga reaksyunaryo’t pasistang tendensya ng gobyernong Duterte?

ESJ:  Hanggang may pang-aapi, may pagtutol at pagbabalikwas. Hindi mapipigil ang himagsikan hangga’t hindi napapawi ang paghahati ng lipunan sa uring mapang-api at sa mga uring binubusabos—ang mga anakpawis na lumilikha ng kayamanang panlipunan, ng tubo ng kapital at ng katunggalil, ang mga nagmamay-ari ng pabrika, lupain, atbp.. Bakit tumatagal? Walang sukat ang panahon ng pagbabago sa mundo. Patuloy ang sagupaan ng mga kontradiksiyon hanggang hindi napapallis ang pribadong pag-aari ng lupain, pabrika at mga mahahalagang gamit sa produksiyon. Ang tunay na kalayaan at kasarinlan ay makakamit sa sosyalismong program ng pagdurog sa kapangyarihan ng imperyalismo’t kaalyado nito sa bansa, ang paglutas as alyenasyon at awtokratikong pamumuno ng pribilehiyadong minoridad.

·        JVA: Paano ninyo po ipapaliwanag ang paggamit sa drug war ng gobyernong Duterte bilang kasangkapan para maging katanggap-tanggap sa mga tao ang mga pag-atake sa mga karapatan ng masang Pilipino gaya na lamang po ng mga pagpatay sa mga aktibista at ang kriminalisasyon ng matinding karalitaan at ng aktibismong pampulitikal sa pamamagitan pa rin ng Oplan Bayanihan at Oplan Kapayapaan?
·        Mayroon pa po bang natitirang puwang para sa masang Pilipino, lalong-lalo na iyong mga natitirang progresibo na nasa loob ng gobyernong Duterte upang ipahayag ang kanilang mga makabayan at demokratikong hangarin at paninindigan sa konteksto ng mga kasalukuyang pangyayari, ng kasalukuyang kalagayang pampulitika at panlipunan sa bansang Pilipino kung saan tumitindi ang polarisasyong pulitikal at tungggalian ng interes?

ESJ:  Ginagamit ang drug-war upang maigiit ni Duterte na mabisa ang kanyang panunungkulan, o pagtupad ng pangakong lulutasin ang problema ng droga. Sa paraang ito, pinalalakas niya ang kontrol sa pulisya at AFP upang mapagtaw ng martial-law o awtoritaryanismong nakabatay sa AFP/PNP kung sakaling bumagsak ang ekonomya sa pagkaputol ng OFW sa Middle East.
Bakit walang digmaan laban sa karalitaan, tulad ng “War on Poverty” ni LB Johnson noong nakaraang siglo?
Tungkol sa mga progresibo sa gobhyero: Meron puwang hanggang pinapayagan, wala kung martial-law, censored ang media, at bawal ang organisasyong makabayan at radikal. Kung merong progresibo sa gobyerno pero walang impluwensiya o epekto sa madla, walang kabuluhan iyon. Tuso at marunong ang rehimen sa paggamit ng negosasyon/usapan/suhol bilang isa sa dual tactics sa pamamahala; ang pangalawang tactic ay dahas, pananakot, tortyur, masaker. Tandaan ang pigura ng centaur sa diskurso ng mga Romano: ang Estado ay hayup/tao, dalawang sandata nito ay gayumang mayumi at marahas na dagok. Ang neokolonyal na Estado ay pinaghalong kapitalismo-piyudalismo: sundalo’t trapo, baril at mura, ang pormula sa paggabay sa mga alagad nito.

·        JAV: Gaano naman po katindi ang epekto ng mga neoliberal na patakaran sa ekonomiya at edukasyon sa mga karapatan ng masang Pilipino? Paano kaya umaalingawngaw ang mga patakarang iyon sa mga pag-atake sa karapatan ng mga Pilipino, lalong-lalo na sa kriminalisasyon ng karalitaan?

ESJ: Sa padrong neolliberal, ang tagumpay o kasaganaan ay bunga ng malayang pamilihian—di umano, malayang pagbebenta ng lakas-paggawa ng bawat indibidwal. Laganap ang indibidwalistikong punto-de-bista, kaya ginagatungan ang konsumerismo, kanya-kanyang kayod, kasakiman, kawalang-hiyaan. Kaya kung pulubi nga, sarili mo lamang ang makasasagot sa iyong katayuan, hindi ang orden ng lipunan. 
Ang rehimeng Duterte ay instrumento ng bangkaroteng ideolohiya ng neoliberal “free market,” na susi ng sigalot at gulo sa buong mundo.Gaano man bualilng siya sa Tsina o Rusya, alipin pa rin siya ng neoliberalismong ordeng pampinansiyal, kung saan nangingibabaw ang imperyong U.S.

·        JAV:  Paano po ninyo ipapaliwanag ang mahahalagang papel ng US, ng mga bulok na pulitiko, at ng malalaking oligarko sa mga pag-atake sa mga karapatan masang Pilipino?
·        Matagal na pong ipinabatid ng batikang istoryador na si Milagros C. Guerrero sa kanyang dissertation hinggil sa mga ugat-dahilan, kakulangan, at kontradiksyon ng Rebolusyong Pilipino na may pamagat na “Luzon at War: Contradictions in Philippine Society, 1898-1902” (na ginawang aklat ng Anvil Publishing noong 2015), na nagpatuloy ang paghahangad ng mga ordinaryong Pilipino, hindi lang para sa tunay na pambansang kalayaan, kundi sa tunay na demokrasya at katarungang panlipunan sa gitna ng pagtatamo ng bansang Pilipino ng kasarinlang pulitikal sa proteksyon ng ‘Dakila at Makataong Bansang Hilagang Amerikano’.  Ang mga atas, pasiya, at desisyon ng gobyernong Aguinaldo noong mga panahong iyon ay tumataliwas sa mga makabayan at demokratikong hangarinng masang Pilipino habang ang pag-eenganyo sa mga oligarko/prinsipalya/kasike/ilustrado sa mga probinsya at bayan na makiisa sa Rebolusyon ay nangangahulugan ngpagsikil, panunupil, at pandarahas ng estado sa mga ispontanyo’t organisadong pagbangon ng masa laban sa mga kawalang-katarungan at laban sa imperyalismong US. Paano niyo po ipapaliwanag ang temang ito sa konteksto ng nagpapatuloy na pag-atake ng estado sa mga karapatan ng masang Pilipino? Paano niyo rin po ibubuod ang kasaysayan ng pagsandig ng mga gobyernong dumaan sa Pilipinas sa loob ng 119 taon, mula sa gobyernong Aguinaldo, hanggang sa kasalukuyang gobyernong Duterte, sa panunupil at pandarahas ng estado bilang solusyon sa makatarungang paglaban ng masang Pilipino?

ESJ: Madaling maipaliwanag ito.  Sa mayabong na pag-aaral sa metodo ng kolonisasyon sa buong daigdig, mula pa noong panahon ng paghahati ng mundo sa imperyong Espanyol at imperyong Portugal, hanggang sa sumunod na imperyo ng Inglatera at U.S., laging ginagamit ng mananakop ang ilang bahagi ng kolonisadong lipunan upang pamahalaan ang buong bayan: halimbawa, mga kasikeng katutubo sa Mexico, o mga hepe ng mga tribu sa Aprika. Ang promula: “Divide and rule.”
Bukod sa mga kongkistador ngumapi kina Soliman at Lakandula, nirahuyo’t inampon ng mga Kastila ang mga katutubong pinuno upang gawing kasangkapan nila sa pangangalap ng buwis. Sa sistema ng edukasyon at pensionado, nakabuo ng mga Filipinong magpapatakbo ng aparato ng Estado—mula sa meyor hanggang kina Quezon, Osmena at Roxas—na isusulong ang interes ng imperyo. Laganap na ang kaalamang ito, sa palagay ko. Si Duterte at mga kabarkada niya sa gobyerno ang neokolonyang administrator na nagsimula kina Paterno, Buenamino, Legarda, at iba pang petiburgesyang upisyal na itinaguyod ng mga Amerikanong gobernador.

·        JAV: Mayroon pong isasagawang pagkilos ang mga progresibong grupo gaya ng KARAPATAN at Rise Up for Life and For Rights sa Hunyo 12 laban sa mga dumaraming kaso ng extra-judicial killings at iba pang uri ng pag-atake sa mga karapatan ng mga ordinaryong Pilipino sa paggunita sa ika-119 taong anibersaryo ng paghahayag ng kasarinlang pulitikal ng bansang Pilipino. Paano niyo nga pala po ipapaliwanag ang kahalagahan at kabuluhan ng temang “Stop the Killings, Defend Human Rights!” bilang gabay sa mga aktibista sa kanilang pagmumulat, pag-oorganisa, at pagpapakilos sa masang Pilipino hinggil sa mga pangunahing isyu ng mga pag-atake sa kanilang mga karapatan sa paggunita sa ika-119 taon ng paghahayag ng kasarinlang pulitikal ng Pilipinas? Maari pa po ba nilang baguhin ang tema ng aksyong masa batay sa mga nangyayari ngayon? Paano niyo po susuriin ngayon ang mga kaugnay na pangkalahatang hamon at hinaharap para sa paglaban ng mga ordinaryong Pilipino sa mga pag-atake sa kanilang mga karapatan sa malalim na kontektso ng nagpapatuloy na pakikibaka para sa pambansa at panlipunang pagpapalaya?

ESJ:  Sa pakiwari ko, tumpak ang pagtutol sa deklarasyon ng martial law, ang paglaban sa EJK, at pagsuporta sa Bangsamoro sa Marawi, at sa pagtigil sa kampanyang pumapatay sa mga adik ng droga. Lahat ng ito ay tumutukoy sa malubhang daing at matinding pangangailangan ng nakararami.  
Kailangan magbuo ng maraming teach-ins o maliliit na grupo at sari-saring kampanya sa lahat ng komunidad upang pag-usapan kung paano maipagsasanib ang lahat upang gumawa ng iba’t ibang hakbang upang maisulong ang partikular na layon ng grupo. Doon na sa diskusyon at pag-aaral ilalangkap ang imperyalismo at neoliberal na programa, hindi sa pang-madlang islogan. Kailangan ang malawak na United Front, hindi sektaryanismong paghikayat sa pamumundok.  Ang mobilisasyon ay politikal at pedagohikal, hindi militaristiko, dahil malubha ang kolonisadong mentalidad. Hanggang hindi natuturuan at naliliwanagan ang kamalayang kolektibo, hindi magtatagumpay ang anumang kilos ibuwal ang kasalukuyang rehimen sapagkat ang layon ay hindi lamang personal—sina Duterte, Trillanes, Robredo, Aquino, Arroyo, Estrada, Ramos ay kinatawan ng mga mapang-aping uri at imperyalismong Amerikano. Itong sistemang ito ang nais nating ibagsak: mga praktika, gawi, asal, ugali, hindi lamang ideyang pinaglalaruan sa akademya’t Facebook.

·      JVA:  Paano po ninyo susuriin ang mga kasalukuyang hinaharap para sa posibilidad ng matinding domestikong krisis, pakikibakang ligal, armadong rebolusyon, reaksyon, at negosasyong pangkapayapaan sa gitna ng mga kasalukuyang pangyayari?  Ano-ano po ang mga nararapat na tugon ng kilusang masa, ng mga progresibong mambabatas at kasapi ng gobyerno, at maging ng mismong masang Pilipino sa mga kasalukuyang pangyayari?

ESJ:  Maraming aralin ang mapupulot sa ating kasaysayan at karanasan ng ibang bansa. Makahahalaw tayo ng mga leksiyon sa himagsikan sa Tsina, Cuba, Algeria, Vietnam, at iba pang bansang kolonisado o neokolonisado. Dapat ilapat iyon sa kongkretong kondisyon ng bawat lugar o rehiyon sa atin. Sa pakiwari ko, at bunyag na ito sa mga aktibistang kontemporaryo ko, ang armadong pakikibaka ay isang taktika sa politikang pakikibaka na ang pinakaimportanteng layon ay matamo ang hegemonya ng makabayang grupo, binubuo ng nagkakaisang-hanay. Ang hegemonya (gahum) ng progresibong sambayanan ay moral-intelektuwal na liderato o pamumuno, hindi pamamayani ng baril o bayoneta.
Ilang dekadang pakikihamok ng mga anakpawis ang kinailangan sa Rusya upang makarating sa 1905 rebolusyon, at 12 taon pang masugid na pagtuturo’t pagmomobilisa bago sumukdol sa 1917 Bolshevik revolusyon.  Patong-patong na sakripisyo, kung susumahin. Lalong mas matagal sa Tsina mula 1911 hanggang 1949. Sa dalawang pangyayaring ito namagitan, at naging manghihilot o komadrona, ang digmaang pandaigdigan.  Kumpara sa dalawang ito, murang-mura at musmos pa ang himagsikan sa atin. Mula 1898 hanggang 1946, isang naratibo ng pagkatalo’t pag-urong. Mula dekada 1960 hanggang 1972, at mula 1986 hanggang 2018, maraming paglilitis at liko-likong pagsasanay ang nasaksihan na mailalakip sa naratibo ng malikot na pakikibaka. Isa na rito ang nangyayari sa Marawi City, samantalang inaantabayanan pa kung maipagpapatuloy ang NDFP-GRP at MILF-GRP Usapan. Martial-law ang isang taktika ni Duterte sa paglipol sa dalawang kalaban niya.
         Sa interregnum na ito, kailang pasidhiin ang pedagohikal at agitprop na kilusan upang maitaas ang kamulatan—kakaunti pa ang talagang naabot ng araling natdem pagkaraan ng Pebrero 1986 People Power Revolt—at sa gayon maisalin ang kapangyarihan mula sa oligarkong uri tungo sa mga sona ng liberasyon. Bawat hakbang—sa himatong ni Salud Algabre, puno ng Sakdalistang rebelyon— ay tumpak na pagsulong sa walang pasubaling tagumpay ng rebolusyon.- (8-9 Hunyo 2017)

PAHABOL:  Katatapos lamang ng interbyung ito, natanggap ang balitang lumaganap sa Internet. Sa report online sa GMA news (Hunyo 10, 2017), ipinatunayan ng US Embassy biting Hunyo 10 na kasangkot ang US Special Forces troop sa operation ng AFP sa labanan  sa Marawi. Samakatwid, tuwirang nanghimasokang imperyalista sa soberanya ng Pilipinas. Balewala na ang mga mura kay Obama; si Duterte pala aytagahimod ng puwit ng Washington-Pentagon, samperang muta lang ang kunwari niyang siya'y

son-of-a-bittch sa Amerika. At di raw siya ang tumawag ng saklolo sa U.S., si Gen. Lorenzana raw. Pathological case ba ito? Sunod-sunuran si Presidente tulad nina Marcos, Ramos, Arroyo, Pnoy Aquino...Digong, itigil mo na ang pagmumura mo, Puro bongga at palabas lang iyan! Ipinagbili mo ang Pilipinas sa berdugong mananakop, kaya di na ang Maute o AbuS kundi ang sambayanan ang katunggali mo ngayon.##

BAKAS: Dalumat ng Gunita't Hinagap, Memorya ng Kinabukasan--Tula ni E. San Juan, Jr.

$
0
0
BAKAS:  Dalumat ng Gunita’t Hinagap, Memorya ng Kinabukasan

— ni  E. SAN JUAN, Jr.




  1. AVENIDA RIZAL, STA. CRUZ (1938-1944)


Buhay ay pakikipagsapalaran, lihis sa iyong pagnanais o pagnanasa
Pook na dinatnan ay hindi nakaguhit sa dibdib, balintunang hinala
Pook na binagwis ng alaala’t pag-aasam
Tumatawid sa agwat/puwang ng panahong gumugulong sa buhangin
Nakalingon habang dumudukwang sa agos ng alon—
anong kahulugan ng pagsubok at pangakong itinalaga ng panahon? 
Tayo ba ang umuugit sa daluyong ng kapalaran?

Lumilihis sa bawat liko, sa bawat sandali nag-iiwan ng bakas ang katawan
Sa bawat sulok, matatagpuan ang uling/alabok ng buong kasaysayan—
Bumabagtas sa bawa’t yugto ang tunggalian ng uri, saan kang panig makikisangkot, kaya kailangang magpasiya
Upang masunggaban ang sungay ng tadhana, ikawing ito 
sa ating adhika’t pangangailangan ng komunidad—
Tanong mo’y saan? Sagot ko’y kailan?  Bibingka ng hari, di mahati-hati….

Tuwing umaga’y nalalanghap ang anghot ng ihi’t dumi ng kabayo
     sa kuwadra ng San Lazaro tabi ng Oroquieta Ospital ang kinagisnan—
Agwat/puwang ng panahon, kaluluwang humibik
     sa pagitan ng Tayabas at Batangas, bininyagan sa Iglesiya Espiritu Santo

Kapagkwa’y tumawid at naipit sa riles ng Blumentritt at estero ng Dimasalang
malapit sa pugad ng pampang si Marina noong 1945….
—“dala-dala’y buslo…pagdating sa dulo”—
Sa mga eskinita lumalagos ang bango ng piniritong isda’t ginisang bawang sibuyas kamatis  luya
Sa bingguhan asaran biruan ng mga kamag-anak  

Amoy ng dura’t pawis masangsang na putik sa harap ng 2121 Avenida Rizal
    kung saan napanood ang prusisyon ng libing ni Manuel Quezon

Kakatwang estranghero ang sumaksi sa tahanang 
ginawang motel para sa ‘short-time” tipanan ng magtatalik—
Agwat ng umaga’t dapithapon sa naghihintay na musmos, binibilang ang patak ng ulan
Puwang ng paglalaro sa lansangan ng Tayuman at Bambang, inaabangan—

Sakaling wala ang ina’t ama, “buhok ni Adan hindi mabilang,” 
himutok ng ulilang musmos
Sagisag na walang lakas hubugin ang daloy ng karanasan, biktima ng pangyayaring
    matagal ang panahon ng pagkagulang, nabulabog sa bawat gulong ng trapik….

Gayunpaman, nabaluktot sa balisa’t di-pagkakapalagay, stigmata sa gunita:

Unti-unting nahuhulog kumpol-kumpol ang dilawang bulaklak ng punong-akasya
     sa harap ng dungawang tila masamyong dibdib ni Nena, nag-alagang katulong, mangyaring pagpalain  ng Inang Kalikasan 
ang kaniyang mairuging kaluluwa.



2.   MONTALBAN, RIZAL (1945-1950)


Bukal ang kinabukasan sa iyong gunita, sa tukso ng pag-asa
Sa guni-guni, tila huni ng ibon sa bulaos ng kalabaw tungo sa ilog Pasig
Bumubuhos sa Montalban, agos ng panahong sumusukat sa isip
Tinutugis ang kaganapang bulong at anasan ng mga nagdarasal
sa sementeryo ng La Loma…

Lalakarin daw ang haba ng dinulang, doon masusulyapan ang Irog
bago manampalok—Sinampal muna bago inalok?
Halinghing ng kabayo sa gubat  ungol ng baboy aso’t manukan
Pangarap ng paglalayag habang nakadukwang sa estero ng Reina Regente
gumagapang  gumagala sa Binondo San Nicolas Dibisorya

Takas, pumipiglas—
Pinaulanan ng bala ng gerilyang Huk ang PC istasyon sa munisipyo ng Montalban
—hindi lamang pito ang baril nila, di lamang siyam ang sundang—
Taginting ng salapi’y hungkag sa hinagap ng Boddhisatvang umakyat
sa lambak doon sa Wawa kung saan
nagkublli sina Andres Bonifacio’t at mga gerilyang Katipunan….

Umahon mula sa kabilang ibayo ang kamalayang sumasagap sa tinig ng panata
     hindi mula sa Benares o Herusalem kundi sa Sierra Madre
upang humabi ng sutrang kayumanggi mula sa tadhanang gumugulong….

Sunggaban ang suwag ng kapalarang naligaw sa rumaragasang unos
Malayo na sa kilabot ng mga Hapong umurong sa Wawa
Pinaligiran ng tropang Amerikano, sindak ng imperyalismong sumasabog…

Gumising doon sa bukang-liwayway ng Liberasyon at tuloy sa dagundong
   ng magulong Maynila, sunog sa Korea at Arayat
 mabilis pa sa alaskuwatrong tumungo sa sinehang Lotus at Noli
Kung saan narinig ang “Fascination” nina Dinah Shore at Belle Gonzales—
Bigkasin mo ang pangalan ng mga kolaboreytor at bayaning nagbuwis ng buhay….

Ngayon ay alingawngaw ng panahong 
Lumikha sa mga pangyayaring
Lihis sa iyong pangarap at panimdim
Kapwa ninais at pinilit
Kapwa tinaggap at tinanggihan: kailan? saan?
Sa pag-inog ng pakikipagsapalarang tila walang simula’t katapusan.



3.  BALINTAWAK, QUEZON CITY  (1951-54)


Pangangailangan  ang umuusig sa pagkikipagsapalaran, gumaganap ang bulag na simbuyo
Sa daluhong ng kasaysayan, hindi maiiwasan o maitatakwil
Kaya ang sumunod sa nesesidad ay malaya’t magpapalaya
sa kahinugan ng panahon, pahiwatig ng mga pantas….

Sumisingit sa baklad ng gunitang balintuwad:
Minsan tinapos ko ang Crime and Punishment ni Dostoevsky
isang hapong maalinsangan
Di ko malilimutan ito, gabi na ng ibaling ang paningin sa bintana
Lihim na pagkahumaling ko kay Esther Deniega (lumisan na) ay iburol sa balong
malalim, punong-puno ng patalim, balong hindi malingon
Tulad ng pagsasama namin nina Ernie at Pete Daroy
Sa limbo ng mga pagliliwaliw, sa impiyerno ng mga pag-aalinlangan at agam-agam

Mabuhay kayong mga itinapon,
Nakarating na kayo sa ipinangakong himpilan, ipinaginip na himlayan.
“Dalawang pipit, nagtitimbangan sa isang siit, sumusungit ng bituin”
Di nagluwat, sumabak sa pakikibaka laban sa US-Marcos diktadurya—
Minagaling ang basag kaysa baong walang lamat

Sapagkat sa kaibuturan ng aksidente, pagbabakasakali, namumutawi
ang siglang pagbubuhatan ng tagumpay ng ating minimithi,
Hindi salita kundi hibo’t hikayat ng panaginip at guniguni, matris ng himagsikan, 
ang lugar ng panahong nahinog sa yapos at aruga 
ng mga magulang at mga gurong nagmalasakit…

Huwang mong basahin ito
Tatak ng titik  titik ng tiktik
Huwag tingnan  huwag sipatin
Huwag silipin  huwag sulyapan
Tatak ng titik  titik ng tiktik
Huwag mong titigan  baka ka malikmata’t maalimpungatan….

Asul ang kulay ng langit sa parang at lambak ng Diliman—
Aso ko sa pantalan, lumukad ng pitong balon, humugos sa pitong gubat
bago natanaw ang dagat—
Walang katuturan ang panahon kung walang pangarap o pag-asa
Pagnanais ang matris ng pangyayari, pagnanasa ang ina ng katuparan
Kabiyak na niyog, magdamag na kinayod,
Naghasik ng mais, pagkaumaga ay palis—
Huli ng balintataw ang mailap na buntala ng iyong mithing talinghaga,
pangarap ng pithayang alumpihit pumaimbulog sa kawalan.



4.  CRAIG, SAMPALOC, MAYNILA (1955-60)


….Subalit ang kalayaang magpasiya’y nagkabisa 
Sa isang tiyak na pook at itinakdang pagkakataon
Bagamat limitado ang kapangyarihang umalsa’t bumalikwas
Walang pangyayaring magaganap kung wala ka,
Sintang itinapon sa gitna ng maburak na Pasig.

Bumagsak ang eruplano ni Magsaysay ngunit nkalimutan
na ang CiA ahenteng Lansdale, sa gayon
Neokolonyang teritoryo pa rin tayo hanggang ngayon….

Agos de pataranta sa Palomares at Gardeniang dinalaw ng mga GI
pagkatapos sumuko si Aguinaldo’t nawala si David Fagen

Magkabalikat kami nina Ernie at David Bunao sa bilyaran sa Quiapo
Di inalintana kung may hirap, hanapin ang ginhawa  
Aralin ng pakikipag-ugnayan sa Culi-Culi, Marikina, massage parlor sa Raon
Walang matimtimang birhen sa lagalag na kaluluwang naghuhunos
Di bumibilang ng bukas-makalawa upang paraanin ang nagparaan—
Walang matiyagang hayup sa magayumang kalapating sumasayad sa pampang….

Shantih   Shantih  Weiilala  leia   Wallala  leialala   

Bago umakyat sa Baguio, tumawid kami sa Tayug, Pangasinan, nina Mario Alcantara
at Pablo Ocampo, kumakampanya para kina Recto-Tanada
Hindi ko batid noon na malapit sa Binalonan, bayan ni Carlos Bulosan….
Noong 1972 ko na lang napag-alaman ito sa lilim ng Pulang Bandila

Lumangoy at lumutang sa usok sa Luneta’t daungan ng Manila Bay
Tudyo’t halakhak ng mga kaibigang nakausad mula sa Tundo hanggang Sta Cruz & Quiapo
Tatlong bundok ang tinibag bago dumating nang dagat
Walastik, para kina T.S. Eliot Joyce Nietzsche Sartre, tapos ang boksing sa Sarili
Walastik, naghalo ang balat at tinalupan sa turo ng pilosopong galing sa Popular Bookstore 

Di naglaon, tumubo ang sungay at tumindi ang pagnanasang makahulagpos
—“karga nang karga, kahit walang upa” ang islogan ng anarkista
bago sa engkuwentro kina Marx Engels Lenin Lukacs noong dekada 1965-72…

Pumalaot na mula sa daungan ng Subic Bay
Lupa’t tubig ang nakalunsad
Apog at asin sa lagusan
Tinalunton ang landas pabulaos mula sa Ilog Montalban
Halos magkandarapa  halos sumubsob
Hindi pa nakaraos
Hindi pa natutuklasan: kutob, ligamgam
Hangin at apoy ang bumuhos
Hindi pa yari ang proyektong idaraos
Pumalaot na sa hanggahang di-abot-tanaw
Humugos sa dalampasigan
Tubig  lupa   hangin   apoy   
Apoy  hangin  apoy





SEMIOTIKA NI CHARLES SANDERS PEIRCE--Maikling Introduksiyon ni E. San Juan, Jr.

$
0
0

KAHULUGAN, KATOTOHANAN, KATWIRAN:PAGPAPAKILALA SA SEMIOTIKA NI CHARLES SANDERS PEIRCE



Panayam ni E. San Juan, Jr.



Tanyag sa buong mundo si Charles Sanders Peirce, Amerikanong dalubhasa sa pilosopiya’t agham (1839-1914), bilang imbentor ng “pragmatismo,” isang metodong sumisiyasat sa proseso ng pagpapakahulugan. Bagamat pantas sa maraming agham, hindi siya nabigyan ng permanenteng posisyon sa akademya dahil sa labag-sa-kumbensiyonal na pamumuhay. Liban na sa maliit na pulutong ng mga kolega tulad nina William James at Josiah Royce, halos walang kumilala sa kanyang galing at dunong noong siya’y buhay. Ngayon na lamang tanggap na siya marahil ang pinakaimportanteng pilosopong nabuhay sa Amerika. Malaki ang impluwensiya niya sa mga modernistang paham tulad nina Bertrand Russell at Ludwig Wittgenstein, bukod sa makatas na ambag sa malawak na larangan ng lohika, astrophysics, lingguwistika at  semiotika.

Halos di nababanggit sa talambuhay ang progresibong paninindigang pampulitika ni Peirce.  Kalahok siya sa Anti-Imperialist League nina Mark Twain, Henry Adams, James at iba pa na tumutol sa lapastangang paglukob sa Pilipinas noong Digmaang Filipino-Amerikano (1899-1913). Kakatwa, ang tinuturing na mga alagad niya ngayon ay siyang masugid na tagapamansag ng imperyalistang dominasyon ng Amerika sa buong daigdig. Hindi maipagtatanggol ng utak ni Peirce ang neoliberalismong pagmamalabis ng kapitalismong global.

Sa pamamagitan ng popularisasyon ni James ng ilang ideyang sinipi kay Peirce, naging kilala si Peirce sa pagbaluktot sa kanyang hinagap. Ngunit tumutol siya sa pangitain ni James, tinaguriang “pragmaticism” ang kanyang pananaw upang hindi ma-hijack. Sa kumbensiyonal na pagkilala, ang pragmatismo ni James at ni John Dewey ay may individwalistikong kapakinabangan. Nakabase iyon sa pagpapakatotohanan sa anumang teorya o ideya batay sa kabuluhan nito sa pagsasakatuparan ng anumang nais makapagpabuti sa iyong personal na sitwasyon. Sa gayon, ang kriterya ng truth-value o halaga-sa-katotohanan ng iyong haka-haka ay nasa bunga ng paggamit nito sa pag-unlad ng iyong sariling kabuhayan. Kung hindi tumutulong iyon sa iyong personal na ambisyon, hangad, pangagailangan, ibasura iyon sapagkat hindi totoo. Ang “cash-value” ng mga ideya ay maipagtitibay  sa instrumentalismong kapakinabangan sa nagsisikap na indibidwal.

Sa kabilang dako, ang teorya ni Peirce ay nakapokus sa paglilinaw ng ating pag-iisip tungkol sa kahulugan/katuturan ng ating mga salita. At hindi lamang para sa isang tao kundi sa komunidad ng mga nagsusulit o nag-ieksamen ng mga sagot sa problemang kasangkot sa etika, estetika at epistemolohiya. Samakatwid, hindi pormula sa biglang-yaman ang tipo ng pragmatisismo ni Peirce.

Bago tayo dumako sa mga panukala ni Peirce tungkol sa “signs,” signos/senyas at pag-aaral nito, ang siyensiya ng semiotika—paggamit ng iba’t ibang tanda o sagisag—linawin natin muna ang pangkalahatang paningin niya sa bawat bagay. Isang mundong pagkakaiba ang saligang simulain ni Peirce kina James-Dewey at mga alagad tulad nina Sidney Hook, Richard Rorty, Stanley Fish, atbp. Gadaigdig ang pagkakaiba: karamihan sa mga ito, inspirado nina Nietzsche, Heidegger at iba pang irasyonalistikong tendensiya, ay nominalistiko sa halip na realistiko sa pagturing sa realidad. Tulad nina Berkeley, Locke at mga logical positivists (Bertrand Russell, Wittgenstein, atbp.), ang nominalismo ay pananaw na walang obhetibong daigdig o katalagahang namumukod kundi mga indibidwal na pangalan lamang, nadaramang datos, impresyong pampersonal. Samakatwid, walang “generality” o pagkakasunod-sunuran na mapagbabatayang pagkakaisa ang ating mga pala-palagay, haka-haka, opinyon. Suhetibismo’t ideyalismo ang resulta.

Isa Hinati sa Tatluhan

Sa umpisa, nominalistiko si Peirce ngunit nagbago siya sa tulong ng iskolastikong paglilimi ni Duns Scotus at mga pilosopong sina Immanuel Kant, Hegel, atbp. Ipinagtanggol niya ang realistikong pananaw sa dahilang hindi makabubuo ng siyentipikong hipotesis at masusubukan iyon kung walang kasunuran ang mga ideya ng maraming imbestigador. Kung walang kaalaman ng pag-uugnay ng penomena, walang siyensiya na batay sa pasumala, pagbabakasakali, na masusubok sa publikong paraan. Paano makararating sa kolektibong pagkakaisa kung walang mapagbabatayang lohika (tulad ng deduksiyon, induksiyon, at abduction, na pagbuo ng hipotesis o teoryang bukas sa pagpapabulaan nito sa pamamagitan ng eksperimentasyong sama-sama)? At kung walang napagkayariang prinsipyo tungkol sa metodo o pamamaraan ng pagpapatunay ng ating opinyon batay sa kinalabasan o bunga ng ating pagtimbang, pagtasa at paghatol sa mga haka-haka o assumption sa larangan ng panlipunang kabutihan, dakdakang walang saysay ang resulta.

Magsimula tayo sa mungkahi ng pragmatikong maxim ni Peirce: “the entire intellectual purport of any symbol consists in the total of all general modes of rational conduct that, conditionally, upon all the possible different circumstances and desires, would ensue upon the acceptance of the symbol.” Dalawang sangkap ang importante: rasyonal na kilos o asal, at pag-alang-alang sa konteksto ng kapaligiran at iba’t ibang lunggati. Ang buong katuturang intelektwal ng simbolo [ideya] ay binubuo ng lahat ng uri ng kilos na makatwiran na susunod kung tatanggapin ang simbolo depende sa kondisyon ng lahat na maaaring kalagayan at kagustuhan na pumapatnubay.”  Ang kabuluhan nito ay panlipunang kaunlaran, hindi personal na kaginhawahan.

Sa ibang salita, ang kahulugan ng anumang ideya/teorya ay nakasalalay sa bunga o kinalabasan ng pagsasapraktika noon para sa komunidad ng mga nanunubok at naghahatol. Ang praktika ng kaisipan, laging konseptwal o pangkahalatan ang saklaw, ay kaagapay ng proseso ng produksiyon ng signos/senyas at walang patid na interpretasyon. Ang katuturan ay naroon sa potensyalidad ng pagpapakahulugan na nakaugat sa basehan ng signos/senyas.

Dapat idiin ito: Nakatuon ang pragmatic maxim ni Peirce sa komunidad ng mga nag-uusisa’t nananaliksik ng katotohan. Ang komunidad na nagpapalitan ng kuro-kuro, nag-uusap at nagkakaintindihan, ang siyang susi sa makabuluhang pilosopiyang siyentipiko at may katuturan sa buhay ng sangkatauhan. Opinyon ng ilang komentarista ay sosyalistang semiotika, hindi pang-negosyo, ang nabuo ni Peirce ayon sa kwadrong realistiko, hindi nominalistikong pamantayan (Apel; San Juan).

Bumaling ngayon tayo sa pinkapuso ng aral ni Peirce, ang tatluhang teorya ng signos/senyas. Ang signos ay anumang kumakatawan sa isang bagay (pangyayari, danas, o anuman) para sa kaninuman (interpretant). Kailangan ang tatlong sangkap o salik sa signos: tanda/signos (representamen), bagay, at nagbibigay-kahulugan—nagsisiwalat ng basehan o saligan ng pag-uugnay ng bagay at signos.

Pansinin na lubhang kaiba ito sa malaganap na teorya ni Saussure, ugat-paradigm ng istrukturalismo at mga kritiko nito (dekonstruksiyonistang disipulo nina Derrida, Nietzsche, Heidegger; postmodernistang tulad nina Lyotard, Deleuze, atbp.). Kay Saussure, dalawang salik lamang ang inaatupag: senyas (signifier) at ideya o konseptong nasa isip (signified). Ang koneksiyon ng dalawa ay arbitraryo, kombensiyonal, at sa gayon laging dumudulas, pumapalya, di lapat, walang  katatagan. Ang wika ay sistema ng pagkakaiba-iba/differances (sa terminolohiyang Franses) na ibinadya sa kamalayan. Nawala ang bagay na tinutukoy, ang obhetibong penomena. Nawala ang realidad sa labas ng kung ano ang nasa isip o malay ng nagpapakahulugan. Kaya nominalistiko, ang realidad ay mga watak-watak na bagay, isa-sang tinutukoy; hindi nakasalig ang kaalaman sa ibat-ibang uri ng representasyon. Kaya ang katotohanan ay relatibo, walang katiyakan o katakdaan.


Hikayat sa Paniniwala

Bago tayo sumisid sa malalim at malawak na dagat ng teorya ni Peirce tungkol sa signos/senyas/tanda o lagda—mga sinonimo o kasingkahulugan ng “signs” na hindi lamang salita o titik kundi anumang nagpapahiwatig, naghuhudyat, nagpapaalam—nais kong rebyuhin muna ang layon ng pagtatanong o pag-uusisa (inquiry) para kay Peirce.

Bakit tayo nagsusuri, nagpapalitang-kuro, nagdidiskusyon tungkol sa paglutas sa isang problema o pagtugon sa mga tanong ukol sa katotohanan o katunayan?  Bakit tayo nagbibigay ng panahon, pagod at sakripisyo sa gawaing intelektwal na pagsisiyasat?

Sagot ni Peirce: upang tiyakin o itakda ang paniniwala (fixation of belief).
Upang makarating sa isang pansamantala ngunit tauspusong kasunduan tungkol sa katotohanan, na pwedeng mapatunayang mali, huwad o hindi tama. Tawag dito’y fallibilism. Sa gayon, patuloy ang paghahanap ng kasunduan sa pangkat ng mga matiyagang nagsisiyasat, gumagalugad, nananaliksik, dumudukal, sumusuyod, nagpapaunlad—mga katagang lapat sa ebolusyonaryong pangitain ni Peirce tungkol sa pagsulong ng sangkatauhang kabihasnan.

May limang paraan o metodo sa pagtatamo ng matinong paniniwala, ang pag-aayos ng buto-buto, wika nga: a) ang pagkapit sa nakaugalian, b) pagsunod sa awtoridad, c) ang metodong apriori, d) ang pagtalima sa pangmadlang opinyon o haka-hakang pampubliko, e) at ang paraan ng imbestigasyon o masinop na pag-aaral.

Sulitin natin ang mga ito. Ang paraan ng pagkapit sa gawi o ugali ay simpleng hangad na maniwala sa anumang tama nang walang imbestigasyon. Ayon sa kostumbreng nakagawian, napagtibay na ito’y maginhawa, sulit sa pangagailangang pang-araw-araw sa isang magkakauring komunidad. Pwedeng manatili ito kung walang hamon ng naiiba o kabaligtarang pananalig; sakaling mabuksan ang komunidad sa ibang impluwensiya, dahas ang gagamitin upang masugpo ang pagbabago.

Tiwala at Pag-aalinlangan

Ganito rin ang nangyari sa paraan ng awtoridad.  Ang paggalang o pagsunod sa institusyon (halimbawa) ng simbahan, ng Estado ng naghaharing uri o pangkat, ay pabor sa may kapangyarihan. Natural na gamitin ang pagkulong ng madla upang maiwasan ang impluwensiyang salungat sa orden, kaya mas marahas at barbaridad ang sistemang ito kaysa una dahil sa una, ang interes ay kaginhawan, seguridad at karaniwang kabuhayan; ang huli, sindak ang gamit upang makontrol ang isip/diwa ng madla at sa gayon mapanitili ang kapangyarihan ng maliit na pangkat sa lipunan. Diktadurya ng oligarko o mayaman ito, kahit nakabalatkayo sa karatula ng demokrasya o “free world” o neoliberalismong pamamalakad. Ngunit marupok, hindi matatag at hindi rin magtatagal. Mapapalitan iyon sa paghihimagsik ng nakararami, o sa pagbubukas ng kaayusan sa pagbabago, sa mapayapa o magulong paraan.

Ang pangatlong paraan sa pagkakaroon ng paniwala o kasunduan ay pagsunod sa opinyon ng madla o publiko. Umiiral ang paniwala hindi sa bisa ng pwersa o pananakot kundi sa pag-apela o paghahabol sa sariling kapakanan o banta ng takot at galit ng publiko. Matataya na hindi rin ito matatag sapagkat madaling nagbabago ang disposisyon at lagay ng kalooban ng madla, sampu ng mga pangyayari’t sirkunstansiyang nanghihimasok. Mahirap umasa sa pabagu-bagong takbo ng damdamin, sentimyento, at opinyon na apektado ng di mapipigil na daloy ng kasaysayan.

Ang pang-apat na paraan upang makamit ang paniniwala ay sa metodong apriori. Ibig sabihin, ang ugat ng yunibersal na paniniwala ay magbubuhat sa kakayahang mangatwiran ng bawat tao, ayon sa rasyonalistikong turo ni Descartes at Kant. Ngunit kung matamang pagwawariin, bagamat malayo ito sa kapritsong hilig at aksidente, maituturing na kahawig ito ng paraan ng pagsunod sa awtoridad at gawi. Ito’y “intellectual analogue”  ng paniniwalang nakabase sa ugali at awtoridad, sapagkat hinuhugot ang anumang praktikang pangkultura—tulad ng pagsamba sa diyos, at iba pang pamahiin—at binibigyan ng kahulugang yunibersal at di matatanggihan. Samakatwid, bawat kultura ay may kanya-kanyang intwisyong walang isang batayan, watak-watak. Kaya ang istorya ng metapisika ay mayaman sa nagkakaibang paniniwala. Kung magkalaban ang dalawang intwisyon, mahirap magkasundo kung walang isang saligang masusubok at mahihimay.

Ang panglimang paraan ay siyang iminumungkahi ni Peirce: iniimbestiga pati mga intwisyong pundamental kung saan itinitindig ang mga intwisyon at simulain ng iba’t ibang sistema ng metapisika. Ang mapanuring lohika ni Pierce ay nagpapanukala na ang makatotohanang paniwala ay maitatayo sa walang patid na pagsisiyasat, pinapatnubayan ng paraan ng masusing pangangawtiran: abduction o pagsusog ng hipotesis/hinuha, deduction at induction. Nagdudulot ito ng mga praktikal na postulates o presuposisyon na masusubukan at maieksamen ng lahat. Wala nito ang mga naunang paraan. May posibilidad ng pagtuklas ng katotohanan, ng pagkakamali, at pagtanaw sa hinaharap na kaunlaran. Nakatindig ang mga posibilidad na ito sa pagkilala sa realidad (na hindi hinubog ng kalakaran o kombensyon ngunit apektado ang kaisipan), sa doktrina ng pagkakamali, at sa prinsipyo ng sinekismo at pagkakabit-kabit at pagpapatuloy ng pag-unlad ng kaalaman.

Talakayan sa Kabuuan ng Semiotika

 Ngayon, dumako naman tayo sa larangan ng semiotika ni Peirce.
Bago sa lahat, dapat idiin na kay Peirce, namamayani ang intensiyon, layon o tangka ng komunidad sa anumang pagtatanong o pag-uusap. Anong nais o adhika ang makakamit sa pagtatanong?

Ang semiotika ay isang pormal at normatibong agham kasangkot sa paghahanap ng katotohanang maisisiwalat sa pamamagitan ng senyas/tanda/lagda/hudyat. Hinahanap nito ang mga esensiyal na kondisyon sa paggamit ng senyas. May tatlong sangay ito: gramatikang semiotika, na sumusuri sa kung paano naituturing ang anumang bagay bilang senyas; lohikang kritikal, na naglalahad ng pamantayan kung paano natutuklasan ang katotohanan sa hinuhang bunga ng senyas; at retorikang yunibersal hinggil sa pagtakda ng kondisyon sa komunikasyon at pag-unlad ng senyas.

Normatibong siyensiya ang semiotika dahil sa interesado ito sa truth-value, o katunayan-halaga. Nakatuon ito hindi lang sa paglalarawan sa katangian ng iba’t ibang tanda/marka/hudyat, kundi sa wastong paggamit ng senyas sa pagtatanong, pati na ang mga paraang kailangan upang mahikayat o mahimok ang tao at makaabot sa pagkakasundo.

 Kinakasangkapan ng semiotika ang ordinaryong karanasan, sampu ng mga paraan ng hinuha, pangangatwiran, argumentong lohikal, na nakasanayan na. Depende ang semiotika sa mga prinsipyong hango sa matematika at penomenolohiya. Galing naman sa etika at estetika ang normatibong gabay. Tumutulong ang semiotika sa pagdalisay sa mga tuklas ng pagsubok at pagtikim sa mga karunungang nabanggit.

Lumilitaw na iba ang semiotika ni Peirce kaysa kay Saussure. Para kay Saussure, ang  semiolohiya ay pag-aaral ng senyas bilang sikolohiyang bagay. Sapagkat ang pagsudlong ng senyas (signifier) at ideya (signified) ay kombensiyonal na praktika sa lipunan, nakahilig si Saussure sa sikolohiyang panlipunan, at sosyolohiya, hindi sa lohika. Kaiba kay Peirce, hindi saklaw ni Saussure ang mga senyas o hudyat na natural o di likha ng tao. Kay Peirce, ang semiotika ay isang organon o makinarya ng pagsusuri na mailalapat sa maraming disiplina na makapagdudulot ng mabisang prinsipyo sa pananaliksik sa anumang siyensiya. Hindi dapat paghaluin ang pormal o lohikal na semiotika ni Peirce sa empirikal na semiolohiya ni Saussure, upang makaiwas sa nominalismo at relatibismo na walang kahihitnatnan kundi mapagsariling pagsasapantaha.

 Ang semiotika ay normatibong siyensiya na umuungkat sa relasyong pormal ng mga kaisipan, walang kinalaman kung saan ito nagmula o paano nayari. Sa ganitong perspektiba, ang senyas/tanda/hudyat ay hindi lamang penomena sa utak na itinakda ng lipunan o biolohikong proseso, kundi mga bagay na may obhektibong batas at istruktura na namamalas sa datos ng maraming disiplinang empirikal, mula soolohiya hanggang astronomiya. Lahat ng kaisipan natin ay dumaraan sa hinuha, pagmumuni sa namasid o naranasan, na matitimbang at mapapahalagahan ayon sa normatibong semiotika ni Peirce. Sa anu’t anuman, ang umuugit na layon ay pagkamit ng kasunduan ng mga nagsisiyasat hinggil sa nasubukang paliwanag sa problema o suliraning sinikap masakyan at malutas ng komunidad.

Kategorya ng Pagdalumat

Bumalik tayo sa semiotika ni Peirce. Ang triyadikong teorya ng senyas/tanda ay nailunsad upang ipaliwanag kung paano nakalilikha ng kahulugan. Ang susi ay hindi pag-iral ng mga bagay-bagay kundi ang uri at tungkulin ng representasyon, laluna ang basehan ng pamamansag. Ang karanasan ng pagkakaroon ng katwiran o dahilan ang lahat ay hindi nagmumula sa “signified” o ideya-sa-utak, kundi bunga ng aksiyon o pamamaraan ng pagpapakahulugan. At iyon naman ay hindi bunga ng senyas/signifier lamang kundi ng buong proseso ng pagpapakahulugan, ng interpretasyon. Iyon naman ay nilagom sa ugnayan ng senyas (tanda, marka) at bagay, at ang proposisyong nagbubuklod sa kamalayan at yumayari ng intindihan o pagkatarok sa realidad.

Lubhang masalimuot ang implikasyon ng triyadikong iskema ni Peirce. Bago natin imbestigahin ang silbi nito sa pag-susuri at kuro-kurong pampanitikan, dapat talakayin muna ang tatluhang paghahati ni Peirce sa batayan ng signos ayon sa kategorya ng Pangunahin/Firstness, Pangalawahin/Secondness, at Pangatluhin/Thirdness. Iyon ay kailangan upang mawatasan kung paano tayo nagkakaroon ng kaalaman tungkol sa paligid-ligid, at paano lumalago’t umuunlad ang kabatiran natin sa katotohanan. Ang pag-unawa ay natatamo sa pagsubaybay sa pagsubok sa ipotesis sa aspeto ng tatlong kategorya.

 Ang Pangunahin ay tumutukoy sa larangan ng mga kalidad, ng posibilidad, ng nadarama ng sensibilidad. Ang uri ng signos ay Qualisign, mga Icon na kahawig ng bagay, tanda ng posibilidad/ pagkamaaari (Rheme).  Ang Pangalawahin ay larangan ng aktuwalidad, ng interaksiyon sa kapaligiran o umiiral na bagay sa mundo kung saan nagkakalaman ang abstraktong kalidad. Ito ang lugar ng mga datos, pangyayari, anumang nagpipigil sa ating nais o hangad. Ang signos dito ay tinawag na Sinsign, katumbas ay Index, na may litaw na koneksiyon sa bagay na kinakatawan nito (usok  apoy); ito ang tanda ng tunay na eksistensiya ng mga bagay sa mundo (Dicent). Saksi ito sa realidad. Ang Pangatluhan ay pangkalahatang huwaran, regulasyon o panuto na siyang nag-uugnay sa dalawang unang kategorya: damdamin/posibilidad at katalagahang humahadlang o sumasalungat. Tumutukoy ito sa batas, ugali, nakagawian, regularidad. Katumbas nito ang Legisign, simbolo o sagisag ng kombensiyonal na kilos. Ang interpretant nito ay tinaguriang Argument.

Lubhang  komplikado ang iba pang paghahati ni Peirce. Halimbawa, may dalawang bagay para sa signos: dinamikong bagay na hindi bunyag, at yaong kagyat na kamalayan ng mga bagay. Mayroon namang tatlong uri ng interpretant: dinamiko na iyong epektong talagang nararanasan, hayag na interpretant, at pinakahuling lohikal na interpretant. Ang huli ay siyang resulta sa kamalayan ng signos pagkatapos madulugan ng sapat na pag-iisip. Nalilinang ito at umuunlad ang laman ng kahulugan.

Sa malas, mula sa 3 kategorya mahuhugot ang 10 klasipikasyon (66 uri, kung tutuusin) na hanggang ngayon ay mahirap sipatin kung may kapakinabangan sa pagsulong ng agham at humanistikong pagpupunyagi.

Paglilinaw sa ating diskurso o pananalita ang tangka ni Peirce. Bukod sa hangaring maiwasan ang ambiguidad o kalabuan sa pangangatwiran, nais ni Peirce na ilahad kung paano sumusunod ang  isip/signos sa kondisyong nagpapatunay o nagpapabulaan sa anumang  proposisyon. Ang interpretant ay gawi o ugali na gumagabay sa kasalukuyan at hinaharap na aksyon o kaisipan tungkol  sa bagay na ating pinag-aaralan. Kung mali ito, hindi magiging matagumpay ang ating patakaran, panuntunan, o proyekto. Sapat at mabisang kaalaman ang layon. Sa gayon, ang triyadikong modelo ng tanda/lagda at mga kategoryang inilatag ni Peirce, ay gamit upang matuklasan ang mga kailangang kondisyon sa iba’t ibang uri ng  representasyon, na siyang naglilipat ng kahulugan sa mga taong nagsisiyasat. Ito ay kaugnay ng agham sa pagkilatis at pagtarok sa katotohanan batay sa iba’t ibang paraan ng pangangatwiran (inferential reasoning).

Tatak ng Likhang-Sining

Pangwakas na obserbasyon bago sa maikling pagsasanay sa panunuring pampanitikan. Nakasentro ang realistikong semiotika ni Peirce sa pagpapalalim at pagpapalawak ng ating kabatiran, ng agham sa kaalaman sa realidad. Kailangan ang basehan o saligan ng relasyon ng signos (signifier) at bagay ng representasyon, na may penomenang hiwalay sa kamalayan—hindi lamang sa “signified” sa utak. Matitiyak ang katotohanan/tunay-na--kahulugan ng anuman kung ipapalagay natin na masusuri ang lahat ng  interpretasyon. Makararating tayo sa pansamantalang konsensus o kasunduan sapagkat maaaring matiyak ng walang  patid ang kahulugan ng tanda/lagda, isip o proposisyon na nakalakip sa walang patlang na pag-iral ng posibilidad. Ang pasumala (contingency) sa kinabukasang kalakaran ay salik sa determinasyon ng katotohanan na batay sa pagtuklas ng kamalian, kasinungalingan, o kawastuhan.

Anumang kalidad o sangkap ay matatarok sapagkat iyon ay matatagpuan sa anumang pangyayari, kaya maipapaliwanag ang anuman na totoo o huwad. Sa pananaw na ito, pagpapatuloy o “continuity” ay kailangan upang makabuo ng masusubukang ipotesis; kaakibat nito, may pagtiyak ng katotohanan dahil lumalaro din ang lakas ng aksidente o baka-sakaling pagkakataon. Ang kaisipan ay normatibo, nagbubunsod sa paniniwalang mapagkakasunduan, na may etikal at estetikang hantungan.  Samakatwid, hindi nakabitin ang pagsisiyasat; may konklusyon o pagtatapos ang pagtatanong sapagkat ang anumang hipotesis ay masusubok sa praktika, sa eksperimentong pagsasanay angkin ang responsibilidad at pananagutan sa madlang nagtataguyod nito.

Sa semiotikang perspektiba ni Peirce, ang sining (halimbawa, panitikang malikhain) ay sinusuri bilang argumento o habi ng mga signos na nakalakip sa tunay na kontekstong historikal, di bukod sa praktika at mga bisa nito sa publiko. Binubuo ito ng mga titik, sintomas o palatandaan ng potensiyalidad. Damdamin ng hayag na kamalayan ang naghahari, hibo o instinkto ang umuugit sa danas, ipinagdiriwang ang posibilidad na masasalat sa umiiral. Makapangyarihan ang sakop ng ikon, persepsiyon, rhematikong aspeto ng salita, pati ang indeksikal na proposisyon; sa wakas, kapwa nagsasanib iyon sa simbolo, sa argumento ng likhang-sining.

Sa huling pagtutuos, ang argumento ay nagbubuhat sa pasiya o kagustuhan ng awtor, sa kanyang pananaw-sa-daigdig, na walang lohika kundi ang sitwasyong pangkasaysayan ng awtor (tinutukoy na “ground” na nag-bubuklod sa senyas/marka, semiotikong bagay, at interpretant) bilang kasapi ng isang takdang lipunan sa isang takdang panahon at lunan. Ang “ground” o sangkalan ng pagkakaugnay-ugnay ay relatibo sa sitwasyong naturan.

Sa pagsusuma, batay sa retorikang yunibersal ni Peirce, ang tatlong sangay na ito ang magagamit sa paglilinaw ng tatlong antas sa masinsing paghimay ng teksto: 1) ang sentido o dama (kaugnay ng kagyat na Interpretant); 2) ang kahulugan (dinamikong Interpretant, bisa ng marka sa mga ahensiyang nagsasalin; at 3) katuturan (lohika o ultimong makalayuning Interpretant, ang mahalagang bisa ng mga signos sa walang hintong proseso ng pagsasalin sa komunidad. Hindi kumpleto ang analisis kung hindi saklaw sa sistematikong paraan ang tatlong antas na ito, ang saligan ng triyadikong pagpapakahulugan (San Juan, From Globalization 214-46).
Sintomas sa Modernistang Awit ni Cirio Panganiban

            Kay Peirce, ang tula ay isang Simbolong Rhematic, isang bungkos ng kalidad sa Pangunang Kategorya. Ang pananagisag sa damdaming mararanasan ang posibilidad, ang pagkamaari, ay siyang nangingibabaw sa estetikang karanasan. Sa tulang “Three O’Clock in the Morning,” litaw na ang damdamin ng pagdaloy ng panahon. Kasangkot dito ang pagbabago sa larawan ng isang partikular na lugar at sa takbo ng buhay. Iyon ang pinakabuod ng Interpretant sa pangalawang antas. Ang indeksikal na ambil ng mga tayutay na tumutukoy sa anyo ng salon, ang mga nakikita’t naririnig—saksi ito sa realismong tekstura ng tula na may alusyon pa sa popular na awit sa Ingles noong bago sumiklab ang WW2. Ang langkapan o hugnayan ng mga impresyong pandamdamin ay tambad, kontrolado ng istruktura ng panahon at bugso ng pangyayari—ng indeks, proposisyong nagsusudlong sa panaguri at suheto, at simbolo.

Ang maladulang balangkas ay batbat ng metonimya, personipikasyon at iba’t ibang taktikang retorikal. Ngunit hindi ito dapat makalihis sa pokus ng tula: ang pag-iiba o pagbabago ng sitwasyon ng tao, pati ang isinumbat na kahinayangan at kailangang pagtitika. Iyon ang pangunahing tema. Mahihinuha na ang mga qualisign/ikon at rheme ay kasangkapan lamang upang maipahatid ang ilang argumentong nakapaloob sa legisign o simbolong nagpapahayag ng gawi, kombensiyonal na kilos, batas o ulirang aksiyon. Iyon ang nakabungad sa pangalawang saknong: “Mga puso yaong / kung di naglalaro’y nagsisinungaling; /gaya ng pabangong sumama sa hangin,/ang pag-ibig nila’y di dapat hintayin.” Samyo ng pabangong lumilipas—senyal/sintomas ng daloy ng panahon, na sa tao ay mapagpasiyang kasaysayan.

Ngunit limitado ba sa personal na suliranin ang isinadula? Ayon kay Virgilio Almario, bagamat may pagkamoralista at realistikong hilig ang tula, sa makauring pananaw ng Marxistang kritiko di umano, taglay nito ang “konserbatibong pananaw-sa-daigdig.”  Ayon kay Almario, “Nakabagay [sa makata] sa naturang layunin ang Kristiyanong aral tungkol sa ‘paglalaro ng apoy’ at ‘bawal na pagibig’ dili kaya’y ang pagtatanghal sa salon bilang representasyon ng biblikong paraiso na bagama’t masaya ay lunan din ng pagbasak ng tao sa pagkakasala.” Marxista ba itong pangangaral? Napakababaw naman ng intensiyong ikinabit sa modernistang makata, na angkop para sa mga balagtasistang tinuligsa ni Almario at didaktikong Marxista—isang bulgar o reduksyionistang bersiyon--na kanyang binatikos.

Mistipikasyon at romantisasyon, sa akala ni Almario, ang inaayawan ng Marxista sa tula. Diumano, ang realistikong detalye ay naging “lambong sa pag-uusisa ng karima-rimarim na kalagayang panlipunan na nagpapaubaya sa salon…” Ngunit totoo bang romantisasyon ang punto ng sakunang itinanghal? Bukod sa pagpasok ng talambuhay ni Panganiban, na siya’y propesyonal na tubong uring mayaman, isinakdal din ang makata na naglinkod sa burges “dahil sa pagdiriwang nito sa isang layaw na mga masalaping burges lamang ang nakikinabang.” Ang yaman ng ari-arian ay hindi tanda ng kung saang uri (social class) nakapanig ang isang tao. Isang ebidensiya ito na malabo’t may malaking kakulangan ang interpretasyon ito. Malinaw na salungat ito sa konserbatibong moralidad na ipinukol sa makata. At tiwalag din sa irony o parikalang masinop na dinaliri ni Almario na diumano’y pormalistikong pag-usisa sa porma, pag-uusisang taglay ang isang malasong ideolohiyang hango mula kina Kant at kapwa romantikong pantas, sampu ng pasista’t aristokratang doktrina nina Ezra Pound, TS Eliot, Allen Tate, atbp.

Lubhang lihis kundi palpak ang kilates at hatol ng manunuring ito. Bukod sa maling sapantahang inaayawan ng Marxista ang aral ng Simbahan tungkol sa kasamaan ng makamundong aliw, hindi naman “biblikong paraiso” ang salong lunan ng pagtuklas ng dalaga na ang puri niya’y pinagsamantalahan. Sa katunayan, pinuntirya ng makata ang kasinungalingan at pagkukunwaring naghahari sa mundo ng kabaret at lugar-aliwan ng di lang mariwasa kundi pulubing sangkot sa “sex work.”

Opinyon din ni Almario na ang mga Marxistang kanyang nakilala ay sadyang magagalit kay Panganiban sanhi “sa pagtatanghal sa walang-kabuluhang pagwawaldas ng oras at salapi ng mariwasang uri.” May iwing kamandag daw ang tula at mapanganib ipabasa sa progresibong pangkat ng lipunan—pormalistikong sipat ang ginamit ni Almario, mapang-uyam na karikatura ng Marxista at pormalista. Bunyag na iyo’y walang muwang o walang kinalaman sa diyalektiko-materyalistikong kritikang kultural nina Lukacs, Gramsci, Brecht, Caudwell, atbp.

Ganyak Tungo Sa Materyalistikong Kritika

Sa semiotika ni Peirce, dapat ipokus ang lente sa lohikal at pinakabuod na Interpretant. Ano ang matining na hatid ng produksiyong pampanitikang ito na sa palagay ko’y inilathala pagkawasak ng puwersang Amerikano at ipinaghintay ang bayan sa pangako ni MacArthur na “Ako’y Babalik”?  Di pa natitiyak ang petsa ng pagkakalathala sa magasin ng tulang ito (kasama ito sa kalipunang Salamisim, limbag noong 1955). Hinala ni Efren Abueg na 1937; sa ganang akin, ito ay lumabas noong panahon ng pananakop ng Hapon; tiyak na naisulat ito noong kasukdulang pagkahumaling ng  gitnang-uri sa mga kabaret at musikang jazz, na muling sumulpot noong Liberasyon hanggang dekada 50. Patuloy na imbestigahin ito.

Kung balik-suriin, di ba napakababaw at palasak ang mangaral tungkol sa bisyo ng kabaret sa mambabasa ng tulang tulad nito? Ang sopistikadong pangkat na bihasa sa modernistang teknik ni Panganiban ay hindi mag-aaksaya ng panahon kung iyong mga obserbasyon ni Almario ang mapapala. Sa masinop na paglagom, ang paggamit ng lagdang hawig-ikon/rheme at indeks/sinsign (dicent) ay nakatuon sa artikulasyon ng batas/gawi/ugaling mahuhugot sa sintaks ng pangungusap, at sa retorika’t imaheng tanda ng posibilidad/kalidad. Sa palagay ko, ang aral dito ay hindi “Huwag mag-aksaya ng panahon sa sayawan sa mga kabaret,” kundi “Huwag maging biktima ng superpisyal na kabihasnang mapagmataas dahil may elektrisidad, jazz, ginto, pilak, sapagkat sa huling paghuhukom, di natin mapapagkatiwalaan ang pangako ng mga iyan, bagkus mapapariwara tayo.” Sa huling taya, mga ilusyon lamang ang idinulot ng Amerika sa Pilipinas. Samakatwid, “baliw” tayong maghahanap pang muling angkinin ang “puring nawaglit.”

Ang walang hintong takbo ng panahon tungo  sa yugto ng pagmulat at pagtuklas ng katotohanan ang siyang motibasyon ng istruktura ng tula. Sa pamagat pa lamang ng tula, idiniin na ang oras sa pagitan ng ilusyon at katunayan, saya at kahabag-habag na pagsisisi’t lumbay. Sapagkat ang dula’y may mga tauhang pangkalahatan o tipikal, hindi partikular, ang papel na ginaganap ng mga ito ang importante: ang dalagang naglilingkod, ang mga may-kayang grupong kaugnay sa jazz, biyolin, bombilyang may ginto at pilak. Ang urbanidad o kabihasnang kalunsuran na lumaganap sa pagsakop ng Amerikano ang siyang masaklaw na tagpo sa paghulog ng puri’t dangal ng mga nasakop. Sa paglipas ng panahon, sa ika-tatlo ng umaga—ang oras ng pagtutuos—napag-alaman din na hindi makaasa sa lakas o yaman ng Amerika (kabit sa indeks ng kislap at ingay ng salon) na ipagtanggol ang puri, o isauli ito, ng bayang Pilipinas. Ito ang pagbasang maituturing na pinakaultimong lohikal na Interpretant, na nag-uudyok sa pagbabago ng bulag na pagdakila sa Amerika.

Sa pakiwari ko, ito ang alegoryang nakalakip sa kategoryang Pangalawahin, binubuo ng indeks ng limitasyon sa kagustuhan o pagnanais ng tao. Malinaw na ang temang nakasentro ay pagkabigo, kabalintunaan, sakit at sakuna dulot ng mapanggayumang hibo ng magara’t nakasisilaw na pamilihan/komersyo ng lunsod dala ng Kanluraning kapital. Naranasan ito sa pangyayaring naganap. Ang bayang Pilipino ang natukso ng Amerika, ngunit sa pagitan ng gabi ng kahirapan at umaga ng katubusan, hindi pa rin makaigpaw sa romansang walang kasasapitan. Ang kaligtasan ay nasa pagmumuni sa takbo ng ating kasaysayan.

Masinsing tunghayan ang ikot ng mga tagpo sa bawat saknong. Sa umpisa, nakaaaliw iyon (ang mapang-aliw na pangako ng Amerika), nakapupukaw ng silakbo ng damdamin at ulirat; ngunit bago mag-umaga (sa yugto ng pagliliwanag, at pagkapawi sa tulog o himbing ng malay), “sa dilim ng gabing mapanglaw,”  ang mga nasawi ay mukhang “baliw” na umasa pa sa Kanluraning modo ng pamumuhay. Ang ugali at tatak ng kabuhayang iyon—hindi ang pagkakasala sa doktrinang relihiyoso, o burgesyang pang-aabuso—ang sinikap ipadalumat ng makata sa huli’t lohikang interpretant batay sa istorikal na konteksto ng tula at ng buhay pampanitikan ng makata bilang kasapi ng modernistang manunulat, at kasapi ng bayang nasadlak sa kahirapan noong panahon ng pananakop, una, ng Amerika, at sumunod, ng imperyong Hapon. Ito ang masaklaw at mapanlikhang “ground” ng pagkakaugnay ng teksto (senyas) at bagay (ang mundong tinutukoy) sa mapanuring dalumat na nailahad dito.
Sa konklusyon, ang kahulugan at katuturan ng likhang-sining ay nagmumula sa dinamikong interaksiyon ng tatlong sangkap sa pag-unawa: signos, bagay o pangyayaring tinutukoy niyon, at ang saligan ng pag-uugnay ng dalawa sa Interpretant o pagpapakahulugan. Bunga iyon ng aplikasyon ng semiotika ni Peirce.

Salamin o Salamangka sa “Kristal na Tubig”

Bukod sa ulat na ipinarangalan si Antonio Rosales bilang mahusay na kwentista ng taong 1937, wala akong alam na nailathalang puna o pagsusuri sa akdang ito. Panahon ng Komonwelt iyon, ilang taon pagkaraan ng insureksiyon ng mga Sakdalista sa pamumuno ng makatang Benigno Ramos at ilang taon pa bago sumabog ang WWII sa Europa. Samantala, ang pinagkaabalahan noon ng mga progresibong intelektwal sa atin ay ang paglago at paglaganap ng pasismo sa mundo, partikular ang Falangistang kampon ni Generalissmo Francisco Franco sa Espanya na maraming taga-suporta sa Pilipinas, una na ang mga oligarkong kapitalistang lahing Kastila. Masusubaybayan ito sa mga tala ng Philippine Writers League nina Federico Mangahas, Salvador Lopez at Teodoro Agoncillo.

Sa malas, walang pahiwatig na progresibo o reaksiyonaryo si Rosales. Tulad ng maraming kamanunulat, kumikiling siya sa romantikong pananaw sa kalikasan at di umano’y payak na buhay ng mga magsasaka, mangingisda, at mga taga-lalawigang may sariling kabuhayan. Ang “Kristal na Tubig” ay halimbawa ng produksiyong pampanitikang tumutumbok sa buhay rural, ang kanayunang ginagabayan ng mga ugaling tradisyonal, at paghihikahos ng magbubukid at mangingisdang pamilya at iba pang mga anak-dalita. Ipinipinta nito ang kahinaan at kagalingan ng mga taong laki sa kabihasnang pumapanaw, iginugupo ng industriyalisadong kalunsuran. Ano ang kinabukasan ng kalikasan sa harap ng pangungulila ng inbididwal sa gitna ng sitwasyong kolonyal noong Komonwelt?

Ang multo ni Ninay, na binubuhay sa pagmumuni ng talisuyong kasintahan, ang himatong na malulutas ang dilema sa tagumpay ng saloobing manatiling buhay. Ito ang mahihinuhang tema ng akda. Tampok sa salaysaying ito ang suliranin ng dukhang amang nag-aaruga sa isang batang ulila sa ina, anak ng babaeng lumabag sa batas ng relihiyon, kostumbre ng pamilya at ng kanayunan. Sa kabila ng suliraning kasalatan at kawalan ng tiwala sa sinumang makapagkakandili sa iiwanang anak, gumitaw ang lakas ng kalikasan sa mga Qualisigns, pandamdaming senyal, na sinasakop ng mga indeks ng pangyayari. Iyon naman ay nilalagom sa huli ng argumentong nakabuod sa usal ng pagbabakasakali (na may himig dasal) ni Tasio, ang sentral na tauhan: “Kung buhay si Ninay ay ganito rin ang kanyang gagawin.” Semiotikong pagsasanay ito, di ba?

Ibig sabihin: Kahit patay na si Ninay (ang babaeng bumalikwas sa tradisyon at awtoridad ng kinaugalian), bubuhayin ko sa isip, gunita, guni-guni, pagninilay, kamalayan, budhi, ulirat ang dakilang diwa/antig ng damdamin, puso, kaluluwa.

Multo o Kaluluwang Nagbanyuhay?

Sa kagyat (immediate) na Interpretant, ang kuwento ni Rosales ay napakamaradaming paglalarawan ng isang karakter, ang pagkatao ni Tasio. Inilahad muna sa anim na bahagi o eksena ang mga detalye tungkol sa tungkulin ni Tasio bilang pinagtambal na ama at ina ni Nene, ang anak ni Ninay sa asawang kanyang sadyang tinakasan upang makapiling ang tunay niyang mahal, si Tasio. Ang maginhawa’t mahinahong tagpo ng kalikasan, ang malinaw na kristal na tubig ang nakatatawag-pansin bilang “salamin” ng “kaayaayang larawan ng kamusmusan,” ang dominanteng imahen na nag-uugnay sa diyalogo ni Tasio at bunsong si Nene.

Mabilis ang daloy ng ulat at tala tungkol sa araw-araw na gawain, walang bagabag o ligalig hanggang sa kalagitnaan, sa eksena VII. Umigting ang balisa ng protagonist. Naisingit doon ang problemang bumabagabag: sino ang mag-aalaga kay Nene pagkamatay ng tanging ama/ina niya, si Tasio? Iyon ba’y pagkabasag lamang ng basong kristal at hindi ng kristal na tubig ng kamusmusan at kalikasan?

Ang dinamikong Interpretant ay reaksiyon sa panganib na umigpaw sa ating loob pagkabatid na sadyang nabalisa si Tasio. Sumunod dito ang kanyang litong pag-iisip kung sino ang nararapat umampon at kumalinga kay Nene na tutupad sa pagkatao ni Ninay. Sa eksena XI hanggang XIII, sumalisi ang enerhetikong Interpretant na napukaw sa pangambang may gipit at desperadong tangka si Tasio na lunurin ang walang muwang na bata. Tumatalunton sa isang payak at palasak na balangkas ang maikling kathang ito, mula exposisyon hanggang hidwaan ng mga lakas hanggang kasukdulang pagkaunawa ni Tasio tungkol sa puna ni Nene sa “kristal na tubig.” Ang anak mismo ang sumagot sa kanyang balisang budhi bago pumanaw ang eksena: “Bakit niya katatakutang maiwan sa isang mapanlibak at di nakawawatas na daigdig ang isang walang malay na si Nene kung ang puri’t dangal nito’y kristal na tubig?’ Bakit pa ilulubog sa kristal na tubig si Nene kung siya mismo’y bahagi nito, pinagtambal na ikon at indeks, rheme at legisign, ng puri, dangal, kabanalan?

Tumatambad dito ang proseso ng paghihinuha, ng paghuhulo, na maselang bahagi ng lohika. Sa semiotika ni Peirce, ang pangatlong dibisyon ay Speculative Rhetoric, o retorikang mapagnilay. Ang paksa roon ay kung anong kinakailangang kondisyon sa pagsasalin at paghahatid ng kahulugan sa komunidad ng mga mananaliksik. May kinalaman na ito sa sikolohiya at sosyolohiya, agham na ipinasok natin sa pagtiyak sa panghuli’t lohikal na Interpretant sa tula ni Panganiban.  Ngunit sa pag-analisa sa signos ng likhang-sining, ayaw ni Peirce na isangkot ang sikolohiya tulad ng semiolohiya ni Saussure. Ang dapat sangguniin muna upang maunawaan ang katotohanan ng mga proposisyon ay alintuntunin sa lohika, sa paghihinuha (inference) at paghuhulo, na may takdang regulasyon o tuntuning maiimbestiga at mapapabulaanan (fallibilism).

 Ano ang maikikintal sa ating unawa kung maiging iintidinhin ang palagay na ang “puri’t dangal” ng batang si Nene ay katulad ng kalikasan? Ibig bang sabihi’y hindi na magpapalit o mag-iiba ang gulang, ang kabataan ni Nene?  Mahihinuha na sa pagpalagay ni Tasio na nahuli o nagaya niya ang kaisipan ni Ninay, nakahulagpos na siya sa kapalaran ni Tasio? Tatak konserbatibo ang kiling ng akdang ito bagamat litaw ang kontradiksiyon ng hangad sa pagbabago kaalinsabay ng pangarap na mananatili ang kawagasan ng pag-ibig at kawalang-malay ng anak?

Ano ang Dapat Gawin?

Pamukaw-habag ang tagpong ito. Nakapangingibabaw ang rhematiko’t ikonikong katangian ng senyas (bilang Qualisign) sa nadaramang ingay at nakikitang anyo. Lubog ang indeksikal na uri, pati ang proposisyong “Natagpuan ko rin ang kaligtasan!” Ipinabulaanan ito ng iginuhit na impresyong may pahiwatig na di maglalaho sa ulirat ang magkatalik na hugis ng bunso at ina. Tumingkad ang haraya ng magkapiling na nilalang:

Siya namang paghihip ng hanging may inihahatid na isang awit, ang awit ng isang inang may ipinagheheleng sanggol. Napatitig siyang muli sa kristal na tubig. Nasinag niya ang isang matamis ngunit malungkot na gunita: si Ninay. Ang lagaslas ng tubig, ang awit ng mga ibon, ang sutsot ng hangin ay naitaboy sa kaniyang pandinig ng awit ng inang may ipinagheheleng sanggol.

Ngayon lamang naitampok ang imaheng Pieta sa buong kuwento. Bagamat alam nating lumabag sa batas si Ninay, walang puwang na ginamit upang idiin ang magkalapit na katawan ng ina at anak. Sa gayo’y sumingit ang kapangyarihan ng tradisyon, na di alintana ni Tasio. Alipin pa rin siya ng makalumang ugali.

Malakas ang bigat ng gunita, ng nakalipas. Binanggit lamang na laging hinahalikan ni Tasio ang “mukhang pinaghuwaran” ng kaaya-ayang larawan ni Nene. Sumungaw na lamang ang mukhang iyon sa pintuan ng dampa ni Tasio. Mula noon, “Si Ninay ay di na umalis pa sa dukhang tahanan ng maralita niyang talisuyo. Naisumpa na niyang matapos niyang isanla sa iba ang kaniyang katawan, ang puso niya ay siya naman niyang tatalimahin.” Mapaghuhulo natin na ang paglitaw ng imaheng Pieta/Madonna ay bunga ng malaking impluwensiya ng tradisyong Katoliko, na may sinkretistang paglagom sa katutubong praktika ng mga babaylan at katambal na pananampalataya sa mga diyosa at ispiritu ng kababaihan. Ito ang bukal ng pinakahuling lohikal na Interpretant.

Maimumungkahi na ang ulit-ulit na pagdakila ni Tasio kay Ninay, sa kanyang mga kaugalian, ay pahiwatig ng akda na ang indibidwalistikong pagrebelde ni Ninay at matinding pagpapahalaga sa puso/damdamin, ay siyang malalim na kalatas ng kuwento. Nakapangibabaw ang romantikong sensibilidad. Tantiya kong may malasakit ang komunidad ng manunuri at mag-aaral sa mensaheng ito, laluna kung  aalagatain ang masidhing tulak-kabig ng romantikong pangitain sa mga kabataang manunulat—kundi pa nabulusok sa sinisismo. Maimpluensiya pa rin ang relihiyon, laluna ang tendensiyang ebanghelikal sa lumulutang na intelihensiya ngayon. Di kasangkot dito ang organikong intelektwal ng uring gumagawa. Maitatakda ang ganitong pagpapakahulugan dito sa tulong ng makalipuna’t rasyonalistikong semiotika ni Peirce na may dalumat ng materyalismong diyalektikal at istorikal.

Sa ibang okasyon, pwede nating kasangkapanin ang semiotika ni Peirce upang linawin ang nakatagong isyu ng kontradiksiyong umiiral: sa isang banda, ang ritwalistikong palabas ng Corona Impeachment trial, at sa kabila, ang nakasisindak na lindol at maraming biktimang napabayaan, nalunod o natabunan. Maraming signos, senyal, tanda, marka, sintomas na dapat buuin at pagkabitin. Nakatutok ang atensiyon ng bayan sa intra-alitan ng naghaharing oligarko, samantalang patuloy ang paghihikahos, sakit, kawalan ng pag-asa, korupsiyon, karaniwang krimen at pandarambong ng burokrata-kapitalista, may-lupa, at dayuhang korporasyon, sampu ng mga pulis, militar, at para-militari gangster. Ano ang kahulugan nito upang tayo’y makapagpasiya’t kumilos upang mabago ang kabuhayan?

Hanapin Upang Maisakatuparan

Isang pansamantalang parabula sa panayam na ito ang ibubuntot ko rito. Sa lektura ni Peirce noong 16 Abril 1903 sa Harvard University, may pahatid siya tungkol sa rebolusyonaryong pangarap ng mga Filipino. Nangyari ito sa gitna ng pagkawasak ng Republika ni Aguinaldo at pagsugpo sa mga hukbo ni Heneral Lukban sa Samar na siyang responsable sa masaker ng mga dayuhang manlulupig sa Balangiga, Samar, noong 1901. Maigting ang paniwala ni Peirce na lumilikha ng di-matingkalang bisa ang wika, nagsasakatuparan ng mga mithiin ang naipahayag na kaisipan/dunong/talino.

Ang pakikiramay ni Peirce sa ating pakikibaka tungo sa kasarinlan at demokrasya ay masisinag sa higing/hagod ng kanyang talakay hinggil sa kapangyarihan ng salitang nagpapahayag ng isang konstelasyon ng motibasyon sa praktika ng buhay. Maingat na timbangin ang pakikipagkapwa ni Peirce sa ating pakikibaka:

  …Nobody can deny that words do produce such effects. Take for example, that sentence of Patrick Henry which, at the time of our revolution, was repeated by every man to his neighbor: “Three millions of people, armed in the holy cause of Liberty, and in such a country as we possess, are invincible against any force that the enemy can bring against us.”
     Those words present this character of the general law of nature, that they might have produced effects indefinitely transcending any that circumstances allowed them to produce.  It might, for example, have happened that some American schoolboy, sailing as a passenger in the Pacific Ocean, should have idly written down those words on a slip of paper.  The paper might have been tossed overboard and might have been picked up by some Tagala on a beach of the island of Luzon; and if he had them translated to him they might easily have passed from mouth to mouth there as they did in this country, and with similar effect.
     Words then do produce physical effects.  It is madness to deny it. The very denial of it involves a belief in it; and nobody can consistently fail to acknowledge it until he sinks to a complete mental paresis (1998, 184).

Hindi alam ni Peirce na taglay ng ating kasaysayan at diwang kolektibo ang isang mayaman, matibay at malikhaing tradisyong rebolusyonaryo. Isang kronika ng pakikibaka na nakaugat sa di-mabilang na insureksiyong antikolonyal (mula pa kina Humabon at Soliman), batbat ng ulirang sakrispisyo ng mga bayaning sina Gabriela Silang, Balagtas, Del Pilar, Rizal, Sakay, Teresa Magbanua, Salud Algabre, Cherith Dayrit, Maria Lorena Barros, Kemberley Luna, at maraming pang nag-alay ng buhay para sa ikatatagumpay ng pambansang demokrasya. Hindi na natin kailangang basahin si Patrick Henry. Gayunpaman, dapat pahalagahan ang alyansiyang inihandog ni Peirce at iba pang aktibistang intelektuwal ng ibang bansa. Kailangan ito sa pagsasakatuparan ng simulain ng Nagkakaisang Hanay. Bukas-makalawa—sundan natin ang alegorya ni Peirce--mahahagilap din natin itong Tagalang ito sa madlang gumagala sa ating dalampasigan, naglalakbay sa iba’t ibang lupalop ng daigdig, kabilang sa mahigit na 10 milyong Pinay/Pinoy na gumagala sa buong planeta, pinagsalikop sa mapagkandiling abot-tanaw ng kaisipan ni Charles Sanders Peirce. Matatagpuan natin sila, makikipagtulungan at patuloy na makikipagtalikan. Mabuhay itong natatanging balikatang mapagpalaya’t makatarungan!



SANGGUNIAN

Almario, Virgilio.  Pag-unawa sa Ating Pagtula.  Manila: Anvil, 2007.  Print.
Apel, Karl-Otto.  Charles S. Peirce: From Pragmatism to Pragmaticism.  Amherst: University of Massachussetts Press, 1981.
Fisch, Max.  “Peirce’s General Theory of Signs.”  Peirce, Semiotic and Pragmatism.  Ed. Kenneth Ketner and Christian Kloessel. Bloomingon, IN:Indiana UP, 1986. Print.
Liszka, James Jakob.  A General Introduction to the Semeiotic of Charles Sanders Pierce.  Bloomington and Indianapolis: Indiana UP, 1996. Print.
Merrell, Floyd.  Change Through Signs of Body, Mind, and Language.  Prospect Heights, Illinois: Waveland Press Inc.,  2000. Print.
Panganiban, Cirio.  “Three O’clock in the Morning.” Nasa sa Salamisim. Maynila: Teo Gener,1955.
Peirce, Charles Sanders.  Peirce on Signs. Ed. James Hoopes. Chapel Hill, NC: U of North Carolina P, 1991.  Print.
---------.  The Essential Peirce.  Bloomington, IN: Indiana UP, 1998.  Print.
Rosales, Antonio B.  “Kristal na Tubig.” Web. 6 Enero 2012.
     
San Juan, E.  Critical Interventions: From James Joyce and Henrik Ibsen to Charles Sanders Peirce and Maxine Hong Kingston. Saarbrucken, Germany: Lambert Academic Publishing, 2010.  Print.
-----.  From Globalization to National Liberation: Essays of Three Decades.  Quezon City: University of the Philippines Press, 2008. Print.
Sheriff, John K.  The Fate of Meaning: Charles Peirce, Structuralism, and Literature. Princeton: Princeton UP, 1989. Print.

r.


PAYO SA MGA ANARKISTA. ni E. San Juan, Jr.

$
0
0
ASIGNATURA PARA SA MGA ANARKISTA (Hinangong ambil mula kay Yoko Ono)
A. Gupit-gupitin ang lahat ng inilimbag na kopya ng mga pasyon nina Gaspar Aquino de Belen, Luis Guian, Mariano Pilapil at Aniceto de la Merced, pati na ang Urbana at Feliza ni Padre Modesto de Castro. A1, Ipamudmod ang pira-pirasong labi sa lahat ng mabahong estero ng Metro Maynila at kanugnog na pook. B. Punitin at gulanitin ang Parnasong Tagalog ni Alejandro Abadilla, pati mga aklat ng mga tula nina Jose Garcia Villa & mga premyadong/lawreyadong mambeberso sa Ingles. B1. Ikalat iyon sa bukana ng Mall of Asia, SM, Trinoma, Ultra Mall, Market Market, at ilan pang pamilihan sa Reina Regente, Binondo & Dibisorya. C. Tipunin lahat ng librong nagkukunwaring siyang pinakamabuting balarila o gramatika ng wika, pati lahat ng mga arte poetika mula sa Vocabulario nina Noceda at Sanlucar hanggang mga turo nina Lope K Santos at Julian Cruz Balmaseda, pati na lahat ng tulang may tugma't sukat ayon sa regla ng mga awtoridad at premyadong pantas. C1. Ilagay sa isang trak, dalhin sa Payatas, buhusan ng ilang balde ng gasolina, at sunugin. C2. Kung nais gawing panggatong o hilaw na materyal sa pagyari ng ibang produktong maibebenta ng mga pulubing nakatira sa Payatas, itabi iyon at ang iba'y sindihan upang maging halimbawa sa salinlahing dapat magpunla ng pagbabago sa birheng lupain. C3. Kung nais, gamiting pampatabang-lupa ang abong inani sa siga, at kolektibong ipagdiwang ang nangyari via iskrip ng nagampanan, video, snapshots, ritwal ng memoryal, at iba pang instrumentong pang-dokumentaryo.
______________
Viewing all 91 articles
Browse latest View live